KABANATA 20

29.5K 768 37
                                    

Matapos nila akong bitbitin at ipasok sa isang mahabang sasakyan--na sa pakiwari ko'y isang karo ng patay, tinakluban nila ang ulo ko ng isang katsang supot na kulay itim. Wala na akong makita simula noon.

Kinakapos ako ng hininga dahil sa katsang ibinalot nila sa ulo ko. Pero sa kabila ng hindi kumportableng sitwasyon, pilit kong tinalasan ang aking pandinig at pandama, para makasagap man lang ng kahit kaunti sa kapaligiran ko.

Malakas ang pakiramdam kong marami kaming nagsisiksikan sa loob. Malakas din ang hinala kong hindi lang ako ang dinukot nila. May naririnig kasi akong mga ungot, singhot at hikbi. Nararamdaman ko ring may mga nakagapos na nakadagan sa aking bandang binti.

Wala akong naririnig na nagsasalita. Nangingibabaw tuloy ang musikang may lirikong inaawit ng isang koro sa wikang latin . Mayro'n itong timbreng nakapangingilabot na ponebre. Sa background ay ang pinaghalo-halong tunog ng tila tinig ng mga taong dumadaing sa labis-labis na paghihinagpis. Mayro'ng humihiyaw, may umiiyak, mayro'ng humahalkhak, may dumadaing, at mayro'n ding tunog ng mga tanikala't umaalingawngaw na hagupit ng hindi lamang iisang latigo.

Sumunod sa tugtog na 'yun ang tinig ng mga tao na tila may binibigkas na dasal sa pinaghalong tagalog at latin. Sa una, tila dasal ito na katulad ng dinadasal ng mga tao sa simbahan. Hanggang sa unti-unting nagiging malinaw na sa 'kin, na rituwal pala ito ng mga sumasamba kay Satanas. Nangingilabot man ako sa aking nauulinigan, pinilit kong maging kalmado. Kuwari'y walang naririnig; kunwari'y walang nalalaman--o pakialam.

Mahigit sa isa't kalahating oras din ang itinagal ng biyahe. Isa-isa na kaming ibinababa ng hindi namin nakikitang mga tao.  Sa pamamagitan ng alingaw-ngaw ng aming mga yabag, natantya kong patungo kami sa isang lugar na malalim. Nasiguro ko rin namang tama ang hinala kong nasa ilalim kami ng lupa, nang tinanggalan na nila kami ng balot sa ulo, matapos nila kaming ipinagtulakan papasok sa loob ng isang piitan.

Madilim, mabaho at mamasa-masa ang piitang 'yon. Tanging ilaw ng dalawang kandila ang nagbibigay ng kaunting liwanag sa buong kapaligiran. Bukod sa umaalingawngaw na pagtulo ng tubig, wala na akong naririnig pang iba, bukod sa impit na iyak mula sa mga babaeng preso na kasama ko ro'n.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.  

Ikinalat ko ang aking paningin sa loob ng selda at napagtantong anim kaming naroro'n. Sa tapat ng aming kinalalagakan, mayroon ding mga nakakulong. Ngunit dahil na rin sa dilim ng kapaligiran, hindi ko na masyadong maaninag ang mga tao ro'n.

"Anong gagawin nila sa atin?" Iyak ng isang babae. Mukhang magka-edad lang kami nito. Nakaupo ito nang pahiris sa aking kanan. Pilit itong kumakawala sa pagkakagapos ng kanyang mga paa at kamay; gapos na mayroon din ako at ang iba pa. "Papatayin ba nila tayo?"

Walang sumagot sa katanungan nito. Nagpapakiramdaman kaming lahat na naroro'n.

"Kung berhen kayo't maka-Diyos." Biglang pagsasalita ng nasa aking kaliwa. Hindi ko man gaano maaninag ang mukha nito, napatingin ako sa direksyon nito. "Dudungisan nila ang inyong dangal. Kukunin nila ang inyong puri. Pahihirapan nila kayo hangga't hindi n'yo isinusuko ang inyong pananampalataya sa Diyos. At kapag nakuha na nila kayo, uutusan nila kayong gumawa ng masama sa mga tao sa ibabaw ng lupa. Kasamaang ituturo nila sa inyo, upang muli pang nakapanlinlang ng maraming tao."

