Kabanata 20

217K 13.5K 30.4K
                                    

[Chapter 20]

"SAANG ilog ho tayo tutungo?" tanong ni Niyong. Gusto ko sana sabihin sa kaniya na dahan-dahanin niya lang ang pagpapatakbo sa kabayo para hindi masyado maalog ang kalesa. Sinisikap ko pa naman na hindi magtama ang balikat namin ni Sebastian.

Para akong nakaupo sa jeep ngayon kung saan ako ang huling pasahero na nasiksik lang at kalahating pwet lang ang kasya sa upuan. Maluwag naman ang kalesa kaya lang ayokong magdikit ang braso namin ni Sebastian.

"B-basta 'yung malawak na ilog. 'Yung hindi mabato" tugon ko, nagtataka namang napalingon sa'kin si Niyong. Maging si Lolita ay napaisip din sa sinabi ko. Wala namang reaksyon si Sebastian.

Hindi ko alam kung saan ang daan papunta sa ilog na bahagi ng kwentong ito. Doon mamamangka sina Lolita at Niyong. Iyon nga lang hindi ko alam kung saang direksyon papunta roon.

"Ilog na malawak na pwede tayo mamangka sakay ng balsa" patuloy ko pa saka ko sinenyas gamit ang aking kamay kung gaano kalawak 'yung ilog na sinasabi ko. Napakamot na lang ng ulo si Niyong. Mukhang hindi niya ako naiintindihan. Kahit ako, hindi ko rin maintindihan ang sinasabi ko.

"Iyong iliko sa kaliwa, tahakin natin ang daan patungo sa Balintawak. May malaking ilog tayong madaraanan" wika ni Sebastian. Napatingin kaming lahat sa kaniya. Kung sino pa 'yung saling-pusa ngayon dito, siya pa ang nakakaalam ng daan.

Mag-tatanghali na nang marating namin ang malaking ilog na tinutukoy ko. Napangiti ako nang matanaw ko iyon. Napatigil ako nang mapagtanto ko na nakatingin pala ako sa tabing bintana kung saan nakaupo si Sebastian. Nakatingin lang siya sa'kin dahilan para makaramdam ako nang pagkailang.

Itinigil na ni Niyong ang kalesa sa tabi. Naunang bumaba si Sebastian. Kung iisipin, dapat doon din ako bababa kung saan siya bumaba pero dahil nakatayo na siya doon at mukhang aalalayan niya ako bumaba, pinili kong bumaba sa kabilang gilid kung saan bumaba si Lolita.

"Dito nga! Ito talaga 'yung na-iimagine ko sa kwento" saad ko saka tumakbo papalapit sa ilog. Kalmado lang ito at napakalinis tingnan. Kulay asul ang langit at marami ring ibon na nagliliparan. "Doon tayo mag-latag ng sapin" ngiti ko saka tumakbo pabalik sa kalesa para kunin ang basket pero hawak na pala iyon ni Sebastian.

Napalunok na lang ako, hindi ko akalain na ang kisig niya pala tingnan suot ang pulang kamiso. Siguro dahil hapit talaga iyon sa braso niya kaya agaw pansin.

Nauna nang maglakad si Lolita, "Babantayan ko na lang ho ang kabayo rito" wika ni Niyong dahilan para mapalingon ako sa kaniya. "Hindi pwede. Kailangang sumama ka" saad ko, napatingin sa'kin si Sebastian. Hindi pa siya umaalis sa tabi ng kalesa.

"Ngunit ito naman ho ang tungkulin ko. Ang maging kutsero at magbabantay sa kalesa" saad ni Niyong. Napahawak na lang ako sa aking noo, mukhang may isa na namang character na matigas ang ulo.

"Niyong. Kayo ni Lolita ang bida sa eksena na 'to. Nakukuha mo ba? Kayong dalawa ang mag-momoment at magpapakilig sa mga readers ngayon. Dito ka magsisimula magkaroon ng feelings sa kaniya kaya hindi pwedeng nandito ka lang sa kalesa at magbabantay ng kabayo. Sinong magiging ka-date ni Lolita? 'Yung ilog?" saad ko habang nakapamewang. Nagkatinginan naman sina Niyong at Sebastian saka napatingin ulit sa'kin.

Napahinga na lang ulit ako nang malalim, "Ako na lang magbabantay ng kabayo. Sundan niyo na doon si Lolita" wika ko at akmang sasampa na sa kalesa ngunit napatigil ako nang magsalita si Sebastian.

"Hindi niyo na kailangan bantayan ang kalesa" wika ni Sebastian saka naglakad na papunta sa tabing-ilog. Nagkatinginan kami ni Niyong, kung ako pa si Arturo, mababatukan ko ang batang ito. Sumunod na si Niyong kay Sebastian at naglakad na rin ako papunta sa kanila.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon