Gakuwesaribigin (Book 2 of th...

Por peachxvision

105K 2.1K 2.9K

Lumaki si Ulysses Yap sa pangangalaga ng kanyang yumaong lola, kaya't hindi niya masyadong nakakasalamuha ang... Mais

Content Warning
Beginning Epigraph
Chapter 1: Logastellus
Chapter 2: Qualtagh
Chapter 3: Tuqburni
Chapter 4: Saudade
Chapter 5: Mamihlapinatapai
Chapter 6: Chantepleurer
Chapter 7: Tarantism
Chapter 8: Sphalolallia
Chapter 9: Onsay, Onguboy, Onsra
Chapter 10: Yugen
Chapter 11: Eigengrau
Chapter 12: La Douleur Exquise
Chapter 13: Utiwaaien
Chapter 14: Iktsuarpok
Chapter 15: Limerence
Chapter 16: Oculoplania
Chapter 17: Redamancy
Chapter 18: Geborgenheit
Chapter 19: Ayurnamat
Chapter 20: Basorexia
Chapter 21: Hygge
Chapter 22: Nidiustertian
Chapter 23: Gurfa
Chapter 24: Fernweh
Ending Epigraph

Chapter 25: Gakuwesaribigin

260 10 10
Por peachxvision

Gakuwesaribigin

(png.) Pakiramdam na gusto mo gawan ng kuwento ang sarili mong kuwento ng pag-ibig dahil sa isa pang kuwento ng pag-ibig


Iyon ang huling araw ng pagkikita namin.

Pagkatapos ng araw na hindi ko kailanman hinintay na mangyari sa 'kin, hindi na ako pumunta sa tambayan. Oo, umiiwas ako—pero hindi sa kanya. Kung tutuusin, gusto ko pa siya makita.

Gusto ko makita 'yung mukha niya.

Gusto ko makita 'yung mga ngiti at luha niya.

Pero umiwas ako dahil alam ko na gusto rin niyang makita 'yung akin—'yung mukha, ngiti, at luha ko—at mahihirapan lang siyang tanggapin 'yung responsibilidad na kailangan niyang harapin.

Minsan, napapaiyak na lang din ako dahil ang laki ng pinagbago ko dahil na rin sa kanya. Ang laki ng pinagbago kung paano ako mag-isip. Hindi ko na madalas isipin ang sarili ko. Mas naiisip ko na 'yung ibang tao na nasa paligid ko.

Nakita kong nagsara na rin siya ng mga online accounts niya. Nabalitaan ko sa ibang mga ka-org ko na paminsan-minsan, pumupunta pa rin siya sa tambayan at hinahanap ako. Minsan, gusto magpakita sa kanya. Pero sa tuwing gusto ko mangyari 'yon, hindi naman kami pinagkikita ng tadhana.

Hindi nga lang siguro kami nakatadhana para sa isa't isa. Siguro sa umpisa pa lang, alam ko nayon, pero tinatanggi ko lang sa sarili ko.

Isang araw matapos ang graduation ko, pumunta ako sa tambayan. Nabalitaan ko na nag-file daw siya ng leave, at baka sa second sem next year na raw siya makakapagtuloy ng pag-aaral. Lahat kami—oo, kasama ako—ang nanghinayang sa kanya.

"Ang daming nagagawa ng lungkot," sabi ko habang kausap si Sarah. Pumayat siya, tapos nagpakulot at nagpagupit ng buhok. Halata sa kanya na lagi siyang nagpupuyat gawa ng maiitim na eyebag na bumibilog sa mga mata niya.

"Akalain mo 'yon?" sagot niya. "Makakagawa pala ng baby ang lungkot."

"Sarah, tama na."

"Sorry, sorry," paghingi niya ng tawad. "Pero hanggang ngayon, di ko maisip na gano'n 'yung mangyayari. Alam mo 'yung . . . I felt betrayed? At the same time, I pity her."

"Minsan ba, naisip mo kung ano'ng mangyayari kapag wala sa mga 'yon ang hindi nangyari?"

"Siguro kayo pa rin. Siguro kami pa rin ni Kenli . . . at ako 'yung buntis, hindi siya. Ikaw kasi, ano? Ba't ka pa kasi nagka-dengue? Uso naman magparamdam kahit halos mamamatay ka na sa sakit." Natawa si Sarah, pero alam ko namang may halong hapdi 'yung tawang 'yon.

"Kasalanan ko pa talaga," biro ko.

"Sobrang . . . sobrang galit na galit ako, Ulysses. Hindi ko maikumpara 'yung galit ko sa impyerno. Parang . . . parang may mas sasama pa sa impyernong alam natin. May mga araw na pinagmumumura ko silang dalawa habang ako lang mag-isa ang umiiyak. Ang sakit."

"Alam ko, alam ko."

"Naiinis ako na pinakilala pa niya sa 'kin 'yung hampaslupang si Kenli. Tapos sila lang pala 'yung magkakatuluyan?"

Nakikita ko na naiiyak na si Sarah. Bumunot siya ng sigarilyo sa may bulsa niya. Ako naman 'tong kuha sabay bato.

"Nasaktan ka. Pero 'wag kang magpapakamatay."

"Hindi naman nakamamatay ang isang stick."

"Kailan ka pa natuto niyan?"

"Di ko alam. Siguro . . . simula no'ng araw na 'yon."

"Sa sinabi mo, mapapa-oo na ako sa sinabi mo."

"Na alin?"

"Na maraming magagawa ang lungkot . . . tulad ng pagbabago sa sarili."

Napaiyak na lang si Sarah sa mga bisig ko. "Mamatay na silang dalawa."

"Mamamatay naman tayong lahat, Sarah."

"Pero sana mauna sila."

Hinayaan ko lang siya magalit. Biktima rin naman siya, at ang mga taong malungkot, kailangan ng makakausap at ng taong makikinig, hindi ng taong manenermon.

Naisip ko tuloy, Ako kaya? Ano kayang nagawa sa 'kin ng lungkot?

***

Umandar ang mga araw.

Umandar ang mga buwan.

Umandar ang mga taon.

Pero hindi na kami nagkita ni Anna.

Nagpapakilala sa 'kin ng mga babae si Pao, pero kahit isa sa kanila, hindi ko nagustuhan. Kahit ako, minsan, pinipilit ko na rin magkagusto, pero hindi ko alam kung bakit sa loob-loob ko, malungkot pa rin ako.

Kinuha akong piyanista sa isang banda na galing din sa org, tutal underground music org kami. Hindi kami sikat, indie band ba? Andromeda 'yung pangalan namin, galing sa pinaghalo-halong pangalan ng mga babaeng nangwasak ng puso namin.

Halata naman kung nasaan diyan ang pangalan ng babaeng minahal ko, di ba?

Nagtatrabaho ako, at sideline ko ang pagbabanda. Medyo nahihirapan ako dahil 'yung pahinga ko, nagiging praktis sa studio. Kaya sa pangalawang taon ko sa pagbabanda, nagsabi na ako na magpapahinga muna ako.

At siyempre, magkakaroon ng despedida gig. Ang sabi ko, sa huli kong performance, violin ang gusto ko sanang tutugtugin ko. Tutugtog kami ng isang sariling composition at ng dalawang version namin ng ibang kanta. Naghanap kami ng mga tugtog na may violin, hanggang sa iyon may nakita kami na swak sa lahat ng nararamdaman naming magkakabanda.

Dumating ang araw kung kailan ang huling performance ko bilang miyembro ng banda. May nahanap naman silang bagong pianista kaya itutuloy pa rin daw nila ang Andromeda (kahit pa hindi nagsisimula sa An ang pangalan ng ex niya, okey lang din daw).

Nando'n kami sa stage, at tinugtog na namin 'yung unang dalawa naming kanta. Habang tinitingnan ko 'yung audience, nakita ko si Rina at 'yung bago niyang boyfriend. Inimbita ko sila bilang hindi pa naman daw nila ako nakikitang magperform. Napangiti ako at binate sila.

Sa kabilang dulo, nando'n 'yung mga ka-org namin na may sari-sarili na ring banda. Nando'n si Sarah, kaakbay ng isang babae. Napangiti na lang ako dahil tumatawa na siya tulad ng dati.

Hindi gaano kadami 'yung tao, pero alam kong mga regular customer sila dahil sila-sila rin 'yung nakikita ko tuwing magpeperform kami rito.

Tinitingnan ko 'yung audience nang napatingin ako sa may pinto.

Napasulyap. Nagulat.

Dahil matapos ng napakaraming taon . . .

Nagkita kami.

Napababa ko 'yung violin ko hanggang sa narinig kong nag-umpisa 'yung bokalista namin na kantahin ang unang linya ng huli naming kanta: "Hiling" ng Silent Sanctuary.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa nakikita ng dalawang mata ko. Inangat ko 'yung violin dahil malapit na ang parte ko sa kanta. Paano niya nalaman?

Heto, matapos ang ilang taon ng paghahanap at paghihintay, nandito siya. Kasama ko sa iisang kuwarto.

Kumusta ka na—iyon ang gusto kong unang banggitin sa kanya. Sana unahan niya ako ng ngiti. Sana makita ko uli 'yon. Parang dati.

Gusto kong tumingin sa may direksiyon niya, pero hindi ako makakatugtog nang maayos kung gagawin ko 'yon. Hintay lang...

Sana nandito lang siya. Sana hanggang mamaya. Sana makapaghintay siya.

Sana makapaghintay ka, naisip ko habang nakapikit, ramdam na ramdam ang pagtugtog sa violin. Dahil sa mahabang panahon, nagsinungaling ako sa sarili ko, at ngayon lang ako magpapakatotoo dahil nandito na 'yung babaeng . . . hinahanap pa rin ng puso ko.

Gusto ko siyang makausap. Gusto ko siyang kumustahin. Andiyan kaya si Kenli? Kumusta na sila? Nakapagtuloy ba siya sa pag-aaral? Dala ba niya 'yung baby niya? Puwede ko kayang mahawakan? Puwede ko ba siyang mahawakan? Puwede ko ba siyang makausap katulad ng dati? Ngitian tulad ng dati?

At . . . sabihing mahal ko pa rin siya . . . tulad ng dati?

Habang tinutugtog ko 'yung parte ko, parang narinig ko 'yung puso kong tumalon. Bakit gano'n? Di ko maintindihan kung bakit parang biglang . . . bakit parang bumalik?

Bakit parang hindi ako nagalit?

Bakit parang hindi ako nalungkot?

Bakit parang ang gusto ko na lang mangyari ay ang matapos ang kantang 'to at pumunta sa kanya?

Bakit parang sa loob-loob ko, parang . . . umaasa ako? Hiling ko nga ba na mahalin pa rin niya ako?

Shit, may tumutulo yata papunta sa violin ko.

Nakikita kaya 'to ng lahat? Nakita ba niya 'yon? Nakita ba niyang nakita ko siya?

Tumugtog ako sa abot ng makakaya ko. Tumugtog ako na punung-puno ng emosyon kahit pa hindi ko na alam kung pawis ba o luha 'yung nararamdaman ko sa mukha ko . . . dahil alam kong nando'n siya. Alam kong nandito siya.

Pumikit ako habang inaalala mula umpisa hanggang sa araw na 'to. Parang 'yung mga alaala niya, tumatakbo sa isang film strip na mabilis na gumagalaw papunta sa araw na 'to.

Ramdam kaya niya 'yung sakit? Ramdam kaya niya 'yung mensaheng dinadala ng kantang 'to? Ng tinutugtog ko?

Ramdam kaya niya 'yung pinaghalong saya at pananabik na nararamdaman ko dahil sa loob ng mahabang panahon . . . nakita ko siya?

