Paraisla ii: Kahalili

By yukiirisu

15.9K 673 111

๐“’๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #2.5 of Paraisla Trilogy. - Liwanag ay kapalit ng dilim; dilim na kahalili ng taki... More

- notice -
- 0 -
- L : 1 -
- L : 2 -
- L : 3 -
- L : 4 -
- L : 5 -
- L : epilogue -
- A : 1 -
- A : 2 -
- A : 3 -
- A : 4 -
- A : 5 -
- A : epilogue -
- E : 1 -
- E : 2 -
- E : 3 -
- E : 4 -
- E : epilogue -
- Y : 1 -
- Y : 2 -
- Y : 3 -
- Y : 4 -
- Y : 5 -
- Y : epilogue -
- author's note, review and FAQ -

- E : 5 -

466 22 2
By yukiirisu





Naging bato ang aking katawan. Mainit ang ulop sa paligid, ngunit nanlalamig ang buong balat ko. Mabait ang ngiti ng Hari, walang bahid ng malisya. Ngunit bakit ganon? Nakakaramdam ako ng pahamak. Ang lihim ng aking pagkatao. Alam niya ba? Bakit niya ako kilala?

"Earl," ulit muli ng Hari. "Ikinagagalak kong maligo kasama ng isa sa pinakamagaling kong estudyante. Halika."

Isang pakiusap, ngunit pakiramdam ko'y isa itong utos.

Nag-aalangan, nagtungo ako palapit sa Hari. Ang twalya'y bumagsak sa aking paanan. Lumusong ako sa mainit na batis ilang espasyo palayo sa kanya. Tahimik kong pinagmasdan ang maliliit na alon na ginawa ng aking paggalaw.

"Bakit niyo ginawa iyon," bulong ko. At hinabol. "Kamahalan?"

"Ang alin?"

Niyukom ko ang palad sa ilalim ng tubig. "Ang palabas. Bakit niyo iyon ginawa?"

Ngumiti siya. "Sa pagkakatanda ko'y naipaliwanag na iyon ni Yuk sa inyo-"

"Hindi iyon ang nais kong ipahiwatig." Natigilan kahit ako sa inis sa aking tono. Agad kong nilunok ito. "Hindi iyon. Paano kung may nasawi sa amin? Hindi niyo man lang ba naisip iyon?"

Mas mainam sana kung nagalit ang Hari. O di kaya'y pinatawan na ako ng kamatayan at pinakaladkad sa labas. Para naman masabi kong napakasama niya. Ngunit natawa pa siya, isang halakhak na hindi nababagay sa imahe ko sa kanya sa aking isip.

"Ah, naiintindihan ko ang galit mo." Hindi mo naiintindihan. "Alam kong delikado ang ginawa ko. Ngunit iyon ang pinaka-epektibong paraan para malaman ko ang gagawin niyo sa isang di-inaasahang sitwasyon."

"Kahit na may posibilidad na isa sa'min ay masaktan?!"

Nawala ang ngiti sa kanyang labi. "Sa mga mahirap na pagkakataon, ang kaunting bilang ay nararapat isakripisyo para sa kabutihan ng mas nakakarami."

Lumaki ang alon sa aking paggalaw. "Gaya ng pagsakripisyo niyo sa dating third class knight?!"

Gumalaw ang ugat sa panga ng Hari at alam kong nasaktan ko ang isang parte sa kanya. Kita iyon sa kanyang mga mata. Halos humingi na ako ng patawad ngunit naalala ko si Ama.

Gaya ng pagsakripisyo niyo sa aking ama? Sa kamay ng Sinumpang pumatay sa kanya? At sa dinami-daming kawal niyo? Ang buhay ba nila'y maliit na bagay lang sa inyo?

Umiling ang Hari, nakatingin lamang sa harapan. "Anuman ang ginawa ko ay para malaman kung sino ang karapat-dapat sa titulong lingkod-kawal ng palasyo. Kung ang kapahamakan ng ilan sa inyo ang kailangan upang makuha ang mga magagaling... handa akong gawin ang sakripisyong iyon."

Tumingin siya sa'kin, sumusugat ang kanyang mga asul na mata.

