Moonlight Blade (Gazellian Se...

By VentreCanard

8.4M 467K 122K

Jewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other god... More

Moonlight Blade
Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Epilogue

Chapter 32

136K 8.9K 1.9K
By VentreCanard

Chapter 32

Pag-angkin

Mga paa'y nagbalik sa lugar ng unang pagtatagpo. Buwan ay nakasilip sa manipis na alapaap, at liwanag nito'y tila humahabol sa maliit na pagitan ng mga sangang niyayakap ng luntiang mga dahon.

Ihip ng hangin na kay lamig, tila musikang humahalina sa tahimik na kagubatan.

Aking mga hakbang na humahaplos sa matataas na damong may halik ng patak ng mga ulan, patunay ng aking pagsunod sa bulong ng kalikasan, buwan at katungkulan.

Aking hari'y handang angkinin ang malaking responsibilidad sa pagmulat pa lang ng kanyang mga mata, ako ba'y isang dyosang bumaba sa lupang buo ang loob? O tamang katanungang, ako ba'y handang talikuran ang aking nakamulatang paniniwala upang yakapin ang responsibilidad kasama ang haring handang isantabi ang lahat para sa kinabukasan ng lahat?

Na talikuran ang pagiging dyosa at yakapin ang pagiging reyna?

Handa ba ako sa walang katapusang sakripisyo sa sandaling buong loob kong angkinin ang titulo sa aming magkadaop na kamay ng hari?

Na maging ang aming pag-ibig ay mangyayaring pumangalawa lamang...

Hindi mabilang na mga katanungan, tila sapot ng gagambang may iba't-ibang patutunguhan, tila malalaking ugat ng mga punong may iisang katawan ngunit nagbubunga ng napakaraming sanga, libong mga dahon at bulaklak.

Mga paa'y patuloy sa pagtahak patungo sa pamilyar na tagpuan, sa paglapit ay sa paghalina ng umaagos na tubig mula sa buhay na talon ng Parsua Sartorias. Aking mga kamay unti-unting humahawi, nagtataasang mga dahon naglalantad sa kumikislap na likidong kristal na tila isang kurtinang kaugnay ng nagniningning na buwan.

At nang sandaling lumantad sa aking kabuuan ang tagpuang libong taon na ng muling lapatan ng mga mata, pamilyar na pakiramdam na hatid nito'y namayani sa aking buong sistema.

Siya'y isa lamang prinsipe noon, ngunit kanyang kaalaman sa emperyo'y natatangi at kahanga-hanga at ngayong ako'y nagbalik at siya'y isa nang hari, ako'y hindi na isang batang dyosang may punyal lamang na hinahanap.

Dahil higit pa rito ang aking kailangang hanapin.

Ang talon ay tila lumawak, ngunit ang linis at agos ng tubig nito'y katulad pa rin dati. Ang nagtataasang bato nito'y may kayap ng luntiang mga halaman at nadagdagan ang pinanggagalingan ng tubig, maliit man o malaki ang bawat bitaw ng tubig nito.

Pinaniniwalaan ng lahat na ang pag-angkin namin ni Dastan sa mundong ito ang tutuldok sa lahat, ngunit saan nga ba kami dapat magsimula?

Sa unang pagkakataong ako'y dinala rito, ang tubig ay minsan nang sinubukang kitilin ang aking buhay ngunit ngayon ang awit at bulong nito'y nagagawa ko nang pakinggan, ito'y maituturing ko nang isang uri ng kaibigan.

Mula sa sinag ng buwan, sa halik nito sa karagatan, sa hanging umaawit at yumayakap, sa lupang dama ang aking bawat pagtahak at sa apoy sumisiklab sa simbong nagtatago sa aking puso.

Alam kong sa sandaling lumapat ang aking mga paa sa lupa, isang natatanging lugar lamang ang maituturi kong siyang aking altar ng mga dasal, hindi sa aking silid, sa palasyo ng Sartorias o maging sa punong kanyang simbolismo.

Kundi sa talon...

Isang mahalagang lugar na tagpuan ng napakaraming simula...

Lugar kung saan nakatago ang punyal...

Lugar kung saan unang nagtagpo ang aming landas ng hari...

Lugar kung saan ako unang bumagsak mula sa mundo ng Deeseyadah...

Lugar kung saan ko nakilala si Nikos...

At maaaring maraming simula mula sa misteryosong nakaraan...

Unti-unti kong inangat ang aking kanang kamay patungo sa aking nakataling buhok, hinawakan ang maliit na panali nito at dahan-dahang hinila dahilan kung bakit yumakap ang aking mahabang buhok sa umiihip na hangin.

Ang aking magarang kasuotan ay unti-unting tinanggal sa aking katawan kasabay ng aking paghakbang patungo sa kristal na umaagos.

Kung ako'y higit nang pipiliin ang responsibilidad bilang reyna'y nais kong damhin ang kalikasan bilang isang dyosa sa huling pagkakataon...

Lumaglag sa lupa ang huli kong kasuotan na siyang naglantad sa aking buong kahubaran. At muling nakipag-isa ang aking katawan sa apat na elementong ngayo'y pag-aari na rin ng aking punyal.

Katawan ay nilamon ng tubig sa banayad nitong paraan, aking mahabang buhok ay sumayaw sa galaw ng malamig na tubig, hugis ng buwan sa ilalim ng asul na tubig ay hindi natitinag, musikang dapat katahimikan napalitan ng makapangyarihang bulong...

Bulong ng isang diyosang katulad ko'y itinakwil... katulad ko'y niyakap ang panibagong responsibilidad na wala sa kasulatan o prediksyon ng Deeseyadah.

Nakangiting labi ng Diyosa ng asul na apoy ang sumalubong sa akin, kanyang mga mata'y nakatitig sa akin sa aming magkasalungat na posisyon. Katulad ko'y tanging tubig ang kanyang kasuotan, mahabang buhok ay sumasayaw, aming mga katawa'y pag-aari ng kalikasan.

Nanatiling hindi gumagalaw ang aking katawan, ngunit ang kanyang mga kamay ay magaang nakahawak sa aking magkabilang pisngi, dahan-dahang inilapit ng diyosa ng asul na apoy patungo sa akin ang kanyang mukha hanggang ang dulo ng aming mga ilong ay tila magkalapat na.

"Leticia, alam kong darating ang panahong magbabalik ka."

"Magbabalik dala'y walang katapusang katanungan."

"At ikaw lang ang makasasagot..."

"Ngunit bakit ako? Bakit ako ang napili mo?"

"Dahil katulad ko'y may sarili kang paniniwala, may nais itama... na wala sa mga isinisilang ng mga diyosa. Kakaiba ka..."

"Ngunit ako'y naguguluhan... ang daming dapat ayusin at hindi ko alam kung paano magsisimula..."

Hindi sumagot ang diyosa ng asul na apoy, sa halip ay hinayaan niya akong magpatuloy.

"Kung buong puso kong tatanggapin ang tungkuling ito, tuluyan ko na bang tatalikuran ang Deeseyadah? Ang mundong nagluwal sa akin, ang mundong nagbigay sa akin ng pangalan. O tamang sabihin na ang Deeseyadah mismo ang tumalikod sa akin, lumayo ako para hindi na sila muling pasakitan at salungatin sa kanilang mga mata, ngunit bakit paulit-ulit akong bumabalik sa ganitong sitwasyon?"

"Leticia, nais kong ipaalala sa'yong kainlanman ay hindi tayo itinakwil ng Deeseyadah, ang mga diyosang naririto na ayaw tumanggap ng pagbabago, sila ang nagtulak sa atin palayo... ang Deeseyadah ay para sa ating lahat."

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko.

"Kayong dalawa ng hari ang tatapos ng lahat ng ito, Leticia, huwag kang matakot lumaban, huwag kang matakot harapin ang mga diyosang hanggang ngayon ay nais manatiling bulag, huwag kang matakot yakapin ang bagay na dapat ay sa inyo ng kilalang hari ng Sartorias."

"Tumayo ka sa tabi niya, hawakan mo ang kanyang kamay, haplusin mo ang kanyang mga sugat, bulungan mo siya ng pagmamahal, yakapin mo siya ng iyong kapangyarihan at lunurin mo siya ng iyong mga halik na kaisa-isang bagay na makapagpapaluhod sa kanya... at sabay kayong humawak ng espada..."

Nawala sa unahan ko ang diyosa ng asul na apoy at naramdaman ko ang kanyang presensiya sa aking likuran. Kanyang mukha'y bahagyang nakalapat sa aking balikat habang kanyang dalawang mga kamay ay humahaplos mula sa aking mga braso patungo sa aking mga kamay. Hanggang mahawakan niya ang aking palapulsuhan, siya mismo ang nag-angat ng aking mga kamay na tila inaabot ang maliwanag ng buwan.

"Espadang nagniningning hindi mula sa agos ng dugo... kundi espadang kumikislap mula sa liwanag ng buwan..."

"Talim na hatid ng liwanag at hindi mula sa kadiliman... dalawang uri ng liwanag na kayang mag-isa sa gitna ng digmaan..."

Tila kumawala ang hangin sa aking katawan nang sandaling marinig ang huling kataga ng diyosa ng asul na apoy. Ang bula sa aking mga labi ay unti-unting umangat sa ibabaw ng tubig kasabay ng pag-ukit ng mga katagang lumilinaw sa aking kaisipan.

Aking mga daliri'y pilit inabot ang buwan sa ilalim ng tubig, nagsimulang bumulusok ang aking katawan kasabay ng diyosa ng asul na apoy at sa bawat paglubog, nahuhuli ang mahaba naming buhok na sumasayaw sa harapan ng aming mga mata.

"Dalawang uri ng liwanag, Leticia..." bulong muli sa akin.

Sumagot ang aking isipan sa awiting saksi ang elemento ng tubig, liwanag ng buwan, mga halaman, puno at hangin...

"Liwanag mula sa aking hari at aking liwanag bilang diyosa ng buwan... aming pag-iisa'y liwanag sa magkaibang mundo, liwanag na tulay, liwanag na espada... talim na hindi pula... kundi talim ng kislap ng liwanag..."

"Walang tatalikurang pagiging diyosa, Leticia... ang buwan ang pumili sa'yo at hindi ang Deesedayah o ang nanunungkulan dito. Dahil alam ng buwan... na ikaw at ang hari lamang ang may kakayahang magdala ng liwanag..."

Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi kasabay ng unti-unting paglaho ng haplos at bulong ng diyosa ng asul na apoy.

Natigil sa pagbulusok ang aking katawan at kusa itong nagbago ng posisyon, ang aking pagkakahiga'y tila nadala sa pagkakatayo, aking mga brasong nakayakap sa akin at dinama ang init sa aking katawan, kasabay ng pagpapalabas ng punyal aking harapan.

Punyal na nagliliwanag, ipinikit ang mga mata kasabay ng pagdami ng bilang ng punyal na kasalukuyan na akong pinalilibutan sa ilalim ng tubig, patuloy itong lumiliwanag.

Umikot ang aking buong katawan pataas ng tubig kasabay ng pag-ikot ng daang nagliliwanag na punyal sa aking paligid hanggang iluwa ako mismo ng tubig sa ere, ang tampisaw ng tubig sa aking pag-angat ay tila uri ng ulan na hinalikan ng sinag ng buwan, dala ang bagong kasuotang puting nagniningning, buhok na nakatirintas, gilid ng aking kanang matang may diyamanteng kulay dilaw at mga matang nagliliwanag.

Kaluskos mula sa matataas na damo ang siyang nakapagpabalik sa aking konsentrasyon sa paligid, marahas akong lumingon dito kasabay ng daang punyal na handang umatake rito.

Ngunit pamilyar na babae ang agad lumabas sa madilim na anino ng mga puno na may mga matang humahanga at mga labing nakaawang.

"M-marah?"

"Y-you are truly a goddess..." halos mahirapan siya sa pagbigkas dito. Bumaba ako sa lupa at pinaglaho ang mga punyal.

"Marah, hindi ligtas lumabas sa palasyo ng Sartorias."

"Ngunit ano ang ginagawa mo rito?"

"Kaya kong protektahan ang sarili ko."

Agad niyang hinawakan ang magkabila kong mga kamay. "Isa kang diyosa hindi ba? Siguradong may kakayahan kang ibalik ako sa Deltora. Alam kong sa oras na ito'y hinahanap na ako ni Seth. N-nais kong bumalik sa mga kapatid ko, hanggang ngayon ay wala pa rin akong nababalitaan tungkol sa kanila."

Hindi ako makasagot sa kanya.

"N-natatakot ako sa pwede nilang gawin, M-mahal na diyosa... kilala ko ang mga kapatid ko, handa nilang gawin ang lahat para sa Deltora." Nagpunas na si Marah ng kanyang luha.

Hindi ko itatangging ang pagsunod kay Dastan ang hakbang na sunod kong tatahakin ngunit ang isama ang isang prinsesa na alam kong higit na pinahahalagahan ng hari at mga prinsipe ng Deltora?

Humuni ako sa hangin at tinawag ang pinakamalapit na lobong makaririnig sa akin, ngunit sa paglingas ng aking mga mata'y may natuklasan akong landas na matagal nang naghihintay ng tulay.

Mabibilis at mararahas na pagtakbo ang kapwa namin narinig ni Marah, siya'y naging alerto ngunit hindi ako nangamba. Kanyang mga mata'y nagningas ng pula at pangil ay lumabas, paghahanda para sarili'y protektahan.

Hanggang tumambad sa amin ang malaking lobong kay tikas, kanyang makakapal na balahibo'y nagningning sa tama ng liwanag ng buwan at ang kanyang mga mata'y nakatuon sa bampirang unti-unting kumakalma.

"Lucas..." yumuko ang lobo niyang kaanyuan sa akin.

Tinalikuran ko na si Marah.

"S-saglit, Leticia..."

Ngunit mas nangibabaw ang malakas na pagtatangis ng mga ngipin ng lobong tila may mensaheng nais iparating, hindi sa akin kundi sa bampirang nagsisimula ng maguluhan.

"Why am I hearing his voice?"

Lumingon ako sa kanya at ngumiti, bago nagsimulang maglaho ang aking katawan sa harapan ng kanyang mga mata kasabay ng liwanag na unti-unting humahalo sa hangin.

Sinundan ng aking kapangyarihan ang presensiya ni Dastan at dinala ako nito sa Deltora na kasalukuyang inaatake ng mga kalaban. At nang sandaling magmulat ang aking mga mata, kasalukuyan akong nasa ere.

Nanlalaki ang mga mata ko sa higanteng lotus na kasalukuyang nilalamon ang kabuuan ng Deltora na nagmumula sa nakapalibot na karagatan ng emperyo.

Isang uri ng proteksyon...

Ngunit ang kakayahang ito'y hihingi ng malaking kabayaran... ito ba ang ibig sabihin ni Marah?

Ang ikalawang prinsipe ng Deltora ay...

Napahugot ako ng marahas na paghinga. Kailangan kong sabihan si Dastan para patigilin ang prinsipe sa ginagawa nito.

Sa gitna ng sagupaan ng mga kawal mula sa magkalabang mga emperyo'y lakas loob akong bumaba sa lupa. Tinanggal ang liwanag na nakapalibot sa akin, ngunit hindi nito nagawang itago ang aking presensiya.

Sa paglapat ng aking mga paa'y agad na pagsugod ang sumalubong sa akin ngunit isang Gazellian agad ang humarang para sa akin.

"L-leticia? Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ni Zen matapos ihagis sa ere ang kalaban.

"Zen! Lumalamang na ang kalaban sa timog! Gumagamit sila ng mahika!" rinig kong sigaw ni Caleb na natigilan nang makita ako, maging ang sinasakyan nitong kabayo'y napatigil.

"Ano ang ginagawa—" hindi niya nasundan ang kanyang sinasabi ng panibagong yabag ng kabayo ang dumating.

Nag-angat ako ng tingin, may bahid na ng dugo sa kanyang mukha si Casper.

"S-sa timog? Patungo na roon si Tobias at Dastan!"

Nanlamig ako sa sinabi ni Casper, kung mahika ang ibig sabihin ni Caleb, malakas ang kutob kong ito'y mula sa mga diyosa. Ang mahika ay matatalo lamang ng isang mahika.

"D-dastan..."

Wala sa sariling umangat ang mga paa ko sa lupa at mabilis kong iniyakap ang hangin sa aking buong katawan para dalhin sa aking hari. Sa bawat pagdaan ko sa lupa ay nagkakaroon ng harang para protektahan ako, hinahabol ng yelo ng prinsipe ng mga nyebe ang aking buong katawan para umagabay sa anumang pag-atake.

Ngunit ang aking isipan ay na kay Dastan, makilala siya ng mga diyosa dahil ang presensiya namin sa isa't-isa'y bahagya nang magkahalo, hindi sila magdadalawang isip na kitilin si Dastan.

Mas binilisan ko ang aking paglipad patungo sa kanya, lumalabas ang mga punyal sa aking paligid habang lumalapit ang presensiya ni Dastan at nang sandaling naaninaw ko na ang pamilyar at matikas niyang tindig, ang nakapusod nitong buhok at ang espada nitong gawa sa dugo... saglit na gumuhit ang ngiti ko sa mga labi.

Ngunit agad din itong napawi nang mas mapagmasdan ko ang kanyang paligid, tatlong diyosa ang kasalukuyang umiikot sa kanya na tila mga babaeng leon na nais kumain ng buhay at makalidad na tupa.

Subalit kung ang aking hari'y magiging tupa... ako lamang ang babaeng leon na maaaring umangkin sa kanya.

Kaya tulad ng muli naming pagkikita, sa gitna ng libong bampira at mga lobo, sa harap ng mga mata ng libong mga diyosang alam kong nakamata sa mga oras na ito...

Ang pag-angkin ng reyna sa kanyang hari...

Ang aking nagliliwanag na katawa'y biglang lumitaw sa harapan ni Dastan.

"Leticia..." bulong nito mula sa aking likuran.

Aking mga mata'y pinagningas ng ginto na sa mga mata ng mga diyosa, umangat sa ere ang daang punyal na may basbas ng buwan at mga kamay na umangat sa kalangitan...

Naramdaman ko ang muling paghakbang ni Dastan papalapit sa akin hanggang pumulupot ang isa nitong braso sa aking katawan habang ang isa niyang kamay umagapay sa paghaplos ng aking sariling kamay sa aking kanang braso pababa na tila sinusunod ang guhit ng liwanag sa aking katawan.

Taas noo akong humarap sa gitna ng digmaan, yakap ng aking haring bumubulong ng pag-ibig at buwan na siyang aming liwanag.

At binigkas ang unang pag-angkin sa Hari ng Sartorias.

"Huwag ang aking hari mga diyosa mula sa Deeseyadah..."

Continue Reading

You'll Also Like

2.9M 61.7K 22
Over Series, Book #1 || Breakups are one of the things that Lei dreads, may it be a romantic relationship or friendship. So when her first boyfriend...
9.2M 452K 63
In fairy tale, the spinning wheel made the princess fall into her deep sleep, a sleep like death from which she will never awaken. But mine was a dif...
20.1M 839K 63
In fairy tale, it is always the prince who will bring back your missing slipper. He will kneel in front of you with a sweetest smile on his face, tre...
464K 21.6K 21
[PUBLISHED UNDER PSICOM: Available at all leading bookstores nationwide] ‘Where there is love, there is life.’ Pero paano makakahanap ng LOVE kung ma...