Gusto ko na bitawan 'yung violin para yakapin siya at sabihin na matagal kong hinintay 'yung pagkakataong kaya na niya akong harapin.

Gusto ko na siyang makausap.

Kahit alam kong tapos na. Kahit alam kong tapos na kami.

Patuloy lang ang pagtugtog at pagkanta, at hindi ko sigurado kung nandiyan pa siya. Maghihintay kaya siya hanggang sa matapos ang kanta?

"Pakiusap," bulong ko sa sarili ko.

Pero nang matapos . . .

Walang Anna na nag-aabang sa may pinto.

Napabitaw ako pagkatapos ng huling fade. Sinabi ko na lang sa mga kabanda ko na nababanyo ako. Pero 'yung totoo, tumakbo ako papunta sa labas ng pinto.

May nakita akong babaeng naka-asul na damit. 'Yon 'yung damit na sinuot niya no'ng una ko siyang nakausap—'yung mga araw na takot pa siya sa ulan.

Hinabol ko siya. Akala ko tatakbo siya, pero hindi, naglakad lang siya. Paghawak ko ng mga braso niya, wala na akong ibang nabanggit kundi—

"Anna?"

At sa pakasabi kong iyon, nakita ko uli ang babaeng minahal ko.

Bumilis 'yung tibok ng puso ko. Hindi lang dahil sa paghabol ko sa kanya, pero dahil na rin sa nakita ko siya. Tiningnan ko siya nang matagal. Tiningnan ko siya nang mabuti. Wala ni isa sa amin ang nagsalita.

Para bang . . . para bang hindi siya nanganak. Gano'n pa rin. Ang ganda pa rin niya.

"Kumusta?" tanong niya habang nakangiti—mga ngiti na matagal ko ding hinanap. Mga ngiti na bumihag sa 'kin patungo sa estado kung nasaan ako ngayon.

"O-okey lang. Ikaw?" sabi ko. "Kumusta?"

"Ayos lang."

Tiningnan lang niya 'ko. Sana nabasa niya sa mga mata ko na nagsisinungaling ako. Na tulad niya at sa pagmamahal niya sa kapatid ko, ilang taon din akong nakakulong sa nakaraan, hindi handang iwan ang masasakit at mapapait na alaala.

Ang pinagkaiba lang, sa kuwento naming dalawa, bumalik siya—si Anna.

"Ano . . . nagbabanda na ako. Pero huling tugtog ko na," komento ko. "Di ko kaya pagsabayin."

"Gano'n? Huli na?" tanong niya. "Sayang pala. Isang beses lang kita narinig tumugtog."

"B-bakit ka nandito? Paano mo 'to nakita?"

"Nabalitaan ko lang. Dumalaw ako sa org no'ng isang araw, at iyon nga. Gusto lang kitang marinig tumugtog ng violin."

Humangin bigla. Tumahimik bigla.

Tipong sobrang tahimik na rinig na rinig ko 'yung pagkulog ng tiyan ko kasabay ng tunog ng pulso ko sa may leeg at kamay. Isama mo na rin 'yung tibok ng puso ko habang katapat ko lang naman ang babaeng minahal ko ng ilang taon.

Wala akong nasabi. Natahimik lang kaming dalawa kaya mas lalo akong nailang. Pero kahit pa nakakailang ang katahimikan, tiningnan ko pa rin 'yung mukha niyang parang walang nagbago.

Nagkaroon siyang wrinkles, pumayat pa nga siya lalo dahil mas lalong halata 'yung buto niya sa pisngi.

"'Wag mo nga akong titigan," biro niya. "Naiilang ako."

Halata naman sa kanya na parang nag-atubili pa siyang sabihin 'yon sa 'kin. Siguro pinipilit lang niya humugot ng lakas ng loob para kausapin ako.

"Parang dati lang, ako 'tong naiilang pag tinititigan ka." Sa sinabi ko, mas lalo yata siyang hindi nakatitig sa 'kin. Ako na mismo ang nagsalita sunod. "Saan ka na pupunta?"

