Chapter 03

1.2K 48 1
                                    

Apat na araw ang mabilis na lumipas na hindi pinupuntahan ni sinasagot ni Maki ang mga tawag sa kanya ng mga kaibigan. Ang huling text na natanggap niya ay mula kay Nico, pinagbabantaan  na siya na kung hindi pa raw siya magpapakita ay hindi na siya makakalibre pa ng wifi sa coffee shop nito. Walang problema iyon sa kanya, kung tototohanin man ng kaibigan ang banta nito. Mas mahalaga sa kanya ngayon ang maturuan ng leksyon si Jay.

Mga bata pa lamang sila ay kilala na niya ng husto ang kababata. Alam niyang hindi nito matitiis ang kanyang ginagawang silent treatment dito. Ito ang paraan niya para matuto ito sa ginawang kalokohan. Oo nga’t medyo nag-overreact siya sa ginawa niyang pagwo-walkout noong huling magkita-kita sila. Subalit, sadyang tinamaan siya ng matinding pagkaasar sa  mga kolokohang pinaggagagawa ng kanyang magaling na kakabata. Sumobra ang pagiging maligalig nito na pati ang mga inosenteng tao ay nadamay.

Bumangon siya sa pagkakahiga at tinungo ang kanyang computer table. Sisimulan na niya ang kanyag araw at uumpisahan niya ito sa pag-check ng mga e-mails at pag-visit ng mga forums na sinalihan niya. Malaki ang silbi sa trabaho niya ang pagbisita araw-araw sa mga iyon sapagkat doon sila nagpapalitan ng mga kuro-kuro ng iba pang tulad niya na umiikot ang trabaho sa mundo ng mga computer.

Matapos magbasa ng mga e-mails at mag-update sa forum ay pinatay na niya ang kanyang computer. Balak niyang maligo muna bago bumaba para tingnan ang kusina kung ano ang p’wede niyang kainin. Subalit, hindi pa man siya nakakatayo sa kanyang kinauupuan nang may kumatok sa kanyang pintuan.

“Kuya?” May kahinaang pagtawag sa kanya ng kanyang kapatid mula sa labas ng pinto. Iyon ang isa sa pinakagusto niya sa kanyang pamilya. Alam ng mga itong irespeto ang kanyang tulog. Hindi katulad ng kanyang kababatang si Jay na nasobrahan sa pagiging feel-at-home na kapag dumadayo sa bahay nila ay dire-diretso siyang pinupuntahan sa kanyang silid at binubulabog.

“Bakit Ely?” Tugon niya sa nakababatang kapatid na babae nang pagbuksan niya ito ng pinto.

“Nagising ba kita?”

“Huwag ka nang magpanggap na mabait. Nakuha mo na ang gusto mo ‘di ba? Naibili na kita ng cellphone kaya hindi ka na dapat nagbabait-baitan sa akin.” Ang kunyaring iritado niyang tugon rito.

Umingos ang pang-ibabang labi nito.

“Nakakainis ka!”

Natawa siya sa inasta ng kapatid. Kahit kailan ay pikon-talo pa rin talaga ito sa kanya. At simula pagkabata ay hindi pa ito nanalo sa kanya pagdating sa pikunan puwera na lang kung pine-personal na siya nito tulad na lang no’ng nagpunta sila ng mall at sinabi nitong kasintahan niya si Jay.

Kasintahan. Ang wala sa sariling naiwika niya sa kanyang isipan. Hindi niya maiwasang ma-alala na naman ang mga kalokohang ginawa ni Jay. Wala naman sa kanya ang ginawang kabulastugan nito, ang sa kanya lamang ay bakit kailangan pa nitong mangdamay ng ibang tao para lamang makuha nito ang gusto nito.

The Devil Beside MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon