Aria of the Arcane ①

AkoSiIbarra द्वारा

149K 10.8K 5.8K

Enter the arcane world of Alterra, and regale yourself with three tales in one epic story. ☆☆★ AFFAIR OF ROYA... अधिक

Aria of the Arcane
Welcome to the Kingdom of Arcerea
Welcome to the World of Alterra
CHAPTER 01: The Arcane Trackers | Lucius
CHAPTER 02: The Late King | Lucius
INTERLUDE: The King is Dead
KABANATA 03: Ang Mga Tinugis | Malaya
KABANATA 04: Apat na Sugo | Malaya
CHAPTER 05: Scarlet Herring | Lucius
INTERLUDE: Crown Prince to Appear Before the Senate
CHAPTER 06: The Lady in Navy Blue | Maeve
CHAPTER 07: The Accession Hearing | Maeve
INTERLUDE: Arcerean Senate Attacked
KABANATA 08: Pagdanak ng Dugo | Malaya
KABANATA 09: Ang Kahalili | Malaya
CHAPTER 10: Downtown Showdown | Lucius
CHAPTER 11: The New Leader | Maeve
CHAPTER 12: Mysterious Package | Lucius
CHAPTER 13: His Eminence | Lucius
INTERLUDE: Senate votes to confirm Crown Prince
KABANATA 14: Unang Hakbang | Malaya
CHAPTER 15: Long May He Reign | Maeve
CHAPTER 16: Moment of Clarity | Lucius
CHAPTER 17: A Difficult Decision | Maeve
CHAPTER 18: If All Else Fails | Maeve
KABANATA 19: Tropa ng Manlalakbay | Malaya
INTERLUDE: Monarchists retain Senate control, Republicans gain more seats
CHAPTER 20: Turn the Coat | Maeve
CHAPTER 21: Bennett the Benevolent | Lucius
CHAPTER 23: Her Excellency | Maeve
CHAPTER 24: Decades-long Deception | Lucius
TEASER: Aria of the Arcane ②

KABANATA 22: Ang Kabisera | Malaya

686 55 4
AkoSiIbarra द्वारा

MALAYA

MATAPOS ANG ilang araw na paglalakbay—matapos akyatin ang ilang bundok, lusungin ang mga ilog, at lakarin ang kapatagan—nakarating na rin ang mga sugo ng Polesin sa kabisera ng Kaharian. Sa 'di-kalayuan, tanaw na agad nila ang matatayog na pader at tore na pumapalibot sa siyudad. Tanaw rin mula sa kanilang kinatatayuan ang malawak na burol kung saan nakatayo ang Palasyo at iba pang mahahalagang gusali ng Polarcus.

Ipinikit ni Malaya ang mga mata niya at lumanghap ng hangin. Ibang-iba ang kanyang pakiramdam habang hinahayaang mapuno ang baga niya ng hanging mula sa kabisera. Sa Polesin, sariwa at magaan. Dito sa Polarcus, may kaunting amoy at tila mabigat sa loob. Malamang dala ito ng maiitim na usok mula sa mga pabrika ng siyudad.

Iminulat niya ang mga mata at sandaling natulala sa mga nakalululang gusali. Higit pa man sa pagsali sa torneo, mas sabik siyang malaman kung buhay pa ba at ligtas ang ate niyang si Mayumi. Walang araw na lumilipas na hindi niya naiisip ang kapatid. Laging nasa guniguni niya. Ginawa niya ang lahat upang makarating dito. At ngayon, nandito na siya, sa lugar kung saan pinaghihinalaang dinala ng mga armadong tagatugis ang kanyang ate.

"Tatayo lamang ba tayo rito at pagmamasdan ang Polarcus mula sa malayo? O tutuloy na tayo sa siyudad?" nayayamot na tanong ni Elio. Kanina pa niya gustong tumuloy. "Gusto ko nang mapuntahan kung saan tayo mananatili para makapagpahinga na tayo! Gusto ko na ring maligo! Nangangamoy na ako."

Lumingon si Malaya sa kanya at mariing tumango. Mula nang nalaman nila na sa kabisera posibleng dinala si Mayumi, hindi na nagsayang ng oras ang apat na maglakbay agad para makarating dito. Sa halip na mahaba ang oras ng pahinga sa bawat araw, mas pinili nilang magpatuloy at makausad sa paglalakbay. Ang resulta, kulang sa tulog at pagod ang katawan ng apat.

Ngunit hindi 'yon alintana ni Aya. Kahit ilang bundok o kahit ilang ilog, tatahakin niya para lamang makapunta rito. Alam niyang sa bawat segundo at minuto na lumilipas, posibleng malagay sa panganib ang kanyang ate. Ayaw niyang magpaka-kampante. Ayaw niyang magpahinga hangga't hindi niya nasasagot ang mga tanong na bumabagabag sa kanya.

Nasaan na kaya si Mayumi? Nasa mabuti ba siyang kalagayan ngayon? Pinapakain ba siya? Nakatutulog ba siya nang maayos? Pinagbibigyan ba ang mga hiling niya?

"Aya?" tawag ni Miro. "Tara na? Para makapagpahinga na tayo?"

Umiling ang dalaga, pansamantalang iwinaksi sa isipan ang mga alalahanin. Kapag hinayaan niyang malunod ang kanyang kamalayan sa mga tanong, baka maging pahirap at pabigat siya sa mga kasama. Hindi siya ipinadala sa Polarcus para lamang hanapin ang ate niya. Nandito siya upang lumahok sa torneo at subukang maipanalo ang kampeonato.

Tumuloy na ang apat sa entrada ng siyudad. Tanging ang mataas na pader at ang malaking pinto na yari sa kahoy at bakal ang bumungad sa kanila. Isang dosenang lalaki na nakasuot ng kalasag at may bitbit na sibat ang nakabantay sa bukana. Sa ibabaw ng mahabang pader, may mga naglalakad na lalaki at babaeng may mga hawak na pana.

Mahaba ang pila papasok sa siyudad. Isa-isa kasing sinusuri ng mga guwardiya ang bawat taong daraan sa kanila. Kinapkapan ang katawan at sinisiyasat ang mga gamit. Hindi ganito kahigpit ang seguridad noon. Ngunit dahil sa pagpaslang sa butihing hari at ang pag-atake sa Senado na ikinamatay ng dalawampu noong isang linggo, trumiple na ang mga nakaistasyon dito.

"Na-kanino nga ulit 'yong sulat ni Punong Generoso?" tanong ni Miro sabay lingon sa mga kasama. "'Yong imbitasyon para sumali tayo sa torneo?"

Itinaas ni Avel ang kamay bago inilabas at iwinagayway ang kapirasong papel. "Nasa akin."

"Mabuti nama't hindi natin nawala 'yan. Sa sobrang higpit ng mga guwardiya rito, baka hindi tayo papasukin kung wala tayong imbitasyon."

"Nasaan naman 'yong isa pang sulat ni Tanda?" nakapameywang na tanong ni Elio. "'Yong hindi natin pwedeng basahin—"

"Shush!" Pinatahamik siya ni Aya gamit ang matalim na tingin. Nabaling tuloy sa kanila ang atensyon ng ibang tao sa pila. "Alam mo namang walang pwedeng makaalam n'on, 'di ba? Baka kunin 'yon ng mga guwardiya, hindi na natin maipakita sa tamang tao."

Naalala pa niya ang sulat na sinelyuhan ni Punong Generoso gamit ang mahika. Wala ni isa sa kanila ang puwedeng puwersahang magbukas at magbasa ng nilalaman n'on. Sakaling manaig ang kanilang kuryosidad at sinubukan nilang basahin, mabubura ang mga nakasulat doon. Tanging ang tao na magpapakita ng kulay asul na balahibo sa kanila ang may karapatang magbukas n'on.

"Nasa pangangalaga ko rin 'yon." Pasimpleng iginala ni Avel ang tingin sa mga taong nakapaligid sa kanila. "Huwag kayong mag-alala."

Hindi na nagtaka si Aya kung bakit kay Avel ipinagkatiwala ang mga sulat. Mas katiwa-tiwala kasi ang itsura nito kaysa sa dalawa pa niyang kasama. Mas masinop din siya kumpara sa iba.

"SUNOD!" sigaw ng guwardiya sa unahan at gumalaw na ang pila.

Ilang minuto pa ang hinintay ng apat bago dumating ang kanilang pagkakataon na humarap sa mga bantay ng tarangkahan. Nakaramdam ng kaunting kaba si Aya. Una, nababahala siya na baka hindi sila papasukin. Kapag nagkagano'n, mawawalan siya ng tiyansa na hanapin ang ate niya sa loob. Ikalawa, ang isa pang sulat na dala-dala nila. Sakaling kumpiskahin 'yon mula sa kanila, maaapektuhan ang isa pa nilang misyon sa Polarcus.

"SUNOD!" sigaw ng guwardiya. Si Miro na ang humarap, habang nasa likod si Aya at ang dalawa pa nilang kasama. Iniabot ni Avel ang imbitasyon na siyang ipinakita ni Miro sa guwardiya. "Ano'ng pakay n'yo rito sa Polarcus?"

"Nandito po kami para lumahok sa torneo. Galing kami sa puweblo ng Polesin," maingat na sagot ni Miro. Ramdam ni Aya ang kaba ng kaibigan niya. Sino ba namang hindi kakabahan tuwing may kaharap na guwardiya? Ngunit kagaya ng lupa na kanyang elemento, nanatiling matatag at hindi basta-basta patitinag si Miro. Deretso lamang ang tingin nito at seryoso ang timpla ng mukha.

Kumunot ang noo at naningkit ang mga mata ng guwardiya habang binabasa ang nakasaad sa sulat. Sa bawat galaw ng tingin nito, palalim nang palalim ang pagkakunot ng kanyang noo. Nang natapos na siyang magbasa, tinawag nito ang isa pang bantay at may ibinulong.

"Totoo ba 'tong imbitasyon na 'to? O gawa-gawa lamang nitong apat?"

"Tuloy ang paligsahan na magsisimula sa susunod na linggo. Hmmm . . . Merong lagda at selyo ng gobernador ng Polesin. Mahirap pekein 'yan."

"Papapasukin ko na ba ang mga 'to?"

"Oo. Teka, ano ba ang protokol natin sa mga kinatawang gaya nila? May mga nauna na sa kanila kahapon, 'di ba? Paano natin sila tinrato?"

"Sila'y ipahahatid natin sa kanilang tutuluyan. Kailangan na nating ipahanda ang karwahe para sila'y maipahatid na ro'n."

Humarap sa apat ang guwardiya. Kung kanina'y masyadong seryoso ang itsura nito, ngayo'y maaliwalas na ang mukha. "Maligayang pagdating sa siyudad ng Polarcus! Ipinahahanda na namin ang masasakyan n'yo. Maaari lamang na maghintay muna kayo sa gilid."

Tila nabunutan ng tinik sa lalamunan si Aya, maging ang mga kasama niya. Napabuntonghininga si Avel habang muntik nang magtatalon si Elio. Si Miro naman, bumagsak ang mga balikat na kanina pa tensyonado. Nilagpasan na nila ang tarangkahan. Bumati sa kanilang paningin ang mga bahay at gusali na tigdadalawa at tigtatatlo ang mga palapag. Puno ang kalsada ng mga naglalakad na mamamayan at mga karwaheng dumaraan.

"Mabuti't merong libreng sakay rito," bulong ni Elio. "Hindi ko na yata kakayaning maglakad pa nang malayo. Sana maganda 'yong tutuluyan natin."

"Magaganda raw ang mga bahay rito sa Polarcus." Luminga-linga si Miro sa mga bahay at gusaling nasa magkabilang panig ng kalsada. "Mukhang mapagbibigyan ang gusto mo."

"Dapat lamang! Mga bisita tayo rito kaya dapat itrato nila tayo nang tama."

Inilibot din ni Aya ang tingin niya. Kung si Elio ay sabik nang makapunta sa tutuluyan, siya nama'y sabik nang magtanong-tanong sa mga tao tungkol sa kanyang ate. Naisip na rin niyang puntahan ang naikuwentong tracker sa kanya ng isang manlalakbay na nakilala niya noong isang araw.

Sa laki ng siyudad, saan kaya posibleng idinala ang kanyang ate?

"Mga taga-Polesin?" tawag ng isang guwardiya. "Nandito na ang inyong sundo. Dadalhin kayo nito sa inyong tutuluyan. May mga tao ro'n na pagsasabihan kayo sa dapat at hindi dapat n'yong gawin habang nandito kayo sa siyudad."

"Maraming salamat!" sagot ni Aya na may kasamang matamis na ngiti.

Isa-isang sumakay ang mga sugo ng Polesin. Nauna si Aya, sumunod si Avel, na sinundan ni Miro, at pinakahuli si Elio. May isa pang lalaki na sumakay at umupo sa kabilang puwesto ng karwahe. Sa isang latay ng kutsero at halinghing ng kabayo, umandar ang kanilang sasakyan.

"Magandang araw!" bati nito. "Nandito ako para bigyan kayo ng impormasyon tungkol sa iba't ibang lugar sa pinagmamalaki nating kabisera ng Polarcus. Unang beses n'yo bang makabisita rito?"

Sabay-sabay na tumango ang apat.

"Ang bahaging 'to ng Polarcus ay ang poblasyon," kuwento ng gabay nang nilagpasan na ng karwahe ang mga establisimiyento. "Dito nakatira ang karamihan sa mga residente. Dito rin ang sentro ng kalakalan. Kita n'yo ba ang pamilihan na 'yan? Kita n'yo ba kung gaano karami ang mga tao?"

Nagawi ang tingin ni Aya sa kabilang banda kung saan nakita niyang natutulog sa gilid ng kalsada ang ilang lalaki't babae. May mga marurusing pa ngang batang naghahabulan. Naalala tuloy niya ang kanyang kabataan, noong naglalaro pa sila ng habulan ng ate niya . . . at noong buhay pa ang kanilang mga magulang.

Ngunit nanumbalik sa kasalukuyan ang kanyang kamalayan. Nakalulungkot at nakadidismaya ang imahen na bumungad sa kanila. Ang akala niya'y sa Polesin at iba pang probinsya makikita ang mga gano'ng tagpo. Sa kanyang imahinasyon—at base sa kanyang mga narinig—maganda ang buhay sa Polarcus—mapayapa, malinis at masagana. Hindi niya inasahan na may nagkukubling mukha ng kahirapan sa mismong kabisera.

"Bakit may mga taong natutulog sa bangketa?" tanong ni Aya sabay turo sa daanan. Lumingon din doon ang mga kasama niya. "Hindi ba't maganda ang buhay rito sa Polarcus? Kung oo, 'di ba dapat lahat ay may bahay na tinitirhan, may makakain, at may maayos na kasuotan?"

"Ah!" Napakamot ng ulo ang gabay, tila hindi alam kung paano sasagutin 'yon. "Marami kasing mga taga-probinsya na pumupunta rito sa Polarcus, umaasa na giginhawa ang kanilang buhay. Sa sobrang dami, hindi na kayang tugunan ng siyudad ang pangangailangan ng bawat tao rito. Wala nang bakanteng pabahay. Nagkakaubusan ng mga rasyon. Tumataas ang bilang ng mga krimen—"

"'Di ba kayang gawan ng paraan 'to ng gobyerno?" Si Miro ang sumunod na nagtanong. "Gaya sa probinsya namin. Ganito rin ang eksena. Parang pinababayaan na kami."

"Hindi natin alam na maging sa mismong kabisera, pinababayaan ang mga mamamayan," dugtong ni Elio, napapalatak pagkatapos. "Siguradong masarap ang kinakain ng mga maharlika at aristokrata araw-araw. Paano nila nasisikmura ang katotohanang may kababayan silang naghihirap hindi lamang sa mga probinsya, kundi maging sa sariling bakuran nila?"

Pilit na ngumiti ang gabay, halos nangawit na ang kanyang bibig. Mukhang hindi niya inasahan na ang paglilibot ay magsisilbing tanungan tungkol sa tunay na lagay ng siyudad.

"Ginagawa ng gobyerno, lalo na ng Senado, ang kanilang makakaya para tulungan ang mga kababayan natin," palusot niya. "Kaso sobrang dami talaga ng problemang kailangang tugunan. May mga sariling problema na nga tayo, dumagdag pa ang pagkamatay ng hari at ang pag-atake sa Senado. 'Tapos meron pang digmaan sa ibang kontinente. Ayaw man natin o hindi, naiipit din tayo ro'n. Kung kayo siguro ang nasa posisyon ng mga senador at ng ibang opisyal, malilito rin kayo kung alin ang dapat unahin."

Madaling magsalita kapag wala sa posisyon. Madali ring sabihin kung ano ang dapat gawin, kung ano ang dapat gawing priyoridad. Ngunit kapag nando'n na sa mismong sitwasyon, doon pa lamang mapagtatanto na hindi pala gano'n kadali. 'Yan ang isa sa mga bagay na natutuhan ni Aya habang nag-aaral siyang kontrolin ang kanyang kapangyarihan. Sa unang tingin, mukhang madaling magpalabas ng bolang tubig. Ngunit noong siya na mismo ang gumawa, nahirapan siya.

Kung totoo mang natambakan ng trabaho ang mga opisyal kaya hindi nila masolusyunan ang mga problema na harap-harapan silang kinakawayan, maiintindihan pa niya. Ngunit kung sinasadyang balewalain ang mga suliranin, lubos ang magiging pagkadismaya niya.

Napahawak si Aya sa kanyang upuan. Napansin niyang paakyat na ang karwahe dahil biglang umangat ang unahan nito.

"Nandito na tayo sa residensyal na bahagi ng Polarcus," sabi ng bantay. "Dito naman ang lugar ng mga maykaya sa buhay. Mas maayos, mas payapa at mas tahimik dito kumpara sa poblasyon."

Agad na nabaling ang tingin ni Aya sa bangketa. Kung kanina'y may mga nakita siyang palaboy-laboy, ngayo'y wala na. Tanging mga taong naglalakad, nagkukuwentuhan at nagtatawanan ang napansin niya. Parang nabura bigla ang mahihirap na bumati sa kanila.

Paakyat nang paakyat ang karwahe hanggang sa nagpantay ang balanse nito. Sumalubong kay Aya ang malalawak at malalaking gusali na yari sa marmol. Ibang-iba ang panlabas na disenyo kumpara sa mga nadaanan kanina. Sa pinaka-gitna, nakatayo ang higanteng estatwa ng nilalang na walang mukha at nakabukas ang parehong palad.

"'Yan ang monumento ni Arcanus," nakatingalang sabi ng gabay. "May mga kuwento noon na gagalaw raw ang estatwa niya kapag nalagay sa matinding sakuna ang Polarcus. Hindi ko alam kung may katotohanan 'yon, pero ramdam namin dito na binabantayan niya kami."

"Wow . . ." bulong ni Aya habang nakatingala sa ulo ng monumento. Maging ang mga kasama niya'y namangha sa arkitektura. Dati'y naririnig lamang niya ang mga kuwento tungkol kay Arcanus. Wala siyang ideya kung ano ang itsura nito. Dahil sa estatwa, nagkaroon na siya ng ideya.

"'Yon naman ang Senado na inatake kamakailan lamang." Itinuro ng gabay ang malaking gusali na may mga pinsala. Natatakpan ng trapal ang ilang bahagi nito. May mga trabahador na kinukumpuni ang mga sira. "Sa ngayon, sa Central Library muna nagpupulong ang mga senador. Hay! Medyo gumulo ang politika nitong mga nakaraang araw."

Nagpatuloy ang karwahe hanggang sa dumaan ito sa harapan ng Palasyo. Malayo man, kitang-kita ni Aya kung gaano ito kaenggrande at kalawak. Ang mga disenyo sa tarangkahan at pader ay napaka-komplikado ngunit magandang pagmasdan.

"'Yan ang Palasyo kung saan nakatira ang ating Kamahalan at kanyang pamilya," turo ng gabay. "Hindi pa ako nakapapasok diyan, pero sabi ng mga kakilala kong nakabisita na, nakalulula raw ang ganda sa loob! Siguro kung bibigyan ako ng parangal ng bagong hari, baka magkaroon na ako ng pagkakataon."

Dumeretso ang karwahe sa kabilang banda ng pangunahing kalsada, patungo sa isang malaking gusali malapit sa dambuhalang estraktura na pabilog ang hugis.

"At diyan gaganapin ang torneo." Itinuro 'yon ng gabay. "'Yan ang tinatawag naming Colosseum, ang pinakamalaking arena hindi lamang sa Arcerea, kundi maging sa buong mundo. Kaya niyang magpapasok ng hanggang halos sandaang-libong tao, halos sang-lima ng populasyon ng Polarcus."

Napanganga si Aya sa lapad at taas n'on. Ngayon pa lamang siya nakakita ng ganitong kalaking gusali. Napalunok siya ng laway nang naalala niya ang patimpalak na kanilang sasalihan. Doon niya makakalaban ang mga sugo ng ibang puweblo.

"Kung gano'n, magsisilbi tayong pang-aliw sa mga mamamayan ng Polarcus?" tanong ni Miro. "Panonoorin nila tayong magpakitang-gilas at makipagkompetensya sa mga kauri natin."

"Parang mga hayop na panonooring gumawa ng kamangha-manghang bagay habang nasa isang malaking kulungan," dagdag ni Elio. "Hanep ang ideyang 'yon, ah?"

"Naging mabait naman ang Kaharian sa inyo, kaya marapat na magpakita kayo ng kaunting pasasalamat, kahit na sa anyo ng pang-aaliw sa mga tao," pilit-ngiting tugon ng gabay. "Dala na rin ng sunod-sunod na kamalasan sa siyudad na 'to, makatutulong ang torneo para pansamantalang makalimutan ang mga trahedya nitong nakaraan."

Kumuyom ang mga kamao ni Aya. Alam niyang hindi gano'n kataas ang tingin sa kanila ng mga taga-kabisera, ngunit hindi niya inasahan na gano'n pala kababaw. Parang laruan na ipinabili mula sa malayo ang turing sa kanila. At ang kanilang layunin ay maibsan ang kalungkutan at pangamba ng mga tao.

Ngunit nagpapasalamat din siya kahit gano'n ang magiging tingin sa kanila ng mga tao. Nagkaroon siya ng pagkakataong makapunta sa kabisera at hanapin ang ate niya.

At doon niya naalala kung ano ang isa sa mga pakay niya rito.

"Alam n'yo ba kung saan makikita ang sikat na arcane tracker dito sa siyudad?" tanong ni Aya. Napalingon sa kanya si Miro. "Lucius yata ang pangalan niya, kung tama ang pagkakatanda ko."

"Ah, si Lucius!" Nagliwanag ang mukha ng gabay, saglit na nanlaki rin ang mga mata. "Oo naman! Sikat na sikat kaya siya sa capitol constabulary at sa garrison ng siyudad. Lagi siyang tumutulong kapag may problema kami."

"Totoo po bang magaling siya sa paghahanap ng mga nawawalang tao?"

"Oo naman! Kapag may hinahanap kaming kriminal o puganteng nakatakas mula sa kulungan, siya ang pinupuntahan namin. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa 'yon, pero likas yata talaga sa kanya ang pagiging magaling do'n."

Hindi napigilan ni Aya na mapangiti. Mahihirapan siyang hanapin ang kanyang ate kung mag-isa siya o kahit na may tatlo pa siyang kasama. Ngunit kung may ekspertong tutulong sa kanya, baka agad na mahanap si Mayumi.

"Saan po siya makakausap?"

"Doon sa uptown district, sa pampitong kanto. Hindi ko alam kung paano eksaktong ilalarawan sa 'yo, pero kapag nagtanong-tanong ka ro'n, tiyak na ituturo ka nila sa tamang lugar. Sikat kaya siya!"

Huminto na ang karwahe sa tapat ng gusali na may tatlong palapag at ilang ektarya ang lawak. May mga disenyo ng merlion sa bawat sulok nito. Unang bumaba si Aya, sumunod ang mga lalaki. May nakaabang na sundo sa entrada. Nagpaalam na ang gabay bago umalis ang karwaheng sinakyan nila.

"Maligayang pagdating sa Polarcus!" bati ng matandang lalaki. "Malamang napagod kayo sa biyahe kaya kailangan n'yo munang magpahinga. Sumunod kayo sa 'kin."

Walang tanong na bumuntot ang apat sa pagpasok sa gusali at pag-akyat sa hagdan. Kumanan at kumaliwa sila sa mga pasilyo hanggang sa marating ang mga kuwarto. Tig-isa-isa sila ng silid.

"Sana'y magustuhan n'yo ang inyong pananatili rito," sabi ng matandang lalaki. "Bukas, may darating na tagapangasiwa ng torneo na siyang magbibigay ng mga paalala sa inyo."

Pumasok na si Aya sa kanyang kuwarto, maging ang tatlo niyang kasama sa kani-kanilang silid. Bumungad sa kanya ang malaking kama, mesa't upuan sa gilid, at aparador na puno ng damit panlalaki at pambabae sa sulok. Binuksan niya ang isang pinto. Pumasok siya sa banyo na malawak ang espasyo at may sabong nakahuhumaling ang amoy. Paglabas niya ro'n, binuksan niya ang isa pang pinto na patungo sa balkonahe. Nanlaki ang mga mata niya at napanganga pa siya nang nakita ang tanawin. Tanaw na tanaw mula sa kinatatayuan niya ang halos buong Polarcus, mula sa colosseum hanggang sa pinaka-bukana ng siyudad.

Sana, nandito si ate. Dapat si ate ang nandito. Ang pagkamangha niya, napalitan ng lungkot. Habang iginagala niya ang tingin sa siyudad, doon niya napagtanto kung gaano kahirap hanapin ang isang tao. Kahit na hingin niya ang tulong ng pinakamagaling na tracker, baka hindi rin maging madali ang paghahanap sa kanyang ate.

Bumalik na siya sa loob ng kuwarto at humiga sa malambot na kama. Nanibago siya sa pakiramdam dahil hindi gano'n kakomportable ang hinigaan niya nitong mga nakaraang araw, hindi rin gano'n ang hinigaan niya sa puweblo ng Polesin.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nanalangin na sana'y makita na niya ang kanyang hinahanap.



GABI NA nang muling namulat ang mga mata ni Aya. Lumabas siya sa balkonahe at tiningnan ang kalawakan ng siyudad. Kung kanina'y namangha siya, ngayo'y mas namangha pa siya dahil sa mga ilaw na nakakalat sa harapan niya. Pinaka-maliwanag sa kanyang tabi, at medyo madilim na sa bandang dulo.

"Aya!"

May kumatok sa pinto ng kuwarto na agad naman niyang pinagbuksan. Naghihintay sa labas ang tatlong kasama niyang lalaki na iba na ang suot na damit. Napatingin si Aya sa sarili at napansin na kung ano ang suot niya pagdating dito, 'yon pa rin ang suot niya ngayon.

