When I Woke Up

34 1 0
                                    

         Nagising ako. Pagdilat ko, nakita kong sobrang liwanag ng paligid. Sobrang linis ng  paligid. Puro puti ang paligid. Nasaan ako? Bakit parang ang saya ng pakiramdam ko sa lugar na to? Anong lugar ba to?

            Tumayo ako at nakita ko ang sarili kong nakasuot ng sobrang linis na puting damit mula ulo hanggang paa. Naglakad ako at sinimulan kong halughugin ang paligid pero napansin kong mukhang wala itong katapusan. Ni wala akong makitang puno, damo at hayop. Tanging ako lang. Di ko alam ang gagawin ko kung kaya’t napaluhod ako at napaiyak. Naasan ba talaga ako? Nasaan ang pamilya ko?

            Maya-maya ay may umalok sa akin ng kamay. Pinunasan ko agad ang luha ko at hinawakan ko ang kamay na ito. Tinulungan niya akong tumayo.

            “Wag ka ng umiyak,” sabi ng boses na parang lalaki.

            Napangiti ako bigla. Di ko alam ang dahilan. Para kasing sobrang gaan ng pakiramdam ko nang marinig ko ang boses na ito. Naging masaya ako di dahil sa alam kong di ako nagiisa. May malalim pang dahilan pero di ko alam kung ano yun. Nasa ilalim lang siya ng puso ko.

            “Sino ka? Atsaka, nasaan ako?” tanong ko sa kanya. Di ko makita ang mukha niya dahil nakatakip ito ng mga ulap. Tanging ang damit niya lang na sobrang haba hanggang talampakan at kamay niyang may sugat ang nakikita ko. Sino siya? Gusto ko sanang tanungin kung anong ginagawa ko dito pero pinagtuunan ko nalang ng pansin ang sugat niya dahil sobrang lalim nito.

            “Wag mo nang intindihin ang sugat na yan. Kung gusto mong malaman kung nasaan ka, malalaman mo. Tara, gusto mo bang samahan kitang maglakbay?” anyaya sa akin ng lalaking ito.

            Naglakad kami sa kalinisan ng lupa. Nagpatuloy kami hanggang sa makarating kami sa isang tulay na kulay ginto. Kitang-kita ito dahil ito lang ang naiibang kulay sa paligid. Bukod pa nun, sa gilid nito ay may mga poste ng ilaw na kulay ginto. Nagtungo kami dun dalawa.

            “Maari ko na nga bang malaman kung nasaan ako?” tanong ko.

            “Nandito ka sa lugar kung saan maari mong tawaging tahanan,” sagot niya sa akin na may kasamang ngiti.

            “Wag kang mag-alala. Ligtas ka sa akin. Di kita pababayaan basta lapitan at hawakan mo lang ang kamay ko,” dagdag niya pa.

            Matapos naming malagpasan ang tulay na ito, nakarating kami sa isang napakagandang palasyo. Sobrang laki nito at sobrang ganda sa mata. Ito na siguro ang pinakamagandang palasyong nakita ko sa buong buhay ko. Pero bago ka makapasok dun, kailangan mo munang pumasok sa isang napakalaking gate. Lumapit kaming dalawa dito at may nakita akong isa pang lalaki na mukhang tagabantay ng mga papasok sa palasyo.

            “Wow! Ang ganda naman dito! Tara pasok tayo!” para akong bata nag-aanyaya sa magulang ko na bilhan ako ng laruan.

            “Wag ka masyadong manguna, papasok rin tayo diyan,” sagot ng lalaki sa aking may sugat sa kamay.

            “Ano bang meron sa palasyo na to? Mayaman ka ba? Sa’yo bato?”

            “Itong palasyo na to ang magiging tirahan mo. Diyan ka na titira habang buhay,” sagot niya sa akin.

            “Talaga??!! Tara! Pasok na tayo! Di na ako makapaghintay pang makita kung anong meron diyan sa loob!” tuwang-tuwang sagot ko.

            “Pero, di pa ngayon…,” dagdag niya.

            Nanlaki ang mga mata ko. “Ah? Bakit?”

            “Dahil di mo pa oras ngayon. Naririnig mo ba sila? Kanina ka pa nila tinatawag. Mukhang di pa ito ang oras para kunin kita,” sabi niya sa akin.

            Di ko siya lubusang maintindihan. Ang sa akin lang, gustong-gusto ko na pumasok sa loob. Di na ako makapaghintay makita ang ganda ng palasyo. Tungkol sa boses? Oo, kanina ko pa ito naririnig. Maraming nag-iiyakan pero di ko lang ito pinansin simula pa kanina.

            “Sa tingin ko kailangan mo ng bumalik,” sagot niya sa akin. Maya-maya dahan-dahan niyang inangat ang kamay niya at iniligay sa noo ko.

            “Teka, anong nangyayari? Di mo pa nasasagot tanong ko! Sino ka? Nasaan ako? Sino ka…,”

            Binuksan ko ang mata ko. Nakita ko ang buong pamilya ko na nasa paligid ko. Mukhang kanina pa sila umiiyak pero natigil ito ng dinilat ako ang mga mata ko. Bukod pa nun, nakita kong nakahiga ako sa isang kama. May mga kung ano-anong mga tubo ang nakasaksak sa akin. Nasaan na naman ba ako?

            “Buhay ka!” iyak sa akin ng asawa ko sabay niyakap ako.

            Buhay? Bakit ano bang nangyari sa akin? Kanina lang nasa isang napakagandang lugar lang ako tapos ngayon nandito na ako. Sinubukan kong umupo habang inaalalayan nila ang likod ko. Mukhang mahirap na sa akin ito dahil matagal na atang nakaratay ang katawan ko sa kamang ito.

            “Ano ba talagang nangyari sa akin? Bakit nandito ako sa hospital? Bakit parang---,” hinto ko. Mukhang lahat ng tanong ko kanina ay unti-unti nasasagot ng sarili ko. Mukhang unti-unti ko nang naiintindihan ang mga nangyayari sa akin.

            Napangiti ako bigla. Ang lugar na pinuntahan ko kanina, ang lalaking tumulong sa akin tumayo na may sugat sa kamay, ang palasyo. Naintindihan ko na kung sino at saan iyon. Sa mga oras na ito, naging sobrang mapagpasalamat ako. Nagpapasalamat ako dahil isa na namang buhay ang ibinigay sa akin. Isang na namang buhay na kailangan kong pangalagaan at pahalagahan.

PolaroidWhere stories live. Discover now