Reach For The Moon

By GloomyEmpress

138 28 0

*** Reach For The Moon : to try to do or get something that is very difficult to do or get. *** Aella Quinn... More

Reach For The Moon
Prologo
Kabanata 1: Simula
Kabanata 2 - Ang Pagbabago
Kabanata 3 - Aella Quinn
Kabanata 4 - Pusong Sundalo
Kabanata 5 - Buwan
Kabanata 6 - First Lieutenant Neeko
Kabanata 7 - Nawawalang Alaala
Kabanata 8 - Simpleng Laban
Kabanata 9 - Fire Dragon Academy
Kabanata 11 - Ramzia Huey
Kabanata 12 - Graduation Exam
Kabanata 13 - Captain Kallik
Kabanata 14 - Second Lieutenant Aella
Kabanata 15 - Unang Misyon
Kabanata 16 - Sela
Kabanata 17 - Evil Protector
Kabanata 18 - Himpapawid
Kabanata 19 - Fuego
Kabanata 20 - Aldo
Kabanata 21 - Ako Si Aella
Kabanata 22 - Gabi Ng Pagpapakilala
Kabanata 23 - Paalam

Kabanata 10 - Second Training Ground

2 1 0
By GloomyEmpress

"Kamusta?" Tanong ni Neeko matapos akong akbayan at hilain pasunod sa kaniya.

Sinuntok ko siya sa tagiliran nang mahina. "Tagal mong nagpakita, ah," inis kong sabi.

Natawa naman siya. "Busy ka sa pagsasanay. Kailangan ng focus 'yon," ngiti nito sa akin.

Napangiti na lang din ako pero nang ituon ko ang tingin sa daan ay nakita ko sina Haco at Lilah, pareho itong kumakaway sa amin sa malayo kaya kumaway na lang din kami pabalik.

"Bakit ka pala na'ndito? Wala kayong misyon?" Tanong ko kay Neeko.

"Wala, off ko ngayon. At na'ndito ako para sunduin ka," mayabang itong ngumisi sa akin. Napangiwi lang ako. "Bakit? Ayaw mo ba no'n? Minsan lang 'to dahil mas madalas ay may trabaho ako."

"Magpapasalamat na ba 'ko niyan?" Ngiwi ko sa kaniya na tinawanan niya lang.

Nang matanawan si Favian ay kumalas ako sa pagkakaakbay ni Neeko upang pitikin ang braso ni Favian na prenteng nakapamulsang naglalakad. Tila pagod na pagod na ito sa buhay sa tindig niya.

Salubong ang mga kilay niya nang lingunin ako. "Bakit?"

"Anong bakit?" Inis kong tanong. "Ilang beses kaya kitang hinanap!!"

Ngumisi siya. "Hinahanap mo lang ako kapag may mga tanong ka, Aella. Ano? Naipon na ba?" Sarkastiko nitong sabi. "Isa pa, nilinaw ko na, hindi ba? Hindi ko balak makipagkaibigan sa 'yo kaya huwag mong asahang makikita mo ako kung kailan mo gusto. Magkikita lang tayo kung may pagkakataon. Coincidence, gano'n."

At tinalikuran na ako nito't nagpatuloy sa paglalakad palayo. Nakanguso kong nilingon si Neeko na nagkibit-balikat na lang.

Tumakbo ako palapit kay Favian at naglakad sa tabi niya. Hindi na ito nagsalita kaya dinunggol ko siya. Napahinto siya at kunot-noong tumingin sa akin.

"Nakakainis ka," irap ko rito at sinenyasan si Neeko na umalis na kami.

Sabay kaming naglakad pauwi sa tinutuluyan ko. "Gusto mo bang kumain?"

"Wala pa akong trabaho. Libre mo?" Ngiti ko sa kaniya.

Mukhang nagulat naman siya sa ngiti ko pero natawa rin. "Akala ko apektado ka sa sinabi ni Favian?"

Napangiti naman ako at napailing. "Kahit gusto ko, hindi ko maramdaman, e. May tiwala ako ro'n. Kahit na gano'n ang bibig niya, sa oras na kailangan ko siya, darating naman," umirap ako. Narinig ko naman ang tawa ni Neeko. "In denial lang siguro 'yon pero ang totoo ay kaibigan na rin ang tingin niya sa akin."

"Kaibigan ka niya," sabi naman ni Neeko kaya napatingin ako sa kaniya. "Nakikita ko, kaibigan ka rin niya. Sino ba naman ang ayaw kang maging kaibigan, 'di ba?"

"Totoo," ngiwi ko at nagtawanan kami. Alam namin ang totoo, baliktad sa sinabi niya, kaunting tao lamang ang nais na kaibiganin ako.

Nang makarating sa Kainan ni Mang Ahmir ay agad itong nag-order. At tulad kanina, naging takaw ng tingin ang bulungan ang presensya ni Neeko. Nakipagtawanan pa ito kay Mang Ahmir na ngayo'y nasa counter.

Ilang minuto lang ang lumipas ay bumalik na rin si Neeko dala ang orders niya.

"Ang dami ko ng utang sa 'yo, 'no?" Ngiwi ko habang inaayos ang lamesa namin. "Hayaan mo, kapag nakakatanggap na ako ng misyon. Mababayaran na kita."

Matunog itong ngumiti. "Gusto mo na bang maging sundalo?"

Natigilan naman ako at nakangiting umiling. Nangunot naman ang mga noo niya sa pagtataka kaya natawa ako. "Hindi pa ako sigurado kung gusto ko nang maging sundalo. Hindi rin ako sigurado kung magagawa kong mahalin ang bayan. Hindi rin ako sigurado kung makakaya kong protektahan ang bayan, pati ang mundo. Nakakatawa," iling ko at binigyan siya ng ngiti. "Pero gusto kong maging malakas at maging pinakamakapangyarihan. Gusto kong matupad ang responsibilidad na nakaako sa akin. Gusto kong matapos ng matagumpay ang misyon na iniwan sa akin ng aking angkan."

Sinsero akong nginitian ni Neeko nang mapatitig ito sa akin.

Nag-iwas naman ako ng tingin, yumuko ako sa mga pagkain. "Gusto kong... kung sakaling magkita kami ng mga magulang ko, kahit sa kabilang buhay... Gusto kong maging proud sila sa nagawa ko para sa bayan... Gano'n na rin si Ate Isha..."

Muli ko siyang binalingan at ngumiti sa kaniya. Silang dalawa ni Favian... Pareho silang may alam. Alam kong may alam din ang mga Huey. At may nagagawa ako na siguradong nagawa ko na noon na hindi ko alam kaya naman ay minsan, nagiging emosyonal ang lahat.

Masakit din namang isipin na nasasaktan sila dahil sa mga alaalang pinili kong mawala.

"At gusto kong habang ginagawa ko ang aking tungkulin... Sa proseso ng pagtuklas sa aking totoong misyon... Sa proseso ng lahat ng dapat na gawin at isakatuparan... Nais kong matapos ang aking misyon ng buo ang pusong nagmamahal sa bayan."

Bigla ay ngumiti siya na tila ay may pinagmamalaki. "Hihintayin ko ang lahat ng 'yan, Aella. Nasisiguro kong magagawa mo 'yan. Nararamdaman ko at nakikita, magiging maganda ang tapos ng lahat."

Napaismid ako. "Wow, ah? Nararamdaman at nakikita? May lahi ka bang manghuhula?" Pang-aasar ko na tinawanan lang nito.

Masaya lang kaming kumain, binabalewala ang tingin at bulungan ng mga tao sa paligid.

"Siya nga pala, no'ng nakaraan-raan pang buwan... 'Yong huling araw ng pagkikita natin sa harap ng gusali ng pinuno... Ikinatanghalian no'n ay nakita ko sina Agacia, Haco, at Ramzia, hinahanap ka sa akin," kwento ko, nagtataka pa rin. "Sabi nila ay pinuntahan mo raw ako, ngunit hindi naman tayo nagkita?"

"Ah, iyon ba?" Bumuntong-hininga ito. "Pinuntahan talaga kita. Pero nakita kong nakatulala ka lang na lumabas mula sa Bundok Callum. Balak ko sanang tanungin kung nagsisimula ka na sa pagsasanay mo at gusto mo nang maging sundalo. Alam ko kasi na ang bundok na iyon ay para sa pagsasanay ng inyong angkan."

"Pero nang lalapit na ako sa 'yo ay nagtama ang paningin namin ni Favian. Sinenyasan niya akong huwag ka munang lapitan. Pagkatapos no'n ay muli kaming nagkausap at naibalik ang dating pagkakaibigan."

Gulat naman akong napatingin sa kaniya. "Dati kayong magkaibigan?"

Tumango ito. "Tatlo sana kami. Pero nang mawala ang isa, hindi na rin kami nagkausap nito dahil na rin sa nag-iba ang ugali ko. Hindi ko kasi maintindihan ang lahat noon, masiyado pa akong bata. Hanggang sa bumalik na ang umalis naming kaibigan. Bagaman hindi kami tuluyang buo, patuloy ang pagkakaibigan naming tatlo."

Natigilan ako. Bakit pakiramdam ko... ako ang tinutukoy niya?

Napalunok na lang ako. "Bakit niya raw sinabing huwag muna akong lapitan?" Humina nang tanong ko.

"Alam niya ring nagsasanay ka na. Bago sa 'yo ang lahat ngayon kaya gusto ka naming bigyan ng sariling oras pag-isipan ang lahat. Nais din naming mag-focus ka sa iyong pagsasanay."

Napasimangot naman ako. "Pero bakit siya nagsusungit?!" Inis na tanong ko.

Natawa naman siya. "Hindi kailaman expressive si Favian," tugon nito.

"Psh, pero no'ng mga unang araw, kung makaprotekta sa 'kin..." Nguso ko.

"Dahil no'ng mga unang araw, alam niyang siya pa lang ang maasahan mo."

"E, ngayon? Kasama pa rin naman siya, ah!"

"Pero hindi na lang siya."

Napanguso ako. Tama siya... Hindi na lang si Favian ang maasahan ko, hindi tulad noong mga unang araw ko rito... Na'ndito na rin si Neeko, si Master Tobi, si Heneral Tero... At si Favian. Sa ngayon, sila pa lang ang talagang mga pinagkakatiwalaan ko.

Nagpatuloy kaming kumain. Tulad kanina, hindi ako naging gaanong apektado sa sinabi ni Neeko lalo pa't narinig ko ang hangarin din nitong makapag-focus ako sa aking pagsasanay at magkaroon ng mahabang oras para sa sarili.

Maggagabi na nang ihatid ako ni Neeko sa tinutuluyan ko. "Early dinner na pala 'yon, busog na ako para maghapunan pa."

Ngumiti siya. "Ako rin. At isa pa, may misyon akong pupuntahan."

Natigilan naman ako at napatingin sa kaniya. Pareho kaming huminto sa paglalakad. "Gaano kadelikado ang mga misyon?"

Bumuntong-hininga naman ito bago sumagot. "May ibang misyon na madali lang, kailangan lang gamitan ng isip. Pero ang mga mahirap ay iyong kailangan mo na ng isip, kailangan mo pang lumaban," nagsimula na muli itong maglakad ng mabagal. Nanatili lang ako sa tabi niya. "Masasabi kong delikado pa rin naman ang lahat ng misyon, dahil bawat misyon ay buhay mo o buhay ng mga kasama mo o ibang tao ang nakasalalay rito. Bawat misyon ay may buhay na nakataya. Kaya kailangang gawin ang lahat ng makakaya para magtagumpay."

"Nagkaroon ka na ba ng mga misyon na hindi mo napagtagumpayan?"

"Marami na... Bago makatungtong sa posisyong ito, maraming pagkakamali at pagkatalo ang hinarap ko. Namatayan ako ng mga kasama, marami sila. At dahil ayaw ko ng maulit ang mga iyon, palagi ko ng ginagawa ang lahat upang magtagumpay. Buhay sa buhay. Kahit ibuwis ko ang buhay ko para lamang may mailigtas, gagawin ko."

Napangiti naman ako pero nawala rin kalaunan nang maisip ang sunod kong tanong. Huminto ako sa paglalakad at tumitig sa mga mata niya. "Pumapatay ba kayo?" Seryosong tanong ko, nakatingin nang deretso sa mga mata niya.

Napalunok ito at tumamlay ang mga mata. Nag-iwas ito ng tingin nang pangilidan ng luha. "Ayaw ko man, ngunit sa mundong kinabibilangan natin... Kung hindi ka papatay ay ikaw ang mamamatay," mahinang sabi nito, natigilan naman ako. "Maaaring ligtas sa loob ng bayang ito. Ngunit sa labas ay wala ng kasiguraduhan. Nanganganib ang mundo sa kasalukuyan, Aella. At walang laban... ang walang patayan," tumingin ito sa akin nang may humihingi ng tawad na tingin. "Patawad kung kailangan mong mapabilang sa ganitong klase ng mamamayan, Aella... Hindi tayo ordinaryo, hindi kailanman..."

Nangilid ang luha ko sa mga sinabi niya. Nabasa ko sa mga mata nito ang konsensya sa mga napatay, ang kagustuhan ng ordinaryong buhay... Ngunit naroon din ang pagtanggap na kailanman ay wala sa akin at hindi ko maramdaman. Patuloy akong namumuhay ngunit wala akong tinatanggap.

Hindi ko pa rin matanggap na wala na ang aking ama at ina, pati ang aming buong angkan... Ang pagpapunta sa akin ni Ate Isha rito ng mag-isa... Ang pagkakaroon ng ideya na may nawawala akong alaala... Ang pagiging delikado ng aking pagkatao kapag nagkalat sa mga tao... Ang lahat. Wala akong matanggap.

Hindi ko pa rin tanggap na hindi ako ordinaryo. Kasi ayaw kong tanggapin. Mahirap tanggapin.

Inihatid na ako ni Neeko sa tinutuluyan ko at dumeretso na sa kaniyang misyon. Naiwan ako roong nag-iisip ng malalim.

Nalaman ko na sa mundong 'to, apat lang ang ranggo ng mga sundalo rito. Pinakamababa na ang Second Lieutenant, sunod ang First Lieutenant, Captain at Heneral.

Ang Second at First Lieutenant at ang Captain lamang ang tumatanggap ng mga misyon. Ang mga Heneral na ay itong mga nasa loob na lamang ng bayan at lalabas lang kapag kinakailangan. Ang mga Heneral ang kadalasang umaasikaso sa mga papeles sa bayan at ang siyang kumikilos na lamang sa loob.

Ang pinuno sa bayang ito ay dapat isang sundalo dahil tungkulin ng pinuno na protektahan ang bayan, dapat lang na isa itong sundalo.

"May katanungan pa ba kayo?" Tanong ni Sir Ahilan sa amin.

Napatingin kaming lahat kay Maia nang magtaas siya ng kamay. "Meron po ako!" Saad niya.

Tumango si Sir Ahilan. "Ano 'yon, Maia?" Tanong naman ni Sir Ahilan sa kaniya.

Tumayo naman si Maia at takang nagtanong. "Ang misyon po ba talaga ang pinakamahalaga sa pagiging sundalo? Hindi ang pamilya? O ang buhay? Ang kaibigan?" Tanong niya.

Napatingin ako sa kaniya. Tanong ko rin kanina sa isip ko iyan, e. Balak ko nga sanang tanungin kay Master.

Bumuntong-hininga si Sir. "Iyon ang batas, Maia. Kailangang misyon ang pinakamahalaga kaysa sa anuman," sagot ni Sir.

Napayuko ako at naalala ang nabasa ko sa isang librong nakita ko sa library noong minsang nagbasa ako roon. "Ang mga bayani ay talagang may buong pusong pagmamahal sa bayan na naisasantabi ang pamilya, kaibigan, at kakilala para sa kaligtasan ng sanlibutan." Mahahalintulad ito sa pagiging sundalo sa mundong ito.

"Pero siyempre, kailangang matapos ang inyong misyon ng walang nababawas sa grupo ninyo," dagdag niya pa.

Napatingin siya kay Arshan na nagtaas din ng kamay. "Paano po kapag bumalik ang isang grupong may bawas na sa miyembro nila?" Takang tanong niya.

"Sa pagiging sundalo, kailangan niyong maging madiskarte. Kailangan ninyong humanap ng paraan para malusutan ang problema ng walang mawawala bagaman may panganib. Kaya kailangan ng magandang plano, ang plano ang magiging direksyon ng bawat kilos na isasagawa," sagot niya. "At kapag naman bumalik ang isang grupong bawas na ang miyembro ay... wala namang mangyayari maliban sa nabawasan ang kasama ninyo sa grupo o pwede rin namang may pumalit sa kasama ninyong nawala."

Napatango-tango naman ang lahat.

"May iba pa ba kayong katanungan?" Tanong niya pa.

"Wala na po, Sir!" Sabay-sabay nilang sagot. Tumango lang naman si Sir at nagpaalam na.

Napabuntong-hininga akong muli. Ibang-iba talaga ang mundong 'to sa mundong kinalakihan ko... Malapit ko nang maintindihan si Ate Isha kung bakit ayaw niya rito.

Inayos ko lang ang gamit ko at lumabas na. Pumunta agad ako sa Bundok Callum at nang makarating ako sa paanan ng bundok ay na'ndoon na si Master.

Ganito kami lagi, dito kami naghihintay sa paanan ng bundok dahil hindi makakapasok si Master sa bundok na ito kung wala ako.

Nang magsimula ang klase ay nagkaroon pa ako ng isang linggong pahinga. Isang linggong walang pagsasanay. Pero ngayong tapos na ang isang linggong iyon ay narito muli kami.

Marami akong masiyadong elemento na kaisa. Bagaman mahusay na ako sa elemento ng hangin at tubig, kailangan ko ring sanayin ang iba ko pang kaisang elemento.

Ngayon ay ang unang araw ng pagsasanay namin sa maitim na kapangyarihan ng elemento ng enerhiya. Sobra iyong nakakasira, na pati ako ay nagagalusan.

Sa pagsasanay pa namin ay nasugatan ako pero dahil pagod na pagod ako at malalim na ang gabi nang matapos kami ni Master, agad akong nakatulog nang makauwi.

Kinabukasan pagtapos ng klase ay natigilan ako nang makita si Favian na nakasandal sa pader, nakapamulsa, at magkakrus ang mga paa. Nakatagilid ito at sa akin nakaharap.

Sa akin ito nakatingin. Sa mga sugat ko na kitang-kita. Sa mukha, braso, leeg, at mga kamay. Simpleng galos lamang ang mga iyon bagaman madami at sunod-sunod.

Hindi rin kasi ako maagang nagising kaya hindi rin ako nakapagpagamot nitong umaga.

Napalunok ako. Kakausapin ba ulit ako ni Favian? Ilang buwan na ang nakalililas na dinadaan-daanan lang ako nito.

Napayuko na lang ako at akmang lalagpasan ito nang magsalita siya. "Anong nangyari diyan?"

Humarap naman ako sa kaniya. Ngayon, nag-aalala siya? Psh! "Sa pagsasanay."

"Bakit hindi ka nagpagamot?"

"Nakalimutan ko," nag-iwas ako ng tingin.

"Nakalimutan?" Salubong ang kilay na tanong nito. "Tsk, sumunod ka sa 'kin," sabi nito bigla at nauna sa paglalakad.

Nagtataka man ay sinundan ko nga siya hanggang sa narating namin ang Pagamutan. Dumeretso ito papasok kaya natigilan ako. Bagaman ay palagi ang daan ko rito na nginingitian na ako ng mga tao sa receptionist dahil sa nakikilala nila ako, nagtataka ako sa asta ni Favian.

Nang lingunin ako nito ay kunot-noo ako nitong sinenyasan na sumunod sa kaniya na ginawa ko naman.

"'Ma," biglang tawag nito sa isang doktor na papasok na sana ng kaniyang silid.

Napaamang ako nang ngumiti ito kay Favian ngunit nangunot din ang noo. "Favian, bakit ka narito?"

"May ginagawa ka ba?" Tanong ng anak habang nakapamulsang naglalakad palapit dito.

Umiling ang babaeng sundalo. "Wala na, tapos na ako sa pagtingin ng pasyente. Magpapahinga na lamang muna ako bago muling bumalik sa trabaho. Bakit?"

Saka ako nilingon ni Favian. "Pakigamot ang isang 'to, napakapasaway," may bahid na inis nitong sabi at umupo sa mga upuan sa tabi ng pintuan ng isang silid.

Napataas ang kilay ko. "Napakapasaway? Ano bang alam mo? Puro galos lang 'to, ikamamatay ko ba 'to?"

"Sa mga galos mo, hindi. Pero sa tama sa tagiliran mo, oo," salubong ang kilay nitong sabi.

Gulat akong napatitig sa kaniya. Paano niya nalaman? Ang totoong dahilan kung bakit hindi ako nakapunta agad sa hospital ay dahil hindi ko madala ang sarili sa panghihina. Masiyado akong pinaghihina ng tama sa kanang tagiliran ko.

"Halika na, Aella, hija. Wala talagang makakaligtas sa talino niyang anak ko kahit itago mo pa," ngiti nito sa akin at iginaya ang silid ng opisina niya.

Napabuntong-hininga ako at sumunod. Doon ko muling napatunayan kung gaano ka-observant si Favian, talagang alerto at mapagmatyag ito. Sila talaga ni Kumo ang nagpapalitan ng salita sa loob ng silid, sumasabay lamang ang iba.

Nang makapasok sa opisina nito ay ipinaupo niya ako sa komportableng upuan. Umupo ito sa harapan ko bago ako sinimulang gamutin, inuna nito ang sugat sa tagiliran ko.

"Ako nga pala si Heneral Feena, ang ina ni Favian, at asawa naman ni Heneral Kapono kung kilala mo na siya," malaki ang ngiti nito sa akin.

"Hindi ko pa siya nakikilala."

"Makikilala mo pa lang," tumango ito, hindi na ako sumagot.

Healer. Ito ay ang pagiging isang sundalo na dumaan sa proseso ng panggagamot kaya nagkaroon ng kakayahan at kapangyarihang manggamot.

Healer ang tawag sa kanila ni Heneral Feena at Heneral Alessia, na isa ring mga sundalo. Walang healer ang hindi sundalo.

"Tapos na," nakangiti tayo nito. "Kamusta na ang pakiramdam mo?"

Tumayo naman ako at pinakiramdaman ang sarili ko. "Okay na 'ko, salamat," tinanguan ko lang siya at akmang lalabas na ng silid niya nang magtanong siya.

"Saan mo nakuha ang mga sugat na iyan?"

Natigil naman ako at napalingon sa kaniya, mabait at nakangiti pa rin ang mukha nito. "Sa pagsasanay lang."

Lumaki naman ang ngiti niya. "Sino ang nagsasanay sa 'yo, Aella?"

Matagal bago ako nakasagot. Ngayon pa lamang may nagtanong sa akin kung sino ang nagsasanay sa akin. "Ang pinuno," sagot ko.

Napapalakpak naman siya sa tuwa. "Siya na ang master mo?"

Nangunot naman ang noo ko at nagtaka. Master ko? Lahat ay tawag sa kaniya ay Master Tobi kung hindi Pinuno at Ikatlo, dahil siya ang namumuno sa bayan. Pero ano ang ibig sabihin nito sa master ko?

Bigla ay nagpakawala ito ng mahinang tawa. "Sige na, hinihintay ka na ng anak ko sa labas. Mag-iingat kayo! Pati ikaw, mag-iingat ka rin. Magpagamot ka agad kapag nasugatan ka sa pagsasanay."

Napatitig ako sa kaniya nang sandali at tinanguan na lamang siya bago lumabas. Nang makalabas ako ay kaharap ko na si Favian.

"Tara, babawi ako sa 'yo," sabi nito at tumalikod na.

Napaamang naman ako dahil hindi makapaniwala. "Grabe, 'buti naisip mo 'yan, 'no? Sa tagal ng buwang hindi mo 'ko pinansin dapat maganda ang bawi mo!!"

"Huwag kang mag-alala, ngayon lang 'to. Bukas, balik sa dati."

"Ano?!" Inis kong tanong na tinawanan niya lang at hindi na sinagot. Napanguso na lang akong tumingin sa kaniya.

Pumunta kami ni Favian sa palengke at sa street foods, doon kami pumili ng mga makakain at kakainin pa habang naglalakad. Noon ko lang napagtanto na bagaman nadaanan ko na ang bahaging ito, hindi ko pa natikman ang mga tinda rito.

"Ang sarap!" Nanlalaki ang mga matang sabi ko kay Favian nang malasahan ang pagkain na tinatawag nilang Bilo.

Para iyong marsh mallow sa lambot kahit na prinito ito sa harina at iba talaga ang lasa pero masarap.

Tumikim pa kami ng iba't ibang pagkain at halos libutin namin ang buong palengke. Ang naging paborito ko talaga ay 'yong Bilo. Binilihan ako noon ni Favian ng take out na kinakain ko habang naglalakad kami papuntang Second Training Ground.

"Grabe, busog na busog na 'ko, parang ayaw ko nang maghapunan," sabi ko nang maupo sa malamig na sahig niyon. Tulad noong unang araw ay wala itong katao-tao.

"Ang dami ng kinain mo, e. Lalo na 'yang Bilo," umiling sa akin si Favian at humiga nang katulad ng higa nito noong unang beses ko siyang nakita, pumikit pa ito.

Napatitig ako sa kaniya at napaisip. "Dito rin kita unang beses na nakita... Bakit gustong-gusto mo rito?"

Iminulat niya naman ang isang mata upang tignan ako at maya-maya'y bumuntong-hininga. Muli itong pumikit bago sumagot. "Tahimik sa lugar na 'to. Walang tao, walang ingay. Kadalasan ay dito ako natutulog kapag wala akong pagsasanay."

At kapag naiingayan siya sa bibig ni Heneral Feena. Napangiwi ako.

"Bakit mo ako iniiwasan nitong mga nakaraang buwan?" Tanong ko pa ulit.

Sobrang tagal bago siya sumagot kaya naman ay kakalabitin ko sana siya pero nagsalita na ito bago ko pa gawin. "Dahil sa tuwing nakikita mo 'ko, lagi kang may tanong..."

Napaamang naman ako at nagsalubong ang mga kilay. Agad na nalukot ang mukha ko sa sagot niya. "Dahil lang do'n?!"

"Anong dahil lang do'n? Alam mo ba ang ayaw na ayaw ko sa lahat ay ang iniistorbo ako at kinukulit? Ayaw ko sa tanong ng tanong. Ayaw ko ng mahabang sagot. Isang beses lang, isa lang."

Napanganga ako at inis na hinampas ang binti niyang malapit sa akin. Nagitla naman siya at napabangon sa paghiga. "Ano? Istorbo ba 'ko? Makulit ba ako? Tanong ba talaga ako ng tanong?"

"Oo, oo, oo," deretsong sagot nito na nagpangiwi sa akin. "At sa oras na makita mo 'ko, papansinin na kita, sa isang kondisyon."

"Ano?" Hamon ko rito.

"Hindi ka na magtatanong."

Natigilan naman ako at napaisip din.

"Ayaw ko nang makarinig ng tanong tungkol sa mga bagay na dapat ay alam mo."

Napairap naman ako. "Sige! Okay!" Pagpayag ko.

Ngumisi lang naman ito at nag-thumbs up. "Kol."

Hanggang sa tumahimik na ito at mukhang natulog na.

Habang kumakain ng Bilo ay napaisip ako. Nabuhay naman ako ng ilang buwan nang hindi siya tinatanong, e. Kaya ko 'yon kahit pa nandiyan lang siya para tanungan. Psh, ang dadamot sa impormasyon ng mga tao rito.

Pero napabuntong-hininga ako. Kasalanan ko rin naman... Bakit ko ba binura ang sariling alaala ko?

Bigla ay naalala ko si Ate Isha. Ang hindi ko pagkikilala rito, ang pagtakas ko sa kaniya... Ano kaya ang naramdaman niya? Siguradong nasaktan siya. Pero kailanman ay hindi ko ito nakitaan ng negatibong emosyon maliban sa galit at inis. Parang sa utak ko, hindi kailanman nalungkot o umiyak si Ate Isha.

Maaaring magaling lamang siyang magtago... Napakagaling magpanggap.

Bigla ay na-miss ko ito at gustong yakapin.

(-.-)

Continue Reading

You'll Also Like

224K 10.9K 57
My name is Alex Cruz, I'm a omega, so I'm just a punching bag to my pack. But Emma, Queen of werewolves Sam, queen of dragons Winter, queen of vampi...
6.5M 179K 55
⭐️ ᴛʜᴇ ᴍᴏꜱᴛ ʀᴇᴀᴅ ꜱᴛᴀʀ ᴡᴀʀꜱ ꜰᴀɴꜰɪᴄᴛɪᴏɴ ᴏɴ ᴡᴀᴛᴛᴘᴀᴅ ⭐️ ʜɪɢʜᴇꜱᴛ ʀᴀɴᴋɪɴɢꜱ ꜱᴏ ꜰᴀʀ: #1 ɪɴ ꜱᴛᴀʀ ᴡᴀʀꜱ (2017) #1 ɪɴ ᴋʏʟᴏ (2021) #1 IN KYLOREN (2015-2022) #13...
191M 4.5M 100
[COMPLETE][EDITING] Ace Hernandez, the Mafia King, known as the Devil. Sofia Diaz, known as an angel. The two are arranged to be married, forced by...
226M 6.9M 92
When billionaire bad boy Eros meets shy, nerdy Jade, he doesn't recognize her from his past. Will they be able to look past their secrets and fall in...