15. One Kiss

2.6K 132 11
                                    

Note:
Isa ang scene na ito sa limited POV ni Ben na naka-post sa wattpad version. Thank you. :)

MAINGAT na nilalaro ng mga daliri ni Ben ang mga hibla ng buhok ni Honey na nalalaglag sa noo nito. Nakayuko siya at pinagmamasdan ang mukha ng babae. Mahimbing na ang tulog nito. Hindi na nga namalayan ang pag-iiba niya ng posisyon. Nakatulog si Honey na yakap niya mula sa likuran, pero ngayon, magkaharap na sila at nakaunan pa sa braso niya. Nakayapos pa sa baywang niya ang braso nito.

Ngayon lang napagtanto ni Ben kung gaano nagkakalayo ang height at katawan nila. Petite pala ito, kasyang kasya sa yakap niya.

Napangiti si Ben habang tinititigan si Honey. Napakaamo ng anyo nito sa pagtulog. Tila magandang anghel na naligaw sa lupa at nakatagpo ng kapayapaan sa yakap niya. Hindi niya napigilang padaanan ng daliri ang pisngi nito. Tell me what to do, Ney. Masyado ka nang espesyal sa puso ko para patuloy pa kitang lokohin. Kailangan ko nang tumigil. Pero kakayanin ko bang iwan ka na ngayon?

Tila sinagot ng pagkilos ni Honey ang tanong sa isip niya. Mas humigpit ang yapos nito sa kanyang baywang, mas isiniksik ang sarili sa kanya na para bang siya ang nag-iisang taong kailangan nito.

Wala sa loob na ipinikit ni Ben ang mga mata at maingat na idinampi ang mga labi niya sa noo nito. Hindi iilang beses na pinangarap niya ang eksenang iyon sa isip—na yakap yakap niya ang dalaga nang mahigpit at nararamdaman niya ang warmth ng katawan nito, maging ang nakaritmong pintig ng puso.

Hindi iilang beses na nakikita ni Ben sa isip na hinahagkan niya ang mga labi nito ng paulit-ulit—subalit kailangang manatili na lang sa isip ang mga eksenang iyon. Sa isang maling galaw, itutulak niya lang si Honey palayo. Kinailangan niyang paninindigan ang pagpapanggap bilang si Benette. Sa katauhan niyang iyon, nakuha ni Ben ang tiwala ni Honey. Nagbukas ito ng sarili sa kanya at hinayaan rin siyang maging bahagi ng buhay nito. Naisip niyang kung isang kasinungalingan ang kailangan para makita niya ang ngiti at tawa nito, para makasabay niya ito sa pagkain at paggawa ng assignments, para kusa itong lumapit at magpayakap sa kanya, ay uulitin niyang magsinungaling pa. Napagtanto ni Ben na kaya niyang bitiwan lahat kapalit ng inosenteng yakap ni Honey, kapalit ng isang panatag na ngiti nito, at kapalit ng isang magaang halik nito sa mga labi niya...

"B-Ben...?" naputol ang paglalakbay ng isip ni Ben nang marinig niya ang paos na boses ni Honey. Saka lang niya na-realize na nakadampi pa rin sa noo nito ang mga labi niya. Kaswal niyang tinapos ang halik. Inilapat ang palad sa noo ng dalaga.

"Bumaba na ang lagnat mo," nagawa niyang maging kaswal ang tono, pero ang pagbabago sa pintig ng puso, hindi niya nagawan ng paraan. At lalo pang natuliro ang puso niya nang mag-angat ito ng tingin at magtama ang mga mata nila. May palagay siyang nahulog mula sa rib cage ang puso niya nang unti-unti itong ngumiti.

"Bakit yakap mo ako?" kasing-inosente ng ngiti ni Honey ang titig sa kanya. Walang ideya ang babae na nanganganib nang mapigtas ang iron control niya. She was so close, so tempting, and so beautiful...

"Nilalamig at nanginginig ka kagabi," walang emosyong sagot ni Ben. Gusto niyang batiin ang sarili na hindi siya pumiyok. "Mahigpit ang yakap mo sa akin kaya hindi ko na nagawang lumipat sa sala," itinulak niya ito palayo sa sariling katawan bago pa ito makahalata sa totoong epekto nito sa kanya. "Bumaba na ang lagnat mo, puwede na kitang iwang mag-isa—"

"Dito ka lang, Ben," agap ni Honey at nagsumiksik uli sa kanya. Parang huminto ang tibok ng puso ni Ben sa ginawa nito. God, he was in real trouble. Mapipigtas na ang huling hibla ng kontrol niya sa sarili. Kapag nangyari iyon ay baka siilin na lang niya ito ng mapusok na halik. Sigurado siyang hindi na siya hihinto kahit pa magsumamo ito. Kaya kailangan na niyang umiwas.

"'Ney—"

"Please, dito ka lang," samo ni Honey. "Yakapin mo lang ako, Ben..."

Mariin siyang napapikit kasunod ang pagbuga ng hangin sa ere. "Okay," pagpayag niya. "Go back to sleep. I'll hold you." Saka lang ito nanahimik. Mayamaya lang ay naramdaman niyang nakatulog na uli ito. Nakahinga siya nang maluwag. Nang mga sumunod na oras ay nakatulog na rin si Ben—at nagising siyang nakatunghay si Honey sa kanya, magkalapit ang mga mukha nila at titig na titig ito sa kanya. Disoriented na napakurap-kurap siya. Bumuka ang bibig niya para magtanong pero nakulong sa lalamunan ang mga salita nang idampi nito ang mga labi sa nakaawang niyang bibig. Hinagkan siya nito ng banayad...

God, Ney...

Abot-langit ang pagpipigil niyang tugunin ang halik nito. Kapag ginawa niya iyon ay tuluyang mahuhubad ang maskara niya. Malalaman ni Honey na hindi siya totoong bading at si Benette ay isang kasinungalingan lamang.

Sinapo ni Ben ang mga balikat nito kasunod ang pagtulak kay Honey palayo sa katawan niya. Sa mabilis na kilos ay nakalabas siya ng silid. Pagdating niya sa kusina ay sunod-sunod ang pagsagap niya ng hangin.

Ang bilis ng pintig ng puso niya...

Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now