CHAPTER 192

2.3M 53.8K 83.8K
  • Dedicated kay Kamila Jiji
                                    

SIN'S POV

KINABUKASAN ay inaasahang kong makapagpapahinga ako ngunit hindi iyon nangyari. Binantayan ko ang mga tauhan ni Christian na nasaktan nang pasukin nila ang bahay ni Maxpein. Malala ang tinamo nitong pareho. Ang isa ay bali ang buto sa braso. Habang ang isa naman ay may nalagot na ugat dahilan upang hindi na muling maigagalaw pa ang isa sa mga daliri niya.

Hindi ko naiwasan ang magtaka. Kung hindi nga lang ako magiging bastos ay uunahin ko na sana ang kagalitan sila. Pero hinayaan ko na munang magamot at makapagpahinga sila bago ako nag-usisa.

"Ang sabi mo ay wala roon kagabi si Maxpein?" panimula ko.

Nilingon ako ni Christian, bumuntong-hininga bago nagsalita. "Iyon ang inaasahan namin pero nagkamali kami."

"Paano mo nalamang naroon siya kung ganoon?"

"Dahil sa amoy niya." Totoo ang bagay na iyon, nagawa naming sauluhin ang amoy ng magkakapatid. Magkakaiba ang mamahaling pabango na gamit nila kaya may pagkakakilanlan ang bawat isa. Matapang iyong sa panganay at sa babae, pangsanggol naman ang sa bunso. Hindi na ako magtatakang malaman ni Christian na naroon siya dahil malakas ang amoy ng pabango ni Maxpein.

"At isa pa ay nagpanggap lang akong walang nakita. Nang pasukin ko ang kwarto niya ay batid ko nang may tao roon," dagdag niya. Sandaling nangibabaw ang katahimikan sa pagitan namin.

"Hindi ko inaasahang uuwi kayo sa ganitong sitwasyon," tiim-bagang kong sinabi. Bumuntong-hininga siya. "Hindi ko agad kayo nagawang asikasuhin kagabi dahil ipinatawag ako ng Chairman. Gusto kong magalit, Christian, wala sa usapang mananakit kayo—"

"Hindi," agad niyang tanggi. Nilingon ko siya. "Maniwala ka sa akin, walang nasaktan sa kanila."

Lalo ko naman iyong ipinagtaka. "Paano iyong nangyari?"

"Maswerte pa akong hindi dumapo sa akin ang kamay niya," iiling-iling at peke ang pagngising dagdag niya.

Nilingon ko siya. Batid kong si Maxpein ang tinutukoy niya. Natigilan ako at napaisip.

Gano'n siya kalupit?

Pareho kaming tahimik na pinapanood ang paglalanggas ng doktor kay Mateo, ang sinaksak sa kamay ni Maxpein.

"Totoo nga ang dinig ko, matinik ang babaeng iyon. Base sa nakita ko ay hindi ko na yata dapat na ipagtaka iyon." Muling umiling si Christian. Sa hitsura niya ay para bang delubyo ang sinugod niya.

"Saan naman kaya niya natutunan ang ganoon? Ang lumaban." Nahiwagaan ako.

Umiling siya. "Hindi ko alam, gaya natin ay wala silang pagkakakilanlan."

Kumunot ang noo ko saka tuluyang hinarap siya. "Ano ang ibig mong sabihin, Christian?"

"Kilala mo ako. Kinikilala ko ang tao bago ko tinatrabaho. Wala akong makalap na impormasyon tungkol sa mga Moon. Kung ano at sino sila ay hindi ko alam. Isang pagkakamali ang puntahan sila nang walang sapat na nalalaman."

"Ano?"

Tumango siya. "Gaya nang sinabi ko, wala silang pagkakakilanlang gaya natin. Ang tanging nalaman ko ay mayaman sila at makapangyarihan. May kakayahan silang bumili ng mga lupain. Ang karamihan sa nasasakupan nila ay pinatatayuan nila ng ahensya mapakikinabangang ng mahihirap, iyong mga walang pera."

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon