Alas-otso ng umaga ay dumating si Clara sa mansyon ng pamilya Evangelista, nang mga sandaling iyon ay nasa kanyang silid at nagbibihis, binabalak niya noon na magpunta ng Tumana upang bisitahin si Trevin. Tatlong magkakasunod na pagkatok sa pinto ng kanyang silid ang kanyang nadinig at sandali siyang napahinto noon sa pagsusuot niya ng kanyang pang-itaas.
"Senyorito Amado..." ang pagtawag ni Amor sa labas ng silid.
"Ano iyon Amor? Ako ay nagbibihis pa, mayroon ka bang kailangan?" ang sabi tanong ni Amado at nagpatuloy na siya sa kanyang pagbibihis.
"Kasi po senyorito..." at biglang bumukas ang pinto ng silid at bumungad kay Amor si Amado.
"Ano ang iyong nais na sabihin?"
"Senyorito Amado, nasa silid tanggapan po si Senyorita Clara." ang tila nagdadalawang isip pang sabi ni Amor, nang madinig naman iyon ni Amado ay hindi nito naikubli ang inis.
"Bakit hindi mo sinabi na wala ako?"
"Ang totoo senyorito..."
"Ang totoo ay sinabi na niya sa akin ang dahilang iyan, hindi lamang ako naniwala sa kanya, at bukod do'n ay sinabi ko din sa kanya na ipapaalam ko sa iyong mga magulang ang pagpayag ni Amor na lumabas ka ng mansyon niyo ng hindi siya kasama kung hindi siya magsasabi sa akin ng totoo, alam ko kung gaano ka iniingatan ng iyong mga magulang Amado, at ayaw mo naman siguro na may mapahamak pa ng dahil lang pinagtatakpan ang iyong mga kapritso." ang sabad ni Clara na tila nainip na sa paghihintay na kausapin siya ni Amado.
"Sige na Amor iwan mo muna kami ng iyong Senyorita Clara." ang utos ni Amado at agad namang umalis si Amor bilang pagsunod dito.
"Doon tayo sa silid tanggapan mag-usap." ang sabi ni Amado sa malamig na tono at nagpatiuna na lumakad.
"Ano ba ang iyong nais? Bakit napakaaga ay nais mong sirain ang aking araw." ang tanong ni Amado na hindi itinatago ang pagkainis sa pagdating doon ni Clara.
"Bakit tila inis na inis ka sa akin? Hindi ba dapat ako ang mainis sa'yo dahil ginawa mong pagpapahiya sa akin sa iyong kaibigan kahapon sa may simbahan?" ang tila nang-iinis pang tugon ng binibini. "At bukod pa roon ay ang tagal mo na palang nakauwi upang magbakasyon ay hindi mo man lamang ako naisip na dalawin sa aming mansyon?" ang dagdag nito.
"Iyon lamang ba ang ipinunta po dito? Kung pakiramdam mo ika'y aking napahiya sa harap ni Ignacio, ipagpaumanhin mo. At bakit naman ako bibisita sa inyong mansyon? Dahil sa ikaw ang aking mapapangasawa? Por dios por santo Clara, hindi ako ang may gusto na tayo ikasal, at gagawa ako ng paraan kung kinakailangan huwag lamang matuloy ang kasalan." ang tugon ni Amado na bahagyang napagtaasan ng boses si Clara.
"Ganyan ka ba talaga kasuklam sa akin Amado? Alam mo simula pagkabata ay ikaw lamang ang aking minahal, masisisi mo ba ako kung naisin ko na sa'yo ako ikasal kahit na alam kong ang dahilan lamang para mangyari 'yon ay ang negosyo ng ating pamilya?" ang halatang nasasaktang tugon ni Clara at pinipigilan ang kanyang pagluha.
"Sabihin mo sa akin Amado, ni minsan ba ay hindi mo ako tinignan ng may pagmamahal?" At tinignan ni Amado ang binibini sa mga mata nito.
"Patawad Clara, pero kahit ni minsan hindi kita tinignan ng higit pa sa isang kaibigan. Mayroon tayong pinagsamahan Clara, at halos ikaw na ang naging matalik kong kaibigan pero lahat iyon ay nagbago dahil lamang sa kasunduan ng pamilya natin na alam mo na hindi ako sang-ayon." ang tugon ni Amado at umagos ang mga luha sa mata ni Clara.
"Hindi ko alam na ganito pala kasakit ang sampalin ng katotohanan, lalo na kung ang katotohanang madidinig mo ay magmumula pa sa taong minahal mo ng matagal na panahon." ang sabi ni Clara na patuloy sa kanyang pagluha, at nakita niyang iniabot ni Amado ang isang puting panyo sa kanya, ngunit umiling siya at hindi iyon tinanggap.
"Hindi mapaghihilom ng panyo mong iyan ang sakit ng sugat na ibinigay mo sa akin Amado. At kahit pahidin ko ang aking mga luha gamit 'yan ay alam kong hindi ka kailanman magiging akin at hindi rin niyan mapapawi ang aking kalungkutan." ang tugon ni Clara at hindi na nagpumilit pa si Amado. Tumalikod si Clara at aktong aalis na ito ngunit bago pa niya marating ang pinto palabas ay huminto ito sa kanyang paglakad.
"Sabihin mo sa akin, si Ignacio, na sinasabi mo sa aking iyong kaibigan, hindi lamang siya isang kaibigan para sa'yo hindi ba?" ang tanong ni Clara at humarap siya kay Amado. Sandaling tumahimik si Amado at tumingin lamang sa mga mata ni Clara na noo'y naghihintay ng kasagutan mula sa kanya.
"Oo, oo Clara, higit pa sa isang kaibigan ang pagtingin ko sa kanya."
"At kayo ba ay magkikita ngayon kaya ikaw ay posturang postura?"
"Oo, akin siyang bibisitahin ngayon." at napayuko si Clara at mas nakadama ng kalungkutan. Muli niyang tinignan sa mga Amado at ngumiti dito ng mapait.
"Masuwerte siya, naiinggit ako sa kanya. Mabuti pa siya nagawang mahalin ng taong mahal na mahal ko. Hindi ko huhusgahan ang pagmamahal mo sa kanya dahil iyang pagmamahal na 'yan ang siya din ninanais ko na makamtan pero nabigo ako sa kabila ng aking pagpupumilit." at muling tinalikuran ni Clara si Amado at palabas na siya noon ng tawagin ni Amado ang kanyang pangalan.
"Huwag kang mag-alala ang ano mang napag-usapan natin dito ay mananatiling sa pagitan lamang natin, ayoko na masaktan ka ng iyong mga magulang, kakausapin ko ang aking mga magulang na iurong ang ating kasal at ako na ang bahala na magdahilan sa kanila." ang tugon ni Clara na natiling nakatalikod kay Amado.
"Clara, patawad..."
"Hindi ko kailangan ang iyong paghingi ng tawad, kung tanging awa lamang ang maibibigay mo sa akin ay salamat na lamang dahil hindi 'yan ang gusto kong matanggap mula sa'yo. Maging masaya sana kayong dalawa, seryoso ako sa sinabi." ang tugon ni Clara at agad nang lumabas dahil pakiramdam niya ay sasabog na siya sa kalungkutan kung magtatagal pa siya roon
Matapos ang tagpong iyon ay kahit paano'y nakaramdam si Amado ng kaginhawaan sa kalooban ngunit sa parehong pagkakataon ay nakaramdam din siya ng pagkaawa para kay Clara dahil alam niyang lubha niyang nasaktan ang isang taong walang ibang ginawa kundi ang mahalin lamang siya.
Mag-a-alas-nuwebe y media na nang makarating si Amado sa bahay nila sa Tumano, nasa labas na noon si Esperanza at nagwawalis ng mga dahon. 'Magandang umaga Esperanza, si Ignacio gising na ba?" ang bati at bungad na tanong ni Amado at nangiti naman si Esperanza nang hanapin sa kanya si Trevin na kilala niya bilang Ignacio.
"Magandang umaga din po sa inyo Senyorito Amado, gising na po ang inyong kaibigan katatapos lang din niya na mag-almusal at sa tingin ko ay nagpapahangin siya ngayon sa balkonahe ng kanyang silid." ang masayang sabi ni Esperanza at napangiti naman si Amado dito at dali-dali nang pumasok ng bahay.
