Pagtatago

20 0 0
                                    

“Sta. Cruz! ‘Yung mga bababa ng Sta. Cruz, malapit na tayo!”

Naalimpungatan si Joy nang makaramdam siya nang mahinang tapik sa balikat niya. Bumungad sa kanya ang konduktor. Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya sa haba ng biyahe.

“Ma’am, pasenysa na ho at naabala ko ang tulog niyo,” sabi nito sa kanya, napapakamot pa ng batok. “Pero kayo na lang ho kasi ang pasahero at kailangan niyo na din po bumaba.”
  
Doon lang napansin ni Joy na siya na lang ang natitirang lulan ng bus na sinakyan niya. Humingi siya agad ng pasensya at dali-daling bumaba. 

Mabilis niyang sinipat ang oras sa kanyang relo. Ala-una y media.

Halos anim na oras ang inabot ng biyahe niya. Siguro naman ay sapat na ang layo nito, sa isip-isip niya. Wala rin namang nakakakilala sa kanya dito.

Napalingon siya sa palagid. Maraming tao. Maingay ang paligid. Mausok. Ibang-iba sa simoy ng hangin sa probinsya. Pero 'di hamak na mas nakakahinga siya rito kaysa—

Napailing si Joy. 'Wag mo na iyong isipin. 

Tanghali pa lamang pero medyo makulimlim na ang langit. Sinuot niya ang hood ng kanyang jacket. Mukhang uulan pa kaya agad naghanap si Joy ng pansamantalang matitirhan ngayong araw.

Sa bawat lakad ni Joy ay hindi niya mapigilang mapalingon sa kanyang likuran. 
 
Saglit siyang tumigil sa paglalakad at huminga nang malalim. “Malayo ka na, Joy. Ligtas ka na dito,” bulong niya sa sarili. 

Mabuti na lamang at mayroong isang hindi kalakihang inn sa looban ng isang maliit na eskinita, hindi kalayuan sa istasyon ng bus.

N I R V A N A

Iyon ang nakalagay sa karatula sa ibabaw ng pinto. Neon pink ang pailaw sa bawat letra na minsana’y nagpapatay-sindi. Walang pag-aalinlangan siyang pumasok at kumuha ng isang maliit na bakanteng kwarto. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya dito. Siguro ay kakausapin niya na lang mamaya ang kaibigan niyang si Seulgi tungkol sa bagay na iyon.

Dumiretso siya kaagad sa Room 007 pagkaabot ng susi sa kanya ng hindi gaanong katandaang babae—na sa tingin niya ay ang may-ari. 

Tama lang para sa isang tao ang kwarto—isang kama na hindi kalakihan ngunit hindi rin naman kaliitan, isang maliit na lamesa sa tabi nito, at isang drawer na pwede sigurong lagayan ng mga damit niya. May isa ding maliit na silid sa sulok na siguro ay banyo.

Kahit nakatulog na siya sa biyahe kanina, umidlip muli nang pansamantala si Joy. Matagal-tagal rin simula ng huli siyang nakapagpahinga nang payapa—

Nakarinig siya ng mga yabag—pamilyar na mga yabag na siyang gumising sa kanya. Agad niyang itinaklob sa kanyang ulo ang kumot niya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Hindi alam ni Joy kung paanong nahanap siya nito. Ang gusto niya lamang ay umalis, tumakbo, at magtago.

Palapit nang palapit ang bawat yapak sa kanya at mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya. Napapikit na lamang siya ng mariin.

At doon napadilat si Joy. Isa lamang palang panaginip—masamang panaginip.

Humahangos. 

Wari ba’y parang nakipaghabulan. 

“Malayo ka na, Joy,” muli niyang sabi sa sarili. “Ligtas ka na dito.”

Bigla namang kumalam ang kanyang tiyan. Oo nga pala, kaninang umaga pa siya walang kain. Kinuha niya ang kanyang wallet at jacket saka sinuot ang hood nito bago lumabas.

Sa pagkakatanda niya, may nadaan siyang isang convenience store kanina bago siya lumiko sa eskinita. Siguro ay bibili siyang noodles o kung ano na pwedeng pantawid sa kanyang gutom. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 13, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

PagtatagoWhere stories live. Discover now