Kalmado (A Stand-alone Novel)

By isipatsalita

17.5K 2.8K 1K

Puro lang, walang halong kemikal. © 2022 isipatsalita More

Mensahe
Pasilip
Relaks 1
Relaks 2
Relaks 3
Relaks 4
Relaks 5
Relaks 6
Relaks 7
Relaks 8
Relaks 9
Relaks 10
Relaks 11
Relaks 13
Relaks 14
Relaks 15
Relaks 16
Relaks 17
Relaks 18
Relaks 19
Relaks 20
Relaks 21
Relaks 22
Relaks 23
Huling Relaks

Relaks 12

360 98 18
By isipatsalita

Isinugod namin si Mamme sa pinakamalapit na ospital.

Pagkatapos kasi naming mag-almusal, nauna na akong maligo tapos si Dadde rin at ang pinakahuling mag-prepare papasok ay ang nanay ko dahil marami pa siyang inaasikaso sa kusina.

Normal na araw lang. Ang ganda pa nga ng sikat ng araw. Nagtatawanan pa kaming tatlo habang kumakain kami. Wala, basta ayos na ayos pa.

Dahil ako ang kailangang umalis nang maaga dahil ayaw kong ma-late, kinatok ko sila sa loob ng kuwarto. Tatay ko ang sumilip.

Nasa CR pa raw si Mamme at ang tagal nga raw matapos. Parang nag-aaksaya pa raw ng tubig sa banyo.

Sumigaw na lang ako, "'mme, lalayas na ako!"

Walang sumagot. Iniisip kong baka hindi ako narinig dahil sa lagaslas ng tubig.

Dumiretso ako sa garahe para i-check ang radiator, gulong at kung ano-ano pa sa oto ko nang marinig kong sumigaw ang ama ko mula sa terrace nila sa third floor.

Alam kong kakaiba ang tono n'on kaya mabilisan akong umakyat at literal na natigilan ako nang makitang buhat-buhat na ni Dadde si Mamme, at ang tanging nakabalot lamang sa katawan nito ay ang towel nito.

Walang malay ang nanay ko at nagdudugo ang gilid ng kaniyang hinlalaki sa kanang paa.

"Paandarin mo na makina ng kotse mo. Dali!" natatarantang salita ng erpats ko.

Ang sakit ng sikmura ko no'n. Parang naninigas ako na nanginginig at ang daming katanungang tumatakbo sa utak ko.

Sa unang pagkakataon, nakita ko kung paano umiyak ang tatay kong astigin at palaging kalmado lang habang buhat-buhat niya ang babaeng nagbigay ng kulay sa mundo namin.

Ang nagbigay ng buhay sa amin.

Lowered ang oto ko no'n pero wala na akong pakialam kung mahaklit man ang bumper o masira ang pang-ilalim no'n dahil takbong SLEX ako palabas ng subdivision namin.

Paglabas ko ng highway, panay ang busina ko sa lahat ng mga nakaharang sa kalsada. Hindi ko alam kung ilang beses akong nagmura habang sinusubukang kumalma dahil baka maaksidente pa kami.

"'mme, gising na. Papasok pa kayo ni Dadde sa shop," manginig-nginig kong salita no'n.

Tinapik ko pa nga nang malakas sa hita dahil nakahiga siya roon sa may passenger seat habang ang tatay ko naman ay nasa likodhawak ang kamay niya.

Hindi gumagalaw si Mamme pero may pulso pa raw sabi ng tatay ko.

Ilang minuto lang nang makarating kami sa emergency room ng ospital na malapit sa amin.

Hindi ko magawang tingnan ang mga nurse at doktor na chine-check ang nanay ko. 200 over... putangina, basta sobrang taas ng presyon.

Lumabas muna ako para sumagap ng hangin at para i-text si Adria bago ako bumalik sa loob.

Dumoble ang kaba ko nang marinig na napaihi na si Mamme sa kama at kung ano-ano pang naririnig ko pero parang hindi ko maintindihan kasi punong-puno na ng takot ang dibdib ko.

Putangina.

Ilang minuto na pero wala pa ring malay ang ermats ko kaya nagsimula nang lumabo ang mga mata ko. Hindi ko rin makausap nang maayos si Dadde.

Dadalhin daw sa ICU at ang tanging makapagliligtas lang daw sa nanay ko'y dasal.

Hindi pa rin kami sumuko. Inilaban namin siya. Isip-isip namin noon, kahit pa maging lantang-gulay, basta buhay siya at makauwi pa rin sa amin, okay na okay lang.

Basta makauwi ang nanay ko't makasama pa namin nang kahit kaunting panahon pa.

Nagkagulo ang lahat ng mga kamag-anak at kakilala nina Mamme at Dadde nang mabalitaan iyon. Nasa mid-40s pa lang ang nanay ko no'n.

Healthy ang lifestyle niya pero nasa lahi talaga nila ang high blood. May maintenance naman siyang gamot na hindi siya pumapalyang inumin araw-araw.

Pero bakit? Putangina, bakit ganoon?

Bakit ganoon kaaga? Bakit ganoong kabilis?

Kaya pala no'ng nakaraang linggo no'n, nag-aya ang ermats kong pumunta sa mall kasama ako. Bibilhan daw niya ako ng mga polo shirt at pantalon para raw marami akong pagpipiliang damit kasi nga nag-o-opisina na ako.

Kaming dalawa lang talaga. Parang naging date iyon.

Binilin pa nga niya sa akin si Adria, na kesyo magtino raw ako't alagaan daw namin ang relasyon namin. Ako rin, palaging magsabi lang daw sa kanila ni Dadde kapag may problema ako.

At doon ko lang napagtantong baka iyon na ang mga senyales pero binalewala ko lang dahil sino ba ang mag-aakalang mangyayari iyon nang walang kaabog-abog?

Nawala lahat ng angas ko sa katawan. Tumiklop ako. Parang humihiwalay 'yong kaluluwa ko sa katawan ko kapag pinagmamasdan ko ang sarili kong inang nakaratay sa ICU.

Ang pinagkunan ko na lang ng lakas no'n bukod sa Kaniya ay si Adria.

Araw-gabi, wala siyang palya sa pagsama sa amin ni Dadde sa pagbabantay sa ospital.

Alam kong may curfew siya sa kanila pero sinabi niyang mas uunahin niya kami dahil napamahal na rin siya sa nanay ko.

Alam ninyo 'yong gustong-gusto kong umiyak pero hindi ko magawa?

Sobrang hanga ako kay Adria no'n dahil pabalik-balik siya sa bahay namin para ikuha kami ng mga pagkain at damit tapos sasaglit siya sa campus kasi may klase siya. Babalik na lang siya pagkatapos.

May isa o dalawang araw na umabsent siya lalo na no'ng nagdedelikado si Mamme.

Putangina, lumalaban ang nanay ko, eh. Ayaw pa niyang bumigay.

Pabalik-balik ako sa chapel at sa kaniya para kausapin siya nang masinsinan. Binubulungan at kinakantahan ko pa siya dahil alam kong gusto niya kapag kumakanta ako.

Sa kauna-unahang beses, nagmakaawa ako sa Kaniya.

Huwag muna, please. Huwag muna.

Mas dumoble ang problema ng tatay ko nang makita ang bill sa ospital na umabot na halos ng dalawang milyon. Puwera pa mga gamot doon at iba pa naming gastusin.

Paubos na raw ang savings nila. Wala pang masyadong kita sa shop namin no'n kaya wala siyang ibang naisip na paraan kung 'di ibenta ang bahay namin pati 'yong kotse ko.

Ibinigay ko na rin lahat ng natitira kong pera. Hindi kasi ugali ng tatay kong mangutang o lumapit sa iba para humingi ng tulong.

Buntot niya, hila niya.

Kaya para kay Mamme, sige lang. Kahit maghirap pa kami basta mabuhay lang siya.

Eksaktong isang linggo, bumigay na siya nang tuluyan.

Iniwan na niya kami. Rinig na rinig ko kung paano siya binawian ng hininga. Hanggang ngayon, nandito pa rin iyon sa isipan ko.

Iyong matinis na tunog ng flatline... putangina.

Naging mabuting tao ang nanay ko. Ni minsan ay wala akong nabalitaang nasangkot siya sa isyu ng pamilya dahil tahimik lang siya at ayaw niya ng gulo.

Naging mabuti rin naman akong anak. Hindi naman ako naging pabigat pero bakit ganoon?

Bakit kailangang bawiin nang maaga sa amin?

Tatlo na lang kami sa pamilya, bakit kailangan pang mabawasan agad?

Bakit hindi muna pinaabot na maging senior citizen bago kinuha sa amin?

Bakit nanay ko pa?

Ang dami kong tanong sa isipan at dumating ako sa puntong kuwinestiyon ko Siya. Hindi na ako magpapaka-plastik pero kuwinestiyon ko talaga Siya.

Na bakit hindi na lang ibang masamang tao? Na bakit 'yong sobrang buti pang tao?

Bakit si Mommy?

Napaupo lang ako sa labas ng ICU habang sinusubukan pa siyang i-revive ng doktor. Si Adria, nasa tabi ko lang, nakayakap nang mahigpit sa akin.

Wala akong ibang naririnig kung 'di hagulgol niya pati ng tatay ko. Ang mga kamag-anak din namin, nagsisilapitan na rin sa akin pero hindi ko sila nagawang pansinin.

Hindi ko pa rin magawang umiyak. Nakapikit lang ako no'n. Pinakikiramdaman ang kabog ng dibdib kong hindi na makalma-kalma.

Parang may matinis na tunog na rin akong naririnig sa may tainga ko. Para akong masusukang ewan. Basta hindi ko na maipaliwanag.

Alam ko namang darating ang araw na kailangan na kaming iwan ni Mamme.

Pero kahit sino naman siguro'y mabibigla kapag ganoong kabilis at biglaan.

Tatay ko pa nga ang madalas magbiro tungkol sa kamatayan, na gusto niyang siya ang mauunang mamatay kaysa sa nanay ko at siya raw ang unang babawiin dahil siya raw ang mabisyo.

Nagbiro pa nga akong hindi siya tatanggapin sa Langit kasi katropa niya ang mga taga basement.

Napilayan kami, putangina.

Ang daming nagbago. Sobra.

Tatay ko'y naging babaero pagkatapos mawala ng nanay ko. Pinabayaan niya akong magpatuloy sa pamamahala sa bahay na pinagawa niya para sa aming dalawa. Hindi na siya gaanong umuuwi sa bago naming tahanan kasi madalas ay kung kani-kanino na siya umuuwi.

Ako na lang mag-isa sa maliit naming pamilya. Literal.

Pasalamat pa rin ako dahil may inuuwian pa akong bahay. Ginawa naming paupahan ang second at third floor para may extra income.

Idinaan na lang ako sa pera ng erpats ko. Weekly siyang nagbibigay sa akin dahil nakabawi-bawi na yata ng benta sa shop.

Nakabili na rin ako ng sarili kong oto galing sa suweldo ko at sideline na pagbebenta ng mga piyesa ng kotse tapos itinatabi ko na lang 'yong mga ibinibigay ni Dadde sa akin.

At ilang buwan lang matapos mawala si Mamme sa amin, napagdesisyunan ni Adria na sumama na sa akin.

Ayaw ko sana dahil alam kong hahanapin siya ng nanay niya't ayaw kong ma-bad shot pa siya sa kanila nang dahil lang sa akin.

Pero buo na ang desisyon niya. Kita kong may maleta at ibang bag pa siyang dala no'ng isang gabing umiinom ako sa may garahe.

Wala na akong nagawa. Niyakap ko nang mahigpit. Sa unang pagkakataon, doon ko nailabas lahat ng emosyon ko.

Putangina, sabog ang iyak ko no'n.

May kasama na ulit ako sa bahay. Iyong madilim dati, medyo nagkaroon ng kulay.

May kasama na akong masaktan kapag naiisip ko ang nanay ko. May dahilan na para gumising ako araw-araw. May kasama na ako kapag dumidilim na.

Sa madaling salita, hindi na ako nag-iisa.

Pero kahit ganoon, tao lang din ako. Hindi sa lahat ng oras, maganda ang naipakikita ko kay Adria.

Naging bugnutin ako. May oras na hindi kami nagkakausap tungkol sa aming dalawa dahil nakapokus ako sa sarili kong nararamdaman. May oras na nilalambing ko na lang siya kasi kailangan kong huminga at makapagpahinga.

May oras na hindi ko siya naipagluluto bago ako pumasok sa opisina tapos pag-uwi ko sa gabi, nakatutulog na lang ako sa pagod.

Parang naging tenant ko lang siya.

Masyado kong na-take advantage iyon.

Araw-araw nga kaming nagkakasama pero iyong diwa ko lumilipad. May oras na napapangiti at napapatawa ko pa rin siya pero alam ko sa sarili kong hindi na ako iyon.

Hindi na ako si Axe na sobrang kalmado at masayahin.

Hindi ba't palaging magaganda ang mga nakikita ko sa kaniya? No'ng panahong iyon, unti-unti ko nang hinahanap ang mga wala sa kaniya.

Hindi na kami nakakakain nang maayos kasi puro delivery na lang o 'di kaya ako palagi ang nakatoka sa luto kahit pagod ako.

Alam ko kasing hindi niya forte iyon. Sinubukan niya pero hindi talaga uubra. Hindi edible.

Para bang naging routine na lang ang lahat para sa amin. Alam n'yo 'yong nakasanayan na lang?

Ganoon ang naramdaman ko no'n. Hindi na ako stable.

Kung ano'ng ikinakalma ko dati, ganoon naman ang bawi sa 'kin nang mawala si Mamme.

Nawalan ako ng direksyon. Nabawasan ang saysay kong mabuhay (ganoon talaga naiisip ko no'n). At pakiramdam ko'y hindi ko na rin kayang panindigan si Adria.

Sarili ko nga, hindi ko pa maibangon. Paano ko pa magagawa iyon sa kaniya?

Dumating ang mga gabing hindi na ako malambing sa kaniya. Hindi dahil sa ayaw ko na sa kaniya, kung 'di dahil pagod talaga ako sa lahat ng bagay.

