PRECIOUS' POV
KINABUKASAN!
Nagising ako dahil sa sinag ng araw na nagmula sa bintana at tumama sa mukha ko. Bumangon na lang ako saka nag-stretching para maibalik ko ang sigla ng katawan ko. Napahikab ako habang tumalon-talon pero nang pagmulat ko ay napaigtad ako sa gulat at takot nang may nahagip ang paningin ko. Kinusot-kusot ko pa muli ang dalawang mata ko baka sakaling minamalikmata lang pero hindi ko maitatanggi na tumatayo na ngayon ang mga balahibo ko at pati batok ko parang nanigas na.
Napalunok pa ako saka marahan na lumingon. "Meron talaga eh!" Naiiyak na talaga ako.
Tumalikod ako at pinakalma ang sarili. Kahit anong inhale-exhale pa ang gagawin ko ay hindi pa rin kumakalma ang kalamnan ko. Kinurot ko pa ng malakas ang magkabilang pisngi ko, iyong tipong maramdaman ko talaga ang sakit para magising ako dahil baka bangungunot ko lang ito.
"Gisingin niyo na 'ko, please!"
Umiiyak na talagang sambit ko.
Huminga pa ako ng malalim at ginawa ko na naman ulit ang inhale-exhale saka pa lang ulit dahan-dahang tumingin sa may couch. Bumilang pa ako hanggang tatlo pero parang pinako ang mga paa ko sa sahig na tila hindi ko na ito maigalaw. Parang tutulo na talaga ang mga luha ko at hindi ko na rin mailabas pa ang boses ko. Buto’t laman ko ay tila nagwawala na dahil sa takot.
"Woy, huwag kang matakot sa akin. Hindi naman kita sasaktan e." Mas nanlaki pa lalo ang mga mata ko nang magsalita ang multo!
Mas lumakas pa ang pagkabog ng dibdib ko nang tumayo siya at parang may plano pa yatang lumapit sakin. Atras lang ako ng atras sa abot ng makakaya ko kahit sobrang nanginginig na.
"H-huwag kang lalapit!" Nanginginig na banta ko habang dinuro pa siya nang mapasandal ako sa gilid ng kama.
Huminto naman siya sa paglalakad palapit sa akin. "Please, huwag ka ding matakot sa akin. Hindi naman kita sasaktan, kailangan ko lang ng tulong mo," wika niya. Bakas sa itsura niya ang sinseridad at pagpakatotoo pero hindi pa rin napapawi ang takot na namumuo sa kalamnan ko. Nanginginig pa ako at pawang ubos na ang lahat ng laway.
Parang may nagkakarerang kabayo sa dibdib ko dahil sa sobrang kaba.
Aaminin kong takot talaga ako sa multo. Kailanman hindi ko pinangarap na makakita ng multo. Sino namang baliw na gustong makakita kagaya ng nasa harapan ko ngayon? Kahit pa ang amo-amo ng mukha nito, kesihudang tinatawag na multo ay siguradong nakakatakot talaga.
'Diyos ko po, patawarin niyo po ako sa mga kasalanan ko. Nagsisisi na po talaga ako. Parang awa niyo na po, kung paparusahan niyo man po ako,please huwag naman to!'
"Multo, multo, multo!" naiiyak na sabi ko habang nakapikit at nagtakip ng dalawang kamay sa tainga.
"Hindi ako multo. Kaluluwa ako, isang espiritu na pinabalik dito sa lupa dahil may tataposin pa akong misyon-"
"Hindi! Hindi!" putol ko sa sasabihin niya. "Huwag ako p-parang awa mo na. P-pumili ka nalang ng i-ibang tutulong s-sayo."
"Ikaw ang nakatakdang tutulong sa akin."
"B-bahala ka, basta ayoko!" nilakasan ko ang loob ko at minulat ang mga mata. Sakto namang sa kanya dumeritso ang paningin ko at kitang-kita ko pa ang panlulumo niya.
Pero wala na akong pakialam. Nilakasan ko na lang ang loob ko at humakbang paatras saka buong lakas na kumaripas ng takbo palabas. Muntik pa akong madulas sa hagdanan dahil tila hindi ko na alam ang nilalakaran ko. Pagkarating ko sa salas ay didiretso na sana ako sa kusina nang biglang sumulpot si kuya galing sa labas. Napatalon na naman ako sa gulat at hingal na hingal na tumingin sa kanya.
"Hoy, anong nangyari sayo?" nagtatakang tanong sa akin ni kuya.
"M-may, may-" utal-utal at di ko alam kung ano ang sasabihin ko. Baka mapagkamalan akong baliw kung sasabihin kong may multo o kaluluwang ligaw sa kwarto ko.
"May ano?" Hinihintay pa niya ang sasabihin ko.
Nagbaba na lang ako ng tingin at umiling-iling. "M-may napapanaginipan lang ako. O-okay lang ako, kuya. Don't worry." Nag-angat ako ng tingin sa kanya at pilit na ngumiti.
"Sigurado ka?" aniya at tumango lang ako.
"Iinom lang ako ng tubig, kuya," wika ko at tinanguan lang din niya ako. Nagtungo ako sa kusina at nakita ko si daddy na nakaupo habang nagbabasa ng newspaper habang umiinom ng kape.
"G-good morning dad." Hindi ko pa rin maiwasang hindi mautal.
"Good morning," bati rin niya.
Binuksan ko ang ref at kumuha ng tubig sa pitsel. Nakadalawang baso ako at ngayon lang ito nangyari. Kalahati o isang baso lang talaga ang iinomin kung tubig 'pag umaga.
"Hon? Halika ka tingnan mo to!" Narinig kong tawag ni mommy na nasa labas ng bahay. Tumayo naman kaagad si daddy at lumabas.
Iniwan niya ang kape at newspaper sa mesa. Akma na sana akong lalabas ng kusina nang liparin ng hangin ang newspaper ni daddy at eksaktong nahulog sa paanan ko. Pinulot ko naman ito at ibabalik na sana sa mesa ngunit parang may nagtulak sa akin na basahin ang laman nito.
"Car accident?" Basa ko sa headline. May picture ng tao na mukhang siya iyong naaksidente. Medyo malabo pero tinitigan ko talaga ng maigi at parang nalaglag ang panga ko nang makilala ko kung sino itong lalaking nasa news kaya wala sa sariling nabitawan ko ang newspaper na hawak-hawak ko. Nanginginig ang dalawa kung kamay at namumuo na naman ang matindi kong takot.
"Hindi ito maaari," bulong ko at di makapaniwalang nakatingin sa diyaryo na ngayon ay nasa sahig na.
Napaigtad pa ako nang biglang dumating si daddy at parang nagtataka naman siyang tumingin sa akin.
Pinulot niya pa muna ang newspaper saka bumaling sa akin. "Precious anak, are you okay?" nag-aalalang tanong niya sa akin nang mapansin niyang tulala ako.
"I-I'm fine, Dad," pilit ngiting sabi ko.
Tatango-tango naman siya at akmang kukunin ang kape niya nang aksidenteng natapik niya ang tasa at natapon lahat ng kape sa diyaryo. Agad niyang pinunasan ang mesa gamit ang newspaper. Basa at punit-punit na ang diyaryong hawak ni daddy. Parang nakaramdam naman ako ng panghihinayang habang nakatingin sa newspaper.
'Iyon na sana ang isang paraan para matulungan ko siya.'
"Oh? Ba't ganyan itsura mo?" kunot-noong tanong niya sa kin.
"Ahh, dad? D-Diba po bago pa yung newspaper mo?" Tinuro ko pa ang trash can kung saan niya ito tinapon.
Tumingin pa muna siya do'n saka bumaling sa akin. "Oo, bakit?"
"Sana po yung basahan para sa mesa na lang po ang ginamit nyo pang punas dyan. B-Baka po hindi pa ninyo natapos basahin yung mga news e."
Bahagya pa siyang tumawa. "Tapos ko nang basahin iyon lahat. Noong bumaba ka dito ey patapos na ako nun," sabi niya. Parang nakakita naman ako ng kunting pag-asa na malaman ang tungkol doon sa car accident.
"Dad? P-pwede po bang magtanong?" nag-alinlangang tanong ko. "Ahm iyong car accident po, n-nabasa ninyo po ba lahat tungkol doon?"
"Bakit? Kilala mo ba iyong lalaking n-naaksidente?"
"H-hindi naman po, pero familiar po kasi siya sa akin eh," pagsisinungaling ko. Pero totoo naman na hindi ko siya kilala ang kaso lang ay nakikita ko ang kaluluwa niya at nangangailangan pa ng tulong.
"Hmm oh, eh ano naman kung nabasa ko?" tanong niya.
"Dad, saan pong lugar naganap 'yung aksidente?" diretsang tanong ko at mukhang natigilan naman si daddy.
"Ang totoo anak, hindi ko nabasa iyong lugar. Basta ang nabasa ko lang do'n ay kung ano ang dahilan ng aksidente," aniya sabay hawak ng batok niya.
"A-ano po bang dahilan?" usisa ko na naman.
"Teka anak, mamaya na tayo mag-usap ha? Babalikan ko lang ang mommy mo sa labas." Pag-iiba niya ng usapan at hindi pa man ako nakakasagot ay lumabas na siya.
Napatingin naman ako sa trash can saka lumapit doon at nagbabakasakaling mabasa pa ang laman ng diyaryong tinapon ni daddy. Kinuha ko ito pero hindi na talaga mababasa pa ang mga salita. Basang-basa at parang kinuyumos ng maigi kaya ibinalik ko nalang ulit ito at nanlumong tumayo.
Ano bang gagawin ko? Natatakot pa rin ako pero may kung ano sa loob kong gustong tumulong kasi ayokong makunsensya. Kailangan ko ba talagang harapin ang takot ko?
'Kung hindi ko siya tutulongan ay makukunsensya talaga ako, pero kung hindi ko nga siya tutulungan paano kung hindi niya ako lulubayan?'
Huminga ako ng malalim at pilit na pinatapang ang sarili ko. Nagdadalawang isip pa akong aakyat muli ng kwarto pero kailangan ko na talagang harapin ito. Nang nasa tapat na ako ng pinto nitong kwarto ko ay huminga na naman ulit ako ng malalim.
'Kaya mo to, Precious.'
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at saka pumasok. Nang makapasok na ako ay sinara ko pa muna ang pinto saka papikit nabumaling sa couch kung saan ko siya nakita kanina. Bumilang pa ako hanggang tatlo bago ko dinilat ang mga mata ko.
"Nasan na 'yun?" takang tanong ko sa sarili ko nang mapansing wala ang kaluluwang ligaw. Nilibot ko pa ang buong kwarto gamit lamang ng paningin ko pero wala talaga siya. "Hindi kaya naghahanap na ng ibang tutulong sa kanya?" usal ko na naman. Umupo ako sa kama at pinagmasdan ang couch. Natatakot pa rin ako pero nilabanan ko na sa abot ng makakaya ko. "A-andito ka pa ba? L-lumabas ka na riyan!"
Para akong baliw sa sitwasyon kong 'to. Kung may nakakakita sa akin ngayon, malamang iisipin niyang napapraning na talaga ako. Tumayo ako at magtungo sana sa banyo o di kaya sa closet baka nandon lang siya pero nang lumingon ako sa likuran ko ay..
"Wah!" Napasigaw ako at ang masama pa doon ay na out of balanced ako at natumba. "Diyos ko po! Bakit ako po ba ang pinili niyo?" Para na akong maiiyak habang namimilipit sa sakit ng balakang ko.
"Hala, okay ka lang?" tanong niya sa akin. Napaangat ako ng tingin sa kanya at akma naman siyang lalapit sa akin.
"No, no. Huwag kang lalapit sa akin!" Iniharang ko pa ang isang kamay ko. Dahan-dahan akong tumayo at umupo sa couch habang hinimas-himas ang balakang ko.
"Precious okay ka lang?!" Napalingon naman ako sa pintuan nang sumigaw si kuya mula sa labas.
"Okay lang ako, kuya!" pagsisinungaling ko na naman.
"Bakit ka sumigaw?!"
"May n-nakita lang po akong!" Tumingin pa ako sa multong nasa harapan ko. "Ipis! Oo kuya i-ipis lang po!" Nakatingin lang din siya sa akin kaya iniwas ko nalang agad ang paningin ko sa kanya.
"Ipis lang pala kung makasigaw ka akala mo nakakita ng multo. Parang niyayanig ang buong bahay sa tindi ng pagkasigaw mo!"
"Sorry, kuya!" sabi ko at hindi na ito sumagot. Malamang bumaba na ito o di kaya'y pumasok sa kwarto niya.
"Pasensya ka na. Hindi ko naman intensyong gulatin ka ng gan'on e. M-masakit pa ba?" nag-aalala na namang tanong niya sa akin at akma na namang lalapit.
"P-please, huwag ka munang lalapit sa akin. P-pwede bang huwag kang susulpot kung saan-saan? Mamatay ako ng maaga ng dahil sa iyo eh," inis na sabi ko at nakayukong tumango naman siya.
"I'm sorry," mahina at sinserong usal niya.
"Tsh! Takot ako sa multo, kaya hindi 'to madali sa akin lalo na't ako pa kamo ang nakatakdang tutulong sa iyo," sabi ko at nag-angat naman siya ng tingin sa akin.
"Hindi nga ako multo dahil espiritu ako," paintindi niya sa akin habang isinenyas pa ang kabuoan niya.
"Ah, basta parehas lang iyon," sabi ko na hindi makatingin sa kanya.
"Tss. So ano? Tutulungan mo na ako?" nakangiting tanong niya na animo'y nakakita ng pag-asa.
"Pag-iisipan ko pa," seryosong sagot ko. Nanlumo naman siyang nakatitig sa akin. Bumuntong-hininga ako bago magsalita ulit. "Eh kasi naman, hindi parin ako makapaniwala e. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng g-ganyan." Itinuro ko pa siya. "Baka hindi ka totoo ah? Pinaglalaruan mo lang ako?"
"Maniwala ka, totoo ako. Kailangan ko talaga ang tulong mo," nagsusumamong aniya.
"Bakit ba ako?"
"Hindi ko rin alam, basta sabi ni ahm y-yung taga bantay sa pasukan ng langit, pagkamulat ng pagkamulat ko nang makarating ako dito sa lupa, kung sino man ang unang taong makita ko at makakita sa akin kahit kaluluwa na ako ay siya ang nakatakdang tutulong sa akin at ikaw iyon," paliwanag niya.
Para na rin akong nanlumo sa mga sinabi niya. Mukhang wala na akong ibang magagawa kundi tulongan siya.
Kailangan ba talaga na ako ang nakatakda? Eh hindi ko nga ito kilala? Pano ko siya matutulongan?