"Hindi na naman ako birhen at wala akong... relihiyon." Sagot ko srito, "Ano naman kaya ang plano nila sa 'kin?"

"Kung dinukot ka nila at ito'y hindi dahil sa ikaw ay birhen at relihiyosa," Sagot nito sa akin, "Malamang, isa ka sa mga tinitipon nilang mga taong walang kaluluwa, upang magamit ng mga demonyo ang inyong mga katawan. Upang makapaglakad ang mga ito sa ibabaw ng lupa gamit ang inyong katawang-tao. At upang makapaghasik ng lagim at kasamaan nang hindi man lang nahahalata ng mga normal na tao sa ibabaw ng lupa."

Nagsasalita pa ito nang sinubukan kong aninagin ang mukha nito. Hindi ko talaga ito makita. Ibabang bahagi lang ng katawan nito ang nakikita ko, dahil ito lang ang parte ng katawan nitong nahahagip ng kakaunting ilaw mula sa isa sa mga kandila.

"Ikaw? Bakit ka nila dinukot?" Tanong kong muli rito; pilit ko pa ring sinisipat ang kanyang mukha. "Bakit ang dami mong alam?"

Pero bago ito nakasagot ay,"Miss." Sabi ng nasa king kanan.

Napatingin naman ako rito at, "Ha? Bakit?"

"Sinong kausap mo?" Tanong nito.

Dahil sa sinabing 'yun ng nasa aking kanan, muli akong lumingon sa aking kaliwa, pero wala na roon ang babaeng kausap ko lang kanina. Nabalot ng takot ang aking buong pagkatao. Muli akong lumingon sa aking kanan.  "H-ha? W-wala, kinakausap ko lang ang sarili ko."

Nasa proseso pa ako ng pasikretong pagpapakalma sa sarili ko, nang napasulyap muli ako sa aking kaliwa. Halos takasan ako ng aking ulirat nang makita ko ang isang maputing mukha na halos nakadikit na sa aking kaliwang panga at leeg.

Nanunuyo at bitak-bitak ang labi nito at nangingitim ang palibot ng mga mata. Nangangaliskis din ang mukha nito at may maliliit na uod na nakahilera sa talukap ng mga mata; mayro'n ding nangagsisilabasan mula sa mga butas ng ilong nito, bibig at magkabilang tenga.

"Pinatay nila ako."Malamig na bulong nito sa tenga ko. "Dahil sa dami ng nalalaman ko tungkol sa kanilang kulto." Pagtutuloy nito sa kaliwang tenga ko.

Kinilabutan ako. Hindi ako makatingin sa mukha nito kaya pumikit na lamang ako.

Nanonoot sa aking mga ugat ang lamig ng tinig nito. Lamig na nakapaparalisa sa aking buong katawan, kaya animo'y naging estatwa ako sa aking pagkakaupo

"Kilala ko ang ama mo...Kilala ko si Eduardo." Pagtutuloy nito, "Dahil s'ya mismo ang katawang tao ni Satanas na pumaslang sa akin at gumahasa sa iyong ina."

Gumahasa...sa aking ina? Ang ama ko, ginahasa ang aking ina? Diyata't taliwas 'yun sa k'wento sa akin ni Nana Nora.

Iminulat ko ang mga mata ko at lakas-loob na nilingon ang multo; wala na ito ro'n. Ang tanging bumulaga na sa 'kin ay ang mga mata ng aking mga kasamahan sa selda. Nakatutok ang kanilang mga paningin sa akin. Mababanaag din sa kanilang mga mukha ang pagtataka sa aking kakaibang ikinikilos.

Ano ba talaga ang totoo? Nalilito na ako no'n, mas lalo pang gumugulo ang isipan ko ngayon.

Kanino ko ba talaga makukuha ang tamang impormasyon tungkol sa mga magulang ko?

Sino ba ang tunay na makapagbibigay ng kaliwanagan sa akin, sa tunay kong pinagmulan?

Anong silbi ko sa kultong ito?

Ano ba ang nakadestinong gagawin ko sa mundong ito?

Kung ang ama ko nga ang tinutukoy ng multo na s'ya mismong katawang tao ni Satanas?

Tama bang ipagpalagay kong...anak ako ng diyablo?

[Itutuloy]

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon