Salamisim (Published by Bliss...

By UndeniablyGorgeous

9.5M 525K 1.1M

Ang Unang Serye. "Isang araw, nagising na lang ako sa loob ng kuwentong isinulat ko." Natuklasan ni Faye na n... More

Panimula
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Kabanata 31
Kabanata 32
Kabanata 34
Kabanata 35
Epilogo
Ikalawang Serye: Hiraya
To Be Published by Bliss Books

Kabanata 33

292K 13.6K 44.1K
By UndeniablyGorgeous

[Chapter 33] Third Person POV

MAKAPAL ang usok ng hamog na bumabalot sa kagubatan. Mabilis na tumatakas ang mga rebelde na ngayon ay hinahabol na ng mga guardia civil. Ang ilan ay sugatan at paika-ika na sa pagtakbo. Ang mga naaabutan ay binabaril at sinasaksak ng bayoneta.

"Maghiwa-hiwalay tayo ng daan. Sa kuweba sa kalooban ng bundok tayo magkita-kita" wika ni Lorenzo, may tama na siya ng bala sa balikat. Akay-akay siya ni Santino. Tinutugis sila ng hukbo sa pangunguna ni Roberto na asawa na ni Maria Florencita. Nalinlang sila at hindi natuloy ang planong pagtakas sakay ng barko. Patungo na sila sa daungan nang tambangan ng mga guardia civil.

"Tahakin niyo nila Mang Pedro, Aling Pacing at Santino ang bakawan" patuloy ni Lorenzo sabay hawak sa dibdib. Hinawakan ni Angelita ang kaliwang kamay ni Lorenzo at ipinatong sa balikat niya upang alalayan na rin ito sa pagtakbo.

"Paano ka?" tanong ni Angelita kay Lorenzo. Maging si Santino ay naguguluhan sa gustong mangyari ng kapatid. Napapikit sa kirot si Lorenzo, umaalingangaw sa gubat ang sigawan at sunod-sunod na putok ng baril. Isa-isa nang natutumba ang mga tulisan na tumatakas ngayon.

"Huwag niyo na akong alalahanin. Iligtas niyo ang inyong sarili. Iligtas niyo ang samahan!" umiiling na tugon ni Lorenzo. "Ano? Huwag kang magsabi ng ganiyan!" saad ni Santino, niyugyog niya pa ang balikat ng kapatid upang bumalik ang ulirat nito.

"Hindi ka namin iiwan dito!" wika ni Angelita habang nakatingin sa mga mata ni Lorenzo. Mabagal at mahirap ang kanilang bawat hakbang. Nahihirapan din ang mga guardia sa pagtugis dahil sa dilim at marami na silang naabutang tulisan.

Tinatahak na nila ngayon ang mabatong ilog nang marinig nila ang malapit na sigaw ng mga guardia. Gulat na napalingon sina Angelita at Santino sa sampung guardia na paparating. "Mauna na kayo!" wika niya sabay tingin kay Santino. Animo'y isang pakiusap o habilin iyon na siguraduhin niyang makaalis sila ng buhay at gumaling si Lorenzo.

Bumitaw si Angelita sa pag-alalay kay Lorenzo sabay hugot sa rebolber na nakuha niya sa isang guardia na napaslang kanina.

"Angelita!" tawag ni Lorenzo. Sandali silang nagkatinginan. Alam din ni Santino ang ibig mangyari ni Angelita. Minsan na nilang napag-usapan na kung sakaling matugis ang lahat ng miyembro ng samahan. Ibig ni Angelita na mabuhay silang magkapatid. Ibig niyang mabuhay si Lorenzo kahit anong mangyari, kahit hindi niya kayang suklian ang kaniyang pagmamahal.

"H-huwag mong kalimutan ang layunin ng ating samahan" iyon ang huling sinabi ni Angelita habang nakatitig sa mga mata ni Lorenzo. Huwag mong kalimutan ang pag-ibig ko at ang ating pinagsamahan. Ipinapaubaya na niya ang paghihiganti na nais niyang makamit ng samahan laban sa mga opisyal, lalong-lalo na kay Don Florencio na siyang pumatay sa kaniyang mga magulang.

"Hindi!" pigil ni Lorenzo ngunit paparating na ang mga guardia na patingkayad kung maglakad sa ibabaw ng mga bato. Pikit-matang hinila ni Santino si Lorenzo, pilit na pumipiglas si Lorenzo ngunit mas malakas ang kaniyang kuya. Hinihila na siya nito papalayo sa ilog.

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Angelita. Kailangan niyang pabagalin ang usad ng mga guardia. Kailangan niyang paslangin ang mga ito upang hindi maabutan ang dalawang magkapatid na Cortes. Ibinaling na niya ang tingin sa sampung guardiang paparating.

Nanginginig niyang itinutok ang rebolber sa mga kalaban. Asintado kung bumaril si Angelita. Sanay siya sa paghawak ng baril at pana. Ang rebolber ay may apat na bala na lamang. Apat na bala laban sa sampung kalaban.

Pinaputok na niya ang unang bala na tumama sa noo ng guardia. Bumagsak ito sa batuhan. Ang ikalawa ay sa dibdib ng matangkad na guardia tumama. Sumubsob ito sa mababaw na bahagi ng ilog. Humakbang paatras si Angelita hanggang sa marating niya ang malaking bato kung saan sa likod niyon ay ang malalim na bahagi ng ilog.

Ang ikatlong bala na pinakawalan niya ay tumama sa balikat ng isang guardia ngunit nakabawi ang mga kasamahan nito. Nabaril si Angelita sa braso at binti. Napaluhod siya sa ibabaw ng malaking bato habang iniinda ang dalawang balang tumama sa kaniya.

Nag-aapoy ang kaniyang buong katawan sa sakit at hindi na rin niya maramdaman ang kaniyang kamay. Napatitig siya sa hawak na rebolber. Iisa na lang ang bala nito. Naalala niya ang kaniyang mga magulang na pinaslang na mga tauhan ni Don Florencio noong anim na taong gulang pa lamang siya. May sakit siya noon at ibig siyang dalhin ng kaniyang inay at itay sa pagamutan ngunit wala silang salapi kaya nagnakaw sila ng ilang kaban ng bigas sa imbakan ng pamilya Garza upang ibenta iyon.

Buong buhay niya ay inalay niya sa samahan kasama ang samahan. Sa huling sandali ay naalala niya ang kanilang kabataan, kung paano siya nagsimulang umibig kay Lorenzo. Ang masasayang sandali kasama ang tinuring niyang pamilya sa panciteria. At ang lahat ng plano at misyon na ginawa ng kanilang rebeldeng grupo.

Ang huling bala sa hawak niyang rebolber ay tumama sa binti ng isang guardia. Mabilis na nakabawi ang kasama nito. Isang bala ang tumama sa dibdib ni Angelita. Sa lakas nito ay tumalipon siya sa ilog.

Dahan-dahang pumailalim sa tubig ang kaniyang katawan. Halos buong buhay niya, palaging sumasagi sa kaniyang isipan ang samu't saring katanungan na hindi niya mahanapan ng kasagutan.

Bakit? Bakit nangyayari sa akin ang lahat ng ito?

Tulala siya sa ibabaw ng tubig na ngayon ay unti-unti nang nagiging malabo. Nagpatuloy sa paghabol ang mga guardia sa iba pang mga rebeldeng tumatakas. Hinihiling ni Angelita na nakalayo na sina Lorenzo at Santino. Na hindi masasayang ang pagsasakiripisyo niyang ito.

Bakit hindi ko man lang naranasan lumigaya? Bakit naging ganito ang aking kapalaran?

Sunod-sunod na bakit ang huling naitanong niya sa sarili at sa tadhana. Ito na rin siguro ang paraan upang makabawi siya sa lahat ng kasalanan niya kay Lorenzo. Ilang beses niyang pinagtangkaan ang buhay ni Maria Florencita sa pag-asang matitigil na ang kahibangan ni Lorenzo sa dalagang iyon.

Nahihirapan si Lorenzo mag-desisyon para sa samahan dahil sa pagtingin nito kay Maria Florencita. Nalalagay sa alanganin ang lahat dahil sa maling pag-ibig na iyon.

Hindi patas ang mundo. Kailanman ay hindi naging patas ang buhay sa akin.

Nababalot na ng lamig ang buong katawan ni Angelita. Natanaw niya ang isang liwanag mula sa ibabaw ng tubig. Ang liwanag na iyon ay nagmumula sa isang lampara na hawak ng isang lalaki. Ang lalaki ay nakasuot ng asul na abrigo (coat) na may itim na malalaking butones. Kulay itim din ang suot nitong bota.

Hindi mawari ni Angelita kung paano nakakalakad sa ibabaw ng tubig ang lalaking may hawak ng lampara. Ilang sandali pa, umupo ito saka tumingin sa kaniya. "Anong ibig mong gawin ko?" tanong ng lalaki habang nakatingin sa kaniya sa ilalim ng tubig. Hindi niya mamukhaan ang lalaki dahil sa labo ng kaniyang mata, maging ang tubig ng ilog.

"Ganitong mundo ang itinakda ng manunulat ng kwentong ito. Anong ibig mong gawin ko?" patuloy ng lalaki saka huminga nang malalim. Tumingala ito sa langit, sumisilip ang gasuklay na hugis ng buwan.

Muli itong tumingin kay Angelita, puno ng awa at pagkahabag ang kaniyang mga mata para sa sinapit ng karakter na ito. Sinubukan niyang isawsaw ang kaniyang daliri sa ilog ngunit napaso siya. "Kung sabagay, puno nga naman ng trahedya ang nobelang ito. Mapait talaga ang sinasapit ng mga karakter na tulad mo. Hindi ka mamahalain ng taong gusto mo, gagawa ka ng mga bagay na sa tingin mo ay dapat ngunit ito ang hahadlang sa pag-ibig ng dalawang pangunahing tauhan"

"Ikaw ang karakter na susubok sa tatag ng mga pangunahing karakter. Kapag tapos na ang tungkulin mo, tatapusin na rin ng manunulat ang buhay mo. Gano'n lang 'yon kadali" patuloy ng lalaki saka tiningnan ang lampara at pinakita kay Angelita, "Sumusobra na rin sa kakasulat ng trahedya ang manunulat na 'yon. Ano kaya kung turuan natin ng leksyon? Ano?"

"Simulan natin muli sa unang kabanata at..." hindi maunawaan ni Angelita ang mga nangyayari, patuloy pa rin siyang nilalamon ng tubig ngunit malinaw niyang naririnig ang sinasabi ng lalaking hindi niya nakikilala. "Imbitahan natin siya rito" wika ng lalaki at pinatay ang sindi ng lampara dahilan upang tuluyang dumilim ang paligid.


NAGISING si Angelita sa pamilyar na silid. Gulat siyang napabangon at napahawak sa kaniyang ulo. Bukas na ang bintana ng silid nila ni Amalia. Mataas na rin ang sikat ng araw at maingay na ang mga tao sa baba kung saan abala ang lahat sa Panciteria.

Agad lumabas ng silid si Angelita at bumaba sa hagdan. Naabutan niya si Aling Pacing na naghuhugas ng bigas. "Inay" saad niya sabay yakap sa likod nito. Nagulat si Aling Pacing sa ginawa ng anak-anakan. "Oh, bakit?" hindi bumitaw si Angelita sa mahigpit na pagkakayakap sa kaniya.

"Hindi ko po batid ngunit tila may masamang espiritu na nagpakita sa akin" saad ni Angelita. Natawa si Aling Pacing sa sinabi nito saka pinisil ang kamay ng dalaga. Malaki na ito ngunit tila bata pa rin kung maglambing sa kaniya.

"Marahil ay nakaligtaan mong magdasal bago matulog" natatawang saad ni Aling Pacing. Dumating si Mang Pedro hawak ang dalawang patay na manok. Yayakapin din sana siya ni Angelita ngunit napatigil ito sa duguang manok.

"Itong dalaga natin hindi pa maaaring mag-asawa sapagkat parang sanggol pa rin kung tumangis" wika ni Aling Pacing sa asawa. Natawa na lang din sina Mang Pedro at Angelita. "O'siya, iyo na bang nabasa ang liham ni Amalia? Inilapag ko sa inyong tukador" ngiti ni Aling Pacing saka tinapik ang ulo ni Angelita.

Ang takot na pakiramdam ni Angelita ay napalitan ng tuwa dahil sa ibinalita nito. Dali-dali siyang tumakbo pabalik sa silid at binasa ang liham ni Amalia na nasa ibabaw ng kanilang tukador. Hindi na mawala sa kaniyang ngiti ang pangungumusta ng tinuturing niyang nakatatandang kapatid.

Inilarawan nito sa liham kung paano sila naghahanda para sa nalalapit na pista sa Bulakan sa susunod na buwan. Ibig pumasok ni Angelita sa beateryo ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang samahan. Napatigil si Angelita sa sandaling maalala niya ang samahan.

Napatitig siya sa kaniyang sarili sa salamin. Hindi niya mapaliwanag ang nakakatakot na pangitain at pakiramdam na kaniyang nararamdaman. Wala siyang ideya sa panaginip ngunit tila malinaw sa kaniyang alaala ang pagkalunod sa ilog at ang kakaibang lalaki na lumulutang sa ibabaw ng tubig. Naaalala niya ang pangyayaring iyon ngunit hindi niya maalala ang mga sinabi nito.

Napatakip siya sa kaniyang bibig. Iniisip niya na maaaring isang engkanto, anghel, diwata na mahiwagang nilalang ang nagpakita sa kaniya.

Alas-diyes na nang matapos maligo at magbihis si Angelita. Nakagawian na niya na magdala ng pansit sa bahay kubo na tinitirhan ng magkapatid na Cortes. Napatingin siya sa kalendaryo na nakasabit sa aparador ng kanilang kwarto.

Sa linggo ng gabi nila lulusubin ang bilangguan upang iligtas si Santino. Nadakip ni heneral Roberto si Santino at ngayon ay pinaparusahan na ito sa bilangguan upang paamanin kung sino ito at ituro pa ang ibang kasapi ng samahan.

Napahinga na lang nang malalim si Angelita saka muling humarap sa salamin upang tingnan ang sarili. Ibig niyang maging maayos kahit papaano sa harapan ni Lorenzo. Sinuot na ni Angelita ang pulang balabal saka naglakad patungo sa tahanan nila Lorenzo.

Sabado ngayon, kalahating araw lang ang pasok ng mga ito sa palimbagan ng dyaryo. Sigurado si Angelita na nakauwi na si Lorenzo. Pinatawag sila nito kasama sina Berning at Tadeo upang pag-usapan ang gagawin sa linggo ng gabi.

Naabutan ni Angelita si Lorenzo sa labas ng bahay. Nagsisibak ito ng kahoy. Napangiti siya sa kaniyang sarili saka dahan-dahang naglakad papalapit sa binata nang hindi nito namamalayan. Ginulat niya si Lorenzo, natigilan ito sa ginagawa at natawa na lang sa ginawa ng kababata.

"Namutla ang iyong mukha" kantyaw ni Angelita kay Lorenzo, inilapag na nito ang hawak na itak saka ibinaba ang kaniyang manggas. Puting kamiso at asul na pantalon na hanggang tuhod ang suot ni Lorenzo. Medyo marumi ito ngunit para kay Angelita ay hindi pa rin nakakasagabal iyon sa kaguwapuhan ng binata.

"Iyan ba ang tanghalian natin?" nakangiting tanong ni Lorenzo sabay tingin sa hawak na bilao ni Angelita. Tumango ang dalaga saka ngumiti. Kinuha ni Lorenzo ang pansit sa kamay nito saka inanyayahan si Angelita sa loob ng kanilang bahay.

Inilapag ni Lorenzo ang bilao sa mesa na umaalog at mukhang malapit nang bumagsak. Ang sahig ay lupa, hindi ito sementado o gawa sa kahoy. Naglakad si Angelita papunta sa bintana kung saan natatanaw ang malawak na palayan. "Malapit na pala ang anihan" wika niya, tumango si Lorenzo habang abala sa paghahanda ng mga plato at kubyertos.

"Ibig mo bang makiani muli sa sakahan na pag-aari ni Don Severino?" tanong ni Lorenzo, tumango si Angelita saka lumingon sa kaniya. Hindi pa rin nawawala ang ngiti ng dalaga. Lumapit si Angelita sa mesa saka tinulungan si Lorenzo.

"Sa oras na magtagumpay ang ating samahan. Ano ang sunod mong gagawin?" tanong ni Angelita, napatigil si Lorenzo nang ilang sandali ngunit nagpatuloy ulit sa paglagay ng baso sa mesa.

"Mabigyan lang ng hustisya ang pagkamatay ng aking lolo at mga magulang. Ang ginawa nila sa iyong mga magulang at ang pagpapahirap na ilang siglo na nating tinitiis sa kamay ng mga mapagmalabis... Sapat na sa akin ang lahat ng iyon" tugon ni Lorenzo. Umupo na rin si Angelita sa tapat nito.

Ang tinutukoy ni Lorenzo ay sina Don Severino, Don Florencio at Don Antonio na nagkaisang pabagsakin noon ang makapangyarihang si Don Imo Cortes.

Tumayo muli si Lorenzo, kinuha niya ang pitsel at nilagyan ito ng tubig na mula sa pinakuluang tubig kanina. "Hindi sumagi sa iyong isipan ang mag-asawa?" tanong ni Angelita, napatingin sa kaniya si Lorenzo at natawa ito sa sinabi ng dalaga. Umupo na si Lorenzo saka nagsalin ng tubig sa baso at nilapag iyon sa tapat ni Angelita.

"Wala akong oras para sa bagay na iyan. Masasadlak lamang sa hirap ang sinumang matatali sa akin. Hindi ko na ibig mandamay pa ng iba sa kahirapang aking nararansan" tawa ni Lorenzo, hindi naman alam ni Angelita kung anong dapat sabihin. Hindi niya rin alam kung anong dapat maramdaman. Masaya siya na walang ibang napupusuan si Lorenzo pero malungkot din siya dahil hindi nito nararamdaman ang kaniyang pagtingin.

"Ikaw? Hinihikayat ka na ba nila Aling Pacing na mag-asawa?" nakangiting tanong ni Lorenzo kay Angelita. Madalas silang magbiruan ng ganoon kung kaya't para kay Lorenzo ay wala lang iyon. Isa lang ito sa mga tuksuhan nilang dalawang magkaibigan.

Napaiwas ng tingin si Angelita kay Lorenzo sabay inom ng tubig. Namumula ang kaniyang mukha. Bata pa lang ay humahanga na siya kay Lorenzo, lalong lumalim ang kaniyang nararamdaman nang sila ay magbinata at magdalaga na.

"Sabagay, ibig mag-mongha ni Amalia. Ikaw na lang ang pag-asa nila upang magkaroon ng apo" patuloy ni Lorenzo habang nakangiti pa rin. Animo'y tinutukso nito si Angelita. Napatikhim na lang si Angelita, naisip niya na hindi pa siya ganoon kahanda pag-usapan ang bagay na iyon lalo na sa harapan ni Lorenzo dahil sumasabog ngayon ang kaniyang puso.

"S-siya nga pala, hindi ba't may usap-usapan na may mga mahihiwang nilalang sa gubat na sakop ng lupain ng pamilya Garza? Ang tinutukoy ko ay sa bahaging ilog doon" wika ni Angelita, napatingin lang sa kaniya si Lorenzo. Hindi ito naniniwala sa mga gano'ng bagay.

"Huwag mo sabihing ibig mong magtawag ng mga engkanto roon? Anong nangyari sa atin noong ginawa natin iyon noon?" paalala ni Lorenzo, natawa pa ito dahilan para matawa na lang din si Angelita. Noong sampung taong gulang sila ay naisipan nilang magtungo sa gubat at magtawag ng mga engkanto. Magkakasama silang tatlo, sina Lorenzo, Santino at Angelita.

Nahuli sila ng pangkat ng mga prayle na naglalakbay mula Norte na napadaan doon. Dinala sila sa simbahan at pinagdasal ng tatlong araw maghapon upang itaboy ang masamang espiritu at gano'ng paniniwala. Halos mamaga ang mga tuhod nila sa maghapong pagluhod at mula noon ay hindi na naniwala ang magkapatid na Cortes sa mga mahihiwagang nilalang.

Napasandal na lang si Angelita sa silya, iba siya sa dalawa. Naniniwala siya sa mga mahihiwagang nilalang lalo na sa kagubatan. Nakadagdag din sa kaniyang paniniwala ang nakitang kakaibang lalaki sa ilog.

"O'siya, kung sakaling makadaupang-palad mo ang isang engkanto o diwata. Ano ang iyong gagawin?" tanong ni Lorenzo, ibig niyang pagbigyan ang kahibangan ng kaibigan. Napangiti si Angelita saka napaisip nang malalim.

"Ibig kong humiling" tugon niya. Tumango si Lorenzo, kahit sino naman ay ibig humiling sa mga makapangyarihang nilalang. Tao man o hindi.

Nakatingin lang si Lorenzo sa kaniya na parang hinihintay nito kung ano ang ibig niyang hilingin. Umiling si Angelita saka tumawa. "Hindi ko ibig sabihin sa iyo. Baka hindi pa matuloy. Hindi naman ikaw ang mahiwagang nilalang na nakita ko" wika ni Angelita, tumango-tango na lang si Lorenzo. Ilang beses na niyang narinig ang mga sinasabi ni Angelita tungkol sa mga mahihiwagang bagay na paborito nitong basahin at panoorin sa mga dulaan.

"Nasaan na ba sina Berning at Tadeo? Ako'y nagugutom na" pag-iiba ni Lorenzo sa usapan. Nakahain na sa mesa ang mainit na pansit at kompleto na rin ang mga kubyertos.

Sa wakas ay dumating na ang dalawa, kagagaling lang ni Berning sa kwartel ng mga guardia. Isang linggo na siyang namamasukan doon bilang taga-alaga ng mga kabayo. Magpapanggap siyang guardia civil sa linggo upang makapasok sa fuerza de Santiago.

Si Tadeo naman ay galing sa mansion ng pamilya Garza, naghatid sila ng mga kaban ng bigas. Minamatyagan na niya ang bawat pasikot-sikot sa loob ng mansion. Nasa byahe pa pabalik sa Maynila galing Europa ang mag-amang Garza kaya ang mayor doma lang ang namamahal sa mansion nito.

Naupo na sila sa pabilog na mesa, nagbiro pa si Tadeo na bibig lang nila ang gagalaw dahil baka matumba ang pagewang-gewang na mesa. Nagsimula na silang kumain, madalas nilang punahin ang pag-aayos ni Angelita. Tinutukso nila ito na malapit nang mag-asawa.

Nang matapos sila kumain ay ipinakita at ipinaliwanag na ni Lorenzo ang magiging plano sa gagawin nilang paglusob sa bilangguan sa linggo upang sagipin si Santino. Sina Lorenzo at Tadeo ang maghahagis ng pampasabog sa bilangguan. Lulusob ang mga rebelde upang magkagulo sa loob. Si Berning ang magpapanggap na guardia at magtatakas kay Santino.

Si Angelita naman ang nakaabang sa malayo at siyang mag-aabang sa paglabas nina Santino at Berning. Babarilin o papanain niya ang sinumang kalaban na hahabol sa dalawa at sa sinumang tumatakas na tulisan.

Nang gabi ring iyon, hindi makatulog si Angelita. Alas-diyes na nang gabi. Ilang ulit siyang nagpaikot-ikot sa kama. Ginugulo siya nang mahiwagang nilalang na nakita niya sa ilog. Ngunit hindi niya maintindihan kung paano nangyari iyon. Hindi naman siya nalunod.

Bumangon na si Angelita, napatingin siya sa gasera na nakapatong sa tukador. Hindi siya nakakatulog nang walang kahit katiting na liwanag sa kwarto. Binuksan niya ang aparador at nagsuot ng itim na talukbong. Kinuha niya ang pana at gasera saka maingat na lumabas sa silid.

Mabilis niyang tinahak ang daan patungo sa kagubatan. Batid niya sa sarili na hindi siya matatahimik sa oras na hindi niya subukang magtungo roon at tawagin ang engkanto na bumabagabag sa kaniyang isipan.


MALIWANAG ang screen ng laptop ng isang lalaking seryosong nagsusulat. Tinatapos niya ang sinusulat na nobela. Na-publish na ito at ngayon ay pinapaayos sa kaniya ang lahat para sa gagawing movie adaptation. Alas-diyes na nang gabi. Mag-isa lang siya sa loob ng madilim na single room na inupahan ng kanilang company para sa team building.

Hindi alintana ng lalaki ang ingay mula sa labas kung saan nagkakantahan sa karaoke ang mga kasamahan niya sa trabaho. Nakasalpak sa kaniyang magkabilang tenga ang earphones. Sunod-sunod ang pagdating ng mga panibagong case ng alak. Kada taon ay may team building sa isang resort na handog ng kompanyang pinagtatrabahuan niya.

Graphic artist siya sa isang media company. Author din siya ng ilang nobelang na-publish na. Karamihan sa mga sinusulat niya ay may trahedya at may malulungkot na wakas.

Napatigil ang lalaki sa pagtipa sa keyboard ng kaniyang laptop nang tumawag ang kaniyang editor. Sinagot niya ang tawag nito.

"Hi, Marcus! Sorry to bother you" panimula ni Ms. Crystal, magiliw ang pananalita nito.

"Anyway, I can't wait to tell you that Sir Ramon is looking forward to your new novel. Nabasa na niya ang first draft. He wants to see you on Friday"

Napatingin si Marcus sa date and time sa gilid ng kaniyang laptop. June 9, 2015. "He can't make it on your booksigning sa saturday. Are you available on Friday?" patuloy ni Ms. Crystal.

"I'll be there" tipid na sagot ni Marcus. Tuwang-tuwa si Ms. Crystal mula sa kabilang linya. Hindi naman ito naghihinanakit sa pakikitungo ni Marcus. Tipid magsalita at hindi lang talaga palakibo si Marcus Felix Vasquez.

Ibinaba na ni Marcus ang phone. Nakaupo siya sa kama at nakasandal sa pader. Mas lalong lumakas ang ingay mula sa labas. Kumanta ng Mambo No. 5 ang boss nila. Tumayo na si Marcus at naisipan niyang maglakad-lakad sa labas.

Napatigil siya nang hinarang siya ni Mike sabay abot ng beer. "Bro, isa lang oh" aya ni Mike pero tumanggi si Marcus. "Sige na nga, masakit pala ulo mo kanina" saad ni Mike sabay bawi ng beer at inilapag iyon sa tabing mesa.

"Saan ka pupunta?" tanong ni Mike kay Marcus, "Diyan lang" tipid na sagot ni Marcus habang patuloy sa pagbaba sa maliliit na hagdan ng resort. Sinundan lang siya ng tingin ni Mike hanggang sa makababa ito at nilagok na lang niya ang hawak na beer.

Iniwasan ni Marcus dumaan sa area kung saan naroon ang mga katrabaho niya. Siguradong aayain siyang uminom ng iba. Sumakit ang ulo niya kanina kaya pinili niyang uminom ng gamot at matulog. Nang magising siya ay nagpatuloy siya sa pagsusulat para maipasa na niya ang final draft ng kaniyang bagong nobela.

Dumaan siya sa likod ng resort, tama lang ang bilis ng lakad niya habang nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa kaniyang bulsa. Puting t-shirt na may disenyo ng wolf na simbolo ng House Stark ng Game of Thrones. Blue shorts na hanggang ibabaw ng tuhod at black crocs slippers. Suot niya rin ang Nike cap na kulay puti.

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa matanaw ang isang mabatong ilog. Naupo si Marcus sa isang malaking bato at sandaling pinagmasdan ang pag-agos ng ilog. Maliwanag din sa bahaging iyon dahil nagkalat ang mga dilaw na bumbilya na nakasabit sa mahabang wire na animo'y mga alitaptap sa paligid.

Kinuha ni Marcus ang phone niya saka pinagmasdan ang huling text ni Pia. Matagal na silang magkaibigan ni Pia. Magkababata sila, magkaklase mula elementary hanggang high school. Magkaiba sila ng kursong kinuha pero sa parehong University sila nagtapos.

Are you in?

Ang tinutukoy ni Pia sa text ay kung makakapunta ba si Marcus sa birthday party ng boyfriend nitong si Henry sa susunod na linggo. Kaninang umaga pa ang text na iyon, hindi niya pa nirereplayan. Hindi dahil sa ayaw niya kundi dahil sa hindi niya alam ang sasabihin. Matagal na siyang may gusto kay Pia pero hindi siya nito nararamdaman.

Huminga na lang nang malalim si Marcus saka nagsimulang mag-type sa phone.

I'll try.

Ibinulsa na niya ang phone saka tumayo. Babalik na lang sana siya sa kwarto at magpapatuloy sa pagsusulat ngunit napansin niya ang isang lampara na nakapatong sa malaking bato na hindi naman niya napansin kanina. Nasa tabi rin nito ang isang lumang libro.

Tiningnan ni Marcus ang paligid. Nakapagtataka na may lampara at libro sa gitna ng mabatong ilog. Naisip ni Marcus na baka nga may nakaiwan talaga ng gano'n doon. Kinuha niya ang libro at binuklat iyon. Walang nakasulat sa mga lumang pahina nito.

Kukunin na rin sana niya ang lampara ngunit nagtaka siya nang makita ang paandap-andap na liwanag nito. Wala namang hangin kung kaya't hindi niya maintindihan kung bakit tila pinapatay ng hangin ang apoy sa lampara.

Sa sandaling iyon ay tuluyan nang namatay ang sindi ng lampara. Dumilim ang paligid, napatayo nang tuwid si Marcus hanggang sa muling sumindi nang kusa ang lampara na nakapatong sa bato. Hawak niya pa rin ang libro sa kabilang kamay at patuloy ang pag-agos ng tubig sa ilog.

Napailing na lang siya sa sarili. Naisip niya na baka side effect iyon ng ininom niyang pain reliever kanina kaya kung anu-anong nakikita niya. Nagtatakang napatingin si Marcus sa paligid. Wala na ang resort na tanawan sana mula sa ilog. Wala na rin ang tugtugan, sayawan at ingay mula sa mga katrabaho niyang nagkakasiyahan. Wala na rin ang mga dilaw na ilaw na nakasabit sa mga puno.

Nagulat si Marcus nang may narinig siyang kaluskos mula sa mga tuyong dahon ng gubat. Mula roon ay nakita niya ang pagdating ng isang taong nakasuot ng itim na talukbong. May nakasabit na pana sa likod at may hawak itong gasera.

Hindi pa siya nakikita nito dahil abala ang hindi nakikilalang tao sa paghakbang sa malalaking bato. Nang makatuntong na ito sa isang bato, tumingala ito sa langit. Ibinaba ang hawak na gasera saka pinagtapat ang dalawang palad na animo'y nagdadasal.

"Mahabag kayo mahihiwagang nilalang na naninirahan sa kagubatang ito, nawa'y dinggin niyo ang aking kahilingan" panimula nito, boses babae ang nakasuot ng itim na talukbong. Kinuha na ni Marcus ang lampara. Ibig niyang lapitan ito upang tanungin kung saan siya dadaan pabalik sa resort.

Napatigil siya sa paglapit sa babae nang bigla itong lumuhod saka paulit-ulit na dumapa sa batuhan. "Hindi ko ho kayo ibig gambalain. Wala ho akong ibang hangad kundi ang mapatunayan na kayo ay totoo..." napatigil ang babae saka ilang sandaling napaisip.

"H-hindi naman ho sa sinasabi kong hindi kayo totoo at pinagdududahan ko kayo. Ang akin lamang ho ay ibig kong tapusin ang aking pag-aagam-agam" wika ng babae na para bang ibig nitong magpaliwanag dahil baka magkamali ng intindi ang mga tinatawag nitong engkanto.

"Kung kaya't hinihiling ko na makita ko kayo muli. Ako'y naniniwala sa mga nilalang na tulad niyo. Marami akong katanungan at may ibig ho akong hilingin" patuloy ng babae saka dumapa muli. Napaatras si Marcus nang muli na namang napaisip ang babae.

"K-kalimutan niyo ho ang sinabi ko tungkol sa kahilingan. Hindi naman ho ako naparito para sa bagay na iyon. Sumasagi rin iyon sa isip ko ngunit mas higit na dakila ang makita ko kayo" paliwanag nito. Ilang minuto pa ang lumipas.

Napatingin si Marcus sa kaniyang relo, hindi na ito gumagalaw. Pinagmasdan niya muli ang paligid. Sa huling tanda niya ay nanggaling siya sa kaliwang bahagi ng ilog. Naisip niya na hanapin na lang mag-isa ang daan pabalik sa resort.

Tumalikod na siya, hahayaan na lang niya kung sinuman ang taong iyon. Sa isip niya'y baka isa iyon sa mga katrabaho niya na ibig mag-ghost hunt. Napatingin siya sa lampara at libro na hawak niya ngayon. Dadalhin na lang niya ito sa lost and found ng resort.

Ngunit napatigil siya sa paglalakad nang biglang sumigaw ang babae na animo'y tinatawag siya. "S-sandali!" wika nito, napalingon si Marcus dahilan para mas lalong lumaki ang mata ng babae. Hindi niya masyado maaninag ang hitsura ng babae dahil sa suot nitong itim na talukbong.

Dali-daling naglakad ang babae papalapit sa kaniya bitbit ang gasera. Napatigil ito ilang hakbang ang layo sa kaniya. Animo'y umihip ang marahan na hangin at nahawi ang makapal na hamog na humaharang sa pagitan nilang dalawa. Nakatitig sila sa mata ng isa't isa.

Hindi malaman ni Marcus ang gagawin, napaatras na lang siya nang titigan siya ng babae at itapat malapit sa mukha niya ang gasera upang makita ang kaniyang hitsura.

Pinagmasdan din siya nito mula ulo hanggang paa. Halos walang kurap na nakatingin sa kaniya ang babae, mas lalong lumaki ang mga mata nito nang makita ang lamparang hawak niya.

"K-kayo ho ba ang mahiwagang nilalang na nagpakita sa akin dito?" magalang na tanong ng babae, animo'y binagalan pa nito ang kaniyang pananalita. Naniniguro kung ano bang wika ang gagamitin. Muli niyang tiningnan mula ulo hanggang paa si Marcus. Hindi niya maalala kung anong suot ng mahiwagang nilalang na nasa pangitain niya ngunit sigurado siya na asul ang kulay niyon.

Asul ang suot ng short ni Marcus. Napatango siya sa sarili saka muling tumingin kay Marcus. "A-ang ngalan ko ho pala ay Angelita" wika ng babae at akmang luluhod muli sa harapan ni Marcus. Agad siyang pinigilan ni Marcus, hinawakan nito ang balikat niya dahilan para pareho silang magitla sa pangyayaring iyon.

Gulat na napatingala sa kaniya ang babae, "H-hindi ho ako karapat-dapat na inyong hawakan" saad ni Angelita. Binitawan na siya ni Marcus. Sa kaniyang isipan ay baka residente ang babaeng iyon sa probinsya na kanilang pinuntahan.

"Miss, saan 'yung daan papuntang resort?" tanong ni Marcus, nakatitig lang si Angelita sa kaniya. Iniisip niya kung lenggwahe ba iyon ng mga engkanto na may halog tagalog.

Napabuntong-hininga na lang si Marcus. Sa isip niya'y mukhang wala rin siyang makukuhang matinong sagot sa babae kaya tumalikod na lang siya. Ngunit nagulat siya nang humabol sa kaniya ang babae at hinarangan ang kaniyang daraanan.

"Mahiwagang ginoo, sinikap kong makarating dito upang makita kayo muli. Maraming salamat dahil pinaunlakan niyo ako" ngiti ng babae, hindi malaman ni Marcus kung bakit malalim magsalita ng tagalog ang babae. Sanay din naman sa malalim na tagalog si Marcus lalo na sa mga nobelang sinusulat niya ngunit hindi iyon karaniwan na ginagamit sa pakikipag-usap sa iba.

"Miss, hindi ako ang tinutukoy niyo. Nagkakamali kayo" saad ni Marcus, pinakibagayan na niya ang pananalita ng babae. Gusto sana niya ulit tanungin kung saan ang daan pabalik sa resort pero naisip niyang 'wag na lang.

Nagpatuloy na siya sa paglalakad. Pero muli siyang hinarang ng babae. "Kung gayon, bakit hawak mo ang lampara?" tanong ng babae sabay turo sa lampara. Tiningnan naman iyon ni Marcus, naisip niya na baka ang babaeng iyon ang nakaiwan ng lampara at lumang libro sa ilog. Inabot niya sa babae ang lampara at libro saka nagpatuloy na sa paglalakad.

Weird para sana kaniya ang lampara at libro, siguradong pag-aari rin iyon ng weird na babae na nakasuot ng itim na talukbong. Naglakad na si Marcus sa kagubatan habang nakasuksok ang kaniyang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng kaniyang short.

Sinundan siya ng tingin ni Angelita habang yakap-yakap nito ang libro. Gusto pa sana niyang habulin ang inaakalang mahiwagang nilalang ngunit naalala niya na malamig at matapang ang pakikitungo ng mga ito sa tao. Natatakot siyang kulitin ang nilalang na iyon dahil baka magalit ito, isumpa siya at gawing daga.

Naglakad na pabalik si Angelita sa Panciteria. Binuklat niya ang lumang libro pero walang nakasulat doon. Humiga na lang siya sa kama saka pilit na ipinikit ang mga mata kahit pa hindi pa siya dinadalaw ng antok.

Samantala, nagsimula nang kabahan si Marcus. Panay ang kamot niya sa kaniyang ulo habang mabilis na naglalakad sa kagubatan. Ilang beses na rin siyang nakabalik sa ilog at susundan muli ang dinaanan niya. Pakiramdam niya ay tuluyan na siyang naligaw.

Kinuha niya ang phone sa bulsa ngunit hindi ito mabuksan. Ang huling tanda niya ay hindi pa naman lowbat ito. Ibinalik na lang niya sa bulsa ang phone. Nabagsak na ito ng kapatid niyang si Fate dati kaya kung minsan ay namamatay ito nang kusa.

Naupo na lang si Marcus at sumandal sa puno. Mahigit isang oras na siyang naliligaw sa gubat. Pagod na pagod at pawis na siya. Isinandal niya rin ang kaniyang ulo sa puno. Sumasakit na rin ang ulo niya, ibig na niyang matulog ngunit nangangamba siya na baka nag-aalala na rin ngayon ang mga katrabaho niya kung nasaan siya.


NAALIMPUNGATAN si Marcus dahil sa ingay ng mga lalaking nagkwekwentuhan. May mga bitbit silang pala at pang-araro sa sakahan. Agad siyang tumayo at sinalubong ang mga lalaki. Sa kaniyang paningin ay mga magsasaka.

"Pwede ko po bang malaman kung nasaan 'yung resort dito?" tanong niya, pinagmasdan siya ng mga lalaki mula ulo hanggang paa. Hindi maunawaan ng mga ito kung anong klaseng kasuotan ang suot ni Marcus. Hindi tuloy nila alam kung nabibilang ito sa alta-sociedad.

Nagkatinginan ang apat na lalaki. Nasa edad apatnapu na sila. "Mabuti pa kamo ika'y magtanong sa bayan" suhestiyon ng isa saka nagpatuloy na sila sa paglalakad. Napalingon ang isang magsasaka sa kaniya, "Patungo kami sa bayan, tila naligaw ka rito sa kagubatan hijo, sumabay ka na sa amin" wika nito.

Sumunod na lang sa kanila si Marcus, tahimik lang ito. Napansin ni Marcus na malayo na ang nalalakad nila pero naisip niyang mas mabuti nang pumunta na lang siya sa bayan. Maghahanap siya ng convenience store kung saan siya pwedeng mag-charge ng phone para matawagan na niya ang mga katrabaho niya.

Pagdating nila sa bayan. Tila mas lalong naging magulo ang lahat kay Marcus. Lupa pa ang kalsada. Ang mga bahay ay gawa sa kahoy. Natanaw na rin niya sa malayo ang pamilihan na ngayon ay marami na ring mga tao. Alas-siyete na ng umaga.

"Ito na ang bayan hijo" wika ng isang magsasaka at nagpatuloy na ito sa gitna ng pamilihan. Napatulala si Marcus sa paligid, ang mga lalaki ay nakasuot ng kamiso, ang iba naman ay itim o puting abrigo. Ang mga babae ay naka-baro't saya. Naghahari rin sa kalsada ang mga kalesa.

"Puñales!" sigaw ng isang kutsero dahil nasa gitna ng kalsada si Marcus, muntik pa itong masagasaan. "Tumabi ka riyan!" patuloy nito. Dumungaw sa kalesa ang isang Don na malaki ang tiyan at bihis na bihis. "Ano ba iyan? Iyo nang sagasaan ang mga humaharang sa aking daan" tanong ni Don Severino. Nagpaliwanag ang kaniyang kutsero.

Napatabi sa gilid si Marcus, matalim lang ang tingin sa kaniya ng Don. Napahawak na lang sa ulo si Marcus. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari. Nakalagpas na ang kalesa. Nabalot ng alikabok ang paligid na mula sa malaking kalesa ni Don Severino.

Nang humupa ang alikabok napatulala si Marcus sa malaking tindahan sa kabilang kalsada. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang dapat maramdaman nang mabasa niya ang nakasulat sa karatula ng tindahan. Panciteria Ala Pacita

Marami ng tao sa Panciteria. Karamihan ay mga trabahador na ibig mag-almusal bago magtungo sa kani-kanilang mga trabaho. Tulalang tumawid sa kalsada si Marcus dahilan upang mapatigil ang mga kabayo at mas dumami ang nagalit sa kaniya na mga kutsero at pasahero.

Ngunit hindi niya alintana ang lahat ng iyon dahil nakatutok lang siya sa Panciteria na bahagi ng isinulat niyang nobelang Salamisim. "Magandang umaga---" hindi na natapos ni Lolita ang sasabihin nang makita ang bagong pasok na lalaki sa Panciteria.

Pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa. Nababalot na ng lupa at alikabok ang lalaki. Naroon din ang ilang piraso ng dahon at maliliit na sanga ng kahoy na sumabit sa kaniyang damit. Hindi rin malaman ni Lolita kung paano dapat patunguhan ang lalaki dahil hindi niya mawari kung anong klase ang pananamit nito.

Sa huli ay pinili na lang niyang tawagin ito at ituring na negosyanteng dayuhan. "A-ano ho ang maipaglilingkod namin sa inyo, ginoo?" tanong ni Lolita dahilan para matauhan si Marcus.

Hindi niya batid kung siya'y nananaginip o ano. "Nananaginip ba ako?" tanong ni Marcus sa sarili habang tulala sa mga taong masayang kumakain sa Panciteria. Nagtaka si Lolita sa sinabi ng lalaki, hindi niya ito naintindihan. Hindi nananaginip ang mga karakter kaya wala siyang ideya sa salitang iyon.

"Kayo ho ba ay kakain dito?" tanong muli ni Lolita. Sa hitsura pa lang ni Marcus ay parang wala itong pambayad. Hindi naman gustong maging bastos ni Lolita. Ayaw niyang masira ang pangalan ng Panciteria.

Tumingin si Marcus kay Lolita. "Panciteria ba ito ni Aling Pacing?" tanong niya, tumango si Lolita sabay turo sa kusina. "Opo, pag-aari nila ni Mang Pedro. Kayo ho ba ay sumadya rito dahil sa tanyag ang Panciteria na ito?" usisa ni Lolita. Hindi niya mawari kung bakit tila ngayon lang nakakita ng Panciteria ang lalaki. Sa isip niya'y matagal itong nanirahan sa bundok at ngayon lang nakarating sa bayan.

Napahawak sa noo si Marcus. Sina Aling Pacing at Mang Pedro ay ang mag-asawang karakter sa kwentong ginawa niya. Gulat siyang napatingin sa dalagita, kung hindi siya nagkakamali ay posibleng iyon si Lolita na anak ng kusinera na si Aling Lucia. Bago pa makapagsalita si Marcus ay may babaeng tumawag kay Lolita.

"Lolita, samahan mo ako sa palimbagan ng---" hindi na natapos ni Angelita ang sasabihin niya dahil pareho silang napatigil ni Marcus at gulat na nakatingin sa mata ng isa't isa.

Sa pagkakataong iyon ay naalala ni Marcus ang pangalang binanggit sa kaniya ng babaeng iyon kagabi. Angelita, isa sa mga karakter sa kwento na may pagtingin kay Lorenzo at magiging hadlang sa pagmamahalan ng mga pangunahing karakter.

