Lit Candle in the Rain (Night...

By thefakeprotagonist

35.9K 1K 434

[FINISHED] Categories : Boys' Love • Contemporary Romance • LGBTQ Kannagi Lacanlali, or Kann, suffers daily f... More

Author's Note
Playlist and Praises
Prologue
Episode 1 - Hate at First Meet
Episode 2 - Cupid's Squalling
Episode 3 - Enemyship [1/2]
Episode 3 - Enemyship [2/2]
Episode 4 - Bottoms Up! [1/2]
Episode 4 - Bottoms Up! [2/2]
Episode 5 - The Pitchfork Effect
Episode 6 - Worst-case Scenario
Episode 7 - Detention Room [1/2]
Episode 7 - Detention Room [2/2]
Episode 8 - Lit Candle in the Rain
Episode 9 - Show, Don't Tell
Episode 10 - Bare Your Heart
Episode 11 - Fake Dating
Episode 12 - Love Triangle
Episode 13 - Grumpy x Sunshine
Episode 14 - Forced Proximity
Episode 15 - Enemies to Lovers
Episode 16 - Fear Is a Liar [1/2]
Episode 16 - Fear Is a Liar [2/2]
Episode 17 - Hugs and Could'ves
Episode 18 - Out of the Blue
Episode 19 - Finding Kann [2/2]
Episode 20 - What Happened Yesteryear
Epilogue - Social Butterfly Challenge
Author's Message

Episode 19 - Finding Kann [1/2]

280 10 1
By thefakeprotagonist

THIRD PERSON POV

FRI AT 2:33 PM

Soichi:

Good afternoon.

FRI AT 3:02 PM

Nadine:

Hello.

SAT AT 7:58 AM

Soichi:

Kain ka na po.

SAT AT 9:21 AM

Nadine:

Sige.

TUE AT 10:50 PM

Soichi:

Goodnight.

Nadine:

K

Nasapo ni Aneeza ang kanyang noo matapos mabasa ang palitan ng mensahe nina Soichi at Nadine (ang babaeng pinopormahan nito na nakilala nito noong foundation week).

“Jumbo hotdog, kaya n’yo pa ba, Soitchy?” Bumuntonghininga ang dalaga ’tapos humagikhik. “Nugagawen? Block n’yo na lang kaya ang isa’t isa? ’Wag n’yo nang lokohin ang mga sarili n’yo,” panunulsol pa nito.

Itinaas ng binata ang nakakuyom niyang kamay—na wari’y naghihimagsik—at pagkatapos ay nagsabi ng, “Kaya pa ’to. Ipilit natin!”

Ipinulupot ni Aneeza ang sarili niyang mga braso sa kanyang katawan. “May jacket ka ba riyan?”

Nagpang-abot ang mga kilay ni Soichi. “Bakit?”

“Ang cold kasi talaga ng convo n’yo, e. Gininaw tuloy si me.”

“Imong mama, gininaw!” Umingos ang binata at padabog na iniwan ang kaibigan sa lamesa upang lapitan si Gemini na kasalukuyang namimili ng libro sa lalagyan ng mga ito.

Sa kabilang mesa nakaupo si Richmond na binansagang “Beast Mond” habang nagkakape. Panay ang tingin niya sa kanyang cell phone kasi naghihintay siya ng balita kina Clyvedon at Kannagi; atat na atat na siyang malaman kung nagkausap at nagkaayos na ba ang dalawa. Todo ang suporta niya sa dalawang kaibigan at ayaw niyang magkalamat ang kanilang relasyon.

Ngunit sa di-inaasahang pagkakataon, nabulahaw silang lahat sa kani-kanilang ginagawa nang marahas na binuksan ng isang lalaki ang pinto ng tindahan ng libro at saka sumigaw ng, “T-tulong! Tulong! May . . . may na-kidnap sa labas! Kasamahan n’yo ’ata!”

Magkasabay na napatayo sina Richmond at Aneeza; naghagis pa ang huli ng isang kamay patungo sa bibig nito. Samantalang sina Soichi at Gemini naman, dagli nilang ipinihit ang kanilang atensyon sa direksyon ng pintuan. Rumehistro ang gulat sa kanilang mga mata dahil sa masamang balitang naulinigan.

“K-kaya lang . . . nakaalis na ’yong van,” gatong pa ng lalaki sa nauna niyang sinabi habang humahangos.

Dali-daling lumapit si Aneeza sa lalaki at nagpatiuna sa pagtatanong. Sumunod na rin sina Richmond, Soichi, at Gemini.

“S-sure po ba kayo? A-ano’ng suot niya? A-ano’ng hitsura niya?” Nagkandautal na ang dalaga dahil sa kaba.

Kumunot ang noo n’ong lalaki saka lumikot din ang kanyang mga mata, pilit na hinahamon ang utak sa pag-alaala sa hitsura at kasuotan n’ong sinasabi niyang dinukot. Makaraan ang ilang segundo, tuluyan siyang nag-angat ng tingin sa magkakaibigan at ayon sa kanya, “’Di ko na maalala ang mukha niya, e. P-pero”—itinuro nito ang uniporme nina Aneeza, Soichi, at Gemini—“pero nakasuot siya ng uniform tulad ng suot-suot n’yo. At saka, mukhang nagmamadali.”

Jusko! Si Kann nga!” Kinagat ni Aneeza ang ibabang labi at hindi na talaga mapirmi sa isang tabi dahil sa pagkabahala.

“Wait . . .” pagsingit ni Richmond, gumagamit ng ’wag-muna-kayong-mag-panic na tono. “. . . tatawagan ko muna si Clyvedon.” Pagkatapos, bumalik siya sa puwesto niya kanina.

“’Di pa rin tayo sure,” tawag ni Gemini sa atensyon nila. At sa may-ari ng tindahan na tila naestatwa sa counter: “Kuya Nastor, puwede po ba naming ma-review ang CCTV footage?”

Hindi kaagad nakaimik ang may-ari. May ginagawa kasi ito kanina bago pumasok ang lalaking may bitbit ng hindi magandang balita, at hindi niya iyon inasahan. “Ahh . . . oo naman. Maaari n’yong i-check ang entrance CCTV.”

Wala silang sinayang na oras at agad silang nagsilapitan sa counter kaya pumagilid si Nastor. Sa footage, makikitang padaskol na binuksan ni Kannagi ang pinto at nilisan ang tindahan. Sa kasamaang-palad, iyon lamang ang sakop ng CCTV kaya natampal nila ang kanilang noo.

Pero napasinghap si Soichi nang may mapansin. “Teka, paki-pause,” atas niya at kagyat namang tumalima si Gemini.

Unti-unting namilog ang mga mata nila at nalaglag ang kanilang panga nang makitang naiwan ni Kannagi ang sapatos nito. Muling p-in-lay ni Gemini ang footage, doon ay sabay-sabay silang nagtapon ng libreng kamay papunta sa kanilang bunganga nang masaksihan ang pagbalik ni Kannagi at ang paghinto ng itim na sasakyan sa tapat nito. Sapul sa CCTV ang paghampas ng isang taong nakasuot ng itim—mula ulo hanggang paa—sa kanilang kaibigan. Dahil sa atakeng iyon, mabilis na bumagsak ang binata sa daan at kalaunan ay nagtagumpay ang lalaki sa pagpasok sa kanya sa loob ng sasakyan, at saka ito nagpaharurot. Hindi man lang nahagip ng camera ang plate number ng sasakyan.

“A-ano’ng gagawin natin?” puno ng pag-aalalang wika ni Soichi.

“Tinawagan ko na si Clyve. Papunta na siya rito,” anunsyo ni Richmond nang makalapit sa kanila. “C-in-ontact ko na rin si Prim. Unfortunately, pinagbawalan siya ng mama niyang lumabas ng bahay.”

“Nakita mo ba ang plate number ng van?” pagsaboy ni Aneeza ng kuwestiyon sa lalaki.

Umiling ang lalaki. “Hindi, e. Pasensiya na. Hindi na rin kasi pumasok sa isip ko na tingnan ang plate number kasi sobrang bilis ng mga pangyayari.” Hinagod niya ang kanyang batok pagkatapos niyang sambitin iyon.

Pagkalipas ng halos trenta minutos, bigla na lang tumunog ang chime, hudyat na may nagbukas ng pinto, dahilan upang mapalingon sila roon. Bumulaga sa kanila si Clyvedon na hapung-hapo. Malayo pa man, napansin na agad nila ang pangangayayat ng katawan niya at ang pangingitim sa ilalim ng kanyang mga mata kaya sumibol ang pag-aalala nila sa kanya. Hindi kasi mawaglit sa isip niya si Kannagi simula noong sumugod si Luke sa mansyon at siniraan siya sa harap mismo ng kanyang nobyo.

Walang sabi-sabing lumapit si Clyvedon sa kumpulan sa counter. Pinakita naman nila sa kanya ang CCTV footage. Hindi niya magawang kumibo sa mga kasama dahil sa sobrang panlulumo. Lumihis siya ng tingin, pumikit nang mariin, at napahilamos sa sariling palad.

“Tinadtad ko ng text at tawag si Kann, pero ’di siya nagre-reply at sumasagot.” Si Soichi na ang nangahas na bumasag sa katahimikang bumalot sa kanila.

Binatukan naman siya ni Aneeza. “Boploks ka ba?” sikmat nito. “Malamang sa mga oras na ’to, kinumpiska na n’ong kidnapper ang cell phone ni Kannagi. Gusto mo bang ma-boogie wonderland, ha?”

Umiling agad ang binata.

Lumayo naman sa kanila nang kaunti si Clyvedon habang sinasabunutan ang sarili. “Kasalanan ko ’to. Kasalanan ko ’to,” paulit-ulit niyang sambit na para bang nasisiraan na ng bait.

Dali-dali naman siyang nilapitan ni Richmond. “It’s not your fault, dude. Walang may gusto sa ’tin na madukot si Kann,” pag-aalo nito sa kaibigan. At sa lahat ng naroroon: “Listen, kailangan muna nating kumalma. ’Di tayo makapag-iisip nang maayos kung magpa-panic tayong lahat, alright?”

Tumango-tango naman ang lahat. Kapagkuwa’y nagtipon sila sa isang mesa, kasama ang may-ari ng tindahan ng libro na si Nastor. Si Richmond naman, minabuting alalayan ang kaibigan patungo sa puwesto nila.

Dahil sa pangamba, naghagis ng panibagong kuwestiyon si Aneeza: “Dehins ba tayo lalapit sa mga parak?”

“’Wag muna,” pagtutol ni Nastor. “Sasabihin na naman ng mga pulis na maghintay ng twenty-four hours bago mag-report ng missing person. Ang kailangan nating gawin ngayon ay isipin kung sino-sino ang may galit kay Kann, o ’di sang-ayon sa pagmamahalan nina Kann at Clyve.”

Si Richmond na mukhang kanina pa gustong magsalita, klinaro muna ang lalamunan bago magbitiw ng, “Si Cerri.”

Si Soichi na nagngangalit ang mga ngipin nang sumalpok sa isipan ang tanging taong may galit sa dalawa, dagli ring sumagot ng, “Si Luke!”

Si Aneeza na nagkasalikop ang mga bisig sa harap ng dibdib, nagbigay rin ng pangalan: “Si Prim Libres!”

Tahimik naman si Gemini sa upuan niya. Aminado kasi siyang hindi pa niya ganoon kakilala si Kannagi at ang mga taong nakapaligid dito. Taimtim na lang siyang nakikinig, naghihintay ng tamang oras para makatulong ulit.

“Bakit sila ang naiisip n’yo?” kalmadong tanong ni Nastor. Pero sa loob-loob niya, kinakabahan na siya. Ayaw niyang may isang estudyante na namang mamamatay sa Merryfield High. Ngayon, tutulong na talaga siya, kahit kaunting tulong lang.

“Si Cerri kasi lapit siya nang lapit kay Clyve. It is evident that she’s into him,” sagot ni Richmond.

“’Di ba malabo? I mean, sure, may gusto siya kay Clyve. Pero mukhang ’di naman niya magagawang kidnap-in si Kann,” pagkontra naman ni Soichi, nangungumbinsi ang tono. “Si Luke lang talaga ang may kakayahang gawin ’yon sa kaibigan namin.”

“Tama si Soichi. Si Luke lang ang may motibong gawin ’yon kay Kann,” pagsang-ayon naman ni Clyve. “Simula noong sumugod siya sa mansyon, nagkandaletse-letse na ang buhay namin ni Kann. Sinira niya ang relasyon namin. Galit siya sa ’kin dahil ako raw ang dahilan ng pagkawala ni Hasna.”

Napalunok ang may-ari ng tindahan na si Nastor nang marinig ang pangalang ’yon.

“Teka, wait, hold on a sec!” pagpukaw ni Aneeza sa atensyon ng mga kasama habang pinanliitan niya ang mga ito ng mga mata. “What if si Prim Libres talaga? What if nagpanggap siya na okay na kami para makaganti sa ’min? Feeling ko, lumapit lang siya kay Kann, nag-pretend na shipper nina Kann at Clyve, kasi part ’yon ng plano niya.”

Si Soichi na ang hilig sumalungat, muli na namang nagsalita: “Pakiramdam ko, sincere naman si Prim sa paghingi niya ng sorry, e. ’Di ba sabi mo, napatawad mo na rin siya, Aningza? Ano’ng kinukuda mo riyan?”

Banat nang bahagya ang mga labi ni Aneeza. “That wasn’t me. That was . . . Patricia.” Pagkatapos, bumungisngis ang dalaga. “’Di, ano, ’di ko kasi maiwasang magduda kasi parang the other day, galit na galit siya sa ’tin kaya niya tayo pinajumbag sa members ng Martial Arts Club. ’Tapos, one day, biglang super okay na siya kay Kann. Medyo ’di lang talaga ako makapaniwala.”

Sa isang iglap, bigla na lang nagsitayuan ang lahat na ikinagulat ni Nastor.

“Pupuntahan ko si Luke. Alam kong siya lang ang gagawa ng lahat ng ’to,” nag-uumapaw na kumpiyansang wika ni Clyvedon habang nakakuyom ang mga palad.

“Sasama ako sa ’yo, Clyve,” ani Soichi.

“Itse-check ko rin kung nasa’n ngayon si Cerri,” suhestiyon naman ni Richmond.

“Okay! Kami naman ni Gemini ang bahala sa babaeng ’yon,” sabi naman ni Aneeza, pagtukoy niya kay Prim Libres.

“Teka lang. Huminahon kayo,” angal ni Nastor. Pero mukhang buo na ang desisyon ng lahat at hindi na talaga mapipigilan pa.

Akma silang aalis para puntahan ang mga pinaghihinalaan nila nang tumunog ang cell phone ni Richmond, kaya awtomatikong napako sa sahig ang kanilang mga paa.

“Hello, Tita? Napatawag po kayo—ano? Nasa’n po siya?” Nagimbal ang lahat sa reaksyon ni Richmond. “Okay po, Tita. Babalitaan ko na lang po kayo.” At pinatay na niya ang tawag pagkatapos niyon.

Nangungunot ang noo, agarang nagbitiw si Clyvedon ng, “Ano’ng nangyari?”

Isinilid muna ni Richmond ang cell phone niya sa kanyang bulsa bago magsalita, “S-si Luke. Pinagpahinga kasi siya ng mommy niya pagkagaling sa ospital. ’Tapos ngayon”—mariin siyang napalunok—“’tapos ngayon, tumawag si Tita at sinabing nawawala raw si Luke . . .”

Continue Reading

You'll Also Like

497 46 7
The sinking ship represent Leiro Dewey Salazar's life, he always see his life as battleship fighting his own unpredictable waves, but when his ship s...
409K 21.6K 33
It all started when rookie setter Seb Angeles misset the ball causing injury to their team's opposite hitter, Nico Almojer.
3.7M 101K 63
[PROFESSOR SERIES I] Khione Amora Avila is a transferee student at Wesbech University who aimed to have a fresh start. She only had one goal in life...
4.9K 250 15
BL. Zaire & Kross. (On-going) © Cover picture above is not mine. All credits to the rightful owner.