Moonlight Blade (Gazellian Se...

By VentreCanard

8.4M 467K 122K

Jewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other god... More

Moonlight Blade
Prologue
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 48
Chapter 49
Chapter 50
Epilogue

Chapter 1

342K 12.1K 4.3K
By VentreCanard

Chapter 1


Kagat

Tagumpay na hinihiling sa araw-araw, kislap ng mga matang ninanais hindi lamang sa sariling balintawtaw at pagtanggap na mga salita, ilang gabi nang aking hinahangad-hangad.

"Jewellana Leticia, aking sarili... kaunting tiis na lamang at ang iyong tagumpay ay makakamit mo rin." Ihip ng sariling mga salita'y ibinulong sa pusong nananabik.

Hindi alintana ang mga kamay na nanginginig sa pagod, nerbiyos at pagkasabik. At hinayaang mamayani ang mabibigat na yabag ng maestrang diyosa na tila'y nagtataglay ng mga mata ng isang agila.

Wala sa sariling nakagat ang pag-ibabang labi, kasabay nang pagkislap ng aking mga mata sa huling letrang igagawad ng aking gintong punyal.

Isang kurbang guhit, ngalan ko'y tuluyan nang nagbigyang buhay. Ngiti'y sumilay sa aking labi. Binitiwan ang punyal, isinilid sa ilalim ng lamesa. Marahang itinulak ang gintong batong may ukit ng pangalan, sa masuring mga mata ng maestrang tagasanay.

Magkadaop ang aking mga nangangatal na kamay habang nakatitig sa maestrang may antisipasyong mabibigyan ng mga salitang alam ko sa sarili kong nararapat na sa akin sa pagkakataong ito.

"Ulitin mo, Leticia..." malamig na tinig ang sumalubong sa aking pandinig, kasabay nang hapdi ng gintong tangkay na lumapat sa aking mga nangangatal na kamay.

Bumagsak ang aking mga balikat at nag-init ang sulok ng aking mga mata. Mukhang ang umasang ako'y minsang magtagumpay mula sa kanyang mga mata at persepsyon ay isang napakalaking kalabisan.

"Opo...aking Dyosa Maestra Manuella ..." inuyuko ang aking ulo at pilit bumubulong sa sariling walang luha ang yayakap sa aking mga pisngi.

Ang mundo ng mga dyosa ay hindi inaakala nang lahat na puro kaginhawaan lamang. Kami'y naghihirap din at natututo, ang kapangyarihan ay hindi namamana, sapagkat ito'y aming pinaghihirapan. Kami'y umaakyat din sa mahabang proseso kung nais makakamit ng katungkulan.

Mga katungkulan na hindi minsang sumagi sa aking isipan, ang mamuhay bilang isang simpleng dyosa na walang koneksyon sa ibang mundo ay masasabi kong isa nang kalayaan.

Ngayong pagguhit lamang ng pangalan sa isang gintong bato ay hindi ko mapagtagumpayan, ano na lamang ang aking sasapitin kung mas malaki itong tungkulin?

Hindi lamang ito ang siyang dahilan kung bakit hindi ko hiniling na magkaroon ng katungkulan, dahil hindi lingid sa aking kaalaman ang sinapit ng dating tinitingalang dyosa ng lahat. Ang kanyang responsibilidad ang siyang naging dahilan nang kanyang matinding paghihirap at pagdurusa.

Hindi kailaman pinangarap sumunod sa kanyang mga yapak.

"Leticia! Ang atensyon mo'y tila punyal na nagsisimula nang mangalawang! Tumatakbo ang oras! Huwag ilipad ang isip sa walang katuturan!" Muntik na akong mahulog mula sa aking upuan nang marinig ang singhal ng maestra.

Agad hinawakan ang gintong bato, hinila sa ilalim ng lamesa ang punyal at nagsimulang muling mag-ukit sa likurang bahagi nito.

"Paumanhin, Maestra Manuella... hindi na po mauulit."

Nang sandaling tumalikod na ito mula sa akin, isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan.

Isang pangunahing pinagkakaabahalan ng mga batang diyosa ay ang paggugol ng kanilang mga oras sa pag-ukit o paghulma ng mga kakaibang pigura gamit ang mga ginto.

Ito ang pangunahing abilidad ng mga dyosa na dapat unang maperpekto, ang sining. Ang sining na may iba't-ibang klase ng aspeto, ngunit malaki ang kaiba namin sa kilalang sining mula sa ibang mga mundo, dahil sa bawat galaw ng aming sining ay may kaakibat na lapat ng ginto.

Bakit ginto? Dahil namamayani ang ginto sa mundo ng mga dyosa.

Isa nang magandang halimbawa ay ang aming mga sayawin at awitin, dahil sa bawat halina ng musika sa hangin, sa bawat indayog ng aming mga katawan ay sinasabayan ng saliw ng buhanging ginto na siyang pumapatnubay sa aming mga pagtatanghal.

Ang kaharian, estatwa, mga rebulto ng mga makakapangyarihang dyosa, mga kagamitan, kasuotan at ang bawat bagay na makikita sa mundong ito ay pawang may halik ng ginto.

Puti, ginto, kristal at berde... ang siyang bumubuhay sa mundong ito.

Puti na sumasalamin sa aming kalooban...

Ginto na nagpapahayag nang aming walang katapusang halaga...

Kristal na nagpapahiwatig nang aming malinaw na hangarin...

At berde na nagpapahiwatig ng buhay...

Isang mundong halos yakapin ang salitang perpekto, ang mundong siyang nagsilang sa akin.

Hindi ko napigilan ang sarili kong lumingon sa direksyon ni maestra nang marinig ko ang magandang papuri nito sa mga kapwa ko dyosa. Sa tagal nang aking pag-uukit, hindi ba talaga ako nagkaroon ng gawang tama sa kanyang mga mata? Lagi na lamang may mali o kulang.

Muli akong huminga nang malalim at marahan kong hinaplos ang kamay kong kasalukuyan nang namumula dahil sa pamalo. Kung sana'y mabilis itong maghilom sa sandaling ito'y ilubog ko sa ilog. Ngunit alam kong espesiyal ang pamalo ng maestra para madesiplina ang mga batang dyosa na katulad ko.

Mukhang maging ang mahiwagang tubig sa ilog ay hindi matutulungan ang aking mga kamay.

Sinulyapan ko ang ibang mga dyosa, kaiba ko'y pawang mga ngiti at tango ang kanilang natatanggap mula sa maestra. Ilang beses kong sinulyapan ang gawa ng dyosang katabi ko at mariing ikinumpara sa aking likha, ngunit halos wala man lang itong kaibahan!

Hindi ko man gustong mag-isip nang hindi maganda, hindi ko na magawang pigilan ang aking sarili. Ang mundo ng mga diyosa'y walang diskrimanasyon, ngunit bakit tila nararamdaman ko ito?

Ito ba ay dahil kakaiba ako sa mga dyosang kasabayan kong inilabas sa bunga?

Saglit akong sumulyap sa malaking bintana ng aming gintong aralan na siyang nasa ikaapat na palapag ng aming palasyo, para tanawin ang napakalaking punong nakatayo sa gitna ng mga kahariang nagtatayugan. Ang punong hitik sa malalaking gintong bunga, na sa sandaling magliwanag ang bawat mga bunga ay magsisimula itong magkawala ng bagong silang na mga dyosa.

Ang bungang nagluwal sa akin at sa mga diyosang naninirahan sa mundong ito.

Ang purong dugong mga dyosa ay magmumula lamang sa punong ginto na tinatawag naming lahat, na Puno ng En Aurete. Isang klase ng puno na tanging sa mundong ito lamang matatagpuan. Sa Mundo ng mga dyosa na tinatawag na, Gottin Deeseyadah.

Nabubuo kami hindi mula sa pakikipagtalik ng babae at lalaki, kundi sa pamamagitan ng dasal at bulong sa puno. Isa itong ilang buwang ritwal na isinasagawa nang pinakamagagaling na dyosang bihasa sa pagdarasal.

Ang mga diyosang magdarasal ay gagawa ng isang malaking bilog sa palibot ng Puno ng En Aurete, na may kasamang madamdaming pag-awit at pagkumpas ng mga kamay.

Dalawampu't isang dyosa ang mga kasabayan ko noon, ngunit sa mabilis na paglipas ng panahon para lamang silang hinipan ng hangin tangay ang kanilang pamumukadkad bilang mga dyosang dalagita.

At tanging ako lamang ang naiwan. Mabagal ang pag-angat ng aking edad. Minsa'y narinig kong inihambing ng isang dyosa ang paggalaw ng aking orasan sa isang bampira. Mga nilalang na may pangil, mga matang nagniningas na kawangis ng kulay ng dugo at higit sa lahat mga nilalang na may libong taon nang nakaukit na kasalanan sa aming lahi.

Marami rin akong narinig na marahil daw ay nagkamali ng dasal ang dyosang bumulong sa aking bunga, maaari rin daw itong nakatulog o saglit na nakalimot ng isang araw dahilan kung bakit nagkaroon ng problema ang aking tamang paglaki.

Sa ngayon ay madalas akong makihalubilo sa mga batang dyosa na nararapat lamang sa aking katawan at aking pag-iisip, ngunit alam ko sa sarili kong higit akong may nalalaman sa kanila.

Kaya hindi ko hinahayaang lumampas sa akin ang ginagawa ng mga dyosang siyang kasabayan ko, at isa na nga itong pag-uukit sa ginto.

Nang kumagat ang dilim, oras kung kailan nabibigyan kami nang pagkakataong magpahinga, umiikot si Maesta Manuella para masiguro nitong nasa tamang mga silid na kami.

Agad akong nagkunwaring natutulog nang magbukas ang pintuan, ilang minuto akong naghintay para mawala ang kanyang mga yabag bago ako bumangon at buksan ang aking lampara.

"Maaari mo bang ulitin ang sinabi mo sa akin, Hua?" tanong ko sa aking alagang itim na langgam.

"Sa mundo ng mga bampira ay may naihulog na matalas na punyal ang unang dyosang bumaba sa lupa. Ang kahit anong pag-ukit nito ay masisigurong isang obra maesta, Leticia. Hindi ka na makakaranas pa nang mahapding patpat na ginto!" sumilay ang ngiti sa aking mga labi, pero nang maalala ko kung saan ko makukuha ang punyal ay agad itong nagtago at napalitan ng pagsasalubong ng aking kilay.

"Ngunit papaano bumaba sa mundo ng mga bampira? Hindi ba at delikado sa mundong ito?"

"Leticia, wala ka pang ganap na basbas bilang isang dyosa. Walang bampira ang makakakilala sa'yo." Umawang ang bibig ko sa sinabi niya.

"Totoo?"

"Oo Leticia, wala ka na bang tiwala sa akin?"

"May tiwala ako sa'yo, Hua. Ngunit paano kung may makaengkwentro akong bampira? Sasaktan nila ako! Hindi pa ako makakapanlaban, isa lamang akong mahinang dyosa."

"Hindi ka nila sasaktan, kung magpapanggap kang isang bampira." Saglit akong natulala kay Hua.

"P-Paano?"

"Pangil. Kailangan mong gumamit ng huwad na pangil."

"Ngunit paano kung madiskubre akong isang huwad na bampira?"

"Hindi mo na makukuha ang punyal at magpapatuloy ka sa pagtitiis sa gintong pamalo ng 'yong maestra." Marahas akong umiling sa sinabi ni Hua.

Nagmamadali akong bumaba sa kama at halos tumakbo ako sa mga nakapatas na aklat, sa pinakailalim nito ay isang libro na may nakaguhit na kaanyuan ng bampira. Ginamit ko ang aking munting kapangyarihan para pilit gayanin ito at nang saglit akong pumikit at tiningnan sa salamin ang aking repleksyon, pansin ko na agad ang pangil sa aking mga ngipin.

"Hua? Mukhang na ba akong bampira?"

"Ikaw ang pinakamagandang bampirang nasilayan ko, Leticia!" Marahan kong isinumping ang takas na hibla ng buhok.

"Maraming salamat." Yumuko akong may ngiti sa aking mga labi na may nag-iinit na pisngi.

"Ngunit paano ako makakarating sa kanilang mundo? Lalo na sa maiksing panahon, baka madiskubre ni Maestrang bumaba ako sa mundo ng mga bampira."

"Sa kapatid na puno ng En Aurete! Madali ka para mabilis tayong makabalik." Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi ba at ito ang pinakamaliit na puno at kakaunti lamang ang ginto nito!"

"Dahil hindi nais ng mga nakatataas na dyosa na may mawili sa punong ito. Madali ka, Leticia! Tumatakbo ang oras! Hindi mo naman siguro nanaising muling lapatan ng gintong patpat hindi ba?" agad akong tumango kay Hua.

Tumalon si Hua sa aking balikat, binuhat ko ang aking lampara at dahan-dahan akong lumabas sa aking silid.

Ang abilidad ni Hua ang siyang tumulong sa akin para hindi ako makita ng mga dyosang nagbabantay sa gintong pintuan, nagagawa ako nitong mawala sa hangin at hindi makita gamit ang mga mata.

"Iwan mo na ang lampara, Leticia." Tumango ako at nagpatuloy sa paglalakad.

Mariin kong kagat ang aking labi para pigilan ang aking pagtawa nang hindi man lang kami napansin ni Hua nang dalawang diyosa na nagbabantay.

"Ang galling galling mo, Hua..."

"Para sa'yo, Leticia."

Nilakad ng aking mumunting mga paa ang kahabaan ng kagubatan para lamang maabot ko ang pinaka hindi popular na puno sa mundong ito. Ang Puno ng En Auyenta.

Sa gitna nito ay may maliit at madilim na butas, nagsimula akong lumuhod at gumapang dito hindi alintana ang pagdudumi ng aking puting kasuotan, ramdam kong sa paglamon sa akin ng kadiliman ay ang unti-unting pagbigat ng aking paghinga.

Humihingal na akong sapo ang aking dibdib, maging ang aking kasuotan ay naliligo na rin sa aking sariling pawis.

"Hua, ilang oras akong gagapang—" hindi ko pa man natapos ang aking katanungan nang maramdaman ko ang matinding paghigop paibaba sa aking katawan.

Malakas na pagsigaw at pagluha ang aking nagawa habang patuloy akong bumabagsak, ngunit nang sandaling sumabog ang liwanag at masilaw ang aking mga mata sa bagong kapaligiran, unti-unting rumehistro sa akin ang maingay na agos ng marahas na tubig.

"Isang talon Hua!"

Kasabay nang pagbagsak ng malalaking agos ng tubig mula sa itaas nang naglalakihang bato ay ang aking katawang bumubulusok.

"Hua! Hindi ako marunong lumangoy!"

Tuluyan na akong nilapon nang rumaragasang tubig. Pilit kong ginamit ang kapangyarihan ko para iligtas ang aking sarili sa pagkalunod ngunit ramdam ko ang bigla kong panghihina.

Ang tangi ko lamang nagagawa ay ang paglubog ultaw sa tubig. Nawawala ba ang kapangyarihan ng mga dyosa sa mundong ito?

"H-Hua!"

"H-Hua!"

Wala akong makita! Puro tubig at kakahuyan!

Pilit kong itinataas ang aking dalawang kamay at umaasang may makakapitan.

"H-Hua!" muling sigaw ko kasabay nang malalakas na yabag ng mga kabayo.

Pinili kong tumahimik at huwag sumigaw hanggang sa makadaan ang mga kabayo. At nang inakala kong wala na ang mga ito, muli kong tinawag ang aking alagang langgam.

"Hua! H-Hua!"

"Hooowoo!" boses ng lalaki ang namayani kasabay nang pag-iingay ng yabag ng kabayo.

"H-Hua..." nanghina ang boses ko sa pagtawag kay Hua.

Nakarinig muli ako nang mararahas na yabag ng kabayo.

"Dastan! Tayo na! Hinahanap na tayo ni Lily."

"Mauna ka na, Zen! Susunod na ako."

"Maliligo ka sa talon, Dastan?"

"Just go!"

"Anong sasabihin ko kay Lily? Hahanapin ka niya sa akin, she's waiting for us. Ako ang kukulitin niya!"

"W-What?"

"A-Alam mong laging umiiyak sa akin si Lily. Sabay na tayong umuwi, Dastan."

"J-Just tell her—right! Maliligo ako sa talon, Zen. Go ahead, hahabol ako."

"Hmm, may sirena ba sa talon?"

"Zen Lancelot Gazellian!"

"Right away, brother. Have a nice bath."

Nakarinig akong muli nang papalayong yabag ng kabayo. Handa na sana akong hindi manlaban pa sa agos nang rumaragasang tubig nang makarinig ako nang malakas na ingay mula sa kung anumang pwersang humalo sa tubig.

Nasa akma na akong ipipikit ang aking mga mata sa ilalim ng tubig nang may kung anong humarang sa akin para hindi tamaan ng sinag ng araw na tumatagos sa malinaw na tubig.

Mga bisig na yumakap sa akin ang marahang nag-angat sa akin mula sa tubig. Sunod-sunod na pag-ubo ng tubig ang pinakawalan ko nang sandaling makakuha ako nang sapat na hangin.

"You're alive..."

Hindi ako nakapanlaban sa bampira hanggang sa dalhin ako nito sa pangpang. Nanatili akong nasa kanyang kandungan, kanyang mga bisig na nakayakap sa akin at isang magaang haplos sa ilang hibla nang aking itim na buhok na siyang nagbunyag sa aking kaanyuan.

"Isang batang bampira." Pakinig ko ang saglit nitong pagtawa. Nakapagtataka na hindi niya ako kinakagat.

Mukhang busog pa ang binatang bampirang ito. Ipinilig ko ang sarili kong iniisip, hindi niya ako kakagatin dahil inaakala niyang isa rin akong bampira, ngunit may nabasa akong kumakagat din sila sa kapwa nila bampira.

"Tinulungan mo ako, maraming salamat..."

Tumango lamang sa akin ang bampira. Kung ikukumpara sa aking edad na sinasabi nilang pitong taon lamang para sa mga bampira, masasabi kong posibleng higit sa akin ng sampung taon ang bampirang ito!

"Saang emperyo ka nagmula?" tanong nito sa akin.

Agad nanlaki ang mga mata ko hindi dahil sa katanungan niya, kundi sa laki ng pangil niyang higit sa akin.

"Ang 'yong mga pangil ay higit na malaki kaysa sa akin, binata!" nawala ang panghihina ko. Napaluhod ako sa pagitan ng kanyang mga hita, umangat ang aking mga kamay sa kanyang mga pisngi habang unti-unti kong ibinubuka ang aking bibig para lamang ako ay gayanin ng binatang bampira.

"Binata...? Marahil ay hindi ako nakikilala ng 'yong mga magulang?" katanungan niya sa akin na may kasamang pagkunot ng noo.

Hindi ko nagawang sagutin ang kanyang katanungan dahil masyado akong nawili sa laki ng kanyang pangil. Nanatili pa ring nakahawak ang aking mumunting mga kamay sa kanyang pisngi at pilit kong ibinubuka ang mga labi ko.

Nagkibit balikat ito at sinimulan niyang ibuka ang kanyang labi para mas makita ko ang kanyang mga pangil. Saglit siyang napaatras sa kanyang pagkakaupo nang subukan kong hawakan ang pangil niya gamit ang aking maliliit na daliri ngunit sa sumunod na mga segundo ay hindi na siya gumalaw.

Mukhang mali ang larawang aking kinupyahan? Mahahalatang huwad ang aking pangil... siguro'y hindi lamang ako kinakagat ng binatang bampirang ito dahil busog siya.

