Mantovani Maids: Caterina

De JeanRafaelle

649 80 20

A Collaboration with Raven Sanz and Darla Tverdohleb Takot mag-isa ay hindi pinag-isipang maigi ni Yna ang de... Mais

Teaser
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25

Chapter 3

46 6 2
De JeanRafaelle

CHAPTER 3

YNA

MULA NANG GABING MAMATAY SI NANAY hanggang sa makarating ako sa istasyon ng bus, makailang ulit kong napagtagumpayan, maski paano, na hindi umiyak sa harap ng mga tao. Kahit noong mabasa ko ang nakapaskil sa windshield ng aking sasakyan papunta kay Dad sa Tarlac ay napagtagumpayan ko rin.

Pero nang makalulan ako sa bus at tuluyang makaupo, nang makalapat ang aking noo sa bintana ay nawala na ako sa sarili; doon na bumuhos ang mga luha ko.

Tinangka ko pang pigilan, pero sa huli ay sumuko rin ako. Maigi na rin marahil na umiyak ngayon para una, pagdating ko kay Dad ay wala na akong mailalabas pa; pangalawa, baka sakaling gumaan din ang bigat sa dibdib ko.

Mangyayari ang una, batid ko. Pero ang pangalawa, mukhang nagkamali ako. Lumipas kasi ang ilang saglit ay tumindi pa ang bigat sa dibdib ko. Hindi na rin tumigil ang pag-iyak ko hanggang sa dumami ang mga pasahero at umusad ang sasakyan. Nagawa ko namang itago ang mga hikbi ko. Ang hindi ko lang maitago ay iyong pagsinghot at pagsinga sa pumupuno sa ilong ko.

Wala namang maisisisi sa akin kung bakit ako ganito sa kasalukuyan. Gulong-gulo na ako at takot na takot din. Kaya nga pagkaalis ko mula sa birthday party ni Megan, kumuha lang ako ng ilang piraso ng damit sa bahay, at agad nang tumungo sa bus station. Kinita-kita ko nang masisiraan ako ng bait kung magtatagal pa ako sa bahay—nang mag-isa.

Lalo akong naluha sa naisip. Lalo ring lumakas ang pagsinghot at pagsinga ko. Pero huli na nang matukoy kong hindi nagugustuhan ng katabi ko ang ingay na aking ginagawa sanhi ng pag-iyak.

Hindi ko matukoy kung babae o lalaki ang katabi ko. Nakasubsob na kasi ang aking mukha sa hindi kalakihang bag na dala-dala ko. Ang dama ko lang ay ang presensiya niya, pati na rin ang sunod-sunod na pagbuntonghininga at pagpalatak niya.

"Sir," wika ng boses-lalaki, mukhang bata pa. Marahil ay siya ang katabi ko. "Baka puwedeng palit tayo ng puwesto? Ang ingay po kasi dito sa pinagpuwestuhan ko."

Saksakan din ng arte itong lalaking ito. Gusto ko pa sanang kontrolin ang sarili ko. Hindi ko na nagawa; dali-dali akong napalingon sa kanya.

Bata pa nga. Matanda lang siguro sa akin ng ilang taon. Matangkad. Clean cut ang gupit ng buhok. Pati mukha niya ay clean cut din—kakaahit lang. Malaki ang mga mata. Pango at malaki ang ilong.

Samakatuwid, pangit na nga ang mukha, pangit pa ang pag-uugali.

"Pasensya na, iho," sagot ng ginoong nakaupo sa kabilang upuan na katapat ng hanay ng puwesto namin. "Kasama ko kasi ang bunso ko. 'Kita mo naman at tulog na tulog ang bata at nakapatong pa ang ulo sa kandungan ko."

Pabagsak na ipinatong ng lalaking katabi ko ang ulo niya sa head rest ng upuan. Bumuntonghininga at pumalatak siyang muli, hindi lang isa kundi tatlong beses. Nang siguro ay mapansin niyang nakaharap ako sa kanya, dahil hindi rin naman ako nag-abalang iwasan siya kung sakaling humarap siya sa akin, nilingon niya ako.

Hawak-hawak ang kahuhugot ko lang na tissue mula sa kahong binili ko kanina sa istasyon, walang pakundangang suminga ako—singang malakas na bahagyang inilapit ko pa ang mukha ko sa mukha niya. Piniga-piga ko pa ang ilong ko nang maubos ang laman niyon.

Napangiwi ang lalaki, pero akmang bubuka ang bibig niya. Hindi na niya natuloy dahil sa isang kamay na tumapik sa balikat niya—kamay mula sa likurang upuan. Kamay siguro ng babae—malaking babae. Maputi kasi at makinis. Hindi rin maugat pero malaki ang palad.

Napatingala ako. Nakatayo na siya. Bumagsak naman ang baba ko, at huli na para isara kong muli ang aking bibig dahil tinapunan na niya ako ng maikling tingin.

Lalaki pala.

"Dito ka na," sabi niya sa lalaking katabi ko. Palabas na siya mula sa hanay ng inuupuan niya.

Nagpalit nga sila ng puwesto. Kaswal na umupo ang bagong katabi ko. Hindi siya nag-abala pang muli na tapunan ako ng tingin. Nakabaling lang iyong mukha niya sa harap.

Napairap ako sa ere. Mukhang mas maarte ang isang ito, pero hindi tulad noong isa, kung mas maarte nga itong bagong katabi ko ay mas bagay naman sa hitsura. Hindi ko ide-deny iyon. Bagay iyong kanina kong katabi sa pampublikong sasakyan, pero itong isa ay nakapagtatakang sumakay siya rito. Sa unang tingin pa lang ay klarong may sarili siyang kotse—mamahaling kotse. Mamahalin din kasi ang damit niya maski simpleng itim na shirt at itim na maong pants na pinarisan ng itim na baseball cup. Mamahalin din ang kutis; mas maputi pa sa akin at mas makinis. Mamahalin maski ang amoy niya.

Singkit.

Prominente ang panga.

Kung hindi lang siya nag-Tagalog, aakalaing Koreano siya na nahaluan ng ibang lahi.

Ngumiwi akong bumaling sa direksiyon ng bintana. Bakit ko ba sila pinoproblema? Mas malaking problema ang kakaharapin ko kapag nakarating na ako sa Tarlac.

Pihadong wala pa rin doon si Dad. Dahil kung naroroon na siya, dapat ay nagparamdam na iyon sa akin. Ang madadatnan ko roon ay iyong asawa niya—legal at tanging asawa ng aking ama.

Kung mayroon lang akong ibang puwedeng matakbuhan... Atrasado ako sa mga kamag-anak ni Nanay, lalo na sa mga ka-trabaho ko. Hindi ko sila kilala. Hindi sila katiwa-tiwala.

Sa puntong iyon, natulala na lang ako sa nadaraanan ng kinasasakyan ko. Madilim pa. Ayon sa relos na suot ko ay alas dos na ng madaling araw. Malamang ay alas singko ng umaga ako makakarating sa Tarlac.

***

"MISS, IYONG BALIKAT KO, NGALAY NA."

Unang bumungad sa paningin ko iyong puting headrest ng isang upuang nakatalikod. Matapos niyon ay nagsabay ang pag-uga ng paligid sa pagbalya ng katawan ko sa kung sino.

Lumilindol! Lumilindol! Pumikit ay bahagyang napatayo ako at kumapit kay Nanay. Itinabing ko rin ang isang kamay ko sa ulo niya.

Sisigaw sana akong muli dahil umuga na naman. Pero noong umalingawngaw iyong malakas na singaw ng hangin na sinabayan ng biglang pagtigil ng mga uga, napamulat ako.

Parang... parang air brake ng bus iyong narinig ko!

Mabilis na sa bintana tumungo ang paningin ko. Bus na puno ng pasahero na nagsisibabaan ang naroon sa labas. Sumisilip na rin ang araw; maliwanag na. Dios mio! Papunta nga pala ako sa Tarlac!

"Miss, n-nasasakal ako."

Mabilis na napabitiw ang mga braso ko sa kung saan ang mga iyon nakakapit. Halos umakyat ang dugo ko papuntang ulo. Sa lalaking katabi ko, sa kanya pala ako nakayakap! Namula na ang mukha niya kakaubo.

"Hala! Sorry po!" Alanganin akong daluhan siya. Pero wala pa man, itinaas na niya sa ere iyong isang kamay niya na parang inaawat ako sa kung anumang naisip kong gawin.

"Just s-stay away from me—" umubo siya ulit, inayos iyong brim ng suot niyang itim na sombrero na nawala sa ayos.

Dahil sa pagkapahiya, hindi na ako nakapag-react pa, lalo na nang magsitayuan ang mga pasahero at nakatingin pa sa direksiyon ko.

Nakakasora! Bakit ba kasi ako nakatulog?

Hindi na nawala sa isip ko ang kahihiyang pinaggagawa ko hanggang sa makasakay ako ng tricycle na maghahatid sa akin sa bahay ni Dad. Ipinagpapasalamat ko na rin iyon. Maski paano ay na-distract ako. Hiling ko lang na sana ay ayos lang iyong Koreano na katabi ko kanina. Sa pamumula pa lamang ng mukha niya ay masasabi kong napahigpit ang pagkakakapit ng braso ko sa leeg niya.

Akmang tatampalin ko sana ang noo ko. Hindi ko na naituloy noong tuluyang makalabas sa bus station ang tricycle na sinasakyan ko.

Titingin ba ako palayo at magkukunwaring hindi ko siya nakita? O panindigan ko na lang na hindi ako agad umiwas ng tingin? Iyong pangalawa nga ang ginawa ko. Hindi ko na iniwas pa ang tingin ko sa Koreano na katabi ko kanina. Naroon siya sa kabilang daan, nakatayo. Sa harap niya ay nakaparada ang isang itim na SUV.

Noong una, hindi ko pa sipat ang mga mata niya. Pero inangat niya ang brim ng sombrero niya. Sa akin siya nakatingin. Sa paraan ng pagtitig niya, parang alam niya na ito ang tricycle na sinakyan ko pagkababa ng bus.

Mukhang tinitiktikan ako ng lalaking iyon.

Nakaalpas na kami. Inis sana ang mararamdaman ko pero... Paano nga ba namatay si Nanay?

Nanlamig akong bigla.

Sa dating pa lang ng lalaking iyon—puro itim ang suot—pasado siya kung pagpatay man ng tao ang ikinabubuhay niya. Hindi ko tuloy napigilang dumungaw sa pinto ng tricycle saka silipin ang likuran namin.

Iyong itim na SUV na nakaparada sa harap ng Koreano kanina ay nakasunod nga sa amin.

Lumunok ako saka bumalik sa pagkakaupo. Ilang saglit pa ay umalpas na sa amin iyong itim na sasakyan. Nakahinga ako nang maluwag, pero hindi pa rin natigil ang isip ko. Parang kay bagal-bagal ng oras. Kanina pa kami sa daan. Habang tumatagal ang biyahe ay paunti nang paunti ang mga bahay, at palayo na kami nang palayo sa kabihasnan.

Pamilyar ako sa nadaraanan namin. Pero kay tagal na kasi mula nang huli akong napagawi sa bahay ni Dad. Iyon ang una at huli. Dapat pala ay tumawag muna ako sa asawa niya bago ako nagpunta. Pero sa lagay ng babaeng iyon, siguradong gagawa siya ng dahilan para hindi ako pumunta.

Bahala na. Kung hindi niya ako papatuluyin ay makikiusap na lang ako kay Manang Lupe. Kilala naman niya ako. Minsan na siyang isinama ni Dad noong 18th birthday ko. Tumulong kasi siya kay Nanay sa pagluluto noon.

Sana lang ay naaalala pa niya ako. Bukod pa roon ay siya ang mayordoma sa bahay ni Dad. Siya ang kadalasang sumasalubong sa mga bisitang nagpupunta roon. Iyon ang kuwento niya sa amin noon.

Bago pa huminto ang tricycle ay isinukbit ko na ang aking bag, saka itinabing sa noo ang isa kong kamay dahil sa taas ng araw. Nasa malayo pa lang ako ay sipat ko na ang nakasulat sa bukana ng pakay kong lugar.

Palazzo Mantovani.

Walang pinagbago ang bakod ng bahay ni Dad. Magarbo at nakakalula pa rin. Mataas. Sa labas man o sa loob ng bakuran ay may mga halaman at mga puno na busog sa alaga. Klarong may hardinero sila roon.

Noong unang beses akong nagpunta rito kasama ni Nanay, pinangarap kong makatira rito kahit isang araw lang. Kahit sinong makakita ng lugar na iyon, iisiping kay payapa kung doon maninirahan. Sobrang tahimik din kasi.

Ngayong nakarating ako muli rito ay iba na ang dating sa akin ng lugar. Iyon ang tipong kapag pinasok mo ay parang hindi ka na makakalabas pa. Sa kasalukyan, para sa mga mata ko ay kung makakapasok ako roon ay palagay ang loob ko na ligtas ako—iisipin ko na lang na ganoon—maski pa masabing naroroon ang asawa ni Dad.

Wala pa akong kaplano-plano, sa katunayan. Ang nais ko lang ay makasama si Dad maski pansamantala. O kung papalarin ay permanente na.

"Narito na tayo, ineng." Kasabay ng pagkasabi niyon ni Manong ay inihinto niya ang tricycle.

Ibinigay ko lang ang bayad, nagpasalamat at bumaba na.

"Kailan lang, isang dalaga rin ang inihatid ko rito. Anak ka rin ba ni Señor Stefano?"

Nginitian ko lang si Manong saka tumalikod. Lalaki pero chismoso rin.

Ngumiwi akong tumigil sa isang poste. Naroon nakakabit ang isang itim na kuwadradong gawa sa metal. Sa loob niyon ay may pulang buton. May ganoon ang bahay ng manager namin sa bangko. Pihadong intercom iyon. Kung hindi ako nagkakamali ay doorbell lamang ang naroroon sa bakod noong magpunta kami rito ni Nanay.

Pinindot at nanatili lamang na nakadiin ang kamay ko sa buton.

"Magandang umaga! Sino sila?"

Bahagyang ngumiti ako nang mabosesan ko si Manang Lupe. "Good morning po, manang. Si Caterina po ito. Naalala niyo pa po?"

"Ay! Iha! Naparito ka?"

"Ahh... E, gusto ko sanang makausap si Dad."

"Wala pa ang don, iha. Pero sige't pumasok ka muna. Aba'y ang layo ng pinanggalingan mo para pauwiin kita agad."

"Salamat po, manang."

"Pumasok ka na lang pagkabukas ng gate. Maghintay ka riyan at ipasusundo kita sa driver."

Kusang nagbukas ang gate. Doon pa lang sa kinatatayuan ko ay tanaw na ang itaas na bahagi ng bahay. Lalo akong nalula, at paroon-parito na ako sa kinatatayuan ko. Bigla ay nais ko nang umatrsa.

Pero huli na. Papalapit na ang pick-up na susundo sa akin.

Sumakay ako sa passenger's side, siyang kinontra ng driver. Dapat ay doon daw ako sa likod. Anak daw kasi ako ni Don Stefano. Tumanggi ako. Nasa bus pa lang ako papunta rito sa Tarlac, alam ko na kung saan ako lulugar, lalo pa't wala si Dad dito.

Inaasahan ko na rin ang mangyayari. Kaya nga kahit nakarating na ako noon dito ay inabot ng mahabang panahon bago ako ulit pumunta. Anak ako sa labas ni Dad. Hindi ko naman iyon nakakalimutan.

"Iha! Naku! Kay gagandang bata talaga ng mga anak ng don," sabik na wika ni Manang Lupe nang makahinto ang pick-up sa tapat ng main entry ng bahay. Hindi gaanong tumanda ang mayordoma. Ganoon pa rin ang katawan—mataba. Jolly pa rin at mukhang mabait.

Bahagya lang akong ngumiti saka bumaba na mula sa sasakyan. Ilang sandali pa ay natigilan ako at napatingin muli kay Manang Lupe na sinalubong ako at puwersahang kinuha pa ang bag ko. Hindi na ako nakatanggi, sabik na nagdadadaldal na kasi siya. Pero hindi ang ginawa niya ang ikinagulat ko, kundi ang sinabi niya kanina.

Kay gagandang bata talaga ng mga anak ng Don...

Kung nakita na ni Manang Lupe ang mga kapatid ko, ibig sabihin ay nakapunta na sila rito?

Hindi lingid sa kaaalaman kong may iba pa akong kapatid. Sabik naman akong makita sila. Sino ang hindi? Pero sa ngayon, sa dami kong iniisip ay hindi ko madama ang sabik na iyon.

"Kamusta na ang nanay mo? Biglaan yata ang pagpunta mo rito?" tanong ni Manang Lupe.

Nag-init agad ang mga mata ko sa tanong na iyon. Pinaglabanan ko. Hindi ito ang tamang panahon para magmukhang mahina sa teritoryo ng asawa ni Dad. Kung dapat kong kapalan ang mukha, huwag lang akong mamuhay mag-isa ay gagawin ko.

"Patay na po si Nanay." Kaswal ang mukha ko, pero sa aking boses ay klaro ang bigat.

Nabigla si Manang Lupe. Matagal bago niya naihakbang ang isang paa sa unang baitang ng hagdan.

Nagpatianod na lang ako sa pagpanhik.

"Kailan, iha? Alam na ba ng don?"

"Nito lang po. Nilibing po siya last week. Kaya nga po ako narito para sabihin sa kanya. Tumawag ako rito, asawa po niya ang nakasagot. Wala raw si Dad pero sasabihin niya raw."

Pilit mang itago ni Manang Lupe ang pag-iling ay nakita ko pa rin.

"Makikituloy ho muna sana ako rito, manang. Kung ayos lang."

"Narito ang isa sa mga kapatid mo, tumutuloy rin dito," sa halip ay sabi niya. Naroon na kami sa mismong pintong nakasara. Doon kami tumigil. "Dumating siya ilang araw matapos pumunta rito ang isa mo pang kapatid. Pinagtabuyan siya, Yna. Hindi sa hinihimok kitang panghinaan ng loob. Sigurado akong naisip mo nang hindi magiging madali ang buhay mo kung dito ka mananatili. Ang akin lang ay pag-isipan mong maigi."

Nasabik man ako nang kaunti sa kaalamang narito ang ilan sa mga kapatid ko, bumigat pa rin ang dibdib ko. Malupit ang pagkakataon kung dito pa kami magkikita-kita.

"Salamat po, manang."

"Nasa living room ang donya at kausap ang pamangkin niya. Bumati ka muna, nasabi ko na ring narito ka." Binuksan ni Manang ang pinto para sa akin. Tinapik pa niya ang likod ko sa pagtuloy ko sa loob ng bahay na parang sinasabi niyang 'asahan mo na ang dapat mong asahan'.

May chance ka pang umatras, Yna.

Pero nagpatuloy pa rin ako sa pagpasok. Malaki ang mansyon. Malawak ang living area at bahagyang malayo pa iyon sa paningin ko. Masabi mang ganoon ay sipat ko na agad ang asawa ni Dad, maging ang pamangkin nito na binanggit ni Manang Lupe.

Nakakailang hakbang pa lamang ako ay siyang lingon nilang dalawa sa gawi ko. Sulyap lamang ang ibinigay sa akin saka nagpatuloy na sa kung anumang pinag-uusapan nila.

Hingang malalim, matapos niyon ay buga sa bibig nang dahan-dahan. Paulit-ulit ko iyong ginawa habang palapit sa kanila.

Pero unti-unti, lumiliit nang lumiliit ang mga hakbang ko hanggang sa tumigil na ako sa paglalakad hindi pa man ako tuluyang nakalalapit. Patuloy pa rin sila sa pag-uusap na para lang akong hangin. Inaasahan ko na iyon. Sino ba ako, hindi ba?

Ang hindi ko inaasahan ay iyong makikita ko ang Koreano na nasakal ko roon sa bus kanina.

Ang pagkakataon nga naman! Pamangkin pa siya ng asawa ni Dad. Hindi na katakataka na mukhang mamahalin ang lalaki. Mayaman si Dad; malamang ang asawa niya ay galing din sa mayamang pamilya.

Parang gusto ko na lang tumakbong pabalik ng Cavite. Matatagalan ko pa siguro ang asawa ni Dad pero hindi ang lalaking ito... kung dito man siya nakatira.

Continue lendo

Você também vai gostar

385K 26.9K 232
Rosabella Nataline swore to keep off dating when she got her heart broken two years ago. She kept herself protected and bound by a rule she establish...
213K 3.7K 86
Apat na taon ng kasal si Shu sa isang lalaking ni minsan ay hindi pa niya nakikita o narinig manlang ang boses. Palibhasa ay hindi naman siya dapat a...