Your Start is My Ending

By BLURRYTHINKER

2.7K 366 1.5K

Wattys 2022 and 2023 Shortlisted "'Wag muna," mahina niyang pakiusap habang nakatulala sa harapan. Nakatitig... More

Prologue
1. Not Now
2. Death and Life
3. Die Young
4. Selfish Betrayal
5. Does It Hurt to be a Human?
6. Kartigo
7. Familiar Danger
8. Second Chance Roleplay
9. Giving Up Forever
10. Hurt Me
11. Not Meant to Board
12. First Pain
14. We Don't Need Destination
15. Climb of a Coward
16. Name Keeping
17. The Sun Will Rise
18. Unwelcome Guest
19. Shallow Drowning
20. Best of Friends
21. You are the Ending
22. Resting Waves
23. Dana Girly
24. Skateboard Battle
25. Mad World
26. Target Arrow
27. Idk You Yet, but I Miss You
28. Professional Scooter Rider
29. Support: Plus One
30. Teach Me Bunny Hop
31. Death of a Stranger
32. Grace of Memory
33. Push Cart Classroom
34. Robbed Second Chance
35. Pinky Promise Beetle
36. Arrow of Purpose
37. Might be His Girlfriend
38. No Choices, Only You
39. Dreams and Purpose
40. One-eighty
41. Daddy, What are You?
42. Forgotten Voice
43. Staying with You until Morning
44. A Kartigo's Purpose
45. Journey and Purpose
Final Chapter

13. We Die, They Cry

48 7 36
By BLURRYTHINKER

"I-I'll try to write a song." Ipinakita ni Sparkle kay Benedict ang cellphone kung saan nakalagay ang picture ng isang contest invitation na isinagawa ng Youth Association sa Perith Village. "At sasali ako rito." Pinanonood niya kung paanong sumilay ang dahan-dahang pagngiti sa mukha nito.

Maingat nitong pinadausdos ang hinlalaki sa pisngi niya. "Tandaan mo lang na . . . manalo o matalo . . . panalo ka pa rin dahil sinubukan mo." Tumango siya, tila nagniningning ang mga mata nito dahil sa mga salitang lumalabas sa bibig nito. Nang dumating ito, parang araw-araw ay napakahalaga niya.

"'Yong mga . . . 'yong mga sinasabi mo sa 'kin, 'wag mong sasabihin 'yon sa ibang babae, a." Lumingon siya sa telebisyong nakabukas dahil sa hiya. Wala pa man din ay naiinis na siya kay Benedict kung sakali mang ang mga salitang ito ay sinasabi rin nito sa iba.

"Bakit ko 'yon sasabihin sa iba?" litong tanong nito. Hindi nalalaman na may mga salita palang hindi pwedeng sabihin sa iba.

Tiningnan niya itong muli kung seryosong hindi nito alam ang ibig niyang sabihin. Itinaas niya ang mga paa sa sofa. "Magkaka-crush kasi sila sa 'yo." May kaunting inis sa tono ng boses niya. Kilala niya ang mga kabataan ngayon, kaunting suyo lang ay tiyak na maghuhurumintado na ang mga puso nito at magpupulahan ang mga pisngi.

"Crush?"

Napagtanto niyang hindi alam nito ang salitang iyon. Muli niyang ibinaba ang mga paa at kinuha ang gitara, ipinuwesto ito sa kaniyang harapan. "Kapag ano 'yon, gusto mo 'yong isang tao." Sinimulan niya ang pag-strum sa gitara.

Napatingin si Benedict sa kamay ni Sparkle na kumakalabit sa kuwerdas ng gitara, sa huni ng panimula ng kantang Iris ng Goo Goo Dolls. Hindi sa kaniya pamilyar ang kantang ito, ngunit kaya siyang akayin na tila idinuduyan sa hangin.

"Kapag gustong-gusto mo siya laging nakikita." Tiningnan niya ang mukha nitong nakayuko habang tumutugtog. "Kapag gusto mo siya laging malapit sa 'yo, nahahawakan mo." Naalala niya ang pinakalayunin niya kung bakit ginusto niyang maging tao. Tumigil ito at tumingin sa kaniya nang nakangiti. "Tapos 'yong sinasabi nilang butterflies in stomach? Gano'n, parang may mga paruparong lumilipad sa loob ng tiyan mo kapag nakikita mo siya."

Ipinatong niya ang kamay sa tiyan niya at tumulala sa mukha nito.

Oo nga.

Para itong mga paruparong ipinapagaspas ang mga pakpak na kumikuliti sa loob niya. Aakyat ang mga ito sa puso niya at paulit-ulit itong itutulak at hihilahin. Magiging kalmado at kabado ang nararamdaman niya. Nanaising malapit ito sa kaniya, gugustuhing maramdaman ang malambot nitong balat, at marinig ang pagtibok ng puso nito.

"Ibig sabihin, gusto kita?"

"H-ha?" Napaayos ito ng upo at muling inilapag sa maliit na lamesa ang gitara. Hinarap siya nito na tila maraming sasabihin. "Benie, hindi 'yon gano'n kabilis, okay? 'Wag mo rin 'yan sasabihin sa ibang babae kasi baka mamali sila ng intindi—lalo na sa mga kaedad ko. Nagkaka-crush na kami," nag-iinit ang mga pisngi nitong sabi, tarantang-taranta sa narinig.

Napatango siya habang mabagal na iniintindi ang sinabi nito. "Masama ba 'yon?"

Umiling ito nang mabilis. "Hindi, Benie. Baka naninibago ka lang ngayong nasa mundo ka na ng mga tao. Marami kang feelings na mararamdaman."

Sa pagsasalita ni Sparkle ay parang sobrang lakas ng loob niya at tila hindi naaapektuhan sa mga sinasabi ni Benedict, sa katunayan ay labis na ang pagtibok ng puso niya mula sa gulat sa sinabi nito. Kung kailan namang kalmado lang ang umaga niya ay biglaang babanat ng ganito si Benedict, at tila wala lang dito ang mga sinabi.

"Baka nga gusto kita . . . pero palalalimin ko muna," banggit nito na nakapagpatahimik sa kaniya.



"Ang pagdating ay magiging masaya, ngunit tadhana'y nakatuon sa pagkawala niya." Isinulat ni Sparkle ang lirikong naisip niya sa isang notebook. Nakaupo siya sa sahig habang si Benedict ay nasa kaniyang gilid na nakaupo sa sofa habang nakasilip sa ginagawa niya.

"Bakit 'yan ang sinusulat mo?" seryoso nitong tanong, halatang hindi nagustuhan ang sinabi niya.

"Benie, mahilig sa broken hearted songs ang mga kabataan ngayon. 'Yong mga nasasaktan sila." Ipinatong niya ang hawak na ballpen sa lamesa at nilingon ito nang buo. "Magugustuhan nila 'yon."

Hinawakan nito ang ulo niya, ibinaba ang katawan, at itinulak ang ulo niya papunta sa leeg nito. Nanlaki ang mga mata niya at agad itong itinulak. "Benie, 'pag nakita tayo ni Mommy, papagalitan tayo n'on."

Nakahawak pa rin ito sa ulo niya habang nakakunot ang noo. Napabuntong-hininga siya at ipinatong ang isang kamay sa kamay nitong nasa ulo niya. "Okay, okay, iibahin ko na po."

Komportable naman siya kay Benedict, ngunit natatakot lang siyang makita ito ng ina dahil alam niyang hindi ito magdadalawang-isip na ilayo siya rito. Sasabihin ng ina na masamang impluwensiya ito sa kaniya.

Bumalik na siya sa puwesto niya at hinawakang muli ang ballpen. "Alam mo, dati si Brinley lang ang sinusulatan ko ng kanta." Naalala niya ang mga kantang nakasulat sa notebook niya, lahat ng iyon ay para sa bata lang. "Siya lagi nagsasabi na magaling akong kumanta at maggitara." Kung maaari lang ibalik ang panahon kung saan buhay si Brinley, na ito lang ang dahilan ng pagkanta at paggitara niya, ngunit hindi pwede, lahat ay nasa alaala na lang.

"Tumutugtog ka ba sa harapan ng ibang tao?" tanong ng nasa likuran niya.

"Hindi," mahina niyang sagot. "Madalas akong magkamali sa paggitara kapag kinakabahan ako, nanginginig din 'yong boses ko." Naramdaman niya ang pagbigat ng loob niya. Sa tuwing iniisip niya ang kulang at kahinaan niya ay lalong bumababa ang sarili niya. "Kay Brinley lang ako komportable, kaso. . . ." Hindi na niya naituloy ang sinasabi, pumikit-pikit upang maalis ang luhang namumuo sa mga mata. Sa isang tao na nga lang siya komportable, nawala pa sa kaniya.

"Bakit ba nalulungkot ang mga tao kapag may namamatay?" Huminga muna siya nang malalim upang masagot ito nang maayos.

"Dahil may nabuo nang love habang nabubuhay pa sila. Sa ilang taon nilang pagsasama, syempre may mabubuong attachment."

"Ano'ng pakiramdam n'on?"

Napaangat ang mukha niya at inisip kung ano nga bang naramdaman niya nang mawala si Brinley.

"Masakit, natatandaan mo kung gaano kasakit no'ng hiniwa mo 'yong sarili mo?" Nilingon niya ito at nakita ang pagtango nito. "Mas masakit do'n. Parang sugat na hindi mo kayang gamutin kasi nasa loob 'yong sakit." Napanguso siya nang kaunti at naramdaman na naman ang nagbabadyang luha. Kinuyom niya pa ang kamay sa tapat ng puso niya. "Hindi na kasi sila pwedeng bumalik. Pwede kong hilingin na sana bumalik sila, pero hindi na talaga pwede."

Hinawakan ni Benedict ang baba nito at itinaas. Alam niyang nalulungkot ito dahil sa mga mata nitong malamlam na nakatingin sa kaniya.

Pinunasan ni Sparkle ang mga mata at ngumiti nang malaki sa kaniya at itinuro siya. "Kaya ikaw, hindi ka pwedeng umalis at mamatay," sabi nito sabay tawa.

Hinaplos niya ang baba nitong hawak niya gamit ang hinlalaki. "Oo. . . ." Gagawan ko ng paraan.

Continue Reading

You'll Also Like

225K 11.9K 63
On their field trip to a museum, Elyse Anne Villasis met a strange lady who gave her a painting. It was a painting of a handsome Korean guy. And Elys...
44.7K 2K 45
(FORMERLY "MY STAR WARS GIRL") Loner, tahimik, at weird. Mahilig din siya sa Star Wars. Di ko lubos akalain na mababago pala ang pagkakakilala ko sa...
81.6K 2.7K 62
One hard truth can change everything. Tiffania Santos lived in a simple and perfect life, perpekto para sakaniya ang buhay niya. Hindi man pinalad sa...
7.8K 391 108
In a world where you could be different, there's a poem. Make it your greatest Masterpiece. Highest ranking 2020 #1 in Poetries 2020 #1 in Masterpi...