CHAPTER ONE

7.1K 159 2
                                    

"IHINTO MO 'yang kakayugyog mo ng paa sa upuan ko, baka sipain kita d'yan, eh."

Napalabi na lang si Anton kay Wenggay. Maangas na maangas ang pagkakasabi niya para masindak ito at hindi naman siya nabigo. Agad naman nitong ibinaba ang paa saka muli siyang nakapagpatuloy sa pagsusulat. Sa lahat ng ayaw niya ay iyong ginugulo siya sa pagsusulat at pakikinig sa teacher nila.

"Ang siga talaga ni Wenggay. Palibhasa anak ng teacher," bulong ni Anton sa katabi nitong si Jack. Nagbulungan pa ang dalawa samantalang dinig naman niya iyon. Agad naman niyang tiningnan ng masama ang dalawa na agad na nagsipagbaling ng tingin.

Naiinis si Wenggay. Sa katunayan, naiinis siya sa karamihan ng mga kaklase niya na ganoon ang tingin sa kanya. Maging ang mga teacher niya ay parang ilag din dahil ayaw makabangga ang tatay niya. Minsan kasing naalis siya sa top at nang malaman iyon ng ama ay agad itong nagpunta sa elementary department para tingnan kung paanong nangyari iyon.

Nagkumahog ang lahat at sa huli'y nakitang hindi nga naman siya dapat nalaglag sa top ten. Kung tutuusin ay umabot pa sana siya sa top three dahil marami siyang extracurricular activities kagaya ng pagiging player at inilalaban din siya sa academics. Nagalit ang tatay niya at nag-complain. Sa huli ay lumipat ang adviser nila ng ibang eskwelahan. Marahil, dahil na rin sa katandaan nito kaya nagkadalito-lito na ito sa mga grades na nai-compute. Gayunpaman ay hindi iyon nakalusot sa ama niya at humingi ng 'hustisya'.

Aminado si Wenggay na malakas ang tatay niya sa may-ari ng eskwelahan. Isang malaking paaralan ang pinapasukan nila na sakop mula elementary, high school at college. Ang hawak ng ama niya roon ay PE para sa college at high school. Bukod pa doon, ito rin ang head ng maintenance at right hand ng Director at owner ng eskwelahan.

Gayunpaman, alam ni Wenggay na hindi iyon ang ginagamit ng ama. Natural lang na ilaban nito iyon dahil isa siyang anak na nadehado. Sa kabilang dako naman, natural din na hindi iyon ang iisipin ng mga nakakakilala sa kanya. Kaya sa loob ng silid na iyon ay iisa lang ang kasundo at hindi ilag sa kanya, si Jenny.

Ito lang ang may lakas ng loob na tumabi sa kanya at paminsan-minsan ay pinagsasabihan din lalo na kapag gusto na niyang mangbatok na ng kaklase sa inis. Para daw siyang lalaki. Marahil ay dahil sa loob ng pamamahay nila ay tanging ang ina lang ang bumabawal sa kanya para maging ganoon. Gayunpaman, tinuruan pa siya ng ama ng self-defense at kung anu-anong sports.

Tuwing umaga ay nag-ja-jogging sila kasama ang kuya Omeng niya na kasalukuyang fourth year high school na sa paaralang iyon. Kapag may sparring ang mga ito ay isinasama naman siya ng ama. Kaya hindi siya takot sa kahit na anumang sports dahil maaga pa lang ay mulat na siya roon. Sa katunayan ay player siya ng volleyball sa elementary department at kasama rin sa track and field.

Kabaligtaran naman niya si Jenny na nasa isang tabi lang. Hindi ito palakilos, dalagang-dalaga rin sa pag-aayos. Madalas niya itong maamoy na amoy polbo o cologne samantalang siya ay hindi man lang maisip na magsuklay. Baka kapag ginawa niya iyon ay mahimatay ang lahat ng kaklase niya.

Napailing na lang si Wenggay sa naisip. Komportable siya sa kung ano siya at hindi niya iyon babaguhin kahit kailan. Bakit naman niya gagawin iyon? Para sa mga kumag niyang kaklase at makasundo? Hindi bale na lang. Bukod kay Jenny ay mga kaibigan din naman siya, ang mga kasama niyang player sa volley ball na nasa ibang grade at lower section.

"Makikipagtitigan ka na naman sa mga asungot na 'yan. Hayaan mo na," ani Jenny sa kanya.

Napalabi na lang si Wenggay at nagsulat. Pasalamat ang dalawa kay Jenny dahil kung muli siyang makakarinig, baka paltikin niya ng goma ang mga ito. Aba, may dala siyang ganoon para makapaglaro ng Chinese garter mamayang uwian.

ZEKE, ANG LALAKI SA MAY BINTANA (UNEDITED VERSION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon