MOON

By maxinelat

20.2M 701K 828K

This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such a... More

DISCLAIMER
PANIMULA
MAXIMOR MOON
MONDRAGON
MAKSIMO MOON
MESSIAH
MAZE MOON
MAXWELL MOON : PART 1
MAXWELL MOON : PART 2
MAXPEIN MOON : PART 1
MAXPEIN MOON : PART 2
MAXPEIN MOON : PART 3
MAXPEIN MOON : PART 4
MAXPEIN MOON : PART 6
MAXPEIN MOON : PART 7
MAXPEIN MOON : PART 8
MAXPEIN MOON : PART 9
MAXPEIN MOON : PART 10
MOON
MOON JAE SUK
MOON JIN AH
MONARKIYA
MISYON
MGA HUKOM
MAHATULAN
MADAKIP
PAGTATAPOS

MAXPEIN MOON : PART 5

520K 23.2K 18.9K
By maxinelat


MAXPEIN MOON

GINAWA NG cheotjae ang sinabi niya. Walang dumaan na araw sa loob ng anim na buwan na hindi kami umaakyat sa pinakamababang bundok na iyon ng Pyongyang. Walang-awa ang cheotjae.

Iyong unang tatlong gabi pa lang ay halos ipagmakaawa ko na ang aking buhay. Dahil nagkamali ako nang isipin kong maghapon akong mapapagod sa pag-eensayo. Hindi ganoon ang nangyari dahil hindi ako hinayaang matulog ng cheotjae. Hindi kapani-paniwalang tatlong araw at gabi niyang paulit-ulit na ipinaasinta sa akin ang tigpo. Noong umaaga ay ipinagpapasalamat ko ang liwanag dahil malaya ko iyong nakikita. Nangamba ako nang sumapit ang gabi dahil akala ko ay wala na akong makikita. Na imposible nang matamaan ko pa ang tigpo. Ngunit mautak ang cheotjae. Nakahanda pala ang walang kasing-habang kawad mula sa tuktok nang pinakamababang bundok hanggang sa puno ng tudlo. Nakahilera roon ang hindi mabilang na bumbilya na siyang nagbigay ng liwanag sa akin.

Naging mahirap para sa aking asintahin iyon, natural. Wala akong nakikita kundi ang munting mga ilaw at ang tudlo. Hindi talaga madali. Ngunit nakuha ko rin ang tamang gawi. Walang tulog. Walang hinto, hanggang sa matamaan ko iyon nang nakapikit ang pareho kong mga mata.

Matapos ang unang tatlong araw at gabing iyon ay hinayaan niya akong matulog nang walong oras na hinati pa sa dalawa. May pagitan na dalawang oras upang kumain at tumayo nang pabaliktad, una ang ulo, gamit ang mga kamay. Dahilan upang maiduwal ko rin ang lahat ng aking kinain. Naisip kong pahirap ang cheotjae. Hindi hamak na mas mahirap pa sa pinagdaanan ko sa pangunahing rango ang pagsasanay sa kaniyang mga kamay.

Nang sumunod pang mga araw ay ipinaulit niya sa akin ang ensayo. Hindi sapat na lumawit ang aking dila sa pagparoo't parito. Hindi hadlang ang sakit, pagod, gutom o uhaw para makapagpahinga ako. Hindi siya naawa sa mura kong edad. At sa halip ay idinahilan pa iyon ng cheotjae para mas paghusayan ko.

Hindi naman ako nagsisi dahil nang sandaling matuto ako ay ako na mismo ang humanap-hanap sa kakayahan ko. Kahit na mag-isa ay inaakyat ko na ang bundok at paulit-ulit na inasinta ang tigpo. Oras ng tanghalian ay bababa ako upang kumain. Matapos makapagpahinga ay isa-isa kong pupulutin ang mga palaso upang muling akyatin ang pinakamababang bundok upang simulang muli ang pagsasanay ko.

Hindi ko mapangalanan ang pagod at hirap. Walang salitang maihahalintulad sa sakit ng mga sugat. Nagising na lang ako isang araw nang hindi na nagrereklamo at basta na lang ginagawa kung ano ang sa tingin kong dapat. Huli na nang mapagtanto kong hindi na ang katawan kundi maging ang aking kaluluwa ko ay pagal na. Iyon nga lang, wala nang puwang sa akin ang pagsuko. Ang tanging pinanghahawakan ko ay magpatuloy. Dahil wala naman akong ibang maaaring kahinatnan kundi ang buhay na mayroon ako.

Hindi ko malaman kung malulungkot o maaawa ako sa sarili ko. Dahil ang totoo ay hindi lang ang abilidad at lakas ang sinanay ko. Nasanay na rin ako sa pagod at pagsunod.

"Mahusay ka nang umasinta," nangibabaw ang tinig ni Director Mokz.

Hindi ko inaasahang makikita siya sa tuktok ng pinakamababang bundok na iyon ng Pyongyang. Nakangiti akong lumingon sa kaniya. Ganoon nalang ang gitla ko nang makita kung gaanong kakapal ang suot niya sa kabila nang nakasusunog na init. Hindi ko napigilang matawa dahil maging ang ulo niya ay nababalutan ng sombrerong gamit kadalasan ng mga magsasaka.

Ano kaya ang meron at tila nilalamig siya?

"Mukhang hindi talaga tumigil ang cheotjae na paghusayin ka, Maxpein," dagdag pa niya.

Nakamot ko ang ulo. "Ganoon na nga po."

Ngumiwi siya. "Pasikatan mo nga ako," bigla ay hamon niya. "Gusto kong makitang tamaan mo ang tigpo."

Nakangiti akong tumango, bumunot ng palaso at pinalipad iyon sa tigpo nang hindi inaalis ang tingin sa kaniya. Nilingon niya ang tigpo saka namamanghang ibinalik ang paningin sa akin. Kapagkuwa'y pumalakpak siya nang tumatawa.

May kung anong sumibol sa puso ko nang marinig ang pagtawa niya. May kung ano rin sa aking humiling na sana ay marinig ko ang ganoong pagtawa mula sa iba pang myembro ng aking pamilya. Iyon kasi iyong pagtawa na humahanga. Iyong pagtawa na nagsasabing gumawa ako ng tama. Iyong pagtawa na matindi pa sa pagkabilib ang naramdaman dahil sa aking ipinakita.

"Mahusay!" hindi na nahinto pa ang pagpalakpak niya. "Napakahusay!"

"Salamat, eesa," yumukod ako sa harap niya, hindi nawala ang ngiti sa aking labi.

"Napakahusay ng iyong ipinakita, Maxpein. Humanga ako."

"Sapagkat mahusay magturo ang cheotjae."

"Nakita mo bang nagawa iyon ng cheotjae?" may hamon sa kaniyang tinig.

"Hindi po. Ngunit hindi na ako magtataka pa, eesa." Bumuntong-hininga ako. "Bilang hukom ang cheotjae ay mukhang walang siyang hindi makakayang gawin."

Ngumiwi siya. "Huwag mong paniwalaan ang mga bagay na hindi mo naman harapang nakita." Humalakhak siya. "Gayunman ay humahanga ako sa iyo. Naniniwala akong magiging mas mahusay ka pa. Darating ang araw na tatanghalin kang pinakamahusay."

"Hindi ako sinukuan ng cheotjae."

"Dahil nalalaman niya ang potensyal mo." Hindi ko inaasahan ang sagot niya. Agad akong dumeretso ng tayo upang tingnan siya. "Bilang isang hukom ay napakarami niyang dapat na intindihin, Maxpein. Hindi lang ang kaniyang pamilya kundi ang buong bansa. Masasabi kong isa siya sa pinakaabalang tao sa mundong ito. Hindi ko na nga matandaan kung kailan niya huling ipinagtimpla ng kape ang kaniyang asawa. Wala siyang oras, maniwala ka."

Naglakad-lakad si Director Mokz at nakangiting tinanaw ang bawat magagandang tanawing nakapalibot sa bundok na kinaroroonan namin. Maging ang nagliliparan at humuhuning ibon ay kaniyang nginitian at kinawayan, animong may pagkakaunawaan sila ng mga ito. Masarap panoorin si Director Mokz kapag tumatawa, ganoon din kapag nakingiti. Tila ba napakaganda ng buhay sa t'wing siya ang magsasalita. Walang lumalabas na negatibo mula sa kaniyang bibig.

"Sa halip na magpahinga ay inilaan niya ang mga oras upang sanayin ka. Ganoon katindi ang tiwala niya sa kakayahan mong pangunahan ang lahat ng rango sa bansang ito. Hindi dahil ikaw ay kaniyang apo kundi dahil sa sariling kakayahan mo. Magmula nang makita ka niya, ikaw na ang kinilala niyang pinakamataas na rango."

Hindi ako nakasagot. Gumana ang isip ko habang nakikinig. Bigla ay bumilis ang kabog sa aking dibdib. Hindi ko maintindihan. Para bang may kung ano sa aking nakokonsensya sa dahilan na hindi ko mahulaan.

"Walang katulad ang tiwala ng cheotjae sa iyo, Maxpein. Ipinaglalaban niya iyon sa kahit na sino," nakangiting dagdag ng direktor. "Mas hanga pa nga ako sa tiwala niya sa iyo kaysa abilidad mo. Ngunit mukhang nagbago na ang isip ko," muli niyang nilingon ang tigpo na may hindi kapani-paniwalang layo. "Gusto kong pagsisihang kinabiliban ko ang tiwala niya kaysa sa iyo na aking apo."

Napabuntong-hininga ako, at noon ko lang nagawang bumuntong-hininga dahil sa napakagandang pakiramdam. Kaysarap tanggapin ng mga salitang sinabi ng eesa.

Hindi ako nakapagsalita. Nagkamali ako nang isipin kong matigas na ako at matatag. Dahil hayun na naman iyong mga luha kong matapos mangilid ay tila mag-uunahan na sa pagtulo.

Mukhang hindi alintana ng direktor ang tingin ko. Tila hindi niya nababasa ang gulat at emosyon sa mga mata at mukha ko.

Ang totoo ay hindi ganoon ang laman ng isip ko. Sa nagdaang anim na buwan at mahigit ay hindi kailanman pumasok sa isip kong ang dahilan ng pagsasanay ko ay ang sarili kong potensyal. Ni wala nga akong matandaang meron akong potensyal. Tuloy ay gusto kong makonsensya sa t'wing makararamdam ng lihim na galit, inis o tampo sa cheotjae at iba pang myembro ng aking pamilya. Unti-unti kasi ay nabubuo sa isip kong ayos lang sa kanila na mahirapan ako at walang nakakikita sa kahalagahan ko.

Sabay kaming bumalik sa Emperyo ni Director Mokz. Panay ang kaniyang kwento, hindi naman na nawala ang pananahimik ko. Hindi mawaglit sa isip ko ang kaniyang mga sinabi tungkol sa cheotjae. Tuloy ay hindi ko naiwasang titigan ang aking lola habang naghahapunan. Mababasa sa kaniyang mukha ang natural na kaistriktuhan. Hindi makikita roon ang mga sinabi ni Mokz. 'Ayun na naman tuloy iyong takot ko na baka may ipasanay siya sa akin na bago. Ngunit nang sandaling maramdaman niya ang mga titig ko at kumunot ang kaniyang noo, nagbago ang pakiramdam ko.

"Bakit hindi mo ginagalaw ang pagkain mo?" tanong ng cheotjae. Sa halip na sagutin pa siya ay dali-dali kong pinulot ang kubyertos at sinimulang kumain.

"Noona," bigla ay nagsalita ang kapatid kong walang muwang, si Maxrill Won. "Keugoh," anito na itinuturo ang nakarolyong itlog. Nang ituro ko ang nakarolyong itlog ay tumango ito nang tumango nang nakasubo ang mga sipit (chopsticks) sa bibig.

Inabot ko ang plato ng nakarolyong itlog at tumayo upang lagyan siya sa kaniyang plato. Nakita ko ang presidente na pinanood ang ginawa ko. Ngumiti ako ngunit nawala iyon nang makita itong bumuntong-hininga. Matapos kong bumalik sa sariling silya ay nakita ko siyang bumulong sa aking bunsong kapatid. Gusto kong magtaka nang isa-isang alisin ng presidente ang mga rolyo ng itlog na inihain ko sa plato ni Maxrill. Pero sa halip na gawin iyon ay hindi na lang ako kumibo pa hanggang matapos ang pagkain.

"Mag-eensayo ka na, Maxpein?" tanong ng cheotjae isang araw nang dumaan ako sa kaniyang opisina upang maghatid ng tsa. Nilingon ko ang cheotjae at nakitang hindi man lang nito inalis ang paningin sa hawak na mga papeles.

"Opo, cheotjae," magiliw kong sagot.

"Nakatulog ka ba nang ayos?"

Naisip ko kung sapat na ba ang anim na oras kong tulog. "Opo, cheotjae."

"Kumain ka ba nang marami?"

Napangiti ako at inalala ang mga sinabi ng eesa may ilang linggo na ang nakaraan. "Opo, cheotjae."

Nag-angat ng tingin ang cheotjae ngunit hindi iyon tumama sa akin. Sa halip ay naroon sa estante ng mga libro ang kaniyang paningin. "Kunin mo iyong pulang libro na may ipinintang buwan sa harapan."

Tiningala ko ang estante at namangha kung gaanong kataas ang nais niyang ipakuha sa akin. Sa halip na magreklamo ay binuhat ko ang silya at pumatong doon upang makuha ang libro. Gusto ko sanang itanong kung para saan iyon ngunit sa takot kong mapagsalitaan ay naisip kong buklatin na lamang iyon at alamin kung ano ang nilalaman niyon.

"Pagbutihin mo ngayong araw." Hindi pa rin ako tapunan ng tingin ng cheotjae. Naisip kong talaga ngang abala ito gaya ng sinabi ng eesa. Naiintindihan ko.

"Opo, cheotjae."

Nang hindi na siya sumagot ay nakangiti akong tumalikod at naglakad palabas ng kaniyang opisina. Noon ko naman nakasalubong ang kakilalang tauhan. Nakipagpalitan ako ng ngiti at tango rito bago ko ito sinundan ng tingin papasok sa opisina ng cheotjae.

"Magandang hapon, mahal na cheotjae," agad na bati ng tauhan.

"Sabihin mo sa akin," agad na sagot ng cheotjae na ang paningin ay hindi pa rin inaalis sa papeles.

Nakanguso kong inilabas ang libro at binuklat iyon. Napakahaba ng kailangang basahin sa maliliit pang letra, napabuntong-hininga ako. Namangha na lang ako nang mabasa ang isang linya na nagsasabi kung paanong nahati sa dalawang bansa, hilaga at timog, ang dapat ay iisa lamang naming bansa.

"Natagpuan na ang mga Enrile," dinig kong anang tauhan, nahinto ako at bahagyang napalingon sa gawi ng opisina. "Nasa Amerika ang buo nilang pamilya." Wala itong natanggap na sagot mula sa cheotjae. "Napagtanto kong may sakit ang apo ng chairman na lalaki."

"Si Lohrton?"

"Iyong apo sa tuhod po ang aking tinutukoy, mahal na cheotjae."

"Iyong kaedad ng aking apo na babae?"

"Iyon na nga po."

"Ano ang kaniyang sakit?"

"Mahina ang kanyang puso."

"Kung ganoon?"

"Kailangang batang Enrile na sumailalim sa operasyon. Naroon sila sa Amerika upang isagawa iyon."

"Ano ang kinalaman ng operasyon sa simbolo na kailangan nga Emperyo?"

Hindi nakasagot ang tauhan. Napaisip ako at napabuntong-hininga kung sino-sino ang mga tinutukoy at pinag-uusapan nila.

"Hindi magandang nakikinig sa usapan ng matatanda, Maxpein." Napatalon ako nang mangibabaw ang bumubulong na tinig ng eesa.

Napapalunok akong bumaling sa kaniya. "Hindi ko po sinasadyang makinig, eesa."

"Halika na't baka may makakita sa iyo riyan at makagalitan ka." Inakaya niya ako sa likuran papalabas ng templo. Hindi na nawala sa isip ko ang mga narinig. "Ano ang iyong eensayuhin?

"Ito pa rin pong paggamit ng palaso."

"Hindi ba't gamay mo na ang paggamit niyan?"

"Wala pong sinabi ang cheotjae na huminto ako."

Nakangiwing tumango-tango ang eesa. "Doon pa rin sa tuktok ng Taesongsan?"

"Opo," natawa ako. "Wala namang ibang bundok na mapupuntahan. Malayo na po sa tigpo kung mayroon man, imposible nang matamaan." Sabay kaming natawa.

Inihatid ako ng eesa hanggang sa tori at tinanaw papalayo. Panay ang kaway at paglingon ko. Panay rin ang paghiling ko na sana ay bumalik na ito sa loob ng Emperyo. Sapagkat hindi naman talaga sa bundok ang punta ko. Mayroon akong ibang plano.

Bago tuluyang makalayo sa aming lupain ay muli kong nilingon ang gawi ni Mokz at napangisi nang makitang wala na ito roon. Tumakbo ako papunta sa talahiban at saka nagtatakbo sa kagubatan. Habol-habol ko ang hininga, hindi dahil sa pagod kundi sa kaba. Ang gawing iyon ay malapit na sa bangin. Isang maling kilos ko ay posible akong mahulog at maaksidente dahil hindi biro ang taas niyon. Iyon na ang gawi ng dagat na pumapagitan sa Emperyo at Kaechon, maging sa ibang karatig na lugar ng Norte.

Napayuko ako sa paghahabol ng hininga nang sa wakas ay narating ko payapang baryo ng Dong. Agad na nanlaki ang mga mata ko nang mamataan ang aking pakay, ang aking kaibigan.

"Laieema!" pagtawag ko.

Nanlalaki ang mga mata nitong nilingon ang gawi ko. Hindi ko na kailangang manghula. Mukhang abala ito sa pag-eensayo nang mag-isa gamit ang kahoy na espada.

"Maxpein!" magiliw niyang pagtugon. Pareho kaming tumakbo upang makalapit sa isa't isa. "Paano kang nakarating dito?"

"Pumuslit ako," humahighik kong sagot, nahawa siya.

"Saan mo natutunan ang pumuslit?"

Inosente akong tumitig sa kaniya. "Sa kakilala ko," sagot ko saka kami sabay na tumawa nang malakas.

"Halika, ililibot kita sa buong baryo!" anyaya niya na nakapagpalaki sa mga mata ko. Tinalon ko ang mababang sementong bakod upang tuluyang makatungtong sa lupain ng dong.

Malayo sa buk ang dong. Masasabi kong maunlad na sa lagay na iyon ang lugar namin kompara sa isang ito. Marami at naglalaguan ang puno sa amin ngunit hindi nalalayo sa kagubatan ang lugar na ito. Klaro ang mga kabahayan sa Emperyo, ngunit sa lugar na iyon ng dong ay mas matataan ang puno kaysa mga bahay. Nang sandaling iyon ay nasabing kong mas mataas ang kabuhayan ng aming lugar.

"Kaytagal din nating hindi nagkita, Maxpein! Kumusta ka?" hindi maitago sa tinig ni Laieema ang tuwa at saya. Mula nang ianunsyo ang kaniyang pagpasa sa ensayo ay ngayon na lang uli kami nagkita.

"Mabuti naman," ngiti ko saka sinabayan siya sa paglalakad. Panay ang lingon ko ngunit tila wala naman akong nakikitang pagbabago sa bawat madaanan namin. Panay puno at talahiban.

Ikinuwento ko sa kaniya ang tungkol sa pag-eensayo ko kasama ang aking lola. Namangha siya nang malamang mas mahigpit pa ito kompara sa pangunahing rango. Idinaan nalang namin sa tawanan ang kuwentuhan.

"Mahusay na ako sa paggamit ng palaso, Laieema. Nagpunta ako rito upang ipakita iyon sa 'yo," pagmamalaki ko. Saka humugot ng tatlong palaso at pinalipad ang mga iyon nang nakapikit, nang sabay-sabay, sa katawan ng tatlong pinakamalalayong puno sa aming harapan.

Namimilog ang mga labi niya nang lingunin ako. "Hindi ako makapaniwalang sa iisang anggulo ay tatlong puno ang tinamaan monaging napakahusay mo na, Maxpein! Humahanga ako sa iyo!"

