Our Asymptotic Love Story (Pu...

By UndeniablyGorgeous

31.9M 814K 1M

Prequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at... More

Panimula
f(x - 0)
Kabanata f(x - 1)
Kabanata f(x - 2)
Kabanata f(x - 4)
Kabanata f(x - 5)
Kabanata f(x - 6)
Kabanata f(x - 7)
Kabanata f(x - 8)
Kabanata f(x - 9)
Kabanata f(x - 10)
Kabanata f(x - 11)
Kabanata f(x - 12)
Kabanata f(x - 13)
Kabanata f(x - 14)
Kabanata f(x - 15)
Kabanata f(x - 16)
Kabanata f(x - 17)
Kabanata f(x - 18)
Kabanata f(x - 19)
Kabanata f(x - 20)
Kabanata f(x - 21)
Kabanata f(x - 22)
Kabanata f(x - 23)
Kabanata f(x - 24)
Kabanata f(x - 25)
Kabanata f(x - 26)
Kabanata f(x - 27)
Kabanata f(x - 28)
Kabanata f(x - 29)
Kabanata f(x - 30)
Kabanata f(x - 31)
Kabanata f(x - 32)
Kabanata f(x - 33)
Kabanata f(x - 34)
Kabanata f( x - 35)
Kabanata f(x - 36)
Kabanata f(x - 37)
Kabanata f(x - 38)
Kabanata f(x - 39)
Kabanata f(x - 40)
Kabanata f(x - 41)
Kabanata f(x - 42)
Epilogo
Ang Huling Asimptota
OALS Published Books
Other Stories

Kabanata f(x - 3)

1.3M 27.5K 28.9K
By UndeniablyGorgeous


[Kabanata 3]


Our Asymptotically Love Story

 (page 1 – 11)


Unang Kabanata 

Filipinas 1688



Ako si Salome, at ito ang kwento nating dalawa...



"Lumeng! Ano bang pinagkakaabalahan mo riyan? Bumaba ka na riyan at akayin mo paakyat iyong ate upang siya naman ang makapagpahinga" sambit ni Nay Delia, napatango na lamang si Salome, isinara na niya ang kaniyang kuwaderno at inilagay iyon sa loob ng isang bayong. Palundag na bumaba si Salome sa ibabaw ng kalabaw at pinagpagan niya ang kaniyang kamay at saya.

Nakasimangot siyang naglakad papunta sa likuran kung nasaan hinang-hinang naglalakad ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Felicidad habang akay-akay ito ni Danilo na kanilang ring kapatid. Masama ang kaniyang loob dahil kasalukuyan siyang abala matuto mag-sulat ng alpabeto ngunit naudlot iyon nang utusan siya ng kaniyang ina. Bagama't nakasimangot siyang nagtungo sa kinaroroonan ng kaniyang mga kapatid na si Felicidad at Danilo na nahuhuli na sa paglalakad, animo'y unti-unting napawi ang pagkakunot ng kaniyang noo nang makita niya ang kalagayan ng kaniyang ate Felicidad, namumutla na ito at patuloy ang pagtagaktak ng mga butil ng malamig na pawis sa noo nito.

"Ika'y hapong-hapo na, sasabihin ko kay itay na tayo'y magpahinga muna kahit saglit" tugon ni Salome, isang tango lamang ang sagot ni Felicidad dahil hindi na nito kaya pang magsalita. Agad tumakbo si Salome papunta sa unahan kung saan nangunguna sa paglalakad si Tay Isko na kanilang ama at kasabay nito ang lima pang mga kalalakihan na kasama rin ang kanilang mga pamilya.

Alas-diyes pa lamang ng umaga ngunit matirik na ang sikat ng araw, Marahil ay papalapit na ang panahon ng tag-araw dahil malapit ng matapos ang buwan ng Marso. At ito ang napili nilang panahon ng paglalakbay patungo sa lalawigan ng San Alfonso. Ang pamilya ni Tay Isko katuwang ang lima pang pamilya ay mula sa Tondo, Maynila. Pinangunahan ni Tay Isko na lisanin ang Tondo dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ng kaniyang kapatid na si Fernando na kasalukuyang cabeza de barangay ng nasabing lugar.

Nagsimula ang kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng paglalakad noong buwan pa ng Enero sa tulong ng kanilang mga alagang kalabaw na siyang taga-hila ng kanilang mga kagamitan. Isinama rin nila ang ilang alagang manok at mga kambing. Buong tapat na sumama kay Tay Isko ang lima pang pamilya na kaniyang matatalik na kaibigan na mga sambahayan ni Mang Islao, Mang Pedro, Mang Jose, Mang Berto at Mang Kiko.


Sa kabuuan halos limampu silang naglalakbay ngayon at ito ay sa pamumuno ni Tay Isko na bagama't medyo may katandaan na ngunit malakas pa rin ang kaniyang pangangatawan, Payat ang pangangatawan nito ngunit maliksi pa rin kung kumilos. Kayumanggi ang kaniyang balat at bilugan ang kaniyang mga mata, hindi ganoon katangos ang kaniyang ilong at may manipis na labi. Ang pinakamapapansin kay Tay Isko ay ang kilay nito sa kaliwa na animo'y nabuhol.

Ang asawa naman ni Tay Isko ay si Nay Delia na may dugong Intsik. Ang ninuno ni Nay Delia ay mula sa Canton, Tsina. Ngunit pinili nilang manirahan dito sa Pilipinas dahil sa masiglang kalakaran noon sa pagitan ng mga Pilipino at Intsik bago man dumating ang mga mananakop na Kastila na halos isang daang taon na ang nakararaan. Sa Tondo nanirahan ang mga ninuno ng pamilya ni Nay Delia na kung saan pinamumunuan ito noon ng mga Rajah bago tuluyang magapi ng mga Kastila. Nang masakop ang kaharian ng Maynila at Tondo ang buong pamilya at sambahayan ng mga dugong bughaw ay walang awang pinatay at ang iba ay pinatapon sa iba't-ibang sulok ng Pilipinas.

Si Fernando Aguantar na nakatatandang kapatid ni Francisco Aguantar o mas kilala bilang Tay Isko ang kasalukuyang cabeza de barangay bilang pagkilala sa lahi ng mga maharlikang Indiyo na sumapi sa mga Kastila. Nagkaroon ng hidwaan at pagtatalo sa pagitan ni Fernando at Francisco kung kaya't napag-desisyunan ni Francisco na umalis na lamang sa Tondo kasama ang kaniyang buong pamilya. Sumama naman sa kaniya ang lima pang sambahayan patungo sa San Alfonso kung saan kasalukuyang naninirahan ang panganay na anak ni Francisco o Tay Isko na si Ernesto Aguantar. Si Ernesto ay nasa dalawampu't limang taong gulang lamang, isa siyang makisig na binata, kamukhang-kamukha siya ng kaniyang ama at kilala rin siya sa galing niya sa pangingisda at paglalakbay sa laot. Nakapangasawa ng isang simpleng dalaga na anak ng isang magsasaka si Ernesto at ito ay si Roselia na tubong San Alfonso.

Ito ang kanilang pakay ngayon ang manirahan na sa San Alfonso at kalimutan ang kanilang kaugnayan kay Fernando na namumuno sa Tondo. Si Tay Isko at Nay Delia ay nabiyayaan ng limang anak, si Ernesto ang panganay, sumunod naman sa kaniya ang dalagang nasa dalawampu't dalawang taong gulang na si Felicidad Aguantar, sunod naman ay si Salome Aguantar na nasa labing-siyam na taong gulang, kasunod naman ay si Danilo Aguantar na nasa labing-anim na taong gulang at ang pinakabata sa kanila ay si Julio Aguantar na pitong-taong gulang lamang.

Si Felicidad Aguantar ay nagtataglay ng natatanging kagandahan, bilugan ang kaniyang mukha, maputi ang kaniyang balat na namana niya sa kaniyang ina na si Nay Delia na may lahing intsik, bilugan ang kaniyang mga mata at manipis ang kaniyang mga labi, ang kaniyang buhok ay mahaba at tuwid na tuwid. Si Felicidad ay magalang, mahinhin, mayumi at tunay na pinapangalagaan talaga ni Nay Delia dahil naniniwala siya na si Felicidad ang kanilang alas upang makaahon sa kahirapan. Nais ni Nay Delia na maipakasal ito sa isang mayamang binata, Kastila man o hindi.

Si Salome Aguantar naman ay nagtataglay rin ng kagandahan tulad ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Felicidad, bilugan rin ang kaniyang mukha ngunit medyo singkit ang kaniyang mga mata, maputi rin ang kaniyang balat dahil may lahi silang intsik, tama lamang ang kaniyang ilong at manipis rin ang kaniyang mga labi, ngunit ang buhok niya ay medyo kulot at mahaba, katangian na pinaniniwalaan ni Tay Isko na namana niya sa kanilang lahing maharlika, dahil ang kanilang mga ninuno ay kabilang sa mga dugong bughaw ng Kaharian ng Tondo ngunit nang sakupin na ng mga Kastila ang Maynila, kasabay ng pagkatalo ng kanilang mga ninuno ay ang pagkawala rin ng Kaharian ng Tondo.

Taliwas naman sa karapat-dapat na ugali ang taglay ni Salome, kung kaya't palagi siyang napupuna ng kaniyang ina na si Nay Delia. Masiyahin at mapag-biro si Salome, palagi rin siyang sumasama sa pagsasaka at pangingisda noon ng kaniyang kuya Ernesto. Bihasa rin siya sa lahat ng gawaing bahay dahil siya lamang ang katuwang ni Nay Delia dahil palaging may sakit ang kaniyang ate na si Felicidad. Sanay rin sa pakikisama at pakikisalamuha si Salome kung kaya't madalas din siyang katuwang ni Nay Delia sa paglalako ng mga paninda nilang isda na nahuhuli ni Ernesto sa karagatan noong hindi pa nag-aasawa si Ernesto. At ngayon labis ang saya ni Salome dahil makikita na rin niya muli ang pinaka-paborito niyang kapatid na si Ernesto dahil maninirahan na rin sila sa San Alfonso.

Samantala, si Danilo Aguantar naman ay isang tahimik na binatilyo, siya ang pinaka-matalino sa kanila. Madalas siya noong tumatambay sa labas ng Simbahan ng San Agustin sa Intramuros upang makinig sa mga pangaral ng pari, nagtatrabaho rin siya bilang taga-buhat ng mga panindang gulay sa palengke upang magkaroon ng pera pambili ng mga papel, pluma, kuwaderno at talaarawan. Iniregalo niya ang isang kuwaderno sa kaniyang ate Salome noong isang taon dahil interesado rin itong matuto magbasa at magsulat ng alpabeto. Bukod sa katalinuhang taglay ni Danilo, may angking kagwapuhan at kakisigan rin ito, matangkad siya, maputi rin ang kaniyang balat, singkit ang kaniyang mga mata at may makisig na pangangatawan. Mga katangian na hinahangaan ng mga dalagita na nabibilang sa matataas na antas ngunit hindi sila pinapatulan ni Danilo.

Habang si Julio Aguantar naman ang pinaka-bata sa magkakapatid ay likas na makulit at pilyo. Nahahawig niya ang kaniyang kuya Danilo, bagama't paslit pa lamang si Julio ay sanay na rin ito sa pagsasaka at pagpapastol ng mga hayop. Pitong taong gulang na si Julio ngunit hindi pa rin it nakakapagsalita, bagay na labis na ikinababahala ng pamilya.





"Itay! Maaari po ba tayong magpahinga muna saglit dahil nanghihina na po si ate Felicidad" paalam ni Salome sa kaniyang ama na si Tay Isko. Napalingon naman si Tay Isko at ang iba pang mga ama ng tahanan na kasamahan niya sa likod kung saan inaakay na ni Danilo si Felicidad paakyat sa kalabaw. 

"Sige... mas makabubuti nga kung magpahinga na muna tayo at dito na rin tayo mananghalian" tugon ni Tay Isko at nginitian niya si Salome. Nagpasalamat naman si Salome at kumaripas ng takbo papunta kina Felicidad at Danilo upang ipagbigay alam ang mabuting balita. Sinuway pa ni Nay Delia si Salome dahil sa hindi kaibig-ibig nitong kilos nang kumaripas ito ng takbo, ngunit wala nang nagawa pa si Nay Delia dahil hindi rin naman siya pinakinggan ng kaniyang anak na si Salome.

"Saang barrio ba tayo maninirahan?" tanong ni Mang Pedro kay Tay Isko, kasalukuyang nakasilong ang lahat sa magkakatabing puno ng Narra na nasa gilid ng kalsadang lupa na pinakinis upang madaanan ng mga kabayo at calesa. Kumakain na rin sila ngayon ng kanilang tanghalian na inihaw na kamoteng kahoy at tig-tatlo sila ng saging na saba.

"Sa barrio Tagpi, doon naninirahan ang aking anak na si Ernesto, naalala mo noong bumisita siya sa atin sa Tondo noong Disyembre inilarawan niya sa akin ang daan at isinulat iyon sa kuwaderno ni Danilo kung kaya't naniniwala ako na matutunton na natin ang kanilang barrio bago magtakip-silim ngayong araw" paliwanag ni Tay Isko, napatango-tango naman ang kaniyang mga kasamahan.

"Sino ba ang gobenadorcillo sa bayan na ito?" tanong naman ni Mang Kiko. Napaisip naman si Tay Isko at pilit na inaalala ang mga impormasyon na sinabi sa kaniya noon ni Ernesto bago sila magsimulang maglakbay.

"Ang pagkakaalam ko ay si Tay Alfonso Silong ang unang naggapas ng mga kagubatan at kabukiran dito sa San Alfonso at nang dumating ang mga Kastila ay naging isa siyang encomiendero, napalawig niya ang buong lupain ng San Alfonso at isinunod ang lugar na ito sa pangalan niya, Samantala, ang apo naman niya na si Filimon Alfonso ang kasalukuyang gobernadorcillo ng lalawigang ito" paliwanag pa ni Tay Isko, taimtim na nakikinig naman si Salome sa kanilang usapan at nararamdaman na niya na isa siyang dayuhan sa bagong lupain na titirhan nila.


Pagkatapos ng tanghalian ay nagpatuloy na sila sa paglalakbay, si Felicidad na ngayon ang nakasakay sa kalabaw habang akay-akay ni Danilo ang kalabaw sa harapan. Hawak naman ni Salome sa kamay si Julio na halatang pagod na sa paglalakad at mukhang inaantok na dahil oras na rin ng siyesta. Napansin ni Salome na pumupungay na ang mga mata ng kapatid niyang si Julio kung kaya't pinasan na niya ito sa kaniyang likod upang makatulog na. Kinanta naman ni Salome ang awiting palagi niyang kinakanta sa tuwing patutulugin niya si Julio...

~Ang batang makulit

Siya ay pilyo at paslit

Ngiti ang sa amin ay hatid

At ang ngalan niya ay Juliong Paslit~





Nagpalitan na lang sa pag-pasan kay Julio si Salome at Danilo hanggang sa makarating sila sa daungan ng San Aflonso. Kasalukuyang ginagawa ang tulay na kahoy na daungan nito at may iilang mga maliliit na bangka na nasa tabi, alas-singko na ng hapon at abala pa rin ang mga trabahador sa pagpako ng mga tabla para sa daungan. May iilang mga Kastilang nag-mamatiyag at binabantayan ang mga manggagawa.

Ang ilan namang mga kababaihan ay nasa tabi at may hawak na mga tubig at pamunas para sa mga asawa at anak nilang gumagawa sa daungan. ilang saglit pa ay nakarating na rin sila sa kabisera ng San Alfonso, natanaw nila ang plaza at ang tulong-tulong na pagtatrabaho ng mga tao upang maitayo ang simbahan ng San Alfonso. Kasalukuyang pundasyon at mga haligi pa lamang ang nagagawa nila at aabutin pa ito ng ilang buwan bago matapos.

Napapalingon naman ang ilang mamamayan ng San Alfonso sa pagdating ng kanilang grupo sa pamumuno ni Tay Isko. Tinanong ni Tay Isko sa isang kutsero na nagpapahinga sa gilid ng plaza ang direksyon papunta sa barrio Tagpi, agad naman siyang itinuro nito at sinabing mga dalawang kilometro pa ang layo nito sa bayan.

Nadaanan rin nila ang tulay ng San Alfonso na kung saan gawa pa lamang ito sa kahoy, namangha si Salome sa ganda ng ilog na umaagos sa ilalim nito. "Iyan ang Ilog Tangis" narinig ni Salome na tugon ni Danilo na nasa tabi na pala niya habang pasan-pasan na nito si Julio. Magtatanong pa sana si Salome ngunit bigla nilang narinig ang sigaw ng mga lalaking naka-uniporme na pang-guardia civil at pinapatabi sila dahil dadaan ang mga ito sa tulay. Mabuti na lamang dahil nakalagpas na sila sa tulay at tumigil muna sandali sa gilid at binigyan ng daan ang paparating na mga hukbong kastila habang kasunod nito ang isang magarbong kalesa at lulan nito ang isang binatang kastila na nagtataglay ng pambihirang kagwapuhan.

Nagtama ang mga mata ni Salome at ng binatang kastilang iyon, biglang napahawak si Salome sa kaniyang puso nang maramdaman niya ang biglaang pagpintig nito nang mapasulyap sa kaniya ang binatang kastila. Sandaling bumagal ang takbo ng paligid, animo'y ang bawat takbo ng segundo ay naging minuto. 

Mabilis lamang ang pangyayari agad nakalagpas ang magarbong kalesang sinasakyan ng isang makisig na binatang Kastila. Hindi naman nilubayan ni Salome ng tingin ang kalesang iyon hanggang sa makalayo ito. 


"Ipinagdarasal ko na walang sugapal na kastila dito sa San Alfonso, dahil kung mayroon titira na lamang ako sa isang isla" biro pa ni Mang Pedro at nagtawanan sila nila Tay Isko saka nagpatuloy na muli sa paglalakbay.

"Lumeng? Ayos ka lang?" tanong ni Nay Delia kay Salome dahil nagsimula na silang maglakad pero naiwan lang siya doong tulala at nakahawak sa kaniyang puso. "Ikaw ba'y pagod na rin?" patuloy pa ni Nay Delia dahilan para matauhan si Salome na kinakausap pala siya ng kaniyang ina.

"H-hindi po inay, ayos lang po ako" tugon na lamang ni Salome at nagsimula na rin siyang maglakad habang dala-dala pa rin sa kaniyang puso ang kakaibang pintig na naramdaman niya kani-kanina lang.






Matapos ang dalawang kilometrong paglalakbay ay nakarating na rin sila sa barrio Tagpi, ito ang unang barrio pagkalagpas sa kabisera ng San Alfonso, napapalibutan ang buong barrio Tagpi ng mga kabukiran at palayan. May mga sampung kabahayan pa lamang dito at halos malalayo ang agwat ng mga bahay kubo sa bawat isa. Agad na natanaw ni Tay Isko ang anak niyang si Ernesto na nagbibilad ng palay sa isang patag na lugar sa di-kalayuan.

"Estong! Anak!" masiglang tawag ni Tay Isko kay Ernesto, nabitawan niya ang kaniyang mga dala-dalahan at dali-daling tumakbo papunta kay Ernesto na ngayon ay tumatakbo na rin papalapit sa kaniya. Nagyakap ng mahigpit ang mag-ama at bakas sa kanilang mga mukha ang labis na saya. Humabol naman sa kanila si Nay Delia at Salome, habang mabilis na akay-akay naman ni Danilo si Felicidad papalapit sa kanilang kuya Ernesto.

Isa-isa nilang niyakap si Ernesto at maluha-luha na sila dahil sa saya na nararamdaman nila. "Maraming Salamat sa Diyos dahil nakarating kayo rito ng matiwasay" tugon ni Ernesto sabay yakap muli sa kaniyang ina na si Nay Delia.

Sumunod naman sa kanila ang iba pang mga sambahayan na kasama nila Tay Isko sa paglalakbay at buong galang silang binati at sinalubong ni Ernesto. "Tayo'y magtungo na sa aming tahanan upang makapagpahinga na kayong lahat" patuloy pa ni Ernesto habang nakaakbay sa kaniyang ina at kay Salome at masaya nilang tinahak ang daan papunta sa bahay kubo nila Ernesto at ng asawa nitong si Roselia.

Sa gitna ng palayan nakatayo ang tahanan ni Ernesto at Roselia, maliit lamang ito at gawa lamang sa kawayan at pawid. "Kamusta na po kayo? Nagagalak po akong makita muli kayo" nakangiting tugon ni Roselia at isa-isa niyang niyakap ang pamilya Aguantar. Naghain na rin siya ng hapunan, inihaw na isda ang kaniyang inihain habang sinamahan naman ni Ernesto ang iba pang pamilya na kasama ni Mang Isko papunta sa kabilang palayan na kung saan malinis na ito at nagapas na rin ang mga damo, maaari na itong tayuan ng bahay at tirhan. Ngunit ngayon gabi ay pansamantala muna silang lahat matutulog sa tahanan nila Ernesto at bukas na lamang nila sisimulang manguha ng mga kawayan at kahoy sa kagubatan para magamit sa pagtatayo ng kanilang mga bahay.





Kalat-kalat ang mga bisita, ang ibang mga bata ay tulog na sa papag at tabi-tabi na ang mga kababaihan habang nasa kabilang sulok naman ang mga kalalakihan. Isang gasera lamang ang nagbibigay ng liwanag sa buong bahay. kasalukuyang nasa labas ng bahay sila Ernesto, Roselia, Nay Delia, Salome at Danilo habang mahimbing ng natutulog si Tay Isko at Julio sa loob dahil na rin sa matinding pagod.

"Ano po ang balak niyong hanapbuhay dito sa San Alfonso inay?" tanong ni Roselia kay Nay Delia habang nakasandal sa kaniya si Ernesto. Nakaupo sila sa palibot ng apoy na sinigaan sa gitna. Malamig ang gabi ngunit nagdudulot ng init ang apoy na nasa harapan nila ngayon. maingay rin ang tunog ng mga kuliglig sa buong paligid ngunit hindi nila ito alintana.

"Nais ko sanang magtinda ng mga isda sa palengke ngunit sa ngayon ay wala pa kaming pampuhunan kung kaya't mamasukan na lang muna kami ni Salome bilang katulong" tugon ni Nay Delia, nagpaalam naman na si Danilo at pumasok na siya sa loob ng bahay upang matulog na. kung kaya't naiwan na lang doon sa labas si Ernesto, Roselia, Nay Delia at Salome.

"Maunlad na rin po ang bayang ito kung kaya't madali po kayong makakahanap ng trabaho inay, may pitong mayayamang pamilya po ang naninirahan ngayon dito sa San Alfonso at kabilang na rin po ang gobernadorcillo na si Don Filimon Alfonso" paliwanag ni Ernesto. Napatingin naman si Salome sa malaking tahanan na napapalibutan ng mga bulaklak na natatanaw niya sa di-kalayuan pagkalagpas sa mga palayan.

"Maaari po ba kaming manilbihan doon?" tanong ni Salome sa kaniyang kuya Ernesto sabay turo doon sa malaking mansyon na natatanaw nila. Sabay namang napailing si Ernesto at Roselia.

"Ang pagkakaalam ko ay bihira tumanggap ng mga indiyo na tagapagslibi si Don Antonio Flores, isa siyang heneral at may mataas na katungkulan mula pa sa Espanya, limang taon pa lamang siya naninirahan dito kasama ang kaniyang asawa at mga anak" sagot ni Ernesto. Napatango na lang si Salome.

"Inay! Salome! Maaari ko kayong ipasok na tagapagsilbi sa hacienda Montecarlos, ang aking tiya Estelita ay tatlong taon nang mayor doma doon" tugon ni Roselia, napangiti naman si Salome dahil sa magandang balitang narinig niya.

"Hindi ba strikto ang padre de pamilya doon?" tanong ni Salome, napailing naman at natawa si Roselia.

"Si Senor Patricio Montecarlos ay isang binatang kastila na nasa edad dalawampu't apat pa lamang, apat na taon pa lang siya naninirahan dito sa San Alfonso ngunit napaunlad na niya ang ekonomiya dito, namuhunan siya ng malaki sa pagtatanim ng palay at mais at nakapagpatayo na rin siya ng mga kuwadra, marami na siyang natulungang mga mamamayan ng San Alfonso at marami rin siyang nabigyan ng trabaho" paliwanag ni Roselia, napangiti naman ng todo si Salome dahil sa malaking oportunidad na magkakatrabaho agad sila ng kaniyang ina.

"Hindi naman ba mata-pobre si Senor Patricio?" pag-usisa pa ni Salome, sabay namang natawa si Ernesto at Roselia.

"Ikaw talagang bata ka, hindi naman lahat ng Kastila ay mata-pobre, marami pa rin sa kanila ang may mabuting loob" paalala ni Nay Delia kay Salome.

"Huwag kang mag-alala Salome, madalas namang wala sa mansyon si Senor Patricio dahil abala ito sa kaniyang negosyo na balita ko ay lumalawak na at umabot na sa Maynila" dagdag pa ni Roselia. Hindi naman maalis ni Salome ang mga ngiti sa kaniyang labi dahil nararamdaman niyang may magandang buhay ang naghihintay sa kanila dito sa San Alfonso.





Kinabukasan, alas-kuwatro pa lang ng madaling araw ay gising na si Nay Delia, Roselia at Salome. Naghahanda na sila papunta sa hacienda Montecarlos na nasa pinakadulo ng San Alfonso, medyo malayo ito sa barrio Tagpi kung kaya't nagsimula na silang maglakad. Nasa apat na kilometro ang layo nito at sinamahan din sila ni Ernesto at ng iba pang mga kalalakihan na nais ding mamasukan bilang trabahor sa hacienda Montecarlos.



Pasado alas-siyete ng umaga nang makarating sila sa hacienda Montecarlos, namangha si Salome dahil natanaw niya na karugtong pala dito ang ilog tangis at natatanaw niya ang isang malaki at napakagandang lawa sa dulo nito. Hindi rin maitago ni Salome ang kaniyang pagkamangha nang matanaw niya ang napakalaking bakod na gawa sa ginto na bumungad sa harapan ng hacienda, nakasulat sa itaas nito ang dalawang salita na mabagal niyang binasa dahil nakasulat ito sa alpabeto at kaunti pa lamang ang nalalaman niya sa alpabeto.

Makalipas ang halos isang minuto ay nabasa na rin niyo ito...

Hacienda Montecarlos



Magiliw silang binati ng ilang mga magsasaka at manggagawa na papasok na rin sa hacienda, hindi naman mapigilan ni Salome ang pagkislap ng kaniyang mga mata lalo na nang matanaw niya ang napakagandang mansyon na kulay puti at kitang-kita ang karangyaan nito dahil sa mga nakaukit na disenyo sa haligi nito.


"Magandang Umaga sa inyong lahat at Maligayang pagdating" bati ni Manang Estelita na medyo may katandaan na, nasa edad animnapu't apat na ito at medyo may katabaan habang ang kaniyang buhok ay itim pa rin ang kulay. Magiliw ang mga ngiti nito kahit pa kulubot na ang kaniyang balat.

"Magandang umaga Tiyang" bati ni Roselia at pinakilala niya isa-isa sila Nay Delia, Salome, Danilo at ang iba pang mga kasamahan nila na ibig mamasukan sa hacienda.

"Nagagalak akong makilala kayo... Siya nga pala, kasalukuyang nasa Maynila ngayon si Senor Patricio Montecarlos ngunit huwag kayong mag-alala iniwan naman niya sa kaniyang pinsan na kakarating lang kahapon mula sa Maynila ang pamumuno dito sa Hacienda" paliwanag ni Manang Estelita at ilang saglit pa, bumukas na ang magarang pintuan ng mansyon at bumungad sa harapan nila ang isang binatang kastila na nagtataglay ng pambihirang kagwapuhan at kakisigan nasa edad dalawampu't pito lamang ito. Kulay brown ang mata nito, matangos ang ilong, maputi at makinis ang balat, manipis ang mga labi, matangkad at makisig ang pangangatawan.

Naka-suot ito ng itim na coat at itim na sumbrero. Bakas na bakas sa kaniyang porma ang kaniyang karangyaan. "Magandang Umaga po Senor Fidel, Nais po nilang mamasukan dito sa hacienda Montecarlos" bati ni Manang Estelita, napangiti naman ng bahagya si Fidel at isa-isa silang tiningnan hanggang sa mapatigil ang kaniyang mga mata kay Salome na ngayon ay nakatingin din ng diretso sa kaniyang mga mata.

Bumaba na sa tatlong baiting na hagdan si Fidel at dahan-dahang naglakad papalapit sa kanila habang ang kaniyang mga kamay ay nasa likod niya. "Buenas Dias, Ikinagagalak kong makilala kayong lahat, Ako ang pansamantalang namamahala ngayon dito sa Hacienda Montecarlos habang nasa paglalakbay ang aking pinsan na si Patricio, Maaari niyo akong tawaging Senor Fidel Montecarlos" paliwanag ni Fidel at itinapat niya ang kaniyang sumbrero sa kaniyang dibdib bilang pagbati. Ganoon rin naman ang ginawa ng ilang kalalakihan na kasama nila Roselia, Samantalang napahawak naman sa saya sila Roselia, Nay Delia at Salome at bahagyang yumuko upang magbigay pugay.

"Simple lamang ang nais ng aking pinsan na si Patricio, nais niyang maging masaya kayo habang nagtatrabaho rito sa hacienda----" patuloy pa ni Fidel ngunit hindi na ito masyadong naintindihan ni Salome dahil napatulala lamang siya kay Fidel habang nagsasalita ito. Namangha siya sa galing nito sa pagsasalita ng tagalog bagama't isa itong purong kastila, napatitig siya sa labi nito habang nagsasalita at minememorya niya ang mga tamang pagbigkas ng mga salita.

Napatigil lamang siya nang bigla hawakan ni Nay Delia ang kaniyang kamay at napagtanto niya na nakatingin na sa kaniya si Fidel at kinakausap siya nito. "May nais ka bang itanong Binibini?" tanong ni Fidel kay Salome, napaiwas naman siya ng tingin at napayuko, batid niya na hindi kaaya-aya ang kaniyang inasal sa harapan ng binata.

"W-wala po Senor" sagot niya at napahawak na lang siya sa kamay niya dahil sa kaba.

"Binibini, ikaw ba'y ayos lang?" pahabol na tanong pa ni Fidel, sandali siyang napasulyap dito ngunit napayuko ulit dahil nahihiya siyang tumingin ng diretso sa mga mata nito.

"O-opo Senor, A-ayos lang po ako" tugon pa ni Salome. Napatango naman si Fidel at ibinaling na niya sa iba pang mga trabahador ang kaniyang paningin.

"Kung gayon, Tayo'y magsimula na..." anunsyo pa ni Fidel, at sa huling pagkakataon ay napasulyap muli si Salome sa kaniya, hindi naman siya nabigo dahil napatingin din sa kaniya si Fidel bago ito tumalikod.

At sa pagkakataong iyon, naalala ni Salome na ang binatang kastilang nakasakay sa kalesa kanina noong tinatahak nila ang tulay sa ilog tangis ay si Fidel Montecarlos. 


Nang makapag-paalam na si Fidel at tumalikod na ay napahawak muli si Salome sa kaniyang puso.



Katulad ng biglaang pagbuhos ng ulan nang hindi inaasahan... Ang pagdating ng aking Unang Pag-ibig.



***************

Sources: History of The Philippines during the Spanish era Slide Share

Continue Reading

You'll Also Like

39.2M 1.6M 69
Love Trilogy #2 This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, phy...
14M 573K 22
Merong iba't-ibang paraan ang mga tao para makatakas sa reyalidad. Yung iba nagbabasa ng libro, nanonood ng mga drama sa tv, nakikinig ng music...
11.3M 481K 32
Hanapan ng girlpren si bitter bestfriend na friendzoned since birth? Game!
4.7M 190K 31
"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Sa loob ng labinlimang taon, ang makasal sa kababata niyang si Enrique Alfonso ang tanging pinapa...