"Minsan na akong pinagtaksilan ng aking mga kawal," marahas niyang saad. "Tanging mga karapat-dapat lang na maglingkod ang mahalaga sa'kin. Ngayon sabihin mo-" Masyado siyang malapit. Nais kong lumayo lumayo lumayo. Lumayo ka sa'kin. "-Hindi ba iyon sapat na rason upang gawin ko ang ginawa ko?"

Agad kong kinuha ang twalya. Pinulupot ko iyon sa aking sarili at nagmamadaling umalis. Hindi ako makahinga. Tanging nakikita ko sa kanyang mga mata ay ang pag-iyak ni Ina, ang kabaong ni Ama, ang batang iniwan sa paaralan para mamuhay mag-isa. Lahat ng nasira sa'kin, nasa itsura ng Hari.

"Paalam sa ngayon, Earl." Napatigil ako sa pagpihit ng pintuan, ngunit hindi ako humarap. "Pakiramdam ko'y hindi pa ito ang huli nating pagkikita."

Pinihit ko ang pinto at tumakbo.



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Nakauwang nang maluwag ang bintana ng aming kwarto. Pasado alas-onse na ngunit buhay na buhay pa rin ang diwa ng mga kasama ko habang ako'y taklob naman ng manipis na kumot. Wala itong nagawa laban sa malamig na hangin galing sa karagatan. Rinig ko ang paputok sa langit, siguro'y galing sa Paraisla.

Walang nagbanggit, ngunit ito rin ang araw na lumaya ang kaharian sa pamumuno ng mga Sinumpa. Araw na binawi ng mga taga-isla ang palasyo. Ang Araw ng Pagsupil. Ngunit sa kabila ng pagsupil, may nakalusot pa ring dalawang Sinumpa.

Isa doon ang pumatay sa aking ama.

Bumukas ang pinto. "Tulog na!" sigaw ng isang boses.

"Ate Serys naman?" pagmamaktol ni Larc na nasa bintana at nanunuod pa rin ng paputok. "Wag kang pumapasok ng bigla sa-- Aah! Ate, aray!"

Hindi ko makita ang ginagawa ni Serys sa kanya sapagkat tumalikod ako sa kama at hinarap ang dingding. Sumisigaw si Serys na matulog na sapagkat papatayin na ang ilaw sa ganap na hatinggabi. Alam na namin iyon, sagot ni Larc.

"Gayahin niyo si Earl! Huwaran!" sigaw ni Serys at nanahimik lahat. Nabato ako sa kinahihigaan. Pagod na ang boses ng babae. "Bukas ay bibigyan kayo ng isang araw na bakasyon. At totoo na iyon. Kaya wag na kayong magreklamo kung ayaw niyong i-lista ko kayo at manatili kayo bukas sa Aeolus."

Saglit na katahimikan. Ilang mga reklamo at kanya-kanya na rin silang pumunta sa kanilang kama. Nanatiling nakapikit ang aking mata.

"Siya ba?" rinig kong bulong ni Serys. Kay Larc, marahil.

"Siya nga, ate."

Hindi ko alam kung anong ibig nilang sabihin.



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Ilang beses kong siniguradong walang nagmamasid at sumusunod sa'min. Baka hanggang sa pagbisita ko sa puntod ni Ina ay bibigyan nila ng puntos? Ngunit wala namang sumusunod sa amin ni Eufemia. Tahimik ang pagbaybay namin paakyat sa burol ng mga libingan. Sa damuhan ay mga dilaw na bulaklak. Umaawit ang mga ibon.

Naglatag ako ng mga bulaklak sa puntod ni Ina. Si Eufy naman ang naglagay ng basket ng panamis. Sabay kaming pumikit at nag-usal ng panalangin.

Alam kong gugustuhin ni Ina na ilibing sa Vena, katabi ni ama. Ngunit anong magagawa ko? Noong iniwan niya ako'y isa pa lamang akong musmos. Walang alam sa mundo.

Matagal akong tumitig sa puntod ni Ina.

Hinawakan ni Eufy ang aking nakayukom na palad. Tiningnan ko siya.

Isang matamis na ngiti ang bumati sa'kin.

Ngumiti rin ako, nasa bingit na ng pagluha.

Pinisil ko ang kanyang kamay.

Ina. Nakita ko siya. Nakita ko ang sumira sa pamilya natin nang harapan.

Isinusumpa ko. Gagalingan ko ng labis upang makamtan ang posisyon na iyon.

First class knight.

Kukunin ko iyon. . . at ang hiling na ipinagkakaloob dito.

Isinusumpa kong maghihiganti ako.

"Nandito ako para sa'yo," bulong ni Eufy.

At Eufy...

"Alam ko," isang luha ang tumulo sa aking pisngi.

...Kukunin kita sa kulungan mong palasyo.



──────⊹⊱✫⊰⊹──────


Isang memorya noon pagkabata ang nagbalik sa'kin.

Hinahaplos ni ina ang aking buhok, isang himig sa kanyang bibig. Hinihila ako ng kanta pailalim sa tulog, ngunit lumalaban ang diwa ko. May sinasabi si ina, isang bulong na kasing-lambot ng aking unan.

"...minsan, nakakagawa ng kasalanan ang mga nagmamahal. Nakakagawa sila ng masama para maprotektahan ang mga mahal nila. Inuuna nila ang kapakanan ng mahal nila kahit nasisira na ang iba."

Umiiyak si Ina. Isang luha ang tumulo sa aking pisngi. May sinasabi siya. Kailangan ko raw maintindihan. Para raw ito sa akin. Para raw sa magandang buhay at kinabukasan ko. Kailangan ko raw silang unawain.

Ngunit hinihila ako ng antok. Hanggang sa wala na akong narinig.



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Pabalik na kami ni Eufy sa Aeolus nang maganap iyon.

May kaguluhan sa harap ng wagon ng mga prutas. Isang batang lalaki ang hawak sa kwelyo ng isang tindero. Napasinghap si Eufy nang suntukin ito ng tindero at bumagsak sa lupa, akay ang kanyang duguang labi. Agad akong nabato sa kinatatayuan. Humakbang naman si Eufy upang umawat sa nangyayari ngunit pinigilan ko ang braso niya. Tumingin siya sa'kin at umiling lang ako.

Wala kami sa posisyon.

"Magnanakaw ka pa?!" sigaw ng tindero. "Ibalik mo ang ninakaw mo!"

Umiiyak lamang ang bata, hindi gumagalaw ang kanyang kamay.

"Nasa'n na ang dalawampung brilyantes?! Nasa'n na?" galit na bulyaw ng tindero.

"Earl, pigilan mo sila." bulong ni Eufy, mahigpit ang kapit sa aking braso. Ngunit sinagot ko lamang siya na hindi ako isang kawal upang pumagitna. Isa pa'y nagnakaw nga ang bata, isip ko ngunit hindi ko na iyon sinabi.

"Hindi ka magsasalita?!"

Marami-rami na ring mga tao ang naglalakad o bumibili sa ibang wagon ngunit lahat sila ay pilit na inilalayo ang tingin. Ayaw nilang pumagitna. Ayaw madamay. Isang manipis na linya ang gumuhit sa aking labi.

"Pakiusap," mahinang tugon ng bata. "K-Kailangan ng aking kapatid... Kailangan-" Hindi siya pinatapos sa isa pang suntok at tadyak sa kalamnan. Halos tumakbo na si Eufy ngunit humigpit ang kapit ko.

"Kung gayon, dadalhin kita sa mga kawal. Sapat na siguro ang dalawa mong kamay upang bayaran ang ninakaw mo!"

Takot ang namayani kay Eufy. Naramdaman ko iyon sa pagtaas niya agad ng ulo, paglamig ng kanyang mga kamay at pagkakabato ng mga balikat. "Hindi," bulong niya at saka itinulak ako palayo at tumakbo sa gitna ng bata at tindero.

"Tama na! Wag mo na iyang gawin!" sigaw ni Eufy. Tinaasan siya ng kilay ng tindero at ngumisi. Tinanong kung bakit niya naman palalayain ang isang magnanakaw. "Kailangan ng kanyang kapatid ang pera. Wala ba kayong awa?!"

Lumapit ang tindero sa mukha ni Eufy. "Kung iyan ang pag-iisip mo, binibini, marahil ay hindi mo alam ang kalagayan ng kaharian ngayon. Tumaas na ang buwis na sinisingil ng Hari kaya't bawat brilyantes sa amin ay mahalaga. Kumakayod kami upang kitain iyon habang ang mga tulad niya-" turo niya sa batang nakahandusay sa lupa "-ay kinukuha lang ang pinaghirapan namin! Dapat ay putulin ang mga kamay ng batang iyan!"

"Babayaran ko ang ninakaw niya!" pantay ang boses ni Eufy. "Dalawampung brilyantes, hindi ba? Ako na ang magbabayad ng ninakaw niya!"

Tahimik na kinonsidera ito ng tindero at maya-maya'y inilapat ang palad. Nilagay ni Eufy ang kanyang pitaka sa kamay ng lalaki. Binilang ng tindero ang laman na brilyantes at marahas na sinabing, "Kulang ng lima."

Dumukot ako sa aking pantalon at itinulak ang dibdib ng lalaki palayo kay Eufy gamit ng brilyantes. Nalaglag ang mga iyon sa lupa. "Lumayo ka sa kanila," may lason sa aking boses. Sinamaan ako ng tingin ng lalaki at saka pinulot ang salapi sa lupa.

Nang lingunin ko si Eufy ay nakaluhod na ito sa harap ng bata at pinapagpagan ang kanyang damit. Tinulungan niya itong tumayo. Pinunasan ang kanyang luha.

"Binibini," takot na bulong ng bata. "W-Wala po akong maibabayad sa inyo. Ang perang iyon ay binili ko na ng gamot-"

Ngumiti si Eufy. "Walang problema."

Natahimik ang bata at kinagat ang labi sa kahihiyan, ngunit maalaga lamang na kinuha ni Eufy ang mga payat niyang braso at ininspeksyon. "Tsk. Halika, sumama ka sa'kin. Gagamutin natin ang mga sugat mo."



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Pagkatapos gamutin ni Adam ang lahat ng sugat ng lalaki ay binigyan niya ito ng supot ng mga gamot para sa kanyang kapatid. Panay ang pagyuko ng bata at pasasalamat. Ngunit tulad ni Eufy, ngumiti lamang si Adam at sinabing bumalik lang sa Aeolus kung kailangan nila ng kahit ano.

Nasa isang mahabang mesa na ngayon kaming tatlo ni Eufy at ang bata. Naglapag ako ng plato ng gulay, manok at sopas. Sa isang tabi ay supot ng pagkain para sa kanyang kapatid na kukunin niya pag-alis.

"Maraming salamat po!" sabi ng bata nang matapos sa paglantak sa ulam. Napansin kong hindi niya ginalaw ang gulay. Tumawa ako.

"Hindi ka makakaalis dito hangga't hindi malinis ang plato mo," udyok ko.

Sumimangot ang bata at marahang tinusok ng tinidor ang repolyo. Umiling na natatawa si Eufy at tumingin sa'kin. Maya-maya'y nagtanong siya. "Ano nga palang pangalan mo?"

Nagulat naman ang bata sa tanong na ito na tila hindi niya inaasahang may nais makaalam. "Ah," nilunok niya ang gulay. "Sanra."

"Sanra?" sabay naming tanong ni Eufy.

Ngumiti ako. "Isang kakaibang pangalan."

Tumango ang bata.

"Sabihin mo," lumapit ako sa harap niya. Nagtama ang aming mata. "Nais mo bang maging kawal?"



──────⊹⊱✫⊰⊹──────



Hindi ko malilimutan ang mukha ni Sanra nang itanong ko iyon sa kanya. Tila nawala ang kulay sa kanyang mukha, naging bato. O yelo. Malamig at matigas. Naalala niya kung nasaan siya-- sa loob ng isang pasilidad ng mga kawal. Marahas ang mga salita niya. Hindi ko alam kung bakit.

"Nanaisin ko pang maging magnanakaw habambuhay kesa maging aso ng Hari!"

Kinuha niya ang supot ng gamot at pagkain at nagmamadaling umalis. Hindi na namin siya napigilan ni Eufy na litong-lito rin tulad ko. 

Ngunit ngayon, habang nakahiga na ako sa aking kama sa taas at sa baba ko'y si Larc, unti-unti kong naintindihan ang lahat.

"Marahil ay hindi mo alam ang kalagayan ng kaharian ngayon. Tumaas na ang buwis na sinisingil ng Hari kaya't bawat brilyantes sa amin ay mahalaga."

"Kung ang kapahamakan ng ilan sa inyo ang kailangan upang makuha ang mga magagaling... handa akong gawin ang sakripisyong iyon."

"Tulad mo, anak rin ako ng isang myembro ng Konseho. Isa akong Hanaian. At ang pamilya ko ay sinira rin ng iisang tao."

Kinwento ko lahat ng nangyari kay Larc. Hindi niya ako pinigil ngunit isang tahimik na ngisi ang namuo sa kanyang labi. Lalo na nang sabihin ko ang sinabi ni Sanra bago umalis.

"Aso ng Hari, huh?" mukha pa siyang natutuwa sa narinig.

"Sa loob ko, naiintindihan ko ang nararamdaman niya. Dahil-" Namatay ang mga salita sa aking bibig. Dahil pareho rin kaming biktima ng kasakiman ng Hari.

Tumayo sa pagkakahiga si Larc at tumingin sa pintuan. Wala pa ang dalawang kasama namin sa kwarto. Nagtama ang aming tingin at may sikreto sa kanyang mukha na ako lang ang makakabasa.

"Ano na ang nangyari sa pamilya mo?"

Natanong ko agad iyon nang hindi napag-iisipan. Tila napaso ng mainit na kape si Larc. Pinasadahan niya ang kanyang buhok at ayaw tumingin sa'kin.

"Patay na sila."

Nanlamig ako.

"Normal pa ang lahat noon. Pinili ni Ate Serys na magpakasal kesa magpatuloy na maging kawal, ngunit pagkatapos ng pag-atake sa palasyo ng mga Sinumpa. . . Pinutol ng palasyo ang kasal ni Ate Serys. Tinanggalan kami ng honoraryo-" tulad namin ni Ina "-at kinuha ang lahat ng aming ari-arian at negosyo sa Hana. Ang mga magulang namin ay pinatay ng dalawang Sinumpa nung gabing iyon." Niyukom niya ang kanyang palad. "Lahat ng pangarap at ang buhay na kinagisnan namin ni ate, nawala na parang bula."

"Kung gayon, bakit kayo naging kawal ng kapatid mo? Kung galit kayo sa palasyo?"

Maingay ang aking puso sa loob ng dibdib ko. Tila hindi si Larc ang tinatanong ko kundi ang sarili ko. Bakit? Bakit pinili niyong maglingkod sa Hari-- sa taong nagwasak sa inyong buhay?

Mali kayo. Hindi ko pinili 'to. Hindi ito ang pinili ko.

"Wala akong pagpipilian," sagot ni Larc na parang nabasa ang aking utak. "Mas mabuti na 'to--ang magsuot ng damit na kinamumuhian mo para lang mabuhay. Hindi ko sasayangin ang pangarap nila Ama. Ako ang magtutuloy ng sinimulan nila."

Namayani ang katahimikan.

Sarado ang mga bintana ngunit nilalamig ako. Nagtitigan kami ni Larc at halos tumaas ang mga balahibo ko. Ang ngiti niyang malaya, wala na. Napalitan ng isang galit na sumasalamin ng akin, ngunit may patutunguhan ang kanya. May determinasyon. May plano at balak.

Tila aapoy ang koneksyon ng aming titig.

"Earl. Nais mo bang makilala ang Kahalili?"


──────⊹⊱✫⊰⊹──────

Continue Reading

You'll Also Like

14.4K 205 8
[SHAPE SHIFTERS #1] "Andrea sometimes hated being born different. She hated it when people look at her weirdly like they know who she is. But after m...
2.1M 47.8K 49
(PUBLISHED BOOK UNDER LIB) Sa pagbabakasyon nina Ayanne sa San Delfin ay nakilala nila ang kambal na sina Dara at Kara. Ang masaya sanang bakasyon ay...
29.8M 988K 68
Erityian Tribes Series, Book ๏ผƒ2 || A story of forbidden love and friendship, betrayals and sacrifices.
56M 988K 32
Join Lorelei and Loki as they unravel the threads of mystery, unveil the masks of evil intentions and put together the pieces of the puzzle in their...