Pagod na pagod ako na putanginang pagod talaga.

Nag-aaway na rin kami ng tatay ko dahil sa pambababae niya.

Na utang na labas, nagluluksa ka ba talaga para kay Mamme?

Bakit parang ang bilis mo naman yatang palitan? Bakit kung sino-sino na agad iyang nakakasama mo? Tapos iniwan mo pa ang kaisa-isa mong anak nang mag-isa? Ang galing naman.

Dumating ang gabi na biglang umuwi ang tatay ko para utusan akong linisan ang second floor. Nakainom ako no'n tapos si Adria, nakakapit lang sa akin.

Marespeto akong tao pero no'ng gabing iyon, nakalimutan ko lahat ng respeto ko sa katawan.

"Bakit hindi ikaw ang gumawa? Pagod din ako sa trabaho. Ikaw? Bakit ngayon ka lang umuwi rito sa bahay mo?" (non-verbatim)

Inambahan ako ng suntok ng tatay ko kaya pumagitna si Adria sa amin.

Sinabi ko ang mga hinanaing ko sa kaniya. Lahat ng saloobin ko, isiniwalat ko talaga. Putangina, lalong nanggalaiti ang erpats ko.

Kumuha na ng bangko at ibinalibag sa tiles namin. Hinihintay ko ngang tumama sa akin iyon, eh.

Nagsimula nang humagulgol si Adria. Niyakap niya ako pero sa sobrang galit ko, lumabas ako ng bahay at sumakay sa kotse ko. Pinaharurot ko talaga iyon hanggang sa nakarating ako sa SLEX nang hindi ko namamalayan.

Umuwi ako nang madaling-araw at naabutan ko siyang nakaupo sa may couch. Hinintay niya pala ako.

Sinabi niyang napapagod na siya. May mga sarili rin daw siyang isyu sa buhay na hindi na niya masabi-sabi sa akin dahil ayaw na niyang dumagdag pa sa mga isipin ko.

Lumuhod talaga ako no'n sa kaniya. Putangina, niyakap ko pa nang mahigpit. Humingi ako ng pasensya.

Parang sinuntok talaga ako pagkarinig no'n. Naalarma ako. Para bang, "Teka lang, Axe. Ano ba 'tong pinaggagagawa mo sa buhay mo?"

Hinalikan ko siya no'n. Kinailangan ko bigla ng lambing. Parang wala na akong maisip sabihin pa kaya sinubukan kong daanin sa aksyon.

Sa kagustuhan kong huwag siyang umalis, mas lalong naging buo ang desisyon niya.

Natatakot na raw siya sa akin. Parang hindi na raw niya kayang pagaanin ang loob ko. Hindi naman daw siya ang kailangan ko.

Kailangan ko raw hagilapin ang sarili ko kasi nawawala na raw ako sa hulog.

Dinepensahan ko ang sarili ko sa maling paraan. Sinabi ko rin ang mga hinanaing ko sa kaniya. Na namatay na lahat si Mamme pero hindi man lang niya binigyan ng tsansang magkakilala ang mga nanay namin.

Na para bang ako ang kumikilos palagi sa bahay. Ni hindi niya ako magawang ipagluto. Basta nag-iba ang tabil ng dila ko no'n.

Sinampal niya ako. Napaupo lang ako sa sahig.

Nagsimula na siyang mag-empake. Rinig ko ang mga yabag niya pero hindi ko siya magawang tingnan.

May mga sinabi pa siyang hindi ko na gaanong matandaan, basta narinig ko ang salitang "hiwalay".

Putangina, ano'ng ginawa ko?

Hindi ko siya pinigilan. Naiwan lang ako roon sa sahig na nakaupo. Parang namanhid ako.

Napasuntok ako sa pader nang marinig ko ang pagharurot ng kotse niya. Hindi lang isang beses. Basta nagkasugat-sugat ang mga kamao ko hanggang sa nakatulog na lang ako sa sahig nang walang kalaban-laban.

Iniwan na ako. Eh 'di ayos, Axe. Magdusa kang mag-isa.

Continue Reading

You'll Also Like

7.6K 392 34
Marcus Cho loved Joanne once in his life. Mas mahalaga pa ito kaysa sa pangarap niya. But she hurt him big-time. He vowed to himself he would never f...
697K 31K 45
Masarap talaga ang bawal. Lalo na kung araw-araw kang sinusubok ng tadhana. The more forbidden it is, the greater the urge to have it yourself. Kay d...
3.7M 101K 63
[PROFESSOR SERIES I] Khione Amora Avila is a transferee student at Wesbech University who aimed to have a fresh start. She only had one goal in life...
66.4K 1.2K 33
Daffney Levanidez wasn't interested in dating guys not until the night she met Darlin Francisco, the guy that would turn out to be her first love. DU...