14. I Need You

2.7K 118 15
                                    

DALA ni Honey ang mabigat na pakiramdam hanggang sa university. Sa apartment pa palang kanina ay bahin na siya ng bahin. Iyon ang napala niya sa pagpapakabasa sa ulan nang nagdaang gabi.

Ilang araw na siyang tuliro dahil sa nararamdaman. Pati study habit niya ay apektado na. Madalas niyang matagpuan ang sarili na sa halip na nagre-review ay nakatulala siya at ang housemate niyang bading ang naiisip. Kagabi, pagkaalis ni Benito para pumasok sa bar ay hindi siya matahimik. May urge siyang pigilan ito, para sa bahay lang sila at magkasama pero wala naman siyang naisip na alibi kaya wala rin siyang nagawa. Nang bumuhos ang ulan ay naisip niyang magpakabasa na lang sa labas. Naisip niyang baka makatulong ang malamig na ulan para matauhan siya sa kahibangan. Nanatili siya ng ilang minuto sa labas at nagpakabasa sa malakas na buhos ng ulan. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sariling mali ang weird niyang pakiramdam kaya dapat lang niyang kalimutan iyon. Ngunit hanggang sa mangatog-ngatog na siya sa lamig ay hindi pa rin niya alam kung paano niyang gagawin ang iniisip. Kahit anong warning niya kasi sa sarili ay patuloy siyang nahuhulog—patuloy siyang napapalapit kay Benito sa kabila ng alam niya sa pagkatao nito.

Malayo pa si Honey ay nakita na niyang naroon na si Benito sa paborito nilang puwesto. May kausap ito sa cellphone. Parang alam na niya kung sino ang kausap na iyon, ang ultimate crush nitong si Rajed. Pakiramdam ni Honey ay lalong bumigat ang katawan niya nang makitang ngiting-ngiti ang kaibigan habang nakikipag-usap. Mayamaya ay napasulyap ito sa direksiyon niya. Nabura ang ngiti, at tinapos na ang pakikipag-usap sa cell phone. Nagsalubong ang kilay nito nang nasa harapan na siya.

"Are you okay?" may pag-aalalang tanong ni Benito, hinagod ng tingin ang kabuuan niya. "Bakit parang magko-collapse ka na anytime?"

"Masama ang pakiramdam ko, Ben," sagot ni Honey at hinagod ang sentido niya. Nang tumayo ito ay diretso siyang lumapit at humilig sa katawan nito. Ipinikit niya ang mga mata, at yumapos siya sa baywang nito.

"May lagnat ka!" biglang bulalas nito matapos maramdaman ang temperatura ng katawan niya. "Ano ba kasing pumasok sa utak mo at nagpakabasa ka sa ulan kagabi?" nalaman nito ang tungkol sa ginawa niya dahil nag-usisa kung ano ang ginawa niya at bahin siya ng bahin habang nag-aalmusal sila. "Naghahanap ka talaga ng sakit, 'Ney. God..." naramdaman niya ang paghugot at pagbuga nito ng hangin. "Bakit kasi napakatigas ng ulo mo?"

"Huwag mo na akong pagalitan," paungol na reklamo niya. "Ang bigat na nga ng katawan ko eh, parang may pumipitik pa sa ulo ko..."

"Sa ospital na tayo—"

"Ayoko," protesta kaagad niya. "Mababawasan pa ang allowance ko,"

"Ako'ng magbabayad—"

"Ayoko pa rin," sabi niya uli. "Gusto kong matulog sa bahay. Sipon lang 'to, Ben..."

Hindi na ito nakipagtalo pa. Naramdaman ni Honey na nasa baywang na niya ang isang braso nito at mas kinabig palapit ang katawan niya. "Nilalamig ka ba?" masuyong tanong nito kasunod ang paghagod sa buhok niya. Hindi siya kumilos sa puwesto, masarap na comfort ang hatid ng yakap nito sa kanya at hindi niya gustong umalis sa mga bisig nito.

"Hindi masyado," sagot niya sa mahinang boses, nanatili siyang nakapikit lang.

"Pero nilalamig ka?"

Tumango si Honey. Hindi na ito umimik. Iginiya lang siya paupo sa bench at nang nakaupo na sila ay hinagod-hagod nito ang braso niya para bigyan siya ng init. "Hindi kita maiiwan sa bahay sa ganitong kalagayan."

"Okay lang ako, Ben."

"Hindi ka okay, 'Ney. Ang init-init mo."

"Wala 'yan. Hindi pa forty ang body temperature ko."

"Delirious ka na 'pag umabot 'yan ng forty."

"Gamot at tulog lang ang kailangan ko, wala na 'to bukas."

Nahinto ang pag-uusap nila nang dumating na sina Hazelle at Hazenne. Sinabi ni Benito sa mga ito ang sitwasyon niya at nag-reklamo pa na sisirain raw niya ang raket nito nang gabing iyon. Ipinilit niyang okay lang siya pero ayaw talaga maniwala. Hanggang nasa loob na sila ng kotse ay panay pa rin ang sagutan nila. Napapailing na lang ang mga kaibigan nila. Nasanay na ang dalawa sa ganoong ugnayan nila. Huminto sila sa tapat ng botika at ibinili siya ni Hazelle ng gamot. Nagpasalamat si Honey sa kaibigan.

Mula sa kotse ay inalalayan siya ni Benito hanggang papasok na sila sa bahay. Masamang-masama na ang pakiramdam niya pagdating nila. Hindi na marahil nito natiis ang mabagal niyang paglalakad, pinangko na siya mula sa sala hanggang sa silid niya. Inilapag siya nito sa kama. Naramdaman ni Honey na tinanggal nito ang sapatos niya bago inayos ang binti niya sa kama. Kaagad na inapuhap ng dalaga ang kumot at ibinalot niya ang sariling katawan. Tumitindi ang lamig na nararamdaman niya.

"Kailangan mong magbihis," narinig niyang sabi ni Benito, naramdaman niya ang pag-upo nito sa kama. "'Ney," tawag nito sa kanya. Bago pa siya nakapagprotesta ay walang kahirap-hirap na siya nitong naibangon. Sunod niyang naramdaman ay kinakalag na nito ang butones ng uniporme niya. Nagpaubaya si Honey. Namimigat na ang mga talukap ng mga mata kaya hindi na niya pinilit ang sariling dumilat. Hinayaan na lang niya si Ben sa ginagawa. Naging masunurin ang mga braso at binti niya sa bawat gawin nito. Naginhawahan siya nang maramdaman ang manipis na damit na ipinalit nito sa uniporme niya. "Magpahinga ka na muna," sabi nito bago siya itinulak pahiga at kinumutan. "Maghahanda lang ako ng makakain mo para makainom ka na ng gamot."

"Hindi ka ba papasok sa bar?" paungol niyang tanong habang hinahagilap ang unan niya. Isinubsob niya roon ang mukha.

"Hindi," sagot nito. "Kailangan mo ng kasama ngayon."

"Okay lang ako, Ben..."

"You're not, 'Ney," kasunod noon ay narinig niya ang paglapat ng pinto. Hindi na niya namalayan na naidlip siya. Naramdaman na lang ni Honey na ginigising siya nito para kumain. Ibinangon siya ni Ben. Tahimik siyang sinubuan hanggang sa naubos niya ang noodles at dalawang pandesal na ininit nito. Isinunod kaagad nito ang gamot at tubig. Pagkatapos ay inalalayan siyang humiga. "Ako na'ng gagawa ng assignments mo," sabi nito habang kinukumutan siya.

"Thanks..."

Isang maingat na haplos sa buhok niya ang tugon nito. Sa hula ni Honey ay madaling araw na iyon nang magising siya dahil sa lamig. Nanginginig siya. Hindi sapat ang kumot na nakabalot sa kanyang katawan para mapawi ang lamig na nararamdaman.

"Ben? Ben..." natagpuan niya ang sariling paulit-ulit na tinatawag ang kaibigan habang mahigpit ang sapo niya sa kumot. Naramdaman niya ang paghagod ng palad nito sa braso niya. Nakatulong ang init mula sa palad nito para mabawasan ang lamig, ngunit hindi pa rin sapat iyon. Siguro ay naramdaman nito ang panginginig niya. Mayamaya lang ay sinakop na siya ng init mula sa katawan nito nang pumuwesto si Ben sa likuran niya at niyakap siya. Unti-unting napawi ang lamig. Mayamaya pa ay nahinto na ang panginginig niya. Hindi na namalayan ni Honey na nakatulog na siya...

Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now