Chapter 11

143K 10.4K 2.3K
                                    

Chapter 11

Reyna

Ginusot ko ang liham mula sa nakatataas na dyosa. Inaasahan ko na ang bagay na ito, ngunit nakapagtatakang hindi ito kasing aga gaya ng inaakala ko. Sigurado akong hindi biro sa kanilang mata ang pagpares ko sa bampira at lobo, ano kaya ang maaaring dahilan para hindi sila agarang umaksyon ukol dito? Mukhang masyado talagang abala ang Deeseyadah sa mga dyosang babagong silang?

Ngunit nakatala sa liham na inaanyayahan na ako ng mga dyosang magtungo sa aming mundo, wala na akong balak dumalo rito. Lalo na't nalalapit na ang digmaan na siyang kinatatakutan ko.

Hindi na rin ako magugulat na isa sa mga araw na ito ay makakarating na rin sa kanila ang ginawa kong pagpapares sa dalawang nilalang na may posisyon sa ibabang mundo.

Ang aking pagbaba sa lupa noon ay hindi kasing dali ng maaari kong pagbaba sa sandaling magkaroon ng digmaan sa lupa sa pagitan ng mga bampira at lobo. Isa ng malaking dahilan ay ang aking bendisyon bilang isang ganap na dyosa.

Nang mga panahong bumaba ako sa lupa dala ang aking anyong bata ay wala pa akong presensiya bilang isang makapangyarihang dyosa, dahilan kung bakit hindi agad nalaman ng kapwa ko dyosa ang aking pagbaba. Isa pa, hindi naging palaisipan sa mga nakatataas na dyosa ang aking pagbaba sa kaalamang ninais lamang akong gamitin ng dyosa ng asul na apoy para sa kanyang pansariling mga plano.

Hanggang ngayon ay nagsisisi ako dahil hinayaan ko si Hua na gumawa ng rason para mas kamuhian ng Deeseyadah ang Dyosa ng asul na apoy. Ngunit dapat ko pa ba itong isipin sa mga oras na ito? Anumang oras ay isa na rin ako sa uri ng dyosa na kamumuhian ng mundong ito.

Mabilis lumipas ang mga araw, hindi kami umalis ni Nikos sa panunuod sa mga nangyayari sa ibaba. At tulad ng aming inaasahan, nakararanas na ng matinding paghihirap ang huling pares, si Adam at Lily.

"P-Paano ka makakababa?" nakailang ulit na si Nikos sa akin sa katanungang ito.

Tanging sa En Aurete lamang mayroong lagusan patungo sa iba't-ibang klase ng mundo at ang may kakayahan lamang dumaan dito ay ang mga nakakataas na dyosa, mga mandirigma at ang mismong mga residente ng aming mundo. Simula nang manirahan ako sa buwan, ay nawalan na ako ng kakayahang dumaan sa aming lagusan.

Lalong hindi ako maaaring basta na lamang bumaba mula sa buwan, dahil matagal na itong labag sa batas simula nang mangyari ang masalimuot na nakaraan ng pinakamalakas na dyosa. Ang kanyang pagbaba na nagbunga nang walang katapusang hirap.

Pero may isang paraan na maaring gamitin ng isang dyosa kung higit na talaga nitong kailangang bumaba mula sa lupa. Ito ay ang tinatawag na Glaoch.

Ang Glaoch ay isang uri ng presensiya o enerhiyang maaaring ilagay sa katawang ng kahit sinong babaeng nilalang, hindi lingid sa mga lobo ang kaalamang ito ngunit sa kanilang nalalaman ay ang glaoch ay maaari lang manirahan sa katawan ng isang lobo. Ito ay maaari rin sa ibang nilalang, na siyang isinalin ko kasabay nang panahong ipinares ko si Lily at Adam.

Alam kong kaakibat ng pagpapares ng dalawang magkaibang lahing may dalang kapangyarihan ay magdudulot ng isang malaking kaguluhan, kaya hindi na ako nag-alinlangan pa para maghanap ng tatlong babae ng panahong 'yon.

Ngunit ang inaasahan kong maaring tumulong sa akin ay isa pa ring malaking problema, dahil ang isa sa kanila'y naging isang puno mula sa isang emperyo at naging alay para sa isang dyosa na hanggang ngayon ay hindi ko mapangalanan. Isa itong uri ng dyosa na tumutulong din sa mga bampira, buong akala ko'y ang dyosa ng asul na apoy lamang ang umalis sa Deeseyadah, ngunit sino ang dyosang ito?

Ang pangalawang babae naman ay nagdadalang-tao, hindi ito maaaring gumabay sa aking pagbaba dahil sa batang nasa sinapupunan nito. At ang huling babae naman ay nanakawan ng presensiya ng Glaoch sa pamamagitan ng mahika, sinubukan kong hanapin kong nasaan na kasalukuyan ang presensiya nito at halos mawalan ako nang malay nang malaman kung nasaan ito.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon