MOON

By maxinelat

20.2M 701K 827K

This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such a... More

DISCLAIMER
PANIMULA
MAXIMOR MOON
MONDRAGON
MAKSIMO MOON
MESSIAH
MAZE MOON
MAXWELL MOON : PART 1
MAXWELL MOON : PART 2
MAXPEIN MOON : PART 1
MAXPEIN MOON : PART 2
MAXPEIN MOON : PART 3
MAXPEIN MOON : PART 4
MAXPEIN MOON : PART 5
MAXPEIN MOON : PART 6
MAXPEIN MOON : PART 7
MAXPEIN MOON : PART 9
MAXPEIN MOON : PART 10
MOON
MOON JAE SUK
MOON JIN AH
MONARKIYA
MISYON
MGA HUKOM
MAHATULAN
MADAKIP
PAGTATAPOS

MAXPEIN MOON : PART 8

529K 22.5K 37.2K
By maxinelat


DISCLAIMER: 

 This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.  


"MAHUSAY, MOON!" palahaw ng pangunahing lalaking rango. Tumayo siya at sunod-sunod na pumalakpak. "Napakahusay ng iyong ipinakita!"

Natigilan ako at hindi makapaniwalang tumingala sa kinaroroonan ng pangunahing lalaking rango. Napapalunok akong tumitig sa kaniya. Mabilis na nangilid ang aking mga luha. Sapagkat sa unang pagkakataon, sa loob nang mahigit isang buwan ng ensayo ay nakarinig ako ng papuri mula sa kaniya. Napakasarap sa pakiramdam dahil isa sa pinakamahirap na pagsasanay ang ginawa namin nang araw na iyon.

Katapusan iyon ng buwan nang ganapin ang matira ang matibay sa pakikipaglaban sa Hapkido. Hinati kami sa dalawang grupo at pinaglaban-laban. Ang bawat nananalo ay inilalaban sa isa pang nanalo, hanggang sa maubos. Si Bitgaram ang kalaban sa huli at ako ang nanalo.

Gusto kong isiping posible iyong mangyari pero kinokontra ako ng sarili kong isip. Sapagkat alam kong pinagbigyan lang ako ni Bitgaram kaya gano'n ang naging resulta. Pero sa naging reaksyon ng pangunahing lalaking rango ay nagbago ang isip ko. Pakiramdam ko ay nasuklian ang lahat ng pagod at sakit na tiniis ko.

"Bilang premyo ay hindi ka sasamang manghuli ng hapunan," nakangiting anang pangunahing lalaking rango. "Magpahinga ka na muna habang nanghuhuli ng hayop ang kalalakihan. Matapos ang hapunan ay maliligo ang lahat sa batis."

"Opo, pangunahing lalaking rango." Hindi ko maitago ang pananabik. Gustong-gusto kong maligo sa batis. Madalas ay sa silong lamang kami naliligo. Limitado ang tubig sa silong. Bukod doon ay natatapos akong may marurumi pa ring paa dahil sa putik na tumatalsik sa t'wing magbubuhos. Kaya naman diskontento pa rin ang katawan ko.

Gaya ng sinabi ng pangunahing lalaking rango ay pumunta ako sa silong at doon ay nakangiting nagpahinga. Napakasarap sa pakiramdam kahit pa ramdam ko pa ang panlilimahid sa aking katawan. Nakaidlipan ko ang pagod, namanhid na ngang yata ang katawan ko sa sakit.

Hindi ko namalayan kung gaano katagal akong nahimbing. Basta na lang ako naalimpungatan at nagising. Ganoon na lang ang gulat ko nang mamulatan ang pangunahing lalaking rango na nakaupo sa papag na siyang hinihigaan ko. Hindi ko mapangalanan ang bitin na ngiti sa kaniyang labi.

Marahan akong naupo at kinusot ang aking mga mata. "Bakit po narito kayo sa silong ko, pangunahing lalaking rango?"

Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakatitig sa akin nang may bitin na ngiti sa labi. Inosente ko lang na nilabanan ang kaniyang tingin. "Bumangon ka na riyan at maghahapunan na tayo."

Nanlaki ang mga mata ko at wala sa sariling tumakbo papunta sa silong kung saan kami kumakain. Agad na nanuot ang napakabangong amoy ng sabaw sa ilong ko. Mas pinakalam ng pananabik ang tiyan ko.

"Maxpein, dito!" tinig ni Gil Yong. Lumingon ako sa kinaroroonan niya at nakangiting lumapit.

Napangiti ako nang abutan niya ako ng plato at puswelo para sa sabaw. "Salamat," sabi ko.

"Ang dinig ko ay paborito mo ang nilagang manok na may umuusok na sabaw?" aniya.

Agad akong tumango. "Iyan ang madalas na lutuin sa bahay namin. Sinabawang manok din ang hilig naming pagsaluhan ng aking nakatatandang kapatid."

"Mabuti kung ganoon! Sinabawang baka ang inihanda namin para sa iyo."

Nabitin ang panlalaki ng mga mata ko. Batid kong napansin nila ang pagbagsak ng mga balikat ko. Nagbaba ako ng tingin nang marinig ang tawanan nila.

"Hindi ka yata masaya sa inihanda namin?"

"Hindi," agad na tanggi ko. "Salamat, Gil Yong!"

"Akin na ang plato mo."

Iniabot kong una iyong puswelo. "Napakaliit naman nito?" inosenteng aniya saka inilapag iyon. Kumuha siya ng mangkok. "'Eto dapat ang sa iyo."

"Sige!" hindi ko naitago ang tuwa.

"Binabati nga pala kita sa iyong pagkapanalo," aniya habang hinahalo ang sabaw sa malaking kawali. "Napakahusay mo. Tuwang-tuwa ang pangunahing lalaking rango sa iyo."

"Salamat uli, Gil Yong!"

"Dahil sa iyo ay kakain tayo nang masarap na hapunan," ngiti niya. "Ngunit dahil marami tayo ay sabaw na lang ang natira sa iyo."

Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko dahil sa kaniyang huling sinabi. Napalingon ako sa mga kaibigan ni Gil Yong nang marinig muli ang tawanan ng mga ito. Hinango nang hinango ni Gil Yong ang malaking kawali ngunit wala nang baka na makikita doon. Maski gulay ay simot na. Mas lalo pa silang nagtawanan nang pulos sabaw na lang ang naisalin niya sa aking mangkok.

"Pasensya ka na, Moon," nakangising ani Jinsu. "Tiggalawang hiwa ng baka kasi ang naubos namin ni Gil Yong. Naubos tuloy maging ang parte mo. Hindi bale, kumain ka na lamang nang maraming kanin at kimchi tapos ay sabawan mo."

Sumimangot ako at binalot ng sama ng loob. Magsasalita na sana ako nang maunahan ng pamilyar na tinig. "Kung ganoon ay bumalik kayo ngayon sa gubat at ipaghuli ng makakaing baka ang babaeng Moon," ani Bitgaram. "Hindi kayo matutulog hangga't hindi nagkakalaman ang kaniyang tiyan."

"B-Bitgaram..." nanginginig ang tinig na ani Gil Yong.

"Narinig ninyo ang sinabi ko," nagbabanta ang tinig ni Bitgaram.

Nagkatinginan sina Gil Yong at Jinsu, sabay na nakamot ang kanilang mga ulo. Nang sumenyas si Bitgaram ay napapatalon pang umalis ang mga ito. Nagkabulungan ang ilan sa kalalakihang naiwan. Ang ilan ay sinisisi sina Gil Yong at Jinsu sa kasakiman at kalokohan ng mga ito. May ilan namang kinukuwestiyon ang kabaitan ni Bitgaram sa akin. Hindi ko na sila pinansin. Sa halip ay kinuha ko ang isang mangkok nang umuusok na sabaw. Sumandok ako ng kanin at pinatungan iyon ng kimchi saka dumulog sa pinakamalayong mesa.

"Heto," hindi ko inaasahan ang paglapit ni Bitgaram. Lalong hindi ko inaasahan ang isang buong hiwa ng baka at umuusok na sabaw sa mas malaki pang mangkok. "Kumain ka nang mabuti."

"Pero...sa inyo po ito, sunbae-nim."

"Ayaw ng iyong ama na magpapagutom ka, Maxpein."

"Ngunit hindi niya po sinabing agawin ko ang pagkain ng kahit na sino."

Matagal na napatitig sa akin si Bitgaram saka bahagyang natawa. "Kumain ka na. Hihintayin ko na lamang na makabalik ang mga lokong iyon."

"Paghatian na lamang natin ito."

Matagal uli siyang tumitig sa akin saka tumayo. "Sandali at kukuha ako ng kanin at kimchi."

Nakangiti kong tinanaw si Bitgaram na lumapit sa mga kawa. Doon ay muli kong napansin ang paningin ng lahat sa akin. Hindi ko malaman kung ano ang aking mararamdaman. Kaya sa halip na pakinggan ang kanilang bulungan at labanan ang kanilang mga tingin ay humigop nalang ako ng sabaw. Napapikit ako nang manuot ang ang malinamnam na lasa sa bibig ko.

Nang makabalik si Bitgaram ay agad niyang hinati ang malaking baka sa dalawa. Kinuha niya ang mangkok ng sabaw na sinandok ko at inilagay doon ang isang parte. Matapos ay inilapit niya sa akin ang mas malaking mangkok kung saan naiwan ang kalahating parte.

"Kumain ka na," utos niya.

Napatitig ako kay Bitgaram at naisip ang kaniyang kabutihan. "Sunbae," sambit ko. Huminto siya sa paghigop ng sabaw upang tingnan ako. "Salamat," pakiramdam ko ay puso ko ang nagsalita para sa akin.

Umiling siya, hindi man lang ngumiti. "Nasisiguro kong nag-aalala ang pamilya mo sa iyong kalagayan. Nag-iisa kang babae rito sa parang." Bumuntong-hininga siya at nagsimulang kumain. "Isa pa, kung si Maxwell ang nasa sitwasyon ko ay ganito rin ang kaniyang gagawin."

Napangiti ako sa ganda ng kaniyang sinabi. Anuman ang dahilan ni Bitgaram ay ipagpapasalamat kong parati iyon at hindi malilimutan. Siya ang nagbigay sa akin ng pag-asa nang sandaling ako ay sumusuko na.