"Uuwi na sana."

Humangin uli. Tumahimik uli.

"A, g-gano'n? S-sige," sabi ko kahit ang nasa isip ko, Manatili ka muna. Mag-usap muna tayo.

"A-anong sige?"

"Baka hanapin ka na, e."

"Baka nga."

"Bye."

Nagpaalam ako nang may nanginginig na mga kamay. Naglakad siya nang kaunti palayo sa akin, at hindi ko maiwasang maisip, Lingon . . . Lumingon ka, please. Lumingon ka at huwag mong gayahin 'yung ginawa ko sa 'yo noon na hindi kita nilingon.

"Uly . . ."

Kung alam lang ng langit kung gaano ako kasaya sa paglingon niya. "B-bakit?" tanong ko.

"Gusto mo magkape?"

Napangiti ako at tumango. "Sige."

Naglakad lang kami pareho kahit hindi ko alam kung may malapit nga bang kapihan dito. Nakita ko siyang nag-text tapos napatigil kami sa may kanto kung saan nakaparke 'yung sasakyan niya.

"Ayos ha," komento ko. "May sasakyan ka na pala."

"Kailangan panghatid sa baby sa center. Binigay sa 'kin ng magulang ko—uy," pagtigil niya. "Saan ka?"

"Dito sa likod."

"Ano ka? Gagawin mo kong driver mo?"

Narinig ko siyang tumawa. Para sa 'kin, musika pa rin 'yung mismong tawa niya.

Binuksan niya 'yung radyo. Nakita ko 'yung cell phone niya, mukhang nakakabit pa rin 'yung earphones na bigay sa kanya ng kapatid ko. Buti hindi pa 'to nasisira. O baka bago na pala 'to?

"Asan siya?" tanong ko.

"Sino?"

"Asawa mo?"

"Di ko siya asawa," sagot niya. "Hindi pa kami kasal. Pero nando'n siya sa bahay nila."

"Bakit, hiwalay ba kayo ng tinitirhan?"

"Apparently, yes."

"Bakit?"

Nagkaroon ng mahabang preno dahil muntik na namin mabangga 'yung kotseng nasa harap namin. "Ay! Tae naman, o. Kuya, tabi naman diyan! Dadaan kami!" sigaw niya at saka siya humawak sa manibela uli. Do'n ko lang na-realize na magpapark na pala kami. Mukhang ayaw niya yata sagutin 'yung tanong ko.

Pagka-lock niya ng sasakyan niya, pumasok na kami at nag-order ng kape. Wala akong intensiyon na manira ng relasyon. Gusto ko lang na mag-usap kami.

"Kumusta na?" tanong niya uli.

"Ayos lang," sagot ko. "Nabubuhay pa naman."

"Nagwowork ka na?"

"Assistant sa HR. Ikaw?"

"Well, wala naman akong magagawa dahil hindi pa ako tapos sa pag-aaral. Nag-call center ako for one year para makatulong sa magulang at sa panggastos. Pero ito, third year standing na ako."

"Sino nag-aalaga sa baby mo?"

"Sina Mama."

"E, si . . . ano . . . Kenli?"

"We separated." Humigop siya sa kape niya bago niya tinuloy, "Were not in love in the first place."

Sa loob ng ilang taon na hindi kami nagkita, ganito 'yung dinanas niya. Biglang tumugtog 'yung "Toyang" ng Eraserheads sa cell phone ng kabilang upuan namin.

"Paano anak mo?" tanong ko.

"He decided it, not me," sagot niya.

"Gago pala 'yon, e."

"Baka sa dulo, maging drama lang lalo 'yung buhay ng anak ko. Iniisip ko kasi 'yung araw-araw na pag-uwi ng anak ko, e. Paano, uuwi siya nang hindi siya tanggap ng tatay niya? Na hindi pa handa si Kenli? Oo, pinagsisisihan ko 'yung ginawa namin. Pero hindi kasalanan ng anak ko 'yon, di ba? Kasalanan namin. Pinili kong ipanganak siya sa mundong 'to. Kahit iyon man lang, mapanindigan ko."

"Tama lang 'yon."

"I didn't run after him though."

"Bakit?"

"He wasn't worth running after. Isa pa, all along, alam naman niya kung sinong mahal ko." Tapos ngumiti siya.

"Didn't you trying loving him back?"

"I did. We did. Pero nasira lang 'yung pagkakaibigan namin in the end. Wrong decisions can ruin your life. Maiba tayo—"

"Walang nangyayari sa buhay ko. Mas interesado ako sa nangyari sa 'yo, kaya ituloy mo lang 'yung kuwento mo."

"E, sa akin . . . interesado ka pa ba?"

Halos maibuga ko na 'yung kapeng iniinom ko. "H-hanggang ngayon may pagkapranka ka pa rin," kabado kong sagot.

"Alam mo ba kung ano'ng pangalan ng unica hija ko?"

"Ano?"

"Yulianne Amethyst."

"Ganda, a."

"Ako nagpangalan."

"Mukha nga. Nabanggit mo sa 'kin 'yung tungkol sa Amethyst, di ba?"

"Pero mas gamit ko 'yung Yulianne."

"Bakit?"

"Kombinasyon ng dalawang lalaking tanging minahal ko . . . kahit pa ba hindi sila talaga ang nakatuluyan ko."

At sa mga sinabi niyang 'yon, napahigop ako ng kape.

Ewan ko ba, ibang klase kasi ang pagmamahal. Tipong . . . hindi ko akalain na kaya kong magpatawad, at hindi ko lalong inakala na maiisip kong baka—baka lang naman—puwede akong tumayong ama kay Yulianne. Aalagaan ko siya nang mabuti, at ipaparamdam kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagmamahal para madala niya 'yon hanggang sa pagtanda.

"Paano kung sinabi sa 'yo ng lalaking minahal mo na mahal ka pa rin niya?" tanong ko, nagbabakasakali na tama ang pakiramdam ko. "Babalikan mo?"

Napatingin siya sa 'kin at napangiti. Binaba niya 'yung kape niya at nilagay 'yung dalawang kamay niya sa ibaba ng baba niya bago sinabing, "Babalikan mo?"

Ngumiti ako.

"Tingin mo?"

***

May mga bagay na hindi talaga natin maintindihan. Kung bakit sa lahat ng katangahan at kagaguhan na ginawa sa 'yo ng isang tao, hinahanap-hanap mo pa rin siya. Kumbaga, kung hindi mo maintindihan ang isang salita, magtatanong-tanong ka na. Kung hindi pa rin, hahanapin mo sa dictionary. Kung wala pa sa dictionary, sa internet . . . hanggang sa makita mo. Ang pinakamasayang parte pa do'n ay kapag sa wakas, naiintindihan mo na.

Nga lang, hindi naman kasi lahat makikita sa iisang dictionary. May mga salita na may kakaibang mga kahulugan, tulad ng mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin alam kung bakit kailangan mangyari 'yon pero nangyari pa rin.

Katulad ng kuwento ko, Ulysses V. Yap, at kuwento niya, Anna Marie R. Villanueva.

At kung sakaling may mga susunod pang kabanata sa buhay namin, hindi ko na ipagsisiksikan sa kuwentong 'to.

Dahilalam ko na minsan, kailangan rin gumawa ng mga bagong pahina . . .uli.

Continuar a ler

Também vai Gostar

6.8M 138K 51
PUBLISHED UNDER POP FICTION (SUMMIT BOOKS) The Neighbors Series #2 Highest Rank: #1 in General Fiction ** Meet the rich, gorgeous, hot and sexy Sapph...
15.6K 1.1K 14
Writer? Fears? Baka para sa 'yo na ito? :D
46.1K 663 46
A Girlinlove Fan Fiction Story <3
2.1M 55.3K 47
"Anong mas pipiliin mo: taong mahal mo na hindi ka mahal o taong mahal ka pero hindi mo mahal?"