HE'S INTO HER Season 3 | COMP...

By maxinejiji

237M 4.6M 11.3M

This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such a... More

He's into Her Season 3
CHAPTER 171
CHAPTER 172
CHAPTER 173
CHAPTER 174
CHAPTER 175
CHAPTER 176
CHAPTER 177
CHAPTER 178 : ACQUAINTANCE PARTY
CHAPTER 179
HE'S INTO HER SERIES ON NETFLIX
CHAPTER 180
CHAPTER 181
CHAPTER 182
CHAPTER 183
CHAPTER 184
CHAPTER 185
CHAPTER 186
CHAPTER 187
CHAPTER 188
CHAPTER 189
CHAPTER 190
CHAPTER 191
CHAPTER 192
CHAPTER 193
CHAPTER 194
CHAPTER 195
CHAPTER 196
CHAPTER 197
CHAPTER 198
CHAPTER 199
CHAPTER 200 : THE UNEXPECTED 1
CHAPTER 201 : THE UNEXPECTED 2
CHAPTER 202
CHAPTER 204
CHAPTER 205
CHAPTER 206 : FAITH
CHAPTER 207
CHAPTER 208 : THE SUFFERING
CHAPTER 209 : THE SUFFERING
CHAPTER 210 : THE SUFFERING
CHAPTER 211
CHAPTER 212
CHAPTER 213
CHAPTER 214 (PRIVATE)
CHAPTER 215
CHAPTER 216
CHAPTER 217
CHAPTER 218
CHAPTER 219 : THE VENGEANCE 1
CHAPTER 220 : THE VENGEANCE 2
CHAPTER 221 : THE VENGEANCE 3
CHAPTER 222 : THE VENGEANCE 4
CHAPTER 223 : THE VENGEANCE 5
CHAPTER 224 : THE VENGEANCE 6
CHAPTER 225 : THE LAST VENGEANCE
CHAPTER 226 : THE TRUTH 1
CHAPTER 227 : THE TRUTH 2
CHAPTER 228 : THE TRUTH 3
CHAPTER 229 : THE TRUTH 4
CHAPTER 230 : THE FINAL TRUTH
CHAPTER 231 : TORMENT
CHAPTER 232
CHAPTER 233
CHAPTER 234
CHAPTER 235
CHAPTER 236
CHAPTER 237 : THE END PART 1
CHAPTER 238 : THE END Part 2
CHAPTER 239 : THE END Part 3
CHAPTER 240 : THE FINAL ENDING
HE'S INTO HER
TAGURO and SENSUI
EPILOGUE

CHAPTER 203

2.4M 53.4K 98.9K
By maxinejiji

DEIB'S POV

"DEIB LOHR..."

Nagising ako sa pamilyar na tinig ng isang babae. Malakas 'yon at ume-echo hindi lang sa pandinig ko kung hindi sa buong lugar na hindi ko matunton pero kinaroroonan ko ngayon.

"Deib Lohr..."

Ang tinig ay papalapit nang papalapit sa 'kin. Tumingin ako sa likuran ko pero wala akong nakita.

"Deib Lohr..." Mas naging malakas na iyon at gano'n na rin ang echo. "Deib Lohr..."

Nagliwanag ang harapan ko na halos masilaw ako. Naisangga ko ang kamay ko at nang masanay ang mata ko ay unti-unti ko 'yong tinanggal.

"Deib Lohr..," nakangiting pagtawag ng pamilyar na ginang.

Napamaang ako, hindi agad nakasagot. Napakaliwanag niya at mas pinaliliwanag pa dahil sa suot na kulay puti. Nililipad nang bahagya ang buhok at damit niya habang ang mga paa't kamay ay animong lumalangoy sa ere. Hindi ako makapaniwala. Gusto kong isiping nananaginip lang ako pero nararamdaman kong gising ang aking diwa.

"Deib Lohr, apo ko," muling sambit niya.

Hindi ko maiwasang mamangha dahil hindi bumubuka ang bibig ni niya pero naririnig ko ang tinig niya. Para kaming nag-uusap gamit ang isip.

Pero lalo akong namangha nang matitigan siyang maigi. "Lola...?" halos patanong kong itinawag.

Hindi ako makapaniwalang nasa harap ko siya ngayon. Siya ang lola ko, ang mommy ng daddy ko at asawa ng Lolo Dei Min ko. At mas hindi ako makapaniwala dahil noon ko lang napansing maging ang bibig ko pala ay hindi rin bumubuka. Pero maririnig ang boses ko, ako mismo ay naririnig ang sarili ko.

"Lola?"

"Ako nga," nakangiti niyang sabi.

Natigilan ako. Hindi pa rin ako makapaniwala. Gusto kong matakot pero wala akong maramdaman ni kaba. Gusto kong magtaka pero mapayapa ang isip ko. Maging ang puso ko ay sumasang-ayon sa kung ano ang nasa harapan ko ngayon. Wala akong ibang maramdaman sa dibdib kung hindi saya, paulit-ulit at nadaragdagang saya. Wala akong literal na naaamoy pero sa isip ko ay alam kong nangamoy bulaklak ang paligid nang makita ko siya. Kilala ko ang sarili ko pero bukod sa akin at kay lola na nasa harapan ko ngayon ay wala akong ibang makilala. Wala akong ibang maalala.

"Masaya ang pakiramdam, hindi ba?" tanong niya. Lalong sumaya ang dibdib ko pero ang isip ko ay gustong magtanong. "Wala ka nang mararamdaman pang sakit."

"Bakit ako nandito, lola? At nasaan ako?"itinanong ko pa rin 'yon nang hindi ibinubuka ang bibig, gaya niya ay isip ko ang nagsasalita para sa akin.

Iginala ko ang paningin at wala akong ibang makita kundi liwanag na hindi naman nakasisilaw. Panay puti ang paligid.

"Nasa langit na ba ako?"

"Hindi, apo," mas ngumiti siya.

"Nasaan ako, lola?"

"Nasa harap ko."

"Bakit ako nandito, lola?"

"Dahil sobra na ang paghihirap mo," ngumiti siya ngunit may iba pang mababasa sa mukha niya bukod sa saya.

"Lola..."

Gustong-gusto kong matakot pero kahit anong gawin ko ay hindi ko talaga 'yon maramdaman. Nararamdaman kong gising na gising ang diwa ko kaya hindi pwedeng mangyari ang unang bagay na nasa isip ko kung nasa'n ako ngayon. Pero hindi ko magawang kumilos. Nakakahinga ako pero parang may nakabara. Hindi normal ang sistema ko pero gustuhin ko mang magtanong ay parang alam ko naman na ang sagot. Iyan lang ang kaya kong ipaliwanag sa kasalukuyan kong nararamdaman.

"Ano ang nangyayari, lola?" inosente kong tanong. Hindi agad siya sumagot at matagal na ngumiti sa 'kin.

"Ang Chairman, Deib Lohr," dagdag niya. "Siya ang makasasagot sa lahat ng katanungan mo, apo ko. Hindi ka nababagay sa lugar na ito dahil marami ka pang dapat na gawin. Sundin mo ang puso mo, apo, may parating nakaalalay sa 'yo."

"Lola, hindi ko maintindihan."

"Darating ang panahong maiintindihan mo ang lahat ng bagay. Sundin mo lang ang puso mo. Ang lahat ay nakaayon sa plano."

"Lola..." Tawag ko nang unti-unti ay lumayo siya.

"Marami ang nagmamahal sa 'yo, apo ko. At isa na ako sa mga iyon," dagdag niya hanggang sa tuluyang nawala.

Doon ay bigla ko na lang nahugot ang aking hininga. Sa isang iglap ay nagmulat ako. Tumambad sa 'kin ang mas nakakasilaw na liwanag. Naipikit ko uli ang mga mata ko at noon ko naramdaman ang sakit sa iba't ibang parte ng katawan ko.

"The patient is revived!" tinig ng isang lalaki.

"Deib Lohr! Sesanghe! Hijo! Thank God!" nangibabaw ang boses ni Chairman. Umiiyak at parang nagkaroon nang matinding pag-asa.

Hindi ko magawang sumagot o kumilos man lang. Mata ko lang ang naigagalaw ko at tanging kisame lang ang aking nakikita. Nararamdaman ko ang pagkilos ng paligid ko maging ng mga taong nasa tabi ko. Ni isa sa kanila ay hindi ko magawang intindihin. Nanunuot ang sakit sa buong katawan ko at hindi ko magawang isigaw ang pakiramdam no'n. Sobrang sakit! Pakiramdam ko ay bugbog na bugbog ang katawan ko at ang dibdib ko, iyon ang pinakamasakit. Bumibilis at bumabagal ang tibok, gumuguhit ang sakit at napapapikit na lang ako dahil gustuhin ko man ang sumigaw ay masyado akong mahina para gawin 'yon.

Naramdaman ko ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha ko sa magkabilang mga mata. Ang mga kamay ko ay parehong nanginginig at halos hindi ko na maramdaman sa akin ang katawan ko. May parteng namamanhid at may parte namang matindi ang sakit. Hindi ko na alam kung ano ang gusto kong maramdaman sa mga iyon. Dahil sa oras na 'yon ay nagpapasalamat ako at buhay ako.

Lola...

Gusto kong tingnan si Chairman. Gusto ko nang sabihin sa kaniya ang nakita ko, sa panaginip man iyon o kung saan. At saka ko siya tatanungin kung ano ang kahulugan no'n. Pero masyado akong nanghihina. Pahina pa nang pahina hanggang sa sumuko ang katawan ko at muling makatulong na lang.

Namamanhid ang pakiramdam ko nang unti-unti ay imulat ko ang aking mga mata. Malamlam ang ilaw, hindi kasinliwanag nang huli akong magmulat. Agad ay naramdaman ko uli ang masasakit na parte ng kawatan ko. Gano'n pa rin katindi ang sakit sa dibdib ko. Bumibilis ang tibok no'n at biglang babagal, pinahihirapan akong huminga na animong hingal na hingal. Naigalaw ko ang kamay ko pero hindi ko 'yon magawang iangat. Gusto kong hawakan ang dibdib ko dahil sobrang sakit.

Taguro...

Gusto kong magsalita pero maging ang ibuka ang aking bibig ay hindi ko magawa. Hindi na maipinta ang mukha ko, tuyong-tuyo ang bibig ko at nanghihina ang buo kong katawan. Masakit sa labas at nanunuot hanggang sa loob.

Siya ang kauna-unahang tao na pumasok sa isip ko at gusto ko na agad na maluha. Ngayon pa lang ay naiisip ko na kung magagawa niya pa kaya akong tanggapin? At gaya ng mga naiisip ko sa t'wing mag-aaway kami, gusto kong malaman kung ano ang iniisip niya. Gusto kong alamin kung ano ang nararamdaman niya. Paniguradong hindi niya gusto ang kaniyang nakita. Hindi ko na aasahang mawawala agad ang galit niya. Pero gusto kong kami pa rin. Kung hindi ko kayang malayo sa kaniya ay mas hindi ko kayang tanggapin ang katotohanang hindi na kami magkakabalikan pa.

Ngayon ay hindi ko alam kung sino ang sisisihin ko. Kahit yata meron akong masisisi ay hindi ko na rin gagawin pa. Dahil hindi naman na no'n mababago ang nangyari na. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang maging ganito kagulo ang lahat. Parang mas gusto ko pa yatang bumalik sa sitwasyon ko kanina kung saan wala akong ibang nararamdaman kundi saya.

"Deib Lohr? God! He's awake!" boses ni Noona 'yon, mabagal kong hinanap kung nasa'n siya.

Pero hindi ko pa man siya nakikita ay naibaon ko na ang aking ulo sa unan nang muli ay kumalabog ang puso ko. Kaunting pagkilos palang iyon ay gano'n na ang naging reaksyon sa dibdib ko.

Mabilis na nangilid ang luha ko. Noon ay nagawa ko nang iangat ang kamay ko, gusto kong humingi ng saklolo. Mabilis na lumapit sa 'kin si mommy. Hindi ko na napigilan ipakita sa kaniya ang pag-iyak ko. Sobrang sakit na parang bawat ugat na konektado sa puso ko ay isa-isang naapektuhan.

"M-Mom..." Tumawag ako pero parang ako lang ang nakarinig sa aking sarili. May bagay na nakaharang sa ilong at bibig ko, pinagiginhawa ang aking paghinga pero mahirap pa rin. Kulang na kulang, masakit na masakit.

"Deib Lohr, anak," umiiyak ani mommy, hinawakan nang mahigpit ang kamay ko at inilapit 'yon sa pisngi niya.

Nagtitigan kami, paniguradong nakita niya akong lumuluha. Bahagya niyang inalis ang mask sa mukha ko dahilan para magawa kong magsalita.

"'Yong p-puso ko, mommy..." Pakiramdam ko ay para akong bata na nagsusumbong sa kaniya kung alin at nasa'n ang masakit sa akin. Gano'n na gano'n ako no'ng maliit. Pero ang mommy ko ay hindi na gano'n ngayon. Dahil kung noon ay pinalalakas niya ang loob ko, ngayon ay parang mas mahina pa siya sa 'kin.

Nanlaki ang mga mata niya. "Ano? Does it hurt, anak? Where? Which part?" nag-aalalang tanong niya, naghihisterya at hindi agad malaman kung ano ang gagawin. "Dein! Call the doctor now!" sigaw niya. "Anak, saan ang masakit? Saan? Ituro mo kay mommy."

Pero hindi ko nagawang sumagot. Sobra akong nanghihina talaga at ang ipinagpapasalamat ko na lang ay nagawa ko iyong masabi. Masakit na masakit ang puso ko at noon ko lang 'yon naramdaman. Hindi ko pa 'yon naramdaman noong hindi pa ako naooperahan, ang sakit na iyon ay nasisiguro kong ngayon lang. Malayo sa naramdaman ko no'ng bata ako at mas malayo sa naramdaman ko nitong mga nakaraan. Mas matindi na 'yon at ako mismo ay natatakot. Kung nagagawa akong panghinain nito ay hindi malabong kunin nito ang buhay ko. Hindi ko na nagawang hintayin pa ang doktor. Dahil muli ay nawalan ako ng malay sa sobrang panghihina at sakit na nararamdaman.

Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatulog. Halos buong araw na siguro akong natutulog.

"Kung gano'n, Mrs. Enrile, sa ikalawang pagkakataon ay kailangan niyang maoperahan,"narinig ko ang mahinang tinig ng lalaki. Kasunod no'n ay ang paghagulgol ni mommy. "Hindi na maganda ang lagay ng puso niya, mahina na masyado para labanan ang kaniyang sakit. His heart is getting weaker and weaker every passing day."

Gusto kong maiyak sa oras na 'yon. Dinig na dinig ko ang katotohanan sa sitwasyon ng puso ko. Natatakot ako nang sobra. Kailangan kong mabuhay. Gusto ko pang mabuhay. Hindi lang para sa sarili ko kundi para sa mga taong mahal ko. Pero kung ganito ang lagay ko, paano ko magagawa 'yon? Kung sa t'wing titindi ang sakit ay umaabot iyon hanggang sa likuran ko paibaba na sa katawan ko. At lalo pang tumitindi at mas pinahahaba ang paghihirap ko. Pinanghihina ako lalo hanggang sa bumigay ang katawan ko. At wala na akong magawa kundi ang muling makatulog para kahit papaano ay maipon ang lakas ko.

"Kulang ang mga gamit natin dito para gawin ang operasyon, Chairman Enrile," magalang at malungkot na balita ng lalaki ang muling gumising sa akin. Nasisiguro kong doktor 'yon. "Mas maiging dalhin ninyo siya sa ospital kung saan ninyo siya dinala noon. Nasisiguro kong may records pa doon si Deib Lohr."

"Sesanghe," naibulong na lang ng Chairman.

"Hanggang kailan?" mahinang tanong ni daddy, pinalalakas ang loob.

"Sa lalong madaling panahon, Mr. Enrile."

"Thank you, doc," napabuntong-hininga si daddy.

Pinilit kong igalaw ang ulo ko para makita ang kinaroroonan nila. Nakita ko sila sa pintuan, nakapalibot sa isa't isa at tahimik na nag-uusap. Nakita ko pa nang tapikin ng doktor ang balikat ng daddy ko at saka lumabas ng kwarto. Si Chairman na natanggal mula sa pagkakakrus ang mga braso at naihilamos sa mukha ang kamay. Si mommy naman ay panay na ang paghagulgol sa dibdib ni daddy na inaalo naman ito.

"Sana ay mapunta na lang sa akin 'yong sakit niya," umiiyak na sabi ni mommy na lalong nakapagpaluha sa akin habang nakikinig. "Sana ay ako na lang ang naghihirap. Hindi ko kayang makita ang anak kong nahihirapan at nasasaktan nang paulit-ulit, Lohrton. Mas nasasaktan ako."

"Sshh, sshh," walang nagawa si daddy kung hindi ang patahanin siya.

Hindi ko malaman kung bakit sa kabila nang nakalulungkot na balitang iyon ay mas malungkot pa ro'n ang nararamdaman ng puso ko. Pakiramdam ko ay umiiyak ito at nagdurusa. Alam ko ang kulang pero parang wala na akong karapatang maghanap pa.

Gustong-gusto kong magsumbong sa 'yo, Taguro. Hindi ko na naman napigilan ang pamumuo ng mga luha. Pero hindi ko na alam ngayon kung paano. Gustong-gusto kong sabihin at idetalye sa 'yo ang lahat ng ginawa nila sa 'kin. Pero inalis mo na ang karapatan ko sa 'yo. Bukod do'n ay galit ka sa 'kin at hindi mo na ako tatanggapin. Paano ako lalaban nito kung ikaw mismo ang nawala sa 'kin, Taguro? Marami akong dahilan pero ikaw ang pinakamagandang dahilan sa lahat nang 'yon. Parang awa mo na, bumalik ka sa 'kin. 'Wag mo 'kong iiwan.

Totoong gusto kong sabihin sa kaniya ang lahat ng ginawa nila sa 'kin. Pero bukod doon ay nakokonsensya ako dahil kung sana ay nakita kong mangyayari ito, hindi na sana ako nagdalawang-isip pang sabihin sa kaniya. Gusto kong sisihin ang takot na naramdaman ko noon dahil sa pag-aalala na baka kung ano ang mangyari sa kaniya kapag sinabi ko ang mga nalalaman ko tungkol kay Eerah Anitha. Natatakot ako na baka maipahamak ko siya at ang mas marami pang tao sa paligid ko.

Muli ay naalala ko ang mga nangyari, gusto kong magalit kay Eerah Anitha at sa buong pamilya niya. Pero maski 'yon ay hindi ko pwedeng maramdaman ngayon, inaalala ko ang puso ko. Kaunting bugso kasi ng damdamin ko ay naaapektuhan iyon at mas pinahihirapan ako. Gusto ko ring mag-alala tungkol sa mga susunod pang mangyayari. Sa mga posible pa nilang gawin. Hindi pa nasasagot ang mga katanungan ko, iilan lang din ang nalalaman ko. Gusto kong kausapin ang Chairman. Para mahingi sa kaniya ang katotohanan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Wala akong pakialam kung paniwalaan man nila ako o hindi sa naging pag-uusap namin ni lola sa panaginip ko.

Naisip ko kung ano ang gagawin ni Taguro kapag nalaman niya ang nangyari sa 'kin. Naisip ko kung ano ang mararamdaman niya kapag nalaman niya kung ano ang sitwasyon ko ngayon. Nag-aalala ako sa mararamdaman niya kapag nalaman niyang may sakit ako. Gusto kong malaman kung ano ang iisipin niya kapag nalaman niya ang sitwasyon ng puso ko. Puro si Taguro, puro siya at ako.

Ayaw kong makonsensya siya. Ayaw kong magsisi siya dahil sa kabila ng sakit ko sa puso ay mas pinili niyang masaktan ako. Hindi ko sinasabing sinaktan niya ako pero dahil sa pakikipaghiwalay niya sa 'kin ay nasaktan talaga ako. Alam ko ang pagkakamali ko at hanggang ngayon ay nagsisisi ako ro'n. Pero ang mahalaga sa 'kin ay ang ngayon. Gusto kong makita at makaharap si Taguro. Kahit hindi kami mag-usap, ang mahalaga sa 'kin ay nakikita ko siya. Makatutulong 'yon sa 'kin ngayon.

Gusto ko lang na malapit ka sa 'kin, Taguro, nasa tabi ko at gumagalaw. Kahit masama ang tingin mo sa 'kin, basta gusto ko nakikita kitang gumagalaw.

Sa inihaba-haba nang pag-iisip ko ay hindi ko namalayang nakatulog na naman ako. At nang magmulat ako ay isang panibagong umaga na ang sumalubong sa 'kin. Pinakiramdaman ko agad ang dibdib ko, nandoon pa rin ang kirot at hindi nagbabago. Pero ang katawan ko ay nagagawa ko nang igalaw kahit pa dahan-dahan lang iyon. Kompara no'ng huli akong magising na para akong baldado dahil maski ang igalaw ang kamay ay kailangan nang matinding lakas.

Marahan kong iginalaw ang ulo ko, gusto kong umubo pero nando'n pa rin ang harang sa ilong at bibig ko. Sa halip ay iniangat ko na lang ang kamay ko. Noon ay nagmadaling lumapit sa 'kin si mommy.

"Deib Lohr, anak!" maliwanag ang mukha niya bagaman nando'n pa rin ang lungkot at pag-aalala. "Baby," kinuha niya uli ang kamay ko at inihaplos 'yon sa mukha niya. "Nandito si mommy, hindi umaalis," umiiyak na naman siya. "Kumusta ang pakiramdam mo, maayos ba?" tanong niya na isinenyas ang hinlalaki.

Tumango ako bilang tugon, bagaman naibsan ang pag-aalala sa kaniya ay nanatili siyang lumuluha.

Mayamaya ay lumapit si Noona, hinaplos nang hinaplos ang buhok ko habang umiiyak din. Pero hindi gaya ni mommy ay pinatatatag ni Noona ang sarili. Pinipigilan niyang umiyak at humalik na lang basta sa noo ko.

"You have to be strong, dongsaeng. You have to fight, okay?" pagbibigay niya ng lakas sa 'kin. "Please maging malakas ka para sa 'min?" Hindi niya rin pala 'yon kayang tagalan dahil bibigay rin pala siya. "We need you, Deib Lohr. Mahal na mahal ka ni Noona. Mahal na mahal ka namin."

Nang sandaling iyon ay nagmamadaling pumasok sina Chairman at daddy kasunod ang apat na doktor. Tumabi sina mommy at Noona para hayaan akong makita ng mga doktor.

Kung ano-ano ang ginawa nila sa 'kin na tumagal nang halos kalahating oras. Pero alinman sa mga iyon ay hindi napagaan ang pakiramdam ko. Umiiyak lalo ako sa sakit sa t'wing may gagalawin silang konektado sa katawan ko. Pero wala akong magawa kundi ang lumuha dahil hindi ko maisigaw ang nararamdaman.

Matapos no'n ay ang sari-saring tanong ng doktor na sinasagot ko lang ng pagtango at pag-iling.

Mayamaya lang ay nakita kong lumayo ang lahat sa 'kin, maliban sa dalawang batang doktor. Nag-usap, nagbulungan, nagdiskusyon sila sa labas ng kwarto, iniwang nakaawang ang pinto.

Wala akong narinig. Nangibabaw sa pandinig ko ang matining na ingay na hindi ko malaman kung sa'n nanggagaling pero parang nasa loob ng tainga ko. Bukod do'n ay malakas din sa pandinig ko ang tunog ng kung anumang makina iyon sa tabi ko, na kanina naman ay katamtaman lang ang lakas. Panay ang paggalaw ng dalawang doktor sa tabi ko, hindi sila mahinto. Lalapit sa 'kin, may titingnan sa katawan ko at saka lalayo at titingnan ang mga monitor na nasa tabi rin ng kama ko. Hindi ko alam kung ano ang meron sa pinaggagagawa nila sa 'kin. Ilang saglit lang kasi ay nakatulog na uli ako.

At nang muling magising ay mas magaan na ang pakiramdam ko. Maging ang puso ko ay parang milagrong nagbalik sa dati nitong pakiramdam. Mas malakas na ako kompara sa mga nakaraan kong paggising bagaman nanghihina pa rin.

Noon ay nagawa ko nang alisin ang mask sa bibig ko, naibuka ko na rin ang bibig ko at nagawang bumulong. Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n na lang ang pagkamangha ko nang marinig ang sarili kong bulong. Para bang noon ko lang uli nagawa 'yon. Nag-ipon ako ng lakas, 'tsaka muling sumubok na magsalita. Pero bago ko pa man magawa 'yon ay nagmamadali na namang lumapit sa 'kin si mommy.

"Deib Lohr," maamo na ang mukha niya kompara no'ng huli akong nagising.

Mas maliwanag na rin ang mukha niya ngayon kesa nang oras na 'yon. Hindi ko tuloy maiwasang matuwa dahil pakiramdam ko ay may nakaamba na siyang sorpresa. At hindi man ako magtanong ay nararamdaman ko na kung sino. Si Taguro. Alam ni mommy kung ano at sino ang kailangan ko. Siya ang higit na nakaaalam no'n sa buong mundo bukod sa 'kin. At alam kong hindi niya ako bibiguin.

Gano'n din ang mababasang tuwa sa mukha nina Randall at Noona nang lumapit sa 'kin. "Ano, kumusta ang pakiramdam mo, dongsaeng?"umaasa niyang tanong. Itinaas ko naman ang hinlalaki para sabihing ayos ako. "Okay na? Okay na okay na?" natutuwa niyang tanong. Napangiti ako at saka tumango. "Thank God!" naibulalas niya, nakahinga nang maluwang.

"Mom..." Hinawakan ko ang kamay ni mommy.

"Ano, anak? Ano 'yon? May kailangan ka?"kakikitaan siya ng tuwa sa mukha.

"Gutom," sabi ko, mabagal bago ko nagawang hawakan ang tiyan ko.

Lalong nagliwanag ang mukha ni mommy. "Oo, anak, nakahanda na ang foods mo," masaya niyang sabi at saka sumenyas ng sandali at lumayo.

Doon lumapit sa 'kin sina Randall at Noona, magkatulong at maingat nilang iniupo ang kama ko. Gusto ko pang matawa dahil sa sobrang pagdadahan-dahan nila, pwede nang magsaing sa pagitan ng sandaling itinataas nila ang kama. Nagbibilang kasi si Noona ng ilang segundong pagitan bago muling pindutin ang buton na siyang nakapagpapaangat sa itaas na bahagi ng kama.

"Nasaan ang mga kaibigan ko, Noona?" hirap na hirap kong tanong.

Natigilan si Noona nang lingunin ako. Kumunot naman ang noo ko. Bigla ay ngumiti siya at saka muling lumapit sa 'kin. "Alam na nila ang nangyari sa 'yo. Pero sa ngayon ay hindi ka pa kasi pwedeng tumanggap ng bisita, Deib."

"Bakit?" mas gusto kong magsalita ngayon nang maikli. Ang dibdib ko ay masyadong naglalabas ng effort para matulungan akong magsalita. Parang ang lalamunan ko kasi ay bumaba nang bumaba at umabot sa dibdib sa hindi maipaliwanag na dahilan.

"Kailangan ka muna kasi naming bantayan ngayon, Deib. Ang sabi ng mga doktor ay limitahan muna namin ang pagtanggap ng bisita," malamlam ang mga mata niyang paliwanag, gustong-gustong ipaintindi sa 'kin ang mga sinasabi. "Ngayon kasi ay mino-monitor ng mga doktor ang performance ng puso mo," malumanay niyang paliwanag. "At hindi ka muna pwedeng magpabago-bago ng emotions. Kailangang katamtaman lang parati ang nararamdaman mo. Hindi ka pwedeng matuwa masyado, hindi ka pwedeng malungkot masyado, hindi ka pwedeng manabik, maraming hindi pwede, Deib Lohr. Kaya kami-kami na muna ang nandito. Dahil kami ang mas nakaiintindi sa sitwasyon mo. Alam namin ang mga pwede at bawal sa 'yo sa ngayon. Sana ay maintindihan mo."

Tumitig ako sa kaniya, gano'n din siya sa 'kin. Hindi ko alam kung anong emosyon ang naipapakita ko. Pero dahil natigilan sila, maging si mommy nang makita ako, ay mukhang alam na nilang nagmamatigas ako.

"Gusto kong makita si Taguro," walang emosyon kong sabi. At bagaman gano'n ay gusto kong iparating sa kanilang iyon ang gusto ko at iyon ang kailangang mangyari.

Nagkatinginan pa muna sina mommy at Noonabago lumapit sa 'kin nang sabay. Inilapit ni Randall ang overbed table kung saan inilapag naman ni mommy ang kaninang hawak na tray. Pinagpagpag ni mommy ang parehong kamay bago iyon inihawak sa 'kin. Ang mga mata niya ay nagpapaliwanag na kahit wala pa siyang sinasabi. Nangunot ang noo ko at gusto ko agad na magalit.

"Si Taguro," pagmamatigas ko.

"Anak kasi...hindi ka pa pwedeng tumanggap ng bisita ngayon."

"Hindi bisita si Taguro, girlfriend ko."

"Oo nga, Deib Lohr, anak. Pero tayo-tayo lang muna ngayon ang kailangang nandito. Kung papupuntahin kasi namin dito si Maxi ay paniguradong matutuwa ka nang todo."

"Bawal?"

"Oo, anak, eh," naniniwala akong nagsasabi siya nang totoo. Pero nagmamatigas pa rin akong tumitig sa kanya.

"Pero ang malungkot ako ay pwede?" tiim-bagang kong sabi. Natigilan naman silang tatlo. "Malungkot ako dahil wala siya, mommy, gusto ko siya makita."

Napabuntong-hininga si mommy at nilingon si Noona. "Sige, papupuntahin natin si Maxi pero sa susunod na araw na, maliwanag ba 'yon?" tanong muli ni mommy, umiling ako. "Deib Lohr?"

"Gusto ko, ngayon."

"Pero, anak, kasi—"

"Alam ba niya na nandito ako?"

Muli silang nagkatinginan, agad na kumuyom ang kamao ko at nagtiim-bagang nang makita ang naging reaksyon nila.

"Hindi," kahit hindi nila sabihin 'yon ay alam ko na. "Hindi alam ni Maxi kasi ayaw pa muna naming ipaalam. Balak naming ipaalam, anak. Pero iyon ay kapag umigi na sana ang pakiramdam mo? Kasi ay baka mag-alala masyado si Maxi sa iyo."

Lalong nagtiim ang bagang ko, nangunot ang noo ko. Pero ang dibdib ko ay kusang pinipigilan ang emosyon ko. Takot din ang sistema kong makaramdam uli ng sakit mula sa dibdib ko.

"Ilang araw na 'ko dito?" tanong ko.

"Tatlo," malungkot na sabi ni mommy.

At hindi niya man lang ako hinahanap? Imposible! "Tumawag ba siya sa inyo?" tanong ko. Nagkatinginan uli sila bago umiling sa 'kin. "Tawagan mo siya, Noona, baka nag-aalala na siya sa 'kin."

Pero hindi ako nakatanggap ng sagot. Mas lumamlam ang mga mata nina Noona at mommy. Si Randall naman ay nag-iwas ng tingin at tumalikod na lang sa 'min. At dahil hindi na 'yon bago sa 'kin ay alam kong may mali. Pero sa ganitong sitwasyon ko ay imposibleng hindi makarating iyon kay Taguro. At mas imposibleng hindi siya pumunta dito para dalawin man lang ako.

"Hindi niya alam ang lagay ng puso ko?"walang emosyong kong tanong.

Natigilan si mommy. "A-Anong lagay ng puso mo, anak?" pinipilit ni mommy ang mangiti.

Tiningnan ko siya nang deretso. "Na kailangang operahan ng puso ko."

Natigilan siya lalo, napamaang at agad na namutla. Natutop niya ang sariling bibig. At wala pa man ay parang gusto nang umiyak. Iyon si mommy. Ang mga kilos niya ay predictable na.

"Narinig ko 'yong usapan ninyo ng mga doktor, mom."

"Deib." Napakapit si Noona sa hita ko.

"You don't really need to hide it from me. Dahil sa ating lahat ay ako ang nakararamdaman kung ano ang mali sa 'kin,"seryoso kong sinabi. "Gusto kong makita si Taguro," pagmamatigas ko ulit. "At hindi ako papayag magpaopera kung hindi ko siya makikita."

"Deib Lohr?" sabay-sabay silang nagulat.

Hindi ako nagsalita. Tumitig lang ako sa kanila at ipinakitang seryoso talaga ako at buo na ang desisyon ko. Alam kong isang mahirap na pagsubok na 'yon para sa kanila dahil kapag sinabi kong ayaw ko ay ayaw ko. Hindi nila ako mapipilit.

Pwera na lang kung ang lahat ng bagay ay may kinalaman kay Taguro. Kahit hindi sila magtanong ay papayag ako.

Nilingon ko ang pagkain at mayamaya lang ay nagmamadaling itinabi iyon ni mommy sa 'kin. Sinubuan niya ako. Tahimik na ang lahat at pare-parehong nag-iisip. Naging matagal ang pagpapakain sa 'kin. Lugaw lang naman 'yon pero hirap na hirap akong lunukin. May minsan pang gusto ko nang huminto sa pagkain dahil parang pati lalamunan ko ay bugbog din. Pero paulit-ulit na sinabi ni mommy na kailangan kong kumain.

"Mommy, si Taguro," kunot-noo kong sabi.

Tapos na akong tingnan ng doktor pero hindi pa rin sila kumikilos para papuntahin si Taguro. Tatahi-tahimik lang ako pero pinapanood ko ang mga kilos nila. Naghihintay akong dalhin nila dito si Taguro.

Wala akong pakialam kung hindi ako kausapin ni Taguro. Dahil sa sandaling iyon ang gusto ko lang talaga ay 'yong makita siyang kumikilos sa harap ko. Kahit magdamag lang kaming magtitigan ay ayos lang sa 'kin. Basta malapit siya sa 'kin. 'Yong nararamdaman ko ang presensya niya at nakikita ako siyang nakatingin sa 'kin. 'Yon lang. Wala nang iba.

Bumuntong-hininga si mommy 'tsaka lumapit sa 'kin. "Kakausapin ko na muna ang daddy mo."

"Si Taguro."

"Oo, anak, dadalhin natin si Maxi dito. Papupuntahin natin si Maxi," mahinahon niyang sabi.

Alam kong gusto niya akong pagsabihan at pagalitan sa pagmamatigas ko, pero pinipigilan niya dahil sa sitwasyon ko.

"Anong oras?"

"Mayamaya lang, anak."

"Anong oras, mommy?"

"Ngayon din, anak, kakausapin ko lang ang daddy mo."

"Anong oras?"

Bumuntong-hininga uli siya. "Dein Leigh, hija, please call your dad outside," utos niya dito at saka ngumiti nang lumingon sa 'kin. "Patatawagan ko na si Maxi, okay?" Doon lang ako natahimik.

Pumasok nga si daddy at matapos bulungan ni mommy ay nakangiti na itong lumapit sa 'kin. "Kumusta ang pakiramdam mo, son? Galing ako sa labas, tinitingnan ko lang 'yong ibang resulta ng mga eksamin mo. Kinausap ko na rin 'yong director ninyo at sinabing ilang araw ka pang mawawala."

"Daddy, si Taguro."

"Ano si Maxi, son?"

"I want to see her."

Bumuntong-hininga siya at pilit na ngumiti. "Yes, tatawagan namin siya, anak. Pero 'wag kang ma-excite masyado at hindi maganda 'yon sa lagay mo."

Gustuhin ko mang ma-excite ay hindi ko magawa, daddy. Hindi ko alam kung paano kong haharapin ang taong mahal ko pero nagawa kong saktan. "Yes, dad."

"Okay, good," aniya na hinaplos pa ang ulo ko. "Sandali lang," dagdag pa niya 'tsaka inakay si mommy papalayo sa 'kin.

Pinanood ko silang magbulungan at mayamaya lang ay nakangiting ipinakita sa 'kin ni mommy na may idina-dial siya sa telepono.

Gumanti rin ako ng tipid na ngiti. Hindi ba nila alam na break na kami? Hindi ka ba nagpaparamdam, Taguro?

Parang bigla ay kinabahan ako, pinipigilan ko pa rin 'yon. Dahil kung bawal 'yon sa 'kin ay takot din naman akong maramdaman 'yon. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin ngayon matapos nang nangyari. 'Yong mabibigat na salitang binitiwan niya sa 'kin ay parang wakas na talaga. Natatakot akong baka bumalik siya sa dati, 'yong oras na nasasaktan siya dahil sa huli niyang relasyon. Natatakot akong baka ang makaharap kong Taguro ay kasinlamig ng yelong nakabangga ko noon. Natatakot ako kasi alam kong kayang-kaya niya akong bale-walain kapag gano'n.

"She's...not answering the phone," naiwasiwas pa ni mommy ang hawak na cellphone bago tumingin sa 'kin.

Simpleng bagay lang naman 'yon pero hindi ko maintindihan kung bakit parang biglang gumuho ang lahat sa 'kin. Sa sobrang aktibo ng isip ko ay kung ano-ano agad na dahilan ang namuo ro'n. Muli ay naalala ko 'yong sandaling tinalikuran niya ako at sumama siya kay Lovemir. 'Yon na yata ang pinakamasakit na pakikipaghiwalay, hindi maikokompara sa hiwalayan ng iba. Dahil nang sandaling tapusin niya ang lahat sa 'min ay sumama siya sa ibang tao, sa taong pinagseselosan ko. Hindi ko maipaliwanag ang awa na naramdaman ko no'n para sa sarili ko. Napakasakit makitang tinalikuran niya ako at bigla na lang sumama sa iba. Iyon si Taguro, nagagawa niya ang mga bagay na alam niyang ayaw ko. At masakit na para sa 'kin ang katotohanang 'yon dahil nalalaman ko kung hanggang saan lang ako para sa kaniya.

Napayuko ako nang maramdaman ko na naman ang nagsisimulang kirot sa dibdib ko. Nag-iwas ako ng tingin dahil ayaw kong makita nila 'yon. Pero gano'n na lang ang pagkilos ni Noona na agad tumingin sa monitor na nasa tabi ko. Hindi ko man nakita ang mukha niya ay mababakasan sa pagiging aligaga niya ang pag-aalala. Dali-dali siyang lumapit sa 'kin matapos no'n.

"Deib, calm down," mahinahong sabi ni Noona, hindi ko alam ang tinutukoy niya. Napatingin na lang ako sa monitor na 'yon, mukhang nababasa no'n ang nararamdaman ko. "Bumibilis ang tibok ng puso mo. 'Yan na nga ba ang sinasabi ko, eh."

Alam kong gaya ni mommy ay gusto niya rin akong pagalitan. Pero mas pinili niyang magpakahinahon.

"Please just stay calm, dongsaeng."

"Noona, gusto kong makita si Taguro."Nagmamatigas na naman ako.

"Oo nga, tinatawagan na nina daddy." Sabay naming nilingon ang mga ito pero sumenyas na naman si mommy na nagsasabing hindi sinasagot ni Taguro ang tawag.

"Tatawagan ko si Maxwell," prisinta ni Randall na sana ay kanina niya pa ginawa. Sa kanya naman nabaling ang buong atensyon ko, ang bawat kilos niya ay pinapanood ko at nag-aabang ako ng pagbabago. "Yes, bro," tumitig si Randall sa 'kin. "Are you with Maxpein?" pero mayamaya lang ay nagbaba ng tingin si Randall at umalis sa harapan namin. Lumabas siya ng kwarto na siyang nakapagpakunot ng noo ko.

Sumama ang tingin ko sa pinto at napapikit sa sobrang inis. Bakit ba hindi niya sinasagot 'yong tawag? Bakit naman kailangang sa labas pa makipag-usap kung may signal naman dito?"Nasa'n na ba siya?" wala sa sariling sabi ko, hindi na napigilan ang namumuong inis.

Dali-dali na naman silang lumapit pero iniiwas ko na ang kamay kong akmang hahawakan ni mommy. Sumasama ang loob ko, nagsisimula nang mangibabaw ang emosyon ko. Gusto kong kumilos para ako na mismo ang tumawag sa kaniya pero hindi ko magawa. Ako mismo ay natatakot sa kaniya. Kaya sa halip ay pinagkrus ko ang mga kamay ko at saka ako nag-isip. Pero anumang isipin ko ay naaalala ko lang 'yong mga sinabi niya. At 'yong galit na nakita ko sa mukha niya nang sabihin niyang hiwalay na kami.

Lumamlam ang mukha ko nang hindi ko namamalayan. "She's not coming."

"Anak, that's not true. Kilala natin si Maxi. Pupunta 'yon. To be honest with you, hindi pa namin sinabi sa kaniya ang tunay mong lagay. But I'm sure na alam niya nang nasa hospital ka," pinipilit ni mommy na pasayahin ang boses. "Imposibleng hindi niya alam 'yon kasi ang bestfriends mo ay dumalaw na dito."

"She's not coming."

"Deib Lohr, darating si Maxi," sabi naman ni daddy.

"She's not. Because she already broke up with me," bigla na lang 'yong lumabas sa bibig ko at kasunod no'n ay ang pagpiyok ng tinig ko.

Natigilan silang lahat at naging mabagal ang paglapit sa 'kin nina mommy at Noona. Si daddy naman ay nakikita ang gulat kahit pa takpan niya ang bibig.

"Anak," hindi makapaniwalang sambit ni mommy. "Why are you saying that?"

Nilingon ko siya. "Dahil 'yon ang totoo, mommy," pinigilan ko ang emosyon. "Nang gabing mangyari sa 'kin 'to ay mismo ring gabi na nakipaghiwalay siya sa 'kin."

Nasapo ni daddy ang noo at napahilamos na naman sa mukha. Lumapit siya kay mommy 'tsaka hinawakan ito sa balikat. "Ang sabi ng doktor ay 'tsaka na natin ito pag-usapan, Lacey," pabulong niyang sabi at saka ngumiti sa akin. "Don't worry, son, pupuntahan na lang namin si Maxi."

Nagliwanag ang mukha ko. "Totoo, dad?"

"Of course, I'll do everything just to see you happy, anak," nakita ko ang pamamasa ng mga mata niya. "I'll do everything for my son because that's what you deserve, son."

"I'll wait for you," walang emosyon kong sabi. Bigla ko kasing naramdaman na baka hindi sumama si Taguro, mabibigo kaming pare-pareho.

Pinakiusapan ako ni Noona na magpahinga na. Umakto pa siyang ibababa na uli ang kama ko pero pinigilan ko siya. Pinanood ko sina mommy't daddy na maghanda. Gusto kong makita silang papaalis para sunduin talaga si Taguro. At nang makaalis nga sila ay saka ako nahiga. Pero hindi pa rin ako nakatulog dahil sabi ng isip ko ay hihintayin ko siya hanggang sa makarating siya dito.

Hindi na nahinto sa pagiging aktibo ang utak ko. Kung ano-anong naisip kong magiging reaksyon ni Taguro kapag nakita ako. Gusto kong isipin na magso-sorry siya sa 'kin o kahit hindi na. Basta bawiin niya lang ang pakikipaghiwalay sa 'kin. Pero nangingibabaw sa 'kin ang pagkakakilala ko sa kaniya. Sa madilim na parte ko ay nakikini-kinita ko na ang galit niya sa oras na makita ang lagay ko, at lalo na kapag nalaman niya pa ang sitwasyon ko. Paniguradong magsasalubong na naman ang kilay no'n at puro pambabara ang isasagot, senyales na galit na siya.

At syempre, dahil mayabang nga siya ay hindi niya sasabihin kung ano ang gagawin niya. Basta na lang siya bubuo ng plano sa isip niya at bago mo pa malaman 'yon ay ginagawa niya na.

Lumipas ang ilang saglit, pumasok si Chairman sa kwarto. Napako agad ang paningin namin sa isa't isa hanggang sa tuluyan siyang maupo sa tabi ko. Hindi ko inalis ang paningin sa kaniya, gano'n din naman siya sa 'kin. Dinig na dinig ko ang ilan sa mga pagmamakaawa niya bago ako mawalan ng malay nang gabing nangyari ito sa 'kin. At hindi ko 'yon makakalimutan. Ngayon naman ay nagtataka ako kung bakit gano'n na lang ang tingin niya sa 'kin. Kahit kailan ay hindi ko pa nakita ang gano'ng mga tingin sa kaniya. Tingin na animong humihingi ng tawad. Iyong tingin na para bang sarili ang kaniyang sinisisi sa nangyari sa 'kin. Iyong tingin na hinihiling na sa halip na ako ay siya na lang sana ang nagkaganito. Nakapagtataka.

"Chairman, ihahatid lang po ako ni Randall sa bahay. Kailangan ko kasing matingnan din si RD," paalam ni Noona habang nag-aayos na ng gamit. "Kayo na po muna ang bahala kay Deib Lohr, babalik din naman agad po si Randall."

"Ayos lang," sagot ng Chairman na hindi inaalis ang paningin sa 'kin.

Narinig kong nagpaalam si Noona. Lumapit siya at humalik sa 'kin pero hindi ko pa rin nagawang alisin ang paningin ko sa Chairman.

Gusto kong magsalita para magtanong, pero hindi ko nagawa. Noon kasi ay agad na namanglaw ang mga mata ko at agad din akong nakatulog.

Pero hindi rin nagtagal ay nagising ako nang may maramdamang naupo sa mismong tabi ko. Naramdaman ko sa hita ko ang bigat ng kung sinong dahilan para magmulat ako ng mga mata. Sa dibdib ay bitbit ko ang matinding pag-asa na si Taguro na iyon.

Pero gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita kung sino ang nasa harapan ko. Isang lalaking nakasuot ng itim, lahat ay itim. At may tabing ang mukha dahilan para hindi ko iyon makita. Nangunot agad ang noo ko at hinanap si Chairman Enrile, upang muli lang akong magulat dahil nakita ko na siyang nakatali.

"Ano na naman ang kailangan mo?" hindi ko na napigilan ang galit sa dibdib ko.

"Kumusta ang lagay mo?" tanong ng lalaki, hindi pamilyar sa 'kin ang boses niya. "Kumusta ang puso mo? Gumagana pa ba o nanghihina na talaga?"

Hindi ko makitang ngumiti siya pero base sa mga mata niya ay mukhang gano'n nga. Hindi niya ako hinintay na magsalita dahil matapos niyang bumuntong-hininga ay nilingon niya si Chairman. Na noon ay kasalukuyang kumakawala sa pagkakatali sa single sofa.

"Hindi ka man lamang kakitaan ng pagsisisi, Chairman Enrile? Bakit ganoon ka?"nakakainsulto ang tinig ng lalaki.

"Lubayan mo ang pamilya ko," banta ni Chairman Enrile.

Kung paanong nangyaring nakatali siya ro'n ay hindi ko alam. Nag-iisa ang lalaking ito at hindi ko alam kung paano niya nagawa 'yon. Bagaman makikita talagang malaki ang pangangatawan nito, hindi ganoon kaliit si Chairman.

"Pumarito ako para sabihing hindi pa dito natatapos ang lahat, Chairman Enrile. Marami pang kasunod na mangyayari. Pero bibigyan namin kayo ng pagkakataong tapusin ang taon na ito para hindi naman tuluyang mawasak ang mga buhay ninyo. Hindi naman kami katulad mong walang pakialam sa ibang buhay, kahit na sino ang madamay basta magtagumpay. Hindi kami ganoon kasama, Chairman Enrile,"makahulugang anang lalaki 'tsaka muling bumaling sa 'kin. "Magpagaling ka, bata. Magtutuos pa tayo," dagdag niya at saka tumayo.

Kinalagan niya si Chairman Enrile at saka dinuro ito sa mukha na para bang sinasabing 'wag gagawa ng anumang kilos. Paatras na naglakad papalayo sa 'min ang lalaki. At nang mahinto sa pinto ay 'tsaka tumalikod. Iniharang niya ang isang itim na bullcap sa likuran ng ulo 'tsaka hinubad ang suot na tabing sa mukha. Matapos no'n ay nakayuko siyang lumabas ng kwartong 'yon.

Narinig kong napamura si Chairman pero hindi ko nagawang alisin ang paningin ko sa pintong 'yon. Gusto ko na talagang magalit, naaawa ako sa sarili ko at lalong-lalo na sa pamilya ko. Naalala ko ang takot nina mommy't daddy nang gabing pasukin ang bahay namin. Maging ang takot sa mga mata ni Chairman ngayon lang. Pero hindi ito ang tamang oras para magsisihan dahil wala kaming kakayahan. Wala kaming laban sa lahat ng bagay.

"I don't know what to do anymore, Deib Lohr. I don't know what to do anymore," lumuluhang ani Chairman, hindi ko siya magawang lingunin. Pero sa halip na sisihin siya ay hindi kapani-paniwalang nakaramdam ako ng awa para sa kaniya. "Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko sa mga taong iyon para gawin nila ito sa atin. Maniwala ka sa akin, hindi ko alam kung ano ang nagawa ko para paghigantihan at pahirapan nila tayo nang ganito."

Hindi ko nagawang magsalita, nanatili akong tulala. Pero mayamaya lang ay naalala ko ang mga ginawa ni Eerah Anitha at ang kasunod no'n ay ang ilan sa mga huling sinabi niya. Nagpaulit-ulit ang mga iyon sa pandinig ko hanggang sa ako na rin mismo ang nagsawa. Hindi ko pa rin maintindihan. Gusto nilang maghiganti sa amin at sa mga Moon sa hindi niya masabing dahilan. Wala akong mahitang bagay na ginawa ng pamilya naming pareho ni Taguro para makaagrabyado ng tao. Taong ganito na lang katindi ang paghihiganti. Pero kung ganito katindi ang kaya nilang gawin ay natatakot na ako, hindi malabong magawa niya nga kay Maxpein ang ibinabanta niyang gagawin.

MAX'S POV

Dumeretso ako sa kwarto pagkauwi. Nagpahinga lang ako sandali at saka mabilis na naligo. Sinadya kong bilisan ang pagligo dahil ayaw kong mag-isip. Ayaw kong may maalala.

Pero sa paghiga ko sa kama ay parang nananadyang nanuot sa isip ko ang lahat nang nasaksihan ko. Kung saan ang bawat detalye nang nakita ko ay nagliwanag lahat sa isip ko. At wala na akong ibang nagawa kundi ang tahimik na maluha. Iyon na ang pinakamahabang iyak na ginawa ko. Kung saan maging ang kasuluk-sulukan ng katawan ko ay nasasaktan. Blangko man ang mukha ay patuloy lang sa pagluha.

Hindi ko na alam kung anong klaseng sakit pa ba ang maipapangalan doon. Dahil buong akala ko ay napangalanan ko na ang lahat. Ang lungkot-lungkot ng puso ko, parang wala iyong balak na ngumiti uli. Ang bigat-bigat sa pakiramdam. Parang may kulang at ang hirap-hirap lunukin ng katotohanan.

Kailangan ba talagang maging ganito kahirap ang isang relasyon? Hindi ko na alam kung paano akong babangon ngayon.

Ayaw kong mawala sa 'kin si Sensui. Pero sa lagay namin ngayon ay hindi ko alam kung paano ko pa siyang tatanggapin.

Bakit si Sensui pa, Eerah? Bakit siya pa?

Gusto kong magwala sa galit lalo na nang maalala ko ang mga sinabi niya. Gusto kong sisihin ang sarili ko dahil pakiramdam ko ay hindi ko talaga nagawang bakuran si Sensui kaya naharbat niya.

Pag-aari ko 'yon, eh. Pag-aari ko.

Ayaw ko pa ring maniwala sa nakita ko, hindi ko pa rin matanggap. Dahil sa isang bagay na hindi ko maibigay ay pinili niyang saktan ako.

Hanggang gano'n na lang ba tayo? 'Yon lang ba ang gusto mo?

Hindi ko alam kung mandidiri ba ako. Malaking parte sa dibdib ko ang may matinding pagkadismaya para kay Sensui. Hindi ko kailanman naisip na posible palang mangyari ang ganitong bagay. Maraming dahilan para ma-turn off ako sa kanya. Pero ngayon ko lang naramdaman iyon. Dahil iyong mga naunang dahilan ay nagagawang matakpan ng kaibahan niya sa ilang lalaking nakilala ko.

Alam kong may mga pagkakamali at pagkukulang ako. Kakaiba ang ugali ko at hindi ako kasing sweet ng mga babaeng nasa paligid mo. Pero hindi naman siguro sapat na dahilan 'yon para ganituhin mo ako, 'di ba? Wala naman akong ginawa kundi ang higitan ang pagmamahal mo. Pero bakit kailangan mo akong saktan sa ganitong paraan?

Akala ko kanina ay ayos na ako, nagawa ko na kasing makipagpalitan ng salita kay Lovemir. Pero hindi pa rin pala dahil ngayong mag-isa na ako ay bumabalik ang sakit na parang naidlip lang sa puso ko. Nahihirapan tuloy akong kumilos ngayon, nabibigatan ako sa lalamya-lamya kong katawan. It feels like I'm losing myself more and more, every second. And the sad thing is I still don't hate him.

Hinayaan ko ang sariling alalahanin ang mga nangyari mula sa Palawan. Iyong unang beses na makita ko silang nag-uusap ni Eerah Anitha. Maging ang sandaling sabihin niya sa 'kin na nasa lugar na ito ang babaeng 'yon. Ang pag-amin niya nang halikan siya nito. Lahat iyon ay hinayaan kong maglayag sa isip ko. Inalala ko ang bawat kilos na nakita, napansin at naramdaman ko. Lahat ng pagkakataong nakita ko silang magkasama. Ang mga bagay-bagay na nagbago kay Sensui mula nang dumating ang babaeng 'yon. Ang mga pangyayari na may kinalaman kay Eerah Anitha. At ang mga sitwasyong siya ang dahilan. Lahat iyon ay inipon ko lang at itinambak sa isip ko.

Kaya naman kinabukasan nang magising ako ay hindi ko na ipinagtaka kung bakit ganoon na kalamig ang puso ko, animong may yelong tinunaw doon.

Pamilyar sa 'kin ang pakiramdam. Hindi na ako naninibago ro'n dahil ilang beses ko nang naramdaman 'yon. Pero hindi ko maiwasang malungkot dahil si Sensui na ang dahilan no'n ngayon. Bagay na hindi ko kailanman inakalang posible palang mangyari. At ang nakakatawa pa ro'n, ako mismo ay hindi matanggap na posible kong maramdaman 'to sa kaniya.

Sunod-sunod na katok ang nakapagpatinag sa 'kin. Hindi ko man lang nagawang lingunin ang pinto. Nanatiling nakatuon sa kung saan ang paningin ko at wala akong balak alisin 'yon do'n. Wala akong ganang kumilos, ayaw kong pumasok.

"Max! Max, gising na!" mayamaya lang ay nangibabaw ang tinig ni Naih, hindi pa rin ako natinag. "Baka ma-late tayo! Kumilos ka na diyan, ah?" at narinig ko ang mga yabag niya papalayo sa kwarto.

Hindi ko alam kung gaano akong katagal na nanatiling gano'n. Napansin ko lang 'yon nang muli siyang kumatok at tumawag.

"Max, ano? 'Wag mo sabihing tulog ka pa?"aniya habang patuloy na kumakatok. "Max! Quarter na, 'oy! Baka natutulog ka pa! Max!"wala akong planong pagbuksan siya.

Maski ang sagutin ang pagtawag niya ay hindi ko balak sagutin. Hinayaan ko lang ang sariling matulala sa kanina ko pang tinitingnan.

May narinig akong bulungan sa labas ng pinto at ang sumunod na nangyari ay nagpaalam na si Naih. Muli ay nagpatuloy lang ako nang hindi napapansin ang pagtakbo ng oras. Panay rin ang pagkatok ni Yaz pero maging siya ay hindi ko pinagbuksan. May sandali pang tumunog ang cellphone ko. Nakita ko ang pangalan ni Randall nang lingunin ko 'yon pero hindi ko na lang pinansin. Naglayag nang naglayag ang isip ko sa galit, lungkot, sakit at paghahanap ng sagot.

Sa isang iglap ay nabago ang lahat. Nawala sa 'kin ang taong mahal ko na hindi ko kailanman naisip na pwede palang mawala sa 'kin. Ang taong handa kong gawin ang lahat para lang maprotektahan.

Naluha ako nang maisip na dumaan ako sa proseso para protektahan ang pamilya ko. Iyong proseso na tila naging impyerno ko sa reyalidad. Mas napaluha ako nang maalala kung gaano katindi ang galit at hinanakit ko sa pamilya ko dahil nag-iisa ako, ilan silang poprotektahan ko. Pero mula nang mahalin ko si Sensui, ni hindi ako nagdalawang-isip na protektahan maging ang kaniyang pamilya. Iyong mga dating inirereklamo ko, dahil sa mura kong edad ay nagkaroon ako ng responsibilidad, nilunok ko nang dahil sa kaniya. Nilunok ko ang lahat ng sumbat at hinanakit na ibinato ko noon sa pamilya ko. Kinain ko ang lahat ng paninisi ko sa kanila. At nakakahiya dahil hindi ako nakaramdam ng kahihiyan, o humingi ng tawad man lang. Dahil nang matuto akong magmahal nang lubusan, hindi ako nakaramdam ng alinlangang ibahagi ang aking kakayahan para sila maprotektahan. Lalo na siya. Hindi ko siya sinisisi. Pero iyong pagbabago ko, iyong pagpapalawak ko sa isip at damdamin, na siya ang dahilan, parang nalusaw dahil sa masakit na dahilan.

Alam ko kung gaano akong katagal na nanatili sa gano'ng sitwasyon. Pero hindi ko alam kung paano ko nagawang tagalan iyon. Noon ko lang uli nagawang matulala sa iisang lugar nang hindi kumikilos. Noon lang uli ako dinaanan ng araw at gabi nang nasa iisang posisyon. Ang pinagkaiba lang ng sitwasyong iyon ay dalawang araw at dalawang gabi ang lumipas. At hindi kapani-paniwalang hindi pa rin ako makaramdam ng gutom hanggang ngayon. Nang ikatlong araw lang ako nagkaroon ng lakas para kumilos. Hindi ko tiningnan ang oras dahil basta na lang ako naligo at nagbihis.

"'Buti naman at lumabas ka na?" nangibabaw ang boses ni Naih nang makalabas ako ng kwarto. Kahit anong pagtataray niya ay hindi niya maitatanggi ang pag-aalalang umaapoy sa kaniyang mga mata. "Bihis na bihis ka, ah? May lakad ka?"

"Oo."

"Hindi ka papasok?"

"Ganito na ba ang uniform natin ngayon?"sarkastiko kong tanong na ipinakita ang itim na jeans ko pataas sa sando at leather jacket ko.

"Ano ba'ng nangyayari sa 'yo, Max? Ilang araw ka nang hindi pumapasok, ah? May problema ba?"

"Wala."

"Alam kong may problema ka."

Ngumisi ako at palihim na umiling 'tsaka humarap sa kaniya. "Alam mo naman pala, eh, ba't nagtanong ka pa?" sabi ko at saka tinalikuran siya.

Naramdaman ko agad ang pagsunod niya. "Ano na naman ba ang problema, ha? Sabihin mo sa 'kin nang makatulong naman ako sa 'yo."

"Pumasok ka na lang."

"At pa'no ka? Hindi ka na naman papasok? Hinahanap ka na ng mga lec natin."

"Papasok ako kung kailan ko gusto, Naih,"dumeretso ako sa kusina at kumuha ng tubig sa ref. Noon ko lang naramdaman kung gaano katuyo ang aking lalamunan. Hindi lang tatlong baso ang nainom ko. Kung alam ko lang sana ay hindi baso kundi pitsel ang ininuman ko.

"Max, alam mo namang huling tyansa mo na 'to, 'di ba? Ano ba ang nangyayari na naman sa 'yo?" kunot na kunot ang noo niya. "Ilang araw ka nang absent, ano ba kasi ang problema?"

"Gusto mo talagang malaman?" lumapit ako sa kaniya.

"Oo," matigas niyang sabi.

"Matuto kang maghintay," sabi ko 'tsaka tinalikuran siya at dumeretso palabas ng mansyon.

Hindi ko kailangang magpaliwanag sa kahit kanino. Gagawin ko 'yon kung 'yon ang gusto ko. Pero sa sandaling ito ay hindi ko kailangan ng kausap. Gusto ko lang mapag-isa.

Mabilis kong minaneho ang motor ko, napakabilis at walang hinto. Sa oras na 'yon ay nagawa kong ituon sa daan ang atensyon ko bagaman ang isip ko ay patuloy sa paglalakbay. Kakatwang magkaiba ng tinutungong landas ang katawan at kaluluwa ko. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nagbyahe. Ang tanda ko lang ay hindi ko halos nagamit ang break hanggang sa marating ang outdoor firing range na madalas puntahan ng mga Moon.

Dahil hindi ako madalas sa lugar na 'yon ay hindi ako nakilala ng security guards. Pinahubad pa ang brown leather jacket at shades na suot ko 'tsaka ako kinapkapan ng babae. Sa sobrang tagal ng ginagawa niya ay inis kong hinugot ang wallet ko at inilabas doon ang ID ko bilang isang Moon.

Masama ang tingin ko sa babaeng guard habang ito naman ay nagulat 'tsaka tumingin sa 'kin na animong humihingi ng pasensya. Hindi na ako nagsalita, isinilid ko ang ID at saka ko muling pinaharurot ang motor papasok.

Dumeretso ako sa clubhouse kung saan naro'n ang information desk. May ilang natigilan na naman nang makita ako at agad na kumilos nang makabawi. Batid kong hindi rin ako kilala ng mga iyon. Hindi imposibleng nagawa na iyong itawag ng guards.

Wala ako sa mood para makipagkumustahan sa kanila kaya naman nang makita nila ang hitsura ko ay agad na rin silang kumilos para asikasuhin ako. Agad na lumapit sa 'kin ang range safety officer matapos kong mag-log in. Inalalayan niya ako papasok sa area at ibinigay ang mga gagamitin ko. Wala siyang hinto sa kakakuda, wala pa man akong naririnig na putok ay naririndi na ako.

May indoor at outdoor range. Iyong outdoor ang pinili ko. At dahil sa lagay ng pag-iisip at dibdib ko ay iyong may pinakamalayong metro ang pinili ko. May nakahanda nang stationary sa napili kong pwesto. Kaya naman habang isinusuot ang mga gear ay pinakinggan ko ang rules and regulations na isa-isang idinidikta ng officer. At nang matapos siya at balak niya pa sana akong purihin nang tabingan ko na ang aking tainga.

Naging marahas maging ang pagkasa ko sa baril, ang unang bala ang gusto kong iasinta. Hindi naman ako nabigo dahil matapos kong sipatin ang pinakagitna ay iyon mismo ang aking tinamaan. Sunod-sunod na matapos no'n ay wala akong balak na huminto hangga't hindi nauubos ang pulang marka na aking nakikita.

Hindi ko nagawang pigilan ang paglalayag ng isip habang patuloy pa rin sa pagbaril. May kung ano kasing kaginhawahan iyong idinudulot sa dibdib ko pero lalo lang din niyong binubuhay ang galit ko. Halos maubos ko ang stationary sa sobrang dami ng bala na nagamit ko.

Pero hindi pa rin ako nakontento. At dahil wala nang espasyo sa stationary ay itinaas ko ang baril at iyong dumaraang ibon ang binaril. Sapul! Kaya naman gano'n na lang kalalim ang paglunok ng officer nang matapos ako.

"That's a violation, Miss Moon. I discussed the rules and regulations before you start," sita niya, sinamaan ko siya ng tingin. "You're really—I mean you're very-very good, Miss Moon." Papuri niya na todo ang pagkakangiti. "But I think Miss Heurt Park is better. Mukha kasing may pinagdaraanan lang kayo kaya..."

Tiningnan niya ang stationary na halos puro butas na saka nakangiwing umiling.

"Ganito ang kinalabasan ng practice niyo,"patuloy niya. Nagpakawala ako nang malalim na hininga nang harapin siya. Nakangiwi niyang hinablot ang stationary at sinuri. "Hindi ko pwedeng bigyan ng grade ito, Miss Moon. Better luck next time."

Mataman ko naman siyang tiningnan. "Ikaw ang tumayo ro'n kung gano'n," suhestyon ko habang itinuturo ang puwesto na siyang inaasinta ko. "Para malaman mo na rin kung gaano kalalim ang pinagdaraanan ko."

Nanlaki ang mga mata niya. "I'm sorry, Miss."Nagbaba siya ng tingin.

"Tss," sininghalan ko lang siya ng tingin 'tsaka ko hinubad ang mga gear. "Sa susunod ay tao ang gusto kong pagpraktisan."

"T-Tao po?"

"Oo," hinarap ko siya. "Ikaw mismo para hindi mo makalimutan." Iniabot ko sa kaniya ang vest at saka ko siya tinalikuran.

Hindi kapani-paniwalang totoong gumaan ang pakiramdam sa dibdib ko. Hindi na tuloy gano'n kabilis ang pagmamaneho ko. At dahil hindi pa gano'n kadilim ay sa TB na lang muna ako dumeretso. Ayaw kong umuwi at mabungangaan nina Naih at Yaz.

Nagulat ang mga bakla nang makita akong nakaupo sa bar island.

"Ano ang aming maipaglilingkod?"nakangiting bungad ni Barb.

"Katahimikan," tanging sagot ko 'tsaka sumenyas kay Beka. "Isang beer."

"Beer," dinig ko pang bulong ni Jep. "Katahimikan pala ang gusto mo, eh, di sana ay doon ka sa sementeryo dumeretso?"

Hinarap ko siya at gano'n na lang ang nakangiwing pag-iwas niya. "Wala ako sa mood para makipagbiruan ngayon," sabi ko at saka tumalikod sa kanila.

Naupo ako sa table, sa harap mismo ng bandang kasalukuyang nag-a-assemble ng mga instrumento. Mayamaya lang ay may kamay na naglapag ng fries sa mesa. Matagal bago ako nag-angat ng tingin dito. Si Heurt.

"Tumawag sa akin iyong staff ng O-club, galing ka raw ro'n?" hindi na ako sumagot. Ang mga gano'ng bagay ay hindi na dapat idinadaan sa tanong. Hinila niya ang katabi kong silya at naupo ro'n. "'Wag mo hayaang sirain ng galit ang buhay mo, Maxpein," seryoso niyang sabi habang tulad ko ay nakatanaw sa banda na kasalukuyan nang naghahanda para tumugtog.

"Kung gano'n ay hahayaan ko na lang na sirain ng mga may galit sa 'kin ang buhay ko, Heurt?" nilingon ko siya. "Nananahimik ako, dumating ang mga 'yan at unti-unting sinisira ang buhay ko. Mananahimik na lang ba 'ko?"

"Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Maxpein. Maghinay-hinay ka, iyon ang pinupunto ko. Nag-aalala akong baka nang dahil sa nangingibabaw mong galit ay kung ano ang gawin mo sa kanila."

"Hindi ako kumikilos basta-basta, alam mo naman 'yon." Tinungga ko ang beer at sumenyas kay Beka para magdala pa sila. Sandaling katahimikan ang nangibabaw sa pagitan namin ni Heurt. Itinuon ko ang paningin ko sa banda pero parang wala akong naririnig at nakikita.

"Noon ay wala ring direksyon ang buhay ko pero nagkaro'n nang makilala ko ang daddy mo. Ang kaso dahil sa uri ng buhay na meron ako ay hindi ko siya pwedeng panindigan kahit na kaya ko naman." Natinag ako sa pag-amin niya, sandali akong natigilan pero hindi gumawa ng kilos. "Minahal ko ang daddy mo pero dahil komplikado ang buhay na meron ako ay nagpaubaya ako. Lumayo ako sa kaniya at matagal na hindi nagpakita. Ang naisip ko kasi ay hindi magiging maganda ang buhay niya kasama ako."

Sandali uli akong natigilan, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay agad na namasa ang mga mata ko. "Bakit pakiramdam ko ay sinasabi mo sa 'kin 'yan para magpaubaya na rin ako?" nilingon ko siya, nangunot ang noo niya.

"H-Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Maxpein. Pasensya ka na."

"Hindi niya pa ako lubos na kilala. At hindi malabong maging komplikado rin ang buhay niya kapag ako ang pinili niyang makasama."

"Maxpein..."

Hindi ko nagawang makapagsalita nang i-serve ni Manyur ang mga inuming in-order ko. Sandali na namang katahimikan ang nangibabaw sa 'min at matapos kong ubusin ang isa pang bote ay 'tsaka ako nagsalita.

"Gusto ko muna sanang mag-solo ngayon, Heurt," hindi ko siya nilingon. "Pwede mo bang gawin 'yon?"

Bumuntong-hininga siya at tumayo. "Babantayan kita sa malayo," aniya 'tsaka iniwan ako.

Uminom ako nang uminom pero hindi na nawala sa isip ko ang mga sinabi ni Heurt. Nagpaulit-ulit 'yon sa pandinig ko na siyang bumubuhay sa lungkot na nasa dibdib ko. Wala na sana akong balak na makaramdam pa ng lungkot, puro galit ang nangingibabaw sa 'kin. Pero nang sandaling iyon ay hindi ko na rin napigilang isipin muli si Sensui at ang mga huling bagay na nakita kong ginagawa niya.

Hindi ko siya kayang isuko. Sa lahat ng kaya kong maramdaman sa kaniya, pagsuko ang wala.

Napapikit ako at naihilamos ang mga palad sa mukha. Hinayaan ko lang ang sarili ko sa gano'ng posisyon, akala ko ay maiiyak ako pero hindi. Hindi man lang namasa ang mga mata ko at sa halip ay panay pagbuntong-hininga ang ginawa ko. Nakayuko ako nang magpatuloy, sunod-sunod na sumubo ng fries at tumungga sa bote. Hindi ako nakokontento, sumenyas ako kay Manyur na mabilis namang lumapit. Um-order ako ng sigarilyo at napapikit sa unang hithit.

Agad kong naalala ang mga sinabi ko kay Sensui kung bakit ko ihininto ang bisyo. Pero gano'n kabilis ko ring naalala ang unang beses ko silang makitang magkausap ni Eerah Anitha. Matapos no'n ay nangibabaw sa 'kin ang sunod-sunod na pangyayari. Na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mahulaan ang pinagmulan.

King inang 'yan...

Litong-lito ako at hindi malaman kung alin ang unang iisipin. Hanggang sa maalala ko si Lovemir at pagpapakatotoo niya. Hindi ko maintindihan ang mga kilos niya. Masyadong totoo ang mga iyon para patuloy kong paghinalaan. Matagal ko na rin siyang nakakasama, ilang buwan na, wala pa rin akong mahitang sagot sa kaniya.

Siguro ay kailangan ko siyang makausap nang masinsinan. Kailangan ko ng sagot mula sa 'yo, Lovemir. Kailangan kong magsalita ka.

Hindi na muli ako nag-isip pa. Gaya kanina ay itinuon ko na lang sa banda ang paningin ko, ipinagpapasalamat ang masasaya nilang tugtugin. Dahil kung nagkataong malulungkot ang mga kantang naririnig ko ngayon ay baka hindi ko na magawang ubusin ang mga boteng inihatid sa mesa ko.

Matapos ang halos apat na oras at tumayo ako at nag-iwan ng pera sa mesa. Walang sabi-sabing nilisan ko ang lugar na 'yon. At parang nakalutang na namang sumakay sa motor ko. Magsusuot na sana ako ng helmet nang may mapansin akong itim na kotse sa dulong bahagi ng parking lot. Gusto kong mapangisi nang makita ang dalawang taong nakaupo sa harapan at parehong may tabing sa ulo.

Pumadyak ako at pinag-ingay ang motor hanggang bumuo 'yon ng pinaghalong usok at alikabok mula sa malupang kalsada. Namuo ang alikabok sa ere at paniguradong hindi nila ako nakikita. Nag-iwan ako ng tatlong busina na siyang naging huyat ng pag-alis ko. Tumingin ako sa side mirror at kitang-kita ko ang pagbuhay ng ilaw nila sa harapan, doon ako napangisi.

Kailan pa nila 'ko sinusundan? Noon lang ako hindi nakaramdam. Kung natunton nilang nasa TB ako ay hindi imposibleng kanina pa nakabuntot sa 'kin ang mga iyon.

Nagpatuloy ako at mayamaya lang ay nasa likuran ko na sila. Swabe ang daloy ng trapiko. Kadalasan ay mas ginaganahan akong magmaneho kapag gano'n. Pero hindi ngayon, may kung anong pananabik ang mga kamay kong makapanapak ng tao kaya binagalan ko.

Hindi nga nagtagal ay ginitgit nila ang motor ko dahilan para mapunta ako sa kabilang linya. Patungo sa kalsada kung saan bibihira ang dumaraan. Madilim dahil wala masyadong ilaw maliban sa liwanag na nagmumula sa pareho naming sasakyan. Pinaharurot ng driver no'n ang kotse para maunahan ako at huminto sa gawing natatanaw ko. Pinaarangkada ko ang motor at patagilid na huminto. Iyong paghinto na sa sobrang swabe at ganda ay tatatak ang usok ng motor ko sa utak nila.

Nanatili akong nakasakay sa motor dahil gano'n din sila. Ang nasa driver's seat ay ipinatong ang kaliwang braso sa bintana ng kotse at saka lumingon sa 'kin. Naupo naman ako nang deretso at saka siya nilingon. Matagal na titigan, mata sa mata at wala nang ibang nakikita bukod sa mga iyon.

Agad na nagliyab ang galit sa dibdib ko. At kung pwede lang sana ay ako na ang unang susugod sa kanila. Pero hindi gaya nila ay wala akong ibang dala kundi ang sarili kong lakas.

Naunang bumaba iyong pasahero. Hindi nito alam ang pananabik ko na makita uli siya sa gano'ng suot. Purong itim mula ulo hanggang paa. Itim na tabing sa mukha, itim na jacket na nakasara, itim na pants at itim na sapatos. Maging ang mga kamay niya ay may suot na itim na gloves dahilan para tulad ko ay mata lang ang makita. Mas astig nga lang ang sa 'kin dahil mamahalin ang helmet ko.

Hinubad ko ang helmet nang magsimula itong lumapit sa 'kin. Inilagay niya ang parehong kamay sa likuran at huminto dalawang dipa ang layo sa 'kin.

"Kumusta, Maxpein?" tanong niya. Sa tunog no'n ay nasisiguro kong nakangisi siya. "Nag-iisa ka?"

"Mukha ba 'kong may kasama?" tanong ko na nilingon kunyari ang likurang upuan ng motor, 'tsaka ako bumaba.

"Ang totoo ay hindi ikaw ang pakay ko," aniya kasabay nang pagbuntong-hininga. Iyon palang ang sinasabi niya ay parang napapagod na siyang kaharap ako. "Pero dahil nangialam ka ay isinama na rin kita sa plano. Aaminin kong nakakatuwa ang kakayahan mo. Malakas ka, hindi ko maitatanggi iyon. Ilang beses ka na nga bang humarang sa daraanan ko?"

"Sinasadya mong dumaan sa dinaraanan ko, ikaw ang naunang humaharang bago ako."

"Masyado ka pang pilosopo."

"Gano'n ako kadalasan kapag tanga ang kausap ko."

Hindi siya nagsalita. Lumawak ang tabing sa mukha niya kaya batid kong napangiti siya. "Ganoon ba talagang katalino ang tingin mo sa sarili mo?"

"Hindi naman, sadyang mas nakalalamang lang ako sa 'yo."

"Tingnan natin kung gano'n," aniya at saka mabilis na sumugod.

Hinintay ko siyang makalapit at saka ako umatras. Panay ang pagsugod niya at pagdakma sa akin pero wala siyang maabutan. Paatras akong gumilid, sumunod naman siya sa 'kin dahilan para magpaikot-ikot kami. Sa gano'ng paraan ko lang kasi mababantayan ang kilos ng kasama niya.

At nang mahinto kami ay saka ako yumuko. "Lapit," hamon ko habang isinesenyas ang pareho kong kamay.

Hindi ito nag-alinlangang sumugod sa 'kin at sa pagsuntok niya ay agad akong umiwas. Pumunta ako sa tabi kung saan sinalo ko, gamit ang kanang kamay, ang pulsuhan niya. Idiniin ko ang likuran ng siko niya gamit ang kaliwa ko dahilan para mapasambit siya ng pagmura.

Mierda! Inulit ko sa isip ang sinabi niya.

Naglapat ang parehong likod namin at nang magharap kami ay panay na ang suntok niya. Na sunod-sunod ko namang sinangga hanggang sa masipa ko siya sa tiyan. Ngunit kinulang iyon sa lakas dahil nagawa niyang umatras at saluhin ang paa ko. Inilagay ko ang bigat ko sa kamay niyang hawak ang paa ko, 'tsaka ako tumalon sa ere dahilan para masipa ko siya sa mukha nang hindi inaasahan.

Napaatras siya at napayuko habang hawak ang panga. Nanatili akong nakatingin sa kaniya at walang mailabas na emosyon dahil sa kabagalan niya. Napabuntong-hininga pa ako nang makita ang muling pagsugod niya. Naging mas malakas na ang kaniyang pagsuntok, patunay ang tunog no'n sa magkabila kong pandinig habang umiiwas. Hindi ko naman inaasahang iyon ang ikagagalit niya. Dahil nabigla ako nang magawa niyang hawakan ang magkabila kong braso. Buong pwersa niya akong iniikot at nangyari nga iyon. Sinalubong ako ng kamao niya sa tiyan pero bago pa man iyon umabot sa 'kin ay nakayuko na akong umatras at bumaba para patirin siya.

Napahiga siya sa lupa ngunit agad ding bumangon. Muli kaming umikot sa isa't isa habang nag-aabang sa pagsugod. Pinalagutok niya ang leeg habang nakatingin sa 'kin, gano'n din ang pareho niyang kamay. At matapos no'n ay 'tsaka siya akmang susugod. Pero dahil hindi niya 'yon ginawa ay ako ang sumugod sa kaniya. Bumaba siya dahilan para hindi dumapo ang kamao ko. Hinila niya ang jacket ko sa likuran pero yumuko ako dahilan para mahila niya iyon sa 'kin.

Ngunit bago tuluyang mahubad ang jacket sa kamay ko ay pabato ko na iyong ibinagay na siya namang tumama sa mukha niya. Sa isang mabilis na pagkilos ay sinipa ko ang dibdib niya gamit ang magkabila kong paa.

Napasigaw siya bago humandusay sa kalsada. Pabato ring inalis ang jacket ko sa kaniyang mukha 'tsaka ako masamang tiningnan.

Hindi ko naman inaasahan ang pagsugod ng isa mula sa likuran kaya hindi ko iyon nagawang ilagan. Nasuntok niya ako sa galugod. Sobrang lakas no'n, hindi pinagbibigyan ang aking kasarian. Napaiwas ako, halos mapatalon papaatras sa gumawa no'n.

Pa'no 'kong tatakas sa mga lintik na 'to? Kailangang nakatumba silang pareho bago ko magawang paandarin ang motor ko. Naletse na!

Pareho naming hindi inaalis ang paningin sa isa't isa, paikot pa rin nang paikot gaya kanina. Pareho naming pinag-aaralan ang kilos ng isa't isa, patunay ro'n ang mga nanlilisik naming mga mata.

Nang sa hindi inaasahan ay naglabas ng patalim ang isa. Nawalan ng kulay ang mukha ko. Napalunok ako at napabuntong-hininga. At saka hinintay ang pag-atake niya.

Sinugod niya ako gamit ang kanan, nasa kaliwa ang patalim niya. Sinangga ko iyon gamit ang magkahawak kong kamay habang ang mata ko ay nasa kanan niya at nakabantay. Sunod-sunod na pagsangga paitaas dahil mas matanggad siya kompara sa 'kin. Hanggang sa maramdaman kong sinasadya niya akong sugurin papunta sa gawi kung sa'n nakahandusay 'yong isa.

Pero bago niya pa man magawa 'yon ay tinadyakan ko ang tuhod niya at hawak-kamay na siniko ang tagiliran niya. Naiwan sa ere ang pareho niyang kamay 'tsaka ko sinipa ang kanan kung nasa'n ang patalim. Muli ay tumalon ako at sinipa ito sa mukha. Hindi gaya no'ng isa ay parang hindi natinag ang isang 'to, hindi man lang napaatras ng sipa ko. Kaya nang akma siyang susugod ay pabaliktad akong tumalon, at sinadya kong itukod ang pareho kong kamao sa dibdib nang siyang nakahandusay doon. At sinigurong ang mga paa ko ay eksaktong tatama sa panga ng lalaking nakatayo.

Napasigaw na naman ang nakahandusay kasunod ng isang pagmumura. Hindi ko naiwasang magtaka.

"Mukhang may iniinda ka, ah?" sabi ko habang ang paningin ay nasa nakahigang lalaki. May tama naman ako, gusto kong magalit sa sarili dahil parang nararamdaman ko na ang hilo.

"Kaya mo pa ba?" pasigaw na tanong ng nakatayo, magkahalong galit at paghahamon ang tinig. "Kasi magsisimula pa lang tayo ng tunay na laban!" aniya na biglang sumugod.

Simula pa lang 'yon? Putsa, ano 'yong nauna? Warm-up niya? Inis akong umiwas nang bigla niyang hilahin ang kamay ko papalapit. Kumapit ako sa kaniyang braso ngunit halos mapasigaw ako nang pilipitin niya ang kamay ko. Hindi ko inaasahan ang biglang pagbulusok ng bilis niya.

Napatalikod ako at sinusundan ang pagkakapilipit upang hindi masaktan. Ang tanging nagawa ko ay ilagay ang paa ko paatras sa pagitan ng dalawang hita niya. Hinawakan ko ang balikat niya at buong pwersa siyang binuhat ngunit hindi ako nagtagumpay. Mas malakas siya! Kaya sa huling pagkakataon ay siniko ko nang siniko ang panga niya hanggang sa bitiwan niya ako. Hindi pa nakakabawi mula sa sakit ang braso ko kaya umatras ako at pinanood ang mga kilos niya.

Pero hindi doon natapos 'yon, muli siyang sumugod at sinapo ang leeg ko. Paatras nang paatras hanggang sa maramdaman ko ang hirap nang paghinga. Napahawak ako sa mga braso niya pero sobrang lakas no'n kaya wala akong nagawa kundi sumuntok sa ilalim. Pero dahil mahina 'yon ay nagagawa niyang ilagan at sanggain.

"Pwede kitang patayin ngayon, alam mo ba iyon?" nanggigigil ang mga pangang aniya. "Masyado kang mayabang!" lalo niyang pinakadiinan ang pagpiga sa leeg ko. "Kaya hindi kami matahimik ay parati kang humaharang!"'tsaka niya ako pabatong binitawan at sinipa sa tagiliran. Ginamit kong pampreno ang paa ko dahilan para mapahawak ako sa lupa.

Humanda siya sa pag-atake at ako naman ay nanatiling nakaabang. Hindi ko inaalis ang paningin sa kaniya habang ang pakiramdam ay nasa nakahandusay pa. Sa gilid ng isip ko ay ipinagtataka kong hindi pa rin nakakatayo ang nakahandusay at mukhang matindi ang iniinda nitong sakit.

At kung hindi ako nagkakamali ay nasa dibdib niya 'yon.

Nag-isip ako ng paraan habang nakayuko. Dadala-dalawa ito pero hindi ko kinakaya. Nababagalan ako sa kilos ko at alam kong dahil iyon sa epekto ng alak. Idagdag pa ang mga tabing nila sa mukha. Hindi namumuo ang galit ko dahil hindi ko sila nakikita.

Habang hindi gumagawa ng kilos ang nakatayo ay palihim kong tiningnan ang nakahandusay. Naghahabol ito ng hininga. Kaya naman nang sumugod ang isa ay yumuko ako't nagpagulong sa ibaba niya. 'Tsaka ako bumangon at tumalon sa mismong sa dibdib ng nakahandusay.

Nakita ko ang pagtalsik ng dugo mula sa bibig nito at napagulong sa sobrang sakit! Muling sumugod ang lalaki papunta sa 'kin. Inasinta ko na ang mukha niya ng sapak dahilan para mahawakan niya ang mukha gamit ang dalawang kamay. Matapos no'n ay hinawakan ko ang ulo niya at inumpog 'yon sa tuhod ko. Nang tumimbawang siya ay 'tsaka ko malakas na sinipa ang mukha niya.

Tinapakan ko ang magkabilang kamay niya dahilan para mapunta ako sa kaniyang ibabaw. 'Tsaka ako yumuko para hawakan ang tabing sa mukha niya at akmang huhubarin iyon. Hinawakan niya ang kamay ko ngunit hindi ko na halos maramdaman ang higpit niyon.

Ngumisi ako. "Kahit naman hindi ko tanggalin 'to ay kilala ko kung sino kayo," 'tsaka nawala ang ngiti ko at tinuhod siya sa mukha mismo.

Mas malakas pa ang isinigaw niya kompara sa isang may iniinda sa dibdib.

"Vamos a casa!" sigaw niyong isa. Wala akong naintindihan ang king ina.

"Biruin mo, nakainom na ako't lahat, hindi pa rin kayo umubra." Tinapik ko ang mukha niya. "Salamat, pinawisan ako."

'Tsaka ako tumakbo papalapit sa motor at patalon na sumakay ro'n. Hindi ko halos magawang pindutin ang starter nang lingunin ko sila. Ang isa ay kasalukuyan nang tumatakbo papalapit sa 'kin.

Nang ma-start ko naman iyon ay nahabol at napigilan ng isa ang pagtakbo ko. Inilagay ko ang bigat sa manibela 'tsaka iniangat ang katawan ko para pilipitin ang ulo niya gamit ang dalawa kong binti. Hindi man iyon gano'ng nagtagumpay ay nagawa niyang bitiwan ang motor ko dahilan para mapaandar ko iyon papalayo.

Damn! I was expecting you to come, Heurt!

Hindi ko maipaliwanag ang tindi ng kaba sa dibdib ko. Kaya ako nag-iwan ng busina sa TB ay inaasahan kong makukuha iyon ni Heurt. Marahil ay hindi niya 'yon narinig dahil sa tugtog sa loob ng bar.

Nagdamali akong umuwi, baon pa rin ang kaba sa dibdib dahil sa pangyayaring 'yon. Pilit ko pang niloloko ang sarili. Ang sabi ng isip ko, kung hindi lang ako nakadalawang dosena ng beer ay baka mani ang dalawang iyon. Lalo pa at may depekto iyong isa. Na hindi lang ako handa kaya ganoon ang nangyari. Pero may bahagi ko na alam at nagsasabi nang totoo.

Uminom lang ako ng tubig pagkarating sa mansyon at matapos no'n ay umakyat na ako sa kwarto. Napayuko ako sa mga palad at inis na napaisip. Nakukulangan ako sa mga kilos ko, hindi 'yon sing natural nang normal kong kilos. Sinisi ko na lang ang alak na unti-unti nang nilalamon ang katinuan ko.

Matapos kong makapagpahinga ay naligo ako at nahiga. Pero hindi pa man ako pumipikit ay tatlong magkakasunod na katok na ang tuminag sa 'kin.

"Sino 'yan?" tanong ko.

"Lumabas ka muna sandali," nangibabaw ang tinig ni Chairman Moon.

Sandali akong nagtaka, kinuha ko ang roba 'tsaka ko siya pinagbuksan. "It's late," nakangiwi ko pang sabi.

"Hindi ka raw pumapasok?" agad niyang tanong, napaiwas na lang ako ng tingin. "Sinabi sa akin ni Zarnaih na hindi ka pumapasok at parati ka lamang nagkukulong dito sa kwarto. Ano ang nangyayari sa iyo?"

"Wala."

"Iyong totoo, Maxpein?"

"Wala nga ho."

"Hindi ako naniniwala sa iyo."

"Eh, di hindi? Tss. Nag-iisip ako, okay?" hindi ko na naitago pa ang inis. "Kaya kung pwede? Magpapahinga na ako. Bukas na bukas ay papasok ako," sabi ko na tinalikuran siya.

"Nandito ang parents ni Deib Lohr,"bumuntong-hininga pa siya kaya natigilan ako. "They want to talk to you."

Nangunot agad ang noo ko. Tss. Ano na namang kalokohan 'to? Napalingon ako sa gawi pababa ng hagdan. "Bakit daw?"

"Harapin mo na lang sila. Mukhang may masamang nangyari."

Natigilan ako at napaharap sa kaniya. "Anong nangyari?"

"Kausapin mo na nga lamang sila," nagtiim ng bagang ang Chairman. "Magbihis ka, amoy alak ka."

"Naligo na ako. Tss."

"Bilisan mo. At bumaba ka na agad." Iyon lang at tinalikuran niya na ako at naunang bumaba.

Sandali akong nanatili at nakatanaw sa pagbaba niya saka napabuntong-hininga at bumalik sa kwarto para muling magbihis.

Pagbaba ko ay nakaupo ang mag-asawa, nagtaka agad ako nang makitang umiiyak si Mrs. Enrile. Bukod doon ay nandoon halos ang buong pamilya ko. Mga nakatingin nang masama sa 'kin. Tss.Hanggang sa mapabuntong-hininga na naman ako at dahan-dahang lumapit sa kanila.

"Magandang gabi, Mr. Enrile, Mrs. Enrile,"mahina kong bati.

Napatayo agad ang mag-asawa nang makita ako. "Maxi," sambit agad ni Mrs. Enrile, ipinagtaka ko ang patuloy niyang pag-iyak.

Alam ko nang may problema. "Napadalaw kayo?" sumeryoso ako.

"I don't know how to say this but...my son needs you. He needs you, Maxi," umiiyak na namang aniya.

Kunot-noo akong napailing. "Ano ba ang nangyari, Mrs. Enrile?"

Doon ay ikinuwento niya nang buo ang pangyayari, detalyado at hindi siya nahinto sa pag-iyak habang ikinukwento iyon. Maging ang naganap na pagpasok sa bahay nila nang gabing nandoon din ako ay ibinahagi niya. Hindi ko malaman kung ano ang nararamdaman habang pinakikinggan iyon. Nakatingin ako kay Mrs. Enrile pero nang tumagal ay para na lang akong nakatulala sa kaniya. Hindi ko magawang paniwalaan ang mga narinig ko.

"Pa'no nangyari 'yon?" wala sa sariling sambit ko habang nakatulala pa rin. 'Tsaka ako tumingin nang ayos sa kanila. "Magkasama kami nang gabing 'yon—iniwan ko siyang ayos, Mrs. Enrile!" hindi ko na namalayang napataas ang boses ko.

"Iyon na nga ang hindi namin malaman, Maxi. Hindi pa namin magawang kausapin si Deib Lohr sa ngayon dahil hindi iyon makabubuti sa kaniya. Hindi maganda ang lagay ng puso niya."

Doon ako napatitig sa kaniya. "Puso niya? Bakit?" nagugulat kong tanong. Pakiramdam ko ay alam ko na kung ano ang sasabihin niya pero gusto ko pa ring marinig 'yon. "Ano ang nangyari sa puso niya, Mrs. Enrile?"

Ngunit hindi na nito nagawang magsalita, para na siyang hihimatayin dahil sa sobrang pag-iyak. Lumapit na si Maze para aluin ito at bulungan ng pag-asa.

"Anong nangyari sa puso niya?" hindi ko na matagalan ang paghihintay ng sagot.

"K'wan kasi," sambit ni Mr. Enrile. "May sakit sa puso si Deib Lohr, hija. Dati na siyang naoperahan sa puso. Ngayon ay bumabalik ang sakit na iyon."

Ipinaliwanag niya ang tungkol sa sakit na iyon ni Sensui. Natulala na naman ako sa pakikinig dahil hindi ako makapaniwala sa nangyayari.

"Ngayon ay pumarito kami para sana makiusap sa iyo, hija. Nalaman naming nakipaghiwalay ka sa kaniya at...at iniisip niyang wala ka nang pakialam sa kaniya. Ang sabi niya sa amin ay papayag lang daw siyang magpaopera kapag...nakita ka niya."

"Kalokohan!" inis kong sabi. "Bakit? Ako ba ang gagamot sa kaniya?" singhal ko na ikinagulat nilang lahat.

"Maxi, Maxi, please...we need your help? Please," pagmamakaawa ni Mrs. Enrile.

"Maxpein?" kunot-noong tawag sa 'kin ni Maze. "Kailangan ka ngayon ng nobyo mo."

Dagling nabuhay ang galit sa dibdib ko at gusto kong sisihin si Sensui nang dahil do'n. Kung hindi siya sumama sa Eerah Anitha na iyon ay hindi mangyayari ang lahat nang ito. Kung hindi niya ako binanatan ng kung ano-anong pag-iwas ay hindi hahantong sa ganito.

Anong ginawa nila para magkagano'n siya?Litong-lito ako. "Sige, sasama ako," pagpayag ko. "Pero hindi ako pwedeng magtagal, Mrs. Enrile. May kailangan akong asikasuhin."

"Pero, hija?"

"Mas mahalaga kaysa sa kaniya ang aasikasuhin ko, Mrs. Enrile," sinabi ko iyon habang nakatingin mismo sa mga mata niya.

Kung nalaman ko lang 'to nang mas maaga ay baka hindi ko na tinakasan 'yong dalawa.

Hindi ko malaman kung ano ang mararamdaman habang nasa daan kami papuntang ospital. Tulala lang din ako sa labas ng sasakyan ni Maxwell kung saan ako nakasakay kasama ang magkapatid.

"Bakit hindi man lang sila nagsabi?"malungkot na sabi ni Naih. "Kung hindi pa pumunta dito sina tita ay hindi ko malalamang nasa ospital pala si Sensui ngayon," dagdag pa niya. "Imposibleng hindi 'to alam ni Lee, pati siya ay hindi nagsabi sa 'kin! Tsk!"

Hindi ko na pinansin pa ang pagdaldal niya. Nagpatuloy na lang ako sa pag-iisip. Sa kwento ng mag-asawa ay mukhang malala ang sugat na tinamo ni Sensui. Hindi ko alam kung paano akong magre-react kapag nakita ko 'yon. Pero panay ang pag-iisip ko kung sino ang posibleng gumawa no'n sa kaniya?

Kay Eerah Anitha ko lang siya iniwan. Nagawa niya 'yon? Imposible. Pero sino? Sino ang gumawa no'n sa kaniya? At paano...?

Halos magyakapan ang mga kilay ko sa sobrang pagkakadikit. Ako mismo ay parang nag-aalinlangan sa naisip ko. Napakaimposible para sa 'kin na magawa ni Eerah Anitha 'yon. Hindi dahil sa magkakilala sila kundi dahil wala siyang lakas sa paningin ko.

Continue Reading

You'll Also Like

93.9M 2.8M 69
Love Trilogy #1 This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, phy...
135M 5.3M 131
Masarap mapunta sa Section na may pagkaka-isa. Meron mang hnd pagkaka-unawaan, napag-uusapan naman. Panu kung mapunta ka sa Section na ikaw lang ang...
803K 41.2K 61
• NOW A PUBLISHED BOOK • Available in National Book Store and Fully Booked, also in Precious Pages Bookstore's Shopee, Lazada, and TikTok shop. • Fea...
209K 3.9K 21
Dice and Madisson