Chapter 02

190 8 0
                                    

"SERYOSO? Ayos iyan, matulog ka na lang nang matulog katabi si Roxy para hindi ka na managinip ng masama."

Nginiwian ko ang kausap. "Nagkataon lang 'yun, Jester. Tsaka siguro ano... naparami lang siguro masiyado ang nainom ko kagabi."

Hindi na lang nagsalita si Jester at nilantakan na lamang ang mansanas ko sa mesa. Maski ako ay hindi na rin nakaimik dahil sa dami ng iniisip.

Nagkataon lang kaya 'yun? Hindi kaya tama ang sinasabi ni Jester?

Napailing na lamang ako sa naisip. Pihadong nagkataon lang 'yun. Ano ba naman ang meron kay Roxy para magawa niyang pigilan ang masasama kong panaginip? Tss.

Nang makarinig ng malakas na pagkatok sa pinto ay agad kaming nagkatinginan ni Jester. Nanlaki ang mga mata ko at sinenyasan siyang buksan iyon. Nagmamadali naman akong nagtago sa loob ng CR.

"Aling Marites! Naku, wala ho rito si Reo. May pinuntahan po, sa malayong malayo hehe," dinig kong pagsasalita ni Jester.

"Niloloko mo ba 'ko? Ilang beses na kitang nakikita rito sa paupahan ko ah, bakit hindi ka na rin magbayad?!"

"Aling Marites naman, oh, magbabayad na po si Reo pangako. Iyon nga ang sabi niya bago siya umalis rito. Magwi-withdraw daw po ng pera sa bangko."

"Siguraduhin ninyo dahil labinlimang buwan na siyang hindi nagbabayad ng upa sa akin! Bukas na bukas pag hindi pa nakabayad iyang kaibigan mo, tulungan mo na siyang mag-impake ng mga gamit! Makalayas na nga!"

"Opo, Aling Marites! Sasabihin ko po!"

Nang maramdaman kong wala na si Aling Marites ay saka ako lumabas ng CR. Napabuntong hininga na lamang ako habang iniisip ang bwisit na problema.

"Bakit hindi ka na lang kasi tumira kasama ng nanay mo?" tanong ni Jester. "Di ba doktor 'yun? Sigurado ako gaganda buhay mo do'n. Kausapin mo na kaya?"

"Tss. Ano ako, bali? Bakit ko pa ipagsisiksikan ang sarili ko sa kaniya eh iniwan na nga niya kami ni Papa noon."

Hindi nakaimik si Jester sa isinagot kong iyon.

---

"PA! BUMABA KA PO DIYAN! PA!"

"Iniwan na tayo ng nanay mo, Reo. Wala nang silbi pa para mabuhay ako." Hinawakan ni Papa ang lubid sa kaniyang harapan.

"Pa!" Iyak ako nang iyak. Sobrang dami kong gustong sabihin pero hagulgol lamang ang tanging lumalabas sa bibig ko.

"Pinagpalit na ako ng nanay mo sa ibang lalaki. Hindi na niya tayo mahal." Tumulo ang mga luha ni Papa bago isulot ang ulo sa lubid.

"Pa! Bumaba ka po diyan!"

Hindi ko na napigilan pa nang sipain ni Papa ang upuang tinutungtungan. Agad akong pumalahaw nang makita siyang nahihirapan. Nanginginig ang mga kamay kong ibinalik sa pagkakatayo ang upuan. Pilit kong itinayo si Papa roon pero huli na ang lahat.

"Pa!"

---

"PAPA!"

Hingal na hingal akong nagising sa isa na namang masamang panaginip. Nanginginig ang mga kamay kong inabot ang isang baso ng tubig sa lamesita. Wala akong itinirang maski isang patak ng tubig doon.

Hanggang kailan ko ba kailangang maranasan 'to?

"Matulog ka na lang nang matulog katabi si Roxy para hindi ka na managinip ng masama."

Ilang beses akong umiling. Nagkataon lamang iyon. Hindi posibleng mawala ang mga masasama kong panaginip dahil lang sa pagtulog katabi siya. Wala naman siyang espesyal na kakayahan para gawin iyon, hindi ba?

PARA KAY REO | COMPLETEDWhere stories live. Discover now