Bigla ay naalala ko ang sinabi ng eesa at nadinggan kong usapan ng cheotjae at chairman. Napatitig ako kay Bitgaram habang binabalikan iyon. May sakit sa puso si Bitgaram. 'Buti kinakaya niya ang ganitong ensayo at pakikipaglaban. Hindi ko siya naiwasang titigan. Hindi ko lalo naiwasang humanga dahil sa kabila ng kaniyang sakit ay naroon siya at sinasanay kami. Ibig sabihin ay ganoon katindi ang dedikasyon niya sa Emperyo at sa bansang ito. Para isakripisyo ang kaniyang buhay at lakas. Kahanga-hanga.

"Bakit?" Tila naramdaman niya ang pagtitig ko.

"Kailan sisimulan ang pag-eensayo ng Kuk Sool Won, sunbae?"

Ipinatong niya ang siko sa mesa upang mas matutukan ang sariling mangkok. "Sa lalong madaling panahon. Tapusin mo na ang pagkain at maliligo na tayo sa ilog."

Hinintay naming makabalik sina Gil Yong at Jinsu saka kami sabay-sabay na nagtungo sa ilog. Lahat ay masaya at sabik na maramdaman ang malamig na tubig. Napakainit ng panahon. Makatutulong ang pagligo roon upang mawala ang nakakaalibadbad na pakiramdam.

Nanlalaki ang mga mata kong pinanood ang mga kasamahan kong magtakbuhan papalusong sa ilog. Marahas nilang hinubad ang kani-kanilang patong-patong na damit, sapin sa paa at panaklob sa ulo. Mas nanabik akong lumusong sa tubig nang makita ko silang magsipagtalunan papunta sa malalim na parte niyon. Natawa pa ako nang magsipaglutangan ang mga lalaki sapagkat pare-pareho nang nakatabing sa mga mukha nila ang mahahaba nilang buhok.

Hindi ko na halos makilala kung sino-sino ang mga kasamahan ko. Sapagkat pare-pareho ang haba ng kanilang mga buhok, lampas sa balikat. Kung titingnan tuloy sa malayo ay parang iisa na ang kanilang mga hitsura.

"Moon!" Hindi pa man ako nakakilos ay nangibabaw na ang tinig ni Bitgaram. "Doon ang parte mo ng ilog."

Natigilan ako at tiningnan ang kaniyang itinuro. Batid kong iyon ang pinakamababaw na parte at metro-metro ang layo sa kinaroroonan ng mga lalaki. Sumabay siya sa akin. Ganoon nalang ang gulat ko nang hubarin niya ang mamahalin niyang pang-itaas at iharang sa akin.

"Akin na ang damit mo," aniya na iniabot ang kamay sa akin nang hindi tumitingin. Hinubad ko ang aking suot at iniwan ang puti, manipis at mahaba kong kamison. "Sabihin mo sa akin kung nakalusong ka na sa tubig," utos pa niya. Matagal akong tumitig sa kaniya bago tumalima.

Hindi ko inalala ang kapakanan ko bilang nag-iisang babae sa lugar na iyon kung hindi niya iyon ginawa. Gusto ko tuloy mapahiya dahil mukhang mas pinahalagahan pa iyon ni Bitgaram kaysa sa akin.

"Nakalusong na po ako, sunbae," mahinang sabi ko.

Muli niyang isinuot ang pang-itaas na damit saka siya tumalikod sa gawi ko nang hindi pa rin tumitingin sa akin. Iniwan niya ang marumi kong hanbok sa ibabaw ng punggok na halaman. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa maupo sa malaking bato na nasa gitna ng parte ko ng ilog at sa gawi kung nasaan ang mga lalaki.

Panay ang biruan at tawanan sa kabilang parte ng ilog dahil sa mga lalaki. 'Ayun ako at mag-isang nabuburyo, hinihilod nalang ang sarili sa ilalim ng tubig. Noon ko lang naisip na hindi ligtas sa kasarian ko ang makipaglaro sa mga lalaking iyon sa ganoong sitwasyon.

"Moon!" Nilingon ko ang pagtawag ni Bitgaram. "Mamumulot ako ng tuyong dahon at kahoy sa gubat. Huwag kang aahon hangga't hindi ako bumabalik. Sabay-sabay tayong babalik sa silong bago dumilim."

"Opo, sunbae!"

Matagal siyang tumitig sa akin nang walang mababasang reaksyon sa mukha bago ako muling tinalikuran. Muli kong inaliw ang aking sarili sa pagbababad sa tubig-ilog. May maliliit na isda akong nakikita at kaysarap sa pakiramdam na lumalangoy sila paroo't parito sa paanan ko.

Hindi pa man bumabalik si Bitgaram ay dumating ang pangunahing lalaking rango kasama ang mga rango na nagtuturo sa ensayo.

Natuliro ako nang makita kong nagsipagkilusan ang mga lalaki. Isa-isa silang umahon at nagmamadaling isinuot ang kanilang mga damit. Hindi ko nagawang kumilos agad. Hinanap ng paningin ko si Bitgaram ngunit hindi siya namataan. Nang muli kong tingnan ang pangunahing lalaking rango ay nakangisi na ito sa akin.

"Umahon ka na riyan, Moon!" singhal niya.

"Hinihintay ko po si Bitgaram-sunbae!"

"Nasa kaniya ba ang mga paa mo? Kumilos ka na't hindi tayo maaaring gabihin dito sa kagubatan!"

"Opo, pangunahing lalaking rango," napapalunok na sagot ko. Sa kaba ay basta na lang ako lumangoy papalapit sa talahiban.

Gano'n na lang ang gulat ko nang makaahon ay nasa harapan ko na ang pangunahing lalaking rango. Ang kaniyang mga titig ay wala sa mga mata ko kundi naroon sa aking katawan. Inosente akong nagbaba ng tingin at nakitang hapit na hapit ang puting kamison sa akin.

"Magandang hapon po, pangunahing lalaking rango," natutulirong tumango ako.

Doon lang siya tumitig sa akin. "Dalaga ka na, Moon..." mahinang aniya. May kung anong kakaiba sa tinig niya, namamaos, hindi ko lubos na naunawaan.

Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa pangunahing lalaking rango. Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang pagdagundong ng kaba sa dibdib ko. Hindi ko mapangalanan ang nababasa ko sa kaniyang mga mata.

"Sinabi kong huwag kang aahon hangga't hindi ako bumabalik!" bigla ay umalingawngaw ang tinig ni Bitgaram. Hindi ko siya nakitang dumating. Ni hindi ko siya nakitang lumapit. Namalayan ko na lang ay nakabalot nang muli ang pang-itaas niyang damit sa akin. Niyapos niya ako at padarag na inilayo sa harap ng pangunahing lalaking rango. Ang masama niyang tingin dito ang nakapagpataka sa akin.

"Sunbae..." hindi ko maintindihan kung bakit may galit akong nababasa sa mga mata ni Bitgaram. Pakiramdam ko ay babaon na ang mga daliri niya sa braso ko dahil sa sobrang higpit ng kaniyang kapit.

"Pumaroon na kayong lahat sa silong!" anunsyo ni Bitgaram nang ang paningin ay naroon sa pangunahing lalaking rango pa rin.

"Tayo na," kampanteng anang pangunahing lalaking rango. Matapos akong tapunan ng tingin nito ay tinalikuran niya na kami.

Doon lang ako binitiwan ni Bitgaram. "Hindi mo sinunod ang sinabi ko, Moon." Bagaman hindi na iyon pasigaw ay naroon ang awtoridad sa kaniyang tinig. "Sa susunod na sumuway ka sa sinabi ko ay hindi ka kakain sa maghapon, malinaw ba iyon?"

"Bakit po?"

"Malinaw ba iyon?!"

"O-Opo"

"Iniisip mo bang nakatatanda lamang sa iyo ang kausap mo?"

"Opo, sunbae-nim!" maagap kong sagot.

Hindi ko lubos na maunawaan ang dahilan ng kaniyang ikinagagalit. Hindi ko rin nasisiguro kung para iyon kanino, sa akin o sa pangunahing lalaking rango. Masyadong mabilis ang pangyayari.

Totoo nga ang sinabi ni Bitgaram sapagkat nang sumunod na linggo ay sinimulan namin ang pag-eensayo ng Kuk Sool Won, at iyon ang bumago sa daloy ng dugo sa katawan ko.

Nagkamali kaming mga nag-eensayo nang isipin naming iyon lamang ang aming sasanayin. Dahil sa araw-araw ay iba't ibang ensayo ang ipinagawa.

Sa unang araw ng linggo ay itinuro ang Kuk Sool Won. Ngunit nang sumunod na araw ay tinuruan kaming umakyat nang matataas na puno. Sa ikatlong araw ay muli kaming bumalik sa pag-eensayo ng Kuk Sool Won. Nang dumating ang ikaapat na araw ay halos himatayin kami sa pag-akyat at pagbaba sa mabababang burol sa dulo ng parang. Sa ikalimang araw ay pinaglaban-laban na kami ng Kuk Sool Won. Nang ikaanim namang araw ay pinaakyat sa aming muli ang matataas na puno, ngunit kailangan naming tumalon pababa roon. Sa ikapitong araw nasubok ang kakayahan namin nang pagsabay-sabaying ipagawa ang lahat ng itinuro ng linggong iyon.

May ilang beses akong nabalian ng buto. Mas malalalim na rin ang mga sugat na tinamo ko kompara sa mga nagdaang ensayo. May isang beses na nahiwa ako ng espada sa braso. Buong akala ko ay mapauuwi ako sa Emperyo nang umabot sa puntong hindi ko na maigalaw ang buo kong katawan.

Nang dahil doon ay dumating si Maxwell kasama ng mga mahuhusay na manggagamot ng Emperyo. Isa siya sa mga boluntaryong nagpunta sa ensayo para gamutin ang lahat ng sugatan. Masaya akong nagkita kami. Napakahusay ng panggagamot na ipinamalas niya. Napakarami niyang ibinaon na halamang gamot, napakarami rin niyang nagamot. Habang inihahaplas at ipinaiinom sa akin ang mga nararapat ay tinuturuan niya ako. Ang karamihan ay hindi ko naintindihan dahil sa matinding pagtitiis ng sakit. Bagaman hindi siya tulad niyong manggagamot na mahusay sa paggamit ng mga karayom, iyong katotohanang hindi man lang kakitaan ng kaba si Maxwell sa panggagamot ay kahanga-hanga na.

Isa iyon sa mga dahilan kung bakit nais na mag-aral at matuto ni Maxwell ng medesina. Gusto niyang matutunan iyong mga nangunguna at makabagong pamamaraan ng panggagamot sa panahong iyon. Layon niyang dalhin iyon sa aming bansa. Bukod kasi sa mga pinakuluan at kinatasang halamang gamot, halamang dagat, langis at ungguwento (ointment) ay akupangktura lang ang paraan ng panggagamot sa aming bansa.

Ni walang pampamanhid. Titiisin mo ang sakit habang ginagamot. Ang matatanda ay kadalasang naglalasing muna bago magpatahi ng kanilang malalaking sugat. Ang karamihan naman sa mga bata ay pinakakagat lamang ng matigas na bagay at tinatalian ang mga paa at kamay.

"Kumusta ang lagay mo?" tanong ni Bitgaram makalipas ang isang linggo. Isa-isa niyang tiningnan ang parte ng aking katawan na ginamot ng kapatid ko.

Ngumiti ako. "Maayos na."

Nakangiti siyang tumango. "Kung ganoon ay maaari mo na siguro akong samahang manghuli ng baka at mangahoy sa kagubatan?"

Inosente kong tiningnan ang braso kong nakatali pa sa aking leeg. "Sige po, sunbae."

"Binibiro lamang kita." Ginulo niya ang buhok ko. "Ngunit sana ay mas mapaaga pa ang paggaling mo. Hindi madaling makita kang pinipilit na mag-ensayo sa ganitong lagay mo."

Napabuntong-hininga kami nang sabay, hindi inaasahan. Nagkatinginan kami ni Bitgaram saka sabay na natawa.

Totoong hindi naging hadlang ang sitwasyon kong panay benda at iika-ika sa paglalakad. Hindi naging dahilan iyon upang huminto ako sa pag-eensayo. Nagpatuloy ako kahit pa mabagal, kahit pa iisang kamay lang ang nagagamit ko.

"Sunbae..." tawag ko habang naglalakad kami sa kagubatan. Nilingon ako ni Bitgaram. "Kailan po tayo maghahapunan ng manok?"

Natitigilang tumingin sa akin si Bitgaram saka natawa. "Mahilig sa baka ang pangunahing lalaking rango."

"Iyon nga po ang napansin ko."

"Paborito mo ang manok?"

Lumaki ang ngiti sa labi ko saka sunod-sunod na tumango. "Nananabik akong makatikim muli ng sinabawang manok."

Ngiti na lang ang isinagot ni Bitgaram sa akin dahil may namataan agad siyang baka. Sinenyasan niya akong tumahimik saka siya maingat na pumusisyon. Pinanood ko siyang lumuhod at humugot ng pana upang asintahin iyon.

Naging matunog ang pagkakabitiw ni Bitgaram sa palaso. Maging ang paglipad niyon sa hangin ay tila narinig ko. Hindi na nakaimik ang baka nang tamaan ito mismo sa sentido. Isa iyon sa mga kahanga-hangang abilidad ni Bitgaram. Sa sandaling siya ang pumana sa anumang hayop ay hindi na iyon nakatatakbo pa. Samantalang kaming mga nag-eensayo ay gumagamit ng maraming palaso bago makapagpatumba ng isa.

"Mayroon na lamang kayong iilang araw na natitira rito," anang pangunahing lalaking rango habang naghahapunan. "Sa isang araw ay simulan na ninyo ang paggamit ng palaso sa tumatakbong kabayo. Hangin ang kalaban ninyo."

Agad na umangal ang ilan ngunit sa isang masamang tingin lamang ng pangunahing lalaking rango ay natahimik ang buong silong.

Nang gabing iyon ay hindi ko nagawang makatulog agad. Hindi mawala sa isip ko ang panibagong ensayo na pinasisimulan ng pangunahing lalaking rango. Nakapanlalambot isipin ang hirap niyon.

Ang karamihan sa amin ay hindi pa lubos na naghihilom ang mga tinamong sugat. Hindi ko pa maigalaw nang ayos ang kamay ko, ni hindi ko pa magawang makapaglakad nang ayos. Naiisip ko palang na hindi ako ganoon kahusay sa pagsakay sa kabayo ay nanlulumo na ako.

Kung naisip ko lang marahil na darating ang sandaling pagsasabayin ko ang matuling pagpapatakbo ng kabayo at paggamit ng palaso ay matagal ko na iyong inensayo.

Malalim ang tulog ko dahil sa puyat at sakit ng katawan na iniinda. Ngunit ang paulit-ulit, bagaman marahang haplos sa aking mga hita at braso ang gumising sa diwa ko. Hindi ko nagawang magmulat agad. Pakiramdam ko ay nananaginip lang ako. Ngunit nang maramdaman ko ang marahang paglihis paitaas ng kamison ko ay nagmulat na ako.

Napakislot ako nang makita ang pangunahing lalakirang rango! Tila nagulat din siya nang magising ako. Ngunit agad siyang nakabawi at ginawaran ako nang bitin na ngisi. Agad kong ibinalot ang kumot sa katawan ko ngunit bitin iyon. Tumambad ang kalahating parte ng mga binti ko.

"A-Ano po ang ginagawa ninyo rito?" hindi nakatakas ang takot sa tinig ko, gumaralgal nang matindi ang aking boses.

