CHAPTER 200 : THE UNEXPECTED 1

3.6M 59.7K 124K
                                    


THE UNEXPECTED

SIN'S POV

NAHINTO AKO sa pagta-type nang may kumatok sa pinto. Alam kong si Christian iyon.

"Pasok!" anunsyo ko saka muling ibinalik sa laptop ang paningin. "Kumusta ang lakad mo? Ginabi ka, ah? Ano ang nangyari?" sunod-sunod kong tanong.

Nasanay akong inoorasan ang bawat lakad at kilos namin. Late siya nang mahigit dalawang oras samantalang hindi naman ganoon kahirap ang ginawa niya.

"Dumating yong magsyota. Nahirapan akong umalis," wala sa huwisyo niyang tugon.

Agad akong napatitig sa kaniya. "Ano ang nangyari?"

Umiling siya tsaka bumuntong-hininga. "Wala," aniya. Sa tingin ko ay wala siya sa mood at gusto ko nang malaman ang dahilan non.

Ilang beses na niyang nakakaharap ang dalawang iyon pero ngayon lang siya nawala sa mood. Ano na naman kaya ang ginawa ng babaeng Moon sa kanya?

Napangisi ako sa sariling isipin. Parati na lang may kung anong kakatwang isipin na idinudulot sa akin si Maxpein Moon bukod sa galit. Mas nakakatawa na ganito ang galit ni Christian ngayon, mukhang napikon siya nang dahil sa babaeng iyon. Marahil ay dahil sa mga kakaiba at kahanga-hangang kilos nito kaya para sa akin ay interesante siya. Maingat at parating nakabantay. Bukod doon ay alam niyang may dapat siyang bantayan. Pero hindi ko rin maitatangging ang presensya niya ay nagdudulot nang kakaibang takot at kaba sa amin. May kung anong dahilan na para bang wala kaming laban. Na para bang kayang-kaya niya kaming maniin. At ang mas nakakatakot pa ay nagagawa niya kaming basahin. Mukhang alam niya kung kailan kami takot at hindi. Tinatawanan ko na lang ang pakiramdam, itinatanggi sa sarili ang insultong dulot ng takot at kaba.

Ang takot at kaba namang makikita sa kanya ay iba at malayo sa nararamdaman namin at sa iba pang normal na tao. Parang sanay na sanay siya sa mga pangyayaring idinudulot namin. Mukhang hindi na bago ang mga iyon sa kanya at sanay na siyang napapasok sa ganoong klase ng sitwasyon.

"Mukhang wala ka sa wisyo, Christian? Sabihin mo sa akin, ano ang nangyari?" seryosong tanong ko. Agad na nagsalubong ang mga kilay niya. "Ano na naman ang ginawa sa iyo ng babaeng Moon?" Sinikap kong 'wag matawa dahil alam kong magagalit siya. Talagang natutuwa lang ako na nagkakaganito siya dahil kay Maxpein. Napipikon.

"Wala siyang ginawa. Ang totoo ay hindi niya nga ako nakita." Muli siyang bumuntong-hininga. "Iyong binatang Enrile ang nakakita sa akin, pero hindi niya alam na ako iyon, syempre. Bago pa man siya makalapit sa akin ay tumakas na ako."

"Mabuti kung ganon," nakahinga ako nang maluwang. "Bakit ganiyan ang hitsura mo, kung ganoon?"

Umiling siya, sandaling tumitig sa akin. Bumuntong-hininga saka palang nagsalita. "Napasok na natin ang lahat ng bahay nila, Sin. Pero hindi pa rin natin nakikita si Taylor."Bagaman nandoon ang pangamba ay may mababasang galit sa kanya. "Habang tumatagal ay mas lalo akong nag-aalala para sa lagay niya. Baka kung ano na ang ginawa nila sa kanya kaya hindi natin siya makita?"

Ah, iyon naman pala. Akala ko ay may nangyari nang hindi maganda sa pagitan nila. Bumuntong-hininga rin ako saka tumitig sa kanya. "Kumalma ka, Christian."

"Paano akong kakalma, Sin? Ang kapatid natin ay nasa kamay ng mga taong iyon!" nagtaas siya ng boses. "Hangga't hindi natin siya nababawi ay hindi ako titigil! Nasa sa iyo na iyon kung ayaw mong sumama. Hahanapin ko si Taylor nang mag-isa." Tumayo siya saka lumapit sa may bintana. Namulsa siya at kahit nakatalikod siya sa akin ay dinig ko ang pagbuntong-hininga niya.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon