Chapter 17

61 0 0
                                    

"KUMUSTA, ROXY?" tanong ni Maryknoll habang nakaupo siya sa katapat namin ni Roxy. Naisipan nitong ayain kami ni Roxy sa isang restaurant, aalis na rin naman daw kami sa Polillo kaya sana daw ay pagbigyan siya.

Di na rin naman kami nakatanggi ni Roxy.

"Mabuti naman at magaling na magaling ka na." Ngumiti nang tipid si Maryknoll at humigop sa iced tea niya.

Hindi naman magawang ngumiti ng katabi ko. Seryoso lang niyang pinagmamasdan si Maryknoll, mula ulo hanggang paa. "Ikaw, galing kang hospital. Anong nangyari sa 'yo?"

Pinisil ko ang kamay ni Roxy na nakapatong sa hita niya. Napatingin naman siya sa 'kin nang mapagtanong, mukhang wala siyang ideya kung anong nangyari kay Maryknoll at kung anong dahilan ng pagkaospital nito.

Napaiwas ng tingin si Maryknoll, hindi maikakaila ang pamamasa ng mga mata niya. Naging dahilan iyon para kumurap siya nang ilang beses. "M-Mahabang kuwento... pero hindi naman na mahalaga iyon. Ang importante, magaling na tayo pareho. Pwede na tayo bumalik sa kaniya-kaniya nating buhay."

Ngumisi si Roxy. "Tingin mo, ganoon lang kadali iyon?"

Napatikhim ako.

"Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin, Roxy. Ang sa akin lang, mukhang maayos ka naman na. Pwede mo na ulit gawin 'yung mga bagay na gusto mong gawin."

Natawa nang bahagya si Roxy, alam kong peke iyon. "Halos isang taon akong mistulang patay dahil sa kuya mo, Maryknoll. Huwag na tayong magplastikan dito, alam mong galit ako sa pamilya niyo simula pa dati. Hindi ko nga alam kung bakit mo 'ko inimbita dito, samantalang dati halos isumpa mo 'ko dahil lang girlfriend ako ng kuya mo."

"Roxy..." Mas hinigpitan ko ang kapit sa kamay nito dahilan para matigilan ito sa kung anuman ang gusto pang sabihin.

"Hindi pa naman huli ang lahat para magkaayos tayo, Roxy."

Bumuntonghininga si Roxy. Kasabay n'on ay tinanggal niya ang kamay kong nakahawak sa kaniya. "Hindi naman lahat ng sira ay kailangang ayusin. Kung alam mong hindi na 'to mapapakinabangan, bakit hindi na lang itapon?"

Inilagay ni Maryknoll ang ilang hibla ng buhok sa gilid ng tainga. Ngumiti siya nang pilit. "O-Okay lang naman sa 'kin kung 'di mo gustong magkaayos tayo. Basta ako, alam ko sa sarili ko na nag-effort akong lumapit sa 'yo. Wala akong pagsisisihan balang araw, sure ako."

Nagpaalam ako sa dalawa na kailangan ko munang pumunta sa washing area nang mabilis.

Naghugas ako ng mga kamay at saka ko tiningnan ang sarili sa salamin. Kailangan nilang mag-usap, Reo. Makakatulong sa kanila 'yun. Mas mabuting ilabas na nila ang lahat ng sama ng loob nila sa isa't isa. Malaking tinik ang mabubunot sa kanila pagkatapos, kahit pa sabihing hindi sila magkakaayos talaga.

Muli kong hinugasan ang mga kamay ko saka ko inayos ang buhok ko. Bumuntonghininga ako at saka lumabas ng washing area.

"Bakit ka bumalik dito sa Polillo?" tanong ni Maryknoll kay Roxy. "Dahil ba kay Reo?"

Natigilan ako sa paglalakad nang madinig ang pangalan ko habang nag-uusap ang dalawa.

"Anong meron sa inyo ni Reo?" muling tanong ni Maryknoll.

Hindi sumasagot ang kausap nitong si Roxy.

"Boyfriend mo ba siya?"

Agad na umiling si Roxy. "Hindi. He's not my boyfriend."

Animo'y may tumusok sa dibdib ko nang marinig iyon mula kay Roxy. Alam kong totoo ang sinabi niya, pero mas mahirap pala kapag sa kaniya na mismo nanggaling na wala akong kahit anong pinanghahawakan sa kung anuman ang meron sa 'min.

PARA KAY REO | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon