Moonlight Blade (Gazellian Se...

By VentreCanard

8.4M 467K 122K

Jewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other god... More

Moonlight Blade
Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Epilogue

Chapter 7

150K 9.6K 1.4K
By VentreCanard

Chapter 7

Rehas

Kung ang magandang sining ay humalo sa pusong may hangaring puro at malinis, anong obra maestra ang maaaring yumakap sa mga mata?

Kung ang musika ay humalinang may haplos ng bulong ng kapayapaan at kaayusan, anong awitin ang iihip sa mga tenga?

Kung ang mga kamay ay pilit umabot sa kayamanang maging sa mga panaginip ay ubod ng taas, anong klaseng mga daliri ang nagawang tumipa sa tadhana?

Mga matang repleksyon ay higit sa ginto at dyamante.

Tengang nakaririnig ng bulong ng pag-asa.

Mga kamay na nag-iinit dala ang nag-uumapaw na pag-asa.

Buwan na humalik sa karagatan

Libong huwad na punyal sa hangin

Unti-unting paggapang ng liwanag sa mga kamay

Kapangyarihang dala ay katwiran

Nagpatuloy sa pag-agos ang aking mga luha, kasabay nang patuloy na pagbuhos ng maliliit na patak ng tubig mula sa punyal na gawa sa tubig, tila ang mga ito'y natural na ulan mula sa kalangitan.

Ang tubig ang siyang nagmistulang bendisyon sa unang paglabas ng aking kaanyuan, kasabay ng aking unang tungkulin.

"Bigyang pugay! Ang pagsilang ng bagong Dyosa ng Buwan!"

Ang boses ng Punong Dyosa ang siyang lalong nagpadagundong ng pagtibok ng puso ko, kasabay nang unti-unting pag-iinit ng aking leeg. Nang sandaling hawakan ko ito, nagsisimula nang gumapang ang gintong kwintas sa leeg na siyang patunay ng aking pagiging ganap na dyosa.

Napuno nang mas malakas na singhapan ang buong paligid, ngunit agad itong nasundan ng mas malalakas na pagtambol, isand hudyat na may dyosang itinalaga sa kanyang trono.

"N-Nagawa mo, Leticia!" nang lumingon ako sa nagsalita ay agad kong nakitang patungo na sa akin si Dyosa Neena.

Siya mismo ang unang yumakap sa akin habang ako'y nanatiling tulala sa mga nangyayari. Kapwa na kami nakasalampak at lumulutang sa karagatan sa aming mga katawang nagliliwanag ng ginto at puti.

"Isang ganap na dyosa... aming Dyosa ng Buwan."

"T-Totoo?" hindi makapaniwalang tanong ko.

Sa dalawang pagtango pa lamang ni Dyosa Neena, mas lalong bumuhos ang mga luha ko.

"I-Isa na akong ganap na dyosa... hindi ako makapaniwala..."

Unti-unting nagtayuan ang ilan pang mga dyosang manunuod at sunod-sunod ang mga itong nagpalakpakan para sa akin.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko habang pilit hinahanap si Hua. Masigla itong lumilipad kasama ng mga kaibigan niya.

"Dyosa Leticia, nawa'y gampanan mo nang may pagmamahal ang 'yong tungkulin." Panimula ng Punong Dyosa.

Humiwalay sa akin si Dyosa Neena para mas masagawa ang tradisyunal na ritwal para sa mga dyosang katulad ko na naitalaga sa pagdiriwang ng Nodemus.

Hindi ko na inalintana ang kasuotan ko nahihirapan nang takpan ang aking sarili dahil naayon lamang ito sa katawan ko, pinagsalikop ko ang mga hita ko habang nanatili akong nakaupo at buong lakas akong yumuko sa harapan ng lahat para tanggapin ang basbas mula sa mga dyosa.

Kahit nakayuko ako ay ramdam kong isa-isang lumipad sa ere ang mga dyosang may tungkulin, nagtungo sila sa posisyon ko at sinimulan nila akong palibutan, gaya ng mga dyosang nagdarasal sa puno ng En Aurete. Kung ito'y ginagawa sa puno para sa pagsilang ng mga dyosa, ito naman ay ginagawa ng mga dyosa para panibagong uri ng pagsilang.

Pagsilang sa tungkulin, panibagong buhay at pagtanggap sa kapangyarihan at responsibilidad.

Nanatili akong nakayuko habang umiikot ang mga dyosang may dalang dasal sa pamamagitan ng sayaw. Ang bawat sayaw ng mga nakatataas na dyosa ay sinasabayan ng mga elementong siyang pumili sa bagong silang na dyosa.

Sa pagkakataong ito, isang napakagandang pagbibinyag ang ipinagkaloob sa akin ng buwan. Dahil ang libong punyal na nagsabog sa karagatan ay unti-unting natipon sa bilog kung saan ay ako ang nasa gitna.

Nagpatuloy ito sa pagbuhos ngunit walang kahit isang patak na dumaplis sa kahit kaninong dyosa na tila ipinahihiwatig nitong para lamang ito sa akin.

Ang mga punyal na nagmistulang ulan ng pagbibinyag ay hindi lamang kulay asul sa mga oras na ito, dahil ang sinag ng buwan dito ang siyang mas lalong nagpaningning dito.

Ingay nang pagkamangha ang narinig ko mula sa mga dyosang nakakasaksi ng ritwal. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Unti-unti kong iniharap ang aking mukha sa kalangitan na may nakapikit na mga mata habang dama ang malamig na tubig at mga palad na nakalahad sa ere.

"Habang-buhay kitang paglilingkuran at ipapangakong unti-unting uubusin ang mga punyal."

Kagaya ng pagkawasak ng mga huwad na punyal na siyang nagiging ulan. Isang malaking mensahe mula sa nagliliwanag na buwan.

Punyal na nakapapanakit...aking wawasakin... maaaring magdala ng walang katapusan luha, pero ito rin ang maglilinis para sa bagong umaga.

Unang mensahe mula sa buwan.

Libong punyal na nakapananakit ngunit mga dahilan na nagmula sa huwad na paniniwala, pagwasak sa mga ito na magdadala ng walang tapusang luha, katulad ng ulan ngunit sa pagtatapos ng pagluha ay siyang bagong simula...

***

Ilang araw matapos ang ritwal ay ipinaalam na sa akin na maaari na akong magtungo sa buwan kung saan nakahimpil ang kaharian ng mga dyosang nagiging Dyosa ng Buwan.

Si Dyosa Neena agad ang una kong hinanap ng malaman ang tungkol dito.

"Ngayon ay mas kailangan ka ng buwan, Leticia. Malulungkot ako sa paglisan mo, ngunit higit akong masaya dahil nakamit mo ang 'yong pangarap." Hinawakan ko ang kamay ni Dyosa Neena at marahan itong pinisil.

"Ngunit kung hindi dahil sa'yo ay nawalan na ako ng pag-asa. Nais kong magpasalamat sa lahat, hindi man ako binigyan ng pagkakataong magkaroon ng napakaraming kaibigan sa mundong ito, ibinigay ka sa akin ng pagkakataon. Pipilitin kong dumalaw, hahanap-hanapin ko ang 'yong magandang tinig." Tipid siyang ngumiti sa akin.

"Matutunan mo rin ang umawit na higit sa akin." Hinaplos nito ang pisngi ko. '

"Sige na, Leticia. Hinihintay ka na ng mga tagapaghatid. Lagi mong tatandaan na nandito lamang ako para sa'yo."

"Maraming salamat, Dyosa Neena."

Tinalikuran ko na siya, narinig ko rin nagpaalam sa kanya si Hua bago ito nagtungo sa aking balikat.

May ilang mga dyosa ang nakahilera sa aking daraan na siyang parte pa rin ng tradisyon sa tuwing may dyosa na lilisan para permanenting manirahan sa kanilang mga tungkulin. Isa sa mga nadaanan ko ay si Tatiana.

Eksherada itong umirap sa akin nang sandaling magsalubong ang aming mga mata. Hindi ko na lamang ito pinansin.

Nag-aabang na sa akin ang isang maliit na Kuusa, isa itong maliit na silid na gawa sa kahoy na may kulay ginto at puti, na hila ng pinakamagigiting na Pigaroo. Ito ay naglalakihang mga kabayong may nagniningning ng mga pakpak sa sungay.

Bago ako sumampa sa Kuusa ay muli akong humarap sa lahat. May dalawang matataas na dyosa ang sumama sa paghatid sa akin, ilang mga pamilyar na mukha na hindi ako nais makasama noon at maging ang aking mahigpit na maestra ay hindi ko inaasahang naririto.

"Maraming salamat po sa lahat!"

Tumango ang ilan sa akin habang ang ilan ay halos hindi ko mabasa ang ekspresyon. Binigyan ko silang lahat ng ngiti bago ako tuluyang pumasok sa loob.

Nagsisimula nang maglakbay ang aming Kuusa, nagsimula na rin magkumento si Hua.

"Higit akong masaya na nakaalis ka na sa lugar na 'yon. Si Dyosa Neena lamang ang gusto ko sa mundong Deeyadah."

Saglit akong sumulyap kay Hua, hanggang ngayon ay katanungan pa rin sa akin kung saan ba talaga nagmula si Hua, nakamulatan ko na ito simula nang ako'y isilang. Sa tagal na naming magkasama ay ni minsan ay hindi ko naitanong ito sa kanya.

"Ngunit sa Deeyadah ako isinilang, nararapat lang na sa mundong 'yon ako manatili."

"Pero maaari ka pa rin mamuhay sa ibang mundo."

"Kung mapipili ka bilang dyosang tagapagbantay, ngunit kung katulad ko noon, hindi matalinong umalis sa Deeseyadah."

"Nakatadhana ka Leticia na magkaroon ng sariling kaharian, sa buwan ka nararapat kung saan ikaw ang nakatataas." Tipid akong ngumiti kay Hua bago sumilip sa mga ulap.

"Ngunit alam mong hindi ang pagtaas ang nais ko sa kapangyarihan at posisyong ito, Hua."

"Iminumungkahi kong hayaan mo munang lumipas ang ilang taon mong panunungkulan bago ka magsagawa ng kilos."

"Huwag kang mag-alala, Hua. Ito rin ang nasa isip ko."

***

Lumipas ang napakaraming taon, tulad ng ipinangako ko kay Hua hinayaan kong naaayon sa mga naunang dyosa ng buwan ang aking pagpapalakad.

Ang isa sa pangunahing tungkulin ng dyosa ng buwan ay ang pagpapares ng mga lobo sa kapwa nila lobo o maging sa ibang nilalang para mapanatili ang balanse at kaayusan sa kanilang mundo.

Isa lamang ang pangunahing kautusan na bawat henerasyon ng dyosang nauupo rito, hinding-hindi maaaring ipares ang lobo at ang isang bampira dahil sa sumpang iginawad ng pinakamalakas na dyosa sa kasaysayan.

Hindi ko pa man nababasa ang kasulatan ng mga unang dyosa na naupo sa trono ng buwan, alam ko na ang kwentong ito.

Abala ako sa pagdidilig ng mga gintong halaman nang magliwanag ang salamin ng impormasyon, kung saan dito nanggagaling ang mga balita tungkol sa Deeseyadah at sa mga mundong nauugnay dito.

Wala sana akong balak makinig ng balita mula rito, pero nang sandaling sumagi sa aking pandinig ang pamilyar na pangalan, kusang nabitawan ng aking kamay ang pandilig at natagpuan ang sariling mariin nakatitig sa salamin.

Bihag ng mga dyosa ang huling bampirang may dala ng dugo ng masamang bampira, Andronicus Clamberge IV.

"Si N-Nikos..." nangangatal na banggit ko sa pangalan niya.

Papaanong nangyaring nagawa siyang mahuli ng mga dyosa? Hindi malalakas ang dyosa sa lupa at kung mangyaring maengkwentro nila ito, siguradong makakatakas siya o makakalaban.

O maaaring...

"Hindi siya lumaban." Tipid na sabi ni Hua.

"Isa siyang inosente, Hua! Wala na siyang ginagawang masama." Agad lumuha ang aking mga mata.

"Magtutungo tayo sa Deeseyadah..." masyado na ba akong nawili sa aking posisyon? Bakit hindi ako agad kumilos?

"Isusugal mo ang posisyon mo, Leticia."

"Ngunit siya ang dahilan kung bakit ako naririto! Alam mo 'yon, Hua."

Mabilis kong kinalampag ang maliit na kampanilya, agad nagpakita aking Pigaroo. Sa nakalipas na napakaraming taon, ngayon muli ako makakatapak sa mundong kinalakihan ko.

Nang sumampa na ako sa Pigaroo ay lumipad na rin si Hua patungo sa balikat ko.

"Hindi ka ba sang-ayon sa desisyon ko, Hua?"

"Sinubukan lamang kita, ngunit hindi ka pa rin nagbabago Leticia. Ni hindi ka kumurap sa'yong kasagutan. Isa ka talagang kahanga-hangang dyosa."

Karamihan ay nagulat sa aking pagdating.

"Ang Dyosa ng Buwan!"

Nagtungo ako sa palasyo ng mga punong dyosa at hinarap ang mga ito.

"Nais kong akuin ang pagkulong sa ating bihag." Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa.

Nanliit ang mga mata ng mga ito sa akin, lalo na at sa ilang taon kong pananahimik ay bigla akong lalabas at aako ng isang responsibilidad.

"Sa kadahilanang? Alam mong ang mga bihag ay nasa pangangalaga ng mga dyosa sa mundong ito. Wala pang Dyosa ng Buwan ang humawak ng bihag sa kanyang kaharian."

"Isa lamang ang aking dahilan, ang kanyang pagkabihag sa loob ng Deeseyadah ay maaaring magbigay ng kyuryosidad sa mga bagong silang na dyosa. Pilit n'yo man siyang itago sa ating piitan, hindi n'yo pa rin mapipigilan kumalat ang katotohanang may nakapiit tayong lalaki sa mundong ito, kung ang impormasyon ng nakaraan na walang pruweba at pormal na kasulutan ay umabot sa akin noon tungkol sa asul na apoy at sa pagkawala nito, ano pa ang pwedeng mangyari sa kaalamang may lalaking nakapiit na maaaring patunayan gamit ang kahit sinong mga mata? Ayoko lamang maulit ang nangyari noon, na may manipula... katulad nang nangyari sa akin."

Nais kong humingi ng paumanhin sa Dyosa ng asul na apoy sa paggamit sa pangalan niya para gumawa ng kasinungalingan.

Nanatili silang tahimik at nakatitig sa akin habang inaanalisa ang mga salitang sinabi ko.

"Ngunit nasa inyo pa rin ang pagpapasya, naisip ko lamang na ang buwan ang pinakaangkop na lugar na maaari niyang piitan, isang malaking simbolismo kung saan magpapaalala sa kanya ng kasalanang ginawa ng kanyang ninuno."

Para akong sinasaksak ng punyal sa mga sarili kong salita. Gusto kong lumuha at magtatakbo, pero alam kong ito lamang ang natitirang paraan para mailigtas sa kulungang ito si Nikos.

"Mananatili ka rito ng ilang araw, Leticia. Bigyan mo kami ng ilang pagpupulong." Yumuko ako sa kanila.

"Maraming salamat."

Hindi na ako nag-aksaya ng oras, agad akong nagtungo sa lugar kung saan nakapiit si Nikos. Sa gintong kulungan ng mga dyosa na nagbibigay ng matinding liwanag at init na tila ikaw ay nilulusaw.

Nawala ang init at liwanag nito nang sandaling lumapit ako sa kulungan. Binigyan ko ng hudyat ang tagabantay na bigyan ako ng oras mag-isa kasama ang bihag. At nang masiguro kong ako na lamang at si Nikos, nagsimula na akong humakbang papalapit sa kanya.

"B-Bakit hindi n'yo na lang ako patayin? I am the last. Patayin n'yo na lang ako, pagod na pagod na akong tumakbo."

Nanginig ang buong katawan ko sa narinig mula sa kanya.

"H-Hindi ba at nangako ka sa akin? H-Huwag na huwag kang mapapagod..." natigilan ito sa sinabi ko at dahan-dahan itong nag-angat ng mga mata sa akin.

Pagtataka, kalituhan at katanungan ang rumihistro sa kanyang mukha.

"S-Sino ka?"

"Si Leticia... ang batang dyosang nakita mo sa talon. Palalayain kita rito, Nikos. Lalaya ka, tandaan mo 'yan." Humawak na ang mga kamay ko sa gintong rehas.

Sa kanyang natitirang lakas ay nagmadali itong lumapit sa akin, mas lalong kumirot ang dibdib ko nang nagdaop ang aming mga kamay sa pagitan ng mga rehas. Ang kanyang mga mata'y mas lalong nagdala ng ilang taong kalungkutan.

"I have a child, Leticia. Kill me now... bago pa nila malaman ito mula sa akin... she can't die... my daughter can't die."

Continue Reading

You'll Also Like

1.3M 57K 42
Kingdom University Series, Book #4 || Learning from this guy is not as easy as I thought it would be.
12.6K 603 12
This was Published on my other account. Post ko nalang dito because may naghahanap and I lost the PDF copy already haha so here's a story I wrote on...
13.3M 351K 96
Read Dear Future Boyfriend first para di ma-spoil. :) *Nin's Story* [Completed]
10.9M 558K 53
Free-spirited Nahara Shalani Carjaval is. She couldn't be more pleased to be the center of attention and to be recognized as the most daring campus q...