"What an innocent kid..." tinanggal nito ang aking kamay.

"Nais kong makita ang 'yong pangil." Nanlaki muli ang aking mga mata at pilit itinikom ang aking labi.

Marahas akong umiling sa kanya.

"Hindi maaari binata..." tinakpan ko ulit ng aking mga kamay ang aking labi.

"But I saved your life...anong ginagawa nang isang batang bampira sa talon na ito?" saglit niyang inilibot ang kanyang mga mata sa paligid.

"May kasama ka ba? Bakit hinayaan ka nilang mag-isa? Papaano kung hindi kami dumadaan dito ni Zen?"

Habang patuloy siya sa pagtatanong sa akin, bigla kong naalala si Hua.

"Si Hua!"

Nagsimula akong kapain ang sarili ko. "Nasaan si Hua?"

"Hua?"

"Ang alaga kong langgam, binata---" kumislap ang mga mata ko sa harapan ng binata nang makita ko si Hua sa kanyang leeg.

"Hua!" pinagdaop ko ang aking mga kamay kasabay nang pag-iinit ng sulok ng aking mga mata.

"Buong akala ko'y nadala ka na ng tubig! Oh Hua..." kapwa ko inilagay ang mga kamay ko sa balikat ng binata at marahan kong ipinatong dito ang aking baba habang nakangiting hinihintay ang paggalaw ni Hua sa kanyang leeg.

"T-This baby vampire is talking to an ant... on my neck..." narinig kong nasapo ng binata ang kanyang noo.

Naramdaman kong hinawakan ng binata ang bewang ko at pinaupo niya akong muli sa kanyang kandungan.

"Nais kong malaman ang 'yong ngalan."

"Leticia." Ngumiti ako sa kanya.

Pansin ko na nakakunot pa rin ang noo nito. "Ang pangalan ng 'yong pamilya?"

Umiling ako sa kanya.

"Kung gano'n, marahil ay ako na lamang ang magpapakilala. At sana'y ipabatid mo ang aking mensahe para sa'yong mga magulang."

Marahang hinawakan ng binata ang basa kong buhok at tuluyan na akong natulala sa ginawa ng binata.

"Kilala ako bilang unang prinsipe ng Parsua Sartorias, Dastan Lancelot Gazellian." Hindi siya ngumiti sa akin dahil seryoso ang mga mata nitong nakatitig sa akin. Siya mismo ang nagtayo sa akin at tumayo na rin siya sa harapan ko.

Sa pagkakataong ito ay nakatingala ako sa kanya at siya'y nakatingin sa ibaba para magtama ang aming mga mata.

Tinanggal niya si Hua sa kanyang leeg at ibinigay niya ito sa akin.

"Hindi nakakalimot ang mga prinsipeng katulad ko, Leticia. Nais kong ipabatid sa'yong mga magulang na sa susunod na sampung taon... ako'y maniningil sa kagat ng langgam na iginawad sa akin ng kanilang anak."

"M-Maniningil?! Ngunit walang utang ang aking mga magulang!" walang akong magulang...

"Ako'y isang marangal na bampira, may ngalan at reputasyong iniingatan—ngunit ako'y nagkaisip sa pamantayang ang utang ay kailangang bayaran."

Saglit na yumuko sa akin ang binata na may hudyat nang pamamaalam.

"Isang uri lamang ng kagat ang tinatanggap ng isang Gazellian."

Continue Reading

You'll Also Like

20.1M 839K 63
In fairy tale, it is always the prince who will bring back your missing slipper. He will kneel in front of you with a sweetest smile on his face, tre...
46.1K 663 46
A Girlinlove Fan Fiction Story <3
3.1K 89 21
ZEMBLANITY SERIES #2 We both love each other. We're suppose to end up together.. this isn't happening.. why? Is this really.. what the player's endg...
1.9M 150K 54
Anna Merliz Callista is a wizard from Fevia Attero. To be born into a prominent wizarding clan should have made her happy, but as someone who was bor...