HE'S INTO HER Season 3 | COMP...

By maxinejiji

236M 4.6M 11.3M

This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such a... More

He's into Her Season 3
CHAPTER 171
CHAPTER 172
CHAPTER 173
CHAPTER 174
CHAPTER 175
CHAPTER 176
CHAPTER 177
CHAPTER 178 : ACQUAINTANCE PARTY
CHAPTER 179
HE'S INTO HER SERIES ON NETFLIX
CHAPTER 180
CHAPTER 181
CHAPTER 182
CHAPTER 183
CHAPTER 184
CHAPTER 185
CHAPTER 186
CHAPTER 187
CHAPTER 188
CHAPTER 189
CHAPTER 190
CHAPTER 191
CHAPTER 192
CHAPTER 193
CHAPTER 194
CHAPTER 195
CHAPTER 196
CHAPTER 197
CHAPTER 198
CHAPTER 199
CHAPTER 200 : THE UNEXPECTED 1
CHAPTER 201 : THE UNEXPECTED 2
CHAPTER 202
CHAPTER 203
CHAPTER 204
CHAPTER 205
CHAPTER 207
CHAPTER 208 : THE SUFFERING
CHAPTER 209 : THE SUFFERING
CHAPTER 210 : THE SUFFERING
CHAPTER 211
CHAPTER 212
CHAPTER 213
CHAPTER 214 (PRIVATE)
CHAPTER 215
CHAPTER 216
CHAPTER 217
CHAPTER 218
CHAPTER 219 : THE VENGEANCE 1
CHAPTER 220 : THE VENGEANCE 2
CHAPTER 221 : THE VENGEANCE 3
CHAPTER 222 : THE VENGEANCE 4
CHAPTER 223 : THE VENGEANCE 5
CHAPTER 224 : THE VENGEANCE 6
CHAPTER 225 : THE LAST VENGEANCE
CHAPTER 226 : THE TRUTH 1
CHAPTER 227 : THE TRUTH 2
CHAPTER 228 : THE TRUTH 3
CHAPTER 229 : THE TRUTH 4
CHAPTER 230 : THE FINAL TRUTH
CHAPTER 231 : TORMENT
CHAPTER 232
CHAPTER 233
CHAPTER 234
CHAPTER 235
CHAPTER 236
CHAPTER 237 : THE END PART 1
CHAPTER 238 : THE END Part 2
CHAPTER 239 : THE END Part 3
CHAPTER 240 : THE FINAL ENDING
HE'S INTO HER
TAGURO and SENSUI
EPILOGUE

CHAPTER 206 : FAITH

3.2M 61.8K 234K
By maxinejiji

FAITH

EERAH ANITHA'S POV

"HINDI KO talaga maintindihan kung bakit pati tayo ay kailangan nilang imbitahan," tatawa-tawang sabi ko habang nasa byahe kami papunta sa bahay ng kapatid ni Lohr.

Inimbitahan kami ni Chairman Enrile. May inihanda raw silang maliit na party para kay Lohr. Gusto ko talagang matawa nang sabihin sa 'kin 'yon ni daddy. Hindi ako makapaniwala at talagang gustong manakit ng ulo ko sa sobrang pagpipigil ng tawa.

Kung alam lang niya na ako ang dahilan sa inabot ng apo niya, baka murahin niya pa ako kapag nakita niya ako ro'n ngayon.

Pero nang maisip ko si Maxpein ay biglang naningkit ang mga mata ko. Maging ang noo ko ay sumobra sa pagkakakunot. Hindi malabong nando'n din siya, imposibleng mawala siya ro'n.

Hindi ko alam kung handa na ba akong harapin ang babaeng 'yon. Baka kung ano ang magawa ko kapag nakita ko siya. Bagaman may mga nabuo na kaming plano, sinabi ni Sin na kailangan muna naming maghintay ng hudyat niya at ng aking ama. Hindi na kami maaaring magpadalos-dalos dahil traydor ang kalaban.

Pagsisisihan mo ang ginawa mo sa 'kin, Maxpein! Ang lakas ng loob mong akyatin ang bahay namin. Hindi mo ba naisip na ang bawat hindi magandang nangyayari sa 'min ay may kaukulang ganti?

Ngunit sa kabilang banda ay naalala ko rin si Lohr, lalo na ang lagay niya. Hindi ko rin alam kung paano siyang haharapin sa pagbalik niya. Hindi ko alam kung may nalalaman na ba siya sa ngayon at kung ano ang mga hakbang na gagawin niya laban sa 'min. Napapikit ako sa sobrang pag-iisip, parang gusto ko na tuloy magsisi dahil mukhang ako ang nagkamali. Ako ang naging padalos-dalos sa pagkilos nang hindi iniisip ang mga posibleng mangyari o kahinatnan ng mga kilos ko.

"Hindi malabong nandoon ang babaeng tinutukoy ninyo," mayamaya ay sabi ni daddy.

Walang lumingon sa kaniya ngunit pare-pareho kaming gumalaw ang mga mata papunta sa gawi niya. Naging matunog ang malalim niyang buntong-hininga. Hindi ko malaman kung tama ba ang naging reaksyon ko, palihim akong ngumisi at itinuon ang paningin sa labas.

"Ano ang plano ninyo?" dagdag niya pa.

"Wala." Iyon ang tanging isinagot ni Cargosin, hindi naman na nagsalita pa ang Chairman. "Mahirap gumawa ng gulo sa hindi natin teritoryo, Chairman."

Hindi alam ni daddy ang ginawa kong 'yon kay Lohr. Hindi ko lalo alam kung ano ang magiging reaksyon niya kapag nagkataon kaya wala na rin akong balak na ipaalam pa iyon. Ewan ko kung bakit hindi man lang ako nagdalawang-isip na gawin 'yon. Pero sa t'wing maiisip kong magagalit ang daddy kapag nalamang may kinalaman ako ro'n ay hindi ko maiwasang matakot. Malalaman niyang lumilihis kami sa mga plano niya. Masyado siyang maraming iniisip ngayon kaya hindi pwedeng dumagdag pa ako.

Bagaman mabagal ang byahe, hindi nagtagal ay narating namin ang village kung saan nakatira ang mag-asawang Echavez. Gusto ko pang mangiti dahil alam kong doon din nakatira si Lovemir. Pero hindi ko maiwasang mainis nang maalala ang naging huling pag-uusap namin.

Siguro naman ay wala na 'yon sa kaniya. Pwede siguro akong makipagkita sa kaniya mamaya, o di kaya naman ay bibisitahin ko na lang siya. Pero agad din akong natigilan sa sariling naisip. Nangunot ang noo ko at palihim na napapikit. Bakit naman kailangan mo siyang makita pa, Eerah? Ano ang iyong dahilan? Nagpakawala ako nang malalim na hininga 'tsaka umibis ng sasakyan.

Agad kong tinanaw ang bahay na 'yon sa harapan namin. Maliwanag at mukhang may salo-salo nga na nagaganap kung titingnan. Malakas ang sound system sa paligid pero mukhang iilan lamang ang bisita.

Iginala ko pa ang aking paningin sa labas ng garahe nila at iilang sasakyan lang ang aking nakita. Inalalayan ako ni daddy papalapit sa gate, kasunod naman namin sina Cargosin at Christian. Agad na nagpatiuna si Christian at pinindot ang doorbell, hindi nagtagal at lumabas na sina Chairman at Dean Enrile.

Nakangiti agad ang mga ito sa amin, pero mahahalatang may pait. Hindi ko nasisiguro kung tama ang nababasa ko pero mukhang nag-aalinlangan sila sa presensya namin. Pakiramdam ko tuloy ay napilitan lamang si Chairman Enrile na imbitahan kami.

Sandali silang nagbatian ng aking ama, muli ay ikinuwento ni Chairman Enrile ang dahilan ng handaan. Nang makapasok kami ay ipinakilala niya kami sa apong babae at asawa nito. Nakalimutan niya na yatang ilang beses niya nang naipakilala sa min.

Sandali kong iginala ang paningin sa kabuuan ng eleganteng bahay 'tsaka ako ngumiti kay Dein Leigh. "Hello, Leigh. Thanks for the invitation. I like your house."

"Thank you, Eerah," nakangiti rin nitong sabi. "Actually, sa backyard gaganapin 'yong party so...tara?"magiliw pa niyang anyaya.

Susunod na sana kami nang mapansing natigilan si daddy. Nang lingunin namin siya ay nakangiti na siya sa anak ni Leigh na natutulog sa kuna. Maganda ang pagkakangiti niya sa bata na para bang nakakakita siya ng anghel dito.

"Let's go, dad?" anyaya ko. Nakangiti itong lumingon sa 'kin 'tsaka muling tingnan ang baby. Matapos itong ngitian ay 'tsaka siya sumabay sa 'min.

"Naiisip ko kung kailan ninyo ako balak na bigyan ng apo, Christian?"sabi pa ni daddy, gulat akong napalingon sa kaniya. "Ikaw ba ay walang balak na magkaanak, Eerah?"

"Sa dami ng ginawaga natin, dad, how is that possible?" hindi ko naiwasang maging sarkastika. Pero mukhang hindi matitinag no'n ang maganda nang mood niya.

Kung hindi mo lang sana hinadlangan ang relasyon namin ni Lovemir ay may apo ka na. Hindi ko napigilan ang namuong kirot na 'yon sa dibdib ko. Nagngingitngit na naman ang kalooban ko dahil naalala ko na naman ang tungkol sa 'min ni Lovemir.

Mula sa sala ay pinangunahan kami ni Leigh papunta sa dirty kitchen kung saan may daan papuntang backyard. May maliit na patio at hagdan doon, paibaba sa mismong damuhan kung saan naro'n ang mga mesa. Mukhang pinaghandaan talaga nila ito, bagaman simple kasi ay hindi biro ang mga disenyo. Halatang pinaglaanan iyon ng oras at hirap. Kakatwang sa edad na iyon ni Lohr ay naiisip pa rin nilang sorpresahin ng ganito ang binata.

Palibhasa'y isip-bata.

"Everyone, let's welcome the Rewis family," anunsyo ni Leigh, agad namang nagsipaglingunan ang mga naro'n.

Ngumiti ako nang todo at pumostura. Inihakbang ko paabante ang kanang paa ko, dahilan upang dumausdos sa balat ko ang hiwa ng aking palda at matambad ang mahaba kong hita. Inihawak ko ang magkabilang kamay sa aking bewang 'tsaka ipinakita ang kabuuan ng aking katawan. Syempre, nakuha no'n ang atensyon ng iba kaya mas itinodo ko pa ang ngiti.

Inalalayan uli kami ni Leigh papalapit at iminuwestra papaupo sa mesa. Nagpaalam siya sandali at saka lumapit sa asawa na kasalukuyang inaasikaso ang mga instrumento. Mahilig ngang talaga sa musika si Randall, isa sa napagkasunduan nila ni Cargosin.

May maliit na entablado silang ginawa na noon ko lang napansin dahil sobrang baba. Pinagpatong-patong na plywood lang iyon. Makipot ang entabladong 'yon pero nagawang pagkasyahin ang mga instrumentong naro'n. May acoustic guitar sa kanan, organ sa kaliwa, percussion sa gitnang dulo, at dalawang mic and stand sa gitnang unahan.

Nilagyan nila ng arko sa gitnang dulo na gawa lang din sa kahoy. At bilang disenyo ay nilagyan nila 'yon nang manipis at kulay puti na tela. Sa mismong tela ay nakadikit ang maliliit at madilaw na mga bumbilya na bumubuo sa pangalan ni Deib Lohr. Bukod doon ay may mga pulang bumbilya rin na bumubuo naman sa tatlong puso sa ilalim ng pangalan, dalawang maliit at isang malaki sa gitna. Nakakatuwang tingnan dahil ginawa nilang espesyal ang isang bagay na simple. Gusto kong matawa dahil kung hindi ko kilala si Lohr ay posibleng maisip ko na para sa babae ang selebrasyon.

Apat lang ang mesa bukod sa dalawang kinalalagyan ng mga handa. Ang unang mesa ay inokupa namin at ang isa naman ay okupado ng apat na lalaki at isang babae. Kung hindi ako nagkakamali ay mga kaibigan lang nina Maxpein at Lohr ang naro'n bukod sa 'min at sa pamilya nito. Gusto na tuloy maghanap ng mga mata ko sa mga taong imposibleng mawala rito.

Hindi nagtagal at nakangiting dumulog sa 'min si Randall, sandali siyang nakipagbatian. Nakipagkumustahan siya sa aming ama na magiliw namang pinaunlakan ang pangungumusta niya. Mayamaya pa ay katulong niya na ang isang maid at si Dean Enrile na mag-asikasong hatiran kami ng hapunan.

Nagsisimula na rin kaming kumain nang muling umalis si Leigh. At pagbalik niya ay kasama niya na ang mga Moon. Agad na tumaas ang mga kilay ko nang sa hindi inaasahan ay wala si Maxpein sa mga iyon.

Muli ay nakipagbatian sa 'min ang mga Moon, sandali silang tumayo sa palibot namin. Hindi ko malaman kung bakit sa simpleng tindig ay parang may formation pa ang pamilya. Gusto kong matawa dahil parati nilang pinaggigitnaan ang kanilang Chairman. Nasa magkabilang dulo ang mga anak.

Nahinto kami sa pagkain nang magkumustahan ang dalawang Chairman. At nakapagpatuloy lang muli nang okupahin nila ang mesang sadyang idinugsong sa kinadudulugan namin.

"Masarap ang handa, I'm enjoying it," papuri ko nang nakangiting lumapit sa 'min si Leigh. Parang hindi man lang siya napapagod sa dami ng inaasikaso.

"Salamat naman at nagustuhan mo," namula pa siya nang sabihin 'yon, tuwang-tuwa. "Okay lang ba kayo?"tanong niya na tiningnan pa ang lahat, sinagot namin siya ng ngiti. "Aasikasuhin ko lang muna 'yong baby ko, then after that ay aasikasuhin ko na 'yong video."

Gusto ko sanang itanong kung anong video 'yon pero kumaway na siya at lumayo. Pinanood ko na lang tuloy ang paligid hanggang sa matuon ang paningin sa mga kaibigan ni Deib Lohr na hindi inaalis ang paningin sa 'kin. Napangiti ako nang makita ang mga palihim nilang pagsulyap, hindi kasi 'yon 'yong tipo ng may paghanga. Parang may galit pa nga.

Una kong napansin iyong nag-iisang apo ng mga Yanai. Ang mayamang pamilya ng mga Yanai na hindi man lang yata nagba-background check. At basta na lang nagbibigay ng pondo para maging stockholders. Palibhasa'y ang bawat sangay ng kanilang pamilya ay umaatikabo ang yaman.

Panay ang sulyap niya sa 'kin at sa t'wing mahuhuli ko ay nag-iiwas siya ng tingin. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil kahit pilit niyang pagmukhaing inosente ang sarili, nababasa ko ang disgusto niya sa akin sa kaniyang mga mata. Wala siyang pinagkaiba sa Chairman ng mga Yanai, hindi itinatago ang amor sa mga gustong makahalubilo. Walang kaplastikan sa katawan.

Mayamaya pa ay dumako ang paningin ko sa nag-iisang apo na lalaki ng mga Gozon. Ang makapangyarihan ngunit nananahimik na mga Gozon. Kabaliktaran nang nauna ay napakarami namang binubusisi ng mga ito bago magbigay ng pondo. Pero hindi biro ang kanilang presyo. Kahit sino ay gugustuhin silang makasosyo.

Kakatwa nga lang na ang isang ito lamang ang mukhang may pakialam sa nangyayari. Well, bukod sa pinsan niyang babae na idinaraan sa paglalandi ang halaga ng lalaking Enrile. Hindi tulad ng pamilya nilang hindi man lang kumustahin ang lagay ng mga Enrile. Lunod sa pagpapatakbo ng negosyo ang mga Gozon.

Masama ang tingin sa 'kin ni Lee at hindi siya nag-aalinlangang ipakita 'yon. Tuloy ay hindi rin ako nagdalawang-isip na ipakitang wala akong pakialam. Kung ano ang nalalaman at iniisip niya ay hindi ko alam, at mas lalong wala akong pakialam. Nilabanan ko nang nakakalokong tingin at ngisi ang matatalim niyang titig hanggang sa siya na rin ang sumuko sa akin.

Pathetic and useless bestfriends...hahaha!

"Mukhang may ibang nakakaalam ng ginawa mo," pabulong na sinabi sa 'kin ni Cargosin, bahagya pa siyang lumapit bagaman magkatabi na kami.

"And what's your point?" mataray kong tugon, tinitingnan ang bagong polished kong kuko. Wala nang gaganda pa sa kamay ko.

"Hindi inaalis ng ilan ang paningin sa iyo."

"Sa tingin mo?" nakangisi kong tanong.

"Masama ang tingin sa 'yo nina Gozon at Yanai."

"Baka nagagandahan sila sa akin? What do you think?" tiningnan ko pa siya nang nakakaloko.

"Hindi biro ito, Eerah. Kapag nagkataong alam nga nila ang ginawa mo ay posibleng mapahamak tayo."

"Ano naman ang magagawa nila kung malaman nila ang totoo, Cargosin? Calm down."

"Paano kung sumablay na naman iyang mga payabang mo?"

Tinaasan ko siya ng kilay. "Kung may gagawin sila, sana noon pa. Mukhang wala nga silang pakialam sa nangyayari sa kaibigan nila. Besides, they're all useless enough to care."

"Siguraduhin mo lang na malulusutan mo ito. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari kapag nakabalik na ang apo ng mga Enrile."

Hindi na ako sumagot, maging ako kasi ay kinabahan. At ayaw ko iyong makita nina Cargosin at Christian. Gaya kanina ay nangunot ang noo ko dahil sa kaba na binubuo ng isiping 'yon sa dibdib ko. Hindi talaga ako handang harapin si Lohr, hindi ko alam kung paanong magpapaliwanag sa kaniya. Lalong hindi ko alam kung paano pang makukuha ang tiwala niya matapos nang nangyari.

"Kumusta na nga pala ang iyong apo, Chairman Enrile?" dinig naming tanong ni Chairman Moon. Napalingon ang lahat kay Chairman Enrile. Bumukas ang matinding pag-aalala sa mukha nito. "Kumusta ang operasyon niya?"

"Ang totoo ay wala pa kaming balita, Chairman Moon," ani Chairman Enrile matapos tumikhim, bakas sa mukha niya ang pagsisinungaling.

"Sana ay maging maayos agad ang kaniyang lagay," bagaman nakangiti ay hindi naitago ni Chairman Moon ang pag-aalala sa tinig. "Sapagkat hindi matatahimik ang aking apo hangga't hindi niya nakikitang maayos ang lagay ng kaniyang nobyo."

Bigla ay para akong binuhusan ng yelo. Simpleng linya lamang ang binitiwan ng senyor pero pakiramdam ko ay patama sa akin mismo ang mga iyon. Para iyong kasagutan sa ilang mga tanong na nabuo sa isip ko nang gabing loobin ako mismo. Para bang sinasabi ng mga salitang iyon na babalikan ako ni Maxpein at papatayin.

Nagtiim ang bagang ko, natuon sa pagkain ng aking harap ang aking paningin. Hindi ako sigurado pero pakiramdam ko ay palihim silang tumitingin sa 'kin, napapraning ako.

"Salamat sa iyong apo, pumayag ang aking apo na magpaopera, Chairman Moon," sinserong sinabi ni Chairman Enrile. "Salamat din sa inyong lahat. Hindi ko man hingin ang inyong tulong ay kusa na kayong dumudulog sa amin. Salamat. Hindi ko makalilimutan ito." Noon ko lang nakita at narinig na maging emosyonal si Chairman Enrile. At nandidiri akong makita na wala iyong halong kaplastikan.

Tumango si Chairman Moon. "Sa tingin ko ay hindi para sa kalungkutan ang salo-salong ito kaya naman ibahin na natin ang usapan."Napakaganda ng ngiti niya, parang sobrang bait. "Where is Maxpein?"seryoso niyang tanong.

Para na naman akong binuhusan ng yelo. Ngunit nang sandaling iyon ay nagyelo na rin ako.

At mukhang hindi lang ako dahil maging sina Cargosin at Christian ay biglang nabalisa. Nang dahil sa nangyari sa 'kin ay naging iba ang epekto sa 'min ng babaeng 'yon. Epektong hindi mapangalanan dahil nababalot nang di masukat na takot.

"Inaayusan lang siya ng mga kaibigan niya, Chairman." Si Randall ang sumagot.

"Inaayusan? Para saan?"nagtatakang tanong ng senyor.

Hinapit naman ni Randall ang bewang ng asawa. "Napaka-sweet kasi nitong asawa ko, pinaghandaan nila nang todo itong party para kay Deib Lohr. 'Ayun, 'yong mga babae ay nagpapaganda nang ayos at may mga performance sila mamaya."

"Is that so?" tumango-tango si Chairman Moon. "Mukhang maganda pala ang selebrasyong ito kung ganoon? Malilibang tayo."

"At may inihandang film showing si Dein," dagdag ni Randall sa nanunuksong tono, nahihiyang pinalo siya ni Leigh sa balikat. "Inipon niya 'yong mga videos ni Deib Lohr mula noong bata at plano niyang ipapanood sa lahat."

"That's good. I'm excited,"namumuri ang tono ni Chairman Moon, itinaas pa ang kupita niya ng alak 'tsaka sumimsim doon. "Maxrill, call your sister. Everyone is waiting," utos niya sa bunsong Moon na agad na ngumuso matapos maudlot ang pagsubo.

"I can't find my handyphone,"nakalabi nitong tugon, nakakatuwa ang tono ng kaniyang pananalita.

"Where is it?" nagtatakang tanong ng Chairman. Wala akong naintindihan sa mga sinabi nila gamit ang wikang dayuhan. Para kaming mga aliping nanonood lang sa pag-uusap nila.

"Where is your handyphone?"tanong naman ni Maze Moon na nilingon ang anak.

"I don't know," lalong ngumuso ang bunsong Moon. Wala itong kasing-inosente. Saka kumuha ng panibagong slice ng strawberry cake. Halos malagyan pa ang ilong niya ng icing nang matapos sumubo. Pinagsabihan naman ito ng kaniyang ina gamit ang ibang salita.

"Nakakatuwa ang inyong apo, Chairman Moon." Biglang nagsalita si daddy na nakatingin sa bunsong Moon.

"Jeo-yo?" tanong ni Maxrill na itinuro pa ang sarili.

Kung hindi lang ito kalaban ay posible na akong matuwa sa kaniya. Lalo na at ang dumi-dumi niya kung kumain, parang bata. Kanina pa man ay nakaka-distract na siya. Paano ay inuulit niya ang bawat salitang Tagalog na marinig habang abala sa pagkain. Pinapaulit-ulit niya iyon hangga't walang naririnig na bago. Nakakatuwa, para bang kaya niyang mag-aral habang may ibang ginagawa. Kakaiba talaga ang pamilya nila.

"Hyung! Hyung! Hyung!" kinalabit niya nang kinalabit ang panganay na Moon. Hindi siya tumigil hangga't hindi ito lumilingon.

"What?" mainit na agad ang ulo ng panganay.

"Hyung, he says I'm cute," ani Maxrill sa kuya.

"He said you're kind of funny."

"Cute."

"Funny."

"Cute!"

"Funny." Parang mauubusan na agad ng pasensya si Maxwell. "Just shut up and eat, Maxrill."

Naging matunog ang pagtawa ng aking ama, bagay na hindi na namin ikinagulat dahil mahilig talaga siya sa bata. "Yes, you are cute."

"See?" nagmamalaking sabi ng bunsong Moon sa panganay na inirapan lang siya. "Thank you, mister, you are so kind." Lalo tuloy natuwa ang aking ama sa kaniya. Inalok niya nang inalok ng pagkain ang bunsong Moon. Nakakabilib ang imbakan sa tiyan nito.

"Maxpein's here," anunsyo ni Leigh na siyang nakapagpabago sa ihip ng hangin.

Pakiramdam ko ay biglang nahinto ang paligid. Pare-pareho kaming naghintay sa paglapit nito na may dalang hangin. Hindi ko namalayang nabitiwan ko ang hawak na tinidor, gumawa tuloy 'yon ng ingay sa aking plato. Nagsipagtikhiman ang mga lalaki na myembro ng aking pamilya. Mayamaya lang ay nalanghap ko na ang pamilyar nang amoy ni Maxpein na nahaluan din agad ng iba.

Tatlo silang babae nang humarap sa lahat, batid kong ang magkapatid na Marchessa 'yong dalawa. Bagaman hindi ganoon kapamilyar sa 'kin 'yong isa. Agad kong pinansin ang mga suot nila, mukhang pinaghandaan nga nila ang gabing ito. Pawang mga naka-cocktail dress sila.

Sandaling tumango si Maxpein sa tatlong Chairman na naroon, gano'n na rin sa isa pa nitong lolo. Gusto kong mapailing. Kailan ba sila magsasawa sa tanguan nilang iyon?

Saka siya seryosong tumingin sa amin. Ang inaasahan ko ay matagal na maglalapat ang paningin namin, hindi ko man 'yon napaghandaan ay kaya ko namang labanan. Bahagya tuloy akong nagtaka nang matapos niya kaming dapuan ng mata ay tumingin na siya sa iba. Gusto ko tuloy uling pag-isipan kung tama ba ang aming mga hinala.

Matapos mo kaming akyatin ay ganiyan ang magiging pakikitungo mo sa 'min? Ang inaasahan ko ay maglalaban kami nang masasamang tingin. Pero kataka-takang nagagawa niya kaming bale-walain. You're a great actress.

"Kumain na muna kayo, Pein, mayamaya ay magsisimula na tayo,"sabi ni Leigh.

"Sige, salamat. Magpahinga ka rin," nginitian siya nito. "Ayos lang ba kung do'n kami sa mga kaibigan namin?" kunot-noong tanong ni Maxpein na nasa Chairman Moon ang paningin. Gusto kong matawa, wala man lang akong narinig na paggalang sa sinabi at maging sa tono niya.

"Go ahead," tumango ang senyor.

"Tawagin ninyo lang ako kapag may kailangan kayo," sabi naman ni Randall. "How about you, guys?"dumako siya sa likuran namin. Agad na tumuwid ang likuran ko nang maramdaman ang kamay niyang humawak sa sandalan ng silya ko. "Do you need anything?" bahagya niya pang iniyuko ang ulo sa 'ming dalawa ni Cargosin.

"No, thank you," pormal kong sagot.

"Ikaw, Sin?"

"Wala, ayos na ako dito, salamat."

"Kumusta na nga pala 'yang dibdib mo? Naipatingin mo na ba?"

Pare-pareho kaming natigilan nang itanong iyon ni Randall. Awtomatiko kaming nabalisa ng pamilya ko. Habang ang paghinto naman sa paglalakad ni Maxpein ay nagdulot nang makapigil-hiningang kaba at takot.

"Kailangan mong ipatingin 'yan, bro. Mukhang malaki ang sugat, eh. Napaano nga uli 'yan?" hindi nahinto sa pag-usisa si Randall.

Sa ilalim ng mesa ay hindi na mapakali ang mga daliri ko, kusang nagkutkutan ang mga 'yon. Bigla ay parang nangibabaw ang tensyon lalo na nang maramdaman ang bahagyang paglingon ni Maxpein. Kasalukuyan na silang papalayo ng mga kaibigan niya, papunta na sana sa kabilang mesa. Hindi malabong narinig niya ang sinabi ni Randall. Malakas ang boses nito at hindi sila ganoon kalayo.

Agad kong nahugot ang hininga nang manatili siyang nakatayo at nakatalikod sa 'min. Maging ang mga kaibigan niya ay napalingon sa kaniya, ipinagtaka ang agad niyang paghinto. Natusok ko ang sariling daliri habang inaabangan ang paglingon ni Maxpein sa gawi namin. Agad na nagkarambola ang mga lamang-loob ko dahil sa sobrang kaba. Pakiramdam ko ay ang paglingon ni Maxpein ang magiging hudyat ng isang matinding sagupaan sa pagitan naming lahat.

Halos mapapikit ako nang magsimulang pumihit ang ulo niya papunta sa gilid, anumang segundo ay paniguradong haharap na siya sa 'min. Pero gano'n na lang ang pagpapakawala ko ng hininga nang ituon niya ang paningin sa daan papalabas.

Ilang saglit pa ay napalingon din ako sa tinitingnan niya. Naiwang nakamaang ang mga labi ko nang bigla ay makita ko si Lovemir na naglalakad papasok. Hindi ko malaman kung bakit pakiramdam ko ay hindi ko mabasa ang kakaibang reaksyon sa mukha niya. Hindi malaman kung galit o seryoso lang talaga. At lalo pa akong napamaang nang makitang kay Maxpein siya deretsong nakatingin habang naglalakad papalapit sa gawi namin.

"Hindi ka pumasok ng mga ilang araw, ah? Ayos ka na ba?" muling nangibabaw ang tinig ni Randall, si Cargosin ang kausap. At bigla ay parang gusto kong mabaliw. Naghahalo-halo ang tensyon sa pagitan namin at hindi ko malaman kung sino at ano ang uunahin!

Natatakot ako sa posibleng maging reaksyon ni Maxpein sa sugat ni Cargosin. Nag-aalala ako na baka maging ang ibang naroon ay mag-usisa kung napaano siya. Ipinagtataka ko rin kung bakit naroon si Lovemir. At kung bakit ganoon ang kaniyang hitsura.

Damn it! Bakit kasi hindi ka nag-iingat, Cargosin!

Nakagat ko ang labi, hindi na malaman kung kanino itutuon ang atensyon. Nando'n sina Maxpein at Lovemir sa harap ko, gusto kong kwestyunin ang kanilang mga tinginan. Pero gusto ko ring saksihan ang reaksyon nina Cargosin at Christian sa tanong na 'yon ni Randall. Iniisip ko rin kung paano namin 'yon malulusutan.

"He had a minor operation." Si daddy ang sumagot, palihim akong napapikit. At nang magmulat ako ay hindi na halos magkalayo ang aking mga kilay. "But he's okay now." Hindi niya naitago ang pagkadismaya sa tono.

Matagal pa bago nakasagot si Randall, hindi ko makita ang reaksyon niya dahil nasa likuran pa rin namin siya. Pero mukhang nagulat siya sa sinabi ni daddy kaya hindi agad siya nakapagsalita.

"Mabuti naman at ayos ka na, Sin. Para makapasok ka na uli sa Monday," ani Randall.

"Yeah," ang tanging naisagot ni Cargosin.

Nilingon ko siya, nakatiim ang kaniyang mga bagang at deretsong nakatingin kay Christian. Minasdan ko rin si Christian, kuyom na kuyom ang mga kamao niyang nasa ibabaw ng mesa. Dahilan para pagkunutan ko siya ng noo, agad niya naman iyong itinago.

"Mabuti...mabuti...mabuti..."'Ayun na naman ang bunsong Moon. Panay ang banggit niya niyon habang tumutuhog ng patong-patong niyang karne."Hyung, when someone asked how I'm doing, I will answer mabuti, right?"

Nahinto ang lahat nang sa wakas ay magharap sina Lovemir at Maxpein. Maging sina Cargosin at daddy ay nangunot ang noo matapos makita ang bagong dating. Hindi ko naman maipaliwanag kung bakit bigla ay parang kumukulo ang dugo ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang maging ganito kalapit ang dalawang 'to.

Hindi naman ako nagseselos, 'di ba? Kaya ayaw ko silang nakikitang magkasama ay dahil hindi naman 'yon dapat. Ang dapat na sinasamahan ni Lovemir ay kami. Dapat ay sinusuyo niya kami. Hindi dapat siya sumasama sa babaeng 'yan! Dapat niyang ituon ang atensyon niya sa planong 'to kung talagang gusto niya ulit makuha ang loob ko!

"Thanks for coming," napakaganda ng ngiti ni Maxpein. Lalong kumuyom ang mga kamay ko sa ilalim ng mesa. Halos masugatan ko na ang sariling balat dahil sa sarili ko ring kuko.

"Yeah, sorry I'm late." Kataka-taka ang malalim na pagbuntong-hininga ni Lovemir habang sinasabi 'yon. At nakakaasar na hindi man lang niya kami nilingon.

"No, you're just in time," tumango-tango pa si Maxpein. "Ah, dinner na muna tayo siguro? Mayamaya pa yata kasi 'yong seremonyas, hehe."

"That's good. Akala ko kasi ay late na ako para sa performance natin."Mas maganda ang ngiting isinukli ni Lovemir matapos makahinga nang maluwang.

Gano'n na lang uli ang gulat ko, halos gumalaw ang buo kong katawan nang biglang lumingon si Maxpein at nasa 'min agad ang paningin. Nakita ko kung paano niyang tiningnan ang dibdib ni Cargosin bago nag-angat ng tingin kay Randall at ngumiti.

"Siya 'yong sinasabi ko na makakasama ko mamaya kapag kumanta 'ko." May bahid nang pagmamalaki sa tinig ni Maxpein. "Lovemir Limaco."

Tumawa si Randall. "Ah, talaga? Kaya pala tinatanggihan mo na 'ko ngayon," biro nito.

"Mas nauna lang talaga 'yong offer niya."

"Pero kung may tiwala ka sa 'kin, dapat lang na lumapit ka."

"Tss," natatawang umiling si Maxpein. "Do'n na muna kami,"paalam niya. At hindi ko na naman inaasahang tatapunan niya pa ako ng tingin bago kami muling tinalikuran.

Damn it. Damn you!

Hindi ko maipaliwanag ang kaba ko. Tumitindi 'yon sa t'wing mapupunta sa 'min ang paningin ni Maxpein. Hindi ako ganito sa kaniya noon. Nasisiguro kong dahil lang ito sa mga lihim namin kaya nagkakaganito ako ngayon.

Hindi ako matatakot sa isang tulad mo, Maxpein.

Nagpatuloy ang lahat sa pagkain, samantalang ako ay hindi na nawala ang paningin kina Lovemir at Maxpein. Kataka-taka kasi ang kakaibang ngiti ni Lovemir sa kaniya. Hindi ko inaasahang matapos ko siyang makitang gano'n kaseryoso pagpasok, makapigil-hiningang ngiti naman ang makikita ko ngayong si Maxpein na ang kaharap niya.

Hindi ko malaman kung saan nanggagaling ang inis ko. Mukhang higit pa kasi 'yon sa mga dahilang naisip ko kanina. Nagngingitngit ang kalooban ko at parang gusto kong sugurin ang dalawa.

"Everyone! Everyone!" tinawag ni Leigh ang pansin ng lahat sa pamamagitan ng pagpapatunog ng hawak na wine glass gamit ang isang kutsarita. Iginala niya ang paningin, sinisigurong nakatingin na sa kaniya ang lahat bago nagsalita. "Una sa lahat gusto kong mag-thank you sa lahat ng pumunta. Actually, no'ng una ay hesitant na akong ituloy 'to kasi baka naman isipin ninyo na ang arte-arte ko." Tumawa siya, maarte ngang talaga. "Pero naisip ko rin na ito lang kasi 'yong way na alam ko para mapasaya 'yong kapatid ko."

Bigla ay naging emosyonal si Leigh, tumaas naman ang kilay ko. Gusto ko tuloy malaman kung ano ang alam ng mga narito kung bakit nagkaganoon si Lohr. Imposible kasing basta na lang dinala sa Amerika ang kapatid niya. Kailangang may dahilan siyang sabihin. Nasisiguro ko ring malalapit na tao talaga kay Lohr ang mga narito, maliban sa amin, syempre. Kaya imposible talagang hindi nagtanong ang mga narito sa kaniya.

Sinabi niya kaya ang totoo sa kanila? Sinabi niya kaya na nabugbog si Lohr na siya ring nag-trigger sa puso niya?

"Gusto kong kahit papaano ay mapasaya siya." Kinamot pa ni Leigh ang pisngi na animong maiiyak na, bagaman nananatili siyang nakangiti. "Gusto kong sumama sa kaniya sa Amerika pero hindi pwede, eh. Hindi ko kasi pwedeng iwan 'yong baby ko."

"Tsk tsk, ang sabi niya ay hindi siya iiyak," sabi ni Randall na nagmadaling lumapit sa asawa. Hinapit niya sa baywang si Leigh at pinahiran ang mga luha nito. Nangibabaw naman ang nanunuksong hiyawan ng mga baklang kaibigan ni Maxpein.

"Ikaw talaga, honey. Para sa kapatid ko 'to kaya 'wag kang gumawa ng eksena," pinalo ni Leigh sa balikat ang asawa.

"Wala naman akong ginagawa, ah? Ikaw lang talaga ang kinikilig kahit sa maliliit na bagay. Yakap palang iyan, ah?" hinalikan ni Randall sa ilong ang asawa. "Napakaiyakin mo kasi. Magiging ayos si Deib Lohr, okay?"

"'Yon din ang parati kong pinagpe-pray," hindi na talaga maiwasan ni Leigh ang maging emosyonal. Bagaman nagagawa niyang ngumiti ay hindi niya mapigilan ang pamamasa ng mga mata niya.

Napabuntong-hininga si Randall 'tsaka niyakap ang asawa. "He'll be fine soon," seryosong sabi niya.

"Ito na ba 'yong film showing na sinasabi mo, Ate Dein? Taray, ah? Live!" biglang biro ng isa sa mga bakla.

"Loko ka talaga, BJ," natatawang sabi ni Leigh matapos kumalas sa pagkakayakap sa asawa. Pinahid niya ang mga luha 'tsaka muling ngumiti. "Actually, dalawang araw kong pinaghandaan 'to. Inipon ko pa kasi 'yong mga videos namin ni Deib Lohr mula no'ng maliit siya hanggang sa lumaki. No'ng maliit siya ay napakarami niyang videos and pictures. Gano'n kasi si mommy, eh, lalo na kay Deib Lohr."

Habang nagsasalita si Leigh ay inasikaso naman ni Randall ang mga player. Nagulat na lang ako nang mapansing may projector pala doon. Nalaman ko na lang nang mag-flash ang picture ni Lohr sa puting tela. Ngayon ay alam ko na tuloy kung ano ang pakinabang ng telang 'yon sa stage.

Sa picture ay nandoon ang maliit na Lohr. Nakaupo sa semento at deretsong nakatingin sa camera─habang nakanganga. Nakasuot siya ng asul na shorts, asul at puti ang stripes na shirt, puti at asul din ang maliit niyang sapatos. May suot din siyang asul na asul na cap na may kulay dilaw na letrang "D" sa harap.

"Four years old siya niyan,"nakangiting sabi ni Dein. "'Yan 'yong nagpunta kami sa Manila Zoo, at titig na titig siya sa giraffe. Nakakatuwa kasi hindi niya talaga inaalis 'yong paningin niya sa giraffe. Kumakain kasi ito, at kapag ngumunguya ay umaangat ang ulo. Habang nakababa ang ulo nito at sumusubo ng pagkain, titig na titig si Deib Lohr. Kapag naman umaangat na ang ulo ng giraffe ay doon na siya napapanganga. Para bang hindi siya makapaniwala na gano'n kahaba 'yong leeg no'ng hayop at umaabot sa napakataas na puno."

Nilingon ko ang lahat. Hindi kapani-paniwalang nakangiti pare-pareho ang lahat habang nakatingin sa picture na 'yon ni Lohr. Maiintindihan ko kung nakangiti ang lahat ng bisita. Pero hindi ko inaasahang maging sina Cargosin at Christian ay mga nakangiti. Hindi man ngiting-ngiti ay meron pa ring kaunting ngiti. Hindi na ako nagtataka kung bakit nakangiti ang daddy, mahilig talaga siya sa bata.

Mayamaya pa ay inilipat ni Leigh ang picture, doon ko hindi naiwasang mapangiti. Paano kasi ay picture iyon ng maliit na Lohr na sobra na ang pagkakanganga. Parang gulat na gulat dahil nanlalaki ang mga mata at nakaturo sa kung saan.

Natawa si Leigh bago tumingin sa lahat. "Ito 'yong picture niya matapos makakita ng peacock."

Umiling-iling si Leigh habang sinusubukan ang sariling pigilan ang pagtawa. Hindi niya kasi magawang makapagpatuloy dahil natatawa siya.

"Mas nakakatawa pa kasi matapos niyang ngumanga nang ganiyan ay umubo-ubo siya. Siguro nanuyo 'yong lalamunan niya. Hahaha. Tapos ngumanga uli siya, gano'n na gano'n pa rin. Amazed na amazed siya sa peacock. Talagang ayaw niyang kumurap, kung kumurap man siya ay mas malaki na 'yong pagdilat niya sa susunod. Mas malaki na rin ang pagnganga niya, hahaha. Ewan ko ba kung saan nagmana ng kanganganga ang batang 'yan." Natawa rin ang lahat sa kaniya. Maging ako ay nagpigil lang ng tawa.

Muling napalitan ang picture. Nakangiti naman doon si Deib Lohr. Nakatayo at magkakrus ang dalawang paa, nakataas ang parehong kamay. At animong tumutulay sa kalsadang dinaraanan niya. Sa likuran niya ay matatanaw ang Eiffel Tower. Napakaganda ng kuha dahil bagaman hindi siya nakatingin sa camera ay napakaganda ng ngiti niya.

Pero nang pakatitigan ko ang larawan ay agad akong natigilan. Hindi ko kasi agad napansin ang ibon na nasa unahan ni Lohr. Hindi agad 'yong makikita kasi halos kakulay nito ang sementong nilalakaran ng bata. Nakakatuwa ngang talaga dahil nakabuka ang mga pakpak nito at para silang magsasalubong ng yakap ng batang Lohr.

"Si daddy ang kumuha niyan,"panimula ni Leigh. "Ang galing, 'di ba? Ang sabi ni daddy ay hindi raw nila alam na may ibon diyan. Akala nila ay naglalaro lang si Deib Lohr. Pero no'ng makita nila 'yong ibon ay 'tsaka siya nagmadaling kunan sila."

Mayamaya pa ay napalitan uli ang picture. Umiiyak na Lohr naman 'yon. Maliit pa rin pero mas malaki na kompara sa mga nauna. Parang aping-api. Napakahaba ng nguso at malinaw na malinaw ang papatak palang na luha. Hindi ko maintindihan kung bakit kahit gano'n ay nakakatuwa siyang tingnan.

Matagal na tinitigan ni Leigh ang picture. Tumingin ang lahat sa kaniya nang humarap siya sa 'min. Sandali siyang ngumiti at ilang saglit lang ay lumamlam na ang mga mata niya. Parang maiiyak na naman.

"'Yan 'yong araw na hindi mahinto sa pag-iyak si Deib," pilit ang ngiting panimula uli ni Leigh. "'Yan 'yong akala namin ay may kabag lang siya o nabati raw sabi ng mga matatanda. Ang ginawa ni mommy ay pinalawayan siya sa kung sino-sino, pero hindi nawala, eh. Buong araw siyang iyak nang iyak at humihinto lang kapag nakakatulog sa pagod. Alalang-alala kami no'n. Sa murang edad ko natatakot na ako kasi baka kung ano ang nangyayari sa kapatid ko. Akala ko no'n, palibhasa nga ay bata pa, may nakikita siyang monster na gusto siyang kunin. Tinatabihan ko siya parati nang araw na 'yan pero hindi talaga siya tumatahan sa pag-iyak."

Muling napalitan ang picture. Mukhang kuha rin 'yon sa kaparehong araw nang naunang picture. Umiiyak pa rin si Lohr do'n at mukhang mas malala na. Pulang-pula na ang mukha niya at nangingitim na ang labi.

Napatitig ako kay Leigh, emosyonal na siyang talaga. Hindi na maipinta ang mukha. Parang lungkot na lungkot at talagang maiiyak na.

"Madaling araw no'n nang dalhin namin si Deib sa hospital. Kaming apat lang no'n nina mommy't daddy kasi wala kaming kasama. No'ng una ang sabi sa 'kin ni daddy ay nilalagnat lang daw si Deib. Pero no'ng magsimulang umiyak si mommy ay naisip kong higit pa sa lagnat ang meron siya. 'Yan 'yong araw na na-diagnose siyang may sakit sa puso." Nagbaba ng tingin si Leigh, hindi na niya napigilan ang umiyak. Pinahid niya ang mga luha at saka pinindot ang hawak na remote, 'tsaka naupo.

Mayamaya lang ay nag-flash na sa screen ang video ni Lohr. Sa tingin ko ay nasa sampu na ang edad niya ro'n. Nakaupo siya sa sementong upuan, mukhang sa park iyon. Ang nagre-record ng video ay panay lang ang pagkuha sa kaniya bagaman nasa malayo ang kaniyang tingin. Nang mabagot si Lohr ay 'tsaka siya ngumuso sa kumukuha ng video.

"Stop it, mom," sabi ni Lohr. Hindi ko naiwasang mapangiti, ganoong-ganoon pa rin kasi ang hitsura niya hanggang ngayon.

Madidinig sa video ang bungisngis ng ginang at saka iniharap sa sarili ang camera. "My baby wants to play basketball," nakanguso niyang sabi. "Pero hindi pwede," pabulong niyang dagdag 'tsaka pinutol ang video.

Ang sumunod na video naman ay birthday ni Lohr kung saan masayang kumakanta ng birthday song ang lahat. Matapos mag-blow ng candle ni Lohr ay inakay na siya ng mommy niya papunta sa sala. Huminto sila sa harap ng round table kung saan nakapatong ang iba't ibang klase ng laruan na mukhang mga bago.

"Look at my son's birthday presents! You got a lot of present this year, son!" nasisiguro kong daddy ni Lohr ang kumukuha ng video.

Inisa-isa nitong kuhanan ang mga regalo na tuwang-tuwang tinitingnan ni Lohr. "Tobi! Tobi! Come here!" tawag ni Lohr sa kaibigan na agad naman lumapit. "Look at this one."

"Woah! That's Lee Roi!" sagot ni Tob habang nakaturo sa laruang Superman. "Lee! Look at Deib Lohr's stuff!"

Mayamaya ay lumapit ang isa pa nilang kaibigan. "Why your gifts are not wrapped, Deib? Even my mom told me not to wrap my gift for you,"tanong ni Lee. Nag-angat naman ng tingin ang may kaarawan sa kaniyang ina.

"So he can see his gifts na, hindi na siya masyadong mae-excite. Hindi kasi pwedeng ma-surprise si Deib Lohr, anak," sabi ng mommy ni Lohr. "Hindi pwede 'yon sa health niya."

Napapabuntong-hininga akong tumingin kay Lohr. Walang mababasang reaksyon sa mukha niya pero ang saya ay naroon sa kaniyang mga mata. Mahahalata rin 'yon dahil mabilis niyang kinukuha ang mga laruan at isa-isa uling titingnan. Kahanga-hanga lang na sa ganoong edad ay alam niya na kung paanong lilimitahan ang sarili niyang emosyon.

"Oh, dear God! Jesus!" nagulat ang lahat nang mag-react si Tob sa sumunod na video. Nagtaka naman ang karamihan nang magtatawa bigla si Lee. "That's us, Lee!"

Sa sumunod na video ay makikita si Lohr na nakaupo sa silya, nakayuko sa mga tuhod at nakapangalumbabang nakatingin sa mga kaibigang niyang nakahiga sa stretcher. Ang mga magulang ni Lohr ay parehong nakatayo sa harap nina Lee at Tob. At dahil sa postura ng dalawang bata ay mukhang alam ko na kung ano ang mangyayari. Tutuliin sila.

"Tita, bakit si Deib Lohr ay hindi dito?" wala pa man ay parang maiiyak na si Tob. Gusto kong matawa dahil gumagaralgal ang boses niya, nagga-gloves pa lang naman ang mag-asawa.

"Tuli na siya, anak, baby palang, hihihi!" nag-peace sign pa si Lacey. Doon ko na hindi napigilang matawa. Hindi lang ako, ang lahat nang nando'n ay natawa sa kanila. "Hi, baby!"kumaway siya sa anak na nakanguso lang habang nakatingin sa kanila. "Do you want to show them your tutut, baby?"

"Mom!" galit na singhal ni Lohr.

Talagang nangibabaw ang matinding tawanan nang sandaling 'yon. Maging kami ng pamilya ko ay hindi rin iyon napigilan. Nilingon ko si Cargosin, napapailing siya sa pagtawa. Hindi man 'yon kasing-bigay na bigay gaya ng sa iba, nakakapanibago lang na natatawa siya dahil sa kaaway. Walang bahid ng pagiging sarkastiko, normal na normal iyon. Maging si Christian ay napangisi 'tsaka umiling. Lalo na si daddy na napahawak pa sa tiyan habang tumatawa.

Tuloy ay nalinlang na naman ng pamilya ko ang lahat nang naroon. Bagaman totoong natutuwa talaga kami.

Iginala ko ang paningin sa mga kaibigan nina Maxpein at Lohr. Mababakas sa mata ng mga ito ang saya bagaman naro'n din ang pananabik at pag-aalala sa kaibigan nila. Hindi talaga nila inaalis kanina pa ang paningin sa videos at pictures ni Lohr.

Hanggang sa dumako ang paningin ko kay Lovemir na talaga namang kapansin-pansin. Nasa harap niya ang pinapanood ng lahat pero ang atensyon niya ay nasa katabi.

Bigla ay hindi ko malaman kung anong upo ang gagawin ko. Pakiramdam ko ay umusbong bigla ang inis sa utak ko. May kung ano ring naghihimagsik sa dibdib ko. Talaga namang titig na titig siya kay Maxpein habang ito ay parang hindi siya napapansin. Masyado silang malapit sa isa't isa. Pero ang tinititigan niya ay masyadong abala sa pinanonood para mapansin siya.

Tiningnan ko si Maxpein. Hindi man bigay na bigay gaya ng iba ang pagtawa niya, nasa mga mata talaga niya ang tuwa. Mukha ngang kinikilig pa. Kakaiba ang sigla sa mga mata niya pero bigla 'yong mapapalitan ng lungkot at mayamaya ay sisigla na uli.

Dahilan para magmukhang libang na libang si Lovemir sa panonood sa kaniya. Wala na yata itong balak na alisin ang paningin sa babae. Para bang doon nakatutok ang projector at iyon ang pinapanood niya.

Acting lang ang lahat ng iyan, Lovemir, right? You're just acting, right? This is part of your plan. I know it is.

Bagaman 'yon ang sinabi ko sa isip, hindi ko pa rin maiwasang kabahan. At hindi ko makuhanan ng sagot kung bakit ko nararamdaman 'yon.

"Baka mabasag mo iyang baso,"mahinang sabi ni Cargosin dahilan para matinag ako.

Gulat akong napatingin sa kaniya. "Huh?"

Hindi niya ako sinagot. Sa halip ay tinapunan niya ng tingin ang kamay ko. Ni hindi ko namalayang gigil na gigil na pala iyon sa pagkakahawak sa wine glass. Hindi ko naramdaman ang mga kamay ko, basta na lang kasing naglalayag ang utak ko habang nagmamasid ang aking mga mata. Napapahiya kong binitawan ang baso 'tsaka bumuntong-hininga.

"Masyado ka naman yatang apektado sa nakikita mo?" dagdag niya sa sarkastikong tono. Sinamaan ko lang siya ng tingin. Pero nagulat ako nang makitang mas masama ang tingin niya sa 'kin. "Baka mamaya makabuo ka diyan ng panibagong plano,"ngumisi siya.

"Will you shut up, Cargosin?"

Hindi na siya kumibo. Sinamaan niya ako ng tingin bago itinuon uli ang mga mata sa harapan. Muli ko na ring ibinalik sa panonood ang atensyon ko. Pero sadyang inaagaw 'yon ni Lovemir dahil bago ko makita ang pinapanood ay siya muna. Kahit hindi siya mismo ang tingnan ko ay nakikita ko pa rin siya.

Napaisip tuloy ako bigla. Hindi naman kaya sinasadya niyang gawin 'to dahil alam niyang nakatingin ako?Bigla rin akong napangiti dahil sa aking naisip. Posible. Posible ngang sinasadya niyang gawin 'yon kay Maxpein kasi alam niyang nakikita ko 'yon. Plano niya talaga ang pagselosin lang ako. At dahil alam ko na ang plano mo, hindi ka magtatagumpay, Lovemir.Hindi na ako naapektuhan ng mga ginagawa niya matapos no'n.

Napuno ng tawanan at iyakan ang gabing 'yon dahil sa mga videos ni Lohr. Hindi ko na mapigilan dahil wala siyang ipinabago. Kung ano siya noong maliit ay gano'n pa rin siya hanggang ngayon. Bata pa lang ay mukhang palanguso na siya, maliit na bagay ay nagmamaktol agad.

Ipinakita rin doon ang kuha niya noong nasa ospital sa Amerika, noong inoperahan siya ng una. Hindi ko na magawang ngumiti nang ayos habang pinapanood 'yon. Bagaman may mga sandaling nakakatuwa ang suportahan nilang magkakaibigan, nahihirapan akong ngumiti. Bagaman naghahalo ang inggit at bilib sa samahan ng kanilang pamilya, nasasaktan akong ngumiti. Hindi ko malaman kung kinakain na ba ako ng konsensya o sadyang malakas lang silang makahawa. Gayunman, hindi ako maaaring makaramdaman nang gano'n.

Tunay na emosyonal si Lohr. Parang walang sandaling hindi ko nakita ang pagiging emosyonal niya sa karamihan ng videos na pinanood namin. Hindi ko malaman kung ano ba ang cute doon at cute na cute ako sa kaniya. May video pang ipinakita na nagli-lipsync siya sa isang kanta, hindi mawala ang paningin ko sa labi niya. Naaalala ko tuloy 'yong sandaling nahalikan namin ang isa't isa. Alam kong kasalanan ko 'yon, sinadya ko talaga 'yon. Pero hindi ko inaasahang magugustuhan ko at tutugunan niya.

Napapikit ako sa alalahaning 'yon, maling-mali. Nawawala ang pagiging propesyonal ko sa bagay na ito. Nandito kami para maghiganti at hindi pwedeng matuon sa ibang bagay ang atensyon ko. Kung ano ang pakay namin, hanggang doon lang dapat ako.

Hindi pwedeng humalo ang emosyon ko sa trabaho. Masusunod ang plano kahit anong awa pa ang maramdaman ko.

MAX'S POV

"Ito na ang huling video na ipe-play ko," nakangiting sabi ni Dein matapos ang katatawanang video ni Sensui. "At hindi ko lang kay Deib Lohr idine-dedicate ito. Kundi pati na rin sa 'yo, Pein." Nakangiti siyang tumingin sa 'kin.

Napangiti rin ako pero hindi ko nagawang magsalita. Itinuon ko na lang ang paningin sa video at lalong napangiti nang maalala iyon.

Inter high 'yon. Nando'n ang mommy niya kaya paniguradong ito ang kumuha. Kay Sensui lang nakatutok ang video. Minsan ay napupunta 'yon kina Lee at Tob, lalo na kapag nakaka-shoot ang mga ito. Pero maya't maya ay napupunta uli 'yon kay Sensui kahit pa hindi ito nakakahulog. Nangingibabaw ang hiyawan, nanunumbalik tuloy sa alaala ko ang sandaling 'yon. Naaalala ko ang pakiramdam habang nabibingi sa malakas na pagsigaw sa pangalan ng tatlong magkakaibigan. Lalo na kapag si Sensui ang may hawak ng bola.

Nasaksihan ko ang lahat nang iyon, hindi pa man ako tumatabi sa pamilya niya. Simula umpisa ng laban ay natatandaan ko. Kaya hindi ko inaasahang matutuwa ako sa panonood ng video. Hindi maka-shoot si Sensui, kahit anong gawin niya. Natatandaan ko pa ang mga reaksyon niya nang oras na 'yon. Halatang asar na asar siya dahil panay ang porma niya pero walang nahuhulog maski isa.

Hanggang sa mayamaya ay matigilan siya. Nasisiguro kong iyon 'yong sandaling napansin niya ako. Natatandaan ko pa rin maging ang reaksyon niya nang oras na 'yon. At natutuwa akong makita ulit iyon ngayon.

"Yieee! Naka-shoot ang baby ko matapos makita si Maxi!" nangibabaw sa video ang nanunuksong tinig ni Mrs. Enrile. Hindi ko na naman tuloy mapigilan ang mapangiti. Kinailangan ko pang kagatin ang labi ko para 'wag tumodo ang aking pagkakangisi.

"Ganda," biro ni Yaz na hinaplos pa ang pisngi ko.

"Hanep!" nanunuksong sabi naman ni Naih. "Nakita mo ba 'yon, ha? Gano'n ang tama sa 'yo ni Sensui, Max! Gano'n na gano'n! Hanggang ngayon!"

"Natatandaan ko 'yan, eh! Ikaw talaga ang lucky charm niya, Max!"dagdag naman ni Tob.

"Oh, 'di ba? Mashuba-shuba ka pa niyan pero ang ganda-ganda mo na!"pang-aasar naman ni Migz.

"'Yan 'yong panahon na naghahanap ako nang mabibilhan ng ganiyan mukha, friend," nang-aasar ding sabi ni BJ.

"Ang sarap balikan ng nakaraan,"sabi ni Michiko.

"Pero mas masarap balikan 'to kung nandito si Deib," sabi naman ni Lee.

Hindi ko naitago ang lungkot sa dibdib ko. Hindi ko malaman kung ano ang mararamdaman. Natutuwa akong makita ang lahat ng pictures niya. Ito na yata ang pinakamasayang gabi ko nitong mga nakaraang araw. Pakiramdam ko ay ngayon na lang uli gumaan ang dibdib ko. Ngayon na lang uli ako nakangiti nang totoo.

Talagang nawawala sa isip ko ang lahat. Ang atensyon ko ay nando'n sa pinapanood namin. At masaya talaga akong makita si Sensui mula pagkabata. Pakiramdam ko ay napakarami ko pang hindi alam sa kaniya. At habang pinapanood ko 'yon ay unti-unti ko siyang nakikilala.

'Yan ang taong mahal ko...

Ang sarap sa pakiramdam nang naisip ko. Hindi ko tuloy lalo mapigilan ang mapangiti. Lalo na nang magtuloy-tuloy ang video. Sa 'ming dalawa na lang ni Sensui umiikot 'yon dahil maya't maya kaming tinututukan ng camera ni Mrs. Enrile. Nakakatuwang tingnan na talagang binabantayan niya ang bawat kilos at reaksyon naming dalawa laban sa isa't isa. Hindi ko pwedeng itanggi na kinikilig ako. Dahil sa video na 'yon ay nakita ko kung paanong hindi makatagal ang isang Sensui nang hindi tumitingin sa 'kin.

Hindi ko alam kung tama bang maging emosyonal ako sa sandaling 'to, Sensui. Nami-miss kita. at nasasaktan ako sa t'wing maiisip kong ganiyan ang lagay mo tapos ako ay heto...nakaupo at nananabik sa 'yo. Kailangan mong gumaling. Hindi ko kaya nang wala ka sa 'kin. Sa puso ko ay paulit-ulit kong hinihiling na sana ay bumilis ang paggaling mo kahit nasa malayo ako. Ikaw ang pinakamagandang bagay na pinaghahawakan ko ngayon, Sensui. Kahit na sinaktan mo pa 'ko, kahit na malungkot ako nang dahil sa 'yo, at kahit pa galit na galit ako. Ikaw pa rin ang pinakagamagandang bagay na nangyari sa buhay ko. At 'yon ang naging dahilan ko para hindi sumuko sa 'yo, Sensui.

"You still love him." Nangibabaw ang pabulong na tinig ni Lovemir, halos makalimutan ko ang presensya niya.

Ilang beses pa akong umiling bago ko nakuha ang sinabi niya. "No. I love him." Tumango ako, pinaiintindi sa kaniya ang sinabi. "At hindi 'yon nawala kahit kailan."

Matagal siyang tumitig sa 'kin na para bang hindi inaasahan ang sagot ko. Napatitig din tuloy ako sa kaniya dahil hindi ko maiwasang magtaka. Ang mga mata niya ay para bang kinukwestyon ang mga isinagot ko. Ang lalim ng mga titig niya ay para bang inaalam kung totoo ba ang mga iyon. Kailangan nang patunay.

"Bakit?" tanong ko.

"Nothing," matamlay niyang sinabi, hindi pa rin inaalis ang paningin sa 'kin.

"Bakit ba nasasanay ka nang nakatitig sa 'kin?" hindi ko na talaga naiwasang magtanong.

Wala akong pakialam kung barahin niya ako dahil nasisiguro ko namang tama ang napapansin ko. Lagi siyang nakatitig sa 'kin, nakikita ko man o hindi.

"Napapansin kong nitong mga nakaraan ay hindi mo inaalis ang tingin mo sa 'kin. Lalo na kapag nasimulan mo nang tumingin sa 'kin, hindi na nawawala," gusto ko sanang gawing biro 'yon, ngumiti pa ako. Pero dahil sa pagiging seryoso niya at sa palalim nang palalim niyang titig ay napalunok na lang ako at gusto nang pagsisihan ang mga sinabi.

"Gusto kong manatiling nakatingin sa 'yo...hanggang sa mapansin mo 'ko." Pabulong niya 'yong sinabi, 'yong kaming dalawa lang ang makaririnig.

Natigilan ako at napatitig din sa kaniya. "Napapansin naman kita, ah?"

"Ang katawan ko, oo. Pero hindi ang kaluluwa."

"Wala akong third eye, paano ko 'yon makikita?" ngumisi ako. "Hehe."

"Tch." Nag-iwas siya ng tingin.

Ngingisi-ngisi naman akong bumaling uli sa pinapanood. Pero mayamaya lang ay naramdaman ko na naman ang mga titig niya sa 'kin. Hindi ko na lang 'yon pinansin dahil napako na naman kay Sensui ang atensyon ko.

You tell me you're in love with me, like you can't take your pretty eyes away from me.

Natinag ako nang mangibabaw ang kantang 'yon. Hindi ko inaasahang tutugtog 'yon habang isa-isang ipinapakita ang pictures ni Sensui bilang pagtatapos. Matagal-tagal na rin mula no'ng huling beses ko 'yong marinig. Pakiramdam ko tuloy ngayon ay bago 'yon at nalilibang akong pakinggan.

I wanna believe in everything that you say because it sounds so good. But if you really want me, move slow. 'Cause there's things about me you just have to know.

Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti, naaalala ko talaga siya. Iyong ngiti kong labas na labas ang mga ngipin at talagang ang saya ay nangingibabaw sa dibdib ko.

Sometimes I run, sometimes I hide. Sometimes I'm scared of you. But all I really want is to hold you tight, treat you right. Be with you day and night. Baby, all I need is time.

"Basta tumugtog ang kantang 'yan, si Deib Lohr 'yan," sabi ni Tob, natawa sila. "Kaya niya 'yang pakinggan buong araw nang hindi inaalis ang ngiti sa mga labi."

"Kaya niya ring kantahin nang nakangiti," natatawang dagdag ni Lee.

"Baka nga kaya niya na ring sayawin, eh," sawsaw pa ni Tob dahilan para mas maghagalpakan sila sa pagtawa.

"Tapos sinusundan ng mga puso? Tsh," umiling nang umiling si Lee.

"Ang kaisa-isang taong kayang gawing hugis puso ang lahat ng bagay," umiling nang umiling si Tob. "Deib Lohr Enrile."

Hindi ko naiwasang pangilidan ng luha. "I miss him so much," wala sa sarili kong nasabi.

"Paniguradong miss na miss ka na rin no'n, si Sensui yata 'yon," sabi ni Naih. "Namimiss ko na rin ang pagtawag niya sa 'kin ng "parrot", hehehe."

"Nakaka-miss ang panlilibre niya,"sabi ni BJ. "Joke!"

"Kahit si Tob ang mahal ko, I can't deny the fact na si Deib Lohr pa rin ang pinakagwapo sa campus," ani Michiko.

"Well, sad to say pero nakaka-miss ang kaisa-isang Mister Enrile na nambu-bully ng mga baguhang babae. Tapos ikaw na ang huli, 'te,"hinaplos pa ni Migz ang pisngi ko.

"No'ng huling magkita kami sa ospital, nagpupumilit akong sumama sa America pero ayaw niya." Bagaman nakangiti ay hindi naitago ni Tob ang lungkot. "Ang sabi niya sayang naman daw 'yong pagkakataon na magkaro'n ng isang magaling na abogado ang Pilipinas kaya 'wag daw akong a-absent. Baliw."

"Gano'n din ang sinabi niya sa 'kin," bumuntong-hininga si Lee. "Ang totoo medyo nagtampo ako. Hindi kasi gano'n si Deib. Bukod kasi sa hindi niya agad sinabi ang sitwasyon niya, ayaw niya pa kaming isama ni Tob. Dati-rati kasi ay kami ang una niyang tinatawagan, sa 'min siya unang nagsasabi. Marami nang nagbago ngayon. Naiintindihan ko naman pero hinihiling ko na sana, tulad pa rin no'ng dati."

"Ang sabi ko sa kaniya,"pagpapatuloy ni Tob. "Oo, dre! Mag-aaral ako nang mabuti! Tapos 'yang gumawa sa 'yo niyan, dadalhin ko sa korte!" maaksyong sabi niya habang nakatingin sa kung saan. Nagbaba siya ng tingin nang mamasa ang kaniyang mga mata. "Kung sino man ang gumawa no'n sa bestfriend namin, dapat na magsisi. Kailangan niyang pagbayaran 'tong ginawa niya kay Deib."

Hindi ko malaman kung bakit bigla siyang nag-angat ng tingin, papunta sa mga Rewis. Pero agad niya rin 'yong inalis at sumandal sa kinauupuan.

Sandaling katahimikan ang nangibabaw. Mararamdaman na ang lungkot ngayon. Ayaw ko ang pakiramdam na 'yon, ayaw ko ng katahimikan.

Buhay pa si Sensui kaya hindi dapat ganito kalungkot ang lahat. Tss. Sinabi ko 'yon sa isip ko pero ako mismo ay hindi 'yon magawa. Hindi ko magawang magsaya.

"Pwede na ba natin siyang tawagan?" tanong ko kay Dein nang hindi inaalis ang paningin sa picture ni Sensui na nag-standby sa projector. "Gusto ko nang marinig ang boses niya."

"Tatawagan na natin siya,"masayang sabi ni Dein.

Alam kong marami pa siyang gustong sabihin pero dahil sa sinabi ko ay iyon ang inuna niyang gawin. Pinanood ko siyang mag-dial sa telepono, atat na atat na akong malaman kung sinagot na ba 'yon ni Sensui. Hindi nawawala ang ngiti sa mukha ni Dein, panay rin ang tingin niya sa 'kin at saka lalong ngingiti. Nang magsalita siya ay agad akong dumeretso ng upo. Hindi niya na uli inalis ang paningin sa 'kin habang may kinakausap sa kabilang linya. Hindi na rin naalis pa ang ngiti sa mukha ko.

"Gusto kang makausap ni Pein,"nakangiting sabi ni Dein habang naglalakad na papalapit sa 'kin.

Mas lumawak pa ang pagkakangiti ko, ngayon ko lang ginawa 'yon. At hindi ko mapigilan.

"Sinabi niyang nami-miss ka na niya, dongsaeng. Totoo, maniwala ka sa 'kin. Okay sige," sabi niya 'tsaka iniabot ang telepono sa 'kin. "Gusto niya raw na ikaw mismo ang magsabi sa kaniyang nami-miss mo na siya,"mahina niyang sabi.

Hindi ko maintindihan ang pakiramdam sa dibdib nang mahawakan ko ang telepono. Para akong matatawa na hindi ko malaman. Sandali pa akong tumingin sa mga kasama ko, na kasalukuyan nang nakangiti at mukhang nag-aabang din sa 'kin, bago ko pinakinggan ang linya ni Sensui.

"Hello," sa wakas ay nasabi ko. May kung anong idinulot 'yon sa dibdib ko. Pakiramdam ko ay inaalon ang puso ko.

"Babe?" gusto kong mapapikit nang marinig ko ang boses niya. Hindi ko inaasahang habang nakangiti ako ay agad akong pangingiliran ng luha.

Agad na umalalay sa 'kin si Naih, hinaplos niya ako sa likuran. Bigla kasi ay hindi ko napigilan ang sarili kong nararamdaman. Nagtuloy-tuloy na lang ang pagluha ko nang hindi ko inaasahan. Hindi ko nagawang makapagsalita. Iyon palang ang sinasabi niya pero sobra na 'kong naging emosyonal.

"Babe?" Inulit niya pa.

"Mm?" hindi ko kinayang makapagsalita.

"Tch. Anong mm?" parang maiinis niya na namang sabi, pero kulang sa emosyon. Nasisiguro kong pinipigilan niya pa rin 'yon. "Ano 'yong sinabi sa 'kin ng kapatid ko ngayon lang, Taguro? Sabihin mo sa 'kin. Gusto kong marinig." Parang noon ko lang siya narinig sa ganoon kalaking tinig. Nasanay ako sa nakakainis niyang tono.

Huminga ako nang malalim 'tsaka pinahid ang namuo kong luha. Seryoso akong tumingin sa malayo.

"Anong oras na diyan?"

"'Yan ba 'yong sinabi mo sa kapatid ko?"

"Hindi."

"Eh, di hindi rin 'yan ang gusto kong itanong mo. Sabihin mo na, Taguro, gusto kong marinig."

"I miss you," muling akong naging emosyonal.

Nagsalubong ang kilay ko sa sobrang pagkakakunot ng aking noo. Hindi ko talaga malaman kung saan nanggagaling ang emosyon na 'yon. Naghahalo ang sakit at sarap ng pakiramdam. Tuloy ang luha ko ay hindi ko malaman kung lungkot o saya ba ang dahilan.

"Bakit ang tagal mong gumaling?"naiiyak ko na naman tanong. Nanatiling tahimik ang linya niya. "Gusto na uli kitang makasama, Deib."

"Hindi mo pa rin ako tinatawag ng babe. Mahal mo pa ba ako, Taguro?"

"Sobra."

"Alam ko," sa tono niya ay nasisiguro kong nakangiti siya. "Mahal na mahal din kita...kahit umiiyak ka."

Napakawalan ko ang hiningang naiipit sa lalamunan ko. Awtomatiko kong naigala ang paningin dahil umaasa akong makikita ko siya sa paligid ko. Pero hindi. Hindi ko siya nakita. Imposible. Imposibleng naroon siya ngayon. Wala siya ro'n ngayon. Magkalayo kami.

"Bakit ka umiiyak?"

"Dahil gusto na kitang makasama. Gusto kitang makita. Gusto kitang marinig. Gusto kitang mahawakan. Gusto ko lahat nang may kinalaman sa 'yo, Sensui." Sinabi ko 'yon sa mahinang paraan, habang humihikbi sa pag-iyak.

"Niyaya kita dito, 'di ba? Ayaw mong sumama."

"I can't, I have to stay here. At alam ko namang naiintindihan mo."Huminga uli ako nang malalim, huminto sa pagluha ang mga mata ko. "Bilisan mong magpagaling, ah? Nami-miss ka na namin."

"Bakit kasi gumawa-gawa pa kayo ng ganyan, pare-pareho lang tuloy kayong nalungkot. Tsk. Alam mong ayaw kong malungkot ka, Taguro. Pakiramdam ko tuloy ay mamamatay na 'ko."

Nangunot ang noo ko. "'Wag ka namang magsalita ng ganyan," tumaas ang boses ko, napalingon tuloy ang lahat sa 'kin. "Hindi ko gusto ang biro mo."

"Pero hindi ako nagbibiro, Taguro. Kung alam mo lang kung ano ang nararamdaman ko."

"Deib..." Namasa na naman ang mga mata ko.

"Bakit nga ba hindi ko naisip na gawin 'to? Sana pala ay tinawagan na kita pagkarating ko palang dito. Ikaw talaga ang nagpapalakas sa katawan ko, Taguro."

Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya, hindi ko na nagawang magsalita dahil pakiramdam ko ay pipiyok na ako.

"Hindi ko na kasi kayang tumayo. Hindi ko na kayang maupo. Nahihirapan na ako, Taguro. Ang sakit-sakit ng dibdib ko. Hindi pa 'ko maoperahan kasi may mino-monitor pa 'yong mga doktor sa katawan ko. Gusto ko nang gumaling, babe. Gusto ko nang bumalik diyan. Gusto na kitang bawiin. Gusto kong akin ka lang. Ayaw ko ng hiwalay tayo, babe."

"Sshh," nailagay ko pa ang daliri sa aking labi. Sunod-sunod akong lumunok at suminghot. Alam kong sa kabilang linya ay nagiging emosyonal na rin siya.

"Bibigyan mo 'ko ng second chance, 'di ba? Babalikan mo pa ako, 'di ba? Hindi naman nawawala 'yong pagmamahal mo sa 'kin, 'di ba?"

Hindi ko napigilang matawa nang bahagya. Gano'n talaga siya kakulit.

"Babe?"

"Oh?" Nakangiti akong umiling. Nasisiguro ko na ang kasunod niyang sasabihin.

"Hindi ka magsasawa kapag inulit ko 'yong mga tanong ko, 'di ba? 'Di ba, babe? Mahal mo ako, 'di ba? Bibigyan mo ako ng second chance kasi mahal mo ako. 'Di ba, babe, 'di ba?"

Napangiti ako, hindi ako nagkamaling uulitin niya lang ang mga sinabi. Lalo na nang maalala ko 'yong pictures at videos na nakita ko kanina. Iyon na iyon kasi siya. Si Sensui lang ang makapagsasalita at makapapangulit nang gano'n. Siya lang ang magmumukhang cute kahit nasasaktan. Salita niya lang ang kayang humaplos sa puso kong durog.

Tumayo ako at naglakad papalayo. Tumingin ako sa mataas na punong nasa loob ng bakuran na iyon. Panay ang pagluha ng mga mata ko, kasunod no'n ay ang pagsinghot ng ilong ko. Mayamaya lang ay humihikbi na naman ako at nahihirapang huminga. Pero sinikap kong maging normal para masagot ang mga tanong niya.

"Hindi mo kailangan ng second chance," naiiyak ko na namang sabi. "Dahil hindi nawala 'yong una mong chance. Ako ang kailangan mong balikan, Sensui. Ang gagawin ko lang ay maghintay. At maghihintay ako sa 'yo kahit kailan. Mahal na mahal kita, at ngayon ko lang nalaman kung gaano kalalim 'yong pagmamahal ko sa 'yo dahil malayo ka sa 'kin. Ngayon ka lang kasi nalayo sa 'kin, Sensui," sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko.

"Nasanay ako nang ako 'yong umaalis. Ngayon ko lang naintindihan kung gaano kahirap ang maiwan. At gusto kong mag-sorry nang paulit-ulit sa 'yo dahil iniwan kita noon nang walang pasabi. At ngayon, nasasaktan ako. Natatakot ako at nag-aalala para sa sarili ko. Dahil baka pagbalik mo ay hindi na 'ko maalala niyang puso mo."

"Magtiwala ka sa 'kin gaya nang pagtitiwala ko sa 'yo, Taguro. No'ng umalis ka at matagal tayong nagkalayo, alam ko sa puso ko na babalikan mo ako. Ngayon, bibigyan kita ng kasiguraduhan, babalik ako sa isang buwan. Babalik ako at handa akong gawin ang lahat para sagutin mo uli ako." Seryosong-seryoso siya nang sabihin 'yon.

Lalong namasa ang mga mata ko. "Salamat sa tiwala mo...kahit sinabi ko sa 'yong nabawasan ang tiwala ko."

Sandali nangibabaw ang katahimikan. Pinatahan ko ang sarili bagaman nandoon pa rin ang paghikbi. Gusto kong malaman kung ano ang hitsura niya ngayon. Maging ang iniisip niya ay gusto ko ring alamin.

"I want to kiss you right now, babe. I wish I am kissing you instead of missing you. 'Yon lang kasi ang paraan na kaya kong gawin para maalis lahat nang inaalala mo, Taguro."

Naging matunog ang pagngiti ko. "Kiss talaga, ah?" biro ko. "Bakit parang pabor na pabor naman sa 'yo 'yon?"

"Tch! Kahit kailan ay wala sa hulog ang mga biro mo, Taguro."

"Mahal na mahal kita, Deib,"emosyonal ko na namang sabi. Pakiramdam ko nga ay puso ko mismo ang nagsabi no'n habang nakapikit.

"Alam ko, Taguro. Alam kong mahal mo 'ko. Kahit hindi mo sabihin, kahit hindi mo iparamdam, nararamdaman kong mahal mo ako. At malaki ang tiwala ko sa 'yo. Alam kong ibibigay mo uli sa 'kin ang tiwala mong naiwala ko."

"Hindi magiging mabilis pero sisikapin ko. Sisikapin ko...dahil 'yon din ang gusto ng puso ko."

Pakiramdam ko ay mugtong-mugto na ang mga mata ko. Huminto na ang pagpatak ng mga luha ko at guminhawa na rin ang pakiramdam ko. Anumang sandali alam kong maiiyak na naman ako. Noon lang yata ako naging ganoon kaemosyonal.

Bigla ay napalingon ako sa entablado nang tumugtog ang pamilyar na tono. Nakita ko si Lovemir na nakaupo na sa harap ng organ at tinutugtog ang kantang dapat kong kantahin. Gusto kong humanga, eksakto ang timing niya.

Hindi ko malaman kung bakit biglang nangibabaw sa 'kin ang hiya. Hindi ko masabi kay Sensui na kakantahan ko siya sa gano'ng sitwasyon ngayon.

"Ano 'yong tugtog na 'yon?" tanong niya, hindi malabong marinig niya 'yon kasi malakas ang sound system.

"Mm, kakantahan sana kasi kita."

"Talaga?" pinipigilan niya ang matuwa nang sobra. "Sige, pakikinggan ko. Excited na 'ko, Taguro."

Napangiti ako. Ugali niya talagang sabihin kapag excited na siya.

"Dapat ay nasa mic ako, pero mas gusto kong ikaw lang ang makarinig nito. Tutal para naman 'to sa 'yo,"nakangiti kong sabi.

"Kanta ba talaga?"

"Ha?"

"Eh, bakit parang tumutula ka?"

"Tss."

"Sige, parinig ng kanta mo."

"'Wag kang tatawa, ah?"

"'Wag kang iiyak, ah?"

Hindi ko na siya sinagot. Nahugot ko na naman kasi ang hininga at inipit 'yon sa lalamunan ko. Pigilan ko man ang paghinga, hindi ko magawa. Nagiging matunog ang pag-iyak ko kahit hindi naman dapat. Hindi nga rin dapat ako umiiyak pero wala akong magawa dahil nagkukusa.

Hinayaan ko lang ang sarili ko, hanggang sa makaramdam ako ng kaunting kaginhawahan sa dibdib. Ngumiti ako 'tsaka nilingon si Lovemir. Na hindi ko inaasahang hanggang ngayon ay nakatingin sa 'kin. Paulit-ulit niyang tinutugtog ang intro no'n at hinihintay ang hudyat ko.

"Nahihiya ako, Sensui," bigla kong nasabi.

"Pumikit ka."

Hindi ko malaman kung bakit matapos matigilan ay ginawa ko nga 'yon. Pumikit ako at hinintay na umulit ang intro ng kanta. Hanggang sa namalayan ko na lang, kumakanta na pala ako.

When I see you there I'm so aware of how lucky I am, baby.

"I love you, babe," bulong niya sa kabilang linya. Dahilan para nakangiti akong lumuha, pinipilit kumanta kahit nahihirapan pa.

Your faith in me, it pulls me through when there's nothing around to hold on to. When I fall, when I'm weak, all the strength that I need is your faith, baby, your faith in me.

Naging emosyonal ako bago matapos ang unang stanza. Bawat salita kasing gamit sa kanta ay parang patungkol sa nararamdaman ko para sa kaniya. Hindi naman gano'n kalungkot ang kanta, masaya 'yon, pero hindi ko alam kung bakit gano'n ang emosyon ko. Parang sobra-sobra at nag-uumapaw pa.

Hindi ko alam kung paanong nasasabayan ako ni Lovemir. Masyado akong malayo sa kaniya para malaman niya kung saang parte na ang aking kinakanta. Kahanga-hanga talaga ang mga kamay niya. Sa loob-loob ko ay lihim akong nagpasalamat sa kaniya.

Marahan akong nagmulat ng mga mata. Hindi ako huminto sa pagkanta kahit nakita kong nasa akin ang paningin ng lahat. Nakaramdam ako ng hiya kaya naman gaya kanina ay mas pinili ko na lang ipikit muli ang aking mga mata.

When I fall, baby...when I'm weak, baby...all the strength that I need is your faith, baby, your faith in me...Ang linyang 'yon ang pinakapaborito ko dahil 'yon mismo ang nararamdaman ko para sa 'yo, Sensui.

Gano'n na lang ang lungkot ko nang magsasalita na sana ako ngunit naputol ang linya niya. Bumagsak ang mga balikat ko at dahan-dahang tiningnan ang telepono. Napatitig ako sa screen at sinigurong wala na ang linya ni Sensui. Hindi ko maipaliwanag ang umusbong na lungkot sa dibdib ko. Gusto ko na agad na maiyak bagaman naiparinig ko nang buo sa kaniya ang kantang gustong-gusto ko.

"Putol na..." Iyon na ang pinakamalungkot na katotohanan para sa 'kin nang gabing 'yon.

Sunod-sunod ang buntong-hiningang pinakawalan ko. Bago ako lalalamya-lamyang humakbang papalapit sa mga kasama ko. Lahat sila ay mga titig na titig sa 'kin pero wala akong magawang tingnan maski isa sa kanila. Nanatili akong nakatitig sa telepono.

Ngayon lang ako nakaramdam ng kawalang pag-asa dahil sa isang tawag. Kakaiba talaga ang lungkot na nandoon sa dibdib ko, walang katumbas. Noon ko lang 'yon naramdaman kay Sensui, malayo sa naramdaman ko no'ng ako ang nasa malayo.

Naupo ako at yumuko sa mga tuhod ko. Doon ay umiyak ako na parang bata, walang pakialam kung sino ang makakita. Dati-rati ay sino-solo ko ang nararamdaman pero hindi nang oras na 'yon. Ang lungkot na nandoon sa dibdib ko ay sadyang kakaiba at hindi ko malaman ang pinaghuhugutan. Hindi ko maamin sa sarili kong natatakot ako sa posibleng kahinatnan ng operasyon ni Sensui.

Nanatili silang tahimik pero nakaalalay sa 'kin. Nararamdaman ko ang kamay ni Naih sa likuran ko, patuloy ang paghaplos. Pero alinman sa mga 'yon ay hindi pinapagaan ang nararamdaman ko. Kakaiba, sadyang kakaiba.

Nang mga sandaling gusto kong mapag-isa ay wala akong ibang ginawa kundi ang mag-isip. Tuloy ay ngayon ko lang nailalabas ang naipong luha at emosyon na pilit kong ipinagdadamot sa mga taong nakaiintindi naman sa akin.

Nahinto lang ako pag-iyak at pagiging emosyonal nang mag-ring ang cellphone, hawak ko pa rin 'yon. Napaayos agad ako ng upo at natitigilang tumitig doon. Nang hindi ko makilala ang numero ay tiningala ko si Dein. Nakangiti siyang tumango at sumenyas na sagutin ko ang tawag. Nakatitig ako sa kaniya nang pindutin iyon at ilagay sa aking tainga.

I remember so well the day that you came into my life.

Hindi ko inaasahang kakanta rin si Sensui, mabilis tuloy na nangilid ang mga luha ko. Dahil kahit na alam kong hirap na hirap siya ay pinipilit niya. Gano'n pala kahirap pigilan ng mga luha dahil may nakakakita. Pero kapag nangibabaw na ang emosyon mo, kahit anong pigil mo ay tutulo 'yon nang kusa.

You asked for my name, you had most...beautiful smile.

Mas mabagal ang pagkakanta niya kompara sa orihinal pero naiintindihan ko 'yon.

My life started to change; I wake up each day feeling alright. With you right by my side makes me feel things will work out just fine.

Huminto siya at narinig ko ang sunod-sunod niyang pag-ubo, hirap na hirap. At gustuhin ko mang pahintuin siya sa ginagawa, ayaw ko siyang mapahiya.

How did you know I needed someone like you in my life, that there was an empty space in my heart? You came at the right time in my life. I'll never forget how you brought the sun to shine in my life and took all the worries and fears that I have. I guess what I'm really trying to say it's not everyday...that someone like you comes my way. No words can express how much I...love...you...

Tumulo nang tumulo ang luha ko dahil sa naghahalong lungkot at tuwa. Lalo na nang dahil sa mga huling salitang binitiwan niya. Pero agad akong nag-alala nang magsunod-sunod na naman ang pag-ubo niya. Magsasalita na sana ako pero bigla niyang pinutol ang linya. Gusto ko tuloy mag-alala. Gusto kong puntahan siya bigla.

"Are you okay?" lumapit sa 'kin si Dein, hinagod ang likuran ko. "He'll be fine, Pein. Okay?"

Hindi ko nagawang sumagot. Nag-angat ako ng tingin kay Chairman Moon. Agad na sumilay ang napakagandang ngiti sa mga labi niya at tumango-tango sa akin. Paulit-ulit na gano'n, nakangiting tumatango. Sa ganoong paraan niya ako lagi inaalo.

Sandaling nangibabaw ang katahimikan sa buong lugar. Batid kong lahat sila ay mga nakatingin sa 'kin. Alam kong hindi lang ako ang umiiyak, sa babaw ng luha nina Michiko at Naih ay paniguradong nauna pa sila kaysa sa 'kin. Hindi ko magawang tingnan lahat, tutok pa rin ang paningin ko sa telepono. At aaminin kong umaasa pa rin ako na mag-iilaw 'yon at si Sensui ang maririnig ko.

"Noona..." Lumapit si Maxrill at hinaplos nang hinaplos ang buhok ko. Nang mag-angat ako ng tingin sa kaniya ay pinaputok niya ang pinalobong bubble gum sa kaniyang bibig. Mapait ang ngiting naitugon ko sa kaniya.

"Oh, come on, guys!" biglang nangibabaw ang tinig ni Eerah.

Hindi ko alam kung paanong bigla ay humupa ang lahat ng nangingibabaw na emosyon sa akin. At mabilis iyong napalitan ng galit. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Naglalakad na siya papunta sa entablado at nakangiting lumapit kay Lovemir. Pinaglakbay niya ang mga kamay sa balikat ng lalaki at saka lumapit sa mikropono.

"Come on, Lovemir, hit it!" sabi niya 'tsaka nakangiting binulungan ito habang nakatakip ang kamay sa mic.

Kunot na kunot ang noo Lovemir pero parang walang nagawa kundi ang tumugtog sa maliit na piano. Dalawang beses niyang inulit ang intro, kasabay no'n ang pag-ungol ng tinig ni Eerah. Ayaw ko mang aminin pero iyon palang ang ginagawa niya ay napakaganda na ng boses niya.

"Lola mo, hindi nakatiis. Gumawa ng sariling eksena, oh," pabulong na ani BJ.

Pero wala nang nakasagot sa kaniya nang magsimulang mangibabaw ang boses ni Eerah.

You set my soul at ease chased darkness out of view. Left your desperate spell on me say you feel it too, I know you do.

"Wow..." Hindi napigilan ng lahat ang humanga. Maging ako. Napakahirap pigilan no'n dahil talagang ang galing-galing kumanta ni Eerah.

I wanna love you forever, and this is all I'm asking of you. Ten thousand lifetimes together, is that so much for you to do? 'Cause from the moment that I saw your face and felt the fire in your sweet embrace. I swear I knew, I'm gonna love you...forever.

Totoong hindi ko inaasahang gano'n kaganda ang boses niya. Sobrang ganda. Na kung hindi lang siya si Eerah ay posible pang tumayo ako at palakpakan siya.

Simula palang ay sobrang taas na. At nagagawa niya pang ngumiti sa bawat mabibigat at matitining na linya.

My mind fails to understand what my heart tells me to do. And I'd give up all I have just to be with you, and that would do. I've always been taught to win, and I never thought I'd fall. Be at the mercy of a man I've never been. Now I only want to be right where you are.

Ang kaninang mataas na tono ay mas tumaas pa. Ang paa niya ay inihakbang niya papunta sa kaliwa na para bang doon nagmumula ang mataas na timbre ng boses niya. May landi ang pagkanta niya pero lalo niyong pinagaganda ang kanta. Hindi kapani-paniwala. Pero kahit anong inis ko sa kaniya ay hindi ko maiwasang humanga. Talagang bagay sa boses niya ang kanta, mas pinagaganda niya pa nga iyon.

Inalis niya ang mic sa stand at saka hinarap si Lovemir. Pumorma na para bang mas may itataas pa ang boses niya. Habang ang lalaki naman ay umiiwas ng tingin at itinutuon ang mga mata sa kamay na patuloy namang tumitipa.

In my life I've learned that heaven never waits, no! Let's take this now before it's gone like yesterday. 'Cause when I'm with you there's nowhere else that I would ever wanna be, no! I'm breathing for the next second I can feel you, Lovemir!

"Taray," dinig ko na namang sabi ni BJ.

Hindi ko iyon inaasahan. Batid kong sinadya niyang isama ang pangalan ni Lovemir at kahanga-hanga namang katono talaga 'yon no'n. Pero hindi ko na nagawang ituon do'n ang atensyon ko. Ang boses ni Eerah ay parang gayuma na iiwan kang tulala.

Hindi ko nagawang alisin ang paningin ko sa dalawang nasa entablado. Si Eerah ay kumakanta nang bukal sa puso niya. Si Lovemir naman ay patuloy sa pag-iwas ng tingin sa kaniya. Hindi ko malaman kung ano ang iisipin. Parang ngayon ay tuluyan ko nang napagtatanto ang sinabi ni Lovemir. Base sa nakikita ko ay lingid sa kaalaman ni Eerah na idinadaan niya na sa kanta ang tunay niyang nararamdaman. Habang si Lovemir ay wala nang pakialam.

Sabay silang huminto sa pagtugtog at pagkanta. Nanatili si Eerah Anitha na nakatingin sa asawa habang ito naman ay tumayo at iniwan siya. Agad akong tumayo at naglakad papalapit sa entablado. Sasalubungin ko sana ang pagbaba ni Lovemir pero lumihis siya ng daan. Papalabas na siya.

"Lovemir!" agad ko siyang tinawag. Huminto naman siya at lumingon sa 'kin.

Hindi ko nagawang makapagsalita agad nang manatili siyang nakatitig sa 'kin. Hindi ko na naman malaman kung ano ang gagawin at sasabihin. Ako ang napapahiya dahil sa eksenang ito. Kung nalaman ko lang na gagawin iyon ni Eerah ay hindi ko na sana siya pinakiusapan pang tumugtog para sa 'kin.

Nakita ko siyang huminga nang malalim, sandaling nag-iwas ng tingin. At nang ibalik 'yon sa 'kin ay naglalakad na siya papalapit. Hindi niya pa rin inaalis sa 'kin ang mga mata, bagay na ipinag-aalala kong makita ng iba. Hanggang sa makalapit siya sa 'kin.

"I told you to stay away from me."Sinabi niya 'yon nang sobrang diin bagaman mahina.

Nangunot ang noo ko at napapailing na tumingin sa kaniya. "I never asked for this, Lovemir. Ikaw ang kusang lumapit sa 'kin."

"I'm doing things for you without me being aware of it. I never thought I would risk the chance of getting hurt again. Damn, Maxpein, why do you have to be taken?" kunot na kunot ang noo at dere-deretsong sabi niya.

Napamaang ako. "Ha?"

Pero hindi agad siya sumagot, pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ko 'tsaka nasapo ang noo. "I'm going,"mahinang sabi niya. Muling tumitig sa 'kin ng ilang mga segundo bago nilingon ang mga nasa likuran ko. "Thanks for tonight. I have to go,"anunsyo niya 'tsaka muling tumingin sa 'kin bago ako tuluyang tinalikuran.

Nalilito ko siyang sinundan ng tingin. Hindi ko malaman kung paano kong ipaiintindi sa sarili iyong sinabi niya.

May gusto ba siya sa 'kin?

Hindi ako makapaniwala. Wala akong mahitang dahilan para maramdaman niya 'yon, kung totoo mang gano'n ang nararamdaman niya. Pero wala rin akong makitang dahilan para magpanggap siya.

Nang mawala sa paningin ko si Lovemir ay 'tsaka ko lang napansin si Eerah. Hindi ko na kailangang tanungin, mukhang narinig niya ang mga sinabi ni Lovemir. Base na rin sa masamang dating ng mukha niya, nanlilisik ang tingin sa 'kin.

"We're not together, but he's still mine. So back off," mariing aniya 'tsaka ako akmang tatalikuran nang hilahin ko siya sa braso.

"Bakit hindi mo naisip 'yan noong 'yong teritoryo ko ang pinasok mo?"mas mariing kong sabi.

Natigilan siya 'tsaka tumaas ang isang kilay. Ngumisi siya 'tsaka bahagyang inilapit sa 'kin ang mukha. "You still don't get it, do you?"humalakhak siya 'tsaka ako tuluyang iniwan.

I do...but I can't tell you. Sinabi ko 'yon sa isip habang sinusundan siya nang masamang tingin.

CARGOSIN'S POV

Tumayo ako matapos makabalik ni Eerah sa pwesto namin. Hinarap ko siya nang hindi siya makadaan papunta sa silya. Masama na ang tingin niya nang mag-angat ng tingin sa 'kin.

"Nice show," nakangiti kong sabi, 'tsaka ako sumeryoso. "Bitch."Ibinulong ko 'yon na mas ikinasama ng mukha niya.

"Get out of my way, Cargosin,"nagbabanta ang tinig na bulong niya.

"Subukan mong makipagbalikan sa lalaking 'yon, wala ka nang babalikan sa pamilyang 'to."

"Oh, shut up!" hindi niya napigilang magtaas ng boses dahilan para mapalingon ang daddy sa 'min. Sumama ang tingin nito dahilan para mapaupo ako at iayos ang sarili.

Huminga ako nang malalim. "If you want to be happy again, then choose happiness. You're free to choose, Eerah, but not from its consequences." Mapait ko 'yong sinabi, naaasar nang sobra sa kaniya.

Matagal siyang tumitig sa 'kin, mababasa ang galit sa kaniyang mga mata. "You know what's the biggest mistake I have made in my life? It's letting people stay with me far longer than they deserve, and letting them decide for me."

Kumuyom ang mga palad ko, gusto ko 'yong isampal sa kaniya. Pero agad kong pinigilan ang sarili dahil hindi kami pwedeng gumawa ng eksena. Bukod do'n ay nag-ring ang cellphone ko at agad no'ng naagaw ang atensyon ko. Wala akong inaasahang tawag sa oras na 'to. Hindi ko inalis ang paningin kay Eerah habang hinuhugot 'yon mula sa aking bulsa.

Bumuntong-hininga ako at tiningnan ang screen ng telepono. Tumaas pa ang isang kilay ko nang makitang hindi nakarehistro ang numero ng tumatawag.

Sino naman kaya ito? Muli akong napabuntong-hininga 'tsaka sinagot 'yon. "Hello?"

"Cargosin," pabulong na anang nasa kabilang linya.

"Sino ito?" nanunuya kong tanong.

"Ako ito," bulong nito. "Si Taylor."

Agad na nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko nakilala ang boses niya. Napaayos ako sa pagkakaupo at nagugulat na napatitig kay Christian, na kasalukuyan na ring nakatingin sa 'kin. Hindi ko agad nagawang makapagsalita. Pakiramdam ko ay hindi ko agad nagawang makuha ang sinabi ng aking kausap. Hindi ako makapaniwala.

"Nandito ako sa mansyon ng mga Moon, Cargosin," pabulong niya pang sabi.

Bumilis ang paghinga ko at kasunod no'n ay ang pagtulin ng tibok ng puso ko. Gano'n iyon naririnig ko palang ang pangalan ng mga Moon.

"Paano kang nakatawag sa akin?"

"'Tsaka ko na ikukwento, maraming oras para riyan. Gusto kong makaalis dito. Ngayon na mismo. Habang wala sila. Magmadali ka. Nakikiusap ako sa iyo."

Muli akong napatitig kay Christian. Sa sandaling iyon ay nararamdaman ko na sa akin ang paningin ni Eerah. Nilingon ko siya at nagugulat na tinitigan. Kumunot ang noo niya na para bang nagtatanong kung sino ang aking kausap at bakit ganoon na lang ang reaksyon ko. Pero hindi ko maaaring sabihin iyon sa kanila ngayon.

Pinilit kong pakalmahin ang sarili, hindi agad nakisama ang aking sistema. Sunod-sunod ang naging paglunok ko habang bumubuo ng plano sa isip. Muli akong makahulugang tumitig kay Christian.

"Naririto kami ngayon sa isang handaan, kasama namin sila," bulong ko.

"Sinong kausap mo?" pabulong na tanong ni Eerah, sinenyasan ko siyang manahimik.

"Por pavor, Cargosin, kunin mo ako rito, nakikiusap ako sa iyo."

"Huminahon ka, nag-iisip ako."

"Quiero venganza." Mariin niyang sinabi ang kagustuhang maghiganti matapos manahimik ng kaniyang linya.

Ngumisi ako. "Te toca a ti," sabi ko na ang tinutukoy ay ang pagkakataon niyang gawin na ang paghihiganting nais. Naging makahulugan ang titig ko kay Christian. Na hanggang ngayon ay mukhang hindi iyon makuha. "Hintayin mo kami diyan."

"Salamat." Mabilis niyang pinutol ang linya.

Agad akong napatitig sa batang Moon, kay Maxrill. Kanina ay mukhang hinahanap nila ang telepono niya. At nang dahil sa tawag ni Taylor ay mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit hindi niya iyon makita.

Hindi ko napigilan ang ngising sumilay sa aking mga labi. Agad akong tumayo at napansin din naman agad 'yon ng aking ama. Makahulugan akong tumingin sa kaniya na ipinangunot ng kaniyang noo. Lumapit ako at yumuko sa kaniyang tainga.

"Taylor está de vuelta," nakangisi kong ibinulong ang pagbabalik ni Taylor.

Nanlalaki ang mga mata ng aking ama, bahagyang nakamaang ang labi at talagang hindi makapaniwala. Mayamaya pa ay sumilay na ang nakakalokong ngiti sa kaniyang labi. Ang kaniyang mga mata ay nanlisik habang sumasama ang tingin sa kung saan.

"Pupuntahan namin siya," dagdag kong bulong. "Kailangang manatili dito ang lahat, dad. Huwag kayong aalis dito hangga't hindi namin siya nababawi."

"Maghihintay ako," pabulong niya ring sabi. "Ako na ang bahala sa mga narito."

"Where are you going?" humabol si Eerah.

Sinamaan ko agad siya ng tingin. "Just stay here with dad. I'll tell you later." Nilingon ko si Christian. "Let's go."

Nagpaalam kami sa mga Moon at Enrile, syempre. Pero hindi na namin 'yon pinatagal pa. Nagdahilan lang kami at nagmadaling umalis. Agad kong ikinuwento kay Christian ang naging usapan namin ni Taylor. At talagang wala nang paglagyan ang kaniyang pananabik. Halos paliparin niya ang sasakyan papauwi sa mansyon namin.

Kailangan naming maging maingat, hindi kami pwedeng pumunta sa mansyon ng mga Moon nang ganito ang suot. Kaya naman umuwi pa kami at nagpalit ng damit. Iyong damit na madalas naming gamitin sa t'wing may aakyatin kami.

Hindi ko naiwasang matigilan habang isinusuot ko ang itim kong jacket. Muli kasi ay naalala ko ang naging usapan namin nina Eerah. Naalala ko ang taong iyon na gumaya sa aming suot. Hanggang ngayon ay naghihinala ako kung sino iyon bagaman may hula na kami.

Ang lakas ng loob niyang gayahin kami. Kung ganoon ay talagang may ideya na siya kung sino kami? O baka naman nanghuhula pa rin siya at hinihintay kaming kumagat?

Hindi ko naiwasang mapangisi at saka muling nagmadali. Hindi kami nagdala ng kotse, iyong dalawang motor na madalas din naming gamitin ang aming dinala ni Christian. Gaya kanina ay halos paliparin namin ang mga iyon sa sobrang bilis nang pagpapatakbo.

Matanda na ang Chairman ng mga Moon, lalo na ng mga Enrile, malayo ang edad sa aking ama. At hindi malabong mabilis na silang mapagod at dalawin ng antok. Kailangang maitakas na namin si Taylor bago pa man sila magdesisyong umuwi.

Hindi naging madali para sa aming pumasok sa gate ng village. Napakaraming tanong ng security guard. Naghinala ito dahil hindi namin magawang alisin ang tabing sa aming mukha. Maging ang helmet nga ay hindi kami pumayag na hubarin. Kaya wala nang nagawa si Christian kundi ang patulugin ito.

At dahil saulo na namin ang pasikot-sikot sa buong village, doon kami sa kabilang dulo ng kantong iyon dumaan. Kung saan ang labas namin ay iyong mismong kanto na ng mansyon ng mga Moon. Sinadya namin iparada ang mga motor sa madilim na bahagi ng kanto. Magkakalayo ang mga bahay kaya naman nasisiguro kong walang makakakita sa amin doon.

Tahimik ang kabuuan ng bahay, iilan lang ang ilaw na nakabukas. Pero hindi gaya nitong village, hindi namin saulo ni Christian ang kabuuan ng bahay. Matagal na naming minamatyagan iyon pero hindi namin magawang pasukin dahil parating napakaraming tao. Napakaraming bantay. Gwardiyado.

"Doon ka, dito ako," utos ni Christian, agad akong tumango.

Sa ganitong mga bagay ay hinahayaan ko siyang magdesisyon. Hindi hamak na mas matinik kompara sa akin si Christian at aminado ako ro'n. At hindi ito ang oras para makipagtalo, mas kailangan naming magkasundo.

Pareho kaming tumutulay sa dilim para hindi makita maski ang anino namin. Sabay naming sinipat ang kabuuan ng bakuran at walang makikitang tao maski isa. Nasisiguro kong walang tao sa loob dahil walang ingay na maririnig mula ro'n. Wala ring gumagalaw kaya naman paniguradong makukuha talaga namin si Taylor.

Mula sa tinataguan ay tumingin ako kay Christian. Agad siyang tumango na naging hudyat ng aming pagkilos. Pareho kaming sa likurang bahagi ng bakuran dumaan, iyong madilim talagang parte. Iyong natatabingan ng mga halaman at puno. Iyong hindi agad makikita kahit may dumaan pa.

Tahimik kaming nakaakyat sa mataas na bakod, mas naging tahimik ang aming pagbaba. Mula sa dulo ay muli kong tinanaw si Christian, muli rin kaming nagtanguan at saka nagsimulang kumilos. Naging maingat kaming pareho, panay ang paglingon bago gumawa ng kilos. Naghahanap kami ng tao pero mukhang maswerte kami sa oras na ito.

Sa likurang bahagi ng bahay kami dumaan at hindi ko inaasahan kung gaano kalawak ang parte ng lupain nila ro'n. Isang napakalaking swimming pool ang nakaagaw sa aking pansin at ang magandang pagkakadisenyo ng bahay. Marami ring puno at halaman at sinuman ay hindi iisiping may ganoong kagandang parte sa bakuran.

Bagaman madilim ay hindi kami nahirapang magkakitaan ni Christian. Salamat sa munting ilaw na nagmumula sa posteng nasa labas ng bakuran. Nang magkatanguan kaming muli ni Christian ay 'tsaka kami paatras na lumapit sa may patio. Maging ang patio ay malawak, may fish pond pa nga bukod sa mamahaling sofa set.

