Our Asymptotic Love Story (Pu...

By UndeniablyGorgeous

31.9M 815K 1.1M

Prequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at... More

Panimula
f(x - 0)
Kabanata f(x - 1)
Kabanata f(x - 2)
Kabanata f(x - 3)
Kabanata f(x - 4)
Kabanata f(x - 5)
Kabanata f(x - 6)
Kabanata f(x - 7)
Kabanata f(x - 8)
Kabanata f(x - 10)
Kabanata f(x - 11)
Kabanata f(x - 12)
Kabanata f(x - 13)
Kabanata f(x - 14)
Kabanata f(x - 15)
Kabanata f(x - 16)
Kabanata f(x - 17)
Kabanata f(x - 18)
Kabanata f(x - 19)
Kabanata f(x - 20)
Kabanata f(x - 21)
Kabanata f(x - 22)
Kabanata f(x - 23)
Kabanata f(x - 24)
Kabanata f(x - 25)
Kabanata f(x - 26)
Kabanata f(x - 27)
Kabanata f(x - 28)
Kabanata f(x - 29)
Kabanata f(x - 30)
Kabanata f(x - 31)
Kabanata f(x - 32)
Kabanata f(x - 33)
Kabanata f(x - 34)
Kabanata f( x - 35)
Kabanata f(x - 36)
Kabanata f(x - 37)
Kabanata f(x - 38)
Kabanata f(x - 39)
Kabanata f(x - 40)
Kabanata f(x - 41)
Kabanata f(x - 42)
Epilogo
Ang Huling Asimptota
OALS Published Books
Other Stories

Kabanata f(x - 9)

676K 19.2K 18.8K
By UndeniablyGorgeous


[Kabanata 9]


Our Asymptotically Love Story 

(page 46 - 62 )


Ikaapat na Kabanata

 Filipinas 1688



"Nais mo rin bang matuto Lumeng? Handa akong turuan ka"


Paulit-ulit na naglalaro ang mga katagang iyon sa isipan ni Salome habang nakahiga sa papag at nakatulala sa bubong ng kubong kanilang tinutuluyan na gawa sa pawid. Hindi niya rin maalis ang mga ngiti sa kaniyang labi habang inaalala ang tagpong iyon nila ni Fidel kani-kanina lamang.

Tango at walang humpay na pasasalamat ang paulit-ulit na namutawi sa labi ni Salome dahil inalok din siya ni Fidel na tuturuan siya nito magbasa at sumulat sa alpabeto, maging ang pagbabasa at pagsusulat sa wikang kastila ay ituturo rin sa kaniya.

Bukod sa hindi makapaniwala at nasasabik na si Salome na matuto ay hindi niya rin maitago ang katotohanang nasasabik din siyang makasama ng madalas si Fidel. At hindi nga niya maitatanggi na nagkakagusto na siya sa binata.

Napalingon siya kay Ising dahil napagalaw ito sa pagtulog habang humihilik ng malakas, si Ising ang katabi niya sa papag na may malaking banig na nakasapin. Nasa kabilang dulo naman si Susana at Piyang. Samantala sa isang maliit na kama na gawa sa kawayan naman natutulog si Manang Estelita.

Napatagilid na lamang si Salome at napatingin sa maliit na uwang ng bintana sa gilid. Mahina lang ang pagpatak ng ulan na animo'y nagdudulot ng magandang pakiramdam kay Salome. Ipinikit na niya ang kaniyang mga mata ng may ngiti sa kaniyang labi.




Kinabukasan, maagang ginising ni Manang Estelita ang mga tagapasilbi upang makapaghanda na sila ng agahan. Si Salome ang naatasan na magtungo sa kulungan ng mga manok upang kumuha ng mga sariwang itlog. Dahil likas ang pagiging pilya kay Salome naisip niyang habulin ang mga manok at maglaro, tuwang-tuwa siya nang magsitakbuhan ang mga manok dahil sa presensiya niya. Nagsusunggaban at nagliliparan ang mga ito dahilan para mapahalakhak sa tuwa si Salome ngunit bigla siyang napatigil nang biglang may nagsalita sa kaniyang likuran.

"Maari bang magtanong? nasaan ang mga guardia personal ng haciendang ito? hindi kami makapasok dahil nakasara ang daan" tanong ng isang lalaki na may edad na, may katabaan din ito at mababakas agad ang dugong kastila nito. Nakilala ni Salome ang matandang lalaki na iyon na naka-damit pang prayle. si Padre Bernardo.

May kasamang isang napaka-puti at napakagandang binbining Kastila si Padre Bernardo, nakaharang ang hawak nitong abaniko sa kaniyang mukha kung kaya't hindi masyado maaninag ni Salome ang itsura ng binibini ngunit sigurado siyang nagtataglay ito ng kagandahan.

"Sandali lang ho, tatawagin ko po ang----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Padre Bernardo at bakas ng pagkairita sat ono ng boses nito.

"Hindi na kailangan, ikaw na mismo ang magbukas ng daan para sa amin, naglalaro ka lang naman riyan" puna ni Padre Bernardo dahilan para mapayuko si Salome. Ramdam niya na hinahamak siya ng kaniyang kausap.

Mga pinagpatong-patong na bato lamang ang bakod ng hacienda at hanggang ilong lamang ni Salome ang taas ng bakod. nakasakay naman sa kalesa si Padre Bernardo at ang dalagang kasama niya kung kaya't mas mataas sila sa bakod.

tumango na lang si Salome at dali-daling tumakbo papunta sa gate ng hacienda, wala nga roon ang dalawang guardia civil na nagbabantay, mabuti na lang dahil hindi ito nakasara. Binuksan na ni Salome ang gate at napayuko siya nang pumasok na ang kalesang sinasakyan ng mga bisita.

ngunit napatigil ang kalesa sa tapat ni Salome dahil iniutos ito ng binibining kasama ni Padre Bernardo. ibinaba nito ang abanikong nakatakip sa kaniyang mukha, napatulala na lamang si Salome sa kagandahang taglay ng binibini. Ngunit hindi ito nakangiti sa kaniya, sa halip ay tinaasan pa nito ang kilay niya.


"Cual es tu nombre?" (what is your name?)


hindi naman alam ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil hindi siya nakakaintindi ng wikang Kastila. "Florencia... Mi sobrina, No pierdas el tiempo hablando con Indiyos" (Florencia... My niece, Don't waste our time talking with Indiyos)


"La vimos jugando, creo que Patricio debe ser consciente de que trabajadores no eran responasbles!"(We saw her playing around, I think Patricio must be aware that his workers were not responsible!)


"Que esperas? Indiyos son perezosos e irresponasables" (What do you expect? Indiyos are lazy and irresponsible)


Magsasalita pa sana muli ang kastilang dalaga ngunit inutusan na ni Padre Bernardo ang kutsero na patakbuhin na ang kabayo. Naiwan namang blanko si Salome sa kinatatayuan niya, Kahit hindi niya naintindihan ang pag-uusap ni Padre Bernardo at ng kastilang binibini na kasama nito batid niyang hindi maganda ang mga sinabi nila dahil sa ekspersyon ng mga mukha nila at kung paano nila tingnan ng masama si Salome. Isinara na lamang niya muli ang gate at nagtungo na sa kulungan ng mga manok upang manguha ng mga itlog.




Pagdating sa kusina, Hindi na magkamayaw si Manang Estelita dahil hindi pa rin sila tapos sa pagluluto ng paella na para sa agahan. Hindi rin nila akalain na magkakaroon ng biglaang bisita, kung kaya't mas lalo silang nagmadali sa pag-luluto.

"Bumaba na ba si Senor Fidel?" tanong ni Manang Estelita kay Ising na kakarating lang din sa kusina. habang si Susana at Piyang naman ay hindi na magmayaw sa paghahalo ng putahe at pagpapanatili ng apoy sa pugon. "Hindi pa ho Manang, mukhang tulog pa ho si Senor Fidel natatakot po ako na----"

"Ising, nakakahiya kay Padre Bernardo at sa pamangkin niyang si Senorita Florencia, katukin mo muli si Senor Fidel sa kaniyang silid" utos ni Manang Estelita at nasindak sila dahil napalakas ang tono ni Manang Estelita dulot na rin ng pagod at alalahanin sa kanilang niluluto na hindi pa rin tapos hanggang ngayon.

"Dalhan mo ng maiinom si Padre at ang pamangkin niya" utos pa ni Manang, magtutungo na sana si Salome sa lagayan ng mga baso ngunit biglang nanguna rin doon si Ising "Lumeng, Ako na ang bahala rito, ikaw na lang ang umakyat sa silid ni Senor Fidel" pakiusap ni Ising kay Salome, mahina lamang ang bulungan nila dahil baka marinig sila ni Manang Estelita. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil sa panukala ni Ising.

"Ha? ngunit ikaw ang inutusan ni Manang na umakyat sa----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil napalingon siya sa gilid kung saan naaninag niya si Florencia na nakatingin ng masama sa kanila.


Bakit ba ang sama ng tingin sa akin ng babaeng iyon? ang sarap tusukin ng kaniyang mga mata.


"Ano Lumeng? Ako na lang ang maghahatid ng inumin kay padre Bernardo at sa pamangkin niya" patuloy pa ni Ising. Napatango na lamang si Salome, mas makabubuti kung hindi na lang siya ang maghahatid ng inumin sa mga bisita dahil baka hindi siya makapagpigil sa inaasta ni Florencia sa kaniya.

"Oh siya, ako na ang tutungo kay Senor Fidel" tugon ni Salome dahilan para mapayakap si Ising sa kaniya dahil sa tuwa, agad naman silang sinaway ni Manang Estelita dahil sa ingay nila.


Napahinga na lamang ng malalim si Salome bago lumabas sa kusina, isinuksok rin niya ang nakalawit na hibla ng kaniyang buhok sa gilid ng kaniyang tenga. Pinagpagan rin niya ang kaniyang baro't saya saka humakbang na papalabas sa kusina. Nagbigay galang naman siya kina Padre Bernardo at Florencia na ngayon ay nasa salas habang kinililatis ang mga mamahaling kagamitan sa loob ng mansyon na nagmula pa sa iba't-ibang panig mg Europa. Dumiretso na si Salome paakyat sa ikalawang palapag ng mansyon ngunit kahit siya ay nakatalikod na nararamdaman pa rin niya ang masamang tingin ni Florencia sa kaniya.




Napakatok siya ng tatlong beses sa silid ni Fidel at hindi niya maitatanggi na sobrang lakas na ng kabog ng kaniyang dibdib dahil makikita at makakaharap na naman niya ang binata. "S-senor Fidel" tawag niya ngunit hindi ito tumugon.

kumatok pa siya muli ng ilang beses sa pinto "Senor Fidel... K-kayo po ay mayroong panauhin ngayon" tugon pa ni Salome sabay katok muli sa pinto. Ngunit wala pa ring tugon mula kay Fidel kung kaya't idinikit niya ang kaniyang kaliwang tenga sa pinto upang pakinggan ang loob ng silid.

Bakit tahimik lang ang loob ng silid? Bakit wala akong marinig? o di kaya kanina pa gising si Senor Fidel at namamasyal na siya ngayon sa hardin?


inilayo na ni Salome ang kaniyang ulo sa pinto at akmang kakatok muli, sa pagkakataong ito nilakasan niya ang pagkatok ngunit nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto at huli na ang lahat dahil ang kaniyang kamao ay tumama sa dibdib ni Senor Fidel na papalabas na sana sa pintuan.


Nanlaki rin ang mga mata ni Fidel dahil sa gulat at napatingin ito sa kamay ni Salome na nakapatong na sa kaniyang dibdib. Nang matauhan ay agad inialis ni Salome ang kaniyang kamay na nasa dibdib ni Fidel at napaatras na lamang siya sabay yuko "M-magandang umaga ho Senor, M-may panauhin po kayong naghihinatay sa ibaba" kinakabahang tugon ni Salome at napahawak na lamang siya ng mahigpit sa kaniyanv kamay, nararamdaman pa rin niya ang init mula sa dibdib ni Fidel.


"G-ganoon ba... Sige Maraming Salamat" sagot ni Fidel sabay hawak sa kaniyang dibdib, nararamdaman naman niya ang malambot na kamay ng dalaga. Isinuot na lamang niya ang kaniyang sumbrero at isinara ang pinto. Ngunit bago siya bumaba ng hagdan ay napalingon muli siya kay Salome na naistatwa na sa gilid.


"Oo nga pala... bukas mo na lamang dalhin ang iyong mga kapatid na nais maging bahagi ng aking klase, paumanhin dahil may importanteng lakad ako mamayang hapon" saad ni Fidel, napatango na lamang si Salome at lumipas pa ang limang segundo bago tuluyang bumaba ng hagdan si Fidel.


Nang makaalis na ang binata agad napasandal si Salome sa dingding at napahawak sa kaniyang puso, animo'y nabunutan siya ng malaking tinik sa lalamunan at ngayon ay nakahinga na siya ng maluwag.


Senor... paano mo nagagawang pakabugin ng ganito ang aking puso?




Sa mansyon na rin nag-agahan sina Padre Bernardo at Florencia. Nasa hapag silang tatlo at abala sa pagkwekwentuhan si Padre Bernardo at Fidel, Hindi naman maintindihan ng mga tagapagsilbi kung ano ang kanilang pinag-uusapan dahil wikang kastila ang kanilang gamit. Nakasilip lang sa gilid ng pinto sa kusina si Salome at Ising habang pinagmamasdan sila.

Hindi mapigilan ni Salome na humanga lalo kay Fidel dahil sa galing nito sa pagsasalita lalo na sa pagbigkas ng wikang Kastila. Samantala, mahinhin at palagi lang nakayuko si Florencia habang kumakain sila. Paminsan-minsan ay kinakausap siya ni Fidel ngunit madalas lamang ito magtakip ng abaniko sa mukha habang nagsasalita.


Anong mayroon dito sa babaeng ito? Bakit kanina halos masunog na ako dahil sa matalim niyang tingin sa akin ngunit ngayon parang isang anghel at pangiti-ngiti pa sa harap ni Fidel... ni Senor Fidel!


"Lumeng, Hindi ako nagtitiwala sa babaeng iyan, Pagmasdan mo ang kaniyang kilos, Nagbibigay motibo siya kay Senor Fidel... bagaman nakatakda na siyang ikasal kay Senor Patricio" bulong ni Ising dahilan para gulat na mapatingin sa kaniya si Salome. Tatlong taon nang naninilbihan si Ising sa hacienda Montecarlos kung kaya't marami itong nalalaman.


"Talaga? kung gayon... bakit ganiyan na lamang siya kung makatingin kay Fidel" reklamo pa ni Salome, kulang na lang ay sumugod siya roon at ipalamon kay Florencia ang hawak nitong abaniko.


"Lumeng! Bakit Fidel lang ang iyong tawag kay Senor Fidel?" puna ni Ising sabay ngisi nito. Napaiwas naman ng tingin si Salome sa kaniya at napapasigaw na lamang ito sa kaniyang utak kung bakit hindi niya tinawag na Senor si Fidel. Paano ba naman kasi nasanay na ang kaniyang utak na tawaging 'Mahal kong Fidel' ang binatang kastilang iyon.


"Sinasabi ko na nga ba... ikaw ay may pagtingin kay Senor Fidel" pang-asar pa ni Ising dahilan para mas lalong mamula sa hiya si Salome. Hindi niya akalain na ganoon kahalata sa kilos at itsura niya ang paghanga kay Fidel.


"Wala akong pagtingin kay----"


"Magsitigil kayong dalawa... Walang sinuman ang maaaring humanga sa mga Ginoong Montecarlos, lalo na kay Senor Fidel" suway ni Manang Estelita na kanina pa pala nasa likuran ni Salome at Ising habang nakasilip ito sa gilid ng pintuan.


Agad namang napatindig ng diretso si Salome at Ising, napayuko sila at humingi ng paumanhin. "Magsibalik na kayo sa inyong mga trabaho" patuloy pa ni Manang Estelita, agad namang kumaripas ng takbo papalabas sa likod ng mansyon si Salome at Ising. Napailing na lang si Manang Estelita, nakukutuban niyang may hindi magandang mangyayari kung sakaling magkapalagayan ng loob si Salome at Senor Fidel.



Hindi naman nagtagal ay umalis na rin si Padre Bernardo at Florencia, naaninag pa ni Salome na tiningan siya ni Florencia ng masama bago ito sumakay sa kalesa. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang sama ng tingin sa kaniya ni Florencia.




Matapos naman ang tanghalian, Nagulat si Salome nang ibinalita sa kaniya ni Manang Estelita na nasa labas ng hacienda si Felicidad. Ipinaalam ni Felicidad si Salome kay Manang Estelita upang may makasama ito sa paghatid ng mga buto ng bulaklak na binili ng pamilya Flores sa kanilang kuya Ernesto. Magaling kasi magpatubo ng bulaklak si Ernesto.

Pinayagan naman ni Manang Estelita si Salome na makalabas sa hacienda dahil wala namang problema kay Fidel kahit umuwi muna sa tahanan ang mga tagapagsilbi sa oras ng siyesta. Ngunit kailangan bumalik ni Salome bago mag alas-kwatro ng hapon.


"Masayang-masaya ka ata ngayon ate, Anong mayroon?" puna ni Salome sa kaniyang ate Felicidad na wagas makangiti ngayon habang nakahawak ito sa kaniyang braso at naglalakad sila papunta sa hacienda Flores. bitbit nila ang dalawang bayong na naglalaman ng mga buto ng bulaklak. Maaliwalas ang kalangitan ngayon at tuyo na rin ang kalsadang lupa kung kaya't mas maginhawa maglakad dahil wala ng mga putik sa daan.

napangiti lang lalo si Felicidad dahil sa tanong ni Salome, animo'y lumilipad siya ngayon sa ere dahil sa saya "Ate Fe, ikaw ba ay umiibig?" patuksong tanong pa ni Salome dahilan para mamula ang pisngi ni Felicidad. Napatango ito at napahawak ng mahigpit sa braso ni Salome dahil sa tuwa.

"Oo Lumeng! Ako'y umiibig nga" Pag-amin nito sabay bitaw sa braso ni Salome at nagpaikot-ikot sa daan. Wala namang ibang taong naglalakad ngayon kung kaya't malaya si Felicidad na magpaikot-ikot doon dahil sa matinding galak na kaniyang nararamdaman.

"At sino naman ang maswerteng binata na bumihag ng puso mong pihikan?" panukso pa ni Salome, natatawa na lamang siya dahil ngayon na lang niya muling nakita na ganoon kasaya ang kaniyang ate Felicidad.

Magmula kasi nang lisanin nila ang Tondo, naging malungkutin at sakitin na si Felicidad kung kaya't masayang-masaya si Salome dahil nakakangiti na muli ngayon ang kaniyang ate. "Makikita natin siya ngayon" Tugon ni Felicidad, nanlaki naman ang mga mata ni Salome.

"Talaga? nasa hacienda Flores ang binatang bumihag sa iyong puso?" tanong pa ni Salome at hindi na rin niya maitago ang saya sa kaniyang labi. Ang kaniyang ate Felicidad kasi ang sinasabi ng kanilang ina na si Nay Delia na mag-aahon sa kanila sa kahirapan sa oras na makasal ito sa mayamang binata. Ang kagandahang taglay ni Felicidad ay maipapantay sa mga senorita na nagtataglay ng dugong Espanyol.

"Oo Lumeng kung kaya't tayo'y magmadali na upang masumpungan natin siya" nakangiting tugon ni Felicidad sabay kapit sa braso ni Salome at mabilis silang naglakad habang nagtatawanan.




Nang malapit na sila sa hacienda Flores, hindi mapigilan ni Salome na mamangha sa ganda ng mansyon ng mga Flores dahil napapaligiran ito ng samo't saring mga bulaklak. "Dito nakatira ang binatang iyong iniibig ate?"

"Hindi ako sigurado ngunit pang-apat na beses ko na siyang nakikita rito, madalas siyang tumambay sa azotea at magpalipas ng oras doon" tugon ni Felicidad at biglang namula ang pisngi nito habang inaalala ang binatang bumihag sa kaniyang puso.

"Nagkakilala na kayo ng binatang iyon?"

"Oo Lumeng... Kahapon nang ihatid ko ang mga buto ng bulaklak na pinadala sa akin ni Kuya Ernesto... Nilapitan ako ng binatang iyon at tinanong ang aking pangalan, batid ko na siya'y interesado sa akin at tinanong niya pa kung maaari raw ba akong ligawan" kinikilig na tugon ni Felicidad. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil sa sinabi ng kaniyang ate.

"Ano? Bakit ang bilis naman? Kakakilala niyo lamang ay balak ka na niyang ligawan agad? Paano kung may asawa na siya? Paano kung may nakatakda palang ikasal sa kaniya? Paano kung----" hindi na natapos ni Salome ang sermon niya dahil biglang bumukas na ang gate ng hacienda Flores, Hindi niya namalayan na nasa tapat na pala sila ng hacienda dahil abala sila sa pagkwekwentuhan. Tumango naman ang dalawang guardia personal sa kanila, kilala na nito si Felicidad kung kaya't hindi na sila tinanong pa at agad na pinapasok sa hacienda

"Bakit pa kailangang patagalin kung pareho niyo namang gusto ang isa't-isa? Bakit kailangan pang idaan sa mga nakaw na tingin kung maaari mo namang sabihin ng diretso sa kaniya na gusto mo siya? Bakit pa kailangang pahabain ang prusisyon kung sa simbahan din naman ang tuloy" wika pa ni Felicidad, napailing-iling na lang si Salome dahil nagawa pa nitong gumamit ng kasabihan.

"Mukhang tinamaan ka talaga sa kaniya ate" tugon pa ni Salome at napailing-iling pa rin ito. dahil hindi siya sang-ayon sa pananaw nito sa pag-ibig. Ilang saglit pa biglang hinawakan ni Felicidad ng mahigpit ang braso ni Salome "Lumeng! Hayan na siya, patungo na siya sa azotea" kinikilig na tugon ni Felicidad sabay turo sa isang matangkad na binatang kastila na nakatayo sa azotea. nakatagilid ito sa kanila habang tinatanaw ang ganda at lawak ng hardin ng hacienda Flores.


Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil sa gulat nang makilala niya kung sino ang lalaking tinutukoy ng kaniyang ate Felicidad...


Hindi ako Nagkakamali! Siya ang hambog na kastilang pinagkamalan akong babaeng bayaran!


"Tinatawag siyang Patyong ng kaniyang mga kaibigan ngunit sinabi niya sa akin na Patricio ang kaniyang ngalan... Hindi ko nga lang nalaman kung ano ang kaniyang apelyido dahil sumingit sa aming usapan si Manang Dolores at pinauwi na ako" tugon pa ni Felicidad habang nakatitig kay Patricio.


Naistatwa lamang si Salome sa kanilang kinatatayuan, Hindi siya makapaniwala na ang lalaking hambog na iyon ang napupusuan ng kaniyang ate Felicidad. Akmang palingon n asana si Patricio sa kinaroroonan nila nang biglang napatakbo si Salome sa likod ng isang puno upang magtago.


Nagtaka naman si Felicidad at akmang susunod sana kay Salome ngunit dumating na si Manang Dolores at dali-daling kinuha ang mga bayong kay Felicidad at inabot ang bayad dito "Hija, sa susunod ang iyong kuya Ernesto o si Danilo na lamang ang papuntahin niyo rito" pagsusungit ni Manang Dolores, napayuko naman si Felicidad at sinulyapan muli si Patricio na ngayon ay hindi sila nakita dahil pumasok na muli ito sa mansyon.

Sinarhan na ni Manang Dolores ng pintuan si Felicidad at hindi naman mapigilan ni Salome na maawa sa kaniyang ate habang nakatago pa rin sa likod ng isang puno at nakasilip doon. Hindi niya rin mapigilang mainis dahil sa pangyayari.


Bakit ba kasi sa dinami-dami ng lalaki dito sa mundo sa isang hambog na binata pa nahulog ang ate ko?!




Walang imik na naglalakad pauwi si Salome at Felicidad. Bakas sa mukha ni Felicidad na labis nitong ikinalungkot dahil hindi niya nakausap si Patricio. Hindi naman magawang ikwento ni Salome na isang hambog at masama ang pag-uugali ni Patricio dahil ayaw na niyang madagdagan pa ang kalungkutan ng kaniyang ate ngayon.


Mas mabuti siguro kung sa susunod na araw ko na lang ikwekwento kay ate na nakadaupang palad ko na rin ang binatang iyon.


Nag-presenta si Salome na huwag na siyang ihatid ng kaniyang ate Felicidad pabalik sa hacienda dahil malapit na lamang ito, at isa pa magkaiba ang direksyon ng daan papunta sa barrio Tagpi at sa hacienda Montecarlos.

Nagpaalam na sila sa isa't-isa at pinasabi rin niya na magtungo si Danilo at Julio bukas sa hacienda Montecarlos dahil makakasama sila sa klase ni Senor Fidel. Tango lamang ang isinagot ni Felicidad kung kaya't niyakap siya ni Salome. "Mag-iingat ka Lumeng, pasensiya na kung wala na akong gana magkwento ngayon" paliwanag pa ni Felicidad, hinimas-himas naman ni Salome ang likod ng kaniyang ate habang yakap-yakap niya ito. "Ayos lamang iyon ate, sa Linggo ay makakauwi muli ako sa ating tahanan"




Habang naglalakad pauwi si Salome hindi niya mapigilang mapaisip ng malalim. Kailangan niyang pigilan ang nabubuong pag-ibig ng kaniyang ate Felicidad sa mayabang na Patricio na iyon. Ngunit kailangan niyang magdahan-dahan dahil baka hindi niya nais na masaktan ang kaniyang ate.

Napatigil lang sa paglalakad si Salome nang marinig niya ang paparating na kalesa, Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makilala si Mang Berto na siyang kutsero ng kalesang iyon.


Ibig sabihin maaaring lulan niyon si Senor Fidel!


Dahil sa pagkabigla patakbong nagtungo si Salome sa likod ng isang puno upang magtago sana ngunit huli na ang lahat dahil nakita na siya ni Fidel. Agad pinatigil ni Fidel ang kalesa sa tapat ng punong pinagtataguan ni Salome "Lumeng... Lumabas ka na riyan, Wala ng saysay ang iyong pagtatago dahil nasumpungan na kita" saad ni Fidel at pareho silang natawa ni Mang Berto. Napapikit na lang sa inis si Salome dahil nahuli siya.


Bakit ba kasi sa dinami-dami ng lugar dito sa San Alfonso dito pa ulit masasalubong si Senor Fidel?


"Sige ka... Hindi kami aalis dito kahit abutin kami ng gabi hangga't hindi ka lumalabas diyan" pang-asar pa ni Fidel dahilan para mapahinga na lang ng malalim si Salome at humakbang na papalabas sa likod ng puno na kaniyang pinagtataguan. Napatulala naman siya dahil nakatawa ngayon si Fidel, animo'y sumingkit ang mga mata nito at kitang-kita niya ang ganda ng mga ngipin nito.

"Natakot ata si Salome na abutin siya ng gabi sa likod ng punong iyan" kantyaw pa ni Mang Berto at nagtawanan muli sila ni Fidel. Gusto sanang magalit ni Salome dahil pinagtatawanan siya ng mga ito ngunit makita niya lang ang pagtawa ni Fidel ay nagsimula na namang matunaw ang kaniyang puso.

"Bueno, Umangkas ka na rito Lumeng" tugon pa ni Fidel nang mahismasan na ito sa pagtawa. Yumukod siya at iniabot ang palad kay Salome upang hilahin ito paakyat sa kalesa. Nagulat naman si Salome at napatitig sa palad ng binata na nasa tapat niya. Nang dahil sa ginawa ni Fidel parang sasabog na ngayon ang puso ni Salome dahil sa kaba.

"Halika na" ulit pa ni Fidel dahilan para mapatingala sa kaniya si Salome at mapatingin ito ng diretso sa kaniyang mga mata. Sa pagkakataong iyon, dahan-dahang umihip ang hangin dahilan para magsilaglagan ang mga dahon ng puno ng Malabulak na kulay violet. Muli ay naramdaman na naman ni Salome ang walang humpay na pagtibok ng kaniyang puso sa binatang nakatingin rin ngayon ng diretso sa kaniyang mga mata.

"Lumeng, umakyat ka na" napatigil lamang sila sa pagtitigan nang biglang magsalita si Mang Berto, at dahil doo'y humawak na si Salome sa nakalahad na palad ni Fidel at hinila siya paakyat sa kalesa. "Tayo na, baka abutin pa tayo ng gabi" patuloy pa ni Mang Berto at sinimulan na niyang patakbuhin ang kabayo.

Napakapit naman si Salome sa gilid ng kalesa at napausog sa gilid. Napausog rin si Fidel sa kabilang dulo upang siguraduhin na may espasyo pa sa pagitan nilang dalawa.




Nang marating nila ang kabisera ng San Alfonso, dumiretso ang kalesang sinasakyan nila sa palengke at tumigil rito. "Senor, masyado pong maraming tao ngayon, makipot ang daan kung kaya't hindi po makakapasok ang kalesa" tugon ni Mang Berto. Napatango na lamang si Fidel at inayos ang kaniyang sumbrero sa kaniyang ulo.

"Ayos lang Mang Berto, maglalakad na lamang kami, Hintayin mo na lang kami rito" tugon ni Fidel, nagulat naman si Mang Berto at napatingin sa kanilang dalawa ni Salome.

"Ngunit Senor kayong dalawa lamang po ni Lumeng? Baka po kung anong isipin ng mga tao kapag nakitang wala kayong ibang kasama" mungkahi ni Mang Berto, napagtanto naman ito ni Fidel at nahiya siya bigla. Nawala sa kaniyang isipan na siya'y binata at si Salome ay dalaga, Hindi kaaya-ayang tingnan sa panahon nila na makitang silang dalawa lamang ang magkasama.

"G-gayon po ba? Sumama na rin po kayo Mang Berto" saad ni Fidel at bumaba na siya sa kalesa. Ilalahad niya sana ang kaniyang palad upang alalayan si Salome makababa sa kalesa ngunit nakalundag na ito dahil sa kaba. Itinali naman ni Mang Berto ang kalesa sa gilid ng isang tindahan at ibinilin ito sa tindera doon na kakilala niya.



Nagsimula na silang maglakad, nauuna si Fidel habang nasa likod naman niya si Salome at nasa hulihan naman si Mang Berto. Napapatingin ang mga tao kay Fidel at bumabati rito, lalo na ang mga ina na may mga anak na kasama ang kanilang mga dalagang anak. Panay ang sulyap ng mga dalaga sa kaniya at pagtakip ng kanilang mga abaniko sa kanilang mukha. Hindi naman mapigilan ni Salome na mailang dahil sa kaniyang mga nakikita lalo na sa mga kababaihan na nagnanakaw ng tingin kay Fidel. Nais niya sanang kausapin at tanungin si Fidel kung bakit siya isinama nito at kung anong gagawin nila sa palengke ngunit inuunahan siya ng kaba. Hindi rin siya makatyempo na magtanong kay Fidel dahil panay ang pagbati sa kaniya ng mga kababaihan. Magalang naman na binabati ni Fidel pabalik ang mga binibini.

Nagulat si Salome nang biglang tumigil sa paglalakad si Fidel at pumasok ito sa tindahan, nanlaki ang mga mata ni Salome nang mapagtanto niya na ang tindahang iyon ay ang tindahan ng mga kuwaderno, talaaarwan at pluma na tinigilan niya kahapon.

"Buenas tardes Senor Fidel, Puedo Ayudarlo?"(Goodafternoon Senor Fidel, May I help you?) magiliw na tanong ng isang kastilang negosyante na wala ng buhok sa ulo. Magiliw rin siyang binati ni Fidel na animo'y matalik silang magkaibigan. "Buenas tardes Don Antonio Flores, voy a abrir mi clase manana y necesito papel y tinta" (Goodafternoon Don Antonio Flores, I am going to open my class tomorrow and I need some paper and ink)


"Todos lo tenemos aqui, venimos adentro" (We all have it here, come inside)


Pumasok na sila sa loob, naiwan naman si Salome sa labas habang tinititigan ang itim na plumang nais niyang bilhin para kay Danilo. Ngunit hindi niya iyon nabili kahapon dahil sa pagkainis niya sa mga binatang kastilang nakasalamuha niya, at mukhang hindi niya rin mabibili iyon ngayon dahil wala siyang dalang pera, biglaan lamang siyang sinama dito sa palengke at hindi siya nakapagdala ng pera.

Dinampot muli ni Salome ang plumang iyon at pinagmasdan ito ng mabuti. Balang araw ay mapapasaakin ka rin.

Napasulyap siya sa loob ng tindahan at nakita niyang papalabas na si Fidel at Don Antonio Flores, kinuha naman ni Mang Berto ang mga kuwaderno, pluma at tinta na pinamili ni Fidel. Ibinalik na ni Salome ang plumang iyon sa lagayan nito at tumulong sa pagbubuhat ng mga pinamili. Nagpaalam na si Fidel kay Don Antonio at umalis na sila.




Habang naglalakad sila pabalik sa pinaradahan ng kalesa biglang napatigil sa paglalakad si Fidel at kinuha niya kay Salome ang bitbit nitong bayong na naglalaman ng mga kuwaderno "A-ako na ho Senor, n-nakakahiya naman ho kung kayo pa ang magdadala ng mga ito" tugon ni Salome ngunit nakuha na ni Fidel ang kaniyang mga dalahan.

"Ako na lang, baka hindi ka na tumangkad niyan" biro pa ni Fidel sabay tawa, kahit saglit lamang ang pagtawa nito nagdulot naman ito ng matinding pagpintig sa puso ni Salome, hindi na namalayan ni Salome na napatitig siya sa napakagandang ngiti at pagtawa ni Fidel. Nang matauhan siya ay bigla lamang siyang naglakad ng diretso dahil naramdaman niyang nag-iinit na ngayon ang kaniyang pisngi at baka mapansin ni Fidel ang pamumula nito.

Nauna naman sa paglalakad si Mang Berto dahil bitbit nito ang napakaraming bayong na naglalaman ng mga samo't-saring mga kagamitan sa pag-aaral na pinamili ni Fidel. Hindi naman makalakad ng mabilis si Salome dahil napakadaming tao at mabagal ang used ng paglalakad mga tao na nasa unahan nila. hindi naman mapakali si Salome at animo'y mahihimatay na siya dahil sa kaba nang maramdaman niyang nasa likod lamang niya si Fidel, naamoy niya ang mabangong halimuyak ng binata at hindi niya mapigilang madala sa bango nito.

"May nais sana akong itanong sa iyo" narinig niyang tugon ni Fidel, nalamayan na lang niya na awtomatikong napalingon na siya sa binata "A-ano po iyon Senor?" tanong niya nang hindi makatingin ng diretso sa mga mata nito. Mabagal pa din ang used ng kanilang paglalakad.

"Ikaw ay bihasa sa baybayin hindi ba?" tanong ni Fidel, napatango naman si Salome. "Napakaganda ng inyong paraan sa pagsusulat, humanga ako sa ganda ng bawat detalye ng mga letra ng baybayin, paumanhin dahil nakita ko iyong nakasulat sa harapang bahagi ng iyong kuwaderno" patuloy pa ni Fidel. Naalala ni Salome na isinulat nga niya sa unang bahagi ng kaniyang kuwaderno ang kaniyang pangalan sa paraang baybayin.

(Salome)


"Ako'y nagtataka kung bakit nais mong matuto magsulat at magbasa sa wikang alpabeto gayong magaling ka sa baybayin" tanong ni Fidel, napangiti naman ng kaunti si Salome. At sumabay na siya sa paglalakad ng binata.

"Ang totoo pong dahilan kung bakit nais ko pong matuto magsulat at magbasa ng alpabeto ay upang maisalin ko po rito ang kwentong nais kong gawin, ang kulturang baybayin po ng aming mga ninuno ay unti-unti ng namamatay at sa panahon ngayon alpabeto na ang tinatangkilik ng mga tao kung kaya't nais ko pong isulat rin sa alpabeto ang aking gagawing akda" sagot ni Salome. Napatango at napangiti rin ng bahagya si Fidel. Hindi na nila ngayon napapansin ang madaming tao sa paligid dahil tanging silang dalawa lamang ang nagkakaunawaan at nagkakaintindihan sa lugar na iyon.

"Kung gayon... Ano ang nais mong maging wakas ng iyong kwento?" tanong pa muli ni Fidel. Napaisip naman si Salome. "Bakit wakas po agad ang kailangan kong isipin?" nagtatakang tanong ni Salome dahilan para matawa si Fidel at lumabas na naman ang napakagandang mga ngipin nito.

"Sa oras na ikaw ay gagawa ng isang nobela o maikling kwento, mahalagang unahin mong isipin ang magiging wakas nito" sagot ni Fidel dahil para lalong magtaka si Salome. Matalino si Fidel at batid ni Salome na hindi siya tuturuan ng mali nito.

"Dahil sa oras na napagdesisyunan mo na kung anong magiging kahihinatnan ng iyong kwento, madali mo na lang maisusulat ang daloy nito... Kung masaya ang magiging wakas ng iyong kwento masaya rin ang daloy ng bawat kabanata nito ngunit kung malungkot ang magiging wakas ng iyong kwento, dalawa lang ang maaaring mangyari, Una, malungkot ang daloy ng kwento, at Pangalawa, maaari namang malungkot nga ang wakas ngunit pareho namang masaya ang dalawang karakter nito" paliwanag ni Fidel, napatango-tango naman si Salome. Mahalagang impormasyon ang kaniyang nalaman at natutuwa siya dahil ibinahagi iyon sa kaniya ni Fidel.

"Kung gayon... Ano ang magiging kahihinatnan sa dulo ng iyong gagawing istorya?" tanong pa ni Fidel, napangiti naman si Salome sa kaniya. "Nais ko pong maging masaya ang wakas ng aking akda" tugon nito, napangiti naman si Fidel. Mas lalong sumikip ang daan dahil dumami ang mga taong namamalengke ngayong hapon dahil malapit ng magtakipsilim.


"Alam mo bang hindi lahat ng istorya ay nagtatapos sa iyong kagustuhan? na kahit anong pilit ay malungkot pa rin ang kalalabasan" wika ni Fidel at tumigil ito sa paglalakad. Nagpatuloy naman sa paglalakad si Salome "A-ano pong ibig sabihin niyo Senor?" ngunit namalayan niya na hindi na niya kasabay si Fidel sa paglalakad ay napatigil din siya at napalingon sa likod kung saan nakatayo lang doon sa Fidel habang hawak-hawak ang bayong na bitbit niya.


Nawala na ang ngiti sa labi ni Fidel habang nakatingin lang ng diretso sa mga mata ni Salome, mga isang dipa ang layo nila ngayon sa isa't-isa. Nakatingin lang ng diretso si Fidel sa mga mata ni Salome at hindi naman maintindihan ni Salome kung bakit may bahid ng kalungkutan sa mga mata ni Fidel habang nakatingin din siya ng diretso sa mga mata nito.


~Libo-libo na ang nasabi
Parang wala namang narinig
'Di ba di ba usapan natin
Unti-unting susubukan natin~

~Kay tagal na, ganito na lamang ba
Pano ba't ako'y nasasaktan na~

~'Di ko alam san ka nanggagaling
At bakit ba tayo paulit-ulit
Sabihin mo nga, sabihin mo nga
Ano nga ba tayo? Ano nga ba tayo?
'Di ko alam ba't ganyan ka sa'kin
At bakit hindi mo naman maamin
Sabihin mo nga, sabihin mo nga
Ano nga ba tayo? Ano nga ba tayo?~



Nakatayo lamang sila doon, sa gitna ng palengke kung saan patuloy na naglalakad sa iba't-ibang direksyon ang mga tao. Biglang bumagal ang paligid, nagsimula namang umilaw ang mga gasera na nakasabit sa itaas na bahagi ng mga tindahan. Palubog na rin ang araw at nagsimula nang balutin ng dilim ang buong paligid.


"Gusto mo bang malaman kung bakit hindi lahat ng istorya ay nagtatapos ng masaya?" tanong pa muli ni Fidel. At sa pagkakataong iyon parang may kung anong kirot na naramdaman si Salome sa kaniyang puso. Hindi niya maintindihan kung bakit ang mga tingin ni Fidel ay nagdudulot ng matinding kalungkutan sa kaniya...



Bakit hindi maaaring maging masaya ang wakas ng kwento nating dalawa?




*****************

Featured Song:

'Ano nga ba tayo?' by Jona


Lubos kong pinasasalamatan si Binibining 

dahil siya ang nagsalit sa Baybayin ng mga pangalan ni Salome, Fidel, Aleeza, Nathan at Danilo. Mabuhay ka kapatid!

Marami pa kaming ibabahagi sa inyo tungkol sa pagsulat ng Baybayin kung kaya't kapit lang mga bes! Ating tutuklasin ang sinaunang paraan ng pagsusulat ng ating mga ninuno.

Ang pagsalin ng mga pangalan sa Baybayin ay hindi official, bukas kami ni Binibining JoanaJoaquin

sa mga komento at koreksyon para sa tamang pagsulat ng Baybayin. Muli, Maraming salamat sa inyong lahat! votes and comments are highly appreciated hihi <3


"Ano nga ba tayo?" by Jona

Continue Reading

You'll Also Like

Socorro By Binibining Mia

Historical Fiction

1.1M 69.6K 27
De Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of the De Avila family, nothing stops Socorr...
11.3M 481K 32
Hanapan ng girlpren si bitter bestfriend na friendzoned since birth? Game!
124M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...
M By Maxine Lat

Historical Fiction

6.5M 292K 17
#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as self-harm, physical viole...