Kabanata 15

201K 12.6K 25.7K
                                    

[Chapter 15]

"FAYE..." napatigil ako at dahan-dahang napalingon sa kaniya. Halos walang kurap akong nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata. Naalala na niya? Kilala na niya ako ulit?

Naglakad siya papalapit sa'kin saka inabot ang isang kuwaderno. Napatingin ako roon, nabasa lang pala niya ang pangalan na nakasulat sa notebook na naiwan ko. Hindi ko alam pero parang bigla akong nalungkot, akala ko pa naman naalala na niya.

Hindi ako nakapagsalita at nanatiling nakatingin sa kuwaderno, iniisip na niya siguro na posibleng pangalan ng tao ang nakasulat sa kuwaderno. "Ah, salamat. Buti na lang hindi nawala, magagalit 'yon sa'kin si Faye" saad ko saka sinubukan kong ngumiti.

Nakatingin lang siya sa'kin saka tumango ng kaunti. Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad pabalik sa mansion. Muli akong lumingon sa kaniya pero nakatingin na siya sa bintana ng silid ni Maria Florencita.

Hindi nagtagal dumating na si Maria Florencita kasama si Mang Juan. Lumayo si Mang Juan nang ilang metro para makapag-usap sina Sebastian at Maria Florencita. Nakatayo lang silang dalawa sa gitna ng hardin.

Nagtago ako sa likod ng matataas na halaman. "Malalim na ang gabi heneral, ano ang nag-udyok sa iyo upang magtungo rito?" magalang na tanong ni Maria Florencita, nakatingin lang si Sebastian ng diretso sa mga mata ni Maria Florencita. Animo'y iniisip niya ng mabuti kung dapat ba niyang sabihin ang tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan.

"May bumabagabag ba sa iyo, heneral?" patuloy ni Maria Florencita, napayuko si Sebastian saka napatitig sa lupa. Huminga siya nang malalim at tiningnan muli ng diretso si Maria Florencita, "Wala. Matulog ka na nang mahimbing" wika niya saka inayos ang kaniyang suot na sumbrero.

Tumalikod na si Sebastian at naglakad na papalayo. Nanatiling nakatayo lang doon si Maria Florencita at nang makasakay na sa kalesa si Sebastian, naglakad na siya pabalik sa mansion kasama si Mang Juan.

Mag-hahatinggabi na, nakaupo lang ako sa kama habang hawak ang aking kuwaderno. May isang kandila lang ang nagbibigay liwanag sa loob ng aking masikip na silid. Hindi ko alam kung bakit parang may kakaiba akong nararamdaman, parang may mahalagang sasabihin si Sebastian kanina kay Maria Florencita ngunit hindi niya nagawang sabihin.

Pamilyar na sa'kin ang tingin niyang iyon. Gano'n ang reaksyon niya sa tuwing nananaginip siya tungkol sa kaniyang kamatayan. Napatulala ako sa kandila, posible kayang napanaginipan niya ulit ang magiging kamatayan niya? Ngunit iba na ngayon, mas masakit ang sasapitin niya.

Agad kong isinulat iyon sa aking kuwaderno. Malaking palaisipan din sa'kin kung bakit ako nakakapasok dito sa kwento. Hindi rin malinaw kung paano ako nakakalabas.

Ipinikit ko ang aking mga mata, pilit kong inalala ang mga pangyayari mula nang makapasok ako sa kwento sa unang kabanata ng Salamisim. Nakapasok ako dito nang sumalakay ang mga rebelde sa bilangguan. Nakapasok ulit ako nang tinambangan ng mga rebelde sila Sebastian at ang mga kawal nito sa daan. Nakapasok muli ako nang tutukan ni Roberto ng espada sa leeg si Sebastian sa hukuman!

Isinulat ko iyon sa notebook at pinagdugtong-dugtong ko ang mga pangyayari. Sa tuwing nalalagay sa kapahamakan si Sebastian, nakakapasok ako sa kwento. Naalala ko ang sinabi niya noon na palagi akong dumadating sa oras ng kapahamakan at nagiging maayos din ang lahat kapag narito ako.

Ngunit bakit? Bakit si Sebastian? Sa dinami-dami ng characters sa kwentong ito. Bakit tila may koneksyon ang lahat kay Sebastian?

Inilipat ko ang pahina ng kuwaderno at nagpatuloy sa pagsusulat. Nakakalabas naman ako sa kwentong ito kapag kasama ko si Sebastian. Nakalabas ako noong una niyang sinabi sa'kin na napanaginipan niyang namatay siya sa selda. Nakalabas din ako noong sinabi niya na nakita niya si Roberto sa panaginip kasama ang lalaking hindi niya kilala ang mukha. Nawawala rin ang liwanag pagkatapos niya sabihin ang mga iyon dahilan upang makalabas ako sa kwento.

Salamisim (Published by Bliss Books)Where stories live. Discover now