Agatha's POV
Noong una, medyo nahihirapan kaming tatlo nina Mark at Aaron na tugisin ang kalaban. Mabuti na lang at sumunod 'yung dalawa at tinulungan kami.
Sampu na lang ang natitira sa ngayon, tig-dadalawa kami. Nang mapasulyap ako sa gawing kaliwa ko, nando'n si Aaron. Magaling palang makipaglaban ang mokong.
Tinaas niya ang kaniyang sandata habang nakayuko. Napaisip ako kung ano ang gagawin niya. Ilang saglit pa, ngumiti siya bago tumalon nang mataas sa ere habang nakataas ang kanang kamay at pinapaikot ang kaniyang sibat.
Sa kaniyang pagbagsak sa lupa, sakto ang nag-landing siya sa gitna ng kaniyang kalaban sabay habas na itinusok ang talim ng sandata niya sa dibdib no'ng isa at binawi kaagad saka itinarak naman sa kabila. Magaling, napamangha ako.
Kamukatmukat ko, hindi ko napansin ang kalaban na nakalapit na pala sa akin at isang malakas na sipa sa tiyan ang iginawad niya kaya napaurong ako at nanguluntoy sa lupa. Namalipit ako sa sakit habang hawak ang aking sikmura. Hindi ako papayag na matalo nang gano'n-gano'n na lang.
Napangiti ang kalaban dahil nasaktan niya ako. Akmang dadambahin niya ako at nakaumang sa ere ang kaniyang matutulis na kuko. Isasagawa ko na sana ang aking palano nang isang rumaragasang sibat ang tumarak sa kaniyang ulo. Napadako ang tingin ko sa pinagmulan ng sibat.
"Okay ba?" turan ni Aaron. Nakataas ang kanang niyang braso at naka-thumbs up sa akin. Isang ngiti na lamang ang tugon ko bilang pasasalamat. Kaagad akong tumayo sa aking pagkakabagsak sa lupa para tapusin ang isa pa. Nakabawi naman na ako ng lakas kahit papaano.
Kukuha na sana ako ng pamana sa aking likuran nang makaisip ako nang ibang istilo. Nakatayo lang ang kalaban at tila ba hinihintay kung ano ang aking gagawin.
Hinawakan ko sa dulong parte ang aking sandata sa may pakurba saka ito itinaas.
"Nag-enjoy ako sa pakikipaglaban sa inyo," sambit ko.
Isang pagak na ngiti ang aking pinakawalan bago ko ihagis sa direksiyon niya ang aking sandata na parang isang boomerang. Nanlaki ang mga mata nito nang dahil sa gulat. Nagawa pa niyang tumakbo ngunit naabutan din siya ng aking sandata kaya lumagapak siya sa lupa.
Naglakad ako papalapit sa kalaban upang kuhanin ang aking sandata.
"Nice one," bungad ni Aaron. Nakatayo lang siya sa isang gilid at nakahalukipkip habang pinapanood ang pakikipaglaban no'ng iba pa naming kasamahan.
"Salamat," tugon ko. Tumabi ako sa kinaroroonan niya at naupo sa lupa. Marami rin akong nagamit na enerhiya sa pakikipaglaban kaya kailangan kong mamahinga.
"Hindi ba natin sila tutulungan?" ani ko.
"Magtiwala ka sa kanila. Kaya nila iyan," tugon niya.
Pinanood na lang namin sila habang nakikipaglaban.
Si Nikka, mukhang cool lang habang nakikipaglaban. Parang nakikipaglaro lang siya sa mga ito. Ni hindi nga niya gamit ang kaniyang sandata.
Nang mapadako ang kaniyang mata rito sa amin, nagseryoso na siyang bigla.
Kinuha na niya ang kaniyang mga baril sa kaniyang binti at walang alinlangang pinagbabaril ang kaniyang kalaban.
Napa-wow ako nang makitang hindi iyon pumuputok na katulad ng isang pangkaraniwang baril sa bala ang inilalabas. Napangiti ako nang malamang tranquilizer pala iyon.
"Naks naman, ang cool ng baril mo," bungad ko kay Nikka nang lumapit siya sa amin. Nag-apir naman sila ni Aaron.
"Salamat," aniya at naupo sa tabi ko.
Idinako ko naman ngayon ang aking pansin kay Roxette.
Mukha namang isinantabi na muna niya ang kaniyang mga iniisip dahil nakakapagpokus siya sa kaniyang kalaban.
Pinapaikot-ikot pa niya ang kaniyang mga kamay na wari mo'y bihasa sa gamit na sandata. Ilang saglit pa, pumuwesto siya na parang inaambangan ang kalaban.
Naka-forward ang kaniyang kanang paa at naka-bend naman ang kanang braso niya sa harap na mistulang ginawang panangga ang hawak na sandata. Naka-bend naman kaliwang paa niya at naka-bend din ang kaliwang kamay na kung saan ay nakaturo ang hawak na sandata sa kalaban.
Nag-egg roll siya sa lupa at nang makatayo ay isang mataas na sipa ang kaniyang isinagawa parang maabot ang mukha ng kalaban. Tumurit ito sa 'di kalayuan. Napamangha na naman ako dahil magagaling ang mga kasama ko.
"Go, Roxette!" sigaw ni Nikka.
Pagkaharap naman niya sa kabilang direksiyon, sabay niyang inihataw sa sa ulo ng kalaban ang hawak na sandata. Nanlupaypay siya kaagad sa lupa dulot ng pagod. Pinuntahan naman siya ni Aaron para tulungang makatayo.
Sa kabilang dako, tila nahihirapan si Mark sa pakikipaglaban dahil pinaglalaruan siya ng kalaban. Naagaw nito sa kaniya ang sandata na pinangangalagaan. Iwas lang siya nang iwas sa tuwing inihahataw ng kalaban sa kaniya ang espada. Tiyak na nag-iisip siya ng paraan kung paano mababawi iyon.
Nakita kong may nakaambang kalaban sa may puno na nasa likuran ni Mark.
"Mark, sa likod mo!" sigaw ko.
Mukhang narinig naman niya ako kaya nilingon niya iyon. Tumalon mula sa puno ang kalaban at pumasan sa likod ni Mark.
Kumakawag-kawag si Mark habang humahagikgik sa pagtawa ang kaniyang kalaban. Mayamaya, gamit ang isang daliri ng kalaban, kinalmot niya sa kanang pisngi si Mark. Kita ko sa mukha niya na nasaktan siya. Dahan-dahang umagos ang masagana niyang dugo patungo sa kaniyang leeg.
Tila ba lumakas bigla ang aura ni Mark dahil sa panggigigil. Hinawakan niya ang braso ng kalaban at buong lakas na inihagis sa kasama nito.
Sumadsad ang dalawa sa lupa at nabitiwan na ng isang kalaban ang kaniyang sandata. Kaagad iyong dinampot ni Mark at walang pagdadalawang isip na ibaon iyon sa magkapatong na kalaban.
Napabuntong-hininga ako nang matalo ang lahat ng kalaban. Tila ba nabunutan ako ng tinik sa aking dibdib.
"Okay ka lang ba?" bungad ni Rox nang makalapit sa amin si Mark.
"Oo, okay lang ako," tugon nito sabay pakawala ng isang pilit na ngiti.
"Guys, ang galing ninyo!" anas ko.
"Natin," pagtatama ni Aaron.
Ilang saglit pa, umilaw ang paper gam at ito'y naging kulay berde na. Safe na kami ngayon.
Matapos iyon, lumabas ang usok mula roon na kulay rosas.
"Binabati ko kayo dahil mapagtagumpayan ninyo ang unang pagsubok," bungad ni Joan.
"Masasabi kong karapat-dapat nga kayong lima sa mga sandatang napunta sa inyo," dugtong pa niya.
"Ang astig nga, e. Salamat sa pinagkaloob mo sa amin," saad ni Nikka.
"Ngayon, maaari na kayong magpatuloy para bagtasin ang daan patungo sa kinaroroonan ng libro," aniya.
Napaisip akong bigla nang mapagtanto kong hindi pa rin kami bumabalik sa dati naming anyo.
"Joan, makakabalik pa ba kami sa dati naming anyo?" singit ko.
"Oo nga," segunda naman ni Rox.
"Oo naman. Hawakan ninyo lang ang bolang pinangangalagaan ninyo at pumikit. Isipin ninyo ang pagbabalik anyo bilang tao," paliwanag niya.
"Subukan n'yo na ngayon," dugtong pa niya.
Hindi na kami nagpatumpik-tumpik pa at sabay-sabay naming ginawa ang kaniyang sinabi.
Nagliwanag ang aming mga katawan. Katumbas ng kulay ng liwanag ay ang kulay ng bolang pinangangalagaan namin.
Ilang segundo lang, nakabalik na kami sa pagiging mortal.
"Nice," mahinang sambit ni Mark.
"Nawa'y maging matagumpay kayo," giit ni Joan bago naging usok at pumasok muli sa paper gam.
"Halika na guys, malayo-layo pa ang ating tatahakin," pahayag ko.
Naglakad na kami patungo sa kinaroroonan ng aming sasakyan. Mukhang ang bundok nga na natatanaw namin na matarik masyado ang kinalalagyan ng libro.
Sinimulan ng paandarin ni Aaron ang sasakyan. Halatang pagod kaming lahat. Nakakaramdam na ako ng antok. Kailangan ko na munang magpahinga. Sana, sa paggising ko ay naroon na kami.