Nakabukas noon ang pinto ng silid ni Trevin kaya naman hindi na kumatok pa si Amado at siya pumasok na agad na natanaw ni Amado si Trevin na nakapikit na sa balkonahe habang ninanamnam ang sariwang hangin na dumadampi sa balat nito. Sandali siyang nanatiling nakatayo sa tapat ng pinto at pinagmasdan lamang si Trevin sa ginagawa nito. Nang tumigil ang hangin sa pag-ihip ay ibinukas ni Trevin ang kanyang mga mata at naramdaman niya na tila may nanonood sa kanya, kaya dali-dali siyang napalingon sa direksiyon ni Amado.
"Kanina ka pa diyan?" ang tanong ni Trevin at nakangiting umiling si Amado upang hindi mahiya si Trevin sa kanya.
"Kararating ko lamang. Ano naman ang ginagawa mo diyan sa balkonahe, tila nagustuhan mo ang pamamalagi diyan." ang sabi ni Amado habang naglalakad palapit kay Trevin.
"Ah nagapahangin lamang ako dito, at tama ka na nagustuha ko na nga dito." ang masayang tugon ni Trevin.
"Mabuti naman kung gano'n masaya akong malaman na nagustuhan mo dito." ang masayang tugon ni Amado. At isang ngiti ang itinugon ni Trevin sa kanya. Sandali din silang natahimik na tila ba naubusan ng sasabihin sa isa't isa, at tanging tinginan sa isa't isa na minsan ay agad din nilang binabawa na tila ba parehong nahihiya sila sa isa't isa.
"Ah siya nga pala Ignacio." ang tila nahihiya pang pagbasag ni Amado sa katahimikan.
"Ano 'yon?"
"May gusto sana akong sabihin sa'yo." ang tila nagdadalawang isip pang tugon ni Amado.
"Sige lang ano ba ang gusto mong sabihin sa akin, sabihin mo at makikinig ako."
"Ano, kasi gusto... gusto... ano kasi Ignacio..." ang hindi niya maituloy na sabihin.
"Amado maaari bang iyong ayusin ang iyong sinasabi?"
"Ano kasi, Ignacio... gusto... ano, gusto mo bang pumunta sa may ilog." ang sabi ni Amado at isang pilit na ngiti ang ibinigay niya kay Trevin. "Hindi ba sabi ko sa'yo na may ilog na malapit dito, baka nais mo na magpunta tayo doon." ang dagdag nito.
"Sige bakit hindi. Gusto ko din naman na makapaglibot dito at nais ko ding makita ang ilog na sinasabi mo." ang masayang tugon naman ni Trevin.
Masayang nagkwentuhan sila Trevin at Amado habang naglalakad patungo sa ilog, hindi rin maiwasan ng daloawa ang magharutan at asaran sa daan an para bang dalawang mga bata na naglalaro. May mga taniman sila ng iba't ibang gulay at prutas na nadaanan, hindi rin maiwasan ni Trevin na mamangha sa ganda ng lugar na iyon habang si Amado naman ay halos hindi maalis ang tingin kay Trevin.
Hanggang sa marating na ng dalawa ang ilog, pinuntahan nila ang bahagi ng ilog na malayo sa mga naglalaba at ibang tao na doon ay naliligo. May kadulasan ang bahagi ng ilog na kanilang pinuntahan at pareho pa silang nakaputi na pang-itaas kaya naman maingat silang naglakad at inaalalayan ang isa't isa. Hanggang sa madulas si Trevin at bumagsak sa tubig na sapat lamang ang lalim kaya hindi ito nasaktan, agad namang tumawa ng malakas si Amado nang makita niya ang pagbagsak ni Trevin.
"Ayos ka lang ba?" ang natatawang tanong ni Amado kay Trevin.
"Oo ayos lang ako, mabuti at hindi ganoon kababaw ang tubig at hindi mabato kaya hindi naman ako nasaktan." ang masayang tugon ni Trevin na tila ba natutuwa nang nakababad sa malinis at malamig na tubig ng ilog.
Iniabot ni Amado ang kanyang kamay upang tulungan na makaahon si Trevin sa tubig, at agad naman iyong inabot ni Trevin ngunit sa halip na umahon ay hinila niya si Amado hanggang sa bumagsak din siya sa tubig, at siya namang malakas na pagtawa ni Trevin.
"Ano ayos ka lang?" ang natatawang tanong ni Trevin at nangingiti na naaasar naman si Amado nang sandaling iyon pero patuloy lamang sa pagtawa noon si Trevin. Hanggang sa malakas niyang hinampas ang tubig papunta sa direksiyon ni Trevin at tumama iyon sa mukha nito at natawa si Amado nang makita kung paano napatahimik si Trevin sa ginawa niyang iyon pero hindi rin nagtagal ay gumanti din si Trevin sa kanya, hanggang sa nauwi nila sa basaan at harutan.
Nang makaramdam ng pagkapagod ay nahiga ang dalawa sa damuhan at magkatabing pinagmasdan ang asul na kalangitan. Para sa kanilang dalawa ang araw na iyon ang pinakamasaya simula nang magkakilala sila.
"Sana laging ganito kasaya ang lahat." ang sabi ni Amado habang pinagmamasdan ang mga ulap sa langit na wari ba mga tupang naglalakbay dito.
"Oo nga sana ganito palagi kasaya." ang pagsang-ayon naman ni Trevin at nagkatinginan silang dalawa na agad din nilang binawi at ibinalik ang tingin sa langit.
"Amado paano kung hindi ko na naising bumalik sa panahon ko? Paano kung manatili na ako dito?" ang biglang nasabi ni Trevin at napatingin sa kanya si Amado, ngunit nanatili siyang nakatingin sa langit.
"Ano naman ang dahilan at bakit hindi mo nanaisin ang manatili sa panahon na ito, sa panahon na sinasabi mong hindi mo tunay na panahon?" ang usisa ni Amado.
"Pakiramdam ko kasi ay hindi na ako makakabalik pa sa panahon ko, baka kasi dito talaga ako nararapat sa panahong 'to, sa panahon na kasama ka." ang sabi ni Trevin at tumingin siya kay Amado, nagtama ang kanilang mga mata na tila ba parehas na nangungusap. Umihip ang malamig at sariwang hangin na siyang nagpasayaw sa mga damo, talahib at dahon ng mga puno at ligaw na halamang narooon.
"Ano ba 'yang sinasabi mo, huwag ka ngang magbiro ng ganyan." ang sabi ni Amado at agad siyang bumangon at naupo na lamang at kanyang pinagmasdan ang malinis na tubig sa ilog, ngunit sa loob loob niya ay nakakadama siya ng kaligyahan sa kanyang mga nadinig. Hanggang sa mapalitan iyon ng lungkot ng maisip niya ang isang tanong. "Pero paano kung isang araw bigla ka na lang mawala, at paggising mo nakabalik ka na pala sa panahon mo? Anong gagawin mo?" ang tanong ni Amado at sandali silang natahimik pareho ni Trevin.
Bumangon si Trevin at tumayo, naglakad siya at lumusong sa ilog na tila ba may hinahanap, pinanood lamang siya ni Amado, at tila ba may kinuha ito sa tubig at kanya itong ibinulsa. Pagkatapos ay bumalik si Trevin at naupo sa kanyang tabi.
"Ano ang iyong kinuha?" ang usisa ni Amado. At isang iling lamang ang ibinigay ni Trevin sa kanya at wala siyang sagot na nadinig pa mula dito.
Sa daan pauwi ay nawala ang sigla ng dalawa na tila naghihintayan kung sino ang unang magsasalita sa kanila. Iniiwasan ang mata ng isa't isa at hanggang sa makauwi ay tahimik lamang sila. Magpapaalam na sana noon si Amado para umuwi nang bigla na lamang bumagsak si Trevin sa lupa na labis niyang ikinabigla, sa pagkabigla ay naisigaw niya ang tunay na pangalan ni Trevin, nadinig ni Esperanza ang sigaw na iyon kaya dali-dali itong lumabas ng bahay at nataranta na din ito nang makita si Trevin na walang malay nang sandaling iyon.