Track 2: Today Was A Fairytale

147 7 6
                                    

Pilit mang pigilan ni Lexi ang pagtulo ng luha at paghikbi'y wala na talaga siyang nagawa, paano'y kusa itong lumalabas mula sa kanyang mga mata sa bawat salitang inaawit niya mula sa isa sa kanyang mga paboritong kanta ng Runaway Bliss. Bawat letra ng awitin ay sumakto at sumasalarawan sa kasalukuyan niyang nararamdaman. Kung bakit pa nasagi ng kanyang mapagmasid na mga mata ang pagpasok sa bar ng kanyang ex-boyfriend na si Dylan.

May kasama itong babaeng mahigpit na nakahawak sa braso ng dating kasintahan. Napansin niya rin ang mga ngiti sa bibig ng binata na dumagdag sa sakit na nadarama. Parang may mahigpit na kamay na nakapalupot sa puso niya.

Isang taon na rin pala.

Paano ba ang magmahal?
Kailangan bang nasasaktan
Umiiyak na lang palagi
Lagi na lang di maaari
Umiiyak na lang palagi
Lagi na lang di maaari
Ngunit ayaw lumisan...

At sa pagtatapos ng kanta, paulit ulit na tanong ang sumusulpot sa utak niya, paano nga ba magmahal nang hindi masasaktan?

Kumuha ng atensyon niya ang wumawagayway na kamay ng manager ng bar na si Lloyd sa may bandang kanan niya. Bakas sa mukha nito ang kagalakan at nagtaas pa ito ng dalawang kamay na naka-okay sign. Napangiti siya sapagkat bakas sa ekspresyon ng mukha nitong nagustuhan ang kanyang naging performance. Masaya siyang nakatulong dito.

Nag-ayos siya ng kanyang buhok na humarang sa kanyang mukha kasabay nang pagpahid ng luha sa kanyang pisngi. "Pasensiya na kayo ha, lakas kasi makahugot ng kanta, feel na feel ko.", pakunwaring ngumiti siya at nagpalusot na lamang sapagkat nakita niya ang pag-aalala ng matalik na kaibigang si Cams na katabi ng kuya nito. Tinanguan at tinitigan niya itong nagsasabing ayos lamang siya.

Iniwas na lamang niya ang tingin sa direksyon kung nasaan ang dating nobyo, ayaw niyang mapahiya si Lloyd sa mga customers nito ngayon. Isa pa, nakakahiya sa bandang kasama niya sa stage kung aarte pa siya. At panigurado, mas mahirap lang sa parte niya kung patuloy siyang titingin dito, pero miss na miss niya na talaga ito.

Ganun man, hindi niya maitatangging masarap at tila lumulutang sa ulap ang pakiramdam niya nang umawit siya sa harapan ng maraming tao. Hindi niya ito maipaliwanag. Bonus pang nandito ngayong gabi ang idolong si Elmo Montenegro ng Runaway Bliss sa unang pagkakataon niyang pagsalang sa entablado. Mas maganda pa sana kung andito rin ang ka duo nitong si Jules Romualdez, tiyak sasabog na siya sa magkahalong emosyong nararamdaman.

Nakita niyang nakayuko at humihingi ng tawad ang na late na bokalista sa tabi ni Lloyd. Sinignalan siya ng manager na bumaba na para palitan na nito pero pabalik na sumenyas siyang gusto niya pa ng isang kanta. Nginitian siya nito pabalik at nanlalaki pa ang mga mata'y sapagkat naghihiyawan din ang mga customers, "More! More! More!"

"Salamat po at nagustuhan niyo ang una kong kinanta mula sa paborito kong banda, ang Runaway Bliss.", bumulong siya sa banda at, "Yung susunod at huli ko pong kanta para sa inyo ay akin pong isinulat. Uh, medyo hindi pa siya perfect pero sana po'y magustuhan niyo."

Naglakas loob siyang muling tignan sa huling pagkakataon ang dating kasintahang si Dylan kasama ang ipinalit nito sa kanya. Masakit, mahirap at makadurog pagkatao pero kailangan niya ito para sa unang hakbang upang tuluyan nang makalimutan ang isang taon na ring hiwalayan sa pagitan nilang dalawa.

Malinaw pa rin sa alala niya ang biglaan at walang paliwanag na pakikipagkalas ni Dylan sa kanya. Hindi niya alam kung mayroon ba siyang nagawa o hindi nagawa, nasabi o hindi nasabi para umabot sa puntong kailangan nilang mawala sa buhay ng isa't isa.

Icecelebrate sana nila ang kanilang monthsary sa panonood ng pinakamalaking konsyerto ng Runaway Bliss. Pinag-ipunan niya ang pinambili niya sa mga tickets ng nasabing concert kahit General Admission lamang ang nakayanan niya. Sa katunayan ay napunta ang karamihan nang naipon niya sa hiniling na relo ni Dylan. May kamahalan ang nasabing relo kaya naman gustuhin man niyang makapanood sa Patron seats, ay hindi na siya umabot. Ang mahalaga na lamang sa kanya'y makita ang mga idolo lalo na si Elmo.

Chasing HarmonyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon