4 ♥

61 4 5
                                    

"Girls! Una na ako, ha? Inaantok na ako, e," paalam ko sa kanila. Isa-isa kong iniaayos ang aking mga gamit at naghahanda ng umalis.

"Mukha mo! Baka naman sa bar... na naman ang punta mo? Maliligo ka na naman sa alak at sigarilyo. Tindi mo rin magsunog ng baga, ano? Akala mo ma—"

"Hindi po! Uuwi na po ako talaga, promise!" pagsisiguro sa kanya. Umirap na lang si Erika sa akin at akmang magsasalita na naman nang naisipan ko ng umalis. Siguradong hindi na naman matatapos ang sermon na iyon kung hindi pa ako aalis doon.

Hindi pa ako nakakalayo sa opisina nang biglang tumunog ang cellphone ko, si John pala iyon. Ang kulit talaga ng isang 'to. Nag-aaksaya ng load para lang sa pangungulit niya sa akin.

Sabi nila, hindi ka raw makakahanap ng totoong tao sa bar. Lahat ng nandoon ay mayroong kanya-kanyang pagpapanggap; kanya-kanyang takas sa mga problemang kanilang kinaharap, kinakaharap, at kakaharapin nila—kagaya kong umaasa lamang sa panandaliang saya. Pero, sa loob ng madilim, masikip, maingay, at magulong lugar na iyo, nakilala ko si John—isang totoong tao at totoong kaibigan. Sino nga ba ang mag-aakalang makakakilala ako ng isang katulad niya sa lugar na iyon?

Bukod kila Patrick (noon), Jhen, at Erika, masasabi kong si John ay naging mahalagang parte na rin ng buhay ko. Nahanap ko sa katauhan niya ang isang taong handa kang damayan sa mga problema mo. Isang mabuting kaibigan. Kahit alam kong mayroong espesyal sa pagtrato niya sa akin, ayoko gamitin ang pagkakataong 'yun para lang saktan siya. Alam ko ang pakiramdam kung paano maging isang miserable at ayoko gawin 'yun sa iba.

Dalawang linggo mula noong araw na maghiwalay kami ni Patrick, doon ko natutunan ang maging responsable sa mga bagay na gagawin at ang magiging desisyon ko. Napariwara, nagpaka-rebelde, nagpakasira, iyon ang mga salitang tamang gamitin para sa pagpili kong maging malaya—maging masaya. Nagpakalasing, nag-saya, in-enjoy ang buhay sa bagong mundong ginagalawan ko—kahit ilang oras lang, kahit pansamantala lang ang lahat para mawala ang sakit.

Isang gabi, halos lahat yata ng mga lalaki sa bar nung gabing iyon ay naisayaw at ang karamihan sa kanila ay nahalikan ko na. Ang mga ganoong eksena ay wala na lamang sa akin. Parang isang normal na routine na lamang ang gawaing iyon kapag nandoon ako sa lugar na iyon. Pero, nag-iba ang lahat ng muntikan na akong mapahamak sa kagagawan ko. Inabutan ako ng isang pakete ng bawal na gamot at pinapagamit sa akin iyon para raw makuha ko ang "tunay na kaligayahan." Hindi ako pumayag, pero nagpumilit pa rin ang lalaking iyon at pinilit akong gamitin ang ibinibigay niya. Nauwi sa pisikal na pamimilit—hilahan, sigawan, habulan palabas ng bar hanggang sa may dumating na isang lalaki para pigilan ang humahabol sa akin. Nagkaroon ng palitan ng argumento, palitan ng suntok sa pagitan nilang dalawa hanggang sa bumagsak na ang lalaking humahabol sa akin.

"Okay ka lang ba?" tanong nito sa akin. Bahagya naman akong tumango sa kanya bilang sagot. Inalalayan niya naman ako papunta sa kanyang kotse at nag-alok na ihatid ako pauwi. Dala na rin siguro ng sobrang kalasingan, hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako sa kanyang sasakyan at hindi ko na rin naibigay ang lugar kung saan niya ako pwede i-hatid kaya naman kinabukasan, nagising na lamang ako sa kanyang kwarto. Nakakatawang maalala na naisip kong itanong sa kanya kung "na-satisfy" ba siya sa ginawa ko at nangyari sa amin. Lumapit lang siya sa akin at sinabing, "hindi ako rapist. At kung gagawin ko man 'yun sa'yo, gusto ko alam mo at gising ka. Para naman may response akong matatanggap, haha!" Akala ko mayroong nangyari sa amin, akala ko katulad sa ibang nakikilala ko sa bar sa mabilisang paraan lang ay mayroon na agad na magaganap na palitan ng kasiyahan na dulot ng isang gawaing naghahanap ng init sa pamamagitan ng pagsanib ng dalawang tao bilang isa.

Matapos no'n ay napadalas na ang pagkikita namin. Sa loob lamang ng isang taon naming magkakilala, nabuo ang isang pagkakaibigan. Masasabi kong nakilala ko na siya—sa paraan ng pananamit, paboritong pagkain, kwentong pag-ibig na nagbigay sa kanya ng saya at pinakamalungkot na emosyon, at iba pang maliliit na detalye sa kanyang buhay ay kanyang pinagkakatiwalang i-kwento sa akin. Isa siya sa mga taong iniingatan at pinahahalagahan ko—na sana hindi mawala, at ayokong mawala.

Sa ikatlong pag-ring nito, doon ko pa lamang ito nagawang sagutin, "hello, Mr. John Benedict Robles. Kamusta ka na? Na-mi—" Naputol ang pagsasalita ko nang wala itong sinabing kahit na anong salita. Ang walang humpay na pagtawa niya lang ang kanyang ginawa. O-kay? Nice. Mayroon na akong nabaliw na kaibigan dahil siguro sa nainom niyang tubig mula sa dagat, naapektuhan na pati ang kanyang pag-iisip. Tsk! Ibinaba ko na lamang ang tawag dahil wala naman akong mapapala kung pakikinggan ko lang siya nang ganoon.

Dumiretso na ako sa lugar kung saan ako nag-park ng kotse kanina at napansin kong mayroong sumira ng aking mga gulong. Ugh! Sino naman kaya ang walang magawang nilalang ang sisira ng pinaka-iingatan kong gamit? Nakakainis! Wala pa man din akong akong pamalit para sa mga sirang gulong. Kailangan ko pa tuloy mag-taxi para lang makauwi. Sa pagkakatanda ko, ang buwan ngayon ay June at hindi "April" na buwan para sa mga pranks ng mga tao. Err.

Ilang saglit pa ay tumunog muli ang cellphone ko. Sa pagkakataong ito, sa paunang ring pa lamang nito ay nasagot ko na ito agad. "Ano ba, John?! 'Wag mo akong pagtripan. Nagsasayang ka lang ng load. Ang mahal pa nam—"

"Hep-hep! Chill ka lang, Ms. Martinez. Oh... Ang sexy mo diyan sa suot mo, a—pink blouse, skinny jeans, naka-heels. Baka mapaaway na naman ako niyan. Tsk. Pero, 'di bale. Hindi sila makakalapit sa'yo hangga't nandito lang ako sa tabi-tabi, haha!"

"Oh... Please! Tantanan mo ako sa mga hirit mong 'yan, John. Teka... paano mo...? Nasaan ka?!" Luminga-linga ako sa paligid para hanapin siya. Nakakainis naman, e. Ayoko sa lahat 'yung pakiramdam na ganito—alam mong nasa malapit lang siya pero hindi mo makita. Ito ba ang sinasabi niyang surpresa? Ang pagbabalik niya sa pilipinas?

Halos mapatalon ako sa gulat nang may magtakip ng aking mga mata mula sa aking likuran Bahagya itong bumulong, "Ms. Martinez, next time... 'wag ka na magsuot ng damit na na alam mong maari akong mapaaway, hmm?" Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang boses na iyon. Humarap naman ako sa kanya at yumakap nang mahigpit.

"John! Seryoso? Bakit...? Paanong...?"

"Isa pang hirit mo, hahalikan na kita at hindi ako titigil hanggang sa hindi ka na makapagsalita," mapang-akit na pagbabanta nito. Hindi naman na ako nagsalita matapos no'n at inirapan ko na lamang siya. As usual, kasunod na naman ang kanyang paboritong reaksyon sa lahat ng gagawin at sasabihin ko... ang tumawa.

Masaya akong nandito na siya ulit sa pilipinas at makaka-bonding ko na siyang muli. Pero, bakit kaya siya umuwi at ano kaya ang sinasabi niyang surpresa sa akin? Mukhang hindi naman matinding problema ang nagdala sa kanya dito pabalik ng bansa dahil mukha namang masaya ito. Nakikita sa kanyang mga mata na masaya siya. Nakakapagtaka.

Makalipas ang ilang minutong pag-uusap, seryoso nitong inamin sa akin na siya pala ang sumira ng aking mga gulong. Wala na raw siyang ibang maisip na paraan para lang mapigilan ang pag-alis ko sa building para masundo ako at sumabay sa kanya mag-dinner. Isa talaga siyang "boy-para-paraan" Haha!

"Ito na ba 'yung surprise na sinasabi mo? Grabe, nakaka-touch, a. Grabe!" sarkastikong sabi ko sa kanya. Ngumiti lang ito sa akin at sinabing, "Nagkakamali ka ng iniisip. Wala pa tayo doon sa totoong surprise." Diretso itong tumingin sa aking mga mata pero ilang segundo lang ay binawi rin nito ang tingin, "tara na. Gutom na ako, e," pag-alok niya sa akin. Sumakay na rin ako sa kanyang kotse at tahimik na nakatingin lang sa daan. Naglalaro ang nangingibabaw na tanong sa utak ko:

Kung hindi ang pag-uwi niya ang surpresa, ano naman kaya iyon? 

CrossroadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon