KABANATA 15

36.4K 890 56
                                    

Hindi kami naikasal sa simbahan. Sa halip, sa harap lang ng Mayor ng kanilang bayan. Nagkaro'n kasi ng problema ang pamilya ni Nathaniel sa matandang pari ng kanilang parokya. Gayo'n din sa ilang Pastor sa kanilang lugar. Kahit nga yaong mga ibang grupo na kunwari'y mga perpekto at banal, umiiwas din sa kanila. Kahit hindi sabihin ni Nathaniel, malakas ang kutob ko na dahil ito sa pagiging Satanista ng kanyang ama.

"Bakit pati ikaw nadamay sa kasalanan ng Papa mo. Batas ba ng Diyos na kapag kasalanan ng ama, kasalanan din ng anak? (1)"

"Hindi." Habang nagbibihis ito ng pantulog.

"Ng simbahan?" Inaayos ko na ang aming higaan.

"Hindi rin." Gumagapang ito sa puwesto niya sa kanan ng kama.

"Eh anong problema?"

"Ang totoong problema? Mabait ang DIYOS, pero maraming hipokrito sa kaniyang mga tagasunod. Kunwari'y mga banal, malinis at maka-Diyos. Pero kung makapangmata at makapanghusga sa kanilang kapwa, tila mga perpektong hindi nagkakasala. Marami sa kanila. Pangangaralan ka pa. Na tila ba, hindi sila nakikita ng DIYOS, na hindi rin naman isinasabuhay ang mga pinagsasabi nila. May iba? Memoryado pa ang mga nakasulat sa Bibliya, pero puro naman pag-uumpisa ng argumento't gulo ang mga habol nila. Mga hipokrito! Mabait ang DIYOS pero maraming hipokrito at nagmamarunong! 'Yun ang problemang sinasamantala ng Diyablo, kaya't lalong nagkakagulo-gulo ang mundo. Pare-pareho lamang naman tayong mga makasalanan. Pero kung makapagsalita ang mga mapagpanggap, akala mo, sila lamang ang may karapatan."

"Mabuti ka pa, marami kang alam tungkol sa Diyos. Ako kasi'y mukhang pangalan lamang N'ya ang alam ko."

Hinawakan nito ang aking mukha bago nito ako nginitian.

"Kaunting nalalaman lamang naman, mula sa pinasukan kong seminariyo."

"Pumasok ka talaga sa seminaryo?!" 

"Oo, pero sandali lang."

"Bakit naman?"

"Akala ko kasi no'n, 'yun lamang ang paraan para mailigtas ko ang kaluluwa ni Papa dahil sa kultong kanyang sinalihan. Mali pala 'yun. Ang DIYOS lang pala talaga ang makapagliligtas sa kanya, hindi tao, hindi ako. Nalaman ko rin sa banal na kasulatan na ang kasalanan ng Ama'y hindi naipapasa sa anak, kaya hindi pwedeng pagbayaran ng anak ang kasalanan ng ama, gayun din ang ama, sa kasalanan ng anak (1)."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved. 

"Kaya naman pala ang galing mo magpusturang Pari no'ng una kitang nakita." Natatawa kong sambit. "Kahit na masyado kang g'wapo para maging isang pari."

"Siyanga?" Bumungisngis ito, kasabay ng pagliwanag ng kanyang napakaguwapong mukha. "Binobola mo lang yata ako eh."

"Bakit naman kita bobolahin, eh nakuha na kita 'di ba?" Humahagikhik ako.

Bumungisngis ito. "Ah gan'on?" Inumpisahan na nito akong kilitiin. Pangingiliting hindi nito tinigilan hangga't hindi ako nagmamakaawa.

"Mahal na mahal kita, Victoria." Bulong n'ya sa akin, matapos naming kumalma sa paghaharutan.

"Mahal din kita, Nathaniel." Bulong ko pabalik. "Kahit na, hindi ko alam kung ano ang nagustuhan mo sa 'kin. Isa akong maruming babaeng isinumpa pa ng langit simula pa sa aking kapanganakan. Kaya, hindi ko lubos-maisip kung bakit ako ang pinili mong kapalaran."

Hinalikan ako nito sa noo, sa pisngi at sa mga labi.  "Hindi kailangan ng dahilan sa pagmamahal, Victoria. Kusa itong nararamdaman ng puso kahit walang malinaw na paliwanag."

***

Footnote:

(1) Ezek 18:20 The one who sins is the one who will die. The child will not share the guilt of the parent, nor will the parent share the guilt of the child. The righteousness of the righteous will be credited to them, and the wickedness of the wicked will be charged against them. [NIV] Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay: ang anak ay hindi magdadanas ng kasamaan ng ama, o magdadanas man ang ama ng kasamaan ng anak; ang katuwiran ng matuwid ay sasa kaniya, at ang kasamaan ng masama ay sasa kaniya. [TAB]

[Itutuloy]

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon