Sampu

5 1 0
                                    

Sampu






"Mamaya dadating na ang tiya Almira ninyo," Si mama habang nilalapag ang aming pananghalian. "Kami ang magpapalitang magbantay sa papa ninyo."

Ilang araw na kaming hindi pumapasok. Pareho naming ayaw ni Milya dahil ayaw naming mag-isa siyang magbantay kay papa kaya wala na siyang nagawa. Pero dahil pupunta dito ang kapatid ni papa, wala na kaming takas.

Aangal pa sana si Milya pero tiningnan ko siya nang makahulugan. Tumikom na lang siya at nagsimula nang kumain.

"Pero 'ma? Sa Sabado po... Birthday po ni Shayne... Sasama po ba kayo?" Saglit natigil si mama pero sumagot din.

"Susubukan ko..."

Gabi ng araw na 'yon dumating nga si tiya Almira. Galing siya sa Virac, Catanduanes na tirahan nila ng pamilya niya. 

"Ano ba talagang nangyari?" Pag-aalala niyang tanong. Nagsimula silang nag-usap ni mama kaya lumabas muna kami ni Milya.

"Okay na kayo ni Shayne?" Tanong niya nang pareho kaming sumandal sa puting pader.

Hindi ko siya sinagot sa halip tinapunan ng isang tanong din.

"Kayo ni Rico, okay pa?" Napaiwas siya ng tingin kaya napangisi ako.

"Hindi ko kukwestyunin ang pagiging magkaibigan niyo. Pero Milya, pinagbintangan niya si papa na kidnapper. Okay pa sayo 'yon?" Wala akong intensyon na sirain ang pagkakaibigan nila. Hindi ko lang maatim na isiping kakaibiganin pa rin niya si Rico. Pero kung ano mang gawin niya, sige, bahala siya. 

"Hindi ko din alam, Miyo..." 

May mga dumadaang nurses at doktor sa harapan namin. Sakto lang naman ang aming pwesto para hindi nila mahagip. Pero kahit hindi naman gaanong masikip ang pasilyong kinaroroonan namin, nakakaramdam ako ng paninikip.

Hindi ko naisip kailanman na mangyayari 'to. Masaya pa naman kaming naglalaro noon. Bakit biglang naging ganito?

Sa mga sumunod na araw, pumasok na rin kami sa school. Tulad ng inaasahan ay tampulan kami ng chismis ng mga taong ang hihilig makisawsaw kahit wala namang alam sa totoong nangyari. Sinabihan na lang kami ni mama na huwag papatol kahit pa todo tulak sa amin si tiya Almira na lumaban sa mga ito.

Kahit saan kami tumingin, may mga tao kaming maabutang nakatingin sa amin at nagbubulungan. Mabuti na may isang teacher na kumausap sa amin at sinabing hayaan na lamang ang mga nangyayari.

"Isipin mo na lang na bola sila sa volleball. Lumayo ka para hindi ka matamaan." Pagpapakalma ko kay Milya na hindi tulad noong una na umiyak, ngayon naman ay pulang pula na sa galit.

"Kung bola sila, edi dapat tirahin! Ii-spike ko sila!" Para pawiin ang galit niya, pinilit kong matawa.

"Bakit ka tumatawa?!"

"Bakit bawal ba?'

"Ewan ko sayo!" Nagpatiuna na siyang lumakad sa akin. Sumunod ako hanggang makauwi kami.

Si tiya Almira ang nandoon at maya-maya rin, si mama naman ang uuwi para magpahinga.

"Lintik na bata 'yon!" Galit niyang sabi mag-isa pero nang makita kaming dumating ay ngumiti agad siya nang ubod ng tamis.

"Nand'yan na pala kayo! Sakto may naluto na ako... Tara dito, sabay-sabay na tayong kumain..." Sumunod kami kahit nagtataka.

Sa loob ng dalawang araw, ganoon ang mga ganap. Sa umaga, si mama ang naghahanda ng pagkain para sa amin tapos papasok na kami sa school. Makikipagpalitan siya kay tiya kaya't ito na ang kasama namin kapag tanghali at hapon.

Black Arrow for the Valentines (Childhood Lane Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon