EPILOGO

31K 844 129
                                    

Nakita kita kanina. Katulad din kahapon at kamakalawa. Sinusundan talaga kita kahit saan ka magpunta. Humahanap lamang ako tiyempo upang mahuli kitang nag-iisa.

Gusto kasi kitang makausap. Napabibilib mo kasi ako sa pagpapahayag mo ng pananampalataya at pagmamahal mo sa Diyos. Nais ko sanang malaman ang pinanggagalingan nito. Nais kong makilala kung sino ang Diyos mo.

Minsan na kitang nakitang naglalakad sa kalye. Sinundan kita sa pagsakay mo sa Jeep. Umupo ako sa tapat mo, ngunit hindi mo naman ako pinansin. Masyado ka kasing abala sa pagtingin sa cellphone mo. Medyo napapangiti ka pa nga sa mga nababasa mo.

Bumaba rin ako sa binabaan mo. Bumubuntot talaga ako sa 'yo kahit saan ka magtungo. Gusto ko kasing malaman ang pasikot-sikot ng pamumuhay mo. Gusto ko ring malaman kung papa'no mo ginagamit ang oras mo.

Ah. Napakasaya naman pala ng buhay mo. Maraming bagay ang nagagawa mo. Marami ring bagay ang nakukuha mo ng walang kahirap-hirap. Maraming nagmamahal sa 'yo bukod sa pamilya mo. Marami kang mga kaibigan at mga kakilala. Marami ka ring pinupuntahan na kasama sila.

Kaya naman pala napakalaki ng pagpapasalamat mo sa Diyos mo. Napakarami naman pala N'yang biyaya para sa iyo.

Pero pa'no kaya kung...

Kuhanin ko itong isa-isa sa 'yo?

Pa'no kung...

Agawin ko lahat sa 'yo ang mga biyaya ng Diyos mo? Maninindigan ka pa rin kaya sa pananampalataya mo sa Kanya?

Papa'no naman kaya kung utusan kita?

"Gumawa ka ng masama. Kapalit ng buhay ng iyong pamilya at mga kaibigan?"

Isasakripisyo mo ba sila para lamang manatiling mabuti?

Napakasaya ko.

Abot kamay na kasi kita.

Sa pagsunod ko kasi sa 'yo nalaman ko na rin kung sa'n ka nakatira.

Masisilip na ngayon kita sa silid mo kahit anong oras ko man gustuhin. Alam ko na rin kung sa'n kita kukunin, kapag dumating na ang panahon na personal na kitang tatanungin.

Diyos mo, o diyos ko? Kapalit ng limang daliri mo.

Diyos mo, o diyos ko? Kapalit ng buhay ng mga kaanak mo.

Diyos mo, o diyos ko? Kapalit ng pinakamamahal mo sa buhay.

Diyos mo, o diyos ko? Kapalit ng sarili mong buhay.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

Natutuwa ako. Nalulugod na ikaw na ang susunod sa listahan ko. Sana nga'y mabasa mo itong liham na iiwan ko sa may pintuan n'yo. Para naman mapag-isipan mong mabuti kung tungkol sa'n ba ang mga pinagsasabi ko.

Maaaring hindi mo pa alam, dahil alam ko naman na wala ka pa talagang muwang. Lalo na sa mga katulad ko, na sadyang may misyon na subukin ang pagkatao mo.

H'wag kang mag-aala. H'wag mo nang pasakitin ang ulo mo sa kaiisip kung sino ako. Hindi ko naman ililihim sa iyo ang tunay na katauhan ko. Hindi ko rin naman ipagkakait sa iyo ang makilala ako.

Ang totoo n'yan, hindi na nga ako makapaghintay na magkakilala tayo sa personal. Kaya naman bago tayo magkita, gusto ko nang malaman mo ang pangalan ko. Ako si Marco, ikaw? Anong pangalan mo?

[Katapusan]

***

Editor's Note

This novel is also available for online reading at www.dyslexicparanoia.com.

For announcements, updates and more free stories not available here on Wattpad, you can visit her official Facebook Page at www.fb.com/DyslexicParanoia

Are you looking for more DP stories? You can visit her online bookshelf at www.bookshelf.dyslexicparanoia.com

Thank you very much.

DPEditors

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon