Haven Rey: A glimpse of HOPE...

By yhin2x

1K 17 21

Kabilang SIYA sa human weapon na dinisenyo para lipulin ang sinumang hindi sasang-ayon sa batas ng kinagisnan... More

About the Bookcover
๐ŸŒ HR 2 ๐ŸŒ
๐ŸŒSide story I๐ŸŒ
๐ŸŒHR 4 ๐ŸŒ
๐ŸŒ HR 5 ๐ŸŒ
๐ŸŒ HR 6 ๐ŸŒ

๐ŸŒHR 3๐ŸŒ

75 2 6
By yhin2x


     Tumunog ang hudyat para sa lights off, ibig sabihin, oras na para bumalik sa kaniya-kaniyang Cabin at magpahinga. Ngunit ito rin ang oras para mangamba kami, dahil sa kalagitnaan ng aming paghimbing ay ang katotohanang bigla na lamang may isa, dalawa o higit pa ang nawawala sa aming mga taga-Foster. Walang nakakaalam kung ano ang dahilan o kung nasaan na nga ba sila naroroon, wala kasing nagtatangkang magtanong sa takot na baka sila naman ang mapagdiskitahan. At ang mga nawawalang iyon, kailanma'y di na namin natagpuan pa.

     Sa Cabin G ako naka-assigned, kasama ko sa silid  na ito si Auntie Melva, ate Maita at si Elder Riyo. Si Elder Riyo ang pinakamatanda sa aming lahat at ako naman ang  pinakabata. Ang Floating City ay may dalawang Cabin Stations, matatagpuan ang mga ito sa ilalim ng Grower Station. Ang mga Cabin na ito ay okupado ng lahat ng kabilang sa Foster Society. Sakop ng Cabin 2 ang Cabin E, F, H at G kung saan ako nakatokang manatili. Mula sa Grower Station, kailangan ko pang gumamit ng Lift Station  pababa at lagpasan ang Cabin 1 para marating ang sarili naming Cabin. Katulad ng ilang estasyon sa Floating City, hindi rin kami naaabot o nasisikatan ng araw. Umaasa lang kami sa Electric Lights na siyang libreng isinusuplay ng pamahalaan. At sa oras na ito ay nakapatay na, kailangan na rin naming matulog. Malalaman na lamang namin na umaga na kapag muling tumunog ang hudyat, senyales na kailangan na ulit naming magtrabaho.

     Maagap akong bumangon matapos marinig ang hudyat para sa umaga, kaya maagap ko rin nai-deliver ang mga bulaklak sa isang Flower Shop dito sa Mercanich Town. Ang totoo niyan, mapalad pa nga ako kumpara sa ilang mga taga-Foster dahil nakakaakyat ako mismo sa Mercanich Town at kahit papaano nararanasan kong masikatan ng araw. Hindi kasi lahat ng mga nasa Foster society ay may ganitong pribilehiyo. Gawa sa makapal na transparent glass ang nagsisilbing bubungan na nakatalukbong sa buong syudad. Ito raw ay para maproteksyunan ang aming mga balat dahil lubhang nakakasama na raw sa amin ang direktang sikat ng araw dahil sa pagnipis ng ozone layer na nakapaikot sa buong mundo. Ang transparent glass ay dinesenyong mag-absurb lamang ng sapat na init upang hindi maapektuhan ng matinding radiation mula sa araw ang lahat ng mga naninirahan sa Mercanich Town.

       Isang tawag ang nagpalingon sa akin at nakita ko si Mordekail na palapit na sa akin, nakabuntot sa kaniya si Ginoong Royce. Sa totoo lang, kahit napakaseryoso ng mukha ni Ginoong Royce at madalas tahimik, nararamdaman ko pa rin na kahit papaano ay mabait din siya.
    
         Nagtaka naman ako dahil maaga pa, "Teka, anong ginagawa mo rito?" Pagkatapos ay bumaling ako kay Ginoong Royce, "Magandang Araw ho!" bati ko. Nginitian lang ako nito sa halip na magsalita.

     "Hindi ba sinabi ko sayo, na gagawa ako ng paraan para mailibot din kita sa mundo ko. Alam mo bang nakaisip na ako kung paano!" bakas ang excitement ni Mordekail sa mga winika niya.

     "Ha? Agad-agad! Teka, baka nabibigla ka lang. Ayoko! mapapahamak tayo pareho," diin ko.

     "Hindi, ako bahala! Tara!"

     "Nga--ngayon na talaga? Hi-hindi pwede, may isa pa akong deliver na dapat gawin. Hindi naman siguro lingid sayo na may oras lamang ang pananatili ko rito  at kung hindi ko man maihahatid sa tamang oras ang mga iyon, tiyak, malalagot ako."

     "Huwag kang mag-alala, di ba sabi ko naman sayo, ako ang bahala. At saka, nandyan sa Ginoong Royce para tulungan tayo, di ba nga Ginoong Royce?" sabay baling ng tingin sa kaniyang Butler. Napatingin din ako kay Ginoong Royce, talaga bang kukunsintihin niya ang ideya ng alaga niya? Ngunit kibit-balikat lang ang naisagot nito.

     "Tara na! Tumatakbo ang oras!" buong saya pang hinatak ni Mordekail ang braso ko dahilan para mahulog ang suot-suot kong pulang sumbrelo. At hindi ko na ito nagawang kunin pa dahil sa bilis ng aming paglalakad, hindi naman excited masyado si Mordekail. Sa huling pagkakataon ay tinanaw ko si Ginoong Royce, dinampot niya ang sumbrelo ko at sumenyas na tila sinasabi niya na siya-na-muna-bahala-sa-trabahong-naiwan-ko.

***

     "See, bagay sayo." Muli kong tinignan ang sarili ko sa salamin. Nai-tap ko ang play at nai-rewind nito kung paano ako umikot  habang nasa harapan ako nito kanina. Suot ko ang damit ni Mordekail, regalo raw ito sa kaniya noong kaarawan niya at hanggang ngayon, hindi pa raw niya ito nasusuot. Napagpasyahan namin na magpanggap na lamang akong lalaki, pumayag na rin ako, total panglalaki naman ang gupit ng buhok ko sa sobrang ikli nito. Mukha namang hindi na ako mahahalatang taga-foster, kaya nagtanong na ako kung saan kami unang pupunta.

     "Syempre, sa mga lugar na paborito ko." Ang mga ngiti sa mga mata niya ang lalong nagbigay sa akin ng sigla at sa kabilang banda ay kaba na rin.

     Napakalawak ng Mercanich Town, makikita sa sentro nito ang kapitolyo, kung saan madalas maglagi sina Pres. Einstein at Prime Minister Chuanlo. Mahigpit ang security ng buong lugar dahil nasa kapitolyo lang naman ang mga tinaguriang makapangyarihang tao sa buong mundo. Tiyak na maraming scout rangers at wolf agents ang nakapalibot doon kaya sinabihan ko si Mordekail na huwag na huwag kaming madaraan doon.

     Nasa paligid naman ng kapitolyo ang matatayog na gusali, sa loob ng mga iyon naninirahan ang ilan sa mga legit-society. Hindi ko na nagawa pang mabilang ang mga gusaling iyon sa dami at dahil na rin sa labis kong paghanga. Pero may bahagi sa utak ko ang nagsasabing, sana'y maranasan ko rin manuluyan doon.

     Ayon naman kay Mordekail, hindi sila sa ganoon nakatira. Hindi na ako magtataka, mataas kasi ang posisyon ng lolo niya sa gobyerno. Nasa isang village daw ang bahay nila. Kailangan pa raw sumakay ng E-bus para makarating sa southvilla kung saan naroon ang tahanan nila.

     "Nakarating kami sa Central Park at pumasok kami sa isang ice cream shop. Pumunta kami sa duluhang bahagi kung saan alam naming walang makakapansin sa amin. Sa lamesa na okupado namin ay may lumabas na hologram, makikita ang iba't ibang klase ng ice cream. Napakaraming flavor ang mapagpipilian, at halos lahat yata ng flavor ay nai-tap ni Mordekail pati na rin mga toppings, kulang na lang ay lahatin niya.

     "Teka, sigurado ka ba diyan sa oorderin mo?"

     "Oo naman, sa atin lahat iyan."

     "Ano kasi... kasi—"

     "Anong gumugulo sayo?" tanong niya nang mapansin na medyo naaligaga ako. Kaya naman tinapat ko siya, "Ito kasi ang magiging kauna-unahan pagkain ko ng ice cream, kung sakali. Buong buhay ko, hindi pa ako nakakain nito."

     "Se—seryoso?"

     Tumango naman ako sa kaniya, "Hindi ba nga, ang kinakain lang namin ay mula sa food capsule. Bawal sa amin ang kumain ng totoong pagkain," dagdag ko para sa kaalaman niya.

      "Kung ganoon pala'y, susulitin natin ang mga oras na ito. At hangga't meron tayo nito, tiyak na makakain natin ang lahat ng gugustuhin natin." Ipinakita sa akin ni Mordekail ang hawak niyang Gold Card. Sa pagkakaalam ko, mga anak o pamilya lamang ng mga nasa gobyerno ang may hawak ng nasabing card. Silver Card naman ang hawak ng mga citizen na naninirahan dito sa Mercanich Town. Ang mga ito raw ay katumbas ng mga ATM o pera noong mga panahong uso pa raw ang mga ito. At ang green card naman ay ibinibigay sa mga Foster-Society na nabigyan ng pribilehiyo na magparoo't parito sa loob ng mga istasyon sa Floating City.
Nai-swipe ni Mordekail ang Gold Card sa gilid ng table pagkatapos ay may lumabas sa hologram na Orders-Coming-Out-In-Two-Minutes. At kagaya nang sa sinabing minuto ay inihain sa amin ang dalawang sorbetes na naglalaman daw ng dose na flavor. Magkahalong kaba at takam ang naramdaman ko. Takam nang mapagtantong totoong ice cream ang nasa harapan ko at kaba na baka may makahuli sa pagpapanggap ko. Pero isinantabi ko ang lahat ng emosyong mayroon ako, wika nga nila, once in a blue moon lang ang mga pagkakataon, kaya susulitin ko na.

     Sana hindi na matapos ang araw na ito, lahat ng flavor ay masarap at napakalamig pala talaga ng ice cream sa bibig. Dati kasi nai-imagine ko lang ito. Ang mas tumatak sa akin na lasa ay 'yong sa mangga at sa keso. "Masarap di ba?" tanong ni Mordekail habang nakaabang sa isasagot ko. Napatango lang ako ng sunud-sunod sa kaniya at walang magawa kundi himasin ang tiyan ko, nabigla yata dahil hindi naman ito sanay sa mga totoong pagkain.

     Pagkatapos sa ice cream shop ay dumaan din kami sa ilang restaurant. Mapa-pizza, soup, fried chicken, vegetable salad at marami pang iba, lahat iyong ay pinatakim sa akin ni Mordekail. Salamat sa hawak niyang Gold Card, lahat ay nabili namin. Madali rin ang magparoo't parito sa Mercanich Town dahil sa mga Mini-Ebus na nasa mga kalsada. Ang Mini-Ebus ay nakakonekta sa mga rails na siya namang nakapaikot sa buong syudad. Ang bawat galaw ng mga ito ay computerized, hindi rin ito nangangailangan ng manu-manong pagmamaniobra. Ang lahat ng Mini-Ebus ay pinapagalaw ng mga taong nasa isang control room. Aksidente na akong nakapasok sa control room na iyon nang minsang pinairal ko ang pagiging ignorante ko, kaya kahit papaano, may ideya na ako kung papaano napapagalaw ang mga sasakyang iyon.

     Nagpunta rin kami sa tinatawag nilang Game World, dito raw madalas ilaan ni Mordekail ang mga oras niya sa tuwing tatakasan niya ang kaniyang klase. Nasa central park din ito. Isa sa mga naging paborito ko na nilaro namin ay ang "Alliance Four", may susuotin na headgear at may hahawakan din na isang bagay na siyang dangkal lang ang laki, magsisilbing itong espada o anumang armas na mapipili. Ngunit ang pagbabago nito'y makikita lamang sa kung sino ang may suot ng headgear. At kapag okay na, saka magsisimula ang nakakatuwang pakiramdam. Maiisip talaga ng sinumang player na nasa loob talaga siya ng mundo na kaniyang nilalaro. Binabago kasi ng headgear ang mundo at ginagawang virtual world ang nasa paligid. Aakalaing naglalakad  na at malayu-layo na ang nararating niya ngunit ang totoo'y naroroon pa rin naman siya sa kinapupwestuhan niya. Nagagawa rin ng mga player na maamoy, makita at maramdaman ang bawat eksena. Ang sabi nga ni Mordekail, nakakatuwa raw akong panoorin habang nilalaro ang Alliance Four. Anong magagawa ko? Eh ito ang unang beses na maranasan ko ang lahat ng ito. Paborito ko rin noong sumakay ako sa hover board tapos akala ko nahulog talaga  ako, iyon pala'y game over lamang. Basta, ang saya ko!

     Huli akong dinala ni Mordekail sa isang burol, may kataasan ito kahit papaano, tanaw na tanaw namin ang buong Mercanich Town. Ang kapitolyo, mga gusaling nakapalibot dito at ang lahat ng mga matatagpuan sa loob ng Mercanich Town, lahat sila napakainam tignan. Nakikita rin namin ang napakataas na pader na nakapalibot sa buong bayan, ito ang nagsisilbing hangganan para sa mga tagarito. Sa sobrang taas nito, wala nang nakakakita pa kung ano na nga ba ang hitsura ng mga nasa likod nito ngayon. Ang mundo kung saan malaya pa raw noon nagkakasama ang mga lahi mula sa iba't ibang panig ng mundo. Maraming kuru-kuro na ang nasa kabila na raw nang matayog na pader ay isang mundong wala ng buhay, ito ay dulot ng ikatlong digmaan na naganap. Ang digmaang ito ay nagdulot ng pagkamatay ng maraming tao, pagkasira ng lahat ng bagay, may buhay man o wala at higit sa lahat, ang pagkalat ng epidemya na halos umubos sa sikwenta porsyento na bilang ng mga tao, ang hell virus.

     Ayon sa mga eksperto, hanggang ngayon ay patuloy sa pamiminsala ang virus na nasa labas lamang ng Floating City. At ang pananatili namin sa poder ng bayan na ito ang siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa rin kami. Subalit taliwas ito sa sinasabi ng puso ko, nais kong lumabas mula sa kanlungan nang mapanlinlang na kalinga ng mga pader na ito, gusto kong lumaya mula rito. Lumaya mula sa mapang-aliping mga sistema't patakaran. Bagamat imposible, nararamdaman kong may buhay pa rin kahit nasa labas na ng Floating City. Para nga akong tinatawag ng mundo sa labas at hinihikayat ako nitong itapak ko ang mga nagmamatapang-tapangan kong mga paa. Naagaw nang atensyon namin ang pagtunog ng wrist watch ni Mordekail. Nang tanungin ko kung ano iyon, aniya, oras na raw ng klase niya. May kung anong bagay siyang kinuha sa bag niya. "Ano iyan?" tanong ko.

     "Ito ba? Ahh Scroll Pad ang tawag dito. Ito ang kasalukuyang model ng mga computer ngayon. Napakalaki nang naitutulong nito sa lahat, ito rin ang ginagamit ko para maka-log in sa klase ko.

     "Ahhh." Inobserbahan ko lang siya habang kinakalikot niya ang scrollpad na tinutukoy niya. May laki itong 10 inches at nang mabuksan niya ito ay lumitaw sa harapan namin ang monitor na mula sa hologram. Mas lalo akong namangha at naging curious sa kung ano nga ba ang kaniyang ginagawa kaya nagtanong na ako, "Pwede ko bang malaman kung ano ang mga iyan?"

     "Mga quizes ko, nahihirapan na nga ako e, hanggang ngayon nalilito pa rin ako sa mga ito."

     "Pwede ko rin tignan?"

     "Oo naman, heto!" Inabot niya sa akin ang kaniyang scrollpad. "Teka paano ba ito?" nahihiya ko pang tanong.

     "Madali lang iyan, itong mga nasa taas ang mga formulas, at ang mga ito naman ang mga problem solvings. Tapos kapag sasagutan mo na siya, i-tap mo lang ito, then dito mo na pwedeng ilagay ang computation mo."
 
     Pinakinggan at tinandaan kong mabuti ang mga sinabi at itinuro ni Mordekail sa akin. Inumpisahan ko aralin ang mga halimbawang pinaggamitan ng mga formulas, sa una'y nakakalito nga talaga, ngunit hindi rin nagtagal ay nakuha ko rin ang tamang technique, kaya, sinubukan ko nang sagutan ang mga sumunod na problem solvings.

     Nang matapos ako ay ibinalik ko na kay Mordekail ang scrollpad niya, "Hindi ako sigurado kung tama ba lahat ng computation na ginawa ko, basta sinunod ko lang kung paano ang tamang paggamit sa mga formulas," wika ko habang 'di maiwasang mapakamot sa ulo ko.

     "Okay, check natin." Nang makuha niya ang kaniyang scrollpad ay may kung ano siyang kinalikot sa hologram screen ng scrollpad niya. "Teka, Eumee, ang ginawa mo—" Kinabahan ako sa reaksyon ng mukha niya, may nagawa kaya akong mali? "Ba--bakit? Mali ba?"  tanong ko pa.

     "Lahat nang sinagutan mo, la-—lahat sila ay tama! Wow Eumee, ang galing mo naman! Paano mo nagawa iyon?" Nagulat din ako, hindi ako makapaniwala  sa mga narinig ko mula sa kaniya, "Si—sigurado ka? Ba—baka natyambahan ko lang, niloloko mo lang yata ako e," pangungumpirma  ko pa sa kaniya.

     "Tyamba? Anong tyamba? You are a Genius Eumee, alam mo bang pang-expert level 'yong mga nasagutan mo ng tama. Isa kang HENYO Eumee! Alam mo ba iyon!"  Hindi napigilan ni Mordekail na yugyugin pa ang balikat ko sa sobrang galak niya. Kaya bago pa siya malunod sa sobrang tuwa ay nagpasya na akong magpaalam,

     "Te—teka, baka kailangan ko nang bumalik sa ibaba, malapit na ang cut off ko, baka malaman pa nilang wala ako sa trabaho, mahirap na."

     "Okay-okay! Sige tara, samahan na kita. Pero Eumee, ang astig talaga nang ginawa mo. Akalain mo iyon, isang beses mo lang inaral ang mga iyon pero nakuha mo agad! Ikaw ha, di mo sinabing henyo ka pala." Wala akong nagawa kundi mapakamot uli sa ulo. Kung tutuusin madali lang naman talaga ang mga problem solving na iyon. At kung sakaling tama ang sinasabi ni Mordekail na genius ako, baka ito ang makatulong sa akin mag-isip kung paano makakaalis mula sa pagkakasakal sa amin ng gobyernong aking kinabibilangan.

     Naabutan na lamang naming umiinom ng tsaa habang nagpapahinga sa ilalim ng isang malagong puno si Ginoong Royce at mukhang nagawa niyang matapos ang lahat ng gawain ko, "Naku, Ginoong Royce, pasensiya na po talaga, ang laking abala ko na sa iyo."

     "Huwag kang mag-alala, basta sa ikasasaya ni Master Mordekail, doon ako," malumanay pa niyang sagot. Napakaswerte talaga ni Mordekail dahil nagkaroon siya ng isang tapat na alalay, nadama ko kasi ang sinseridad sa sinabing iyon ni Ginoong Royce.

     "Sige po Ginoong Royce, Mordekail, kailangan ko nang umalis, magre-report pa kasi ako sa ibaba. Mordekail—salamat ha, sobrang nag-enjoy ako."

     "Walang anuman, huwag kang mag-alala, gagawin ulit natin iyon." Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko ang umasa sa sinabing iyon ni Mordekail. May excitement na may halong kaba, Oo, maaring hindi kami nahuli ngayon, pero paano na lang sa susunod. Ngunit sa huli mas nanaig ang excitement sa puso ko at  umasa na sana maulit muli ang lahat.

     Pagkatapos kong magpalit ng damit ay agad akong dumiretso sa Lift Station. Nakita kong abala si Officer Bonni kaya hindi ko na siya inabalang batiin pa. Maya-maya pa'y natuon ang pansin ko sa isang pulutong ng mga  sundalo—walang iba kundi ang pangkat ng mga WOLF Agents at papunta sila sa direksyon ko. Kailangan ko pa tuloy muna huminto at iyukod ang ulo ko bilang pagrespeto sa kanila, dahil kung hindi ko ito gagawin tiyak na mapaparusahan ako.

     Ngunit hindi ko napigilan ang sarili ko na 'di sumulyap sa kanila nang palihim habang dumaraan sila sa harapan ko dahil sa kabilang banda'y hinahangaan ko rin ang pagiging kaiba nila. Sa bilang ko'y  sampung WOLF Agents sila na nakapila ng dala-dalawa. Ngunit kinabahan ako nang magkrus ang tingin namin ng isang babaing WOLF Agent na nasa huli, sa takot ko ay mabilis akong bumalik sa pagkakatungo, ngunit parang may napansin ako sa reaksyon ng WOLF Agent na iyon, teka, nginitian niya ba ako? Hindi! Imposible, walang emosyon ang mga tulad nila kaya ang pagngiti na nakita ko ay malabo rin na magawa nila.

     Nang makalagpas sila ay agad na akong sumakay sa elevator, habang nasa loob ako nito ay narinig ko ang usapan ng dalawang manggagawa na gaya ko ay kabilang din sa foster society. Kung titignan ang mga uniporme nila, mukhang kabilang sila sa mga Manuevers, sila ang mga manggagawa na utak sa pagpapanatili sa magandang teknolohiya at takbo ng modernong sistema sa buong floating city. Kasama nila ang mga inhinyero at scientist mula sa iba't ibang lahi. Hindi ko maiwasang 'di makinig sa kanila, ayon sa usapan nila, may mga bagong bihag daw mula sa labas, ang ilan sa mga ito ay mula sa mga rebeldeng Senipphil. Kasama sa mga napag-usapan nila ang misteryosong inhinyero na ibinilang sa grupo nila. Ayon pa sa kanila, matalino raw ang taong iyon pero dahil mula ito sa Senipphil, nangangamba sila na marahil ay may utak-rebelde rin ito kaya duda rin sila kung hahayaan ng Mercanich government na kumilos ito bilang isang manuevers tulad nila.

