Chapter 14

71 3 0
                                    

"SASAMA na ako pabalik ng Maynila," pagbanggit ko kay Roxy. Nagpaplano na rin kasi ang pamilya niyang umalis na ng isla dahil sa Maynila kailangang ganapin ang hearing para sa kaso ni Hanz. Tuluyan nang mabibigyan ng hustisya ang nangyari kay Roxy.

Tipid lang na ngumiti sa akin si Roxy at bahagyang pinisil ang kamay ko.

"Sigurado ka ba, Reo? Paano ang trabaho mo rito sa isla?" Sinsero ang pag-aalala sa akin ng nanay ni Roxy, si Mrs. Damian.

"Okay lang po ako. Si Roxy lang naman po ang dahilan kaya pumunta ako rito sa Polillo Island. Siya rin po ang dahilan kaya aalis ako. Wala naman nang rason para mag-stay pa ako dito."

Tumango na lang sila.

"Kung gano'n ay mag-empake ka na rin ng mga gamit dahil bukas ng umaga ay luluwas na kami papuntang Maynila. Sumabay ka na sa 'min."

"Pero bago po tayo umalis ng isla..." Bumuntonghininga si Roxy bago ipagpatuloy ang pagsasalita. "Gusto ko po munang makita si Hanz sa kulungan."

Nagkatinginan kami ng mga magulang ni Roxy.

--

"R-ROXY..." Bakas ang pagkagulat sa hitsura ni Hanz nang makita kami. Nakakulong pa rin siya at halos yakapin ang mga rehas. "H-Hindi ko sinasadya, Roxy. Mahal na mahal kita."

Nagsalubong ang mga kilay ni Roxy. "Alam mo sa sarili mong hindi mo 'ko mahal, Hanz."

"Maniwala ka. H-Hindi ko ginusto ang mga nangyari. Hindi ko alam na aabot sa gan'to..." Pumatak ang mga luha ni Hanz.

Napakuyom ang mga kamao ko matapos iyong marinig. Anong klaseng tao ka, Hanz? Halang ang kaluluwa mo.

Dumaloy ang luha sa pisngi ni Roxy na marahas niyang pinunasan. "Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa kulungan. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa 'kin."

Tumalikod na si Roxy at nagsimula sa paglalakad paalis ng presinto. Samantala, si Hanz naman ay panay ang sigaw at pagtawag sa pangalan ni Roxy, nagmamakaawa itong pakawalan siya dahil wala umano itong kasalanan.

Nababaliw na nga talaga siya.

Hindi nakadiretso sa pag-alis ng police station sila Roxy dahil kinailangan pa silang kausapin ng mga pulis tungkol sa kaso. Ako naman ay nagpaalam na magpapahangin muna sa labas ng istasyon.

Lumanghap ako ng sariwang hangin mula sa hardin na katabi lamang at ilang hakbang mula sa police station.

Gusto kong magsalita kanina at gusto kong murahin si Hanz pero hinayaan ko na lang na si Roxy ang gumawa n'on. Alam kong siya ang mas may karapatan na gawin iyon kaysa sa akin.

Nagtiim ang mga bagang ko kasabay ng mariin na pagkuyom ng mga kamao.

"R-Reo?"

Napalingon ako sa nagsalitang iyon. Nang makilala si Maryknoll ay bumalik sa normal ang ekspresyon ko. Siya naman ay kita ang gulat sa hitsura. Baka hindi niya inaasahang makikita niya ako dito.

Natigilan ako nang tumakbo siya sa di ko malamang dahilan.

Agad naman akong humabol. Hinawakan ko siya sa braso para iharap sa akin. At ikinagulat ko nang makitang umiiyak siya. Napabitaw agad ako sa kaniya.

"M-Masaya ka na, Reo?" tanong niya. "Naipakulong niyo na ang kuya ko."

"A-Ano?"

"Tangina, Reo! Alam ko namang tama lang na makulong si Kuya dahil malaki ang naging kasalanan niya pero..." Marahas niyang pinunasan ang mga luha. "Alam mo 'yun... d-di ko pa rin maiwasang masaktan dahil nakikita ko ang kuya kong nahihirapan sa presinto."

PARA KAY REO | COMPLETEDWhere stories live. Discover now