The Precious Memory

91 2 0
                                    

Pauwi na ako galing ng trabaho nang maisipan kong dumaan muna sa lugar na madalas namin noon puntahan: ang dalampasigan. Manghang-mangha kasi siya roon habang pinagmamasdan ang ganda ng papalubog na araw. Aniya, iyon daw ang simbolo ng panibagong pag-asa sa aming buhay. Nakatutuwang maalala kung gaano siya kasaya habang sabay naming pinapanood ang tagpong iyon. Isa iyon sa mga alaalang pinanghahawakan ko para malagpasan ang lahat ng ito. Noon kasi, pakiramdam ko’y namatay ang kalahati ng pagkatao ko noong nawala siya sa akin. 'Yun bang parang nag-iba ang kulay ng lahat. Nawala ang dating sigla at napalitan na lamang ito ng lungkot. Pero naisip ko ring kailangan kong magpakatatag. Para sa kanya. Para sa amin. Kailangan kong kayanin ang lahat ng ito dahil sa huli, magiging maayos din ang lahat. Magiging normal na muli ang takbo ng aming buhay.

Humugot na lamang ako ng malalim na hininga bago ako pumihit pabalik ng aking kotse. Ngunit bago pa man ako makabalik ay may nakita akong isang batang babaeng humahabol sa kanyang ama. Nakatutuwang pagmasdan ang eksenang iyon. Parang may kumukurot sa aking puso habang nakangiti ko silang pinagmamasdan.

Napakasaya nila.

Umiling-iling na lamang ako at nagtungo na sa aking kotse. Napasandal pa ako sa aking upuan dahil kinakain na naman ako ng sistema ko habang bumubuhos ang mga alaala sa aking isipan.

Isang magandang araw na naman ang aking sinimulan kasama ang dalawa sa pinaka-importanteng babae sa buhay ko, sina Precious at Sophia. Sabado ngayon kaya walang nag-atubiling umalis sa amin para lang makumpleto na kami sa araw na ito. Mas madalas pa kasi ako sa office kaysa sa bahay kaya naman kapag ganitong mga araw ay bumabawi ako sa kanila.

“Phia! Call your dad na! I prepare meryenda na,” malambing na utos ni Precious kay Sophia, ang aming anak. Agad naman itong tumungo sa coffee table at umupo sa aking tabi.

“‘Pa, kain na daw tayo ng meryenda, sabi ni Mama. ‘Lika na! Baka mabaril ka na naman ng kanyang mga out-of-this-world  words. Ikaw din!” biro naman nito sa akin. Iiling-iling na lang akong sumunod sa pinag-uutos ng aking reyna at tumungo na roon. Naabutan pa naming siyang nagsasalin ng orange juice sa aming kani-kaniyang baso.

Napakasuwerte ko talaga sa aking asawa. Kahit na noong college pa kami ay pinagbibintangan nila itong “social-climber” dahil na rin sa kanyang paraan ng pananamit, pagsasalita, kilos, at iba pang mga bagay para masabing trying-hard itong pag-aralan ang lahat ng iyon. Iyon ang nakikita nila pero hindi nila siya gano’n kinilala. Ako ang mas nakakakita ng totoong Precious. Hindi nila ito inalam dahil abala sila sa pagpuna ng kapintasan niya kaysa sa pagtingin sa mabuti nitong puso. Kaya ganoon na lamang ang paghanga ko sa kanya—na nauwi sa sitwasyong hindi ko na alam ang gagawin ko kasi gusting-gusto ko na siyang makasama. At umayon nga talaga ang tadhana sa akin dahil minahal niya rin ako gaya ng pagmamahal ko sa kanya.

"Babe... I love you," buong pagmamahal kong sabi sa kanya. Ngumiti lang ito sa akin at kinulong ang aking pisngi sa kanyang mga palad.

"I love you rin po!" masayang tugon naman niya.

Pinahiran ko na lamang ang aking pisngi dahil mayroong nakawalang luha mula sa aking mga mata. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mapagtanto kung bakit kailangan pang masira ang magandang pangyayaring iyon. Kung bakit kailangan pang bawiin ang masasaya naming pagsasama—'yung ako, siya, at si Sophia na masayang nagsasalo sa isang hapag habang nagkukuwentuhan ng masasayang bagay na nangyari sa amin sa loob ng isang araw. Ang hirap…ang hirap-hirap, pero kailangan kong kayanin ito. Pumikit na lang ako nang mariin at umiling-iling bago ko pinasibad ang kotse pauwi ng aming bahay.

Compilation of Short StoriesWhere stories live. Discover now