MOON

By maxinelat

20.2M 701K 829K

This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such a... More

DISCLAIMER
PANIMULA
MAXIMOR MOON
MONDRAGON
MAKSIMO MOON
MESSIAH
MAZE MOON
MAXWELL MOON : PART 1
MAXWELL MOON : PART 2
MAXPEIN MOON : PART 1
MAXPEIN MOON : PART 2
MAXPEIN MOON : PART 3
MAXPEIN MOON : PART 4
MAXPEIN MOON : PART 5
MAXPEIN MOON : PART 6
MAXPEIN MOON : PART 7
MAXPEIN MOON : PART 8
MAXPEIN MOON : PART 9
MAXPEIN MOON : PART 10
MOON
MOON JAE SUK
MOON JIN AH
MISYON
MGA HUKOM
MAHATULAN
MADAKIP
PAGTATAPOS

MONARKIYA

774K 23K 32.8K
By maxinelat

NAG-ANGAT NG tingin si Maxpein sa mataas na punong naroon sa kaniyang harapan. Maganda ang panahon, palibhasa'y tagsibol. Naghahalo ang init at lamig ng hangin. Ang sinag ng araw ay natatakpan ng makakapal na ulap. Payapang lumilipad ang mga ibon, magiliw na sumasayaw ang mga puno, at tila likas na awit ng kalikasan ang bawat pag-ampyas ng tubig sa dagat.

Inilabas niya ang dalawang bayoneta at iyon ang ginamit upang maakyat ang pinakamataas at siya ring pinakamatibay na sanga ng punong iyon. Nang marating niya ang tuktok ay tinanaw niya nang nakangiti ang dagat.

Pero hindi nagtagal ang ngiting iyon sapagkat agad na sumagi sa isip niya ang pinagdaanang proseso. Kung saan isa sa mga kasamahan niyang babaeng rangoang sapilitan siyang itinulak sa bangin para lamang manalo. Hindi niya malilimutang sa proseso ay matira ang matibay. Na kahit magkasama kayong lumaki, kumain, magutom, lamigin, mapagod, masugatan, masaktan...naroon ang trayduran.

May mga sandaling nakaligo na siya sa dagat. Isa iyon sa hindi niya pinagsasawaang gawin mula pagkabata. Bagaman ni minsan ay hindi niya narating ang mas malalim pa sa limang beses ng kaniyang taas, hindi siya takot sa dagat, maging sa mga nakatira roon. Ngunit nang sandaling iyon sa proseso ay mukhang hindi niya na uli gugustuhing makatapak pa sa tubig niyon. Hindi niya na makita ang sariling nakalutang at lumalangoy sa dagat. Kontento na siyang nakikita, pinanonood, naririnig at naaamoy ito.

Marahan siyang pumikit nang dumaan ang makapal na ulap sa araw at tumama ang liwanag niyon malapit sa kaniyang paningin. Doon ay mas narinig niya ang paghuni ng mga ibon, ang wasiwas ng mga puno at nanghihikayat na himig ng dagat.

Wala sa sarili siyang nangingiti. Ganoon ang dulot sa kaniya ng masarap at masayang pakiramdam dahil sa kalikasan. Sandali niyang nalilimutan ang lahat. Ngunit oras na umandar na ang isip niya, ang ngiti ay mabilis na napapalitan ng pait, bagay na hindi niya maiwasan kahit pa anong gawin niya. At nakalulungkot isiping ganoon kababaw na nga lang ang kasiyahan niya, hindi pa pangmatagalan.

Agad na gumuhit ang mga luha sa nakapikit niyang mga mata nang maalala ang pritong manok na pinagpuyatang iluto ni Maxwell para sa kaniyang kaarawan. Narinig niya mula sa mga taga-silbi na si Maxwell mismo ang nag-alaga sa mga manok na iyon sa loob ng mahigit dalawang buwan. Hindi rin umano hinayaan ng nakatatanda niyang kapatid na may magbalat sa mga ito maliban dito. Si Maxwell ang gumawa sa lahat hanggang sa pagpiprito. Ngunit wala siyang kinain maski na isa sa mga manok na inihanda nito.

Bagaman nakangiti si Maxwell ay batid niyang nasaktan ito sa pagtanggi at pagtalikod niya. Lahat ay nagulat sa kaniyang pagtanggi. Natural, naghanda ang mga ito para sa kaniyang kaarawan ngunit hayun siya at nasa tuktok ng puno, nakapikit at binabagabag na ng konsensya.

Ngunit nang magmulat siya ng mga mata, 'ayun at salubong na ang mga kilay niya. Naalala niya na naman ang kaniyang pinagdaanan, at hindi sapat ang napakaraming pritong manok upang makalimutan niya ang mga iyon. Hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan ang batas ng kanilang bansa. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya tatanggihan ang mga pasalubong at mabubuting gawi ni Maxwell. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya babale-walain ang presensya ni Maze. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya magbibingi-bingihan sa mga pagtawag ng cheotjae. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya susunod sa mga salita ng chairman para pasakitan ang ilan. Hindi niya alam kung kailan niya tatanggapin ang mga paumanhin ng kaniyang ama. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makokontento nang sina Mokz at Maxrill lamang ang itinuturing na totoo. Marahil ay kapag lubos niya nang naunawaan ang mga bagay na ayaw niyang unawain sa ngayon.

Nabura ang lahat ng laman ng kaniyang isip nang may maliliit na tinig na unti-unti niyang naririnig. May mga daraan sa punong kinaroroonan niya. Napamilyaran niya ang mga boses at hindi niya inaasahang hihinto at mag-uusap ang mga ito sa ilalim ng paborito niyang puno.

"Hindi man ako ang tinanghal na pinakamataas na rango ay masaya ako sa nakuhang reaksyon mula sa aking pamilya. Masaya silang napagtagumpayan ko ang proseso at isa na akong ganap na rango,"tinig ni Laieema.

"Sinumang pamilya ay masaya sa naging resulta ng proseso,"sagot naman ni Bitgaram.

Napatitig sa kung saan si Maxpein, hindi na alintana ang nakasisilaw na liwanag. Bukod sa cheotjaeay wala nang myembro ng kanilang pamilya ang nakitaan niya ng reaksyon. Nakatalikod siya sa iba pang myembro ng kanilang pamilya nang maganap ang pag-aanunsyo. Kung naging masaya ba ang mga ito para sa kaniya ay wala siyang maalala. Ngunit kung lulunurin niya ang sarili sa kaiisip kung bakit namumugto ang mata ng mga ito ay baka mahulog siya sa magandang ideya.

"Kinausap ako ng setjae ukol sa pagkakaroon ng misyon. Ang reyna raw ang magbibigay niyon,"dagdag pa ni Laieema. "Sana ay isa ako sa mga mapipiling rango na magkakaroon ng misyon sa labas ng bansang ito."

Bakit kaya ganoon ang mundo? Si Maxpein ang tinanghal na pinakamataas na rango ng Emperyo ngunit si Laieema ang tunay na masaya. Wala pa mang ipinagagawa sa kaniya ay tila napapagod na siya. Samantalang ang mga nakasama niya sa proseso ay sabik pang kumuha ng misyon. Inirerespeto siya ng mga tao ngunit dahil sa mga pinagdaanan niya ay nawalan siya ng modo.

Gusto niyang lumabas sa bansang iyon pero hindi dahil sa misyon. Pwedeng iyon ang maging dahilan pero hindi niya hinihiling na gawin ang alinmang may kinalaman doon. Interesado lang siya sa kung ano ang meron sa labas ng kanilang bansa. Gusto niyang malaman ganoon din ba kalupit ang batas na umiiral doon. Nais niyang makita nang personal ang mga bansang nabasa at nakita niya lang sa mga pahayagan at libro.

"Posible iyon,"ani Bitgaram. "Ngunit hindi na dapat nating pag-usapan dito ang bagay na iyan, Laieema. Baka may nakikinig sa atin."

Napangisi si Maxpein. Hindi niya na ipagtataka kung naramdaman man ni Bitgaram ang presensya niya. Ito ang humasa sa ganoong abilidad niya, ang magkaroon nang malupit na pakiramdam. Hindi na siya magugulat kung alam nitong naroon siya. Hindi imposibleng siya ang tinutukoy nitong nakikinig.

Muli siyang pumikit nang marinig ang papalayong hakbang ng dalawa. Ngunit hindi pa nagtatagal ay muli siyang nakarinig ng maliliit na ingay. Iyong ingay na para bang nag-iingat. Malayo sa kaswal na paglalakad nina Laieema at Bitgaram kanina.

Napangisi siyang muli, iniisip na si Bitgaram iyon at nais siyang hulihin. Bahagya siyang napailing. Kung pinaplano siya nitong gulatin ay bigo na ito sa sandaling iyon palang.

Naisip niya kung bakit hindi natuto ang sino man sa dalawa na maglakad sa ibabaw ng mga tuyong dahon nang tahimik. Ilang buwan niyang sinanay iyon hanggang sa makuha. Kaya kung siya man ang maglalakad at kung ang mga ito man ang naroon sa sangang kinaroroonan niya ay imposibleng malaman ng mga itong dumaraan siya. Wala rin naman siyang kakausapin sapagkat nakaugalian niya nang mag-isa.

Kalmdo siyang naghintay. Nakapikit at nakadantay sa parehong braso na para bang totoong kama ang kaniyang hinihigaan. Ang kaliwa niyang tainga ay pinakikinggan ang dagat, huni ng ibon at palaspas ng mga dahon. Habang ang isa pa ay tutok sa langitngit ng punong-kahoy at tuyong dahon.

Ngunit ang maliliit na ingay ay nagkasunod-sunod at iba't iba ang pinagmumulan. Mayroon sa kaniyang kaliwa, mayroon sa kanan. Mayroon sa bandang harapan, mayroon din sa likuran. Doon siya maingat na lumingon sa ibaba at hinanap ang nagmamay-ari ng mabigat na paa.

Nangunot ang kaniyang noo nang matanawang hindi lang iisang tao ang gumagawa ng maliliit na ingay. Iginala niya ang paningin at binilang ang mga ito.

Nasisiguro niyang wala sa mga iyon si Bitgaram. Pawang matatangkad kompara sa kaniyang kaibigan ang mga iyon. May kalakihan ang katawan ng mga ito at kayrurungis ng buhaghag na buhok. Hindi talaga niya mapagkakamalan isa sa mga iyon ang kaniyang kaibigan. Lalo pa't hindi magsusuot ng ganoon kamura at ganoon karuming itim na hanboksi Bitgaram.

Ganoon sa mga komonero ang hanbok na suot ng apat na lalaking namataan niya, kung tama man ang kasarian ng mga ito sa paningin niya. Sapagkat sa tindig at natural na bulto ng katawan ng mga ito, nasisiguro niyang lalaki lahat iyon. Pulos itim iyon, manipis at gawa sa mumurahing tela. Sa suot palang nahuhulaan niya na ang estado sa buhay ng mga ito. Palibhasa'y may itim na tabing ang kanilang mukha, tanging mga mata ang makikita at nakataling buhok, hindi niya matukoy ang pagkakakilanlan.

Marahan siyang tumayo nang makita ang isa pang papalapit sa mga ito. Ngunit hindi gaya ng apat na lalaking iyon ay naka-gat ito. Iyon 'yong sombrerong nililok sa kawayan. Tuloy ay hindi niya makita ang mukha nito. Naisip niya kung may nakatabing din ba sa mukha nito gaya ng iba. Naisip niya kung buhaghag din ba ang buhok nito gaya noong apat pa. Pero dahil hindi siya lubos na interesado ay hindi na siya nag-abala pa.

Tinanaw niya ang tinatanaw ng mga ito, ang Emperyo. Hindi na iyon bago. Ilang beses na siyang nakakita ng mga tulisang palihim na minamatyagan ang Emperyo. Ngunit hanggang ngayon ay hindi niya mahulaan ang dahilan at pakay ng mga ito. Hindi niya kakitaan ng saysay ang paulit-ulit nitong pagparoon doon. Walang ginawa ang mga ito kundi ang magmatyag. Kahit gaano kalalim niyang pilitin na makapag-isip ng dahilan, wala siyang mahita. Sapagkat daan-daang mandirigma ang nasa loob ng Emperyo, at walang maglalakas-loob na pasukin ito. Isa iyong malaking kalokohan, maliban na lamang kung talagang naghahanap ng sakit ng katawan ang mga ito.

Tila pinitik ang kaniyang tainga nang marinig ang papalapit na pagtakbo ng kabayo ng kaniyang lola. Nilingon niya ang entrada ng Emperyo at muling tinanaw ang mga tulisan. Nakita niya kung gaano kabilis na nagsipag-akyatan ang mga ito sa puno na mas mababa sa kinaroroonan niya. Naagaw ng isang iyon na nakasuot ng gatang atensyon niya. Nagtago lamang ito sa puno at maingat na pinagkrus ang mga braso. Isa-isa niyang pinanood na maglabas ng palaso ang mga tulisan.

Kung ganoon ay ang cheotjae ang kanilang pakay...naisip niya.

Marahan siyang bumangon at maingat na ibinalanse ang sarili sa matabang sanga ng puno. Bumunot siya ng palaso saka isa-isa muling tiningnan ang mga tulisan. Iyong pinakamalapit ang una niyang inasinta. Nang akma na nitong paliliparin ang palaso ay saka niya pinakawalan ang pana niya.

Nagkrus at nahati sa apat ang parehong palaso nila ng tulisan dahilan para umalma at humiyaw ang kabayo ng cheotjae. Agad na kumilos ang mga kawal na rangong cheotjaeat naghanap.

Pare-parehong lumingon sa kinaroroonan niya ang apat na tulisang nasa mababang puno. Mabilis siyang bumunot muli ng palaso ngunit tila hangin na nagsipagliparan papalayo ang mga ito.

Nang magbaba ng tingin si Maxpein sa kaniyang lola ay nakatingala na ito sa kaniya. Tinalon niya ang bawat sanga ng puno hanggang sa makababa. Hindi man lang nagbabago ang pagkakakunot ng noo ng kaniyang lola nang magharap sila.

"Ano ang ginagawa mo riyan, Maxpein?"kaswal na tanong ng cheotjae, nakababa ang tingin sa kaniya habang hawak ang tali ng kabayo.

Napabuntong-hininga si Maxpein. Gusto kong kahabagan ang mga tulisang iyon. Nagpapakahirap silang magmatyag sa Emperyo ngunit hindi ko man lang kakitaan ng interes ang lola ko.

Sa halip na sagutin ay tumango lang si Maxpein at pumasok na sa Emperyo.

Tinanaw ng cheotjae ang apo at inilingan nalang ang iniasta nito. Matapos ay tinanaw niya ang daang tinahak papalayo ng mga tulisan. Saka niya muling nilingon ang kaniyang apo na walang kasimbigat ang mga hakbang papasok sa templo.

Hindi niya malilimutan nang sandaling banggitin nito ang mga tulisan. At dahil sa ikinilos ni Maxpein ngayon lang ay mukhang hindi man lang ito kinabahan. Hindi niya malaman kung dapat niya ba iyong hangaan, o kung dapat ba siyang kabahan dahil sa mga tulisan.

"Hahanapin namin ang mga tulisang iyon, cheotjae,"untag ng kaniyang kawal. Tango lang ang kaniyang isinagot.

Dumeretso ang cheotjaesa palasyo ng hari at reyna ng Monarkiya. Sa daan ay iniisip niya ang posibleng dahilan kung bakit ipinatawag siya ng mga ito. Pero wala siyang mahulaang sagot sapagkat paulit-ulit siyang binabagabag nang naunang sitwasyon.

Nangangati ang kaniyang taingang malaman ang dahilan kung bakit may pakalat-kalat na tulisan sa labas ng kanilang baryo. Hindi niya ipinag-aalala ang presensya ng mga ito. Ang totoo ay iniisip pa nga niya ang kapakanan ng mga tulisan sapagkat baka kung ano ang mangyari sa mga ito kapag may nakakitang rango.

"Ang dinig ko ay bumili ka ng napakaraming lupain sa Pilipinas, cheotjae,"pandederetso ng hari. "Mayroon sa Laguna at napakarami sa Palawan. Maaari mo bang sabihin sa amin ang iyong dahilan?"

Napabuntong-hininga ang cheotjaeupang huwag ipahalatang nabigla siya sa tanong ng hari, kinabahan. "Para mayroon akong dahilan upang mabawi ang simbolona hanggang ngayon ay naroon sa pamilya na pinatalsik po sa bansang ito, mahal na hari."

Bahagyang umiling ang hari, tila hindi kumbinsido sa idinahilan niya. Nakukulangan ito sa kaniyang isinagot. At kailangang makapag-isip agad siya bago muli ito magtanong.

Ngumisi ang reyna. "Masyado mo naman yatang minamaliit ang iyong sarili, cheotjae?"puno ng sarkasmo ang tinig nito. "Bakit pa kailangang magwaldas ng daan-daang libong salapi gayong maaari ka namang pumaroon sa bansang iyon at kunin nang personal ang simbolo?"

"Traydor ang chairman na iyon, mahal na reyna,"anang cheotjae. Ipinagpapasalamat niyang hindi kailangang tingnan sa mga mata ang hari at reyna sapagkat mas mahihirapan siya. "Paano tayo makasisigurong ganoon kadali niyang isasauli ang isang bagay na alam niyang malaki ang parte sa Emperyo?"

Totoong mahalaga sa kanilang bansa ang simbolo. Tanging asawa ng mga hukom ang mayroon niyon. Nagmula pa ang mga iyon sa kanunu-nunuan ng kani-kanilang mga angkan.

"Kung ganoon ay ipaliwanag mo kung bakit sa dalawang magkaibang lugar ka bumili ng mga lupain, cheotjae,"muling anang hari.

Lalong kinabahan ang cheotjae. Nag-aalala siyang nahuhulaan ng mga ito ang kaniyang dahilan. "Planado ko po ang bagay na ito, mahal na hari. At kung ipagkakatiwala ninyo ito sa akin ay maibabalik ko nang ligtas angsimbolo."

"Nalalaman mo kung gaanong kalaki ang tiwala ko sa iyo ngunit hindi mo sinasagot ang tanong ko, cheotjae,"muling anang hari. Sinsero ang hari sa sinabi at bilib siya sa tiwalang ibinibigay nito. Nasisiguro niyang may kinalaman ang reyna dahilan upang kuwestyunin ng hari ang mga hakbang niya. Pakiramdam niya ay noon lang nangyari iyon.

"Gaya ng sinabi ko, planado ko po ang pagbawi sa simbolo, mahal na hari,"muling tugon niya nang nakababa ang tingin. "Mula sa pagbili ng mga lupain hanggang sa pagpunta sa Pilipinas ay naplano ko na. Kailangan ko lamang ang inyong tiwala."

"Labas-masok ng bansang Pilipinas ang dating chairman,"nagsalitang muli ang reyna."Kung ganoon ay bakit sa bansang iyon ka lang bumili ng ari-arian?"

"Hindi ko nanaising ipaalam ang aking plano sa chairman. Nalalaman niya kung paanong kumilos ang mga tao sa bansang ito, mahal na reyna,"sinikap pa rin ng cheotjae na itago ang kaniyang pag-aalala. "Hindi malayong maisip niyang sinusundan ko siya kung pati sa bansang pinaglalagian niya ay bibili ako ng lupain."

Nadinig ng cheotjaena bumuntong-hininga ang hari. Pasimple siyang sumulyap dito ngunit nahagip ng paningin niya ang reyna at nagsalubong ang kanilang mga mata. Agad na nagbabang muli ng paningin ang cheotjae. Nasisiguro niyang hindi gaya ng hari, hindi ito kumbinsido sa mga idinahilan niya. Sa paraan palang ng pagkakangisi at pagkakatitig nito ay mukhang meron itong masamang pinaplano.

"Kung ganoon ay kailan ko mahihita ang resulta ng iyong plano, cheotjae?"muling tanong ng hari.

"Sa lalong madaling panahon, mahal na hari."

"Kailangan nating mabawi angsimbolo. Hindi mahahalal ang kasalukuyangnetjae, maging ang kaniyang chairman, kung wala sa kanilang pamilya ang bagay na iyon. Hindi natin maitatago habang-buhay ang katauhan ng kasalukuyang netjae. Hindi lahat ay nalalamang kambal ang mga ito, maswerte tayo sa bagay na iyon. Ngunit oras na may kalaban na makakita sa chairman ng naunang netjae, mapapahamak tayong pare-pareho,"mahabang paliwanag ng hari.

Bigla ay naramdaman ng cheotjaeang bigat ng sitwasyon. Palibhasa'y kambal ang nauna at kasalukuyang netjae, nalilinlang nila ang mga hindi nakaaalam.

"At alam mo kung gaano kadelikado ang sitwasyon ng Emperyo gayong tatlo lamang ang nakaupong babaeng hukom. Magkakagulo. Maaaring isipin ng ating mga kalaban na isang kahinaan ang isang kawalan."

"Opo, mahal na hari."

Sa daan pauwi ng Emperyo ay hindi mawala sa isip ng cheotjaeang naging pag-uusap nila ng hari at reyna. Hindi niya malimutan ang sarkasmo at paghihinala sa kabuuan ng mukha ng reyna. Ipinagpapasalamat naman niya ang tiwala at pang-intindi na ibinigay ng hari sa kaniya.

Agad niyang ipinatawag ang netjaenang makarating sa templo. Dumeretso siya sa kaniyang opisina at naupo. Nanatili na siyang nakatingin sa dagat mula sa bintana at nag-iisip.

Ang mga lupaing iyon ay para sa aking mga apo, mahal na hari. Hindi ko nais na makulong sila habambuhay sa bansang ito. Ginamit ko lang na dahilan ang simbolo. Nais kong bukod sa buhay na naipamana ko ay maranasan nila ang totoong buhay nang walang batas na gaya sa kinalakihan ko. Gusto kong matikman nila ang buhay na nararapat sa kahit na sinong tao. Pangarap ko ang normal na buhay para sa kanila dahil hindi nila makukuha iyon sa Emperyo. Alam kong mapagtatagumpayan kong ilabas sila sa bansang ito upang danasin ang buhay na iyon. At nagtitiwala akong kusa silang babalik dahil yakap nila ang mga batas natin.

"Cheotjae, narito na po ako,"tinig ng netjae.

Napabuntong-hininga ang cheotjaenang lingunin ito. Saka niya idinetalye ang napag-usapan sa palasyo ng Monarkiya. Lahat ay sinabi niya. Ang tanging inilihim niya ay ang makasarili niyang pangarap para sa kaniyang mga apo.

"Nababahala akong magkatotoo ang mga sinabi ng hari,"anang cheotjae. "Sa mga taong dumaan ay naramdaman ko ang unti-unting pagkawala ng pagmamahalan magmula nang mahatulan ang naunang netjae. Napakaraming rango na ang kumakalaban sa atin, kinukuwestiyon ang pagkakamali ng pamilya ng netjae. Napakaraming naghahangad mapunan ang kaniyang posisyon. Napakaraming gustong pamunuan ang Emperyo dahil sa kasakiman. Dumarami ang traydor at hindi nakikipagkaisa. Kailangan na nating maibalik ang simbolo."

"Kung ganoon ay kailangan nang mahanda ng iyong apo, cheotjae. Sa lalong madaling panahon ay kailangang mamulat ang mga mata niya sa sitwasyon at problema ng bansang poprotektahan niya."

Hindi na natahimik pa ang cheotjaematapos makipag-usap sa netjae. Maging sa pagtulog ay dala niya ang isipin. Naging tahimik siya sa mga nagdaang araw at hindi iyon nakaligtas sa pansin ng kaniyang asawa.

"Ano kaya ang bumabagabag sa isip ng aking asawa?"nakangiting anang chairman saka niyakap mula sa likuran ang cheotjae.

Sa loob ng ilang araw ay nakahinga nang maluwang ang cheotjae, salamat sa mainit na yakap ng chairman. Kakatwang nasa iisang bubong sila ngunit naging madalang silang magkita. Masyado siyang naging abala. Maski ang kaniyang mga apo ay hindi na niya makumusta.

"Lalamig na ang tanghalian,"muling anang chairman. "Kumain na tayo."Iginiya siya nito papunta sa hapag-kainan.

Kompleto sila nang araw na iyon. Tahimik silang nananghalian hanggang sa buwagin iyon ng cheotjae."Nais kong sumama ka sa iyong lolo sa kabilang bansa, Maxpein."

Gaya ng inaasahan ay nabigla si Maxpein sa sinabi ng cheotjae. Hindi lang siya, maging ang iba pang myembro ng kanilang pamilya, higit na ang kaniyang ama.

"Sa South Korea?"nabibiglang tanong ni Maxpein. Tumango ang cheotjaena mas lalo pa niyang ikinabigla.

"Dumarayo si Mokz sa bansang iyon ilang beses sa isang taon upang sumagap ng balita. Sa sandaling ito ay sasama ka sa kaniya, at posibleng masundan pa ang pagkakataong ito kaya nais kong maghanda ka."

Hindi malaman ng cheotjaekung bakit ba kahit pa sabik siyang ipaalam ang balitang iyon sa kaniyang apo ay hindi pa rin niya maiwasang mabahala. Tuloy, pakiramdam niya ay nagiging makasarili siya at nawawalan ng tiwala sa kaniyang apo na ngayon ay siyang pinakamataas na rangong Emperyo. Kailangan niyang pagtiwalaan ang kaniyang apo. Ngunit hindi siya handang isabak sa kahit anong klaseng engkwentro ito dahil masyado pa itong bata sa kaniyang paningin. Kakatwa nga lang na ganoon pa rin ang kaniyang isipin gayong sumabak na ito sa matinding ensayo at proseso.

"Mananatili kayo ng ilaw buwan doon at nais kong pag-aralan mo ang kanilang paraan ng pakikipamuhay. Kailangang matuto ka ng iba't ibang uri ng pakikipaglaban, ganoon sa kanilang paraan,"dagdag ng cheotjae. "Simpleng bagay pa lamang ang ipagagawa ko sa iyo sapagkat nais ko lamang na maging handa ka sa sandaling magbigay ng misyon ang centro sa iyo."

"Ano naman pong misyon iyon?"interesadong tanong ni Maxpein.

"Kulang ang apat na simbolo ng Emperyo. Ang isang iyon ay nasa labas ng bansang ito. Kailangang maibalik natin iyon sa lalong madaling panahon."

Nalito si Maxpein. Hindi niya nalalaman ang tungkol sa simbolo. Kinakabahan siya sa katotohanang magkakaroon pala siya ng misyon. Pero hindi niya maitatanggi ang pananabik sa katotohanang makalalabas na siya ng bansang iyon.

Ipinaliwanag ng cheotjaeang mga bagay na kaniyang gagawin. Hindi niya lubos na maunawaan kung bakit tila nais ng cheotjae na magnakaw siya ng kaalaman, ganoon ang dating ng pagkakapaliwanag nito.

Ilang araw lang ang dumaan at nagtungo nga sina Maxpein at Mokz sa South Korea. Hindi inaasahan ng direktor na muli niyang masisilayan ang inosenteng parte ng pagkatao ni Maxpein. Panay ang lingon nito sa kung saan, hindi mapakali ang malikot na paningin. May sandaling inilalabas pa nito ang ulo sa bintana ng sasakyan upang balikan ng tingin ang ilan sa kanilang dinaraanan. At kahit hindi ito magtanong, alam niyang napakarami nitong nais na alamin.

Nasanay na siya sa pagiging tahimik ni Maxpein bagaman bukod kay Maxrill ay siya na ang pinakamadalas nitong kinakausap. Kahit pa nga ang madalas na iyon ay hindi araw-araw. Sapagkat ang iba pang myembro ng kanilang pamilya ay natitiis niyang hindi kausapin, pansinin, ni lingunin, maski pa linggo, buwan o taon ang lumipas.

Hindi naging maramot si Mokz sa kaalaman. Ang bawat gusaling kanilang madaanan ay ipinakikilala niya sa apo. Ang lahat ng kaniyang nalalaman ay unti-unti niyang ibinahagi rito.

Isang buwan silang mananatili sa South Korea. Ang totoo ay dalawang linggo lamang dapat siya. Sinadya ng cheotjae na bigyan sila ng dalawang linggo pa dahil kasama niya si Maxpein. Nais nitong ilibot niya ang kanilang apo sa unang pagkakataon. Naantig ang puso niya nang malaman iyon. Sapagkat nararamdaman niyang talaga kung gaanong pinahahalagahan ng cheotjaesi Maxpein. Na bagaman ganoon ang naging kapalaran nito sa kabataan ay hindi nila ito pagdaramutan ng kakarampot na kasiyahan.

Hindi naitago ni Mokz ang tuwa. Unti-unti, sa bawat araw na lumipas ay bumabalik si Maxpein sa tunay nitong edad. Sa iilang araw nilang pananatili sa kapitolyo ng bansang iyon ay tila naramdaman niyang muli ang edad nito. Naging kampanteng muli si Maxpein sa kaniya. Nagagawa nitong ibahagi at ipakita ang tuwa at saya sa nakikita, nararanasan at nararamdaman.

"Ito ang paborito kong aklatan sa bansang ito, Maxpein,"ani Mokz nang dalhin niya ang apo sa lugar na iyon.

Totoong iyon ang kaniyang paboritong aklatan. Naroon kasi ang karamihan sa pinakalumang libro ng bansa. Doon makikita ang iba't ibang talaan ng kasaysayan. Naroon din ang mga interesanteng babasahing nobela, maiikling istorya at iba pa.

Ngunit hindi lamang ang mga iyon ang pakay niya. Dahil sa kabilang gusali mula sa aklatang iyon naglalagi ang ilan sa mga taong may kinalaman sa ilegal na palitan ng produkto papasok at papalabas sa kanilang bansa.

"Maaari po akong maglibot?"tanong ni Maxpein, nakatingala sa kaniya.

Buong giliw siyang tumango. "Oo naman. Naroon sa bahaging iyon ang mga nobelang para sa edad mo."

Nilingon ni Maxpein ang gawing kaniyang itinuro. "Hindi po nobela ang nais ko kundi ang mga librong may kinalaman sa kultura at kasaysayan ng bansang ito."

"Kung ganoon ay doon ka tumungo."

Habang abala si Maxpein ay inabala naman ni Mokz ang sarili sa kaniyang dapat na gawin. Panay pa rin ang lingon niya sa kaniyang apo habang minamatyagan ang kabilang gusali.

"Tapos ka na ba?"bago magdilim ay lumapit siya sa apo na tila hindi man lang nakaramdam ng gutom. 'Ayun at nakayuko ito sa mesa at abala sa binabasang libro. "Kailangan na nating bumalik sa tinutuluyan natin. Maaga pa tayong pupunta sa Busan bukas."

Nag-angat ito ng tingin at saka tumango. "Maaari ko po bang hiramin ang aklat na ito?"

Napangiti si Mokz. Matalino ang sinumang myembro ng kanilang pamilya. Ngunit katangi-tangi ang hilig nina Maxpein at Maxwell sa pagbabasa. Ang tanging pinagkaiba nila, hindi nagbabasa si Maxwell ng mga nobela, habang si Maxpein ay iyon ang pampalipas-oras.

Hindi niya malilimutang nagawa ni Maxpein na makipag-usap sa mga estranghero sa bansang iyon gamit ang ibang lenggwahe. Humanga siya kung paanong nakapagsalita si Maxpein nang walang alinlangan bagaman nabubulol kung minsan. May kompyansa itong magsalita ng wikang Ingles at ganoon na rin sa pakikihalubilo sa mga tao. Bagaman pareho ng lenggwahe ang bansang ito at ang norte, higit na mas malalim ang mga salita namin. Hindi handa ang aming bansa na yakapin ang modernong mga salita, habang ang bansang ito naman ay unti-unting nagbubukas para sa pag-unlad.

"Oo naman."Inilahad niya ang kamay upang kunin ang librong nais hiramin ng apo.

Iginiya niya ang apo papunta sa katiwala ng aklatan. Ngunit gusto niyang matawa dahil panay ang bunot nito ng libro mula sa istanteng kanilang madaanan. Tuloy kinabukasan nang ay hindi magkandaugaga si Maxpein sa bigat ng kaniyang dalahin nang magtungo sila sa Busan.

Walang kasingganda ang Busan. Hindi niya pagsasawaang tingnan ang lugar na iyon bagaman para kay Mokz ay walang mas gaganda pa sa Emperyo.

"Busog na busog ako,"ani Maxpein na hagod ang tiyan.

"Ha ha ha!"buong giliw na tumawa si Mokz. "Dalawang linggo pa lamang tayo rito ngunit iba't ibang klase ng pagkain na ang natikman mo."

Ngumiti si Maxpein. "Salamat sa inyo, eesa."

"Halika at maupo ka rito,"pinagpag ni Mokz ang katabing silya. Naroon sila sa balkonahe ng tinutuluyang bahay. Malawak iyon at may iilang metro lamang ang layo sa dagat. Payapa ang lugar at malayo sa tahanan ng mga taga-roon.

"Hihintayin ko ang paglubog ng araw,"nakangiting ani Maxpein.

Nilingon ni Mokz ang apo saka matamang ngumiti. "Masaya ka ba sa pananatili rito?"

"Kung ako ang magdedesisyon ay hindi na ako babalik pa sa Emperyo, eesa,"biro ni Maxpein.

Nakuha ni Mokz na isa iyong biro. Madalang nang magbiro si Maxpein kaya nais niyang tumawa nang malakas sapagkat nagbiro ito ngayon. Ngunit hindi niya maiwasang seryosohin ang linyang iyon. Dahil alam niyang sa isang banda ay iyon talaga ang hinihiling ng kaniyang apo. Ang makalaya sa mga batas ng Emperyo.

"Galit ka ba sa cheotjae?"tanong ni Mokz, pinalalalim agad ang usapan sapagkat hindi magawang kagatin ang huling sinabi ng apo.

Matagal na nag-isip si Maxpein, ang paningin ay hindi naaalis sa kahel na ulap sa kanilang harapan. "Galit po ako dahil isa siya sa mga hukom pero pinili niyang pagdusahan ko ang buhay na ito. Galit ako dahil isa siya sa pinakamakapangyarihang tao ng Emperyo pero wala siyang nagawa para maging normal ang buhay ko. Kung pagiging makasarili ang paghiling ng normal na buhay, eesa...tatanggapin ko."

Napalunok si Mokz, kasunod no'n ay ang pinakamalalim niyang buntong-hininga. Gusto niyang isiping normal lang na maghinanakit ang sinumang mapunta sa naging sitwasyon ni Maxpein. Gusto niyang sabihin na kailangang matutong magpatawad ng kaniyang apo sapagkat nalampasan na nito ang proseso. Ngunit dahil sa emosyong nakikita at nararamdaman niya mula rito, naging napakahirap niyon.

"Ganito ang ating kultura, Maxpein. Hindi mo pa lubos na nalalaman ang kultura at pinagdaraanan ng iba para hilingin mo ang buhay na mayroon sila. Kailan mo ba maiintindihan iyon?"sinabi niya ang mga salitang iyon nang napakahinahon. Ayaw niyang masamain ng apo ang kaniyang nais sabihin.

"Maaari niyang baguhin ang batas, eesa, isa siya sa mga hukom."

Umiling si Mokz habang nakatingin sa apo. "Isa siyang hukom kaya kailangang sumunod siya sa batas, Maxpein,"sinabi niya iyon nang may diin, nagpapaintindi. "Huwag kang mag-asam ng pagbabago sapagkat sa mata ng batas natin ay ito ang tama. Ito ang ikinabubuhay natin."

"Ngunit hindi maganda ang batas na meron tayo, eesa."

"Bakit ganiyan ang iyong naiisip ukol sa mga batas natin, Maxpein?"

"Hindi makatarungan ang karamihan sa mga batas natin."

"At ang tinutukoy mo ay ang pagiging rango?"

Nabigla si Maxpein sa kaniyang tanong. Hindi agad nito nagawang sumagot at sa halip ay napatitig lamang sa kaniya ito. Bumuntong-hininga siya at saka bahagyang humarap sa kaniyang apo.

"Ang gusto mo bang mangyari ay huwag tayong lumaban oras na lumusob ang mga kalaban? Maxpein, makinig ka sa akin..."iyon na ang pinakamalumanay na paraan niya ng pagsasalita."Kahit saang bansa ka pumaroon ay may mga taong lumalaban para sa kanilang bansa. Nagkataon lamang na ganoon sa pinagdaanan mo ang paraan ng pagsasanay ng mga mandirigma ng norte, Maxpein."

"Bakit sa atin ang babae ang kailangang lumaban, eesa? Iyon ang hindi ko maintindihan."Nagsisimula nang maging emosyonal si Maxpein. Ang tuwa at saya nito nitong mga nakaraan ay marahan na namang nawawala. "Ayaw ko pong maging makasarili ngunit sa t'wing maaalala ko kung gaano kahirap ang aking pinagdaanan ay lumalabas ang lahat ng hinanakit ko at kinukwestiyon ang mga pinaniniwalaan ninyong tama."

"Lahat ng mamamayan ng Emperyo ay nagiging rango. Sa paningin ng mga lalaki ay mahihina kayong mga babae. Kung nagkataong mas sinanay kami nang gaya sa inyo ay kayo ang pupuntiryahin ng kalaban. Kahinaan namin kayo, apo."

"Kung ganoon ay nasaan ang kaibahan? Kayong mga lalaki rin ang magiging kahinaan namin oras na lumusob ang mga kalaban na sinasabi mo, eesa."Walang kasing-tigas ang ulo ni Maxpein. Merong punto ito ngunit hindi makuha ang nais niyang ipaintindi. "Mga kalaban na kayo lang ang nakakikilala. Mga kalaban na hindi ko pa kailanman nakita."

"Hindi mo naiintindihan, Maxpein."

Ngumisi si Maxpein ngunit ang lungkot ay naroon sa mga mata. "Sinuman ay hindi maiintindihan ang batas natin, eesa. Mabibigo ang kahit na sinong sumubok na umintindi at magpaintindi. Wala nang silbi pa ang magpaliwanag."Bigla ay tumayo ito at akma siyang tatalikuran.

"Huwag kang magalit sa cheotjae, Maxpein. Kahit na sino sa atin ay walang karapatang magalit sa kaniya. Ginagawa lamang niya ang kung anong dapat para sa bansa. Darating ang panahon na mauunawaan mo rin ang lahat."

"Sana ay buhay pa ako sa oras na iyon, eesa. Dahil kung hindi ang kalaban ay baka ang karanasan ang pumatay sa akin."At tuluyan na nga siyang tinalikuran ng kaniyang apo.

Talagang panandalian lang ang pagbalik nito sa kabataan sapagkat 'ayun na naman ito sa isip na gaya ng sa matatanda. Muling naging madalang ang pakikipag-usap ni Maxpein sa kaniya hanggang sa makabalik sila sa kanilang bansa.

"Halika, may pasalubong ako sa iyo,"pagtawag ni Maxpein sa bunsong kapatid nang makauwi kami. Hindi mapangalanan ang pananabik sa mukha ni Maxrill habang tumatakbo ito papalapit.

"Pagkain!"ani Maxrill.

Tumango si Maxpein. "Patuka iyan para sa mga alaga mong bibe."

"Ah?"lumaylay ang mga balikat ni Maxrill. "Nasaan ang kay Maxrill?"

Natigilan si Maxpein at hindi nakasagot. Patago na tumawa si Mokz. Natatandaan niya nang sandaling isipin ni Maxpein na nakapuslit ito sa kaniyang paningin. Kinabukasan iyon matapos ang kanilang malalim na pag-uusap. Nag-alala siya sapagkat nasisiguro niyang dinamdam nito ang napag-usapan nila. Ngunit lubos siyang natuwa matapos malamang naghahanap lamang ito ng ipasasalubong sa bunsong kapatid. Hindi niya nga lang inaasahan na sa layo at lawak ng lugar na nilibot nito ay patuka ng hayop ang mabibili nito.

"H-Hindi ako bumili ng pasalubong na pagkain sapagkat..."nag-isip si Maxpein ng maidadahilan sa makulit niyang kapatid. "Tama! Sapagkat naisip kong panahon na ng ubas. Gusto ko na magkasama tayong mangunguha ng ubas sa lupain ng mga Lee."

Lalong natawa si Mokz sa idinahilan ng kaniyang apo. Hindi lang siya, maging ang chairman at cheotjaeay palihim na tumatawa sa dalawa.

"Marami akong oras. Maaari ko kayong samahang mamitas ng ubas sa lupain na hindi natin pag-aari,"ani Maxwell, idinaan nalang sa pag-iling ang kasalanang hindi niya hahayaang gawin ng mga kapatid niya nang wala siya.

"Kung kasama si kuya ay mas marami tayong ubas na makukuha,"nanlalaki ang mga matang ani Maxrill.

"Ihahatid ko kayo sa lupain ng mga Lee,"presinta ng cheotjae.

Sumama si Mokz sa pamimitas ng ubas sa kabila ng pagod. Nagpaalam ang cheotjae sa pamilyang Lee ukol sa pamimitas na gagawin, natawa ito nang malamang palihim palang namimitas ng ubas ang kaniyang mga apo sa lupain ng mga ito.

Nakakatuwang panoorin ang tatlo nilang apo. Halos si Maxwell lang ang gumawa ng pamimitas sapagkat naging abala na sa pagkain sina Maxpein at Maxrill, tila nalimutang ang plano nila ay pitasin at iuwi ang mga prutas. Bago dumilim ay sabay-sabay silang umuwi. Panay ang tanong ni Maxrill habang nasa daan, tungkol sa naging pag-alis ni Maxpein. Paulit-ulit ang tanong ni Maxrill kung saan ito nagpunta kasama ang eesa. Paulit-ulit, at walang sawa naman itong sinasagot ni Maxpein. Nakakatuwa, ngunit sa kabilang banda ay nakalulungkot din. Sapagkat nagsasalita man sina Maxwell at ang cheotjaepero tanging si Maxrill ang sinasagot ni Maxpein.

"Ipinatatawag ng reyna ng Monarkiya si Maxpein sa palasyo,"kinabukasan ay iyon ang bungad ng pangunahing lalaking rangona sumadya sa templo. Pare-pareho silang nagulat sa sinabi nito.

"Nabanggit niya ba ang dahilan sa pagpapatawag sa pinakamataas na rango?"tanong ng cheotjae.

Umiling ang pangunahing lalaking rango. "Sa tingin ko ang inyong apo lamang ang maaaring makaalam ng dahilan, cheotjae."

