Sweetheart 5 - All My Love (C...

By MarthaCecilia_PHR

1.4M 29.6K 740

Siyam na taon si Lara nang una niyang makita si Jaime, ang binatilyong ampon ng lola niya. Kinaiinisan niya a... More

Chapter One
Chapter Two
Chapter Three
Chapter 4
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28

Chapter 5

57K 1.1K 18
By MarthaCecilia_PHR


MADILIM pa rin nang nagsisimula na silang magbiyahe. Malapit na ang alas-singko subalit tila walang balak sumikat ang araw. Bagaman wala na ang malakas na hangin ay may banayad pa ring ambon. Binuksan niya ang bintana sa tabi niya.

"Gusto kong langhapin ang simoy ng hanging pang-umaga," aniya at pinuno ng hangin ang dibdib. Malamig ang dapyo ng hanging sumalubong sa kanya at may kasamang pinong ambon. Bahagya siyang nakadama ng lamig at iniyakap ang braso sa katawan. Sa sulok ng mga mata'y nakita niyang pinatay ni Jaime ang air-condition ng pickup.

"Yeah," sagot nito na sinabayan ng buntong-hininga. "Wala niyan sa Maynila. And I wonder why you—"

"Bakit kailangang iwan natin ang kotse ko sa hotel," putol niya sa sinasabi nito. More or less ay alam niya kung saan iyon patungo. At hindi niya gustong simulan ang araw na nag-aaway sila. "Bakit hindi na lang tayo nag tig-isang sasakyan?"

"Huminto na ang malakas na ulan, Lara, pero hindi ibig sabihin n'on ay bumaba na ang tubig sa ilog. Hindi makararaan sa tulay ang kotse mo at titirik din," nilingon siya nito na tila ba isa siyang turista sa lugar na iyon. "Huwag kang mag-alala, walang gagalaw sa kotse mo sa hotel. Mamayang tanghali'y ipakukuha ko iyon. Siguro nama'y hupa na ang tubig pagsikat ng araw."

May kung ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Ilang beses silang nalulubak sa nagpuputik na daan. Hindi kakayanin ng kotse niya ang daan patungo sa asyenda.

Humilig siya sa sandalan. Muli niyang pinuno ng hangin ang dibdib. Balsamo sa damdamin niya ang malamig na haplos ng hangin sa kanyang mukha, nasasamyo niya mula rito ang basang gubat, ang awitan ng pang-umagang ibon. May kalahating oras na rin silang nagbibiyahe nang walang imikan.

"Shit!" usal ni Jaime na nagpalingon sa kanya rito. Kasabay noon ang pagpreno nito. Bago pa siya nakapagtanong ay nagbukas na ito ng pinto ng sasakyan at lumabas.

Napaunat sa pagkakaupo si Lara at itinuon ang paningin sa palusong na daan. Nasa bukana na sila ng ilog. At siya man ay nanlumo nang matanaw ang dahilan ng paghinto nila. Sa di-kalayuan ay ang ilog na tuloy pa rin sa mabilis na pag-agos. Bagaman huminto na ang malakas na ulan bago maghatinggabi ay patuloy na naaapawan ng tubig ang tulay at sa gitna noon ay isang malaking troso ang nakaharang na marahil ay inanod ng malakas na agos ng tubig kagabi.

Mabilis din siyang bumaba. "Paano mo maitatawid ang sasakyan diyan?" tanong niya. Ipinagsalikop ang mga braso sa katawan. Hindi lang ang banayad na ambon at hangin ang dahilan kung bakit tila may kung anong lamig na gumapang sa buong pagkatao niya sa pagkakatitig sa tulay.

Hindi lumingon si Jaime na nakapamaywang at tinatantiya ang agos ng tubig. Malakas pa rin iyon. At mapanganib ang pagtawid at marahil ay lampas beywang ang tubig mula sa tulay. Kahit pa marahil walang nakaharang na troso ay hindi pa rin makararaan ang Range Rover.

Nilingon nito si Lara. "Tatawirin natin ang ilog, iiwan natin ang sasakyan dito."

"N-no!" Bulalas niya, gustong panginigan ng mga tuhod. "P-paano tayo tatawid diyan? Tingnan mo nga iyang troso, humarang lang sa pundasyon ng tulay kaya hindi tuluyang inagos."

"Iyang troso mismong iyan ang kakapitan natin," hinagod nito ng tingin ang suot niya. Maong na hanggang tuhod at sneakers na puti at sports shirt na kulay-puti. Nabanaag niya sandali sa mga mata nito ang pagsang-ayon sa suot niya.

Humakbang si Jaime patungo sa sasakyan. Inabot ang shoulder bag niya at pagkatapos ay isinarang lahat ang mga pinto.

"Let's go," ibinigay nito sa kanya ang shoulder bag niya. "Tiyak na nag-aalala na si Nana Sepa sa atin."

Si Lara ay itinulos sa pagkakatayo at nanlalaki ang mga matang nakatitig sa malakas na agos ng tubig sa ibabaw ng tulay. Sa tulay na iyon binawi ang buhay ni Aurora, ang mama niya, may tatlong taon na ngayon ang lumipas. Bumabagyo at galing sa kabisera ang mga magulang niya kasama ang driver ng pamilya. Pilit tinawid ng mga ito ang tulay sakay ng bagong four-wheel drive pickup.

Kumpiyansa ang papa niyang kaya ng bagong sasakyan ang tumawid dahil hindi naman gasino pang malalim ang tubig. Subalit hindi nito inasahan ang mga putol na puno at trosong inaanod ng malakas na agos. Humampas ang isang naputol na malaking sanga sa four-wheel drive. Sapat na iyon upang maging sanhi ng isang trahedya.

Buhay ang papa niya subalit hindi si Aurora at ang driver. Hawak ng papa niya ang mama niya nang isang malaking kaputol na kahoy ang bumangga sa ulo ni Aurora. Nakabitaw ito sa pagkakahawak ni Roberto at lumubog sa tubig. Si Roberto na tangkang sisirin ang asawa'y sapilitang nangunyapit sa kahoy na mabilis inaanod patungo sa mababang bahagi ng ilog.

"Lara," untag ni Jaime sa kanya. Bahagya pa siyang napapitlag. Hinawakan siya nito sa braso. "Halika na."

"A-ayoko," may bahid ng histerya ang tinig niya. "A-ayokong tumawid diyan. Baka...baka..."

Biglang lumambot ang mukha ni Jaime sa takot na nakita sa kanya. Humigit-kumulang ay nahuhulaan nito ang dahilan ng takot niya.

"It's all right, Lara," malumanay nitong sabi. "Lampas-tuhod na lang natin ang tubig at kaya nating tawirin iyan dahil hindi naman kalakasan na ang agos."

"H-hindi ako tatawid sa tulay na iyan," ang pagmamatigas niya'y may bahid ng histerya. "Hihintayin kong bumaba ang tubig."

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Jaime. Itinaas ang kamay at hinawakan siya sa baba at itinaas ang mukha niya. Napilitan siyang salubungin ang mga mata nito.

"I won't let anything happen to you, pangako," halos bulong na lang iyong lumabas sa bibig ni Jaime. Ang mga mata'y naglakbay sa mukha niya, tila ba minememorya nito ang bawat bahagi. Nagtagal ang mga iyon sa mga labi niya. At sa isang iglap na sandali'y pumasok sa isip niyang hahagkan siya nito.

Mabilis niyang ibinalik sa huwisyo ang isip at kumawala mula sa pagkakahawak nito sa baba niya. Nanginginig pa rin ang tuhod niya pero hindi lang dahil natatakot siyang tumawid sa tulay.

"Huwag mong sabihin sa akin iyan, Jaime. Dahil hindi ako katulad ng mga magulang ko na hindi matinag ang pagtitiwala sa iyo. Kung bakit ay ewan ko," may bahid ng yelo ang tinig niya. "At kung hindi dahil sa iyo'y hindi ako aalis. Hindi ako ihahatid ng mga magulang ko sa kabisera at hindi sana nalunod ang Mama!" Hindi niya gustong sabihin iyon pero huli na para bawiin. Iyon ang unang pumasok sa isip upang pagtakpan ang nararamdaman.

"Damn you," marahan pero nag-iigting ang mga bagang ni Jaime nang sabihin iyon. Marahas siyang hinawakan sa braso at kinabig palapit dito. "Huwag mong ibigay sa iba ang sisi upang pagtakpan ang sariling guilt, Lara!"

Tila patalim ang tinig nitong humihiwa sa dibdib niya. Pero mas pipiliin niyang malunod sa ilog kaysa ipaalam ditong nasasaktan siya. Na kahit paano'y totoo ang sinabi nito. Pero hindi niya aaminin sa binata iyon. Sa naniningkit na mga mata'y tumingala siya rito.

"Bakit, Jaime? Itatanggi mo bang ikaw ang dahilan kaya ako umalis sa asyenda? Na nag-alaga ng ahas ang Papa sa katauhan mo?" Paismid niyang sinabi.

"Ano ba ang pinagsasabi mo?" Naguguluhang tanong nito.

"Bakit? hanggang sa huling sandali ba'y nagbulag-bulagan ang Papa sa relasyon mo sa Mama?" patuloy siya sa panunuya.

Nakita niya ang biglang pag-iba ng ekspresyon ng mukha ng binata. Tumiim ang mga bagang na sandali siyang tinititigan na tila tinatantiya.

"Tigilan na natin ang walang kabuluhang argumento, Lara," puno ng iritasyong wika ng binata. "Tatawid tayo diyan sa tulay na iyan sa ayaw at sa gusto mo," pagkuwa'y dinakma nito ang braso niya at halos hilahin siya pababa sa tulay. "Dahil mamayang hapon din ang libing ng Papa mo. Iyon ang mahigpit niyang bilin noong nabubuhay pa kaya iyon ang susundin ko!"

"Huwag mo akong kaladkarin, ano ba! Hindi ako tatawid diyan!" protesta niya at halos magkandarapa siya sa pagkakahila nito. Subalit tila bingi si Jaime, ni hindi ininda ang pagpalag niya. Nagtuloy-tuloy sa paglusong sa tubig kasama siya.

Agad na nanuot sa kalamnan ni Lara ang lamig ng tubig sa pagkakalusong na iyon. Nanginig siya at pahisteryang pilit na kumawala sa binata.

"N-no... p-please!" tili niya.

Sandaling natilihan si Jaime. Naghihisteryang totoo ang dalaga. Ang galit ay nahalinhan ng pag-aalala. Niyakap siya at pumakabila sa troso upang huwag silang matangay ng agos.

"Lara, listen," banayad nitong sabi habang hawak sa magkabilang balikat ang dalaga. "It's all right. Makatatawid tayo," paniniyak nito pero pinagwawaksi ng dalaga ang mga braso ng binata at akmang babalik sa pampang. Subalit mabilis siyang nahapit ni Jaime pabalik at niyakap.

Tinitigan ang pagpipiglas na dalaga. Hindi nito malaman kung sasampalin o hahalikan si Lara. Pinili nito ang huli.

"B-bitiwan mo—" nakulong sa lalamunan ni Lara ang protesta nang angkinin ni Jaime ang mga labi niya at siilin ng halik. Sa kabiglaana'y nahinto sa dibdib ng binata ang mga kamay niyang nagpupumiglas.

Nasa tubig sila at natatakot siyang malunod.Pero sa kaibang paraan ay nalulunod ang pakiramdam niya. Tila tinatangay siyang isang malakas na uli-uli at mahigpit na napakapit sa binata. Kung gaanokatagal siyang hinahagkan ni Jaime ay wala siyang ideya. Lahat ng matitinongkaisipan ay lumipad mula sa kanya sa oras na iyon.        

Continue Reading

You'll Also Like

1.1M 25.6K 20
"You belong to me, sweetheart, to my heart, now and forever." Hindi mapaniwalaan si Joana na makalipas ang pitong taon ay muling nagbalik sa buhay n...
6.4K 472 14
Sukdulan ang galit ni Arietta Golding kay Leonardo Alejandro, ang Corps Commander sa Citizenship Advancement Training. Pinatay nito ang alaga niyang...
113K 2.7K 13
Maraming nagawang pagkakamali sa buhay si Katalina, mga pagkakamaling naging dahilan kung bakit kinilala siya ni Gabriel Wharton, ang nag-iisang anak...