     Hindi ko na narinig pa ang mga napag-usapan nila dahil kailangan ko na rin lumabas ng elevator matapos nitong huminto sa grower station. Ganoon pa man, naging okupado ng taong tinutukoy nila ang buong pag-iisip ko. Nakita ng taong iyon ang mundo sa labas ng Floating City at ang pananatili niyang buhay ay patunay na may pag-asa pa rin kahit nasa labas ng Floating City. Nagkaroon ako nang kagustuhang makita at makilala ang taong iyon. Marami akong nais itanong sa kaniya na tanging siya lamang ang makakasagot. Ngunit ang tanong na dapat ko munang isipin ay kung paano ako makakalapit sa kaniya, paano ko siya makikilala? Ang pagkakaalam ko kasi, ang mga tao mula sa labas ay inilalagay muna sa isang quarantine, dito isasagawa ang ilang mga test kagaya ng mentally, physically, intellectual at maging emosyon kung saan pag-aaralan ang magiging kapakinabangan nila.

***

     Kasalukuyan nang nakapatay ang ilaw, nagpapahinga na rin ang lahat. Dahil nga sa hindi na ako pinatulog nang taong iyon, idinaan ko na lang ang pagpapaantok sa pagbabasa nang palihim sa librong akda ni Dr. Rey, gamit ang night vision eyeglasses ko, nagawa kong basahin ang libro kahit pa nga balot ang paligid ng dilim.

     Hanggang sa may mga yabag akong naririnig mula sa labas ng aming cabin. Agad kong naitabi sa ilalim ng aking unan ang eyeglasses at ang libro pagkatapos kabado akong bumalik sa pagkakahiga, sinimulan kong makiramdam. Pinagmasdan ko muna ang buong silid, may dalawang doubled deck sa kwarto namin, ang una ay malapit sa may pintuan, kung saan nakahiga si Ate Maita at si tita Minerva. Ang pangalawang doubled deck ay okupado naman namin ni Elder Rio, nasa ibabaw ako at siya naman sa ilalim.  Ang pintong katapat naman ng higaan namin ay ang banyo ng aming silid.

     Mukhang tama ang hinala ko, ang kwarto namin ang sadya ng mga taong nasa labas, bumukas ang aming pintuan ngunit wala ni isa sa mga kasama ko sa silid ang nagtangkang bumangon para magtanong kung ano ang kailangan nila sa amin sa dis-oras ng gabi. Isa lang ang alam ko, lahat kami ay nagpapanggap nang tulog. Base sa palihim kong obserbasyon, mga Scout Rangers at WOLF Agents sila.

Nilapitan nila ang pinakamalapit na higaan sa kanila, kung saan naroon si ate Maita, wala na itong nagawa nang tapikin siya ng isa sa mga scout ranger at pilit pinapasama sa kanila. Ayon sa paliwanag ng scout-ranger  may gustong kumausap sa kaniya, kung ano ang dahilan? Iyon ay hindi na binanggit pa.  Ngunit, sigurado ako sa isang bagay na  sa oras na sumama si Ate Maita sa mga ito, malaki ang posibilidad na hindi na rin namin siya makikita pa, katulad ng mga nangyari sa iba pa, sinundo rin ng mga scout rangers ang mga ito at sa magpasahanggang ngayon, wala na ni isang bakas nila ang aming nakita pa.

***
to be continued.

Continue Reading

You'll Also Like

5.4M 165K 39
Maria Sigrid Ibarra has exceptional memory. She's already an achiever at such a young age, which is why she's sent to study at a prestigious Atlas U...
183K 7.4K 51
Codes. Mystery. Adventure. And a lost city. Curious teenagers venture to the uncertainty. Pack your bags and prepare your travel suits. Buckle your t...
6.6K 959 54
She is the girl with the pure and virgin blood. A Man wants to obtain her blood before the full moon and bring it to his Father who has been sleeping...
14.8K 811 47
Isang simpleng dalaga lamang si alesxia. Siya ay nag iisa nalamang dahil sa pagkawala ng kaniya mga magulang sa mismong kaarawan na edad 9 years old...