Tumango-tango ang cheotjae."Naiintindihan ko,"buntong-hininga niya. "Sasamahan ko siya sa palasyo."

"Ang pinakamataas na rangolamang ang ipinatatawag ng mahal na reyna, cheotjae. Sana ay maunawaan ninyo."

Napabuntong-hininga ang cheotjae. Wala itong magagawa gayong ang kanilang apo lamang ang hiniling na makausap ng reyna. Ipinatawag nito si Maxpein sa ama at saka kinausap.

Hindi man lang kakitaan ni katiting na kaba ni Mokz ang apo nang malaman nito ang balita. Hindi niya na naman naiwasang humanga sapagkat nararamdaman niya rito na responsable ito sa posisyong hawak.

Mula sa entrada ng palasyo ay tinanaw ng reyna ang pagpasok ng pinakamataas na rangokasama ang mga kawal nito. Napangisi siya sa lakas ng dating ni Maxpein, tanging myembro ng pamilya nito ay mayroong ganoong kakaibang dating. Pinanood niya ang batang babae ng mga Moon nang bumaba sa kabayo hanggang sa tumango at iluhod nito ang isang tuhod sa kaniyang harapan.

"Ipinatatawag niyo raw po ako, mahal na reyna,"bagaman naroon ang paggalang kay Maxpein ay hindi niya maramdaman ang sinseridad nito. Batid niyang hindi niya mapasusunod ang pinakamataas na rangogaya ng pagpapasunod niya sa mga nauto niyang rango.

"Bibigyan kita ng misyon,"panimula niya. "Nais kong maghatid ka ng regalo sa pamunuan ng Ryanggang kasama ang ilang mga kawal mong rango. Isa ang probinsyang iyon sa pinakamahihirap na lugar sa bansang ito. Hindi ka babalik dito hangga't hindi sila pumapayag sa kasunduang iniaalok ko, Maxpein,"maawtoridad na utos ng reyna. "Sa madaling salita ay kailangan mo silang mapilit na selyuhan ang sulat na ipadadala ko."

Naging malalim at mabigat ang hiningang pinakawalan ni Maxpein. "Masusunod, mahal na reyna."

Palihim siyang ngumisi dahil ang inaasahan niya ay tatanggi ito sa ipag-uutos niya ngunit nagkamali siya. Hindi na kataka-taka ang tiwala na ibinibigay ng cheotjaesa apo nito. Dahil bagaman hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang distansya at alitan sa kanilang pamilya ay sinusunod nito anuman ang obligasyon nito.

"Hindi ko inaasahang sa pinakamataas na rangoninyo iaatas ang pagpunta sa Ryanggang, mahal na reyna,"anang pangunahing lalaking rangonang naroon na sila sa kaniyang opisina.

"Gusto kong bago pa man makalabas ng Emperyo ang pinakamataas na rango ay tugisin na ninyo ito kasama ang kaniyang mga kawal. Magpadala ka ng tao na doble sa kanilang bilang."

"Ibig ninyong sabihin..."

Tumango siya. "Hindi gaya noong kabataan niya, hindi niya na binabale-wala ang mga tulisang nakikita niya. Kailangan nating ilihis ang sitwasyon bago niya pa mahulaang tayo ang may pakana niyon."

"Ngunit paano kung malampasan niya ang mga taong ipadadala ko, mahal na reyna?"

Ngumisi siya habang nakatuon ang paningin sa kung saan at sumisimsim ng tsaa. "Huwag kang mag-alala, hindi iyon problema. Delikado ang lugar na Ryanggang. Nasisiguro kong hindi pa man siya nakararating sa bukana ng kanilang probinsya ay may mga tulisan nang haharang sa kaniya. Posibleng maisip niyang iyon din iyong tulisang nakita niya sa harap ng Emperyo."

Bumungisngis ang pangunahing lalaking rango. "Ngunit maraming buhay ang batang iyon. Bagaman mahina ay hindi siya binibigo ng kaniyang prinsipyo at matigas na ulo. Hindi malabong malampasan niya rin ang mga tulisang iyon."

Lalo pang ngumisi ang reyna. "Ngunit hindi sapat ang bilang nila, maging ang taas at timbang niya sa dami ng tulisan sa bukana ng Ryanggang. Nasisiguro kong hindi makapapasok nang buhay ang pinakamataas na rangosa lugar na iyon."

"Napakahusay ninyong mag-isip, mahal na reyna. Nasisiguro kong bago matapos ang buwang ito ay paglalamayan ang pinakamataas na rango."

Nakahanda na ang kariton ng mga regalo para sa Ryanggang nang dumating ang pinakamataas na rangoat sampung kawal nito. Gustong matawa ng reyna sapagkat isang batalyon ang inaasahan niyang makakasama nito sa unang pagkakataong mabigyan ito ng misyon. Naisip niyang nagkamali siya, at kung ganoon ay hindi pa man nakalalabas ng Emperyo ang mga ito, mapapaslang na.

Iba't ibang uri ng madadalang na gamot ang laman ng kariton. Meron din doong samu't saring mamahaling ugat mula pa sa pinakamalalayong lugar sa kanilang bansa. Mayroon ding ginto at pilak, at mga salapi. Kailangang maging makatotohanan ang kaniyang plano kaya sinadya niyang isakripisyo ang mga laman ng kariton.

"Hindi mo nalilimutang hindi kayo babalik dito hangga't hindi mo nakukuha ang kanilang selyo,"muling aniya sa mga nakatungong rangosa kaniyang harapan.

"Hindi ko po nalilimutan, mahal na reyna."

"Kung ganoon ay umalis na kayo,"hudyat niya dahilan para umalis na ang mga ito. Nakangisi niyang tinanaw ang paglayo ni Maxpein at ng kaniyang mga kawal.

~ To be continued. . .~

Continue Reading

You'll Also Like

124M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...
77.7K 97 2
Fritzey Aisaeah Velasco is a seemingly ordinary person, except for the fact that she can determine if two people are destined for each other. However...
56.1K 1.1K 10
Sabi nila ang pag-ibig daw ay dadating sa tamang panahon, ngunit paano kung pagtripan ka nito ? Siya si Shan ,isang babae na pinaglaruan ng tadhana...
372M 8.9M 100
This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence...