Chapter 08

83 3 0
                                    

NAPAKAHABA ng oras pero hindi ko sinubukang matulog, natatakot ako. Baka managinip ako sa gitna ng biyahe at mawirduhan sa akin ang ilang mga pasahero. Kaya kahit inaantok ay pinanatili kong mulat ang mga mata. Inabala ko na lamang ang sarili sa paggamit ng cellphone.

Napatitig ako sa numero ni Roxy. Bumuntonghininga ako at saka sinubukang tawagan iyon. Kahit pa alam kong walang sasagot doon ay ginawa ko pa rin. Sinasabi ng puso ko na gawin iyon, naniniwala pa rin ito na sasagutin ni Roxy ang mga tawag ko.

Alam kong buhay siya, hindi pwedeng mamatay siya nang ganoon na lang. Wala akong nakitang katawan niya kaya't hindi ako maniniwala.

Ilang beses kong sinubukang tawagan siya pero ilang beses din akong bumuntonghininga nang walang mapala. Hindi raw ma-reach ng network ang cellphone number ng tinatawagan ko.

Ilang oras pa ang hinintay ko bago tumigil ang bus na sinasakyan kasama rin ang iba pang mga pasahero.

"Nasa Real, Quezon na po tayo," anunsyo ng konduktor. Tiningnan ko naman ang map sa internet at medyo malayo pa ang Polillo. Sasakay pa ng bangka nang halos dalawang oras.

Kinuha ko ang mga gamit ko at dahan-dahang bumaba sa bus. Umupo ako sa waiting shed doon at naghintay ng ilang minuto bago ako pumila sa pagbili ng ticket sa bangka. Isang oras din ang lumipas bago ako nakasakay ng bangka. Gayunpaman ay hindi pa rin ito umandar.

Tumingin ako sa orasan ko at nabuntonghininga nang makitang alas kwatro na ng umaga. Hindi pa ako natutulog. Siguro babawi na lamang ako ng pagtulog pag nasa Polillo na ako. Ayokong magmukhang wirdo dito sa harap ng ibang pasahero kapag inatake ako ng bangungot.

May nakita akong babaeng panay linga. Maputi rin ito at kung titingnan ay mukhang turista. Napansin kong wala nang ibang available na upuan kaya inayos ko ang bagahe ko sa upuan. "Miss, dito ka na."

Nanlaki ang mga mata ng babae nang tawagin ko ngunit kapagkuwa'y humupa rin at binigyan ako ng matamis na ngiti. "Salamat."

Ngumiti rin ako rito at saka muli nang pinagtuunan ng pansin ang cellphone.

"Naglayas ka sa inyo?" tanong ng babae.

Napakunot naman ang noo ko nang marinig iyon. "Paano mo naman nasabi?"

Tumawa ito na siyang nagpakunot ng noo ko. "Itinatanong ko nga. At saka ang lungkot kasi ng mga mata mo. Mukha ka talagang lumayas... o baka naman pinalayas?"

Umiling ako at saka umiwas ng tingin. "May kikitain akong tao sa Polillo. Ikaw, turista ka 'no?"

Muling tumawa ang babae na siyang ipinagtaka ko. "Taga-Polillo talaga ako, nag-aaral lang ako ng college sa Maynila pero taga-Polillo ako."

Tumango ako. "Mukha ka kasing turista."

"Hindi 'no. By the way, sino ba iyang kikitain mo? Hindi naman gaanong malaki ang Polillo, malay mo kilala ko pala."

"Isa siyang Damian."

Hinawakan ng kausap ko ang baba at animo'y nag-isip ng malalim. Kapagkuwa'y umiling ito at mapagpaumanhing tumingin sa akin. "Hindi ko kilala, e. Pero parang pamilyar. Huwag kang mag-alala, pagdating natin sa Polillo, ipagtatanong natin baka may kilalang Damian ang mga kakilala ko."

Tumango na lamang ako at saka nagpasalamat dito. Hindi na ito nagsalita pa at nang tingnan ko ay tulog na. Gusto ko ring umidlip pero hindi ko ginawa sa takot na baka managinip na naman nang masama. Ilang buwan ko na namang ininda ang pananaginip ng masama dahil wala na si Roxy sa tabi ko para pakalmahin ako.

Hindi ko alam kung anong hiwaga ang naroon at si Roxy lang ang kaisa-isang tao na kayang patigilin ang pag-atake ng masasama kong panaginip.

Lumiwanag na sa labas ng bangka at pinaandar na rin ito sa wakas. Napatingin ako sa orasan ko at nakitang alas singko na ng umaga. Isang oras na pala ang nakalipas ulit mula nang sumakay ako rito sa bangkang ito. Ngayon ay maghihintay pa ako ng dalawang oras para sa pag-pondo ng bangka sa port ng Polillo.

PARA KAY REO | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon