17

205 1 0
                                    

Sige, magkukwento ako...

Kung mahigit sa isang libot apat na daan at apat na pong minuto ang isang araw baka mas may tsansa ako na tumawa.
Yung mga ngiti na 'di lang sa bibig makikita kundi pati na rin sa mga mata.
Kaso kulang ang 24 oras at ang totoo mas maraming pagkakataon na gusto kong tumakas.
Pakiramdam na gustong pigilin ang pagdating ng bukas.
Pero teka, bago ka manghusga mas mainam na ipagpatuloy mo muna ang pagbabasa.
Hindi ako duwag o parang aso na ang buntot ay bahag. Sabihin na lang natin na parang araw-araw kasi akong nakikipagbabag.
Gulpihan na walang katapusan pero ang aking kalaban ay isip at nararamdaman.
Kaya sasabihin ko sa iyo, matapang ako.
Oo, matapang ako dahil kada segundo halos iuntog ko ang aking ulo.
Kada kurap ng mata pinipigil ko ang luha na laging nasa dulo.
Madalas nakatikom ang aking mga kamao.
Tinitiis ang mga demonyong humihiyaw sa aking tainga na napakagulo.
Para sa akin ang bawat pag-ikot ng mundo ay pag-inog na seryoso.
Tapos papalibutan ka ng mga mapanghusgang tao.
Oo, napapagod ako.
Pagod na pagod.
Pero 'di kaya ng simpleng pahinga dahil ang tulog ay hindi ko makuha.
Oo, nagugutom ako.
Gutom na gutom.
Pero 'di kaya ng masasarap na putahe ang sikmurang sa utak bumabase.
Kaya ang aking katawan parang tahanan na hindi tinitirahan.
Halos walang laman.
Dagdag pa ang pagkukumpara ng sitwasyon ko sa kalagayan ng iba.
Subukin mong timbangin ang sampung kilong bakal
At sampung kilong bulak na tinakal, parehas lang na mabigat at sa nagbibitbit ay nagpapabagal.
Sagabal.
Kaya sana, huwag na lang sabihin na "ayos lang yan", Dahil hindi mabuti ang kalagayan ng taong may pinapasan.
Yan ang aking kalagayan.
O paano, hanggang dito na lang muna ang aking istorya.
Pero huwag kang umasa na may kwento akong bago ha
Dahil bukas ganito pa rin ang iyong mababasa hanggat ako ay alipin ng isipang nagdurusa.

SPOKEN POETRYWhere stories live. Discover now