Chapter 12

69 4 0
                                    

"REO..."

Bumuntonghininga ako nang makilala ang taong umabala sa trabaho ko. "Ano na namang kailangan mo, Maryknoll?"

"Hindi ako nandito para manggulo."

"Um-order ka na kung o-order ka." Pinagpatuloy ko ang naudlot na ginagawa.

"Hinahanap mo pa rin si Roxy?"

Natigilan ako at agad na bumaling sa kaniya, magkasalubong ang mga kilay. "Ano naman sa 'yo? Umalis ka na. Hindi magugustuhan ng kuya mo kapag nakita niyang kasama mo 'ko."

"A-Alam ko kung nasa'n siya."

Naglabas ako ng pekeng tawa. "Niloloko mo ba 'ko? Umalis ka na, Maryknoll."

"Hindi kita niloloko. Oo, sinikreto ko sa 'yo noon na kilala ko si Roxy kahit pa alam kong hinahanap mo siya. Pinagmukha kitang tanga. Alam kong mahirap sa 'yong paniwalaan pa ako sa lahat ng mga nangyari, pero please..."

"Alam mo naman pala, e. Sa tingin mo ba pagkakatiwalaan pa kita?"

"Rey..."

Naikuyom ko ang kamao. "Reo ang pangalan ko," mariin kong sinabi ang mga iyon.

"R-Reo... makinig ka. Ngayon lang, paniwalaan mo 'ko. Please." Halos lumuhod na siya sa 'kin.

"Umalis ka na." Hindi ko magawang magtaas ng boses dahil narito kami sa loob ng restawran na pinagtatrabahuhan ko. Hinila ko na lamang siya palabas para makapag-usap kami ng maayos.

"N-Nasasaktan ako, Reo."

Binitawan ko ang braso niya. "Umalis ka na habang may natitira pa akong respeto sa 'yo."

"Bakit ba ayaw mo sa 'king maniwala?!"

"Sa lahat ng nangyari bakit sa tingin mo dapat kitang paniwalaan? Hindi ko alam kung anong mga tumatakbo sa isip mo. Hindi ko alam kung may pinaplano kang kung ano! Hindi kita kilala, Maryknoll. Iyon ang totoo!"

Tumulo ang luha niya. "Nagkagusto lang naman ako sa 'yo pero ito pa rin ako. A-Ako pa rin 'yung Maryknoll na nakilala mo noon."

Napaiwas ako ng tingin. Nanumbalik sa akin lahat ng alaala naming dalawa magmula noong nakita ko siya sa bangka, ang mga biruan namin, lahat ng 'yun ay parang kidlat na nanumbalik sa akin.

"Wala akong ibang intensyon ngayon kundi ang tulungan ka, Reo."

Hindi ko magawang tumingin sa mga mata niyang nangungusap.

"Magtiwala ka sa 'kin kahit ngayon lang, please."

Bumuntonghininga ako.

"Alam ko kung nasa'n si Roxy. Tinatago siya ng kuya ko."

Natigilan ako at animo'y binuhusan ng malamig na tubig matapos iyon marinig.

---

"MAGMULA noong umuwi dito sa Polillo si Kuya Hanz, nagtataka na kami ni Mama kung saan siya naglalagi. Hindi siya nagsasabi. Alam kong may tinatago siya. Noon ay alam na alam ko ang lahat ng nangyayari sa buhay ni kuya. Pero ngayon... parang naging iba siyang tao," paliwanag ni Maryknoll sa harap ko at ng mga magulang ni Roxy.

Taimtim lang kaming nakikinig sa confession niya. Ni-record na rin namin ang lahat para kung sakaling gamitin sa imbestigasyon ay makatulong.

"Wala kaming alam kung saan siya nagpupupunta. Kaya gumawa ako ng paraan para masundan siya. Hanggang sa... nakita ko siyang may binibisitang liblib na bahay. At pagsilip ko sa loob, nakita ko si Roxy." Pumatak ang luha ni Maryknoll. "M-Mahal na mahal ko ang kuya ko. Kahit ako hindi makapaniwala. Ang alam naming lahat, patay na si Roxy. Iyon ang sabi niya. P-Pero di ko akalaing gagawa siya ng ganoong bagay. Natatakot na a-ako sa... k-kaniya."

PARA KAY REO | COMPLETEDWhere stories live. Discover now