Chapter 1: Battlefield

22 1 5
                                    


TUMUTUNOG ang cellphone ni Michelle, tanda na may tumatawag sa kanya.

"Hello?" sagot niya sa caller. Hindi na siya nag-abalang tingnan kung sino ang tumatawag sa kanya dahil pababa na siya ng taxi na sinasakyan. Inilihis niya mula sa bibig niya ang mouth piece ng gadget at kinausap ang driver. "Makikisuyo na lang po ako, Manong, pakibaba naman ng mga bagahe ko."

"Sige, Miss," sagot ng taxi driver. Mabilis itong pumunta sa likuran ng sasakyan para ilabas ang mga bagahe niya.

Bumaba naman na si Michelle ng taxi at inihanda ang pambayad sa driver.

"Hey, Michelle?" Narinig niyang nagsalita ang nasa kabilang linya.

"Ay, sorry!" aniya. "Kabababa ko lang ng taxi. Nandito na ako sa labas ng cage na sinasabi mo."

"Wait for me, okay? D'yan mo na ako hintayin sa loob ng café. Masarap ang mga kape nila d'yan," sabi ng kaibigan niyang si Janella.

Matagal na niyang kaibigan si Janella, at gaya niya ay naninirahan din ito sa Cavite kasama ang mga magulang. May kapatid itong magaling na pintor, pero namatay na dahil sa isang holdap-an sa isang restaurant kung saan ito nakipagkita sa fiancé, gabi bago ang kasal ng mga ito.

Janella is a very good friend of her and an amazing companion. Kahit maldita ang babae ay mabait din naman ito at maraming kalokohang taglay sa katawan na madalas ay tinatawanan na lang niya. Ilang araw na rin siyang kinukulit nito na umuwi na mula sa paglalagalag niya dahil ito naman daw ang maglalagalag at panahon na para siya naman ang mag-asikaso sa bake shop na pinagsosyohan nilang magkaibigan.

At dahil sa negosyo nilang iyon, pinaderetso siya ni Janella sa café na iyon para magkaroon sila ng kaunting ideya kung paano pa nila palalaguin ang negosyo nila.

"Okay, sige. Papasok na ako sa café at doon na lang kita hihintayin," aniya. Ilang sandali pa ay nagpaalam na ito sa kanya at ibinaba na niya ang cellphone. Hinarap naman niya ang driver ng taxi na sinakyan. Hinihintay na lang siya nito. "Pasensya na, Manong," hinging-paumanhin niya at inabot sa lalaki ang bayad. "Natagalan po ako sa kausap ko."

"Naku, okay lang po. Salamat, Miss," sagot naman nito.

Sukbit sa balikat ang kanyang shoulder bag, hinila ni Michelle ang kanyang suit case kung saan nakapatong ang isang travelling bag patungo sa isang gilid para makaalis na ang taxi na sinakyan niya. Nakaharang kasi siya sa kalsada. Ipinasok muna ng dalaga ang cellphone sa loob ng bag niya bago tiningnan ang hitsura ng café na sinasabi ng kaibigan.

Napangiti si Michelle nang mabasa ang pangalan ng café. "Tagpuan Café. Nakatutuwang pangalan." Pero mayamaya lang ay natigilan siya nang mapansin kung saan iyon nakapuwesto at kung nasaan nga ba siya.

Ang lugar kung saan nakatayo ang café ay sa katapat na kalsada ng parke kung saan sila huling nagkita ni Alvin. Kung saan sinabi ng binata sa kanya na pinagpustahan lang siya nito at ng mga kaibigan ng lalaki. Unti-unting nawala ang mga ngiti sa labi ni Michelle at pagkatapos ay napabuntong-hininga.

Inilibot niya ang tingin sa paligid. Ibang-iba na ang hitsura ng lugar kaysa noong huli niya iyong makita. Ilang taon na rin ba? Five years, I guess, pagkausap niya sa sarili.

Marami ng establisyemento ang nakapaligid sa parkeng iyon. May mga palaruan na rin sa kabilang bahagi niyon, mas dumami ang mga upuan at mas gumanda ang mga puno. Napansin din ng dalaga na marami na ang mga lamp posts sa gilid ng daan kaya natitiyak niyang magandang maupo roon sa gabi. Naisip tuloy niya kung twentyseven ang Tagpuan Café na nag-iisang coffee shop na naroon. Ang ibang mga establisyemento ay mga prutas, popcorns, mga gamit pang-picnic at mga laruan naman ang paninda. May nakita rin siyang maliit na stall ng ice cream parlor at maliit na space ng bookstore.

Tagpuan Series 1: LOVE STILL REMAINSWhere stories live. Discover now