Sumenyas siya ng pagpapatahimik saka nagbaba ng tingin sa mga binti ko. Agad akong umatras papalayo at pilit na ipinasok ang mga paa ko sa maliit na kumot. Tumindi ang kaba sa dibdib ko nang maisip na hindi na iyon ang unang beses na naramdaman ko iyon. May mga gabing nararamdaman ko iyon ngunit binabale-wala dahil sa matinding pagod at antok. Mabilis na nangilid ang mga luha ko nang maalala kung ilang beses ko na siyang namulatang naroon sa silong ko. Hindi ko malilimutan ang paulit-ulit niyang paghahabilin na walang maaaring pumasok, ni sumilip man lamang, sa silong ko.

"Ano po ang ginagawa ninyo rito?" singhal ko.

"Manahimik ka," singhal din niya.

"Ang sabi po ninyo ay bawal pumasok ang kahit na sino sa silong ko"

"Sinabi nang manahimik ka, Moon!" angil niya na sinabayan ng pagtayo, nasindak ako. "Subukan mong gumawa ng ingay, hindi ka na muling makatatayo sa kama mo."

Dahan-dahan siyang yumuko papalapit sa akin. Agad akong umatras. Kaunting atras pa ay mahuhulog na ako sa kama. Wala akong nagawa kundi mas higpitan pa ang kapit sa kakarampot na kumot. Pakiramdam ko, anumang oras ay hihilahin niya iyon upang muling pagmasdan ang katawan ko. Hindi ko maintindihan ang pangunahing lalaking rango. Hindi ko maunawaan kung bakit niya ginagawa ito. Hindi ko maipaliwanag ang kaba na nararamdaman ko.

"Subukan mong magsumbong at hindi ka na makababalik nang buhay sa Emperyo," pabulong na dagdag niya saka ako pinukol nang matalim na tingin. "Nauunawaan mo ba ang sinabi ko, Moon?"

Mabilis na gumuhit ang luha sa mga mata ko. Nanginig ang aking mga labi dahilan upang mahirapan akong sumagot agad. "Opo..." nanghihina kong sagot.

Hindi ko na nagawang makatulog muli. Maging ang panginginig ay hindi na nawala sa katawan ko. Bumangon akong panay ang pag-iisip sa sandaling iyon.

Nang araw na iyon ay sinanay kami sa pagsakay sa kabayo. Naging mahirap iyon para sa lahat dahil sa pare-parehong sitwasyon ng aming katawan. Wala ako sa sarili. Para akong nakalutang. Tuloy ay hindi ko nagawang pasunurin ang kabayo. Agad itong humiyaw at tumayo ang kabayo nang maging marahas ang ikalawang pagsampa ko.

"Moon!" sigaw ni Bitgaram. Napahiyaw ako nang umarangkada sa pagtakbo ang kabayo. "Hilahin mo ang tali!" sigaw niya.

Agad kong hinila ang tali ngunit hindi ko inaasahang muling hihiyaw at tatayo ang kabayo! Nang pumalag ako ay nabitawan ko ang tali at nahulog. Napapikit ako ngunit bago ko pa maramdaman ang pagbagsak ay naramdaman ko nang may sumalo sa akin. Nang magmulat ako ay 'ayun na ang kabado at nag-aalalang mukha ni Bitgaram.

"Nasaan ba ang isip mo?" singhal niya. Hindi ko nagawang magsalita at sa halip ay pinangiliran ako ng luha. "Ulitin mo!"

"N-Natatakot po...ako, sunbae."

"Ulitin mo," sinabi niya nang may awtoridad. Kinuha niya ang aking braso at maingat na inalis ang pagkakatali niyon sa leeg ko.

Sumubok akong muli. Sinunod ko ang kaniyang itinuro ngunit nahulog lang uli ako sa kabayo. Kung wala doon si Bitgaram ay hindi ko alam kung may sasalo sa akin.

"Ulitin mo," muling utos niya. "Hindi ka hihinto hangga't hindi mo napasusunod ang kabayo, Maxpein."

Sa ikatlong pagkakataon ay nahulog ako sa kabayo nang hindi pa man nakalalayo. Muli akong nasalo ni Bitgaram ngunit ang pasensya ay hindi ko na mabasa sa kaniya. Hindi ko alam kung gaano kabilis niyang nagagawa iyon. Nagpapasalamat ako noong una ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na.

Nag-iwas ako ng tingin nang hindi na napigilan ang pagpatak ng aking mga luha. Mabuti na lamang at iniwan na ako ni Bitgaram matapos iupo sa lupa. Lumapit siya sa gamit kong kabayo at hinimas-himas iyon. Saka muli itong inakay papalapit sa akin. Pinahid ko ang mga luha ko.

"Maging maingat ka," utos niya saka inilahad ang kamay sa akin upang tuluyan akong tumayo. "Huwag mong iparamdam sa kabayo ang takot mo. Nararamdaman at naiintindihan ng mga hayop ang takot. Kailangan mo iyong pigilan. Kailangang mawala ang takot sa iyo."

"Hindi ko na po kaya," pigil ang hikbi na sagot ko. Mukhang hindi niya napansin ang pag-iyak ko.

"Kaya mo," mariing giit niya. "Kayang-kaya mo." Mas diniinan niya pa.

"Hindi ko na po kaya!" maiiyak na muling singhal ko, iyong kami lang ang makaririnig.

Nagtiim ang bagang niya saka humakbang papalapit sa akin, binale-wala ang pribado kong espasyo. "Ikaw si Maxpein Moon kaya nasisiguro kong kaya mo ito. Kabayo lang ito, Moon. Ang kabayo ay sasakyan at pasusunurin mo lamang. Hindi mo ito lalabanan gaya ng gagawin mo sa proseso."

Tuluyang nangilid ang mga luha ko nang marinig ang huling salita. "Natatakot po ako," nagbaba ako ng tingin saka pinahiran ang aking mga luha.

"Kailangan mong magtiwala sa kabayo. Ngunit hayaan mo rin itong magtiwala sa iyo." Hinawakan niya ang parehong balikat ko saka inalo. "Bukod doon ay magtiwala ka sa sarili mo, Moon. Higit sa lahat nang narito ay wala kang ibang pagkakatiwalaan nang lubos kundi ang iyong sarili. Kung hindi ka maniniwala sa kakayahan mo ay wala nang ibang maniniwala sa iyo. Huwag mong kalilimutan iyon."

Pagtango nalang ang naisagot ko bago muling sumakay sa kabayo. Paulit-ulit akong lumunok habang nakatingin sa kawalan. Panay ang pagtulo ng luha ko ngunit agad iyong nililipad ng hangin na may kasamang buhangin. Hindi ko na malaman kung saan itutuon ang isip ko. Naghahalo ang kaba sa isip at dibdib ko.

Paulit-ulit akong nahulog sa kabayo, paulit-ulit din akong sinalo ni Bitgaram. Ngunit hindi siya huminto. Bago matapos ang araw na iyon ay nagawa kong mapasunod ang kabayo. Nagawa ko iyong patakbuhin nang may tiwala sa akin. Napagtagumpayan ko ang araw na iyon. Ngunit hiniling kong sana ay doon nalang matapos ang ensayo. Pagod na ako.

Panay ang ikot ko sa kama nang gabing iyon. Hindi ko na maramdaman ang mga kumikirot na parte ng katawan ko. Gising na gising ang diwa ko. Hindi mawala ang pakikiramdam ko sa bawat kaluskos na nararamdaman at naririnig ko mula sa labas ng silong. Natatakot akong mamulatang muli ang presensya ng pangunahing lalaking rango.

"Paliliparin sa hangin ang mga bilao at aasintahin ninyo ng palaso. Nakadepende sa parte ng bilao ang markang ibibigay sa inyo. Ang gitna ang siyang may pinakamataas na puntos. Paghusayan ninyo," anunsyo ni Bitgaram kinabukasan nang simulang muli ang ensayo.

Kayhapdi ng mga mata ko dahil sa kawalan nang maayos na tulog. Ni hindi ko magawang ituon nang ayos ang atensyon ko sa mga sinasabi niya.

"Delikado ang ensayong ito kaya ngayon palang ay sinasabi ko nang mag-ingat kayo," dagdag niya pa. "Moon!" hindi ko inaasahan ang pagtawag niya.

Wala sa sarili akong lumingon. Ngunit 'ayun at papalapit na siya sakay ng kaniyang kabayo. Matagal siyang tumitig, tila hinuhulaan kung ano ang nangyayari sa akin.

"Anong problema? May masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong niya. Umiling ako. "Kahapon ka pa wala sa sarili. Hindi makabubuti sa iyo ang ganitong lagay."

"Pag...pagbubutihin ko po, sunbae," nagbaba ako ng tingin.

"Kung hindi kaya ng katawan mo ay magpahinga ka na lamang. Ngunit sa susunod na linggo ay hindi ka magpapahinga. Kailangang matutunan mo ito."

"Hindi po," tanggi ko. "Kaya ko pong magsanay ngayon."

Kasinungalingan iyon. Totoong hindi pa lubos na magaling ang katawan ko. Wala sa ayos ang lagay ng pag-iisip ko dahil sa ginawa ng pangunahing lalaking rango nang nakaraang araw lamang.

"Moon?" pagtawag niya. "Sige na, magpahinga ka na lamang sa silong mo."

"Kaya ko po, sunbae," giit ko, ang tingin ay wala sa kaniya.

"Hindi maganda ang lagay mo. Mahina ka pa at nasisiguro kong kumikirot pa ang lahat ng iyong sugat. Hindi mo obligasyong sabayan ang mga nag-eensayo rito, Moon. Magkaiba ang lakas mo sa iba pang narito. Magpahinga ka na lang. Makinig ka na muna sa akin."

Nanigas ang katawan ko sa mga narinig. Wala naman sa mga sinabi niya ang nagsasabing mahina ako ngunit iyon lang ang naintindihan ko.

Doon ko na siya tiningnan sa mga mata. "Kaya ko po."

Naging matunog ang kaniyang buntong-hininga. Nasisiguro kong kinukwenta na nito kung gaanong katigas ang ulo ko. Ngunit wala siyang nagawa nang patakbuhin ko papalayo ang kabayo.

Nagulat si Bitgaram nang hindi pa man ako lubusang nakalalayo ay muli ko na siyang hinarap nang may nakahandang palaso. Nangunot ang kaniyang noo nang patakbuhin ko nang matulin ang kabayo pabalik sa gawi niya. Hindi siya kakikitaan ng pagkatuliro ngunit ang gulat ay hindi agad nawala sa kaniya. Nang makabawi ay pinalipad ni Bitgaram ang hawak na bilao.

Habang tumatakbo sakay ng kabayo ay naalala ko ang mga sandaling sinamantala ko ang pagsisikap ng cheotjae na maging mahusay ako sa paggamit ng palaso. Nanumbalik sa akin ang paghihirap na magparoo't parito sa pinakamababang bundok at tudlo. Nagpaulit-ulit ang mga iyon sa isip ko hanggang sa paliparin ko ang palaso sa bilao.

Nasapul ko ang gitna ngunit hindi ko inaasahang mabubutas ang bilao. Malayo man ay nasisiguro ako sa aking tinamaan. Nagugulat akong nilingon ng lahat matapos kong pahintuin ang kabayo upang tingnan kung saan bumagsak ang bilao. Hindi ako nagkamali.

"Mahusay!" ang tinig at malakas na palakpak ng pangunahing lalaking rango ang nakapagpapitlag sa akin. "Napakahusay sa para sa unang subok, Moon! Mahusay!"

Agad na gumapang ang nginig sa katawan ko. Hindi ko magawang lingunin ang kinaroroonan ng pangunahing lalaking rango. Malakas ang ihip ng hangin, sumisipol iyon. Maririnig ang paghinga ng mga kabayo maging ang palatak ng mga paa nito. Ngunit ang tanging naririnig ko ay mga hakbang ng pangunahing lalaking rango patungo sa gawi ko.

Agad kong hinagupit ang tali at muling tumakbo ang kabayo papalayo. Nasisiguro kong natigilan sa paglapit ang pangunahing lalaking rango. Nasisiguro ko ring ikinabigla ng mga naroon ang pagtalikod ko. Ngunit hindi ako handang makita ang mukha ng taong iyon. Ang kakaibang takot na nararamdaman ko ay tila ulap na pumupuno sa buo kong sistema.

Nagpunta ako sa tabing-ilog. Itinali ko sa puno ang kabayo at dinalhan ito ng damo na makakain. Paulit-ulit kong hinimas ang kabayo gaya ng ginawa ni Bitgaram. Sandali itong tumingin sa akin at kakatwang tumulo nalang bigla ang mga luha ko. Nilingon ko ang kinaroroonan ng mga silong at hindi na nahinto pa ang aking pag-iyak.

Bakit ba kinakailangang narito ako? Bakit kinakailangang dumaan ako sa ensayo? Bakit kinakailangan kong maging pinakamataas na rango?

Pinalipas ko ang magdamag sa parteng iyon ng gubat, nang may paulit-ulit na laman sa isip. Naiisip ko palang na kailangan ko nang bumalik sa silong ay nabubuhay muli ang takot ko.

"Anong gumugulo sa isip mo?"

Hindi na ako nagulat nang mangibabaw ang tinig ni Bitgaram sa likuran ko. Sa unang pagkakataon ay naramdaman ko ang kaniyang paglapit. Ang paningin ko ay nanatili sa kumikinang na tubig ng ilog. Pababa na ang haring araw ngunit naroon pa rin ako.

Naupo siya sa tabi ko at narinig kong bumuntong-hininga. "Kung ako lang ang masusunod ay gugustuhin kong ihatid ka na sa Emperyo upang mailayo sa pangunahing lalaking rango."

Doon ko lang siya nilingon ay binigyan nang makahulugang tingin. Gusto kong itanong kung paano niyang nalamanang may kinalaman ang pangunahing lalaking rango kung bakit magulo ang isip ko. Pero sa halip na gawin iyon ay nag-iwas ako ng tingin at pinigilan ang pagtulo ng aking mga luha.

"Hindi para sa babaeng tulad mo ang ensayong ito," patuloy niya. "Ngunit dahil naniniwala akong sa iyo nakatadhana ang posisyon at titulo bilang pinakamataas na rango..." Binitin niya ang sinasabi. Muling nagtama ang paningin namin. "Wala akong magagawa kundi ang bantayan ka rito. Kung saan ka naroon ay nandoon din ako. Hindi kita pababayaan, Moon."

Kumibot-kibot ang labi ko at nang hindi na napigilan ay yumuko ako sa mga tuhod ko at doon umiyak nang umiyak. Narinig kong bumuntong-hiningang muli si Bitgaram. Wala akong sinasabi pero pakiramdam ko ay hindi niya na kailangang marinig ako. Naiintindihan ako ni Bitgaram.

To be continued. . . 

Continue Reading

You'll Also Like

14.7M 325K 48
Her name is Monique Lee Gomez Samonte, a rich girl who was sent back by her parents to the Philippines because of her bad attitude. She's a war freak...
124M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...
141K 2.9K 41
People always say, never be attracted with the angelic face. They were demons. Every year, in every school, there's always a repeater and a transfere...
56.1K 1.1K 10
Sabi nila ang pag-ibig daw ay dadating sa tamang panahon, ngunit paano kung pagtripan ka nito ? Siya si Shan ,isang babae na pinaglaruan ng tadhana...