Naglakad si Lolita papalapit kay Angelita at pa-simpleng bumulong, "Tila wala sa katinuan ang lalaking iyan" natauhan si Angelita, siya ang unang umiwas ng tingin kay Marcus. Kinakabahan siya kung hinahanap ba siya ng mahiwagang nilalang upang parusahan sa panggugulo niya kagabi sa gubat.

Agad niyang sinagi si Lolita, "Mag-ingat ka sa iyong sinasabi. Baka ikaw ay masumpa at maging daga" bulong niya pabalik. Napakunot naman ang noo ni Lolita, hindi niya naintindihan kung anong ibig iparating ni Angelita.

Napatigil sila sa pagbubulungan nang may manong na humingi ng sabaw. Mabilis na inasikaso iyon ni Lolita. Dahan-dahang naglakad si Angelita papalapit kay Marcus, pinili niyang ngumiti upang kahit papaano ay mapatawad siya ng mahiwagang nilalang.

Magsasalita sana siya ngunit biglang lumabas si Aling Pacing sa kusina, "Angelita, ihatid mo na iyan sa palimbagan" utos nito. Nakalimutan ni Angelita ang hawak niyang bilao ng pansit na ihahatid niya sa palimbagan, binayaran ito ni Mang Tino kaninang madaling araw.

Lumingon si Angelita kay Aling Pacing na abala sa paghahatid ng pagkain, "O-opo, inay" tugon niya saka lumabas sa Panciteria. Naiwan si Marcus sa loob, agad sinenyasan ni Angelita si Marcus na lumabas doon. Hindi alam ni Marcus kung dapat ba siyang lumabas doon at sumunod kay Angelita, ngunit sa huli ay lumabas na lang din siya. Si Angelita ang unang nakakilala sa kaniya kagabi.

"Mahiwagang ginoo, ano ang iyong pakay dito sa lupa?" nakangiting tanong ni Angelita ngunit sa likod ng mga ngiting iyon ay kinakabahan na siya, tiyak na mapaparusahan siya kung sakaling nagambala nga niya ito.

Nagsimula na silang maglakad. "Ako'y nangangamba na baka magalit kayo sa isang abang nilalang na tulad ko dahil ginambala ko ang inyong tahanan kagabi. Kung kaya't ibig kong humingi ng paumanhin" patuloy ni Angelita, gulong-gulo pa rin ang isip ni Marcus. Naaamoy niya rin ang bango ng pansit na dala ni Angelita. Nagugutom na siya. Mula nang dumating sila sa resort kahapon ng tanghali ay hindi pa siya kumakain.

Sa kabila ng kaniyang pagkagutom, ibig niyang linawin ang mga pangyayari. "Nasaan tayo?" tanong niya, animo'y nabuhayan si Angelita dahil narinig niya muli ang boses ng inaakala niyang engkanto. "Narito ho tayo sa Maynila"

Sa Maynila nga ang pinaka-sentro na lugar ng istorya ni Marcus. "S-sinu-sino kayo sa Panciteria?" tanong nito, tinatahak na nila ang gitnang kalsada ng pamilihan. May ilang taong napapatingin kay Marcus dahil sa suot nito. Napansin iyon ni Angelita.

"Mahiwagang ginoo, bakit hindi ho kayo magpalit ng kasuotan? Ganiyan ho ba ang damit niyo sa inyong kaharian?" tanong ni Angelita, doon lamang napagtanto ni Marcus ang kakaiba niyang suot. "M-mamaya na lang" tugon niya. Napatango si Angelita.

Napaisip si Angelita sa tinanong ng mahiwagang ginoo tungkol sa mga taong nagtatrabaho sa loob ng Panciteria. Higit siyang maingat kapag Panciteria na ang tinutukoy dahil halos lahat ng naroon ay kasapi sa rebeldeng grupo.

Napansin ni Marcus na parang ayaw sagutin ni Angelita kung sinu-sino ang mga nasa Panciteria. Ibig lang naman niya alamin kung nakapasok nga siya sa loob ng kwentong isinulat niya. Hindi nagtagal ay narating na nila ang palimbagan ng mga dyaryo, naiwan sa labas si Marcus.

Tumuloy si Angelita sa loob, inabot niya kay Mang Tino ang bilao ng pansit na ibig nitong ipakain sa mga kaibigan dahil kaarawan niya. Kumaway si Angelita kay Lorenzo na abala sa maghahakot ng mga dyaryo. Ngumiti naman pabalik sa kaniya ang binata.

Paglabas niya ng Panciteria, naabutan niya si Marcus sa labas. Tulala pa rin ito sa paligid. Kinakabahan pa rin siya, pilit pinakalma ang sarili na kung sakaling nagalit sa kaniya ang mahiwagang nilalang ay dapat siyang humingi ng tawad at mag-alay ng kung anu-ano. Lumapit siya kay Marcus, "Mahiwagang ginoo---" hindi na niya natuloy ang sasabihin niya dahil narinig niya ang pagkalam ng sikmura ni Marcus.

Maging si Marcus ay nahiya, hinawakan niya ang kaniyang tiyan. Napangiti muli si Angelita, sa isip niya ay magandang pagkakataon ito upang paboran ng engkanto. Ang sabi nila, kapag natuwa raw sayo ang mahihiwagang nilalang, malaki ang pabuyang matatanggap ng sinumang maswerteng taong iyon.

"Ibig niyo ho ba kumain?" ngiti ni Angelita, hindi pa man nakakasagot si Marcus ay dinala na niya ito sa isang kainan. Naisip niya na sa Panciteria niya sana pakainin ito para hindi na siya gumastos ngunit siguradong magiging laman sila ng usap-usapan.

Sa isang kainan ng intsik niya dinala ito, nakaupo sila sa pandalawahang mesa, magkatapat at nasa tabi ng bintana. Si Angelita ang nagsabi ng mga pagkain, nakatingin lang sa kaniya si Marcus. Nang makaalis na ang intsik ay muli niyang hinarap ito.

"Mahiwagang ginoo, paumanhin kung ito lang ang makakaya kong ihandog sa inyo" wika niya, hindi sapat ang kaniyang pera para pakainin ito sa mamahaling hotel de oriente. "Wag mo na akong tawaging mahiwagang ginoo" saad ni Marcus sabay inom ng tubig.

Hindi pa rin malinaw sa kaniya ang lahat ngunit sa ngayon ay ibig niyang makakain muna. Wala siyang pera at si Angelita lang ang makakatulong sa kaniya. Hindi niya ibig na lokohin ito at paniwalaain na isa siyang engkanto ngunit kailangan niyang mabuhay at makabalik sa kaniyang mundo.

Hindi alam ni Angelita kung mabuting bagay ba ang sinabi ni Marcus o dapat ba siyang matakot dahil isang babala iyon na nakukulitan na ang mahiwagang nilalang. "A-ano ho ang itatawag ko sa inyo?" tanong niya saka nilunok ang sariling laway.

Napakagat sa labi si Marcus habang nakatingin sa bintana. Hindi niya pwedeng sabihin ang totoong pangalan niya. Dumaan ang apat na kalesa sakay ang walong prayle. Sa pinakahuling kalesa ay naroon ang Santo na si San Sebastian, ang patron ng mga atleta at pamamana (Archery).

"S-sebastian" wika ni Marcus. Napangiti at napatango si Angelita saka lumapit ng kaunti sa mesa upang bumulong sa kaniya. "Masusunod ho mahiwagang ginoo. Mula ngayon ay tatawagin ko kayong Ginoong Sebastian" ngiti nito, umiwas na lang ng tingin sa kaniya si Marcus. Magiliw at mabait si Angelita ngunit unti-unti itong mapapalitan ng sama ng loob at paninibugho dahil kay Lorenzo at Maria Florencita sa mga susunod na kabanata.

Dumating na ang mga pagkain. Masayang sinusulyapan ni Angelita si Marcus habang kumakain ito ng marami. Sa isip niya ay marami siyang gantimpalang matatanggap dahil napasaya at nabusog niya ang mahiwagang nilalang.

"Ginoong Sebastian, maaari ho ba akong magtanong?" panimula ni Angelita, tumango lang si Marcus. "Ano ho ang sinabi niyo sa akin kagabi? May pupuntahan kayong resot? Hindi ko ho narinig nang malinaw" patuloy ni Angelita, napatigil si Marcus sa pagkain saka napatingin sa dalaga. Hindi niya alam kung matatawa ba siya sa sinabi nito. Ngunit hindi siya 'yung tipo tumatawa o ngumingiti sa harap ng iba.

"Wala iyon" tugon niya saka nagpatuloy sa pagkain. Kumain na rin si Angelita ngunit busog pa siya dahil kaka-almusal niya lang kanina bago siya lumabas sa Panciteria at naabutan si Lolita kausap ang mahiwagang nilalang.

"Pagkatapos ho ba nito, babalik na kayo sa kaharian niyo?" usisa ni Angelita, abala sa pagkain si Marcus ngunit napaisip din ito. Hindi niya alam kung paano siya makakalabas sa Salamisim. "Hindi. Dito na muna ako" saad niya, maging siya ay walang ideya kung anong magiging kapalaran niya sa mundong ito.

Ngumiti si Angelita saka sumandal sa silya, "Maaari niyo namang gamitan ng mahika ang lahat at magpatayo ng hacienda rito. Maganda rito sa aming bayan. Tiyak na manliit sina Don Florencio, Don Severino at Don Antonio sa oras na malaman nila na may ibang mas mayaman kaysa sa kanila" tawa ni Angelita. Animo'y panalo na siya dahil makapangyarihan ang amo niya.

Napatigil si Marcus sa pagkain saka tulalang napatingin kay Angelita. Para itong tuta na nakatingin sa kaniya. Unti-unting nawala ang ngiti ni Angelita, sa tingin pa lang ni Marcus ay malinaw na wala itong kakayahan na gawin iyon.

"Bakit ginoo? Wala kayong kapangyarihan dito sa lupa?" gulat niyang tanong, napalunok na lang si Marcus sabay inom ng tubig. Hindi nakasagot si Marcus, mukhang nabuking na siya. Napabagsak na lang ang balikat ni Angelita. May ibig pa naman sana siyang hilingin sa mahiwagang nilalang kaya ginastos na niya ang naipon niyang pera para pakainin ito.

"Paumanhin" iyon lang ang nasabi ni Marcus. Paumanhin dahil hindi niya nilinaw ang paniniwala ni Angelita sa kaniya at paumanhin din dahil ibig niya itong tulungan siya mabuhay sa mundong ito. Sandaling natahimik si Angelita, naalala niya na ang lahat ng nagtitiis at nagsasakripisyo ay nagagantimpalaan ng malaki sa huli.

Napabuntong-hininga si Angelita, naalala niya rin na maaaring kaya nasa lupa ngayon ang mahiwagang nilalang ay dahil tinawag niya ito sa tahanan nito sa kagubatan. "Ginoo, paumanhin din. Maaaring nangyayari sa inyo ito dahil tinawag ko kayo" panimula ni Angelita, napatingin sa kaniya si Marcus.

"Hindi dapat kayo naririto. Ngunit ginambala ko kayo sa inyong kaharian. Huwag niyo sana akong parusahan" pakiusap ni Angelita, nakadaop-palad siya, buong pusong humihingi ng patawad kay Marcus. Hindi nakapagsalita si Marcus, ayaw niyang gamitin si Angelita ngunit naalala niya ang nakakatakot na karanasan niya kagabi mag-isa sa kagubatan. Ayaw niyang maiwang mag-isa muli sa gubat. Kahit papaano ay panatag siya kasama si Angelita.

"Upang makabawi ako sa inyo ginoo. Hahanapan ko kayo ng matitirhan" wika ni Angelita, nagkataon na tapos na rin sila kumain. Binayaran na niya ang lahat. Tatanggi sana si Marcus ngunit lumabas na si Angelita sa kainan at agad itong sumenyas na sumunod sa kaniya.


NAKARATING sila sa aklatan. Sandaling pinagmasdan ni Marcus ang tindahang iyon. "Kaibigan ko ang nangangasiwa sa aklatan na ito. Si Don Antonio ang may ari ngunit hindi namin iyon nagtutungo rito" panimula ni Angelita saka nauna nang pumasok sa loob.

"Niyong!" tatlong ulit niyang tinawag ang pangalan ni Eugenio hanggang sa lumabas ito sa palikuran. "Anong bibilhin mo, ate Lita?" tanong ni Niyong, saka nagpagpag ng kamay. Sumunod si Marcus sa loob.

"Maaari bang tumuloy dito ang..." napatigil si Angelita saka napatingin kay Marcus. Doon lang pumasok sa kaniyang isipan kung ano ba dapat ang pakilala niya rito. "Ang aking kaibigan" dugtong ni Angelita sabay ngiti nang pilit upang huwag mag-isip ng kung ano si Niyong.

"Kailangan ko muna siyang ipagpaalam kay Don Antonio" saad ni Niyong saka lumapit kay Marcus. "Marami ho ba kayong nalalaman ukol sa mg aklat? Marunong ho ba kayong magbasa at sumulat? Marunong din ho ba kayo magsalita ng wikang Kastila?" sunod-sunod na tanong ni Niyong. Tumango lang si Marcus na parang hindi siya sigurado ngunit wala siyang magagawa kundi tumango na lang.

Balak pa sanang usisain ni Niyong si Marcus ngunit mas matanda ito sa kaniya kaya hindi na niya tinuloy. Bumulong siya kay Angelita, "Ngayon ko lamang nakita ang kaibigan mong iyan ate Lita"

"Matagal ko na siyang nakilala sa daungan. Isa siyang dayuhan. Sa aking palagay ay may mahalaga siyang tungkulin dito sa ating bayan" bulong ni Angelita, ibig niyang paniwalain si Niyong na mahalagang tao si Marcus upang hindi niya ito kausapin ng pabalang dahil baka siya sumpain at maging daga.

Tumango ng tatlong ulit si Niyong, "Ipapakilala ko kayo mamaya ginoo kay Don Antonio. Sa aking palagay ay mas mabuti magkaroon ng katuwang dito sa aklatan" wika ni Niyong saka inabot ang palad kay Marcus.

"Niyong ho pala" pakilala nito. Napatingin muna si Marcus kay Angelita na ngumiti at sumenyas na makipagkamay kay Niyong. Kinamayan niya ang binatilyo.

"Sebastian" wika niya saka muling tumingin kay Angelita na ngayon ay nakangiti rin dahil nagawan niya ng paraan upang magkaroon ng matutuluyan ang mahiwagang nilalang.


ARAW ng linggo, alas-sais pa lang ng gabi ay nakahanda na ang lahat. Suot nila ang itim na kamiso at itim na pantalon. Nakapusod din ang buhok ni Angelita na nakatago sa suot niyang salakot. "Sa oras na marinig niyo ang malakas na pagsabog, iyon na ang hudyat ng paglusob" panimula ni Lorenzo. Nasa gubat sila, halos limampung kalalakihan na kasapi rin sa rebelde ang taimtim na nakikinig sa kaniya.

"Kuwitis ang senyales na naitakas ni Berning si Santino. Sa oras na matanaw niyo na ang pagsabog ng kuwitis. Tumakas na tayo patungo sa kagubatan" patuloy ni Lorenzo sabay tingin kay Angelita, siya ang nakatalaga sa mataas na bahagi ng isang tindahan kung saan papasabugin niya ang kuwitis at sisiguraduhing mabaril ang mga guardia na hahabol sa kanilang kasamahan.

Tumango na siya sa lahat at sinuot na nila ang itim na tela pangtakip sa kanilang mukha at hiwa-hiwalay na nagtungo sa naplanong lugar kung saan sila magtitipon na nasa palibot ng fuerza de Santiago.

Alas-nuwebe na ng gabi, tahimik ang paligid. Mag-isa si Angelita sa bubong ng isang tindahan na may dalawang palapag. Nakadapa siya at nasa tabi niya ang lubid na nagdudugtong sa paputok na papasabugin niya mamaya.

Ilang sandali pa narinig na niya ang malakas na pagsabog sa bilangguan. Inihanda na niya ang mahabang baril at inabangan ang paglundag nina Berning at Santino sa mataas na pader ng bilangguan. Wala pang limang minuto ay natanaw na niya ito. Agad niyang pinaputok ang kuwitis.

Nakita na nina Lorenzo ang pagsabog ng kuwitis. Nasagutan ni Lorenzo sa braso si heneral Roberto at mabilis na umatras ang mga rebelde. Tinugis sila ng mga guardia. Ngunit sa hindi malamang lugar ay isa-isang natutumba ang mga guardia nang dahil sa patagong pamamaril ni Angelita.

Nang gabing iyon ay matagumpay na naitakas ng mga rebelde si Santino. Walo ang sugatan sa limampu na bilang ng mga tulisan. Sampu naman ang mga sugatang guardia at apat ang namatay.


KINABUKASAN, mahigpit ang hukbo sa buong bayan. Ang sinumang makitaan ng sugat ay dadalhin sa bilangguan upang kuwestiyunin. Nagkaroon ng daplis ng bala si Angelita sa kaniyang kaliwang balikat. Mababaw lang naman iyon ngunit sa oras na malaman ng mga guardia na may gano'ng klaseng sugat si Angelita ay siguradong dadalhin ito sa bilangguan.

Ginamot nina Aling Pacing at Lolita ang sugat ni Angelita nang gabing iyon. Halos mamilipit sa sakit si Angelita habang kagat ang isang makapal na tela. Tanghali na nang magising siya. Pinapababa ni heneral Roberto ang lahat ng manggagawa sa Panciteria.

Tinulungan ni Lolita magbihis si Angelita. Inayusan niya rin ang mukha nitong namumutla. Hindi nagpaalalay si Angelita pababa ng hagdan upang hindi mahalata ng mga guardia na may masakit sa kaniya.

Siya ang pinakahuling bumaba sa hagdan. Nakatayo na nang maayos ang mga kusinera sa Panciteria. Naroon na rin sina Aling Pacing, Mang Pedro, Aling Lucia at Lolita. Sinundan ni Roberto ng tingin si Angelita hanggang sa tumabi ito kay Lolita.

Isa-isang pinagmasdan ni Roberto ang mga tao sa Panciteria. Animo'y isa siyang aso na naghahanap ng amoy ng dugo mula sa mga taong naroroon. Napatigil siya sa tapat ni Angelita, napansin niya ang butil ng pawis na namumuo sa noo ng dalaga.

"Tila ikaw ay kinakabahan" wika niya, hindi natinag si Angelita. Nakatingin lang siya nang diretso. Nag-aalalang napatingin sa kaniya si Aling Pacing at ang ibang mga kusinera. Alam nilang lahat na may sugat si Angelita ngunit hindi nila ito magagawang ilaglag. Tapat sila sa kanilang samahan.

Samantala, tumatakbo si Marcus patungo sa Panciteria. Batid na niya ang sunod na mangyayari dahil siya ang nagsulat ng nobelang ito. Mahuhuli ni Roberto na may sugat sa balikat si Angelita at dadalhin ito sa bilangguan. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi niya mapapaamin si Angelita. Makakalaya ito sa tulong ng kaniyang ama na si Don Severino. Doon magsisimula ang mga kilos nito upang makuha ang dalaga dahilan upang magpanggap itong lalaki pansamantala.

Mas lalong kumabog nang malakas ang kaniyang puso nang matanaw niya ang mga guardia na nakapalibot sa Panciteria. Naroon din ang kabayo ng heneral.

"Hubarin ang kaniyang kasuotan" wika ni Roberto na ikinagulat ng lahat. Nagsimulang lumuhod ang mga babae maliban kay Angelita upang makiusap na bawiin ni Roberto ang utos niya. Matapang at diretso lang ang tingin ni Angelita sa bintana ng Panciteria na animo'y gagawin niya ang lahat upang hindi iparamdam kay Roberto na siya'y natatakot.

Magsasalita pa sana si Roberto ngunit napatigil siya nang may sumigaw mula sa labas ng Panciteria. "Isang kapahangasan ang ibig mong mangyari! Panghahamak sa kababaihan at pagyurak sa kanilang puri!" sigaw ni Marcus na ikinagulat ng lahat. Maging si Angelita ay napalingon sa kaniya.

"Sino ang dukhang ito?" natatawang tanong ni Roberto saka naglakad papalabas sa Panciteria. Pinagmasdan niya si Marcus na pilit hinaharang ng mga kawal. Nakabihis na ito ng puting kamiso at asul na pantalon. "Sino ka upang hamakin ang opisyal na tulad ko?" nakangisi sa una si Roberto ngunit bigla itong naging seryoso. Hindi naman siya inurungan ni Marcus.

Hindi na niya balak pakialaman ang mangyayari sa takbo ng kaniyang nobela ngunit naalala niya ang kabutihan at tulong ni Angelita sa kaniya. Mahihirapan ito sa pagpapahirap na tatamuhin niya sa loob ng bilangguan. Bukod doon ay ito rin ang magiging dahilan upang guluhin siya ni Don Severino.

"Ikaw ay mananagot sa simbahan. Makakarating ito sa mga prayle at madre" patuloy ni Marcus. Ang sinabi niya iyon ay nakapagpatahimik kay Roberto. Hangga't maaari ay iniiwasan nitong makalaban ang simbahan dahil malaki ang impluwensiya ng mga prayle sa pamahalaan at sa mga mamamayan.

Sandaling tinitigan ni Roberto si Marcus saka ito lumingon sa Panciteria. Matalim na tingin din ang ibinaling niya kay Angelita bago siya sumakay sa kaniyang kabayo at inutusan ang kaniyang kawal na magbantay nang mabuti sa Panciteria at sa buong bayan.

Halos nabunutuan ng tinik sa lalamunan ang lahat nang makaalis na si heneral Roberto. Napatingin si Marcus kay Angelita na ngayon ay tulala at nakatingin din sa kaniya.


BAGO magtakip-silim ay sinadyang dumaan ni Angelita sa aklatan. May dala siyang bilao ng pansit para kay Marcus. Tatlong araw nang namamalagi roon si Marcus at pinayagan ito ni Don Antonio upang may magbantay sa gabi sa aklatan dahil umuuwi si Niyong sa tatay nito.

Sinasara na ni Niyong ang tindahan nang dumating si Angelita, "Nariyan ba si ginoong Sebastian?" tanong niya kay Niyong. Tumango ito ngunit bumulong muna kay Angelita. "Ate Lita, sa aking pakuwari ay may kakaiba sa ginoong iyan"

"Bakit?"

"May mga sinasabi siyang hindi ko maunawaan. Bihira lang din siya magsalita at halos basahin niya ang mga librong naririto" natawa si Angelita sa sinabi ni Niyong.

"Hayaan mo na siya. Sinasabi ko sayo, magkakaroon ka ng malaking gantimpala kapag naging mabuti ka sa kaniya" bulong ni Angelita, tumango naman si Niyong.

"Halika, paghatian niyo ni ginoong Sebastian ang pansit na ito, iuwi mo rin sa iyong itay ang kalahati" ay ani Angelita at sabay silang pumasok sa loob ng aklatan.

Naabutan ni Angelita si Marcus na nakaupo sa silya at nagbabasa ng libro. Tumigil ito sa pagbabasa at tumingin sa bagong dating. Si Angelita ang unang ngumiti saka naglakad papalapit sa kaniya. Tumayo si Marcus at tiningnan ang hitsura ng dalaga, maging ang balikat nito.

"May dala akong pansit" panimula ni Angelita, kinuha niya sa kamay ng dalaga ang bilao at inilapag iyon sa mesa na pumapagitna sa kanila. "Mabuti na ang pakiramdam mo?" tanong ni Marcus, tumango ng dalawang ulit si Angelita sabay ngiti.

Magsasalita na sana siya ngunit sumingit si Niyong, "May sakit ka ate Lita?" napatingin ang dalawa kay Niyong na tila ba sinira nito ang magandang ngiti ni Angelita kanina. "Wala. Hatiin mo na ito" saad ni Angelita sabay kuha ng bilao sa mesa at inabot iyon kay Niyong.

Lihim na natawa si Marcus sa hitsura ni Angelita nang sumingit si Niyong sa usapan. Nang tumingin si Angelita sa kaniya ay nagawa niyang pigilan ang sarili at tumingin sa dalaga nang walang reaksyon. Naupo si Angelita sa silya, tiningnan niya muna si Niyong na nasa malayong mesa habang abala sa pagbabalot ng pansit.

"Ginoo, paano mo nalaman na—" hindi natuloy ni Angelita ang ibig niyang itanong nang maalala niya na isa nga palang mahiwagang nilalang si Marcus. Ibig niya sanang itanong kung paano nito nalaman na may sugat siya sa balikat at ibig makita iyon ni Roberto kanina.

Ngumiti si Angelita, "Sadyang walang makakapantay sa inyong kahiwagaan" papuri niya, hindi naman alam ni Marcus kung ano ang dapat niyang reaksyon. Hindi siya palatawa ngunit natatawa siya nang palihim sa tuwing sinasabi ni Angelita kung gaano siya kahiwaga.

Tumayo si Angelita saka naglakad papunta sa silid ng aklatan. Sinilip niya iyon, malinis at maayos ni Marcus. Naglakad siya patungo sa palikuran, maging iyon ay malinis at puno rin ng tubig ang balde. "Hindi ka naman nahihirapan dito, ginoo?" tanong ni Angelita, umiling si Marcus habang sinusundan niya ng tingin si Angelita na naglalakad nang mabagal sa helera ng mga libro.

Ngayon niya lang napagtanto na maganda si Angelita. Ang makinis nitong balat, ang makislap na mga mata, ang maliit at matangos na ilong at ang magandang ngiti na ang mata'y sumisingkit sa tuwing ngumingiti at tumatawa ito.

"Sabihin niyo lang sa akin, ako ang bahala kay Niyong" patuloy ni Angelita sabay pakita ng kaniyang kamao. Narinig ni Niyong na nabanggit ang pangalan niya kaya lumingon siya sa kinaroroonan ng dalawa. "Bakit tila naulinigan ko ang aking pangalan?" usisa nito, malapit na siyang matapos sa pagbabalot ng pansit.

"Napag-usapan namin kung gaano ka kabait at kasipag dito sa aklatan... Hindi ba ginoong Sebastian?" pambobola ni Angelita sabay tingin kay Marcus. Walang anu-ano'y napatango lang si Marcus habang nakatitig pa rin kay Angelita lalo na nang tumawa ito dahil nauto nila si Niyong.

Umupo na ulit si Angelita sa katapat na silya, "Siya nga pala, ano ang aking gagawin sa lampara at aklat na binigay niyo sa akin?" tanong nito, naalala ni Marcus na ang dalawang bagay na iyon ang huli niyang nakita bago siya makapasok sa loob ng kwento.

"Nasaan na ang lampara at libro?" tanong niya, hindi niya pa rin maalis ang tingin sa dalaga. Napansin niya rin ang mahaba at makintab nitong buhok na medyo kulot.

"Nasa akin, kailangan niyo ba iyon ginoo?" tanong niya, tumango si Marcus. Ngumiti si Angelita, "Daldahin ko dito bukas ng umaga" animo'y masaya ang dalaga dahil may dahilan ulit para makadalaw siya sa aklatan at makita ang mahiwagang nilalang.

Napansin ni Marcus ang sugat sa daliri ni Angelita sa kanang kamay. Napatingin si Angelita sa daliri niya kung saan nakatingin ngayon ang binata. Bigla siyang nahiya at itinago niya iyon sabay ngiti. "Desperadong tunay si Roberto kung pati ang maliliit na sugat na ito ay iisipin niyang bahagi ng himagsikan" biro ni Angelita sabay tawa ngunit hindi natawa si Marcus kung kaya't natahimik siya.

Tumayo si Marcus at nagtungo sa silid. Kinuha niya ang isang tela at ang maliit na sisidlan na naglalaman ng halamang gamot. Bumalik siya sa mesa at naupo sa silya. Nagulat si Angelita nang kunin ni Marcus ang kanang kamay niya at sinimulan nitong gamutin ang mga sugat sa kaniyang daliri.

"A-ako na—" hindi na natapos ni Angelita ang sasabihin niya dahil nagpatuloy lang si Marcus sa paggamot sa kaniyang sugat. Nahihiya siya sa ginagawa nito bukod sa paghawak nito sa kaniyang kamay. "Saan mo nakuha 'to?" tanong ni Marcus, batid naman niyang walang hilig si Angelita sa pagtatahi o pagbuburda.

"S-sa kuwitis" tugon nito, napatigil si Marcus saka napatingin sa dalaga. Muli silang napaiwas ng tingin sa isa't isa. "Matapang marahil ang pulbura, hindi ako nakapaghugas ng kamay agad" patuloy ni Angelita. Sa pagkakataong iyon ay nagawa niyang pagmasdan nang malapitan si Marcus.

Unang kita pa lang ay nasabi niyang gwapo ang binata. Ngunit batid niyang magagandang nilalang ang mga engkanto at diwata kung kaya't hindi na siya nagtaka sa tindig nito. Mestizo, matangos ang ilong, makapal ang kilay, manipis ang labi at may matang nakakahalina kung tumitig.

"Sa susunod ay maghugas ka agad ng kamay kapag humawak ka ng matatapang na kemikal" saad ni Marcus habang binabalot ng tela ang daliri ni Angelita. "S-salamat" iyon ang salitang nagpatigil kay Marcus nang marinig niyang sabihin ni Angelita.

Tumingin siya sa dalaga, "Salamat din dahil tinulungan mo ako kanina. Kung hindi ka dumating, tiyak na nalaman na ni Roberto ang sugat sa aking balikat" patuloy nito, ibinalik ni Marcus ang kaniyang paningin sa kamay ng dalaga at pinagpatuloy ang pagbalot ng tela.

Napakagat sa labi si Angelita nang bitawan na ng binata ang kaniyang kamay. Niligpit na ni Marcus ang mga sisidlan ng gamot at ang tela. Tumayo na si Angelita, "K-kailangan ko na palang umalis" wika niya, inilapag na rin ni Niyong ang natirang pansit sa mesa nila.

"Sabay na tayo ate Lita" saad ni Niyong, lumingon muna si Angelita kay Marcus nang ihatid sila nito sa labas ng aklatan. Gusto sanang ihatid ni Marcus si Angelita sa Panciteria ngunit baka abutin siya ng curfew at maabutan ng mga rumurondang guardia, wala siyang cedula.

Tinanaw na lang niya ang dalawa. Batid niyang ihahatid naman ni Niyong si Angelita sa Panciteria bago ito tumuloy sa kanilang bahay.


MAAGANG nagising si Angelita, alas-singko pa lamang kung kaya't laking pagtataka nina Aling Pacing at Mang Pedro dahil hindi ito nagigising nang ganoon kaaga. Natutuwa si Angelita dahil mukhang kinalulugdan na siya ng mahiwagang nilalang. Kaunti na lang ay maaari na siyang humiling doon. Alas-sais ng umaga, maliwanag na ang araw. Nagpaalam si Angelita na may puputahan ngunit hindi nito sinabi kung saan.

Naglalakad siya sa gitna ng pamilihan nang marinig niya ang boses ni Lorenzo, "Lita!" tawag nito, ngumiti siya sa binata, ang mga ngiting iyon ay tulad kung paano niya ngingitian si Lorenzo sa tuwing nakikita niya ito. Kung paano siya nagsimulang humanga at patuloy na hahanga sa binata.

Sumabay si Lorenzo sa kaniya sa paglalakad. "Ang aga ng gising mo ngayon. Naunahan mo ata ang tilaok ng manok" kantyaw ni Lorenzo, napansin ni Angelita ang suot ni Lorenzo, kulay krema na kamiso at pulang pantalon na abot tuhod. Bagong ligo rin ang binata kaya amoy niya ang mabangong halaman na ginamit nito.

"Masama bang magbagong buhay?" bawi ni Angelita, saka nakangiting tumingin kay Lorenzo. "Lalo na ngayong ginagabayan ako ng mga engkanto at diwata" patuloy niya, ang tinutukoy niya ang nagawang pagligtas sa kaniya ni Marcus.

"Huwag mo sabihing nagtungo ka talaga sa tabing ilog upang magtawag muli ng mga engkanto" wika ni Lorenzo na animo'y hindi niya pa rin makalimutan ang parusang nangyari sa kanila matapos mahuli ng mga prayle.

Tumawa lang si Angelita kung kaya't hindi niya malaman kung Oo ba o Hindi ang sagot nito. "Iyon ay lihim na hindi ko sasabihin kaninuman" hirit ni Angelita, sa kaniyang isip ay sapat na ang isang kahilingan sa mahiwagang nilalang upang magbunga ang lahat ng kaniyang pagtitiis at lihim na pagtingin kay Lorenzo. Dumarami na ang tao sa gitnang kalsada. Lumipat si Lorenzo sa kabila upang hindi si Angelita ang nasa tabi ng kalsada.

"Siya nga pala, aking nabalitaan na naghinala sa iyo si Roberto nang suriin niya ang Panciteria" sandaling hindi nakapagsalita si Angelita sa sinabi ni Lorenzo. Naalala niya ang nakakatakot na sandaling iyon. Nangangamba siyang maging dahilan upang mabunyag ang kanilang samahan.

"Mabuti na lang dahil hindi natuloy. Kung mangyaring dakpin ako sa bilangguan at paaaminin sa aking mga nalalaman. Ako na ang unang kikitil sa aking buhay" wika niya, hindi nagustuhan ni Lorenzo ang kaniyang sinabi.

"Huwag mong sabihin iyan. Kung sakaling madakip ka, ililigtas ka namin" saad ni Lorenzo, animo'y nabitaw siya ng pangako sa mga sandaling iyon. Napatingin sa kaniya si Angelita. Kung maaari ay ibig marinig ni Angelita na sabihin ni Lorenzo ang ililigtas kita.

"Siya nga pala, nabanggit din sa akin na may lalaking namagitan sa Panciteria. Binanggit daw nito ang tungkol sa simbahan" patuloy ni Lorenzo, tumango si Angelita sabay ngiti nang maalala niya muli ang naghihintay na gantimpala mula sa mahiwagang nilalang.

"Oo, kung nakita mo lang kung paano nasindak at umatras si Roberto nang mga sandaling iyon. Tiyak na pagtatawanan mo ang nangyari" tawa ni Angelita, natawa na lang din si Lorenzo. Hindi nila tinatawag na heneral si Roberto bagay na siguradong maglalagay sa kanila sa panganib sa oras na marinig sila ng mga guardia o ibang opisyal.

"Sino pala ang lalaking tumulong sa inyo at nanghamak kay Roberto?" tanong ni Lorenzo, hindi naman malaman ni Angelita ang isasagot. Hangga't maaari ay mas makakabuti kung si Niyong lang ang nakakakilala kay Marcus bukod sa ibang mga taga-Panciteria na nakakita sa binata.

Halos araw-araw din siya tanungin ng mga kusinera lalo na ni Lolita kung sino ang binatang iyon ngunit palaging sinasabi ni Angelita na hindi niya kilala at napadaan lang siguro. Namukhaan ni Lolita ang binata na gustong kumain dati sa Panciteria ngunit hindi naman niya iyon naiugnay kay Angelita.

"Ah. Hindi ko kilala. Marahil ay isa lang sa mga nagmamalasakit sa mga kababaihan" tugon ni Angelita, sinubukan niyang ngumiti upang takpan ang tinatagong lihim kay Lorenzo. Gusto man niya sabihin ngunit baka maghinala lang si Lorenzo na espiya si Marcus. Madalas paghinalaan ni Lorenzo na espiya ang sinumang bagong dating sa bayan.

Nagpaalam na si Lorenzo nang dumaan sila sa palimbagan ng dyaryo. Bago ito pumasok sa loob ay muli siyang lumingon kay Angelita, "Alas-sais nagbubukas ang pamilihan sa bayan bukas" wika niya, ngumiti at tumango si Angelita. Ang ibig sabihin ni Lorenzo ay magkikita sila bukas sa bahay nila Lorenzo upang mag-usap tungkol sa sunod na plano ng samahan.

Nagpatuloy sa paglalakad si Angelita hanggang sa marating niya ang aklatan. Napangiti siya sa sarili bago pumasok doon. Bukas na ang tindahan ngunit wala roon sina Niyong at Marcus. Sinilip niya ang silid, walang tao sa loob. Naupo na lang siya sa silya at inilapag sa mesa ang lampara at lumang libro na walang sulat.

Ilang minuto pa siyang naghintay doon ngunit wala pang dumating. Napukaw ng kaniyang atensyon ang mga papel na nakaipit sa libro. Ito ang librong nakita niyang binabasa ni Marcus kahapon. Tiningnan niya ang paligid, mukhang wala pa ring darating.

Maingat siyang tumayo saka binuklat ang libro. Ibig niyang malaman kung anong mga nakasulat sa papel na nakaipit doon. Kung ito na ba ang listahan ng mga gantimpala na ibibigay niya sa mga taong tumulong sa kaniya dito sa lupa. Sinubukan niyang basahin ngunit nakasulat ito sa ibang lenggwahe. Naisip ni Angelita na siguradong mahiwagang wika ang ginagamit ni Marcus.

Isasara na lang sana niya ang libro nang mapansin niya ang nakasulat sa baba. Ang nobelang Salamisim. Iyon ang tanging tatlong salita na naiintindihan niya. Nakita na niya ang paparating na sina Niyong at Marcus kaya mabilis niyang sinara ang aklat at nagkunwaring tumitingin sa mga hanay ng libro.

May dalang pandesal at ilang kakanin ang dalawa. Kakain pa lang sila ng agahan. "Narito ka na pala ate Lita" bati ni Niyong saka inilapag sa mesa ang mga dala nilang pagkain.

Tumingin si Marcus kay Angelita na ngayon ay abala sa pagtingin sa mga binili nilang pagkain. Nang tumingin si Angelita sa kaniya ay agad siyang umiwas ng tingin saka inilapag ang dala niyang sisidlan na naglalaman ng sariwang gatas ng kalabaw.

"Ginoo, heto na pala ang iyong mga gamit" ngiti ni Angelita sabay turo sa lampara at ang lumang libro na naroon na rin sa mesa. Tumango si Marcus, hindi niya malaman kung dapat ba siyang ngumiti. Ngunit nagtatalo ang kaniyang sarili dahil hindi naman siya ngumingiti.

Sa huli ay tumango na lang siya, hindi naman malaking bagay kay Angelita ang pagngiti o pagtugon ni Marcus ng salamat dahil naiintindihan niyang isa itong mahiwagang nilalang na hindi nagpapakumbaba sa mga tao.

"Kumain ka na ba?" iyon ang nagawang itanong ni Marcus, napangiti si Angelita dahil nangangahulugan iyon ng imbetasyon. Isang malaking karangalan para sa kaniya ang muling makasalo sa pagkain ang isang mahiwagang nilalang. Umiling si Angelita habang nakangiti, nagtataka namang nakatingin sa kanila si Niyong, nauna na itong umupo.

"Ang dami niyong pagkain sa Panciteria ate Lita, nakikihati ka pa sa amin ni ginoong Sebastian" reklamo ni Niyong. Ibig sanang batukan ni Angelita si Niyong ngunit nahihiya siyang gawin iyon sa harapan ng mahiwagang nilalang kaya naupo na lang siya at nakisalo sa kanilang pagkain.

Nagsimula na silang kumain. Natutuwa sina Angelita at Niyong dahil tinititigan muna ni Marcus ang mga pagkain bago nito tikman at kainin. Animo'y isa siyang dayuhan.

"Siya nga pala, dumating na sina Don Florencio at ang anak nitong si señorita Maria Florencita mula sa Europa" saad ni Niyong, napatigil si Angelita sa pagkain. Napatingin naman si Marcus sa reaksyon ni Angelita. Batid niya ang nasa isip nito, dumating na ang panahon upang makaganti si Angelita sa pumatay sa kaniyang mga magulang.


MABILIS na natapos ang pagpaplano nina Lorenzo, Santino, Berning, Tadeo at Angelita para sa gagawin nilang pagpasok sa tahanan ng pamilya Garza. Kukunin nila ang mahalagang papeles sa silid ni Don Florencio. Ang mga papeles na iyon ay ilang palitan ng liham ni Don Florencio sa mga lihim nitong transakyon sa iba pang opisyal.

Alas-sais pa lang ng hapon ay marami na ang nagsidatingan sa mansion ng pamilya Garza. Karamihan ay mga nabibilang sa alta-sociedad. Ang mga mahihirap ay sa labas lang ng bahay ngunit sagana rin sila sa pagkain. Ilang baboy, baka at manok ang pinakatay ng Don na walang-sawang pagsasaluhan nila.

Si Lorenzo lang ang tanging aakyat sa silid upang kunin ang papeles. Sina Berning at Tadeo naman ang magsisilbing bantay sa hagdan at salas, sinumang magtatangkang umakyat sa ikalawang palapag habang naroon si Lorenzo ay kanilang haharangin at kakausapin upang lituhin ito.

Si Santino naman ang bantay sa labas ng bahay. Nakikihalo siya sa mga ordinaryong mamamayan na nagsasalo-salo sa pagkaing inihanda ng gobernadorcillo. Sa oras na mabuking si Lorenzo, lilkha ng gulo si Santino sa labas sa pamamagitan ng pagpapabasabog malapit sa mesa ng lechong baboy upang malito ang mga guardia.

Si Angelita naman ang bantay sa likod ng mansion kung saan naroon ang hardin. Nakaabang siya sa pader na abot siko lamang. Hawak niya ang kaniyang mahabang baril upang barilin ang sinumang hahabol kay Lorenzo kung sakaling patakbo itong makaalis doon. Ang unang plano ay makaalis si Lorenzo sa mansion bitbit ang mga papeles nang walang nakakapansin.

Alas-siyete na ng gabi. Madilim na. Patuloy ang malakas na tugtugan, sayawan, tawanan at kwentuhan ng mga bisita. Natanaw na ni Angelita si Lorenzo na naglalakad palabas ng mansion. Tinatahak na niya ngayon ang hardin kung saan walang ibang tao roon.

Ngunit nagkamali si Angelita, hindi niya napansin si Maria Florencita na natatakpan ng matataas na halaman sa hardin. Umiiyak ito mag-isa roon, tumatangis dahil sa pinagtapat ng ama kaninang umaga na ipapakasal siya nito sa anak ni Don Severino na si heneral Roberto.

Ang bagay na iyon ay alam ni Marcus. Nakatayo siya ngayon sa likuran ni Angelita. Walang ideya si Angelita na nakatayo si Marus ilang hakbang lang ang layo sa kaniya. Nagulat si Angelita nang makita ni Maria Florencita si Lorenzo. Dapat niyang barilin ang dalaga dahil nakita nito si Lorenzo.

Ngunit napatigil siya nang tumingin sa kaniya si Lorenzo, sa tingin pa lang nito ay sinasabi niyang huwag babarilin si Maria Florencita dahil makakalikha iyon ng mas malaking gulo. Patuloy ang pagtangis ni Maria Florencita sa harap ng isang estranghero.

Sa pagkakataong iyon ay hindi malaman ni Angelita ang gagawin. May kung anong kirot sa puso niya nang makita kung paano tingnan ni Lorenzo si Maria Florencita. Inabutan ni Lorenzo ng panyo ang dalagang umiiyak.

Matutunghayan pa niya dapat ang paglapit nito at pagdamay sa dalagang ngunit nagulat siya nang biglang may humawak sa kaniyang magkabilang balikat. "Ito ba ang ibig mong hilingin?" tanong ni Marcus kay Angelita, iniharap niya ang dalaga sa kaniya.

"Ibig mong masuklian ang pag-ibig na hindi kayang ibigay sayo ni Lorenzo Cortes" patuloy ni Marcus, hindi patanong ang kaniyang sinabi kundi isang salaysay na may bahid ng katotohanan. Hindi nakagalaw si Angelita, kahit pa nakatalikod na siya ngayon kay Lorenzo at Maria Florencita, nakita niya pa rin kung paano kayang patigilin ni Lorenzo ang oras at isantabi ang misyon upang damayan ang babaeng hindi naman nito nakikilala.


*****************

#Salamisim

Note: Hangga't maaari ay 'wag tayong maging Spoilers. Ang mga #rr na may spoiler content ay aking i-mumute at I-boblock. Ito na ang aking final warning.

Continue Reading

You'll Also Like

6.1K 607 29
I promise to myself na hinding hindi na ako magtatrabaho na ikakapagod ko ng husto. I promise that I will treat myself better. I promise to myself th...
3.9M 147K 46
Four high school students living in a world of complicated first love, dream and friendship. (year 1996) Note: Original Sound Tracks are available at...
14M 573K 22
Merong iba't-ibang paraan ang mga tao para makatakas sa reyalidad. Yung iba nagbabasa ng libro, nanonood ng mga drama sa tv, nakikinig ng music...
7.9K 97 12
Frozen is a 2013 American 3D computer-animated musical fantasy-comedy film produced by Walt Disney Animation Studios and released by Walt Disney Pict...