"May hapunan daw tayo kasama ang iba pang kinatawan mula sa ibang puweblo," sabi ni Miro. "Baka nando'n na ang taong makapagbubukas sa sulat ni Punong Generoso?"

"S-Sige. Ayos lamang ba sa inyo kung paghihintayin ko kayo nang kaunti?" tanong ni Aya. "Nakahihiya naman kung ito pa rin ang suot ko o kung hindi ako maliligo."

"Walang problema sa amin," nakangiting sagot ni Avel.

"Maraming salamat sa pag-unawa!" Isinara na ni Aya ang pinto at dumeretso sa banyo.

Agad niyang inalis ang suot na damit at dinama ang malamig na tubig mula sa gripo. Habang inaamoy-amoy niya ang ipinapahid na sabon sa katawan, naisipan niyang subukan ang kanyang kontrol sa tumutulong tubig. Naghugis-bola 'yon na ipinalutang-lutang niya sa paligid. Iniangat niya sa taas ng kanyang ulo bago pinakawalan. Nabuhos mula sa buhok hanggang paa ang tubig.

Hindi na masyadong nagtagal sa palikuran si Aya. Makalipas ang ilang minuto, lumabas na siya ng banyo. Basa pa ang kanyang katawan, nakalimutan kasi niyang magdala ng tuwalya bago naligo. Ngunit sa isang kumpas ng kamay niya, naalis ang basa sa balat niya. Nagtungo siya sa aparador at naghanap ng damit na maisusuot.

Pagbukas niya ulit ng pinto, nakaabang pa rin ang tatlong lalaki. Napatingin sila mula ulo hanggang paa, tila nahumaling sa itsura niya. Ibang-iba ang dating niya ngayon kumpara nitong mga nakaraang araw.

"Tara na?" yaya ni Aya. Tumango ang tatlo. Sabay-sabay na bumaba sa hagdanan ang apat.

Sa kamamadali, nakarating agad nila ang bulwagan kung saan may ibang taong nakaupo sa mga pabilog na mesa. Natuon ang mga pares ng mga mata sa kanilang direksyon lalo na noong sila'y pumasok. Iginala ni Aya ang tingin para maghanap ng mga bakanteng mesa at upuan. Ngunit ang lima na nandoon ay okupado na. Isa na lamang ang may natitirang apat pang bakanteng upuan.

"Dito!" tawag ng lalaking nagtaas ng kamay. Kumpara sa apat na bagong dating, mas kayumanggi ang kanyang balat. Kapansin-pansin din ang mga peklat sa pisngi nito. Nagkatinginan muna ang apat bago sila tumango at nagtungo roon. Umupo si Aya sa kaliwa ng lalaking nakatali ng bandana ang buhok habang nasa kanan nito si Avel. "Taga-Polesin kayo, 'no?"

"Paano mo nalaman?" tanong ni Miro.

"Kayo na lamang ang wala rito, eh," nakangising sagot ng lalaki bago iniabot ang kanang kamay. "Ako nga pala si Vedasto, isa sa mga kinatawan ng puweblo ng Pach. Ikinagagalak ko kayong makilala."

Isa-isa niyang kinamayan ang mga sugo ng Polesin. Nang kamayan siya ni Aya, kinindatan siya nito na tila may pahiwatig.

"Nasaan ang mga kasama mo?" Lumingon si Miro sa ibang mesa. Nakamasid sa kanila ang ibang sugo. "'Di ba dapat doon ka nakaupo, hindi rito? Pang-apat na tao lamang ang bawat mesa, pero inilagay mo ang upuan mo rito."

"Gusto kong makipagkaibigan sa mga kapwa ko sugo," sagot ni Vedasto. "May masama ba ro'n? Sawa na rin ako sa boses at pagmumukha ng mga kasama ko. Ilang taon na kaming magkakilala."

"Makipagkaibigan?" Natawa si Elio. "Hindi mo na kailangang magsinungaling sa amin. Alam naming nandito ka para kumuha ng impormasyon na magagamit n'yo kapag nagkaharap na tayo sa colosseum."

Lalong lumawak ang ngisi ni Vedasto, sandaling nagawi sa ibang direksyon ang tingin. "Gano'n ba ang tingin n'yo sa 'kin? Sa 'min? Mga kaaway n'yo?"

Tumahimik ang apat, walang kumibo sa ilang sandali. Para kay Aya, hindi kaaway ang tingin niya sa iba pang kinatawan. Sa mismong torneo, oo. Ngunit sa labas nito, maaari silang maging magkaibigan.

"Siya nga pala . . . Alam n'yo ba kung anong uri ng ibon ang may ganito?" tanong ni Vedasto sabay ng labas ng kulay asul na balahibo. "Tanging sa Pach n'yo lamang makikita ang ganitong klase ng ibon. Mahilig silang magtago sa matatayog na puno kaya mahirap silang hulihin."