Agad naming tinunton ni Christian ang pintuan, agad ding napagtantong naka-lock iyon. Kaya naman inilabas agad niya ang mga gamit habang ako naman ay nagmamatyag sa paligid. Dahil bihasa sa pagbubukas ng pinto si Christian, hindi nagtagal ay nakapasok kami.

Hindi na ganoon kadilim sa loob ng bahay, puti at krema kasi ang karamihan sa haligi. Kung sa ibang bahay ay sa kusina ang daan papunta sa likurang bakuran, dito sa mansyon ng mga Moon ay bilyaran. May malaking billiard table sa gitna, apat na dart board sa magkabilang dingding at apat na arcade machine. Kakatwang game room iyon pero nakapalibot din doon ang estante ng mga libro. May bar island bago lumiko sa kanto ng espasyong 'yon at doon kami dumaan.

Nang makita ko ang sala ay doon ko napagtanto kung paanong magiging mahirap para sa amin ni Christian na hanapin dito si Taylor. Napakalaki ng mansyon ng mga Moon! Sa tingin ko nga ay kailangan kong lagyan ng palatandaan ang bawat dinaraanan namin upang hindi kami maligaw at magawa pang bumalik.

"Saan tayo magsisimula? Napakalaki ng lugar na ito," sabi ko kay Christian.

"Huwag kang maingay, baka may makarinig sa atin."

"Wala akong nakikitang tao, Christian."

"Paano ka nakasisigurong walang tao rito, Cargosin?" kunot na kunot ang noo niya, halatang naiinis.

Nag-iwas na lang ako ng tingin at saka bumuntong-hininga. "Doon ka,"itinuro ko sa kaniya ang kabilang dulo ng bahay, iyong nasa kaliwa. "Dito ako," pabulong kong sabi matapos ituro ang kanan.

Muli kaming nagtanguan bago kumilos. Nilingon ko pa si Christian bago magpatuloy sa paglalakad.

Hindi kapani-paniwala ang sala ng mansyon. Hindi ko inaasahang magagawa ko pang humanga sa ganitong sitwasyon. Hindi ko akalaing iyong malawak na nakita ko kanina ay may mas ilalawak pa pala.

Ang sala ay halos kabuuan na ng buong ground floor ng aming bahay. May napakalaking carpet sa kabuuan no'n na kulay krema. Sa pinakagitna ay may panibagong pulang carpet na siyang kinalulugaran ng mga sofa. Ang chandilier ay lima, apat na nakapalibot sa pinakamalaking siyang nasa gitna. Ang mga appliances nila ay nakapaloob sa cabinet na may pinto. Nagawa kong makita ang mga iyon dahil hindi maayos ang pagkakasara ng sliding doors ng mga ito. At gaya kanina ay nagkalat na naman ang estante ng mga libro. Na para bang mamamatay kung hindi makapagbabasa ang mga nakatira rito.

Kakatwang may gawa sa batong chimeneya. Sa ganitong panahon ng bansang ito ay hindi ko inaasahang meron sila no'n. Sa ibabaw no'n ay isang napakalaking painting ng buo nilang pamilya. Gusto kong matigilan para mapatitig doon pero mas pinili kong magpatuloy na lang.

Tumuloy ako sa madilim na pasilyo papunta sa dulong bahagi ng sala. Hanggang sa matunton ko ang malaking pinto. Naka-lock iyon kaya naman agad akong lumuhod at pinagtyagaang sungkitin ang kalawit ng lock. Pero hindi ako nagtagumpay kaya naman napapagod akong tumayo at nagpatuloy sa itaas ng mansyon.

Pakiramdam ko ay maliligaw na naman ako. Sanay ako sa bahay namin na isang deretso lang ang pasilyo, nasa gitna ang hagdanan. Pero sa mansyon na ito ay palawak yata ang lahat ng parte. Parang panibagong bahay ang nakikita ko sa itaas dahil sa sobrang laki.

Iginala ko ang aking paningin at hindi malaman kung aling pinto ang aking uunahin. Dumako ako sa unang pinto na siya ring unang dinapuan ng mga mata ko. Maswerteng hindi naka-lock iyon kaya nagawa kong tumuloy. Puting-puti ang lahat ng haligi kaya naman kahit walang ilaw ay nagagawa kong makita ang loob.

Gusto kong matawa, nasisiguro kong si Maxwell ang nagmamay-ari ng kwartong iyon. Sobrang linis! Hindi na talaga ako magtataka kapag nalaman kong bading ka.

Binuksan ko ang mga cabinet niya na gawa rin sa sliding doors. Gusto ko na namang matawa nang makita kung gaano kaayos ang mga damit niya. Magkakasama ang magkakakulay. At ang karamihan ay mga nakasampay. Iba ang cabinet ng shirts, shorts, pants, polo, suit, lahat! May cabinet din para sa mga sapatos niya. Nakakabilib ang revolving drawer ng mga tie. Imposible namang magkasya sa mga cabinet si Taylor kaya hindi ko na hinalughog pa. Ang nakatawag ng pansin ko ay iyong puti at parihabang mesa. May ilaw ang gilid niyon at nang tingnan ko ay tumambad sa 'kin ang mga relos. Kahanga-hangang collector's item ang mga iyon. Maging ang banyo ay pinasok ko at dahil hindi naman gano'n kalaki iyon ay lumabas na rin ako.

"Ah!" narinig ko ang mahinang pagsambit ni Christian nang maisara ko ang pinto ng kwarto.

Agad na kumalabog sa kaba ang dibdib ko at saka ako nagmadaling bumaba. Naging maingat na lang uli ako nang makarating sa sala. Agad kong inilabas ang baril ko at maingat iyong itinutok sa daraanan. Hindi ko malaman kung paano iyong nangyari pero mas madilim na ang ibaba kompara kanina. Bahagyang nakababa ang aking katawan at dahan-dahang naglalakad. Wala akong makitang gumagalaw.

"Hermano?" pasinghal kong bulong pero walang sumasagot sa akin. "Hermano? Dònde estás" Ngunit hindi ko na nagawang tapusin ang paghahanap nang matinag ako sa dalawang magkasunod na tapik sa balikat ko.

Nahugot ko ang hininga at napigil 'yon sa aking lalamunan. Hinigpitan ko ang pagkakakapit sa hawak na baril 'tsaka ko ako bumaling sa likuran upang muli lamang magulat! Hindi ko man lang nagawang makita kung gaano kabilis na naagaw sa 'kin ang baril ng aking kaharap at deretso iyong itutok sa akin!

Agad na nagkarambola sa kaba ang dibdib ko nang makita ko ang walang malay na si Christian na bitbit nito sa isang kamay na animong basura. Hindi ko na rin nagawa pang makapagsalita nang biglang umangat ang paa niya. At bago pa man ako makakilos ay humampas na iyon sa aking mukha! Hindi kapani-paniwala ang bilis niya!

Damn it! We're dead!

Agad akong bumawi matapos ang malakas na sipang iyon. Nasisiguro ko sa sarili kong hindi na kami makagagawa pa ng anumang hakbang para makuha si Taylor. Dahil magiging mahirap para sa 'kin na makatakas sa babaeng ito na nasa harapan ko. Hindi ko ito nakikilala pero nasisiguro kong nakita ko na siya. At gano'n na nga lang ang gulat ko nang maalala ko kung saan ko siya unang nakita.

Siya 'yong bumaril kay Taylor!

Agad na nag-init ang ulo ko. Mula sa aking likuran ay inilabas ko ang dalawang tanto at agad siyang sinugod! Pabato niyang binitiwan si Christian, hindi kapani-paniwalang bahagya pa itong humagis, at saka niya isinangga ang kamay sa mabilis kong pag-atake.

Sunod-sunod ang matunog na pagdaing ko habang magkakasunod din ang pag-atake sa kaniya. Hindi kapani-paniwalang isang kamay at isang paa lang ang gamit niya! Wala siyang ginagawa kundi ang umatras ngunit nagagawa pa ring labanan ang aking mga pag-atake. Kinakabahan ako na sa oras na siya naman ang sumugod ay wala akong magawa. Paniguradong wala akong laban sa isang ito.

Kailangan kong mag-isip! Kailangan naming makatakas dito!

Ngunit gano'n na lang ang pagkabigla ko nang hilahin niya ang kaliwang kamay ko dahilan para mapaikot ako papunta sa kaniyang harapan. At mula ro'n ay bigla niya akong dinagukan at tumama iyon sa batok ko. Napatimbawang ako papalapit kay Christian, tumalsik ang mga tanto ko sa kung saan. Mabilis akong gumapang. Nagawa kong pisilin ang likuran ng paa ni Christian.

Gaya ng inaasahan ko ay nagising si Christian, sandaling inalog-alog ang kaniyang ulo 'tsaka nagmamadaling tumayo. Pero mukhang hindi man lang natinag ang aming kaharap. Deretso siyang nakatingin sa 'min. Walang mababasang anumang takot sa kaniyang mukha. Nagulat na lamang kaming pareho nang isilid niya sa kaniyang likuran ang baril ko at pumostura na para bang nag-aabang sa pag-atake naming pareho.

Pinag-init ng mayabang niyang dating ang ulo ko. Kaya naman halos mapasigaw ako sa pagtakbo papasugod! Agad niyang isinangga ang magkabilang kamay, no efforts, pakrus sa magkabila ko ring kamay. Agad na umatake sa likuran si Christian at hinawakan siya sa magkabilang paa. Dahilan para mapaangat siya at mapahiga sa aming gitna.

Ngunit hindi kapani-paniwala kung paano niya nagawang iikot ang sarili sa ganoong posisyon. At ginawaran nang napakalakas na sipa sa mukha si Christian. Tumalon siya at ibinanda ang kaliwang paa sa dibdib ni Christian upang mapatumba ito. At bago lumapag sa ere ay tumama sa pisngi ko ang kanan niyang paa!

Damn it!

Bago pa man ako patalikod na matumba ay nagawa niya nang hilahin ang kwelyo ng jacket ko. Pwersahan niya akong inilapit sa kaniya. At sa pagkakataong iyon ay sinalubong ng tiyan ko ang tuhod niya!

Napasigaw ako sa sobrang sakit. Napaatras ako at sinikap na ibalanse ang katawan upang huwag matumba.

Mula sa kaniyang likuran ay muling sumugod si Christian ngunit hindi nito inaasahan ang pagyuko ng babae. Dahilan upang muli itong matagumpay na hawakan ang leeg niya. Mula sa likuran ay binuhat nito ang buong bigat ni Christian at hindi kapani-paniwalang inihambalos ito sa sahig nang walang kahirap-hirap!

Fuck... Maging sa isip ay nanginginig ko iyong sinabi! Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Kailangan naming makatakas...ngayon din!

"Vamos!" nanggagalaiti kong niyaya si Christian na umalis nang tulungan ko siyang makatayo.

Nasa babaeng 'yon ang baril ko. At sa huling pagkakantanda ko ay masyado siyang asintado, kaya nga narito ngayon si Taylor. At iyon ang dahilan para hindi na ako sumubok pang lumaban. Ngunit nahihirapan akong mag-isip. Kung ngayon palang ay nahihirapan na kaming lumaban ay nasisiguro kong mas magiging mahirap para sa 'min ang tumakas.

Sunod-sunod ang naging paglunok ko, hindi inaalis ang paningin sa babaeng 'yon habang ang kamay ko ay nakahawak sa masakit ko pa ring tiyan. Naghanap ang mga mata ko ng bagay na pwedeng magamit ngunit wala akong makita. Pasimple kong tiningnan ang mga tanto ko na nasa likuran niya. Kailangan kong makagawa ng paraan para makuha maski isa sa mga iyon.

Nagkatinginan kami ni Christian at nagkatanguan. Kasunod no'n ay pinaggitnaan namin ang babae, umikot-ikot naman ito sa kinatatayuan. Hindi ko alam kung bakit hindi niya ginagamit ang baril ko, pero palihim kong hinihiling na sana nga ay 'wag na nga niyang gamitin pa iyon.

Palihim na naman kaming nagkatinginan ni Christian at saka kami sabay na sumugod. Ngunit sadyang hindi kapani-paniwala kung paano nito nagawang tyempuhan ang paglapit ko! Dahil sa balikat ko mismo siya pumatong at matagumpay na naipit ang ulo ni Christian sa magkabila niyang hita! Ang sumunod nangyari ay sumuntok ang magkabilang kamao niya sa aking dibdib dahilan para sabay kaming tumilapon ni Christian!

Hindi kapani-paniwala, sobrang bilis niya! Ang lahat ay nangyayari sa pagitan ng segundo lamang. Kung paano niyang nagagawa 'yon ay hindi ko alam. Pero ito pa lang ay pareho na kaming nahihirapan. Habol namin ni Christian ang hininga. Hawak ko ang kumikirot kong dibdib habang siya naman ay hawak ang leeg. Hindi ko napagtagumpayang lumapit sa tanto dahil nananatili iyong malayo at nasa gawing likuran ng babae.

"Bibigyan ko kayo ng pagkakataong tumakas," bigla ay sinabi ng babae. Imposible pero nabuhay ang pag-asa sa dibdib ko. "Nasisiguro kong hindi ninyo napaghandaan ang presensya ko kaya sa susunod na tayo magtutuos."Tinalikuran niya kami at pinulot ang dalawang tanto ko.

Tiningnan niya iyong pareho at saka walang ano-ano ay ibinato ang mga iyon sa amin! Habol-habol ko ang hininga matapos kong mabilis na umiwas. Nangangatal ang labi ko habang nag-aangat ng tingin sa tanto kong tumarak sa dingding. Isang malapit na malapit sa 'kin at isang malapit na malapit kay Christian.

Mabilis ko iyong hinugot. At akmang susugod na nang hugutin ng babae ang baril mula sa kaniyang likuran at itutok muli iyon sa amin! Napaayos ako sa pagkakatayo at halos maisuko ang aking mga kamay.

"Isang maling kilos, isa sa inyo ang mamamatay," aniya, walang emosyon. Napaatras kaming pareho ni Christian. "Makakatakas kayo dito, bibigyan ko kayo ng sampung segundo. Kapag hindi ninyo iyon nagawa, makikilamay ako."

Mayabang niya iyong sinabi 'tsaka inalis sa pagkakakasa ang baril. Gamit ang isang kamay ay inalis niya ang magasin at isa-isang pinitik bala para matanggal ang mga iyon doon.

"Isa!" Nagsimula siyang bumilang nang hindi inaasahan 'tsaka bumaba at padulas na ibinato pabalik sa 'kin ang baril. "Dalawa!"

Holyah! Hinawakan ko sa braso si Christian at hinila siya papalabas sa bahay na 'yon!

Continue Reading

You'll Also Like

35.1M 1.2M 37
Agatha suffers from a rare disorder that makes her sleep in a long period of time. But what happens when the modern-day sleeping beauty meets an idio...
119M 4.2M 148
**Jay-jay. She's the only girl. They adore her so much. Protect her no matter what. But what if, the girl they thought they knew is not what they...
63.1M 2.2M 44
Warning: Do not open if you haven't yet read Hell University. This is just a sequel of that book. Thank you!