Embracing The Wind

By YveTheDreamer

40.9K 1.7K 153

[The Wattys 2021 Winner] Handa ka na ba sa isang paglalakbay na yumayakap sa hangin? Si Liwayway ay isang or... More

Words of Lady Yve!
INTRO feat. TEASER
KABANATA 1: "Tagpo"
KABANATA 2: "Sa muli"
KABANATA 3: "Sa Maligaya"
KABANATA 4: "Mga dayo"
KABANATA 5: "Pagtatalo sa lawa"
KABANATA 6: "Pagtatanggol"
KABANATA 7: "Isang binibini"
KABANATA 8: "Paglalayag"
KABANATA 9: "Sabwatan"
KABANATA 10: "Pagtakas"
KABANATA 11: "Paglisan"
KABANATA 12: "Traydor"
KABANATA 13: "Sa tuktok ng Balintataw"
KABANATA 14: "Lungga ng mga halimaw"
KABANATA 15: "Lagim"
KABANATA 16: "Sa ilalim ng buwan"
KABANATA 17: "Bihag"
KABANATA 18: "Pagkikita sa Haw-an"
KABANATA 19: "Ang maharlika at ang mangangaso"
KABANATA 20: "Pag-aalala"
KABANATA 21: "Muling paglipad sa kapatagan"
KABANATA 22: "Dalawang pusong umiibig"
KABANATA 23: "Paglapit sa kuta"
KABANATA 24: "Nakatagong poot"
KABANATA 25: "Bagong suliranin"
KABANATA 26: "Lihim na balak"
KABANATA 27: "Kampihan"
KABANATA 28: "Pagsiklab ng kaguluhan"
KABANATA 29: "Bahid ng nakaraan"
KABANATA 30: "Mga hinanakit"
KABANATA 31: "Pagbabalik"
KABANATA 32: "Pagtangis ng langit"
PSF's Note!
NEXT...

KABANATA 33: "Pamamaalam" (WAKAS)

1.4K 54 0
By YveTheDreamer

Aye yoh, mga manlilipad! Heto na nga, ito na ang huling kabanata ng ETW! Paniguradong ma-mi-miss ko ang lahat ng mga tauhan nito. Nawa ay magustuhan ninyo ang pagwawakas ng kanilang naiibang kuwento...

ISANG panibagong umaga muli ang sumisibol sa tuktok ng Balintataw, sumasakop sa paligid ang lamig ng klima na humahalo sa hamog. Hindi pa man sumisikat ang araw ay pagala-gala na sa paligid ang ilan sa mga manlilipad upang simulan ang pang-araw-araw na gawain.

Ang mga babae ang madalas na naiiwan sa bahay upang asikasuhin ang iba't ibang bagay. Ang mga lalake ang madalas na umaalis upang gampanan ang pagiging tagapangalaga ng mga pilakbon at tagabantay ng buong Balintataw. Magkatuwang naman ang lahat sa paghahanap at pag-iimbak ng mga pagkain.

Sa tahanan ng mag-asawang pinuno ay pansamantalang nakikituloy ang tatlo sa mga panauhin mula sa kapatagan upang magpagaling at nang makabawi sila ng lakas. Iyon ay ang mangangasong si Makisig, ang manggagawang si Liwayway at ang bandidong si Kidlat.

Nitong huli lamang, pagkatapos ng kaguluhan sa lupain ng mga manlilipad na ikinasawi ng marami, nalaman ni Kidlat ang tungkol sa tunay na pagkatao ng kaniyang ama. Sa pagkakataong iyon ay nagawa niya ring maintindihan ang lahat at labis niyang ikinalungkot ang kasawian nito sa buhay.

Sa kabila ng lahat ay ipinagdasal niya na sana ay magkaroon na ito ng katahimikan sa kabilang buhay, kasama ng kaniyang butihing ina.

Nakilala niya rin ang lahing kaniyang pinagmulan at napag-alaman na kamag-anak niya ang pamilya ni Bagwis. Ang ina nito ay ang nakatatandang kapatid ng kaniyang amang si Gilas, subalit matagal na rin itong namayapa.

Nakatakip man ang kanang braso sa mga mata, pasimpleng sumilip sa pinto si Kidlat nang maulinigan ang mahinang tunog ng pagbukas at muling pagsara nito.

Hindi na makatulog ang binata kaya bumangon siya at iniligpit ang kaniyang tinulugan. Nang tingnan niya sa sahig si Makisig ay himbing na himbing pa rin ito habang balot na balot sa kumot. Hindi na nakapagtataka sapagkat napakalamig ng lugar na ito.

Lumiliwanag na ang kalangitan at ang matitinis na huning gawa ng mga pilakbon ay umaalingawngaw sa makailang beses na tila ba ginigising ang mga mamamayan. Isinuot ng binata ang kaniyang balabal saka lumabas sa bahay.

Sinasalubong ni Kidlat ang lamyos ng hangin habang tinatahak ang daan patungo kay Liwayway. Huminto siya nang ilang metro na lamang ang layo niya sa punong pilak kung saan malapit na nakaupo ang dalaga. Tulala lamang ito at malayo ang tingin kaya bumuntonghininga siya.


"Nandito ka lang pala," pagpaparamdam niya rito saka umupo sa tabi nito.

Saglit siyang tinapunan ng tingin ni Liwayway bago ibinalik ang atensyon sa kaakit-akit na kalikasan. "Napakaganda ng tanawin, hindi ba?"

"Tama ka, wala itong katulad. Ganito pala ang nasasaksihan nila sa bawat araw ng pananatili nila rito. Ngayo'y mas naiintindihan ko na."

"Siyang tunay. Alam mo ba, mula noong bata pa ako ay pinapangarap ko nang marating ang lugar na ito? Ngunit iniisip ko pa lang ay mahirap na, kaya hanggang ngayon ay halos hindi pa rin ako makapaniwalang nakaaapak na ako sa Balintataw."

"Ako naman, lumaking kinamumuhian ang mga nakatira dito sapagkat ibang paniniwala ang iminulat sa akin ng aming pangkat. Hindi sumagi sa isipan ko na makapupunta ako sa malayong pook na ito. Ngunit heto ako ngayon, nakikituloy pa sa mga taong kinasuklaman ni ama."

"May mga kaganapan talagang hindi natin inaasahan subalit magugulat ka na lamang dahil nangyayari na pala. Tulad na lang ng trahedya nitong mga nakaraang araw," wika nito, dahilan upang umiwas ng tingin ang binata.

"Pinangarap kong makasama sa paglalakbay ng mga manlilipad ngunit hindi ko naman hiniling na may mamatay. Dumanak ang dugo ng marami dahil sa kaguluhang iyon. Hanggang kailan ba magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ang iba't ibang lahi sa Malayah?"

"Hindi ko rin alam, Liway. Hiling ko lamang na sana ay natuto na ang lahat sa nangyari at nang hindi na ito maulit pa," aniya. Sa bawat pagsasalita nila ay tila umuusok ang kanilang bibig dahil sa lamig.

"Papasikat na ang araw sa Silangan, nais mo rin ba itong masilayan?"


Tumayo siya at inilahad ang kamay sa dalaga. Saglit nitong tinitigan ang kaniyang kamay bago inabot at inalalayan niya itong tumayo. Marahan itong hinila ni Kidlat hanggang sa makalapit sila sa dulo ng lupang kinatatayuan.

May bakod ito na gawa sa kawayan na sumasakop sa malawak na bahagi ng tahanan ng pinuno. Sari-saring bulaklak ang nakakalat sa paligid na karamihan ay nagsasaboy ng halimuyak na sumasabay sa malamig-lamig na hangin. Kumapit si Liwayway sa hawakan ng bakod saka ipinikit ang mga mata.


"Naaalala mo na naman siya?" sabi niya na muling nagpamulat dito.

"Hindi na yata mabubura sa aking gunita si Alab. May pinagsamahan kami, napakabuti niya sa akin at sa aking pamilya. Siya ang nagparanas sa akin kung paano maging isang manlilipad kahit sa kaunting panahon lamang. Wala na ang aking butihing kaibigan, iniwan niya na ako."


Ang nagbabadyang mga luha na pinipigilan nito ay muling lumandas sa kaniyang pisngi. Maging ang binatang bandido ay nasasaktan sa tuwing nakikita niya itong tumatangis. Hindi niya maiwasang maikumpara ang sarili kay Alab, na mas karapat-dapat ito na angkinin ang puso ng kaniyang minamahal.


"Nandito pa naman ako, Liway. Pinangako ko sa kaniya na aalagaan at mamahalin kita, na hindi kita iiwan ano man ang mangyari. Iingatan kita habang ako'y humihinga pa, huwag mo sanang kalilimutan iyon."

"Nauunawaan kita. Maraming salamat, Kidlat... Ngunit may napagtanto ako nitong huli lamang, napag-isip-isip ko ang mga nais kong gawin pagkatapos ng mga nangyari. Humantong ako sa isang malaking pagpapasya."

Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib dahil sa tinuran nito. "A-anong pagpapasya ang sinasabi mo?"

Sinalubong nito ang kaniyang tingin. "Tanda mo ba ang isa pang kahilingan ni Alab sa atin?"

"Liway, hindi mo—"

"Pumapayag na ako, mananatili ako rito upang maging isang ganap na manlilipad. Nais kong maging tagapangalaga ni Pilak," matapang nitong sagot na tila nagpaguho sa mundo ni Kidlat.

"L-liway, sabihin mo, nagbibiro ka lang, hindi ba? Magulo lamang ang iyong isip kaya nasasabi mo iyan."

"Ito ay aking kagustuhan, sana ay maunawaan mo. Tutuparin ko ang kahilingan ni Alab."


Ang katagang iyon ay tila isang malungkot na awiting paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan. Katulad ito ng daan-daang punyal na sabay-sabay ring itinatarak sa kaniyang katawan hanggang sa mamanhid siya sa sakit. Tulad ng hanging dumaraan ay nililipad nito ang kasiyahang sumisibol pa lamang sa kaloob-looban niya.

Maglalaho ang lahat sa isang iglap lamang subalit wala siyang magagawa kung hindi ang pakawalan si Liwayway. Tanging ang wagas niyang pagmamahal sa dalaga ang hindi kayang tangayin ng agos ng panahon.


"Kung ito nga ang iyong pasya, sino ba naman ako upang pigilan ka sa iyong ninanais? Pangarap mo ito, maging maligaya ka sana, kaibigan."


NANG pauwi na sila sa tahanan nina Diwa at Dakila, namataan nila ang mag-asawa sa balkonahe, kasama ni Makisig. Bago pa man nila marating ang mismong bahay ay naulinigan nila ang pamilyar na tunog ng isang pilakbon.

Nagkatinginan ang dalawa at sinulyapan ang dambuhalang ibon na malayang lumilipad sa paligid nila. Maya-maya lamang ay lumapag na ito sa bakuran. Nilapitan ito ni Liwayway at kaagad na hinimas-himas ang makikintab na mga balahibo.


"Tamang-tama ang inyong pagbabalik. Halina kayo't mag-aagahan na tayo sa itaas. Saan ba kasi kayo nanggaling?" wika ni Makisig habang pababa ng hagdan.

"Diyan lamang sa tabi-tabi, may pinag-usapan lang," tugon ni Kidlat.

"Sige na, 'wag nating paghintayin ang pagkain," wika ni Liwayway.


Aalis na sana sila subalit patuloy sa pangungulit si Pilak, hindi lamang sa dalaga kundi pati na rin kay Kidlat. Napapangiti na lamang ang mag-asawa habang pinanonood sila. Maging si Kidlat ay nagagalak sa mga ikinikilos nito.

Maya-maya lamang ay dumidikit na ito sa kaniya at tila ba ayaw nitong mahiwalay sa binata. Isinisiksik nito ang ulo sa balikat niya at yumayapos din sa kaniya ang mga pakpak nito. Nagkatinginan ang mag-asawang Diwa at Dakila, maging sina Liwayway at Makisig ay kinabigla ito.


"Ano'ng nangyayari sa kaniya? Bakit niya ako niyayapos at sinisinghot?" wala sa sariling tanong ni Kidlat.

"Nakapagtataka nga ang ikinikilos niya," usal ni Makisig na kunot-noong napapaisip.

"Mukhang nagugustuhan ka niya, Kidlat. Ayaw niyang bumitaw sa 'yo, magtatampo na ako niyan, Pilak," wika ng dalaga na kunwari ay may hinanakit dito.


Tuluyang bumaba sa hagdan ang mag-asawang pinuno at magkasabay na lumapit sa kanila. Humiwalay ang pilakbon kay Kidlat ngunit hindi ito lumalayo sa kaniya. Nang lumingon ito kina Diwa at Dakila ay gumawa ito ng bahagyang huni na tila ba may nais ipahiwatig. Nagkatinginan ang dalawa nang mapagtanto ang ibig nitong sabihin at nabaling ang tingin kay Kidlat.


Napalunok ang binata at dama niya ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib. "B-bakit ganyan po kayo makatingin?"

"Alam mo ba ang ibig niyang ipahiwatig sa iyo?" wika ni Dakila.

Dahan-dahan siyang umiling. "Hindi ko lubusang maintindihan."

"Bago nasawi ang aming anak, inihabilin niya sa inyo ang kaniyang alaga, may pahintulot kayo. Sa palagay namin, nais ni Pilak na ikaw ang pumalit kay Alab bilang bagong tagapangalaga niya," mahinahong turan ng ginang.


Napasinghap ang magkaibigang Makisig at Liwayway na kapuwa nanlalaki ang mga mata. Bahagyang umawang ang bibig ni Kidlat at hindi malaman ang sunod na sasabihin. Hindi siya makapaniwalang pipiliin siya nito sapagkat hindi rin sila naging malapit sa isa't isa. Ang batid niya lamang ay magaan ang loob niya sa dambuhalang ibon.

Napalingon siya nang maramdaman ang mahinang pagtapik ng tuka nito sa kaniyang balikat. Itinataas nito ang mga pakpak at bahagyang nakatabingi ang ulo habang nakatitig sa kaniya.

Nang mabaling ang paningin niya kay Liwayway ay dumaan ang lungkot sa mga mata nito subalit napawi rin kaagad. Nakangiti itong tumango sa kaniya. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o ano.


Hinawakan niya ang mukha ng ibon na tila naaaliw sa kaniya. "Bakit ako, Pilak? Pakinggan mo muna ang sasabihin ko."

Muli itong humuni kaya ngumiti siya nang malungkot. "Hindi ako karapat-dapat na maging tagapangalaga mo, kaibigan."

"Kidlat—" Hindi naituloy ni Liwayway ang nais nitong sabihin nang marahang hinigit ni Makisig ang kaniyang kamay. Nang magtama ang kanilang tingin ay umiling ito, dahilan upang manahimik ang dalaga.

"Pansamantala lang ang pananatili ko rito. Lilisan din ako at uuwi sa kapatagan, sa lugar kung saan nagmula ang aking Inang Sinag, sa nayon ng Haw-an," paliwanag niya rito habang idinidikit ang noo sa gitna ng tuka ni Pilak na bahagyang nakatungo.

"Kidlat, bakit mo nasabing hindi ka karapat-dapat? Bukod sa pinili ka ni Pilak ay may basbas ka rin mula kay Alab," malungkot na wika ni Diwa.

Tumango ang asawa nito. "Siyang tunay. Isa pa, alalahanin mong nananalaytay rin sa iyong dugo ang pagiging isang manlilipad. Malakas ang pandama at mahiwaga ang isang pilakbon, naaamoy niya na isa ka sa amin at mayroong kakayahan na pangalagaan siya."

Bumuntonghininga siya saka nilingon ang mag-asawa. "Nauunawaan ko po kayo ngunit... Hindi ko yata matatanggap ang tungkuling iyon, hindi rin ako nababagay sa ganito. Masyado akong padalos-dalos minsan at namulat sa marahas na pamumuhay. Magkaiba pa rin tayo."

Muli niyang nilingon ang pilakbon. Akmang hahawakan niya ito nang bigla itong umiwas. "Patawad sa 'yo, kaibigan, pero—"


Hindi niya natapos ang sasabihin nang umatras ito habang nagpapakawala ng matitinis na ingay at bahagyang nakatayo ang mga balahibo sa ulo. Nagulantang sila sa inasta ni Pilak lalo na't tumatalim ang mga titig nito, subalit nababatid rin ni Kidlat ang panlulumo sa mga mata ng pilakbon. Maya-maya pa ay bigla na lamang itong lumipad at nagpakalayo-layo sa kanila.


"Hay, mukhang nagtatampo na siya sa iyo," wika ni Makisig habang umiiling na napapakamot sa batok.

Muling nagsalita ang pinunong manlilipad, "Sigurado ka na ba sa iyong pasya, Kidlat?"

Nagpakawala ng malalim na hininga ang binata habang naglalakbay ang tingin sa maaliwalas na kalangitan. "Sigurado na po ako, nais kong umuwi sa aking tahanan."

"Hindi ka namin pipigilan na umalis subalit nais kong malaman mo na ang Balintataw ay maituturing mo rin bilang iyong tahanan."


Muling nabaling ang atensyon ni Kidlat sa babaeng pinuno. Ramdam niya na lumalambot ang kaniyang puso sa tuwing nakikita niya ito o 'di kaya'y naririnig ang mga salitang namumutawi sa bibig ng ginang.

Sa matagal na panahon ay nangulila siya kay Sinag kaya madalas niyang naiisip kung ano ang pakiramdam na mayroong inang nag-aalala para sa kaniya. Sa maikling panahon ay naramdaman niya ito mula kay Diwa, na itinuring sila bilang mga anak at hindi siya hinusgahan sa kabila ng pangkat na kinabibilangan niya.


"Maraming salamat po sa lahat-lahat. Siya nga ho pala, may kilala akong isang tao na sa palagay ko ay karapat-dapat na mapili bilang isang tagapangalaga."


Nanlaki ang mga mata ni Liwayway matapos niyang sabihin iyon. Napalunok ito nang kaniyang lingunin at nakipagtagisan ng titig sa mga mata niyang tila umiilaw na ginto. Bakas naman ang kalituhan sa mukha ni Makisig na nagpalipat-lipat ng tingin sa dalawa.


"Kidlat..."

"Sa makailang beses ay naranasan niya na ang lumipad at makipagsagupaan sa rumaragasang hangin, kasama sina Alab at Pilak. Babae man siya at malambot ang puso, nagtataglay pa rin ng pambihirang katapangan sa pagharap sa mga pagsubok. Kayang-kaya niyang pangalagaan ang mahiwagang ibon. Ang aking tinutukoy ay walang iba kundi si Liwayway."

Tuluyang kumawala ang butil ng luha sa mata ng dalaga na hindi inaalis ang tingin sa bandido. "Kidlat, inihabilin niya sa atin si Pilak, nais niyang isa sa atin ang mangalaga rito. Ngunit nakita mo naman kanina, ikaw ang pinili ng pilakbon kaya bakit mo ito tinatanggihan? Kumpara sa akin ay mas karapat-dapat ka dahil ito rin ang lahing pinagmulan mo."

"Nagpaliwanag na ako, Liway. Hindi sa ayaw ko rito pero hindi ganito ang buhay na nais kong makamtan. Mas gusto ko sa kapatagan, doon sa aking kinalakihan. Sa mapayapang nayon ng Haw-an, doon ako muling magsisimula. Iiwas na talaga ako sa gulo at mamumuhay ng tahimik."


Dumaan ang pangamba at kalungkutan sa mga mata ng dalaga, tila ba kumirot ang kaniyang puso dahil sa mga sinabi ni Kidlat. Sa mahabang panahon ay madalas niya itong nakikita, nakakasama at nakakausap kahit pa marami silang hindi pagkakaunawaan. Nakasanayan na nito ang presensya ng binata, lalo na ang mga mata niya na kung makatingin ay tila may nais ipahiwatig na hindi nito mawari.


Nagkatinginan ang mag-asawa at tumango sa isa't isa. "Kung gayon ay malinaw na sa atin ang lahat. Hindi si Kidlat kundi si Liwayway ang susunod na hihiranging tagapangalaga ng pilakbon," wika ni Dakila.

"Ngayon pa lamang ay binabati na kita, kaibigan," nakangiting usal ni Makisig sabay tapik sa balikat ng dalaga.

Ngumiti lamang ito nang pilit saka muling nabaling ang tingin kay Kidlat, na ngayo'y malungkot ding nakangiti sa kaniya. "Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman ngayon. Ngunit..."

Batid ni Kidlat ang pag-aalangan sa mga tingin nito. Aniya, "Napag-usapan na natin ito kani-kanila lang, hindi ba? Ikaw mismo ang unang nagpasya na siyang magiging tagapangalaga. Hindi kita pipigilan dahil pinangarap mo rin ito mula noong bata ka pa. Pagkakataon mo nang tuparin iyon, Liway."

Kasabay ng muling pagdampi ng hangin ay niyapos ng dalaga si Kidlat, na agad rin nitong ginantihan ng mainit na yakap. "Maraming salamat sa lahat, kaibigan, hindi ko makalilimutan ang kabutihang ipinakita mo sa akin."

"Walang anuman, kaibigan. Hangad ko ang iyong kaligayahan sa pipiliin mong landas."


MAGKAHALONG pananabik at kaba ang naramdaman ni Liwayway nang umalis sa tahanan ng pinuno. Tinahak nila ang isang matarik, makipot at mabatong daanan hanggang sa marating ang bukana ng tinaguriang sagradong yungib.

Nakaabang dito ang ilan sa mga manlilipad na itinalaga bilang tagabantay ng pook. Bago pumasok ay binigyan ang bawat isa sa kanila ng sulo bilang pailaw sa daraanan.

Maririnig lamang ang tunog ng kanilang mga yapak habang tinatahak ang kaloob-looban ng kuweba. Ito ang unang beses na nakapasok si Liwayway sa isang yungib at bakas sa mga mata niya ang pagkamangha.


"Malapit na tayo."


Natigilan ang dalaga nang marinig ang sinabi ni Dakila. Ramdam niya ang lalong pagbilis ng tibok ng kaniyang puso. Ang nagagawa niya lamang ay ang lumunok at bumuntonghininga upang kalmahin ang sarili.


Nabatid ito ni Diwa kaya hinagod nito ang balikat niya saka nagsalita, "Huminahon ka lamang, Liway. Walang mangyayaring masama sa iyo, maisasagawa natin ito nang maayos. Magtiwala ka lamang."


Gumaan ang pakiramdam niya sa sinabi nito. Sa dulo ay namamataan niya na tila may kung anong bagay na nagbibigay tanglaw sa loob nito. Patuloy silang naglakad hanggang sa mabungaran ang isang mahiwagang lugar na hindi niya sukat akalaing matatagpuan niya rito.

Napatakip siya sa kaniyang bibig at hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman. Sa bawat sulok ng bahaging iyon ay nakadikit at hiwa-hiwalay ang malapilak na mga kristal.

Nagkikislapan ang mga ito na maihahalintulad sa mga bituin tuwing gabi. Higit sa lahat, ang tuluyang kumuha ng atensyon niya ay ang bahagi ng tubig na halos perpekto ang pagkakahulma ng bilog.

Ang mas kaakit-akit pa rito ay ang tubig na kulay pilak din at tila umiilaw. Maging ang maninipis na usok na ibinubuga nito ay nag-iiwan ng maliliit at aandap-andap na liwanag. Batid ni Liwayway na mayroong hiwagang bumabalot sa mismong bukal na nasa ibaba.


"Iyan ang tinagurian naming mahiwagang bukal ng Balintataw. Maliban sa buong lupaing nasasakupan at mga alagang pilakbon, ito ang nakatago at iniingatan naming yaman sa mahabang panahon," paliwanag ni Dakila.

"Masasabi kong mapalad nga ang aming pangkat dahil sa biyayang ito na ipinagkatiwala ng ating kataas-taasang Diyos. Ang aming pagpapalaganap ng basbas sa kalupaan ay hindi lamang para sa aming tradisyon na nakagawian. Ito rin ay bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang handog ng kalikasan na dapat pakaingatan," dugtong naman ni Diwa.

"Ang pagiging tagapangalaga ng pilakbon ay isang misyon. Ito'y isang tungkulin ng mga taong karapat-dapat. Sa huling kahilingan ng aking anak ay pinahihintulutan niya kayo ni Kidlat na maging bagong tagapangalaga ni Pilak. Subalit hindi ito tanggap ng isa. Ikaw ang may kagustuhan na gampanan ang tungkuling ito. Bukod pa roon, nahuhumaling din sa iyo ang butihing pilakbon. Tinatanggap ka niya, Liwayway."

"Ngayon, Liway, tatanungin muli kita. Nakahanda ka bang ialay ang iyong buhay upang maging isang manlilipad?" mahinahong wika ng babaeng pinuno.


Maya-maya pa ay naulinigan nila ang huni ng isang pilakbon at ang pagaspas ng mga pakpak nito. Napatabi sila nang bumulusok ito sa kanilang kinaroroonan. Napangiti na lamang ang dalaga habang pinanonood ito na lumilipad sa ibabaw ng bukal.

Hindi nagtagal ay lumapag na rin si Pilak sa ibabaw ng isang malaking bato sa tabi ng mismong bukal. Iniwan nila sa isang tabi ang kanilang mga sulo sapagkat hindi na nila ito kailangan sa bahaging iyon. Makaraan ang ilang sandali ay niyaya na ng mag-asawa si Liwayway na bumaba upang simulan ang ritwal ng pagbibinyag ng isang bagong tagapangalaga.

Sa maliit na lamesa sa tabi ng isang punong pilak ay nakalagay ang ilang maliliit at malilinis na mangkok na siyang pinagtataka ni Liwayway. Lumapit dito si Diwa at kumuha ng isa saka binalingan ang dalaga.


"Simulan na natin?" tanong ng ginang.

Napalunok ang dalaga na bahagyang namumutla sa labis na kaba. "Opo, handa na ako."

"Makinig ka, Liwayway. Para masimulan ang ritwal sa pagsasalin ng aming lahi, kailangan nating kumuha ng katas mula sa laway na iluluwa ng pilakbon. Iinumin mo iyon upang manalaytay sa iyong dugo ang hiwagang taglay nito. Kailangan mo iyong gawin sapagkat hindi ka isinilang bilang manlilipad."


Lumawak ang mga mata niya sa narinig subalit agad ring napawi ang kaniyang pangamba nang maalala niya ang nakangiting mukha ni Alab. Isang tango ang isinukli niya sa pinunong si Dakila.

Nginitian lamang siya ni Diwa bago ito lumapit kay Pilak at hinimas-himas ang mukha nito. Hinawakan nito sa dalawang kamay ang mangkok at iniharap sa pilakbon. Matiyaga silang nag-abang hanggang sa lumuwa ito ng malapilak at kumikinang na laway na maayos ding nakuha ni Diwa.

Matapos magpasalamat ay sumenyas si Dakila kay Liwayway upang lumapit sa ginang. Iniabot nito sa kaniya ang mangkok na agad niyang tinanggap sa kabila ng panlalamig ng kaniyang mga kamay. Napalunok siya habang tinititigan ito.


Muling napangiti si Diwa at tinapik ang kaniyang balikat. "Ngayon ay maaari mo na itong inumin. Huwag kang mag-alala dahil halos walang lasa iyan, manamis-namis lamang ngunit nangingibabaw ang tabang."


Marahan siyang tumango nang hindi inaalis ang tingin sa malapot na bagay. Gumawa ng mahinang huni si Pilak, dahilan upang tumingin siya rito. Nakatitig ito sa kaniya na tila ba inaabangan ang kaniyang gagawin. Agad na napawi ang kaniyang kaba at walang pag-aalinlangan na ininom ang katas ng laway ng ibon.

Ubos ang laman nito na tinungga niya lahat. Bahagya pa siyang hiningal matapos gawin iyon at halos hindi maipinta ang mukha. Kinuha ni Diwa ang mangkok at hinagod ang kaniyang likod upang kumalma.


"Ayos ka lang? Hindi ka ba nasusuka o ano? Magsabi ka lamang, Liway," wika ng ginang na puno ng pag-aalala.

Alanganin siyang ngumiti sabay iling. "H-hindi naman po, nanibago lang ako sa kakaibang lasa nito. Ano po ba ang susunod kong gagawin?" aniya saka binalingan si Dakila.

"Ngayong nasalinan ka na ng kapangyarihan ng pilakbon, gagawin mo na ang huling bahagi ng ritwal. Ito ang pagpapalit-anyo mo bilang isang bagong nilalang, parang isisilang kang muli sa naiibang pagkatao. Ngunit hindi ibig sabihin nito na iba ka na talaga. Mananatali pa rin ang pagiging ikaw, magbago man ang iyong wangis."

"Sige na, Liway, maaari mo nang ilubog ang sarili mo sa ilalim ng bukal na ito," pagpapatuloy ni Diwa.


Bagama't nababalot muli ng kaba ang kaniyang puso't isipan, determinado pa rin siya na ipagpatuloy ito. Dahan-dahan siyang tumapak sa maligamgam na tubig hanggang sa umabot ito sa kaniyang baywang saka siya humarap sa kanila.

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mag-asawa na kapuwa tumango sa kaniya. Sa isang iglap ay inihiga niya ang sarili sa tubig hanggang sa unti-unti siyang lamunin nito habang nakapikit. Lahat ng takot, lungkot, pangamba at pag-aalinlangan niya ay biglang nalusaw ng mga sandaling iyon.

Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman subalit gumagaan ang kaniyang kalooban, na para bang sumasailalim siya sa isang makapangyarihang mahika. Sa muling pag-ahon ng dalaga ay isang malaking pagbabago ang ngayo'y bumabalot sa buong pagkatao niya.


Muling nagsalita si Dakila, "Binabati ka namin, Liwayway. Maligayang pag-ahon mula sa mahiwagang bukal bilang isang ganap na manlilipad."


BUMILIS ang pintig ng puso ni Kidlat nang magtagpo ang mga mata nila ng babaeng kaniyang itinatangi. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at napapaawang ang bibig. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa, halos hindi niya na ito makilala.

Kakaiba na nga ang wangis nito ngayon. Ang dating mahaba at itim na itim nitong buhok ay naging mamuti-muting pilak, katulad ng ibang manlilipad. Bagsak at maalon pa rin ito na lumalagpas na sa kaniyang baywang. Ang dati na kayumanggi nitong balat, ngayon ay parang gatas at tila lumiliwanag sa kinis.


"I-ikaw na ba 'yan, Liway?!"

Bigla itong namula at umiwas ng tingin kay Kidlat. "Oo, Kisig. Bakit ganyan kayo makatingin sa akin? H-hindi ba bagay ang anyo ko ngayon?"

"Nagulat lang ako. Hindi ko akalaing may mas igaganda ka pa pala. Lalo kang nakabibighaning tingnan dahil sa iyong bagong wangis. Ganoon pa man, maganda pa rin ang dating ikaw," wala sa sariling usal ng binata, dahilan upang lalong mamula si Liwayway.

Napangisi naman si Makisig habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa dalawa. Umiiling ito na umakbay sa dalaga sabay sabing, "Halata kayo masyado, hay nako, pumapag-ibig—"


Huminto ito nang sadyain ni Liwayway na tumama ang siko nito sa tiyan ng binata at sinamaan ito ng tingin. Sa halip na huminto ay lalong tinukso ni Makisig ang kaniyang kaibigan hanggang sa habulin siya nito. Lalong lumakas ang tawa nito nang hindi ito nahabol ng dalaga. Umakyat na rin ito sa tinutuluyan nila kung saan naunang pumasok ang mag-asawang Diwa at Dakila.


"Hayaan mo na siya, inaasar ka lamang ng kaibigan mo."


Nang marinig ang boses ng binata ay umayos ng tindig si Liwayway bago ito humarap sa kaniya. Alanganin itong napangiti nang magtama muli ang kanilang tingin. Nililipad ng hangin ang buhok nito kaya lumapit si Kidlat upang hawakan ang ilang hibla at isinabit sa tainga ng dalaga.

Nagsimula silang maglakad-lakad sa malawak na bakuran ng mga pinuno at ninanamnam ang sariwang hanging dumaraan. Huminto sila sa isang mataas na bahagi ng lupa kung saan magkatapat ang dalawang punong pilak.

Sa paligid nito ay buhay na buhay ang luntiang mga damo na katamtaman lamang ang haba at tila nagsasayawan. Mula rito ay tanaw nila ang hiwa-hiwalay na karagatan ng ulap sa ibaba, kaya nasisilayan din nila ang masaganang kalikasan ng kapatagan.


"Napakalawak pala talaga ng Malayah ano?" panimula ni Liwayway upang maibsan ang kaba na hindi rin nito mawari ang dahilan.

"Siyang tunay, kaunting panahon na lamang at mararanasan mo na ang maglakbay bilang isang ganap na manlilipad. Naisasakatuparan na ang iyong minimithi. Kung nasaan man ngayon ang kaibigan mo ay natitiyak kong nakangiti siya habang pinagmamasdan ka."


Dumaan ang lungkot sa mga mata ng dalaga na natatakpan lamang ng kaniyang matamis na ngiti. Naglakbay ang paningin nito sa maaliwalas at bughaw na kalangitan, ganoon din si Kidlat na bumuntonghininga lamang. Halos magkasabay silang nagbaba ng tingin at napalingon sa isa't isa.


"Kayumanggi man o puti, batid mo ba kung gaano ka kaganda, Liway?"

Sa halip na umiwas ay tinitigan nitong mabuti ang mga mata ni Kidlat na nakalulunod kung tumingin. "Batid mo rin ba kung gaano kabilis ang pintig ng aking puso sa tuwing tinititigan mo ako ng ganyan? Baka lalo akong mahirapan nito na bumitaw at iwan ka."

Bahagyang umawang ang bibig ng binata dahil hindi niya inaasahan ang mga salitang binitawan nito. "Liway... Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Nandito ka na sa Balintataw, hindi bilang isang manggagawa kundi isa nang tagapangalaga ng pilakbon. Pinangarap mo ang tungkuling ito na ngayo'y gagampanan mo na."

"Alam ko, pasensya ka na. Tama ka, may katungkulan na ako ngayon na dapat kong paglaanan ng panahon. Tinanggap ko ito nang maluwag sa dibdib at hindi sapilitan, paninindigan ko ito."

Kapuwa sila nagdaramdam dahil sa mga salitang kanilang binitawan subalit wala silang balak na bawiin ito. "Nalagpasan mo ang napakaraming pagsubok, Liway. Batid ko na makakaya mo rin ito, naniniwala ako sa iyo."


DUMATING na ang araw ng paglisan nina Makisig, Kidlat at ng iba pang mga panauhin sa Balintataw. Noong araw ng labanan ay nadaig ng mga manlilipad at mga dayuhang mangangaso ang pangkat ng mga bandido.

Kapuwa nalagasan ang puwersa ng magkabilang panig, hindi rin ligtas maging ang mga dambuhalang nilalang. Nang maramdaman ng ibang bandido ang unti-unti nilang pagbagsak ay nag-atrasan ang mga ito at pinabalik ang kanilang mga alamus sa daanang kanilang tinahak paakyat ng bundok.

Ang iba sa kanila ay tuluyang napasuko at hinuli ng kabilang panig. Matindi ang galit sa kanila ng mga manlilipad dahil sa kalapastanganang ginawa nila sa isang sagradong tahanan. Bilang isang mabuting pinuno ay mas pinili ni Dakila na tipunin sila upang maihatid sa kanilang pinanggalingan sa halip na patawan ng ano mang parusa.

Dumating na ang takdang panahon upang lumisan sila.

Hindi pa tapos ang kapanahunan ng kanilang pagdiriwang kaya papayagan ang mga tagapangalaga na magpalipad ng pilakbon sa isang buong araw lamang. Ito rin ay upang matulungan ang mga dayo na bumaba sa kapatagan.

Maaga pa lamang ay nakahanda na ang mga pilakbon at tagapangalagang maglalakbay sa himpapawid. Sa harapan ng bahay ng mag-asawang pinuno ay nagpapaalam na rin sina Makisig at Kidlat.


"Maraming salamat po sa pagpapatuloy ninyo sa amin, mga pinuno. Isang pambahirang karanasan para sa mga katulad ko ang makarating dito sa Balintataw."

"Walang anuman, Kisig. Nagagalak din kami na nakapunta kayo rito sa aming tahanan. Hangad namin na makauwi kayo nang listas sa inyong pinagmulan," wika ni Diwa na nakakawit sa braso ng kaniyang asawa.

"Nawa ay mayroong natutunan ang lahat sa nangyaring kaguluhan hindi lamang nitong huli kundi maging sa mga kahindik-hindik na pangyayari mula pa sa aming nakaraan. Hindi ko nanaisin pa na maulit ang karahasan sa pagitan ng iba't ibang pangkat, batid n'yo iyon. Wala na sanang susunod pa. Pakiusap, hanggang maaari ay umiwas kayo sa gulo, 'wag ninyong ilalagay sa alanganin ang inyong mga buhay."


Napagigitnaan nina Makisig at Kidlat si Liwayway. Kapuwa sila walang imik at nakikinig nang mabuti sa mga payo ni Dakila. Nagkatinginan sila at nagpalitan ng ngiti saka tinanguhan ang pinuno.


"Huwag po kayong mag-alala, hindi kami makapapayag na maulit pa ito. Uuwi kami nang matiwasay at mamumuhay nang mapayapa, iyong malayo sa kaguluhan."

"Sigurado ka na ba sa iyong pasya na bumalik sa kapatagan?" Isang tango lamang ang itinugon ng binatang bandido kay Dakila.

Bumitaw si Diwa sa asawa nito upang lapitan si Kidlat. Saglit nitong niyakap ang binata, na siyang kinabigla nito. "Alam mo ba, kahawig mo talaga ang iyong ama noong kabataan niya pa. Liban lamang sa iyong magagandang mga mata na natitiyak kong namana mo sa iyong ina."


Napaawang ang bibig ng binata na nakatitig sa ginang hanggang sa bahagyang kumurba paitaas ang sulok ng kaniyang labi. Nais nitong sumagot subalit hindi makabuo ng tamang salita upang itugon dito.


"Mag-iingat ka sa iyong pakikipagsapalaran, Kidlat. Hangad ko ang iyong kaligtasan sa bawat paglalakbay mo sa kapatagan," pagpapatuloy ng ginang na tila nagbabadyang kumawala ang mga luha.

"Tatandaan ko po ang lahat ng sinabi ninyo."


Maya-maya lamang ay namamataan na nila ang ilang pilakbon na nagliliparan sa paligid, kasama ang mga tagapangalaga at mga dayong sasabay sa mga ito. Mula rin sa himpapawid ay bumulusok paibaba ang pilakbong sinasakyan ni Bagwis, kasabay ni Pilak. Lumapag sila malapit sa kinaroroonan ng lima.


Agad na nilapitan ni Liwayway ang ibong nasa ilalim na ng kaniyang pangangalaga. "Magandang umaga sa 'yo, Pilak."


Gumawa ito ng mahinang huni at idinikit nila sa isa't isa ang kanilang mukha. Napangiti siya sapagkat batid niya ang kagustuhan ni Pilak na makasama siya sa paglipad. Matagal-tagal na rin niya itong nakilala at nagkakasundo sila. Nilingon niya si Kidlat saka tinanguhan upang lumapit sa kanila.


Napalunok ang binata nang mabaling sa kaniya ang matatalim na titig ni Pilak. Dahan-dahan siyang naglakad palapit dito. "Siguro naman ay nawala na ang pagtatampo niya sa akin ano? Hindi na naman siguro masama ang loob mo sa akin, kaibigan?"


Nagpakawala ito ng matitinis na tunog habang nagpapadyak ng mga paa at nakabukas ang mga pakpak. Matapos iyon ay umiwas ito ng tingin kay Kidlat na tila ba nayayamot. Bumuntonghininga na lamang ang binata saka yumuko. Nagulantang na lamang ito nang biglang sumiksik sa kaniyang braso ang ibon at sumandal sa kaniyang balikat.


"Mukhang hindi naman nagbago ang tingin niya sa 'yo," nakangiting wika ni Liwayway.

Napalingon ang lahat kay Bagwis nang magsalita ito, "Ano, handa na ba kayong lumisan?"

"Handang-handa na, kaibigan," turan ni Makisig saka nilapitan si Liwayway. "Paano, Liway, sasabay na ako kay Kuya Bagwis. Mukhang matatagalan pa bago tayo muling magkita. Hahanap-hanapin ko ang iyong ngiti at kakulitan, kaibigan."

"Ganoon din naman ako, Kisig. Ikaw na sana ang bahalang magpaliwanag ng lahat sa aking ina at kapatid, maunawaan sana nila ang aking pasya. Tungkol naman kina Ate Mutya at Yumi, ikumusta mo na lang ako sa kanila. Huwag mo silang pababayaan, ha, kaibigan?"

"Wag kang mag-alala, ako na ang bahalang magpaunawa sa kanila patungkol sa lahat ng nangyari. Pakaiingatan ko sila, pangako iyan, kaibigan."


Isang mahigpit na yakap ang iginawad nila sa isa't isa bilang pamamaalam. Matapos iyon ay tuluyan nang sumampa sa pilakbon ni Bagwis ang binatang mangangaso na makikisabay rito. Nagkatinginan na lamang sina Kidlat at Liwayway saka tumango sa isa't isa. Inalalayan ng binata ang huli na sumakay sa sarili niyang alaga bago ito sumampa sa likuran.


"Paano, mga pinuno, lilisan na kami dahil tumataas na ang sikat ng araw."

Tinanguhan ni Dakila si Bagwis, na siyang mangunguna sa mga luluwas na tagapangalaga. "Sige, humayo na kayo sa kapatagan. Mag-iingat kayong lahat sa inyong paglalakbay at huwag kalilimutan na isang araw lamang ang palugit ninyo."

"Bago pa lamang si Liwayway sa kaniyang katungkulan kaya nais kong pangalagaan n'yo siya. Umuwi kayo rito nang ligtas," dugtong naman ni Diwa.

"Ano pa'ng hinihintay natin? Tayo nang lumipad at makipagsagupaan sa hangin!"


Sa muli ay naglipana sa himpapawid ang mga pilakbon upang magsaboy ng basbas sa huling pagkakataon sa kapanahunang ito. Humiwalay na rin ng lipad sina Bagwis at Makisig sapagkat dadayo sila sa Lunti upang mag-ulat.

Samantala, sina Liwayway at Kidlat ay ninanamnam ang pambihirang pagkakataon na makasama ang isa't isa sa paglipad at ang masilayan muli ang lawak ng Malayah. Sa kabilang banda, kapuwa sila nagdaramdam sapagkat nalalapit na rin ang kanilang pamamaalam.

NAPAGPASYAHAN ni Kidlat na magpahatid sa tabi ng lawa ng La-um, malapit sa nayon ng Haw-an. Nang sila'y lumapag ay unang bumaba ang binata upang maalalayan si Liwayway, na nais munang manatili rito upang panoorin ang napakagandang tanawin, lalo na ang kumikislap na tubig.

Buhay na buhay nang muli ang paligid. Maging ang mga mangingisda at mga bangkero ay tila ganadong-ganado sa kanilang paghahanapbuhay. Ramdam ni Liwayway na bumabalik na ang sigla ng buong lupain ng Malayah.


"Sabihin mo, hindi pa ito ang huli nating pagkikita, tama ba? Babalik ka naman, hindi ba?"


Napatitig siya sa nagsusumamong mga mata nito na nababalot ng kalungkutan. Hinarap niya ito at unti-unti iniangat ang kaniyang mga kamay hanggang sa mahawakan ang mukha ng binata.


"Babalik ako, pangako 'yan," saad niya rito.

"Kung gayon ay maghihintay ako. Hihintayin kita kahit gaano pa katagal ang aabutin. Sana sa iyong paglisan ay hindi mo ako makalimutan, kaming lahat na maiiwan dito sa kapatagan."


Hinawakan nito ang malamig-lamig niyang kamay na hindi niya pa rin iniaalis sa mukha nito. Tuluyang kumawala ang kaniyang mga luha nang sabihin nito ang katagang nais niyang marinig.


"Mahal na mahal kita, Liway. Itaga mo iyan sa iyong puso't isipan." Naramdaman niya ang pagdampi ng labi nito sa kaniyang noo.

"Wag kang mag-alala, mananatili ka sa aking gunita, saan man ako magpunta. Ikaw ang una kong hahanapin sa aking pagbabalik kaya huwag mo rin sana akong kalilimutan," tugon niya rito.


Kasabay ng paghampas ng hangin mula sa lawa at ng sinag ng araw na tumatama sa kanila, naglapat ang kanilang mga labi sa unang pagkakataon. Bahagya itong ikinagulat ng binata subalit agad rin nitong tinugunan ang halik niya, na lalong nagpainit sa kanilang tagpo.

Maya-maya'y naramdaman ng dalaga ang mga kamay nito na marahang nakahawak sa kaniyang baywang. Ikinawit niya naman ang kaniyang mga kamay sa batok nito.

Wala na silang pag-aalinlangan pa, malaya na nilang ipinahahayag ang kanilang tunay na nararamdaman. Nang sila ay maghiwalay ay nanatili silang nakatitig sa isa't isa na kapuwa habol ang hininga. Sumilay ang ngiti sa kanilang mga labi.


"Mahal din kita, Kidlat. Mahal kita hindi bilang kaibigan kundi higit pa roon," tahasang pag-amin niya rito. Wala nang paglagyan ng sayang nararamdaman nila ngunit kaakibat nito ay ang katotohanang pansamantala lamang ang lahat.

Marahang tumango ang binata sabay halik sa kaniyang kamay. "Aasahan ko ang iyong pagbabalik. Sana ay ganoon pa rin ang iyong nararamdaman sa susunod nating pagkikita."


Isang matamis na ngiti lamang ang kaniyang itinugon sabay tango. Nilapitan na nila si Pilak na matiyagang naghihintay habang nakalubog sa makakapal na damuhan. Agad itong tumayo at nag-unat ng mga pakpak at paa upang makapaghanda sa paglipad. Inalalayan ni Kidlat ang dalaga na makasampa nang maayos sa ibon.


Matapos iyon ay saglit nitong hinawakan ang mukha ni Pilak bago umatras sa kinatatayuan nito. "Mag-iingat kayo sa inyong paglipad, lalo ka na, Liway."

Nag-angat siya ng tingin sa langit upang pigilan ang sarili na lumuha. Muli silang nagkatinginan at nagpalitan ng ngiti. "Paalam na sa iyo, hanggang sa muli nating pagtatagpo."

"Paalam, hanggang sa muli nating pagtatagpo, mahal ko."






A / N:

Aye yoh, stubborn FLYERS!

Finally, another story of mine is done and for sure, there will be another one to pursue. I'll prepare myself for it.

Sa mga mambabasa na nakahanap sa aking binuong mga mundo, malugod ko kayong tinatanggap dito. Hindi man ako ganoon kahusay subalit asahan ninyo na ipagpapatuloy ko ang paggawa ng mga kakaibang istorya ng pantasya na siyang pupukaw sa inyong malilikot na imahinasyon!


Thank you for reading!

See ya on my next stories...

Continue Reading

You'll Also Like

777K 2.6K 5
Bata pa lang si Avery ay alam niya kung sino siya. Because of her ... her parents were murdered by the rogues and hunters. But before her parents die...
9.9M 496K 80
◤ SEMIDEUS SAGA #04 ◢ Promise of the Twelve - End of the rebellion as prophecied by the titan goddess, Mnemosyne. It seems like fighting a titan...
124M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...
870K 58.5K 33
Discovering an abandoned town in the middle of a forest, Odeth is transported to a time when the ghost town was alive, but as someone else--Olivia Va...