Nanlaki ang mga mata ng apat at mabilis na nagpalitan ng tingin. Tumango si Miro kay Avel na agad naglabas ng kapirasong papel—ang liham mula kay Punong Generoso. Iniabot niya 'yon sa bagong kakilala. Heto na ang taong kanilang hinahanap.

Sumenyas muna si Vedasto sa isang babae na nasa kabilang mesa. Sandali itong umihip ng hangin. Makalipas ang ilang sandali, idinampi niya ang palad sa selyo. Biglang nawala ang mga pananda.

"Masyadong masikreto ang puno n'yo," bulong niya pagkabukas ng sulat. May inilabas siyang apat na maliliit na papel na sing-laki ng iniabot sa kanya. "Kung sa bagay, hindi pwedeng mapasakamay ng ibang tao ang mga sulat na 'to. Huwag kayong mag-alala, walang ibang makaririnig sa sinasabi natin. Ginawan na 'yan ng paraan ng kasama ko."

"Kaya niyang kontrolin ang tunog?" tanong ni Avel. Isang ngiti lamang ang isinagot ng kausap.

Napansin ni Aya na kapag pinagsama-sama ang limang papel, magpapakita at mabubuo kung anumang mensahe ang nakatago roon.

"Huh!" Lalong lumawak ang ngisi sa mukha ni Vedasto. "Sabi na nga ba. Heto ang gustong mangyari ng mga puno natin."

"A-Ano'ng nakasulat diyan?" tanong ni Aya.

"Dalawampung kuting ang inalay, na ipinadala sa lungga ng kaaway," basa ni Vedasto. "Sa tamang panahon, mga pangil at kuko'y ilalabas. Sa mga maharlikang leyon, sila ang magwawakas."

Kumunot ang noo ni Aya, napaisip sa bawat linyang binanggit sa kanila.

"Magpanggap na magkaaway sa harap ng madla. Pagkatalikod, ang binhi ng himagsikan ay ating ipupunla," sunod na basa ni Vedasto. "Gamitin ang kapangyarihan para sila'y mawala. Sa inyong tagumpay, tayo'y makalalaya na sa tanikala."

Hindi lamang si Aya ang natulala, maging ang mga kapwa niya sugo. Hindi niya inasahan ang laman ng mga sulat. Ang buong akala niya'y naparito siya para ipanalo ang kanilang puweblo. Ngunit hindi pala 'yon ang plano ng kanilang puno at ang puno ng iba pang kasama nila rito.

"Kung gano'n," hininaan ni Miro ang boses niya, "ipinadala tayo rito hindi para kalabanin ang mga taga-ibang puweblo, kundi para . . ." Hindi na niya nagawang ituloy ang balak na sabihin.

"Sa una pa lamang, hindi naman talaga tayo ang magkalaban." Tiningnan ni Vedasto ang mga hawak na papel hanggang sa tuluyang maging abo ang mga 'yon. "Tayong lahat na nasa bulwagan na 'to ay mga biktima. Ang mga mahal natin sa buhay na iniwan natin sa puweblo ay mga biktima rin. Baka ito na ang tamang panahon para gawing patas ang lahat. Para maipaghiganti ang ating mga ninuno."

"Isang malaking pagkakamali ang torneo na 'to," sabi ni Aya. "Pinagsama-sama nila tayo sa pag-aakalang kakalabanin natin ang isa't isa. Ang hindi nila alam, ang kakalabanin natin . . . ay sila."

At heto na ang huling POV chapter ni Malaya para sa librong ito. Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito? Ibahagi ang inyong komento rito sa comment section o sa Twitter gamit ang hashtag na #ArcaneWP!

पढ़ना जारी रखें

आपको ये भी पसंदे आएँगी

MORIARTEA akosiibarra द्वारा

रहस्य / थ्रिलर

4.2M 135K 16
Meet the detectives of the Moriartea Cafe. Cover artwork by @CryAllen
Alpha Omega Yam द्वारा

काल्पनिक

10.4M 479K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #03 ◢ Alpha Omega - refers to the twelve demigods destined for the upcoming rebellion. The world has changed. Time has stopped an...
Zugzwang: The Final Pact bambi द्वारा

रहस्य / थ्रिलर

2.3M 83.7K 39
Pact Series #3 | "Think like a knight, act like a pawn"
1.4M 45.2K 39
|SELF-PUBLISHED| Book 1: The Student Council's Secret is based on my ChanBaek One Shot story, On Top and Underneath and Inside and Outside. If you ha...