Gusto kong maluha sa ganda ng pagkakangiti ni Laieema. Talagang masaya siya para sa akin. "Talagang pinaghusayan ko, Laieema," nagbaba ako ng tingin sa aking pana at mga palaso saka hinimas-himas ang mga iyon. Nagpatuloy kami sa paglalakad at hindi nahinto ang aking pagkukwento.

"Mahusay na rin ako sa iba't ibang klase ng armas, Maxpein," kuwento niya matapos ipakita sa akin ang kabuuan ng lugar nila. "Itinuro sa akin ng setjae ang paggamit ng mga iyon at sinanay akong mabuti. Pag-eensayo ng espada na ang sinasanay ko at masasabi kong mahusay na rin ako sa tagal ng panahong iginugol ko upang matuto. Sa ngayon ay walang makatalo sa akin sa aming lahi."

Inisa-isa ni Laieema ang bawat armas na kaniyang natutunan at kulang ang mga daliri ko sa paa't kamay upang mabilang ang mga iyon. Natigilan ako nang husto at gustong mahiya bigla. Sa dumaang mga buwan ay iyong pana at palaso lang ang napaghusayan ko. Habang siya ay napakarami na pala.

"Napakahusay mo, Laieema," nakangiti kong sabi. Masaya ako para sa kaniya ngunit ang namuong inggit sa aking dibdib ay mahirap itanggi. "Nasisiguro kong kapag dumaan ang proseso ay ikaw ang tatanghaling pinakamataas na rango."

"Iyon nga ang pangarap ko."

Ngumiti ako at nakinig na muli sa mga kuwento kung gaano niyang kagustong maging pinakamataas na rango. Tuloy ay naisip kong kung siya ang tatanghalin, walang pag-asang makuha ko ang titulo gaya ng nais ng cheotjae. Nakahinto ang proseso sa sandaling may pumupuno sa puwesto ng pinakamataas na rango. Hindi ko malaman kung bakit hindi naman iyon ang pangarap ko pero totoong nalungkot ako. Dala ko ang lungkot na iyon hanggang sa maglakad muli papauwi sa amin.

Papasok na sana ako nang may malingunang lalaki na nagtatago sa likod ng puno. Nakasuot ito ng itim at maruming hanbok. Lalapitan ko sana ito nang may mapansing hindi ito nag-iisa. At gaya nito, nasa likod din ng puno ang kasama niya. Kulay tsokolate naman ang marumi nitong hanbok. Nalingat ako at may nakita pang isa na kulay abo ang suot. Iginala ko ang paningin ay nakita kung gaano silang karami. Hindi ko maintindihan kung bakit pare-pareho silang marumi. Gumapang yata papunta sa gawing iyon ang mga ito.

Pare-parehong mga abala ang grupong iyon ng mga lalaki sa katitingin sa loob ng Emperyo, sa templo mismo. Tuloy ay hindi nila namalayan ang presensya ko. Inosente akong nagpatuloy hanggang sa makagulatan nila ang pagdaan ko. Noon ko lang napagtantong may maninipis na maskarang nakatabing sa bibig ng mga ito. Nakita kong nagkatinginan ang mga ito bago nag-alinlangang lumapit sa gawi ko.

"Nais ba ninyong pumasok sa Emper" Hindi ko pa natatapos ang sasabihin ko ay isa-isang nagsipagtalunan ang mga ito paakyat sa nagtataasang mga puno. Kung paano nilang nagawa iyon ay hindi ko alam. At sa halip na habulin ng tingin ay binale-wala ko ang mga ito at dumeretso pauwi.

"Maaga kang bumalik ngayon, apo?" sinalubong akong muli ni Mokz.

Sa halip na sumagot ay pinakatitigan ko lang siya at dumeretso na ako sa loob ng templo. Batid kong nagtaka siya ngunit wala ako sa huwisyong magpaliwanag. Nilalamon ako ng lungkot. Hindi ko malaman kung ang pinagmulan ba niyon ay inggit kay Laieema o takot dahil ako ang nahuhuli sa lahat ng mga kaedad ko.

Tuloy nang sandaling iyon ng hapunan ay nagdesisyon ako. "Cheotjae," wala sa sariling pagtawag ako. Nilingon ako ng aking pamilya. "Nais ko po sanang magpaalam," napapalunok kong sabi. Matagal bago ko nagawang salubungin ang matalas na tingin ng cheotjae. "Sasali po ako sa ensayo ng mga lalaki sa darating na taon."

Nakita ko nang bahagyang manlaki ang mga mata ng cheotjae at hindi na ako magtataka kung ganoon nalang din ang iba. Ngunit hindi na magbabago ang desisyon ko.

"Hindi ka makapapasa sa ensayo ng mga lalaki, hindi dahil iba sa kanila ang lakas mo kundi dahil naiiba ang kasarian mo. Hindi ka bibigyan ng marka dahil wala ka sa tamang hanay," paliwanag ng cheotjae.

"Nauunawaan ko po," napakamot ako sa ulo, umasang posibleng pumasa ako. "Ngunit gusto ko pong bago dumating ang araw ng proseso ay nakapasa na ako sa ensayo," patuloy ko. "Handa po akong pagdaanan ang ensayo ng mga lalaki at panibagong ensayo na para sa mga babae sa susunod na taon."

"Bakit mo gagawin iyon?" seryoso ang cheotjae.

"Gusto ko pong maging pinakamataas na rango, cheotjae."

Nakita ko nang matigilan ang cheotjae, at naramdaman ko nang mangibabaw ang hindi maipaliwanag na pagbabago sa aming pagitan. Pakiramdam ko ay kinilabutan ako dahil sa gulat na nakita ko sa mukha ng bawat myembro ng aking pamilya. Hindi ko maitatanggi ang pagsibol ng paghanga sa mga mata nila. Wala pa man ay ipinagmamalaki na yata nila ako.

"Isa ka ngang Moon," hindi ko inaasahang magsasalita ang chairman. Napapamaang akong lumingon sa kaniya. "Dumadaloy sa iyong dugo ang pagiging responsible sa kapalaran. Masaya ako sa iyong desisyon. Araw-araw kong ipinanalangin ang kaligtasan mo, Maxpein."

"Salamat po, chairman," nakangiti kong tugon. Ito pa lamang ang nagsasalita ay wala nang paglagyan ang saya ko.

"Kung ganoon ay kailangan ko nang gawin ang parte ko bilang iyong lolo," anang direktor. "Magmula bukas ay hayaan mong ituro ko sa iyo ang tamang paraan ng pakikipaglaban."

Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay noon ko lang naramdaman ang tindi ng kanilang suporta. Naisip ko tuloy na pare-pareho kaming hindi handa noong una. Ngayon ay nakikita ko maging sa mga mata ng aking ama na payag siya sa desisyon ko. Si Maxwell man ay ganoon din ang paghanga sa mga tingin sa akin. Tanging ang bunsong kapatid ko ang inosente sa mga nangyayari. Ang tanging dahilan ng kaniyang buhay ay ngumuya nang ngumuya habang bata.

"Kung ganoon ay asahan mong mananatili kami sa iyong likuran habang tinatahak mo ang daan sa pag-abot ng iyong pangarap," anang cheotjae. "Magiging pinakamataas na rango ka, Maxpein," nakangiting dagdag niya. "Naniniwala akong iyon ang tadhana mo. Nakikita ko iyon sa mga mata mo."

Hindi ko inaasahang tatayo ang cheotjae upang lumapit at hagkan ako sa noo. Iyon na ang pinakamasarap na pakiramdam na naramdaman ko. Noon lang ginawa sa akin iyon ng cheotjae. Hindi ko tuloy malaman kung bakit ganoon nalang ang epekto sa kanila ng kagustuhan kong maging rango.

To be continued. . . 

Continue Reading

You'll Also Like

2.8M 103K 75
Sypnosis Andilyne Dave was just a typical senior highschool student. Lumaking mag isa at namuhay ng tahimik. Not until his father surprised him one d...
372M 8.9M 100
This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence...
23.4M 778K 60
Erityian Tribes Series, Book #3 || Cover the world with frost and action.
124M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...